Advertisements

Ang Sumpa (Part 11)

third-eye-3-1Nang pumasok kami sa opisina ni father Enrico ay nadatnan naming nakaupo sa mga upuang kahoy na nakapaligid sa isang malaking lamesa ang ama, si Mon at si tatay Berting habang si father Enrico naman ay nakasampa sa isang bangkito at tila may hinahanap sa isang malaking salansanan ng mga libro na nakasandal sa pader.

Iyon ang unang pagkakataon na nakapasok ako sa opisina ni father. May kalakihan ito at sa tingin ko eh parang nagsisilbi ding imbakan ito ng mga papeles ng simbahan. Bukod kasi sa salansanan ng libro eh may ilan ding malalaking filing cabinet na nandoon.

“Hay sa wakas eh nakita ko rin.” wika ni father Enrico.

Inilapag ni father Enrico sa lamesa ang isang parang album na nababalutan ng manipis na tela.

“Mabuti na lang at iyong paring pinalitan ko dito sa parokya ng San Luis eh pinabalot sa mga tela ang mga mahahalagang papeles at mga album ng mga lumang larawan nooong panahon niya.”

Kumuha ng tissue si father Enrico at pinunasan ang album at sinabing, “Nagpunta sa simbahang ito noon si Aguinaldo at pinangunahan ang pagtanggap ng mga armas ng mga sumukong sundalong Kastila bago dumating ang mga Amerikano. Ilan sa mga sumukong Kastila noon ay nagpasiyang dito na manirahan sa bayang ito sa halip na bumalik sila sa kanilang bansa. Isa na doon ay ang inyong ninuno na si Victoriano Cervantes. Nakasulat ang pangyayaring ito sa diary ng pari ng parokyang ito noong panahong iyon. Mabuti na lang at isang manunulat ang paring iyon at naisipan niyang ilagay sa diary ang mga mahahalagang pangyayari sa bayang ito noong panahong iyon. Maswerte rin tayo ng may ilang larawan kinuha noon. Sayang nga lang at ang pagpunta ni Aguinaldo dito sa mismong simbahan ng San Luis eh hindi naitala sa mga aklat ng kasaysayan ng Pilipinas.”

Natahimik kaming lahat ng ipakita na sa amin ni father Enrico ang larawan kung saan eh nakita ko sa unang pagkakataon ang mukha ng ninuno namin. Hindi na kaylangang ituro pa ni father kung sino doon si Victoriano Cervantes. Totoo ngang kahawig na kahawig niya si Mon.

“Mukhang pinag-aralan po ninyo ang kasaysayan ng bayang ito father,” ang wika ng aking ina.

“Naku hindi Estella. Ikinuwento lang lahat sa akin iyan ni sister Luz. Siya din ang nagsabi sa akin tungkol sa diary ng paring iyon at kung nasaan ang mga larawang ito. Ilang beses na rin kasi naming nadidinig nitong mga nakaraang linggo na pinaguusapan ng mga nagpupunta dito sa simbahan ang nangyayari doon sa Dolores. Si sister Luz eh dito sa bayang ito isinilang at mukhang kilalang-kilala ang inyong pamilya.”

Sa pagkakataong iyon eh pumasok sina sister Luz at dalawa pang babae may dalang mga inumin at biskwit. Matanda na pala si sister Luz at kung tama ang tantiya ko mas bata lang siya ng kaunti kay tatay Berting.

“Magmeryenda muna kayo, matagal-tagal pa bago maluto iyong tinola.” Wika ni sister Luz.

Nang makita ng madre si Mon ay natigilan ito. Pinagmasdan niya ng mabuti ang kapatid ko at tila mayroong luhang nangilid sa kanyang mga mata. Nilapitan siya ni Mon at sa kanya’y nagmano. Bago muling lumabas si sister Luz ay niyakap niya si Mon nang mahigpit.

Nang nakalabas na ang madre at mga kasama nito’y nagsalita si father Enrico.

“Julio, para sa inyong kaalaman eh kababata ni sister Luz ang lolo Benjamin mo at ayon sa kanya eh nagkasundo ang mga magulang niya at ang partido ninyo na magpapakasal ang dalawa sa tamang panahon. May mga pamilya noong panahon iyon na nagkakasundong ipakasal ang kanilang mga anak. Sa kasamaang palad eh namatay nga ang lolo ninyo at si Luz naman ay nagpasiya na lamang na mag-madre.”

“Eh ano po ba ang naging sanhi ng kamatayan ng tiyuhin ko?” Tanong ng ama kay father Enrico.

“Ayon kay sister Luz, nagsimula daw na makakita ng kung ano-anong nilalang o elemento at mga espiritu ang kapatid ng ama mo Julio matapos ipagdiwang ang ika-13 kaarawan nito. Noon daw ay lagi siyang sinusundan ng mga uwak at bigla ngang nabuksan ang kanyang tinatawag na ikatlong mata. Tuwing nangyayari iyon ay nagsisisigaw at nagtatakbo na animo’y baliw ang kapatid ng lolo ninyo. Madalas din daw na nagtatago siya sa ilalim ng kama, nanginginig at takot na takot.”

Matapos sabihin iyon ni father Enrico ay nagsalita naman si tatay Berting.

“Iyon ang panahon na pinatawag ako ng mga magulang mo Julio. Bata pa lang ako noon pero natuto na akong manggamot. Kami kasi ay angkan ng mga manggagamot. Ang iba eh mangkukulam ang tingin sa amin pero ang totoo niyan eh kalaban namin ang mga mangkukulam. Kilalang mga babaylan ang mga ninuno namin noon bago pa man dumating ang mga Kastila. Noong unang makita ko si Benjamin ay inakala kong sinasaniban lang siya ng masamang espiritu pero hindi. Walang sumanib na kung ano mang sa katauhan ni Benjami. Ang tanging naging problema ay takot siya sa mga nagapapakita sa kanya lalo na doon sa isinalarawan niyang lalaki na nakatalukbong ng itim. At dumating ang panahon na hindi na niya nakayanan.”

Tumahimik ang lahat, katahimikang binasag ng tanong ko kay tatay Berting.

“Ibig po ba ninyong sabihin eh nagpakamatay ang lolo Benjie?”

“Hindi siya nagpakamatay. Habang ginagamot ko siya noon eh nakita ko kung paaano boluntaryong iniwan ng kaluluwa ni Benjie ang kanyang katawan. Sinundan ko siya at kinausap. Pinilit ko siyang bumalik sa kanyang katawan. Pero ayaw niya. Hindi na daw niya kaya at tanging ang ginawa niya lang daw ang paraan para matapos na ang kanyang paghihirap. Sa simbahang ito siya tumuloy. Ang sabi niya sa akin na dito daw eh hindi na siya masusundan ng mga  uwak at ng mga nilalang na nagpapakita sa kanya. Buhay ang katawan ni Benjie nang iwan niya ito. Tumigil lang ng paghinga ang katawan niya matapos ang ika-3 araw na hindi niya ito binalikan. Hindi makaka-akyat sa langit ang kaluluwa ng lolo ninyo dahil iniwan nito ang katawan niya nang hindi pa siya nakatakdang mamatay. Mananatili lamang siya dito sa lupa at pinili niyang manatili sa simbahang ito. Hanggang ngayon ay takot pa rin siyang lumabas ng bakuran ng simbahang ito.”

“Tatay Berting, sadya po ba o natural sa lahi namin ang magkaroon ng ganitong kakayahan katulad ng kay lolo Benjie at Mon,” ang paguusisa ko.

“Hindi.” si father Enrico ang sumagot sa tanong ko. “Ayon kay sister Luz ay parang sumpa daw iyan sa lahi ninyo. Isinumpa ng isang kilalang manggagamot na may alam din sa pangkukulam ang lahi ninyo.”

“Ha, bakit ho ginawa iyon ng kung sino mang mangagamot iyon?” Ang tanong ni ama.

“May kinalalaman diyan ang ninuno ninyong si Victoriano. Katulad ng sinabi ko sa inyo kanina ay mga mangagamot ang lahing pinanggalingan ko. Nagkuwento sa amin ang lolo ko noon na ang kakilala niyang kapwa niya manggagamot ang naglagay ng sumpa sa inyong pamilya. Mayroon daw kasing kasintahang Pilipina na taga kabilang bayan si Victoriano. Pinangakuan niya ito ng kasal at dadalhin sa Espanya. Subalit nang nakilala niya si Francisca ay nahulog ang loob niya dito. Si Francisca ang pinakasalan ni Victoriano at nang mabalitaan ito ng dati niyang kasintahan na noon pala ay buntis, ito’y nagpakamatay. Ang babae iyon ay anak ng sinasabi kong manggagamot. Ang manggagamot na iyon ang nagbigay ng sumpa na mabubuksan ang ikatlong mata ng mga magiging anak at apo ni Victoriano – na makakakita sila ng mga nilalang at mga pangyayaring nakakatakot na maaring hindi kayanin ng kanilang isipan at mangyayari ang katulad ng nangyari kay Benjamin. Kadalasan kasi na ang mga nabubuksan ang ikatlong mata eh kung hindi nababaliw eh nagpapakamatay dahil hindi nakakayan ang mga nakikita at nangyayari sa kanila. Hindi nagiging normal ang buhay nila at kadalasan nadadamay ang kanilang pamilya.”

Sa pagkakataong iyon ay unti-unti ko nang naintidihan ang lahat ng nangyayari kay Mon. Bunga ng isang sumpa ang pagkakabukas ng ikatlong mata ng kapatid ko. Pero bakit parang parang kinaya ng kapatid ko na makakita ng mga kakaibang nilalang at makasaksi ng mga hindi pangkaraniwang pangyayari.

At muling nagsalita si father Enrico. “Kung ang taong bukas ang ikatlong mata ay mahina ang espirtuwalidad, hindi namulat sa pagdalo ng misa at pagdarasal, ay hindi maganda ang magiging resulta sa kanya ng pagpapakita ng mga kakaibang nilalang. Sasadyaaing tatatakutin siya ng mga naturang nilalang, minsan nga ay baka saktan pa siya. Pero kung ang taong bukas ag ikatlong mata ay matibay na pananalig sa Panginoon at napapakain ang kanilang kaluluwa ng mga dasal ay hindi siya tatakutin at sasaktan, may mga pagkakataon pa nga na gusto silang kaybiganin ng mga ito. Ganoon pa man dahil nga sa kanilang kakayahang ito ay katatakutan sila’t iiwasan ng mga tao sa paligid nila. Maging ang mga mahal nila sa buhay ay baka itakwil sila. Kaya magiging miserable ang kanilang buhay.”

“Eh papaano naman po maipapaliwanag iyong mga pagkakataon na minsan kapag may tinapatang bahay ang kapatid ko eh may magaganap na trahedya o may mamamatay o magkakasakit sa isa sa mga taong nakatira sa bahay na iyon.” Ang tanong ko kina tatay Berting at father Enrico.

“Walang kinalalaman doon si Mon,” ang sagot ni tatay Berting. “Sadyang may mamatay o magkakasakit sa mga bahay na tinatapatan niya nandoon man o wala si Mon. Kasi nga nakikita niya at ng ilang sa mga katulad niya ang ilang mangyayari sa hinaharap. Nalalaman nila kung mayroon nakatakdang mamatay at may mangyayaring hindi maganda. Kapag sila’y naglalakad at bigla nilang mararamdan na may mamatay o magkakasakit sa bahay na iyon o may masamang mangyayarin doon eh bigla silang hihinto sa tapat ng bahay na iyon. Minsan sa panaginip nila ito nakakita o sinasabi mismo sa kanila ng isang mamang nakatalukbong ng itim.”

“Ano naman po ang koneksyon ng mga uwak sa mga nangyayaring iyon kay Mon,” ang dagdag na tanong ng aking ina.

“Depende sa pagtanggap ng taong bukas ang ikatlong mata. Kung aariin ng taong iyon na kakampi ang mga uwak ay maraming puwedeng gawin para sa kanila ang mga ibong iyon. Sa kabilang banda, kung ang mga uwak ay katatakutang ng may ikatlong mata ay hahayaan laman nila ito.” Ang paliwanag ni tatay Berting.

“Paano po ninyo nalaman ang mga bagay na ito tatay Berting?” ang tanong naman ni ama.”

“Julio, ‘di nga ba’t ako eh isang manggamot, ang tatay ko man at lolo at maging ang mga ninuno namin ay mga manggagamot din. Marami kaming alam na mga kahiwagaang nangyayari. Maraming misteryo kaming alam na hindi alam at mahihirapang intindihin ng mga ordinaryong taong katulad ninyo. Si Mon sa pagtanda niya’y mauunawang lahat ng ito. Maraming bagay mga anak ang hindi nakasulat sa libro. Tandaan ninyo iyan.”

Nauunawaan ko ang takbo ng pangangatwiran ni tatay Berting. Ang isinusulat lang ng mga nagsasabing sila ay mga paham at dalubhasa ay iyong nakikita ng kanilang dalawang mata. Ano kaya kung susulatin din o naisulat ng mga taong bukas ang ikatlong mata ang kanilang mga nakikita?

At ang dugtong pa ni tatay Berting, “At sasabihin ko sa inyo na hindi lamang sa anak ninyong si Mon at kay Benjamin nangyari ang ganito. Marami tao ang bukas ang ikatlong mata. Ako man ay mayroon nito kaya nga ako nakakapanggamot. Pero sa mga kapamilya ninyo ay resulta ito ng isang sumpa. At kapag isang sumpa ang pagkakaroon ng bukas na ikaltong mata ay kadalasang hindi maganda ang nangyayri, katulad ng kay Benjamin. Pero mukhang iba ang kay Mon. Ang tingin ko Estella eh dahil iyan sa tinulungan mo ang iyong mga anak na matutong magdasal at manampalataya sa Panginoon.”

“Tama ka tatay Berting. Nagulat nga ako na si Mon ay marunong mag-rosaryo.” ang pahayag ni father Enrico.

Pakiramdam ko na pagkatapos niyon ay nagkaroon ng kasagutan ang lahat ng mga tanong ko tungkol sa aking kapatid. Pero paaano kung ang mga tatamaan ng sumpa sa lahi namin ay sa halip na katulad ni Mon na kakayanin itong dalhin ay katulad ng lolo Benjamin na parang nagpakamatay dahil hindi niya kinaya?

“Tatay Berting… may paraan ho ba para mawala ang sumpa?” Ang tanong ng ama.

“Mayroon. Minsan ay dinalaw ako ni Benjamin sa panaginip at sinabi niyang alam niya kung paano mawawala ang sumpa sa pamilya ninyo.”

“Ha?! Kung ganoon may pag-asa si Mon na manumbalik sa normal ang kanyang buhay.” dugtong ng aking ama. “Paano po ba? Ano po ba ang dapat naming gawin.”

“Hindi sa akin sinabi ni Benjamin kung papaano. Basta’t sinabi lang niya na puwedeng mawala ang sumpa ngunit mayroong dapat isakripisyo.”

“Isakripisyo? Ano po ang ibig sabihin niyon tatay Berting. Mayroong dapat mamatay?” ang tanong ng kapatid kong si Teresa.

“Hindi ko alam, hindi nilinaw ni Benjamin sa aking panaginip kung ano ang sakripisyong tinutukoy niya.”

 Sa pagkakataong iyon napansin kong wala pla si Mon sa opinsina ni father.

“Tatay, nasaaan po si Mon?”

“Aba, eh hindi ba katabi mo siya kanina.” ang wika ng aking ina.

“Diyan muna kayo, hanapin ko lang si Mon. Tara Alfred samahan mo ako.”

 Sinamahan rin kami ni tatay Berting.

Sa labas ay nakita namin si Mon na nakaupo sa may damuhan sa ilalim ng isang puno. Para siyang may kinakausap.

“Teka, dito na lang tayo.”

 Sumunod kami sa mungkahi ni tatay Berting.

“Alfred… Julio… kausap ni Mon ang kaluluwa ni Benjamin. Hayaan natin sila, bumalik na lang tayo sa loob.”

Pumasok kaming muli sa opisina ni father Enrico at hinintay naming bumalik sa Mon. Matagal-matagal di bago muling bumalik ang kapatid ko. Si lolo Benjamin marahil ang sinabi niya kanina na gustong kumausap sa kanya sa simbahan.

 “Mon, kinausap ka nga ba ng lolo Benjamin mo?” ang tanong ni father Enrico.

Tumango lamang si Mon.

“Ano ba napag-usapan ninyo?” ang dagdag ni father Enrico.

“Tungkol po sa sumpa sa amin. Puwede daw po itong mawala kung gugustuhin ko.”

Buong sabik na nagtanong ang aming ina, “Talaga anak, papano daw.”

“Hindi ko daw po dapat sabihin kahit kanino kung gusto ko talagang mawala ang sumpa. Gawin ko na lang daw ang dapat kong gawin at lahat daw ng mga mahal ko sa buhay ay dapat pagkatiwalaan ako.”

Ano mang pagpupumilit namin eh ayaw magsalita ni Mon tungkol sa kung papaano mawala ang sumpang iyon. At ang dagdag pa niya, “Sa takdang panahon ay malamaman po ninyo.”

Part 12

Advertisements
%d bloggers like this: