tama ba naging DESISYON?

Tibong Cagayano, 02-04-10

Capture

makaraan ang marami at mahabang taon
ito na ang itsura ko ngayon
lalong pumogi at gumara ang gayak
tindig-binata pa rin kahit apat na ang anak

may puting buhok ng mangilan-ngilan
ibig sabihin di pa naman katandaan
malusog malakas at matipuno pa rin ang pangangatawan
pero di ko alam kung matalas pa rin ang isipan

ambisyon ko noon ay maging isang heneral
kaya nagsikap at sa PMA nag-aral
matapos maglingkod sa pulisya at hukbong sandatahan
makaraan ang ladindalawang taon lahat ng ito’y tinalikuran

ano bang nangyari at career ay iniwan
wala akong ibang rason, mag-anak ko ang dahilan
di ako masaya na laging malayo sa pamilya
ganun din naman ang pakiramdam ng aking mag-iina

noon sa PINAS ako’y miyembro ng pulisya
mataas ang posisyon at may kita pang iba
ngayon ang sahod ko’y medyo kulang pa
sapagkat trabaho’y di naman ganun kaganda

ngayon sa LONDON buo aking pamilya
laging magkakasama sa hirap at ginhawa
kapos man sa karangyaan at nagtitiis sa kahirapan
masaya naman at talagang nagmamahalan

kung namalagi ako sa PINAS noon
Colonel na sana ranggo ko ngayon
malapit na sanang maabot ang noo’y ambisyon
maging Heneral ng ating henerasyon

ngunit nanaig ang damdaming ama
na ang gusto ay laging malapit sa pamilya
kaya minabuting sumunod sa mag-iina
at sa Europa na permanenteng tumira

datapwat masaya at kuntento na ngayon
sa magandang buhay na dulot ng LONDON
minsa’y sumasagi pa rin sa isipan ang kwestiyon
tama ba aking naging desisyon

pera’y di problema pero malayo sa mag-anak
kasama ang pamilya ngunit kapos naman sa pilak
kung ikaw tatanungin ano iyong pipiliin
tutulad ka ba sa akin o naging desisyon ko’y iyong salungatin

masaya ba ako ngayon o mas maligaya ako noon
tumpak nga ba ang aking piniling direksyon
tama ba ang aking naging desisyon
na pamilya ang unahin kaysa ang ambisyon

anuman ang iyong sagot sa aking kwestyon
lalo na kung salungat sa aking naging desisyon
iisa pa rin ang aking magiging tugon
pagkat pamilya ko’y mas mahalaga kumpara sa milyon

subalit kahit pa yan ang matibay kong pasya
kailangan ko pa ring kumunsulta
sa kaibigan kong isa ng makata
ibinabato ko tanong kong prangka

kung ikaw nasa kalagayan ko
ano ang gagawin mo
tanong ko sagutin mo
opinyon mo kailangan ko

Advertisement
%d bloggers like this: