Dito Po Sa Amin – 1 (Mga Usapin)
Hardpen, 12-27-10
Nami-miss ko ‘mate ang ating tulaan
Gawin pa rin natin ito kahit paminsan-minsan
Sa ngayon kita ay kukuwentuhan
Ukol sa lugar na aking tinitirhan…
Simpleng subdivision aming pamayanan
“Villa Verde” ang taglay nitong pangalan
Sariwa ang hangin, paligid luntian
Tanaw pa ang ilog sa di kalayuan
Kaya’t dito minabuting manirahan
Pagkahanapbuhay kay sarap uwian
Mapapahinga ang pagal mong katawan
Mapapanuto nagulo mong isipan
Dito sa amin ay mayroong samahan
Ng homeowners at mga nangungupahan
Bilang miyembro ako’y nakipagtulungan
At naging pangulo ng di kalaunan
At ang lugar na inakala’y paraiso
May mga taong baluktot ang prinsipyo
Kaya’t isip di masyadong mapanuto
Manakanaka’y sumasakit aking ulo
Dito kasi marami ring mga usapin
Bilang pangulo ay dapat kong ayusin
Mga reklamo dapat kong dinggin
Mga usaping heto aking iisa-isahin
May mga nag-alaga hayop na kambing
Sa loob ng subvision pagagalain
Bakuran ng may bakuran dadapurakin
Halamanan ng iba siyang kakainin
May-ari nama’y napapakiusapan
Alagang kambing huwag pakakawalan
Aming subdivision ay hindi pastulan
Alaga’y itali na lang sa kabukiran
Nakakawalang aso dito’y isyu rin
Natatakot mga tao baka kagatin
Basurang sinisinop baka kalkalin
Aso sa bakura’y di dapat palabasin
Meron din dito na mahilig kumanta
Kahit walang okasyon bibirit sila
Sa volume ng videoke mabibingi ka
Kapakanan ng kapitbahay di alintana
Nang ang katwiran nila ay mapakinggan
Ano man daw gawin sa kanilang bakuran
Wala daw sino mang puwedeng makialam
Batid daw nila kanilang karapatan
May mga kapitbahayan rin na dito
Motor binago pinaingay ang tambutso
Tunog ng motor nila’y nakakatuliro
Kapag umandar na’y takpan ang tenga mo
Tama ba naman ang bigay na katwriran
Sa tambutso daw nila ay di maiingayan
Kung nagrelamo’y di pinagawa ang tahanan
Sa tabi ng kalsadang kanilang daraanan
Oo nga at ating naiintidihan
Na ano mang gawin sa kanilang bakuran
Ito ay bahagi ng kanilag karapatan
Kahit sino di puwedeng makialam
Oo nga’t karapatan nilang gawin
Tambutso ng motor ay paingayin
Pera naman nila kanilang gagastusin
Kaya nga’t hindi sila puwedeng pigilin
Ngunit mukhang kanilang nakalimutan
Na may limitasyon alin mang karapatan
Gawin at sabihin alin man ang magustuhan
Tiyakin lamang na walang masasagasaan
Karapatan ng bawat isa sa atin
Mag-alaga ng hayop kung gugustuhin
Ngunit ang nagmamay-ari dapat tiyakin
Na alagang hayop walang sisirain
Karapatan ng kahit sino ang kumanta
Hangga’t mamaga mga lalamunan nila
Tiyakin lamang na walang ngang iba
Na nabubulahaw ang pamamahinga
Ang lumikha ba ng ingay ay karapatan din
Bakit tambutso ng motor dapat paingayin
Subdivision parang race track kung ituring
Katahimikang hanap huwag sanang basagin
Opisyal man ako o hindi ng asosasyon namin
Ganitong mga bagay ‘di dapat palampasin
Batid kong meron mga nagtatampo sa akin
Sa bandang dulo sana sila’y makaunawa rin