Lingon (Part 10)
Atungal ang isinagot ng sutsot na inakala naming lahat ay si Patrick.
“Huwag po ninyong saktan si Patrick.” ang sigaw ni Ella.
Iyon ang isang bagay na hindi ko maintidihan – bakit parang ipinagtatanggol pa ni Ella and halimaw. Si Jasmin man ay napatingin kay Ella ng sabihin iyon. Iyon ba’y pagtanaw lamang ng utang na loob dahil iniligtas siya noon ng sutsot na nagkunwaring si Patrick?
Meron nanamang mataas na alon na tumama sa amin. Humiwalay ang balsa sa bangka ngunit naiilawan pa rin ito ng spotlight. Nakita kong naggigirian sina Patrick at mang Kanor. Gulok ang hawak ni Patrick, punyal naman ang kay mang Kanor. Iniabot ni mang Kanor kay Tomas ang punyal at pagkatapos ay binunot niya mula sa puluhan nito ang kanyang gulok.
Patuloy ang pagatungal ng sutsot na nasa katawan ni Patrick.
Nakita kong si Gener ay may hawak na baril at pilit inaasinta si Patrick.
Umalingawngaw ang putok… isa… dalawa.
Hindi tinamaan ang sutsot. Malikot kasi ang bangka at ganoon din ang balsa dahil sa mga alon.
Nagsunod-sunod na ang mga matataas na along dumaan at naglaho na sa paningin namin ang balsa. Iniikot ni Gener ang spotlight sa bangka ngunit wala kaming makita.
Ang huling atungal na narinig namin ay parang kay layo na ng pinanggalingan.
Pinaandar ni Gener ang motor ng bangka pero ayaw. Ilang beses niyang sinubukan ngunit kung bakit sa pagkakataon iyon pa tila nasira ang makina.
Tuluyang ng umulan. Malakas.
Ginamit namin ang sagwan. Sinubukan naming hanapin ang balsa ngunit sa lakas ng hangin at alon ay wala kaming direksyong mapuntahan kundi ang pabalik sa pampang.
Paulit-ulit naming tinawag ang pangalan nina Tomas at mang Kanor hanggang sa maihatid kami ng alon sa mismong breakwater. Nilampasan namin ang rampa hanggang sa sumadsad sa gilid ng dagat ang bankang sinasakyan namin.
Batid ko mang hindi pa tapos ang problema namin ay nakahinga ako ng maluwag nang sa wakas ay muli akong nakatapak sa buhanginang iyon.
Bitbit ang kanyang flashlight ay pinangunahan kami ni Gener patungo sa niyugan hanggang makarating kami sa isang lumang bahay. Sumilong kami sa terrace nito. Nagpunta sa likuran ng bahay si Gener. Ilang sandali pa’y may maririnig na ugong ng isang makina at nakita naming nagliwanag sa terrace at sa loob ng bahay. Binuksan ni Gener mula sa loob ang harapan sa pintuan. Nagsipasok kami.
May isang kwarto at hiwalay na palikuran sa loob. Magkabukod ang kainan at salas. May mga kagamitan din. Halatang tinitirhan ang bahay.
“Pahingahan ito ng mga tagapagbantay,” ang sabi ni Jasmin. “Dito na tayo magpalipas ng magdamag.”
“Teka lang, may mga damit sa kwarto. Magpalit kayo.” ang sabi ni Gener habang hinuhubad niya ang suot na tunika at t-shirt.
Pinauna na ako ni Jasmin at nang ako’y lumabas sila naman ni Ella ang pumasok sa kwarto upang magpalit ng damit.
“Brod, baka kaylanganin mo ito.” Inaabot sa akin ni Gener ang isang mahabang gulok at pagkatapos ay nagsuot ng tuyong damit pantaas. “Benditado ang gulok na yan. Tatalab iyan sa mga sutsot.”
“Salamat! Ano na kaya ang nangyari kay Tomas at kay mang Kanor?”
“Bukas na natin siguro malalaman. Malaki ang kumpyansa ko sa aking ama. Marami na siyang napatay na sutsot mula pa noon.” ang sagot ni Gener na sa pagkakataong iyo’y nililinis ang kanyang baril. Kalibre .45 rin ang gamit niya.
Mahirap isiping tapos na ang pinagdadaan naming krisis hanggang hindi namin alam ang sinapit ng kaybigan ko at ng ama ni Gener… at kung buhay pa o patay na ang sutsot na umagaw sa katawan ni Patrick.
Binuksan ko ang bintanga ng bahay. Tila huminto na ang ulan.
Lumabas sa kwarto sina Ella at Jasmin. Pareho silang naka-shorts at t-shirt lang.
Dumiretso sa lutuan si Jasmin at sinabing “Magpapainit ako ng tubig nang tayo’y makapagkape.”
Nagsiupo kami sa sala habang hinihintay naming kumulo ang nakasalang na tubig.
Si Gener ay kung ilang beses na tumayo at bukas-sara Gener sa pintuan sa likuran at harapan at sinisilip ang paligid.
“Aray.” Si Ella iyon. “Sumasakit ang tiyan ko.”
“Gutom ka siguro.” Ang sabi ko kay Ella.”
“Siguro nga.” Ang sagot ni Ella. “Arrrayyy! Mukhang tumitindi ang sakit ah. Parang humihilab. Teka, punta lang ako ng CR.”
Nang makapasok ng palikuran si Ella ay binulungan ako ni Jasmin. “May boyfriend ba si Ella?”
“Oo, meron. Jeff ang pangalan.” Ang sagot ko. “Bakit mo natanong?”
“Kasi parang malaki ang tiyan niya. Parang buntis.”
“Tulong! Tulungan n’yo ako. Ang sakit ng tyan ko” ang sigaw ni Ella mula sa CR.”
Mabilis naming tinungo ang CR. Si Jasmin ang pumasok.
“Anong nangyari? Willy… Gener… dinudugo si Ella. Tulungan n’yo ako.” ang sabi ni Jasmin. “Ilabas natin siya dito.”
Nagtulong kami ni Gener na buhatin si Ella palabas ng CR. Inihiga namin siya sa sofa sa sala. Umaagos ang dugo sa mga hita niya. Namimilipit sa sakit sa Ella.
“Ella, lumalaki pa lalo ang tiyan mo.”
Nakita kong lumaki ngang bigla ang tiyan ni Ella. Parang may gumagalaw sa loob.
Sa pagkakataong iyon ay biglang bumukas ang pintuan ng bahay sa likuran. Nagulat kaming lahat.
Sina Tomas at mang Kanor ang pumasok. Basang-basa sila.
“Itay, salamat at buhay kayo!” ani Gener. “Napatay ba ninyo ang sutsot?”
Umiling si mang Kanor at sinabing “Bumaligtad ang balsa dahil sa alon. Lumubog kaming tatlo sa dagat. Lumangoy kami nit Tomas papuntang pampang. Mabuti’t buhay ang ilaw sa breakwater. Teka ano ba nangyayari dito?”
Nakita ni Tomas ang kalagayan ni Ella.
“Kuya tulungan mo ako. Napakasakit ng tiyan ko.”
Nilapitan ni Tomas si Ella. Napaluhod ito, mangiyak-ngiyak.
“Ano ba ang nangyari?” ang tanong ni Tomas.
Una’y tumingin lamang si Ella kay Tomas. Ayaw magsalita. Panay lang ang iyak.
“Ella, magsalita ka. Ano ba nangyari?” si Tomas ulit iyon.
Parang alam ko na ang nangyari. Pinagtagni-tagni ko ang mga napansin ko mula pa doon sa kubo ni Patrick sa isla Miedo hanggang sa makaalis kami doon.
“Kuya… kuya!”
“Ano?.. Ella!!!
“May nangyari sa amin ni Patrick sa isla. Maraming beses. Hindi ko napigilan ang pangaakit niya sa akin.”
At mula sa harapan ng bahay ay narinig namin ang pamilyar na atungal ng sutsot.
Ang sutsot… si Patrick. Buhay.
Malakas na lagabog sa pintuan ng bahay ang sumunod sa atungal ng sutsot.
Ipinutok ni Gener sa direksyon ng pintuan ang kanyang baril. Tumigil ang paglagabog doon.
Umatungal muli ang sutsot.
“Kuya…kuya… hindi ko na kaya.”
“May mga sutsot sa sinapupunan ng kapatid mo.” ang sabi ni mang Kanor
“Tulungan mo ako kuya! Anong gagawin ko!!! Kuya!!!”
“Dapat mamatay si Ella bago lumabas ang mga sutsot sa katawan niya.” ang wika naman ni Gener at umakmang lalapit kay Ella.
“Teka… teka…teka… baka may iba pang paraan.” ang sigaw ni Tomas. Iniharang ang kanyang katawan sa nakahigang si Ella at itinutok sa mukha ni Gener ang hawak nitong punyal. Tinabihan ko ang aking kaybigan. Nakahanda ang aking gulok.
“Ganyan nga Tomas. Huwag mo silang hahayaang patayin ang kapatid mo. Willy, tulungan mo ang kaybigan natin.” Tinig ni Daniel ang ginaya ng sutsot. Tanaw ko ang halimaw mula sa bintana.
Nagpaputok uli si Gener. Nawala ang sutsot.
Mabilis kong isinara ang binatana.
“Kuya, hindi ko na kaya!!! Parang sasabog na ang tyan ko!!!”
Muling umatungal ang sutsot. Parang nagbubunyi.
Gamit ang pintuan sa likuran ay lumabas sina mang Kanor at Gener. Tumungo sa magkabilang direksyon ng bahay.
Ilang sandali pa’y nakarinig kami ng sigaw… atungal… putok… lahat ng iyon habang patuloy si Ella sa pamimilipit sa sakit.
Bumukas ang pintuan sa harap ng bahay.
Pumasok si Patrick.
Tutop ang tiyan. Dumadaloy ang kulay berde niyang dugo. Naglakad papunta kay Ella.
“Ella… Ella…”
Sa gitna nang pamimilipit ni Ella sa sakit ay parang gusto niyang bumangaon at salubungin si Patrick.
“Patrickkk!!!” ang sigaw ni Ella.
Isang putok pa ang umalingawngaw.
Bumagsak sa harapan namin si Patrick at mula sa kanyang likuran ay lumitaw si Gener… nabitiwan nito ang baril at paluhod na bumaksak sa sahig. Duguan.
“Gener!” ang sigaw ni Jasmin.
Nilapitan namin ni Jasmin si Gener. Nakatarak sa likod niya ang isang gulok.
“Jasmin, pa…patay na ang tatay. Hi… Hindi na rin ako magtatagal. Gawin mo ang sinumpaan mong tungkulin. Sa… sa ngalan ng Diyos.”
Pagkasabi niyon ay tuluyan nang bumaksak sa sahig si Gener. Patay na.
“Kuya… parang may kumakagat sa tiyan ko…kuya! Arrayyyy! Kuyyyaaa.”
Binunot ni Jasmin ang gulok na nakatarak sa likod ni Gener at sinugod si Ella sa upuang kinahihigaan nito. Gusto kong pigilan subalit sobrang bilis ng mga pangyayari.
Itinaas ni Jasmin ang hawak na gulok, akmang tatagain si Ella ngunit tila mas mabilis si Tomas. Sinalubong niya ng saksak sa tiyan si Jasmin.
“Patawad Jasmin. Kaylangan kong protektahan ang aking kapatid.” ang sabi ni Tomas habang nakayakap sa kanya si Jasmin.
Bago bumagsak si Jasmin ay kitang-kita kong naiwasiwas niya sa leeg ni Tomas ang hawak na gulok.
Napaluhod si Tomas. Tutop-tutop ang leeg. Nakatingin sa akin. May gustong sabihin subalit sa halip na boses eh dugo ang bumulwak mula sa kanyang bibig niya. Bumagsak siya sa tabi ni Jasmin.
“Kuuyyyaaaaa!!!”
Wala akong magawa kundi panoorin lamang lahat nang nangyayari.
Tigmak sa dugo ang sahig… pula… berde.
Kitang-kita ko ang paghihingalo nina Jasmin at Tomas. Nadinig ko ang kanilang huling mga hininga.
Tila patay na rin si Ella.
Kitang-kita ko kung paaanong unti-unti pang lumalaki ang kanyang tiyan. Parang lobong hinihipan ng hangin.
Kitang-kita ko kung paano dahan-dahang tumihaya ang duguang sutsot na nasa katawan ni Patrick.
Naupo. Tumingin sa akin. Nakangisi. Ngisi ng nagbubunying demonyo.
Umatungal ang sutsot ng malakas kasabay ang parang pagputok ng tiyan ni Ella.
Gusto kong tumakbo pero parang nakapako ang mga paa ko sa sahig. Sumisigaw ako pero walang boses na lumalabas sa aking bibig.
Kitang-kita ko ang ilang sanggol na nasa ibabaw ng bangkay ni Ella… tatlo… apat… lima… hindi ko matiyak kung ilan. Mapuputi’t magaganda. Parang mga kerubin. Nag-aaagawan sa mga lamang loob ng katawang pinanggalingan nila.
Napansin ako ng isa sa kanila.
Nanlisik ang mga mata… matang lumaki’t naging kulay itim.
Tumalon siya sa sahig. Gumapang dahan-dahan papunta sa akin. Nagsalubong ang aming tingin… kitang-kita ko kung paanong bigla itong naging parang usok. Hindi ko nagawang pumikit. Napasok niya ang aking mata. Pakiramdam ko’y parang may tumutulak sa akin palabas sa aking katawan… papunta sa aking mata.
Sana’y ang lahat ng nangyari sa breakwater… sa isla Miedo… sa bahay na iyon ay hindi totoo. Sana’y ang lahat ay panaginip lamang.
Isa na lang ang pwede kong sandigan… ang Diyos.
Habang kami ng sutsot ay nagpapambuno sa loob ng aking katawan ay umusal ako ng panalangin. At nang parang lumalabas na ako sa aking katawan at ang mga kamay ko’y talukap na lang ng aking mga mata ang hawak eh naramdaman kong may sumampal sa mukha ko.
Sinundan iyon ng isa pa.
“Hoy…Willy…Willy… gumising ka!”
Iminulat ko ang aking mata.
“Gising anak!”
Halos patalon akong bumangon. Ang aking ina ang gumising sa akin. Niyakap ko siya nang mahigpit… mahigpit na mahigpit.
“Teka…teka… ano ba Willy… hindi ako makahinga.”
“Panaginip lang! Panaginip lang ang lahat!”
“Tange, hindi panaginip. Mukhang binangungot ka ng matindi. Nagsisisigaw ka’t parang nakikipagbuno ka sa hangin.”
“Thank you Lord… Thank you Lord.”
“Aba at mukhang natuto ka na yatang magpasalamat sa Panginoon.”
Niyakap kong muli ang aking ina.
“Ay siya… ay siya. Bumaba ka na at kanina ka pa hinihintay nina Tomas at Daniel.”
“Po?”
“Nasa baba sina Tomas at Daniel. May lakad daw kayo.”
Dali-dali akong bumaba.
Nandoon nga ang dalawa kong kaybigan. Buhay na buhay.
Sabay kong niyakap ang mga kaybigan ko.
“O bakit Willy?” ang tanong ni Tomas. “Ang sweet mo naman yata ngayon!”
“O tol, gumayak ka na at pupunta daw itong si Tomas sa isang isla. Aba eh samahan natin at baka kung mapaano itong best friend natin.” ang sabi ni Daniel.
“Isla ba kamo? Saan?”
“Sa isla Miedo.” ang sagot ni Tomas.
– W A K A S –