Pasyalan Natin Aking Mga Hardin – 2

Hardpen, 03-18-10

me 24th

Sa tula kong kinatha na numero beinte-tres
mga kakilala’t kaybigan nagpakita ng interes,
kaya nga sa tulang iyon ako ay nag-reflect,
kahulugan nito’t implikasyon aking dinaysek.

May mga nagsabi ako daw pala ay ubod ng pilyo,
manang-mana sa aking ama na isang palikero,
may isang kaybigan sa sinabi medyo natawa ako,
bakit daw umamin, kaya ngayon ako ay bistado.

Iyong iba ang ginawa ako ba nama’y kinantyawan,
binuska at sinasabing ako daw ay nagyayabang,
bakit mga hardin ko kaylangang ipangalandakan,
dapat daw pinanatili kong sekreto aking kapilyuhan.

Mayroon ding sa aki’y nagbigay ng mga babala,
mga kaybigang babae baka daw sa aki’y maasiwa,
baka kapag sila’y haharutin ko baka mag-akala,
na pilyong bubuyog gusto nanamang magwala.

Isang babae, sa tagiliran, gusto akong kurutin,
tulang iyon para daw kasing “kissing and telling”
kathang iyon sa Facebook dapat ko daw tanggalin,
kapag di ako sumunod, ako’y kanyang kukulamin.

Mga nasabing komentaryo aking lang pinakinggan,
ngunit mga nasabi ko na’y di ko puedeng talikuran,
ako may barilin o ipatrabaho sa mangkukulam,
mga nasabi sa tula buong giting kong paninindigan.

Sa tulang iyon hindi ko hinangad na magyabang,
o mga taong naging kabahagi ng buhay ko’y siraan,
sa kanila’y lubos ang pagtangi ko at ang pag-galang,
ang pagkukuwento ko’y ginawa “for the spirit of fun.”

At akin namang tinatanggap na noong aking kabataan,
ako’y hangal na bubuyog, mahirap pagkatiwalaan,
lagi kasing sa himpapawid ay pumapailanlang,
pilit maghahanap ng bulaklak na makakaharutan.

At ng makita ng bubuyog pulang rosas sa silid-aklatan,
matapos na iyong sa “dental clinic” ayaw ng madapuan,
alam mong ang bagong rosas sa lungkot ako’y dinamayan,
tinulungan akong makaahon sa kumunoy ng kalungkutan.

Ang hangal na bubuyog mula noon tumigil sa kapilyuhan,
sa silid-aklatan nanatili at di na muling pumainlanlang,
at sa rosas na lamang sa lugar na iyon nakipaglambingan,
halimuyak ng ibang bulaklak tuluyan ng tinalikuran.

Sa kalauna’y pinitas ko ang rosas sa silid-aklatan,
hardin sa puso ko sa kanya ang pinaglagakan,
dinilig ng pagmamahal at masuyong inalagaan,
kapagdaka’y inihatid sa dambana upang pakasalan.

Rosas na ito sa kagandahan at halimuyak ay tigib,
ngunit tignan at tangkay nito ay ubod dami ng tinik,
tinik ng mabangong rosas ang katumbas ay pasakit,
ang pilyong bubuyog labing-limang taon ng nagtitiis.

Nabanggit ang puting rosas na sa buhay ko’y dumating
biglang sumulpot at tumubo doon sa aking hardin,
paglago nito’t pamumukadkad kayhirap pigilin,
ngunit nandoon may siya ay di ko puedeng pitasin.

Aamin katoto, sa ngayon, maraming nagsusulputan,
mga kampupot at kalachuchi sa aking dinaraanan,
ngunit pinutol na ng bubuyog tibo ng kapilyuhan,
cince años ng di nagtatampisaw sa batis ng kahangalan.

Nandyan lang ang puting rosas laging nakaagapay,
subalit di ko nais mantsahan busilak nitong kulay,
minsa’y natutuksong isang kampupot pitasin sa tangkay,
subalit guguluhin ko pa ba lalo komplikado ko ng buhay.

Nasabi ko na noon na ubod dami ng mga kadahilanan,
upang pilyong bubuyog muling lumipad sa kawalan,
at talikuran na ang kariktan ng rosas sa silid-aklatan,
ngunit bakit mga tinik sa tangkay nito’y tinitiis na lamang.

Ngunit kahit ilang beses ko ng pinagbabalakan
nalilito’t bakit nga ba di ko tuluyang maiwanan,
itong pulang rosas na pinitas ko dito sa Bulacan,
kahit madalas tinik nito puso ko’y sinusugatan,

Katoto kong katulaan paghanga sa iyo’y nadagdagan
isang aspeto ng pagkatao mo ngayo’y nasumpungan
puso mo pala’y busilak, tapat sa pagmamahalan
siguro dahil isang MAGIE ang iyong natagpuan.

Kapag sa bulaklak na katulad ni MAGIE ay madadapo,
bubuyog, pilyo man, di nanaisin pang lumipad palayo,
iyan ang sa iyo’y nangyari, masyado kang narahuyo,
ng sa rosas na MAGIE ang pangalan ikay ay dumapo

Sana mga bubuyog na mga tula nati’y inaabangan,
ikaw sana at huwag ako ang kanilang tularan,
sana sa simula pa lang ay kanilang pagsikapan,
maging tapat sa unang bulaklak na kanilang dadapuan.

Advertisement
%d bloggers like this: