Mga Bagyong Bianang at Vidang
Hardpen, 03-07-10
Tibong Cagayano iyo na bang naranasan,
dalawang bagyo magkasabay na dumaan,
kapag ganyan meron ka bang mapagtataguan,
o ang gagawin mo’y magdadasal ka na lang.
Iyan sa kasalukuyan ang nangyayari sa atin,
dalawang bagyo kalupaan nati’y sasalakayin,
maraming ulan sa atin ay pababagsakin,
hangin nilang malakas tayo’y hahaplitin.
Habang si Bianang ay ating pinaghahandaan,
mula sa Dagat Pasipikong kanyang pinanggalingan,
heto naman si Vidang tayo’y ginunlatang,
mula sa South China Sea siya’y lumutang.
O hayan na Tibong Cagayano, kaliwa’t kanan,
anong unday ba ang ating iilagan,
iyon bang sipang kabayo ni Bianang,
o mala-malatigong hampas nitong si Vidang.
Kinakabahan nga talaga ako dyan kay Bianang
unti-unti, nagiging super typhoon na yata iyan
aba’y dapat talaga natin siyang paghandaan
sobrang lumalakas dala niyang hangin at ulan.
Muli mong basahin huling tula ni Bianang,
aba’y nagagawa nang sa ati’y makipagharutan,
tapos sa bandang huli tayo pa’y pinagbantaan,
bistado daw na tayo sa kanya’y kinakabahan.
Tayo ‘mate dapat magkaroon ng “secret meeting”
huwag ipaalam kay Bianang kung saan gaganapin,
doon ay seryosong ang mga plano ay aayusin,
kung paano si Bianang ay mapagtutulungan natin.
Pero paano ba yan, katulaang TIBONG CAGAYANO,
kung kay BIANANG pa lang ay nanginginig na tayo,
heto’t may dumating pang isang malakas na bagyo,
VIDANG ang pangalan, matindi ang “arrive” nito.
Aba’y sa unang tula pa lang na kinatha ni ate Vida,
maniwala kang ako’y tunay na natulala’t napanganga.
Naniniwala ka bang iyo’y unang tula niyang ginawa?
Kasi parang hindi, kutob ko’y dati na siyang tumutula.
Unang tula ni VIDANG ay isa pa lamang na patikim,
kung gaano katindi’t kalakas ulan niya at hangin,
kapag sentro ng bagyong VIDANG tumapat na sa atin,
sina HARDPEN at TIBONG sa kangkungan pupulutin.
Pero teka, may napansin ako katoto kong katulaan,
parang binabalak mong iwanan ako sa kawalan,
ng dumating si BIANANG, kasunod si VIDANG,
gusto mo nang maging bagyo at hindi na bulkan.
BIANANG at VIDANG super bagyo ang dating,
sa pagaharap sa kanila tiyak ako’y hihingalin,
at kung itong si TIBONG ako’y aabandunahin,
kawawa si HARDPEN, huwag ninyong apihin. (Hehehe)