Mga Hayop Sa Bitag at Lambat
(Sa Piling ng Mga Hayop – 15)
Pilyong bubuyog, ibinuka ang pakpak,
at muli sa himpapawid ay lumipad.
Sa dagat ito’y buong layang naglayag,
at nang mapagod, nagpahinga sa gubat.
May mga namimingwit doon sa dagat.
Meron ding nangangaso doon sa gubat.
Pakay daw nila’y lambatin ang nangdekwat,
bitagin ang sa baya’y nambalusabas
Iyong doon sa dagat ay namimingwit,
parang mahuhuli’y sapsap lang at dilis,
malaking pating ‘di nila madadagit,
balyenang sakim ‘di nila makakawit.
At iyong mga nangangaso sa gubat,
hindi nila mahuhuli ang bayawak,
ang buwayang masiba ‘di mabibitag,
at tanging tuko lamang ang malalambat.
Moro-morong ito’y dati nang napanood.
Sa resulta, ‘di ba Juan ikaw ay nayamot –
dinampot ay mga bulating payatot,
sawa’t anaconda, pawang nangalusot.
Juan, ikaw na kaya, humuli sa pating,
at isama mo na ang balyenang sakim,
bwuya’t bayawak, hala, sige, bitagin!
ating katayi’t sa piranha’y ipakain.
Ang katotohanan – kay hirap tanggapin,
na ikaw Juan, madaling lamang ungguyin,
kay dali mo kayang magtiwala’t bitagin,
baryang kakarampot, kaya kang bulagin.
Sa bitag at lambat, Juan ika’y pamain
‘di upang mahuli balyena at pating
‘di rin nang bwaya at bayawak kawitin
bagkus nang ika’y paglarua’t kainin.

