Bakit Espesyal Ang Unang Araw Ko Sa South Korea
Madaling araw ng ika-dalawa ng Marso taong 2013 nang ako’y umalis ng Pilipinas sakay ng Asiana Airlines. Bandang alas-otso na ng umaga nang ito’y lumapag sa Pusan International Airport. Kasabay ko noon si G. Kenn Lachenal. Pareho kaming patungo sa South Korea upang magturo ng English sa Gyeoungju University.
Aaminin kong sabog ako noong panahong iyon, hindi sa droga, kundi sa napakadaming isipin tungkol sa mga mahal ko sa buhay at pangamba sa panibagong hamon na pinili kong harapin.
Labag sa kalooban kong lisanin ang mga mahal ko sa buhay, ngunit kaylangan. Ayaw ko rin sanang talikuran ang paraaalang pinanglikuran ko bilang Principal ng halos isang taon. Subalit ayaw na ayaw kong nagpapadaig sa aking emoyson, ayaw kong hindi gawin ang isang desisyon dahil nagpatalo ako sa mga emosyon. Pinag-isipan kong mabuti ang aking pag-punta sa South Korea upang magturo. Hindi ito biglaang desisyon. Bahagi ito ng mga plano ko. Isa itong balak na dumating na ang panahon upang isakatuparan at hindi ko papayagan ang mga emosyon ko upang ako’y pigilan.
Hindi ang pagnanais na makatanggap ng mas malaking sa sahod ang pangunahing dahilan kaya ako nagbalak mangibang bansa. Malaki ang sahod na tinatanggap ko bilang principal noong panahong iyon. Bukod pa nga sa may kinikita ako bilang academic consultant sa isang technical school at part-time teacher sa isang kolehiyo. Sapat ang kinikita ko sa Pilipinas kung tutuusin. Nakapagpatayo nga ako ng bahay. Ang problema – hindi na ako komportable sa loob ng aking “comfort zone.”
Nakaramdam kasi ako noon ng matinding pagkaumay sa pagsu-supervise ng mga guro’t empleyado. Parang walang pagbabago – wala ng hamon. May kulang – kulang na gusto kong hanapin. Hindi nakatulong na may ilang personal na problema akong dapat ayusin. Napakalinaw na kaylangan ko ng isang napakalaking pagbabago sa aking buhay kung nais kong manatili ang aking katinuan. Kinaylangan kong mangibang bayan para sa isang panibagong panimula.
Pakiramdam ko noo’y nasa isang deadend ako at batid kong merong mundo sa likod ng mga deadends. Iyon ang gusto kong puntahan… lakbayin.
Ang sabi nga ni Jake Sully, ang main character sa pelikulang “Avatar,” “Sometimes your whole life boils down to one insane move.” At katulad din ni Jake, may pangamba man ay sigurado ako sa aking gagawin bago ako tumalon upang makipagbuno at mapaamo ang sariling kong “Toruk.”
Dalawang bagay ang baon ko ng magpunta ako sa South Korea – tiwala sa sarili at pananalig sa Diyos. Laging ito ang kumbinasyong ginagamit kong panangga sa lahat ng pagsubok at panungkit sa ano mang inaasam kong makamit.
Hindi swerte ang hanap ko sa bansang pinuntahan, hindi ako naniniwala sa swerte. Naniniwala ako na “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.” Ang pakay ko ay sumulat dito ng bagong kabanata sa aking buhay – bagong yugto sa tadhanang naniniwala akong ako ang dapat gumuhit.
Unang byahe ko iyon palabas ng bansa at mabuti na lamang na nakasabay ko G. Lachenal. Bukod na sa matulungin ay sanay siya “overseas travel.” Sa Gyeoungju University nga din s’ya pupunta kaya nakakatiyak na akong hindi ako maliligaw.
Nang makarating kami sa Pusan International Airport ay nagulantang ako sa lamig. Nanuot ito sa suot kong jacket. Buong akala ko ay dahil tapos na ang winter at noo’y papasok na ang spring ay parang sa Baguio na lang ang lamig. Mabuti na lang at ang nasakyan naming bus papuntang Gyeoungju-si ay nakaandar ang heater. Antok na antok ma’y hindi ako makatulog sa biyahe dahil tinitignan ko bawat lugar na madaaanan. Wika ko sa sarili’y, “Heto na ako sa South Korea.”
Matapos ang halos dalawang oras na biyahe ay nakarating kami sa Gyeoungju-si. Ang sumalubong sa amin ay G. Mark Celis. Siya ang naghatid sa amin sa apartment na aming titirhan, si G. Lachenal sa “white house,” ako nama’y sa “blue house.” Hindi sa Washington D.C. at Seoul ang “white house” at “blue house” na nabanggit ko. Iyon lang ang tawag sa mga apartments na provided ng Gyeoungju University para sa mga professors nila na galing ng ibang bansa. Kulay iyon ng pintura ng apartment. Meron din “yellow house” at “green house.”
Bago umalis si G. Celis ay tiniyak n’yang maayos ang unit na magsisilbi kong tirahan at ipinakilala din n’ya sa akin ang isa pang Pinoy na professor din sa Gyeongju University – si Dr. Randy Tolentino, nakatira rin sa “blue house.”
Pumasok na ako sa aking kwarto at doon ko unang naramdaman ang pakiramdam ng literal na nag-iisa, malayo sa mga mahal sa buhay at nasa isang lugar na hindi ko kabisado. Nakatayo lamang ako, hindi ko malaman kung ano ang una kong gagawin.
Nang medyo mahimasmasan ako’y binuksan ko ang aking maleta at unti-unti inayos ang mga dala kong gamit.
Tahimik ang paligid, wala akong nadidinig kundi ang mga sarili kong yabag. Matapos kong ayusin ang mga damit at gamit ko’y bigla nanamang naramdaman ko ang sobrang lamig at nagsimula na rin akong makaramadam ng gutom. Walang laman ang refrigerator na nandoon. May gas stove kaya lang wala naman akong lulutuin. Pinagtyagaan ko ang baon kong biscuits galing sa Pilipinas.
Naalala ko na kaylangan ko nga palang tawagan ang aking mga mahal sa buhay sa Pilipinas upang ibalitang nakarating ako ng malualhati sa South Korea. Nang kuhanin ko ang aking cellphone ay noon ko pa lamang na-realize na hindi ko nga pala na-activate ang aking sim na roaming. Pakiramdam ko’y napakatanga ko, napamura ako ng hindi oras. Hindi ako makakatawag, ang cellphone ko’y magagamit ko lamang na parang music player.
Aaminin kong sa pagkakataong iyon ay inatake ako ng matinding kalungkutan. Gutom pa rin ako kahit naubos ko na halos ang baon kong biscuit. Nanginginig sa lamig. Nabibingi sa katahimikan – nagiisa’t walang makausap. Nangangamba rin ako na na baka nagaalala na nang masyado ang mga mahal ko sa buhay na naghihintay ng balita mula sa akin.
Sa pagkakataoong iyon ay naramdaman ko ang totoong kahulugan ng HOMESICK. Iyon eh matapos lamang ang ilang oras pagkalapag ko sa South Korea.
Pero sa kalagitnaan ng kalungkutang iyon ay napatingala ako sa langit at naala-ala kong ang pagtungo ko sa bansang ito’y naidulog ko na sa panalangin ng maraming beses. Hindi ko alam kung bakit pero sa pagkakaalam ko’y wala akong panalanging hindi n’ya dininig kaya. Ginawan ko nga iyon ng tula sa English. Anim na pantig lang…
HE answers.
Just wait.
Have faith!
Hihiga na sana ako upang lunurin na lang sa tulog ang gutom ko’t kalungkutan nang makarinig ako ng mga katok sa aking pintuan. Si Dr. Tolentino. Pumasok s’ya at nakipagkwnentuhan sa akin. Taga Iloilo siya. Hayun, at least may kausap na ako. Habang kami’y nag-uusap ay tinignan niya ang lutuan ko’t itinuro kung paano iyon i-operate. Maaring napansin n’yang giniginaw ako kaya’t itinuro din n’ya kung papaano gamitin ang floor heater. Medyo na-relax ako sa pagtulong na ginagawa n’ya noon. Binuklat n’ya ang mga drawer sa bandang kusina at doo’y nakakita s’ya ng ilang de-lata na hindi pa naman expired na maaaring sadyang iniwan ng dating nakatira doon. Umalis siya sandali at pagbalik ay may bitbit siyang ilang balot ng noodles at mga 3-in-1 coffee.
Nagulat ako sa generosity na ipinakita ni Dr. Tolentino na kalauna’y tinawag ko na lamang na sir Randy. Animo’y matagal na n’ya akong kakilala. Umalis ulit s’ya sandali at nang pagbalik niya’y sinabing, “Halika na brod, nakaluto na girlfriend ko, kain tayo.” Sumunod ako sa kanyang unit. Nagulat ako pero hindi na ako nagpakipot pa, hindi dahil sa talagang ako’y gutom sa pagkakataong iyon kundi dama ko ang sinseridad ng imbitasyon n’ya at nakakahiyang tanggihan.
Mainit ang mga inihaing pagkain, ngunit mas higit ang init ng pagaasikasong ipinakita sa akin nina sir Randy at ng kasintahan n’yang si Nikki na taga-China. Susubo na sana ako nang biglang nagdasal muna si sir Randy bilang pasasalamat, lumalalim at tumataas ang pagtingin ko sa kanya sa nakita kong iyon. Sa unang subo ko ay nangilid ang luha ko sa kabutihang loob na nasaksihan ko sa kanila at sa kung gaano sumagot ng panalangin ang Panginoon. Nang napatingin sa akin ang magkasintahan ay pasimple kong sinabi na sinisipon yata ako kaya ako naluluha.
Pagkakain ay inihatid ako ni sir Randy sa aking unit, may bitbit pa s’yang ilang lutong pagkain. Sabi ko’y, “Sobra-sobra na ito bro!” Ngumiti siya’t sinabing aalis silang magkasintahan papuntang Daejon at gusto lang n’yang matiyak na may kakainin ako hanggang kinabukasan. Tapos bumalik s’ya sa kanyang unit at kumuha ng kasirola, kawali ang pakuluan ng tubig, pati ilang coffee sticks. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kanya noon, gusto ko s’yang yakapin sa pagtulong na ginagawa n’ya.
Hindi doon natapos ang pagtulong sa akin ni sir Randy. Nang malaman n’yang hindi ko magamit ang SIM ko na roaming ay ipinahiram nya sa akin ang isa n’yang smart phone at ang kanyang i-pod bago sila umalis at iniwang bukas ang kanyang wifi sa kwarto upang makagamit ako ng internet.
Wala na akong masabi sa pagkakataong iyon. Gasgas na paulit-ulit na “thank you” na sinasabi ko. Gusto ko sana s’yang yakapin pero nagmamadali s’yang umalis. Nang makalabasa siya ng unit ko’y napapikit na lamang ako at tahimik na nagpasalamat sa Kanya. Hindi naman ako mabait na tao. Mahina ako’t makasalanan. Mapagpala’t mapagmahal lamang talaga ang Panginoon sa mga tumatawag sa Kanya.
Napakapalad ko na sa unang araw ko pa lamang sa South Korea ay nakatagpo ako ng mga kaybigang katulad nina Randy at Nikki. Higit pa sila sa kaybigan – sila’y mga kapatid kong nanggaling sa ibang sinapupunan. Sila ang dahilan kung bakit espesyal ang unang araw ko sa South Korea.
Sina Randy at Nikki ay mga patotoo na nakakabuti ng Panginoon.