Blog Archives

Tuwing Bubuhos Ang Ulan (7)

(Last of 7 Parts – A Novelette in Filipino)

Hindi nanaman ako nakatulog halos dahil sa iyo. Kahit ganoon ang naging desisyon ko, kahit hindi kita sinipot upang magkasama sana tayong umalis ng Sagada eh aaminin kong may nararamdaman pa rin ako sa iyo. Hindi basta-basta na lang na biglang maglalaho ang pagtangi ko sa iyo. Sa maniwala ka o hindi, kung hindi lang buntis si Elena, eh magkasama tayong umalis ng bayang iyon.

Bumangon na ako nagtungo sa kusina. Iniwan ko sa kuwarto si Elena na natutulog pa. Nang makapagtimpla ako ng kape eh nagpunta  ako sa terrace. Nandoon pala kayo ni Daniel. Nakita kong nakahilig ka sa kanyang balikat at siya nama’y nakahawak sa iyong baywang. May naramdaman ako, alam ko ang tawag doon – selos. Nang akmang babalik ako sa loob ng bahay eh napansin ako ng asawa mo.

“Oh bayaw, gising ka na pala.” Wika ni Daniel.

“Oo nga. Inagahan ko at ihahanda ko pa iyong mga gamit ko. Lalabas kasi ulit ako mamaya, pupunta ako sa Marlboro Hills.”

“Maganda nga doon bayaw, magsasawa ka sa pagkuha ng mga pictures doon.  Pasensiya na nga  pala sa abala namin sa inyo kagabi.”

“Wala iyon kuya.”

“Teka… ako nga pala eh mauuna na. Lilinisin ko kasi iyong taniman namin ng gulay.”

“Ah ganoon ba. O sige, ingat kayo kuya.”

“Ako lang ang muna ang aalis, dito daw muna si Camille. Susunduin ko na lang siya mamayang hapon.”

Bago umalis si Daniel ay hinalikan mo siya sa labi. Habang hinahalikan mo siya ay bakit ba naisipan mong tumingin sa akin? Yumuko na lamang ako. Bakit nga ba ako nakakaramdan ng selos?

Binuksan ko ang gate para sa asawa mo. Nang makaalis siya’y bumalik ako sa terrace.

Nang malapit na ako sa kinauupuan mo’y tumayo ka at bigla mo akong sinampal… dalawang beses… sa magkabilang pisngi.

“Bakit?”

Ang tanong ko sa iyo sabay tingin sa loob na bahay upang tiyaking walang ibang taong nakakita ng ginawa mo.

“Bakit? Bakkkittt? Hindi mo alam kung bakit? Kulang pa iyan sa panggagagong ginawa mo sa akin.”

Ang sumunod mong sampal ay nasangga ko na.

“Tama na Camille… tama na. Patawarin mo sana ako.”

“Putang-ina mo Jeff. Bakit mo ako ginanito? Sa halip na iahon mo ako mula sa kumunoy na kinahulugan eh lalo mo lang pala kong ilulubog.

Nagsimula kang umiyak. Dahan-dahan kitang iniupo.

“Camille… magpapaliwanag ako.”

“Hindi ko kaylangan ang paliwanag mo. Ikaw ang kaylangan ko. Puwede pa tayong umalis. Mamaya… o kahit bukas… kung kaylan mo gusto.”

“Sorry Camille… hindi natin puwedeng gawin iyan.”

Bakit hindi? Bakit?”

Umiling-iling na ako habang ako’y nakatingin sa iyo.

Tinadyakan mo ako sa paa.

“Umalis ka sa harapan ko.”

Lumakad ako papunta sa kabilang dulo ng terrace. Patuloy ka sa paghikbi mo. Naiintindihan ko kung bakit galit na galit ka sa akin. Gusto ko sanang magpaliwanag pero tingin ko hindi ka na makikinig sa akin.

Ilang saglit lang eh lumabas na rin ng kuwarto si Elena. Nakita niya tayong nasa terrace.

“Good morning ate Camille”

Nginitian mo lamang siya bilang tugon.

“Bakit mukhang umiiyak ka ate?”

“Wala, naalaala ko lang ang mga nangyari kahapon.”

“Ah, akala ko kasi inaapi ka ni Jeff kaya ka umiiyak.”

Tumawa si Elena pagkasabi niyon. Alam kong nagbibiro lang ang kasintahan ko. Tumingin ka sa akin bago mo nginitian si Elena bilang tugon sa kanyang sinabi.

Pagkatapos niyon ay tumabi sa akin Elena at hinalikan ako sa pisngi. Yumuko ka rin, katulad ko nang hinalikan mo si Daniel. Parang ayaw mong makita na hinahalikan ako ni Elena. Selos din siguro iyon.

“Parang namumula ang pisngi mo dad. Ano ba nangyari diyan.”

“Wala… nakamot ko lang kanina kaya namula.” Wika ko at para mawala doon ang atensyon mo ay nagtanong ako –  “Ang inay, tulog pa ba?”

“Oo, hayaan lang natin siya, kaylangan niyang magpahinga para gumaling agad.”

Nakihigop si Elena sa kape ko.

“Ay… siyanga pala ate Camille… may good news ako sa iyo.”

“Ha!? Ano naman iyon?

“Dad ikaw na kaya ang magsabi kay ate Camille.”

“Oh. Bakit ako?

“Sige na dad… pleeeassseee!”

Atubili ma’y pinagbigyan ko ang kahilingan ni Elena.

“Camille… bu… buntis si Elena. 6 weeks na”

“Oww… talaga?”

“Yes ate Camille.”

“Wow… aba eh congratulations sa inyong dalawa. Magiging mga magulang na pala kayo niyan.”

Pinilit mong ngumiti habang sinasabi mo iyon pero kita ko sa mata mo na parang nanlumo ka nang marinig mo iyon. Hindi mo siguro napansin na ang isang braso mong nakapuwesto sa patungan ng kamay sa inuupuan mo’y biglang nalaglag. Hindi ko alam kung ang bagay na iyon ay napansin ni Elena.

“Thank you ate. Siyempre kukunin ka naming ninang… ‘di ba dad.?”

Tumango ako.

“Ah… sure… sure. Bakit naman hindi.”

Pagkasabi mo niyon ay parang gusto mong humagulgol lalo na nang parang batang itinaas ni Elena ang tshirt at inilagay ang kamay ko sa ibabaw ng kanyang tiyan.

“Sandali lang ha, papasok muna ako at hihiga ako ulit. Masakit ang ulo ko.”

“Ow… hangover iyan ate. Sige ate pahinga ka. Ako naman eh magluluto na ng agahan natin.”

Sabay kayo ni Elena na pumasok ng bahay. Siya’y nagputna ng kusina at ikaw naman ay sumalampak sa sofa sa salas. Nakatagilid ka patalikod sa kinalalagyan ko sa terrace kay hindi ko malaman kung natutulog ka ba talaga o umiiyak. 

**********

Mula noon eh minsan isang linggo kayo pumuntan ni Daniel sa bahay. Kadalasang araw ng Linggo. Halatang umiiwas ka sa akin tuwing nandoon kayo sa bahay. Ni minsan hindi tayo nag-usap na tayong dalawa lang. Mabuti na rin iyon dahil ayaw kong madagdagan pa ang pagdududa ni Elena tungkol sa atin, kung nagdududa man siya.

Nasasaktan ako sa nangyayari. Hindi mo lang alam kung ano ang tunay kong nararamdaman sa iyo, damdaming pilit kong iwinawaksi alang-alang sa magiging anak namin ni Elena. Sa tingin ko ay naunawaan mo na kung ano ang dahilan kung bakit hindi kita pinuntahan sa kubo noon.

Ang magandang bagay na naging resulta ng hindi ko pagsipot sa usapan natin noon, bukod na sa walang pamilyang nasira, ay ang mga pagbabagong nakita ko sa asawa mo. Ang biyenan mo na magiging biyenan ko na rin mismo ang nagsasabi na ibang-iba na si Daniel. Kung totoo ang sinasabi niya eh hindi na siya tumikim ng alak mula noong araw na sana’y iiwan natin sila ni Elena. At siguro kung drugs iyong nakita ko noon sa clutch bag niya, marahil ay tinigilan na rin niya iyon.

Maganda ang naging panahon ng sumunod pang isang buwan at ilang araw. Hindi bumuhos ang malakas na ulan, manaka-nakang ambon lang at hindi pa nagtatagal. Kaya napasyalan namin ni Elena ang mga lugar na gusto kong puntahan para sa mga kaylangan kong pictures at videos. Pag-aalaga kay Elena at ang aking travel blog  ang pinagkaabalahan ko ng mga araw na iyon.

Iyong linggong susunod ang pinili naming schedule para sa pagpapakasal sa huwes dahil ang susunod na linggo doon ay uuwi na kami pabalik sa Pasig. Three months na noong buntis si Elena. Ang tatay at nanay ko  at isang kapatid na lang ang dadalo dahil simpleng kasalan lang naman ang gagawin. Pagkapanganak na lang ang engrandeng kasal na ipinangako ko kay Elena.

**********

Araw ulit ng Linggo noon, dumalaw kayong muli ni Daniel sa bahay. Noon lamang muling kumilimlim ang kalangitan at umiihip ang malamig na hangin. Ayon sa balita, ay mayroong malakas na bagyong paparating.

Habang abala sa paghahanda sina Elena at ang kanyang nanay sa pag-aayos ng tanghalian at si Daniel naman sa nagpa-practice shooting sa likod bahay, ay nilapitan mo ako sa terrace. Hindi ko inaasahan iyon. Bago ka nagsalita eh luminga-linga ka pa upang tiyaking walang ibang nakikinig.

“Jeff… two weeks na akong delayed. Napakadalas kong mahilo at magsuka nitong mga nakaraan araw.”

Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa narinig ko.

“Bakit mo sinsabi sa akin iyan Camille?”

“Tarantado ka. Ikaw lang ang nakagalaw sa akin bukod kay Daniel at siguro naman eh nasabi na sa iyo ni Elena kung bakit kahit matagal na kaming nagsasama ng kuya niya eh hindi kami magkaroon ng anak.”

Alam ko namang baog ang asawa mo. Ayaw ko lang paniwalaan ang sinabi mo dahil kung totoo iyon eh napakalaking problema ang hinaharap natin. Mas gugustuhin ko pang nagiimbento ka ng kuwento para kuhanin ang atensiyon ko.

“Bakit hindi ka magtest para sigurado.”

“Mamaya, may dala nga akong pregnancy kit. Huwag kang magalala Jeff. Alam kong wala kang gulugod. Isa kang duwag. Kung buntis man ako’y hindi ako maghahabol sa iyo. Kaya kong harapin itong mag-isa.”

“Camille…”

“Huwag mo akong maCamille-Camille. Ang saya kung buntis nga ako di ba. Dalawa agad ang magiging anak mo next year. Parehong panganay. Ang galing mo.”

Iniwan mo ako sa terrace pagkasabi mo niyon.

Ang lahat ng sayang naramdaman ko ng ilang linggo, ang katahimikan ng kalooban at pagiisip, ay naglahong parang bula. Mula sa terrace ay nakita kong nagsimula ng umambon, maya-maya lang ay bubuhos na ang malakas na ulan at iihip  na ang malakas na hangin.

“Dad… tawagin mo na si kuya Daniel sa likod. Sabihin mong nakahanda na ang tanghalian.”

Parang akong nakalutang habang ako’y naglalakad papunta sa likod ng bahay upang tawagin si Daniel.

“Kuya, kain na daw tayo.”

“Okay bayaw. Ikaw ba, gusto mo bang matutong humawak ng baril? Tuturuan kitang pumutok.”

Tumango na lamang ako dahil wala na ako sa wisyo. Lutang na lutang na ako. Ano ang mangyayari kung buntis nga si Camille. Ano ang mangyayari kung malaman ni Elena, ni Daniel, at ng nanay nila na ako ang nakabuntis kay Camille?

Nang makapasok kami sa bahay ay inilapag ni Daniel sa lamesita  sa salas ang kanyang mga bala at baril.

Nagsimula nang umulan. Dumating na siguro ang bagyo.

“Naku Daniel… anak… Ingat lang kapag gumagamit ka ng baril mo ha.”

“Opo naman inay. Kaya ko lang naman inilabas ulit yan eh balak kong sumali sa isang shooting competition sa Baguio sa November.

“O puwede nang magsimula, kain na kayo mga anak.” Wika ng nanay nila.

“Teka, nasaan si Camille.”

“Nasa CR, parang masama ang pakiramdam. Mauna na daw tayong kumain.” Ang sabi ni Elena.

Tumayo si Daniel at nagpunta sa CR. Nakita ko nang itulak niya ang pinto. Bumukas, nakalimutan mo sigurong i-lock.

Hindi nga lang malinaw pero nauulinigan naming nag-uusap kayo ni Daniel sa loob. Matagal-tagal din bago lumabas si Daniel ng CR. Hindi ka kasama.

Lumapit si Daniel kay Elena.

“Sa iyo ba ito Elena.” Padabog na inilapag ni Daniel ang pregnancy test sa lamesa. Positive and resulta.”

Napapikit na lamang ako dahil nangyari na ang isang malaking problemang hindi ako nakaktiyak kung malulusutan ko ba o hindi.

Ang kapalaran ay walang gulong… ang karma meron at pakiramdam ko ay malapit na akong magulungan. Ang inihagis kong boomerang ay pabalik na sa akin at mukhang hindi ko yata kayang saluhin nang hindi ako nasasaktan.

Sa bubong na yari sa yero ay parang mga batong tumama ang bumuhos na amalakas na ulan.

“Ha… hindi kuya… hindi ito sa akin. Matagal na akong buntis hindi ko na kaylangang gumamit nito.”

Nakita ko kung papaano napapikit ang nanay nila Elena. Yumuko ito at umiling-iling.

Bago pa man makakilos ang sinoman sa amin ay nakuha na ni Daniel ang baril sa lamesita. Bumalik siya sa CR. Paglabas niya’y hila-hila ka sa  buhok. Pilit kang kumakawala. Ano ang ginawa ko? Wala. Dapat eh ipinagtanggol kita. Tama ka, wala nga akong gulugod. Duwag nga ako.

“Anak, maghunos-dili ka.”

“Kuya… kuya.”

Ako’y parang tuod. Wala akong ginawa. Naghihintay na lamang ako kung ano uri ng kabayaran ang nakatakdang singilin sa akin sa lahat ng ginawa kong kabalbalan.

Dinala ka ni Daniel sa kuwarto namin. Kasunod kami pero ibinalibag mo pasara ang pinto. Hindi ito nagsara ng maayos. Papasok sana si Elena sa kuwarto.

“Walang makikialam!”

Naudlot ang pagpasok ni Elena. Siguro tinutukan siya ng baril ng kuya niya kaya umurong siya.

“Sino ang lalaki mo? SINO?

Pumutok ang baril.

“Diyos kong mahabagin.” Wika ng nanay nila na akma sanang papasok sa kuwarto subalit pinigilan ni Elena.

“Sino kako ang lalaki mo? Puta ka,  kanino ka nagpabuntis.”

Wala kaming magawa sa labas ng kuwarto. Nakinig na lang kami at naghintay. Hinintay ko na lang na sabihin mo ang pangalan ko.

“Ano Daniel. Masakit di ba? Ganiyan kasakit ang naramdaman ko ng minsang sa mismong kuwarto natin mo dinala ang babae mo. Akala mo wala ako noon sa bahay. Sa palagay mo ilang beses ko ring nakita na pumasok ka sa bahay niya. Ang daming beses kitang sinundan dahil gusto kong mapatunayan ang tsismis tungkol sa inyong dalawa.”

“Hiniwalayan ko na siya ‘di ba? Nagbago na ako ‘di ba? Nangako akong aayusin ko ang sarili ko … ang buhay natin ‘di ba?”

“Huli na Daniel nang magbago ka. Nadumihan ko na ang sarili ko bago mo naisipang magbago. Nagmahal na ako ng iba bago mo naisipang magbago. Naiputan na kita sa ulo bago mo naisipang magbago.”

At muling pumutok ang baril… isa …dalawa… tatlo.

Tumahimik sa kuwarto. Tumahimik sa bahay. Ang ingay lang ng ulan na tumatama sa bubong ang nadidinig.

**********

“Tao po… tao po… ano pong nangyayari diyan.”

May mga taong dumating. Kinakalampag nila ang gate.

Nanginginig sa takot sina Elena at  ang nanay niya. Magkayakap sila.

Binuksan ko ang gate.

Pumasok ang ilang kalalakihan.

“Aling Upeng… Elena… may mga putok kaming narinig kaya  kami’y nagpunta dito.”

“Kapitan…” sagot ni Elena, “pumasok po kayo sa kuwarto.”

Itinulak ng isa sa sa mga lalaki ang pinto.

Tumambad sa amin ang duguan mong katawan. Si Daniel nama’y nakasalampak sa isang sulok ng kuwarto. Iyak ng iyak. Nilapitan siya ni Elena at ng kanilang nanay.

“Anak, bakit mo nagawa ito.” Niyakap ng kanyang nanay si Daniel.

“Kuya, bakit?”

“Patawarin po ninyo   ako inay… Elena… Ang hirap tanggapin. Ang sakit.”

“Kapitan,” wika ng isang lalaki, “patay na po si Camille.”

Pagkarinig ko niyon ay nagpunta ako ng CR. Doon ako’y nagkulong. Habang bumubuhos ang ulan sa labas ay bumuhos ang mga luha ko. Binalot ang buong pagkatao ng lungkot at pagsisisi.

Ano sa palagay mo ang naramdaman ko matapos mangyari ang lahat-lahat? Sino sa palagay mo ang sinisisi ko sa lahat ng nangyari. Kung alam ko lang na sa ganoon hahantong ang lahat eh sana pumayag na akong umalis tayo ng Sagada. Sana buhay ka pa. Para sa magiging anak namin ni Elena ay pinili kong huwag kang puntahan sa kubo. Pero hindi ko alam na sa pagpili ko kay Elena at sa magiging anak namin ay ganoon ang magiging resulta. Mamamatay ka  at ang sana’y magiging anak din natin. Kung ikaw at ang anak natin ang pinili ko eh masasaktan lamang si Elena pero walang trahedyang mangyayari.

Sisihin ko ba ang Panginoon dahil sa sinapit mo at ng anak natin? Tatanungin ko ba Siya na kung halimbawa mang nagpasiya Siyang pakialaman ang kahihinatnan ng mga nangyari ay bakit puro pabor para kay Elena? HINDI. Dahil alam kong ang lahat ng nangyari ay bunga ng maling desisyon natin na huwag magdala ng payong sa araw na iyon nang pareho tayong sumilong sa kubo dahil bumuhos ang malakas na ulan. Ang lahat ay nangyari dahil sa maling desisyon natin na magtampisaw sa tubigan ng kataksilang binuo ng bumuhos na ulan.

**********

Kusang sumama sa mga dumating na pulis si Daniel. Ang bangkay mo naman ay sinabi nina kapitan na dadalhin na sa isang punenarya. Nilinis na rin nila ang mga dugo mong kumalat sa kuwarto namin ni Elena.

Bumumuhos pa rin ang malakas na ulan. Malakas pa rin ang hihip ng hangin. Hindi pa lumilipas ang bagyo.

Gabi na ng makaalis ang mga tao sa bahay. Ako, si Elena, at ang nanay nila ang natira.

Sina Elena at ang kanyang nanay ay nakaupo lamang sa salas. Wala silang imik, wala silang kibuan. Si Elena’y hindi ko malapitan. Parang may pader na nakapagitan sa amin, pader na nilikha ng nababagabag kong konsensiya.

Hindi ko alam kung dapat ko  bang ipagtapat kay Elena at sa kanilang nanay ang mga namagitan sa atin. Dapat ko bang sabihin pa sa kanila na ako ang nakabuntis sa iyo? Ano ang mangyayari kapag nalaman nila iyon? Iniisip kong manahimik na lang. Iniisip ko ba kung hahayaan ko na lang na isama mo sa libingan ang sikreto natin.

“Inay, dapat na po nating ipaalam sa mga magulang at kapatid ni ate Camille sa Pangasinan kung ano ang nangyari.”

“Oo nga Elena. Mahirap kung sa iba pa nila malalaman ito.”

“Malamang na iuuwi nila sa Pangasinan ang bangkay ni Camille kapag nalaman nila kung ano talaga ang nangyari.”

 “Oo nga po inay. Hindi ko inaasahang hahayaan nilang dito sa Sagada ibuburol at ililibing si ate Camille.”

“Sige kontakin mona sila. Ako ang kakausap sa mga magulang ni Camille.”

 “May number po ba kayo ng sinoman sa mga partido ni ate?”

“Naku anak wala ah.”

“Teka, friend ko po pala sa Facebook ang isang pinsan ni ate Camille. Kokontakin ko po’t hihingin ko ang number ng kung sino mang puwede nating tawagan sa kanila.”

Kinuha ni Elena ang cell phone niyang nasa ibabaw ng ref.

“Naku, lowbat pala ako. Dad, pahiram ako ng laptop mo. Doon na lang ako magfefacebook.”

Kinuha ko mula sa kuwarto ang aking laptop at iniabot ko kay Elena. Pagkatapos niyon ay nagpunta muna ako ng terrace upang mapagisipan kung ano ang dapat kong gawin, kung dapat ko bang sabihin sa kanila ang lahat ng nangyari sa atin.

Muli nanaman akong nagbalik-tanaw sa unang araw ng pagdating namin ni Elena sa Sagada. Bakit kasi ako naging atat na kumuha ng mga pictures at videos noon.

Sa pagkakataong iyon ay aking napagtanto na hindi ko pala nadelete ang picture mo sa kubo na nasave ko sa desktop ng aking laptop. Halos lumipad ako pabalik sa  salas.

Wala doon si Elena at ang laptop ko.

“Inay, nasaan po si Elena?”

“Pumasok siya sa kuwarto ko.”

Nang pumasok ako sa kuwarto ay nakaupo sa sahig si Elena. Patulalang nakatingin sa picture mo na nasa desktop ng laptop ko.

Sukol na sukol ako. Walang akong mapagtataguan.

“Mommy, hayaan mo akong makapagpaliwanag.”

Hindi sumagot si Elena. Gulat siya’t lumuluhang nakatingin lang sa larawan mong iyon na suot mo ang t-shirt na regalo niya sa akin.

Sinimulan kong magpaliwanag. Mula sa simula, mula ng bumuhos ang ulan at sumilong ako sa kubong iyon at ang bigla mong pagdating. Sinabi ko lahat. Walang labis, walang kulang. Pati ang binalak mong pagalis nating ng Sagada na hindi natuloy dahil hindi kita pinuntahan ng malaman kong buntis siya. Wala na akong dapat itago pa.

Habang nagpapaliwanag ako eh napansin kong unti-unti nawawala ang pagkagulat sa mukha niya at siya sa pagiyak. Dahan-dahang nagsasalubong ang kanyang mga kilay at naririnig kong nagngangalit ang kanyang mga ngipin.

At narrating ng paliwanag ang dulo. Wala na akong maidudugtong pa bukod sa pakiusap na ako’y patawarin niya.

“Tapos na ba ang paliwanag mo?”

Tumango lamang ako.

“Tumahimik na lang tayo Jeff. Tayong dalawa na lang ang makakaalam ng tungkol sa inyo ni Camille.”

Gusto kong magbunyi sa mga narinig kong iyon. Inakala kong patatawarin na niya ako.

“Ayaw ko nang dagdagan pa ang sama ng loob ng nanay ko. Baka hindi na niya kayanin.”

“Salamat mommy.”

Umakma akong yayakapin si Elena. Pero itinulak niya ako palayo.

“Huwag kang magpasalamat. Hindi pa ako tapos. Gusto ko paggising namin ng inay bukas ay wala ka na dito. Ako na ang bahalang gumawa ng kuwento tungkol sa pagkawala mo. Dalhin mo ang lahat ng gamit mo, pati ang tshirt na pinasuot mo sa babaeng iyon. Masarap dyumugdyug ang mga diwata ‘di ba?”

“Elena… please…”

Sinubukan ko ulit na yakapin siya. Sinampal niya ako.

Iyon siguro ang pinakamalakas na sampal na natikman ko. Mas masakit kung ikukumpara doon sa mag-asawang sampal na pinadapo mo noon sa pisngi ko.

Tagos hanggang kaluluwa ko ang sakit ng sampal niyang iyon.

 “Mula ngayon ay tapos na sa atin ang lahat. Kahit kaylan ay hindi mo makikita ang anak ko at hindi kita ipapakilala bilang kanyang ama.”

“Mommy… sor…”

“Kung mababago ng pagso-sorry mo ang lahat ng nangyari, eh patatawarin kita. Pero hindi di ba. Makakatulog ka kaya tuwing gabi niyan? Alam mo ba kung gaano katindi ang ginawa mo? Masahol ka pa sa hayop. Sana lang eh kasama ka ng namatay ng babaeng iyon.”

Lumuhod ako sa harapan ni Elena at handa na akong magmakaawa. Tinalikuran lang niya ako at iniwan ako sa kuwarto.

“Lumabas ka na diyan at nang makapangpahinga ang nanay ko.”

**********

Madaling araw pa lang ay nilisan ko na ang bahay nina Elena. Tahimik ang ginawa kong paglabas. Nang nasa gate na ako ay lumingon ako. Nagbabakasakaling gising si Elena at tawagin ako niya at pabalikin sa bahay. Pero wala.

Hindi umuulan nang lumabas ako, pero mahangin pa rin. Walang tao sa paligid. Tulog pa siguro silang lahat. Ang mga ilaw sa ilang poste ng kuryente ang nagsisilbing liwanag ko sa paglalakad.

Bitbit ko ang lahat ng gamit ko. Nang madaan ako sa isang basurahan ay itinapon ko na lang ang isang bag na naglalaman ng ilan sa mga lumang damit ko upang maginhawa akong makapaglakad.

Wala pa akong masasakyan paalis sa lugar na iyon kaya minabuti kong maglakad-lakad muna hanggang nakarating sa kalye na pasukan papunta sa  hagdan-hagdang palayan. May kaunti ng liwanag kaya nagpasiya akong tignan siguro sa huling pagkakataon ang hagdan-hagdang palayan.

Ako’y naglakad hanggang natanaw ko ang kubong pinagsimulan ng lahat. Nilapitan ko iyon. Pumasok ako. Pagod ang katawa’t isipan ko kaya minabuti kong magpahinga sandali.

Nang hihiga na ako’y nadinig kong pumapatak ang ulan. Isinarado ko ang bintana. Nang isasara ko na rin ang pinto ay naalaala kita.

Dahan-dahan kong isinara ang pinto ng kubo.

Hinihintay kong itulak mo iyon pabukas upang makapasok ka’t muli’y samahan ako sa loob.

At tuluyan ng bumuhos ang malakas na ulan.

– W  A  K  A S –  

Tuwing Bubuhos Ang Ulan (5)

(5th of 7 Parts – A Novelette in Filipino)

sad rain 5Nang sumunod na araw ay hindi kami nakalabas ng bahay ni Elena. Maghapon kasing bumuhos  ang ulan… ulang  nagpapaalala sa iyo… ulang nagpapaalala sa kung ano mang namamagitan sa atin… ulang hindi tubig na umaapula ng apoy kundi parang langis na pinagniningas ito.

Hindi ko alam kung ano ang nararamdam ko sa iyo. Init lang ba ito ng katawan? Inalipin lang ba ako ng kamunduhan? May nabubuo ba akong pagmamahal sa iyo o naaawa lang ako sa kalagayan mo. Alam kong mali.  Maling-mali. Hindi nga kayo kasal ni Daniel at hindi pa rin naman kami ikinakasal ni Elena kaya hindi masasabing tayo’y nangalunya. Pero tayo’y nagtaksil. Maaaring ikaw ay hindi dahil marahil naglaho na ang pagmamahal mo kay Daniel pero paano naman ako. Mahal ko si Elena kaya nga pakakasalan ko siya. Pero bakit ganoon? May puwang pa pala sa puso ko at parang ikaw ang nagpuno niyon. At hindi ko alam kung gaano kalaki ang puwang na pinuno mo. Hindi ko alam kung mas higit kay Elena.

Nasa tabi ko si Elena pero ikaw ang laman ng isip ko.  Bakit ganoon? Kapag hahalikan ko si Elena at pipikit ako’y ikaw ang nasa isip ko. Parang ikaw ang hinahalikan ko at hindi siya.

Nagpunta ako ng Sagada dahil kay Elena, hindi dahil sa iyo. Hindi ko alam kung ano ba ang aking puwedeng gawin para mawala ka sa isip ko. Ginulo mo ang tahimik at simple kong buhay.

“Sorry dad, hindi na tayo nakapamasyal. Bukas na lang ha.”

Halik sa pisngi ang itinugon ko kay Elena.

“Hiyang-hiya sa iyo ang inay dahil sa mga nangyayari. Bakit daw kasi nagkataon na nang nandito tayo eh saka pumutok itong mga problem nina kuya Daniel at ate Camille.”

“Sabihin mong huwag niya akong alalahanin. Mas mahalaga na maayos ang kalagayan ni Camille… ah… at ng kuya mo.”

Inihabol ko lang na sabihin ang pangalan ng kuya ni Elena dahil baka kung ano isipin niya tungkol sa ating dalawa.

“Tinatawagan ko nga sila para mangumusta pero hindi nila sumasagot. Nagmessage din ako kay ate Camille pero wala rin. Siguro hawak ni Daniel ang phone niya.. Alalang-alala na ang inay. Kaya hayan mukhang sumama ang pakiramdam.”

Ako man ay ganoon din, alalang-alala na ako sa iyo. Dumaan ang maghapon hanggang sumapit ang gabi, wala akong nabalitaan tungkol sa iyo. Hindi ako mapakali. Nilibang ko na lamang ang sarili ko sa pageedit ng mga pics at videos. Mula sa camera eh inilipat ko sa aking laptop ang mga files para ma-upload ko sa website ng travel blog ko.

At naalaala kong kinunan pala kita ng picture. Inopen ko iyon sa desktop ng laptop ko. Hindi nakatulong, mas Lalo akong nalungkot ng makita ko ang iyong larawan. Lalo akong nanabik na makitang ulit.

**********

sad rain

Dumating ang ikatlong araw mula ng makilala kita.

Kaunti lamang ang naitulog ko sa nagdaang magdamag. At sa bawat sandali na ako’y gising tanging ang iniisip ko ay ikaw. Ako kaya eh iniisip mo rin? Sa dami siguro ng dalahin mo eh wala nang puwang sa isip mo para sa akin. Sa puso mo kaya ako ay nagkaroon ako ng puwang? Kahit katiting lang sana meron.

Ako ang naunang bumangon. Tulog pa si Elena at ang nanay niya nang gumising ako. Sa kurwarto ng magiging biyenan ko natulog ang aking kasintahan. May sinat daw kasi ang nanay niya kaya kaylangan niyang bantayan.

Nagtimpla ako ng kape at naupo sa terrace. Sumikat ang araw pero baka sandali lang iyon dahil nga tag-ulan. Naisip ko na sana eh makapamasyal na kami ni Elena para malibang ako nang hindi puro ikaw ang iniisip ko. Ikako sa sarili’y makakalimutan na sana kita.

“Good morning dad. Ang aga mo yata gumising.”

Umupo sa tabi ko si Elena’t nakihigop sa aking kape.

“Tumawag si kuya ng bandang hating-gabi na. Nag-sorry kay inay. Bati na daw sila ni ate Camille.”

Bati? Ganoon lang ba kadali na maayos ang mga matitinding problema ninyong mag-asawa? Ganoon pa man eh masaya akong may narinig akong balita tunkol sa iyo.

“Dad, nilagnat ang inay kaylangang bantayan ko. Kung gusto mong mamasyal para sa mga pictures at videos mo para sa iyong blog eh baka hindi kita masamahan. Okay lang ba?”

“Okay lang mommy. Kaylangan mong alagaan ang inay.”

“Puntahan mo iyong hagdan-hagdang palayan ha. Kuhanan mo ng pictures. Pati iyong kubo kuhanan mo rin. Ang tagal ko na kasing hindi nakikita iyon. Gusto kong makita kahit sa larawan man lang.”

“Sige. Mga bandang alas-diyes ako aalis habang maganda ang sikat ng araw.  Baka kasi umulan nanaman mamayang hapon.

“Okay dad. Teka, magluluto na ako ng breakfast natin. Ipagluluto rin kita ng babaunin mo para mamaya. Lover boy… meron ka pang beer in can sa ref kung gusto mo magbaon.”

Pinagmasdan ko si Elena habang naglalakad papuntang kusina. Mabuting siyang tao, marami siyang katangiang maganda. Alam mo rin iyan dahil mas matagal na kayong magkakilala. Wala akong maipintas sa kanya dahilan para ang mga magulang ko ay magustuhan siya. Kaya nga kinukurot ang konsensya ko dahil sa mga nangyayari.

**********

Pagkatapos naming mag-agahan eh inihanda ko na ang mga gamit ko. Muli akong lalabas ng  bahay para  makakuha ulit ng mga pictures at videos. Bago ako lumabas e binilinan ko si Elena na i-charge ang laptop ko.

Nginingitian na ako ng mga taong nadadaanan ko sa labas. Baka nabalitaan na nila na ako ang mapapangasawa ni Elena. Kinakawayan ko sila’t ginagantihan rin ng ngiti.

At nakarating ako sa lugar na puwede ko nang simulant ang pagkuha ng mga pictures at videos. Bukas na ang unang beer in can na iinumin ko. Nakapasak na rin sa tenga ko ang earphone at sinimulan ko nang muling i-sing along ang mga kanta ng Air Supply. Dahil sa iyo ay nagkaroon na ng kahulugan sa akin ang kanta ng Air Supply na “Here I Am.” Tumitimo sa akin ng matindi ang mga linyang “those thoughts of you keep taunting me.”

Sulit na sulit ulit ang labas ko na iyon. Napadami kong nakuhang larawan. Nang tignan ko oras sa aking cell phone ay napagtanto kong halos tatlong oras na pala akong lakad ng lakad.

At nakita kong muli ang hagdan-hagdang palayan. Mas maganda palang pagmasdan ang mga ito kapag tinatamaan ng sinag ng araw.

Bumilis ang lakad ko ng matanaw ko na ang kubo. Impokrito ako kung hindi ko aamining nagbakasali akong makita kita doon. Nang malapit na ako’y may mga kaluskos akong narinig mula sa loob ng kubo kaya halos eh takbuhin ko na ito. Umaasa ako na nasa loob ka. Sumilip ako sa nakabukas na bintana at nakita kong  mga dagang bukid lang pala na nasa ibabaw ng lamesita .

Wala ka doon. Nanghinayang ako pero ayos lang. Inisip ko na baka  nga okay na kayo ng asawa mo, ng magiging bayaw ko. Ayaw kong sabihin na sana ay naayos na ninyo ang inyong mga problema. Aaminin kong ayaw kong mangyari iyon.

sad rain 2

Naiinis ako dahil ikaw na nanaman ang nasa isip ko, si Elena ang dapat kong isipin hindi ikaw. Wala namang tayo dahil may asawa ka na, kahit ba  live-in lang kayo.

Lumayo ako ng kaunti sa kubo at katulad ng kahilingan ni Elena ay kinuhanan ko ng larawan ang kubong naging pugad ng ating kataksilan.

Pagkatapos niyon ay nakaramdaman ako ng malamig na simoy ng hangin. Sumunod doon ang pagtatago ng araw sa likod ng mga ulap. Nagbadya nananamang umulan. Pero sa pagkakataong iyon ay may dala na akong payong. Pinillit ako ni Elena na dalhin iyon at baka nga umulan nanaman.

Nagsimula nang umambon. Pumasok muna ako sa kubo upang kuhanin sa aking back pack ang payong. At lumakas na nga ang ulan. Puwede pa rin akong maglakad  sa labas kung gugustuhin ko pero sa dahilang pagod na din lang ako at gutom ay nagpasya akong manatili muna sa loob ng kubo sandali. Magpapahinga lang ako sandali at kakain at pagkatapos ay uuwi na rin ako, kahit umuulan.

Inilapag ko ang aking mga gamit sa kama at inilabas ko ang baon kong pagkain. May dalawa pa akong beer in can. Isa lang ang naubos ko at mukhang wala akong tama.

Lumakas ang hangin kaya isinara ko ang bintana ng kubo. Nang hihilahin ko rin pasara ang pintuan ay pumasok ka. Napakahirap paniwalaang  naulit nanaman ang pagkakataong iyon. Nagkita nanaman tayo sa loob ng kubo. Ang pagkakaiba lang eh hindi ka na basa ng ulan dahil may dala kang payong. May dala rin akong payong. Kapwa tayo may dalang payong pero bakit kahit isa sa atin eh hindi nagdesisyong tumuloy na lang ng paglalakad para hindi na lang tayo nagkita doon ulit.

Nang magpanama ang ating paningin ay wala na tayong kinaylangang sabihin. Niyakap mo ako at nang magdikit nanaman ang ating mga katawan ay nagliyab ang hindi maitantangging pananabik natin sa isa’t-isa.

Habang sa labas ay bumubuhos ang malakas na ulan sa loob ng kubo’y may sumabog nanamang bulkan.

**********

Pagkatapos niyon ay nagusap tayo.

“Ayaw ko ng makisama kay Daniel. Ayaw ko na dito sa Sagada.  Tulungan mo akong makaalis dito. Ikaw na lang ang pag-asa ko Jeff.”

Hindi ako kaagad nakasagot key Camille. Nasorpresa ako ng sabihin niya iyon.

“Jeff… dalhin moa ko kahit saan. Sasama ako sa iyo.”

“Ang ibig mo ba sabihin eh iiwan ko si Elena para magsama tayo?”

Kumalas ka sa pagyayakap sa akin. Bumangon ka’t naupo sa gilid ng kama.

“Jeff, ano ba ako sa iyo? May nararamdaman ka ba sa akin o isa akong piraso ng  karne na gusto mo lang tikman?”

“Camille…”

“Ganito ba lagi ang ginagawa mo? Mang-aakit ka ng babae tapos gagamitin  mo lang?”

“Eh ikaw ba Camille? Ano ba ako sa iyo? Panakip-butas? Iyong pagmamahal na hindi sa iyo kayang ibigay ni Daniel eh pilit mong kinukuha sa akin?

“Pagmamahal? Bakit Jeff, mahal mo ba ako?” Puwede bang magmahal sa ganoong kaikling panahon. Ilang araw na ba tayo magkakilala? Tatlo? Sa loob ng tatlong araw eh puwede mo na bang sabihin na mahal mo na ang isang tao?”

“Eh ako ba Camille… may nabuo ka na ba pagmamahal sa akin?”

“Paano kung sabihin ko sa iyong oo?”

“Paano kung sabihin ko rin sa iyong oo? Paano Camille kung sabihin ko sa iyong mahal na kita?”

Nang marinig mo iyon eh tumayo ka’t nagbihis  habang patuloy tayong naguusap.

“Wala palang problema kung ganoon.” Ang wika mo.

“Ano ang ibig mo sabihin?

“Jeff, nasa kamay mo ang desisyon. Bahala ka kung ano ang gusto mong gawin. Ako, sasamahan mo man ako o hindi, eh aalis na ako ng Sagada. Sumama ka gusto mo. Bukas  magkita tayo. Hihintayin kita dito ng hanggang alas-dos ng hapon.”

“Pero Camille…”

“Wala ng pero pero. Magdesisyon ka – ako o si Elena.”

Binuksan mo ang pintuan ng kubo. Malakas pa rin ang ulan. Hinangkan mo ako sa labi.

“Kung hindi ka darating bukas, iyan na ang huling halik kong matitikman mo.”

Pagkatapos niyon ay sinuong mo ang malakas na buhos ng ulan. Hindi mo na binuksan ang iyong payong. Nagpakabasa ka.

(To be continued…)

Tuwing Bubuhos Ang Ulan (4)

(4th of 7 Parts – A Novelette in Filipino)

sad rain 4

“Hoy Jeff… ate Camille… Bakit? Anong nangyayari? Magkakilala na ba kayo dati?”

“Hi… hindi. Ngayon ko lang siya nakita. Hello Jeff! Happy to meet you.”

“Same here.”

Iniabot mo sa akin ang iyong kamay. Kinamayan kita at hindi ko pa man napipisil ang  kamay mo ay binawi mo na agad ito na parang diring-diri ka.

Pagkatapos ay naupo ka mismo sa tapat ko na parang wala lang ako doon. Binabale-wala mo lang ako katulad nang ginawa ninoman sa mga taong hindi naman nila kilala. Napakalamig mo, ibang-ibang doon sa Camille na nakasama ko sa kubo.

Parang nasaktan ako pero naiiintidihan ko ang pagsisinungaling at pagkukunwari mo. Kung ako man ang unang nakapagsalita eh ganoon din ang sasabihin ko. Kapag sinabi mo kasing nagkita na tayo doon sa may kubo sa may hagdan-hagdang palayan, kahit hindi mo pa sabihing may namagitan sa ating dalawa, eh mabibisto ako ni Elena. Sinabi ko na kasi sa kanya na hindi ko pa nakikita ang lugar na iyon.

“Nasorpresa ako sa ang reaksyon ninyo kanina. Para kasing nagulat kayo pareho nang magkita kayo.” Wika ni Elena.

“Naku Elena, sa kisig ba naman ni Jeff eh kahit sinong babae ang makakita sa kanya sa unang pagkakataon eh magugulat talaga. Lalo na nga’t naka-shorts at sando lang siya oh. At tignan mo naman ang misis ko, pang beauty queen ang mukha at katawan. Kaya nagulat din si Jeff nang makita siya. Akala kasi ni Jeff na ikaw na ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa eh hindi pala. May mas maganda pala sa iyo – ang ate Camille mo.”

“Naku, kumana ka na naman Daniel. Magtigil ka na. Malay natin nagkita na sila noon at hindi lang nila matandaan kung kaylan at saan kaya ganoon ang reaksyon nila. Nangyayari talaga iyon.”

Nakayuko ka lang habang nakikinig sa usapang iyon. Napansin kong tinitignan ka ni Elena at pagkatapos ay sumusulyap din siya sa akin.

“O sige… sige… Kain na nga lang tayo.” Ang mungkahi ng nanay nina Elena.

“Oo nga para kami nitong guwapitong bayaw ko eh makapagsimula nang mag-inuman.”

“Mga anak, baka naman puwede kahit ngayon lang eh magpasalamat muna tayo bago kumain. Magapasalamant din tayo dahil  nakarating na dito sa atin si Jeff. Elena pangunahan mo ang pagdarasal.”

Nagsiyuko tayong lahat. Nakita kong nagsipikit kayo. Ako lang ang hindi. Pinagmasdan kita habang nagdarasal si Elena. Maya-maya’y nakita kong nagmulat ka ng mata. Tumingin ka sa akin. Mugto ang iyong mata. Ngumiti kang pilit. Ganoon din ang ngiti mo nang una mo akong nginitian sa kubo – pilit. Pero pinagaan ng ngiti mong iyon ang kalooban ko. Nginitian din kita at tinanguan.. Pagkatapos niyon ay pumikit kang muli. Pumikit din ako.

Masaya ako’t malungkot. Masaya ako dahil nakita kita ulit. Malungkot dahil sa sitwasyon, dahil sa pagkakataon. Hindi ko alam kung ano ang mga susunod na mangyayari.

Sa lahat ng problemang dinadala mo eh, nakaramdam ako ng awa.  At heto ako na mukhang dumagdag pa sa pasanin mo.

“Welcome to the family bayaw.” Iyon ang sinabi ni Daniel pagkatapos ng panalangin.

“O sige mga anak. Kain na tayo.”

“Tinolang manok, adobong baboy, piritong bangus, at chop suey…wow! Lakas mo Jeff kay inay ah. Apat na putahe. Sa akin kapag pumupunta ako dito eh magpipirito lang ng itlog at magbubukas ng sardinas ang inay.”

“Tama na daldal Daniel, kumain ka na lang.” Wika ng nanay nila.

“Ate… ano nga pala iyong sinasabi mong nangyari sa iyo kanina habang papunta ka rito?”

Napatingin ako sa iyo ng itanong iyon ni Elena. Tumingin ka rin sa aking bago mo ibanaling ang tingin mo kay Elena. Alam ko namang wala kang sasabihin tungkol sa atin.

sad rain2

“Doon kasi sa kubo kanina.”

Huminto ka sa pagsasalita.

“Ano ate? Ano ang nangyari sa kubo?”

“Ano kasi… parang may sumusunod sa akin habang naglalakad ako. Iyong lang naman.”

“Baka naman may isa sa mga taga-hanga mo na sumusunod sa iyo talaga kanina?” Ang sabi ni Daniel.

“Hay naku… kumain na lang tayo.” Wika ng nanay nila.

Habang kumakain tayo ay nakayuko ka lang. Tahimik na tahimik. Pinilit kong huwag mapako sa iyo ang aking paningin dahil baka mapansin iyon ni Elena eh magduda lalo at biglang nanamang umandar ang pagkaselosa. Alam kasi ni Elena ang mga ginawa ko bago kami naging magkasintahan. Alam ni Elena ang mga kahinaan ko. Alam niyang hindi ako santo… na ako’y tao lang… hindi banal.

“Dad oh…”

Sinubukan ni Elenang subuan ako ng atay ng manok. Hindi ko puwedeng tanggihan.

“Alam ko paborito mo ito.”

Napakatingin ka sa akin habang ako’y sinusubuan ni Elena. Sandali lang iyon. Binawi mo kaagad ang tingin mong iyon. Aywan ko kung may naramdaman ka ba, kung nagselos ka ba.

“Camille,” ani Daniel, “ang sweet nila oh. Baka naman ako puwede mo ring subuan.”

“Ay Daniel magtigil ka. Matapos mong away-awayin itong asawa mo eh aaasta ka ng ganyan. Kung ako si Camille eh lason ang isusubo ko sa iyo.”

“Inay naman eh. Bati na po ni Camille. Nag-sorry na po ako. Di ba ma?”

Ganoon lang ba iyon? Kung totoo lahat ang narinig ko  mula kay Elena tungkol sa mga ginagawa ng asawa mo eh sa palagay ba niya sa simpleng sorry lang mapapatawad mo na siya?

Tumango ka bilang tugon. Pero  parang pilit. Kitang-kita ko kung paano nangilid ang luha mo ng matapos sabihin iyon ng biyenan mo… ng magiging biyenan ko. Nahabag ako sa iyo. Kung puwede lang eh papahirin ko ang luha mong iyon o hahawakan kita sa kamay para gumaan ang pakiramdam ko.

Ginawa ko ang puwede kong gawin. Sinubukan ko lang. Nagbakasali akong okay lang sa iyo. Ipinatong ko ang paa ko sa paa mo sa ilalim ng mesa. Medyo parang umigtad ka noong una pero hindi mo iginilaw ang iyong paa. Hinayaan mo lang na nakapatong doon ang aking paa.

“Okay ka lang ate Camille?”

Parang nagulat ka ng tanungin ka ni Elena. Ako man eh parang  ganoon din. Iniurong mo bigla ang paa mo. Pero sandali lang eh naramdaman kong ipanatong mo ito sa paa ko. Paa mo naman ang nasa ibabaw ng paa ko. Bigla ko tuloy naalaala ang mga nangyari sa kubo… lalo na nang nagpumilit kang…

At pagkatapos niyon ay nagkiskisan tayo ng mga daliri natin sa paa. Mula sa mga panakaw na sulyapan natin ay napansin kong parang umaliwalas ang mukha mo. Nawala ang lungkot mo at naging magana kang kumain. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya noon.

Hinayaan nating sina Daniel, Elena, at ang kanilang ina ang nagsalita nang nagsalita habang tayo’y kumakain. Paminsan-minsan lang tayong sumasabat dahil abala tayo sa ginagawa ng mga paa natin sa ilaim ng lamesa. Ginawa natin iyon hanggang matapos tayong kumain.

**********

sad rain

Pagkatapos nating kumain ay nagsimula na kaming mag-inuman ng asawa mo habang  tinulungan ninyo ni Elena ang kanilang ina na maglinis sa kusina at maghugas ng mga pinggan.

Bago kami uminom at magkuwentuhan ay binukasan ni Daniel ang clutch bag at inilabas  ang isang kalbre .45. May nasilip akong parang maliliit na sachet sa loob ng bag. Malamang na drugs ang mga iyon. Patay malisya ako, kunwari ay hindi ko nakita. Nililinis ni Daniel ang kanyang baril habang umiinom. Mabilis tumagay si Daniel. Parang soft drinks lang kung inumin nito ang alak. Halatang batikan siyang manginginom. Ayaw kong sabihing alcoholic siya pero parang ganoon na nga. Ako nama’y hinayaang niyang tumagay kung kaylan ko gusto.

“Heto bayaw sikreto natin ha, kahit sina inay at Elena hindi ito alam. May napatay na ako gamit ang baril na ito. Siguro mga dalawang taon na ang nakakaraan. Malinis na malinis ang pagkakagawa ko.”

Nakinig lamang ako sa kuwento ng asawa mo. Maaring totoo ang sinasabi niya at maari din namang kuwentong lasing lang.

“Alam mo kung bakit ko pinatay iyong tao? Nabalitaan ko kasing gustong-gusto daw niya si Camille. Nakita ko minsan noon habang nagbabakasyon ang asawa ko dito sa Pinas na magkausap sila. Kaya humanap ako ng tiymepo para kanain siya. Bago ko siya pinagbabaril eh sinabihan ko muna na ang kay Pedro ay kay Pedro, ang kay Juan ay kay Juan.”

Sinabi pa sa akin ni Daniel ang pangalan ng napatay niya at hinamon niya akong i-check ko and record sa munisipyo ng Sagada para maniwala ako.

Matapos ang halos isang oras siguro eh  nagpuntahan na kayo sa terrace, kasama mo sina Elena at ang inay.

“Daniel, magusap-usap nga tayo sandali.” Wika ng nanay nila.

“Ano ba kuya, itago mo nga ang baril na iyan. Baka pumutok iyan.”

“Okay…okay.” Sagot ni Daniel sabay silid ng kanyang baril sa kanyang clutch bag.

“Daniel ano ba ang nangyayari sa inyo ni Camille? Bakit ba hanggang ngayon eh sinisisi mo pa siya sa hindi niya pag-alis noon papuntang Italy?”

“Inay, kung hindi ba naman gaga iyang si Camille eh ‘di sana nakabalik pa siya doon. Tignan nga ninyo oh, wala akong mabentahan ng mga inaani kong gulay dahil sa lockdown. Hindi ko maibiyahe palabas ng Sagada ang mga gulay. Kahit sana papaano eh may source of income kami kung bumalik siya sa Italy.”

“Bakit ba hindi mo maintindihan na takot na akong bumalik doon dahil sa covid. Ayaw ko nang magtrabaho doon. Baka kung mapaano ako.”

Umiiyak ka na ulit ng sabihin mo iyon. Awang-awa ako sa iyo at inis na inis ako kay Daniel. Gustong-gusto ko nang sumabat pero pilit kong pinigil ang sarili ko.

“Eh bakit si ate Nancy nandoon pa rin at buhay pa.”

“Kuya Daniel, huwag mong pilitin si ate Camille na bumalik doon kung ayaw na niya. At iba ang sitwasyon ni ate Nancy, may boyfriend siya doon kaya mas gugustuhin niyang manatili doon.”

“Lintik!!! Pinagtutulungan ninyo ako.”

“Malaki na ang ipon natin. Iyong ipinapadala ko sa iyo buwan-buwan sa loob ng limang taon ay sinabi kong i-bangko mo para kako may magamit tayong pang-negosyo. Kumikita ka rin naman sa taniman natin.”

“Oo nga naman Daniel. Nasaan ang pera ninyo. Magkaano ang naipon mo sa bangko?” Ang tanong ng kanilang ina.

Hindi makasagot ang asawa mo. Ikaw nama’y umiiyak lang, pailing-iling.

“Daniel, anak, magtapat ka sa akin. Totoo ba na kinabit mo iyong asawa ng isang OFW doon sa baranggay ninyo? At sa kanya mo inubos ang perang ipon ninyo?”

Panandaliang tumahimik. Walang nagsasalita. Maya-maya’y biglang tumayo si Daniel. Hinila sa kamay si Camille.

“Halika na, umuwi na tayo.”

“ARRAYY…bitiwan mo nga ako. Ayaw kong sumama sa iyo.”

“Daniel, bitiwan mo ang asawa mo. Napakawalanghiya mo.”

“Inay… huwag po ninyo kaming pakialaman… wala sa inyo makikialam.”

Hawak ni Daniel ang clutch bag na naglalaman ng baril. Idinuro iyon sa amin habang sinasabi niya iyon. Kitang-kita ko kung paano kang puwersahang ipinasok ni Daniel sa likuran ng kanyang kotse.

Wala ring akong magawa kundi ang kaawaan ka.

Bago humarurot palayo ang kotse ay nakasulyap ka pa sa amin. Parang humihingi ka ng tulong. Hindi ko alam kung sa akin ka direktang nakatingin, kay Elena ba, o sa kanilang nanay. Pero pakiramdam ko ay parang hinihiling mo sa pagkakataong iyon na saklolohan kita. Pero ano ba ang puwede kong gawin?

(To be continued…)

%d bloggers like this: