Ang Sumpa

(Maikling Nobela)

third-eye-3-1

Paano kung mali ang akala natin na lahat ng totoo ay kung ano lamang ang nakikita ng dalawang mata… kung ano lang ang puwedeng ipaliwanag sa pamamagitan ng lengwahe ng siyensiya, matematika at lohika?

Paano kung ang lahat ng kaalaman ng mga itinuturing na mga dalubhasa’t paham na nabuhay mula noong unang araw sa kasaysayan ng tao ay hindi pala naisulat sa ano mang aklat o sadyang hindi isinulat dahil kapag ito ay nalaman ng mga hindi dapat makaalam eh sa halip na makabuti sa sangkatauhan eh makasama ito?

Paano kung bukod sa dalawang mata ay totoong may pangatlo at ang nasusulat lang at nababasa sa mga libro eh iyong nakikita lang ng dalawang mata? At kung totoong may pangatlong mata, ano kaya ang nakikita nito?

Paano kung bukas ang iyong ikatlong mata? Gusto mo ba? Kakayanin mo bang bigla na lamang makakita ng  mga hindi pangkaraniwan – mga kakaibang elemento at mga espiritu? Hindi ka kaya mabaliw o mamatay sa takot?

Kay lolo Benjamin at kay Mon, ano ba ang nangyari nang bumukas ang ikatlong mata nila?

Ano naman kaya ang mangyayari kay Alfred kapag  ang kanyang ikatlong mata ang bumukas?

**********

Part 1

Papalubog na ang araw. Nagsisimula nang gumapang ang dilim sa paligid. Nagsisihapon na ang manok sa mga punong nakapaligid sa aming bahay. Isa-isa na ring nagsisipag-paalam ang aming mga bisita. Ilan na lamang ang natira sa kanila kasama ang ilang mga kamag-anakan namin.

Masaya ang maghapong iyon. Maraming pagkain at inumin. Rumenta rin ako ng videoke para mas mag-enjoy ang mga bisita. Nagkakantahan sila habang kumakain. Ang iba’y nag-iinuman at ang ilan sa kanila’y sumasayaw kapag may kantang nagtutulak sa kanila upang umindak. May ilan rin sa mga bisita na nag-abot ng regalo kay Alfred. Ang iba’y sobre ang ibinigay sa kanya.

Pinagmamasdan ko ang aking kaisa-isang anak habang inaasikaso niya ang kanyang mga kaklase at mga kaybigang nagdatingan. Masigla siya at tawa ng tawa. Panay nga ang kuha ng selfie kasama ang mga bisita. Pihadong mamaya o bukas eh babaha nanaman ng pictures sa Facebook ng anak ko. Ipinalangin ko na sana ay ganoon siya palagi. Sana pagkatapos ng araw na iyon ay walang magbago sa takbo ng buhay niya… sana ay walang magbago sa takbo ng buhay naming mag-anak.

“Kuya, mukhang hindi ka yata uminom ngayon. Nakakapanibago ah. Parang pang balisa ka.” Si Pol iyon, pinsan ko.

“Ha, eh pagod lang siguro ako,” tugon ko sa pagitan ng isang ngiting pilit.

“Ang dami mong inihanda para kay Alfred ah!”

“Siyempre naman, binata na ito mula ngayong araw na ito.” Sagot ko sabay akbay sa aking anak. “Alam mo naman ang tradisyon sa lahi nating mga Cervantes. Kapag unang kaarawan, ika-7, ika-13 at debu ng mga anak natin ay ipinaghahanda natin sila, di ba?.”

“O tito Pol, itay… picture-picture muna.” umakbay sa akin si Alfred sabay kuha ng picture namin gamit ang bagong cell phone na iniregalo ko sa kanya.

“Siyanga pala, next month eh debu naman ng unica hija ko. Huwag na huwag na hindi kayo pupunta ha.”

“Aba eh hindi talaga puwede na hindi kami pupunta. Magtatampo iyong inaanak ko,” sagot ng asawa kong si Sally na bigla na lamang sumulpot mula sa aming likuran.

“Aasahan ko yan! Pasensyan na ulit kung iyong mag-ina ko eh hindi nakarating ngayon, may sinat kasi iyong inaanak mo kanina.”

“Okay lang iyon Pol. Tumawag kanina si kumare at nagpaliwanag,” ang sagot ni Sally.

“O papaano, ako eh aalis na at hayan oh papadilim na. Happy birthday na lang ulit Alfred. Iyong regalo ko, binuksan mo na ba?”

“Naku hindi pa po, mamaya ko pa siguro maaasikasong buksan mga regalo ko.”

“Okay… okay! Hoy batang tisoy, huwag ka munang manliligaw ha… hehe.”

“Wala pa po sa isip ko iyan tito.”

“Talaga lang ha. Iyong isang bisita mong dalagita kanina eh laging nakadikit sa iyo ah. Panay pa ang sulyap sa iyo.”

“Ha… eh…”

“O kitam hindi ka makasagot. O…o…biglang namula mukha mo ah.”

“Naku tito wala lang po iyon, napakababata pa po namin ano.”

“Okay…okay… sige… sabi mo eh!. Ay siya, lalakad na ako.”

“Sige po tito. Ingat kayo,” ang sagot ni Alfred.

Inihatid ko sa labasan ang aking pinsan at ilan pa sa mga bisita namin.

Habang pabalik ako sa loob ng bahay ay napansin kong may mga uwak na aali-aligid sa bahay namin. Napansin din iyon ng ilang mga bisita naming papalabas. Iyon eh binale-wala lang ng mga bagong kakilala namin subalit sa aming mga kaybigan na alam ang kuwento ng aming pamilya ay nabakas ko sa kanilang mukha ang pag-aalala.

Bawat huni ng uwak na marinig ko ay parang nagpapasidhi sa kabang aking nararamadaman at nagpapabilis sa paglalakad palayo ng ilan sa mga bisita namin.

Nagsimula na ang kinatatakutan ko. Kung kaylan pa naman na parang nanumnumbalik na ang lahat sa normal. Kung kaylan na parang nakalimutan na ng mga dating kapitabahay at mga kaybigan namin doon sa sityo sa barangay na aming pinanggalingan ang mga nangyari.

Naabutan ko si Alfred na naglalagay sa ilang supot ng mga pagkaing inihanda habang ang asawa ko’y patuloy sa pagliligpit ng mga ginamit sa handaan.

“O,  saan mo dadalhin iyan?” tanong ng kanyang ina.

“Kay tito Mon po. Dadalhan ko siya ng makakain.”

“Ha! Gabi na, malayo iyon. Bukas mo na lang siya dalhan niyan!”

“Inay naman eh! Ngayon na po. Pleaasee!!! Magmo-motor naman ako eh.”

“Ay naku anak!”

“Pleaaasseee!!!” Ang nagsususumamong sabi ni Alfred sabay halik sa pisngi ng ina.

“Pero anak, baka mapaano ka. Dumidilim na oh.”

“Inay, hindi na po ako bata.”

“Hayaan mo lang si Alfred ‘nay. Binata na nga naman siya.” Pagkatapos kong sabihin iyon sa aking kabiyak eh bumaling naman ako kay Alfred. “Sige na anak, lakad ka na para makabalik ka kaagad. May pasok ka bukas kaya hindi puwedeng doon ka nanaman matutulog ha.

“Opo itay. Babalik po agad ako.”

“Huwag mabilis magpatakbo ng motor. Iyong bago na ang gamitin mo. I-check mo muna ang preno at ilaw bago mo paandarin,” dugtong ko.

Sir… yes sir!”

Habang isinusuot ni Alfred ang helmet ay may itinanong siya.

“Itay, iyon nga po palang sunog na mga bahay sa tabi ng bahay ng tito Mon… ano po ba talaga ang nangyari doon? Ang tagal nang ganoon ang hitsura ng lugar na iyon ah. Bakit kaya hindi na inayos ng mga may-ari.”

“Ha?! Eh…” Hindi ko inaasahan mula sa kanya ang tanong na iyon. Hindi ko malaman kung ano ang isasagot ko.

“Naku… naku… Alfred lumakad ka na at gagabihin ka masyado. Saka na lang ikukwento sa iyo ng tatay mo iyan,” ang wika ni Sally.

“Ang gara ah… kapag tinatanong ko si tito Mon tungkol doon eh halatang ayaw niyang ikuwento kung ano ang nangyari. Tapos ang tatay naman eh parang nagulat ng nagtanong ako tungkol doon.”

“Alfred… sabi nang lumakad ka na eh!”

“Oo nga po inay, heto na nga po bababa na.”

 “Ikumusta mo na lang kami sa tito Mon mo.”

“Sige po itay. Lalarga na po ako.”

Part 2

Advertisement

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer-Lifelong Learner I have three passions - teaching, writing, and learning. I am a Filipino currently residing and teaching in South Korea. I blog and vlog the things I write. I have two websites and two YouTube channels where I publish my works in my areas of interest. I also use Wattpad and Pinterest to publish my creative works. I am into research as well. Some of my articles were presented at conferences and published in indexed-journals. TO GOD BE THE GLORY!

Posted on September 6, 2019, in Creative Writing, Fiction, Horror, Kwentong Kababalaghan at Katatakutan, Maikling Nobela and tagged , , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: