FB Frens – 3

Bianang, 03-07-10

FB

FACEBOOK-isang paraang uso ngayong ginagamit
sa mga kaibiga’t kamag-anak na matagal ng hinahanap
sari-saring larawan dito rin matutunghayan
kasama na ang mga itinatagong kaalaman

dahil dito sa facebook aking natuklasan
kapatid kong si Banjun may kakaibang kakayahan
paggawa ng tulang kahit ni minsan
hindi akalain kanyang magampanan

ako ay lalo pang namangha
kapatid ko ay mayroon palang katulaan
isa ding hindi ko inaasahan
matalik na kaibigan sa kanyang kabataan

mga tula ng dalawang ito ay nakakaaliw
hindi nakapagtatakang ama ko ay nahaling
diyata at pati ako na hindi marunong
gumawa ng tula sa kanila’y pabirong nagtanong

ha..ha..ha..kapatid ay agad sumagot
nagbigay ng payo at kung anong nararapat
gayundin naman itong kaibigan niyang si Ching
sa tula ipinaabot ang hangaring makatulong

nakakatuwa ang dalawang ito
walang atubili ibinahagi ang kanilang talino
bakit nga ba hindi sumubok
wala namang mawawala bagkus matututo

isa, dalawang tula (kapiranggot nga lang) ako’y nakabuo
ngunit sa pangatlo nagulantang ako
akalain ko bang ang dalawang pilyong ito
sa tulaan hamunin ba naman ako

itong si Ching binalaan ang kapatid ko
pagdating ko daw ay paghandaan nito
inihalintulad pa ako sa bagyong galing pasipiko
mahina sa umpisa pagbagsak sa lupa daig pa malalaking bato

si Banjun naman kay Ching ipinaabot katagang ganito
hindi pahihintulutang siya ay maitumba ko
sapagkat ako daw ay di hamak na mas matanda
sa pagkaulyanin ay ssiguradong mauuna

sinabi pa ni Ching baka raw ako ay pumayat (sana nga)
sa paggawa ng tula ay mukhang napupuyat
hunta ni Banjun ubusin ang laman ng pluma
subalit tirhan ng papel ang anak kong si Maraya

itong dalawang magagaling na makata
di man umamin hinala ko’y sa akin nangangamba
payo ko sa kanila ay magsipaghanda na
sapagkat bubuwelta na itong si Bianang Taba

Advertisement
%d bloggers like this: