Limang Taon Na… Limang Taon Pa Sana

15230588_10154742196094844_1736197831389088062_nMahigit limang taon na pala ako dito sa South Korea. Salamat sa Dakilang Maykapal sa pagkakataong ito. Mahaba-habang panahon na rin akong nagtatrabaho dito bilang guro sa isang unibersidad. Sana’y kaloobin ng Panginoon na manatili ako dito ng mas matagal pa.

Napakagandang oportunidad para sa akin na makapagturo dito. Hindi lamang dahil sa sahod. Alam na ng lahat na mas mataas ang kinikita ng mga “professionals” na nabigyan ng pagkakataon na sa ibang bansa makapagtrabaho. Dito kasi, bukod sa  pagtuturo ay nakakapagsulat ako. Napakahalagang bahagi ng buhay ko ang pagsusulat – isang bagay na napakahirap gawin sa Pilipinas dahil  maghapon ang trabaho. Kung school administrator ka pa, katulad ko noon, ay kakainin ng trabaho mo pati ang gabi. Kung may accreditation eh pihadong nanakawin nito maging ang madaling araw mo. Minsan (o kadalasan?), maging Sabado’t Linggo eh may mga gagawin pa rin. Kaya sa Pilipinas hindi ako nabigyan ng oras ang hilig ko sa pagsusulat.

Dito sa South Korea eh magtuturo lang ako ng walong (8) 2-hour subjects sa loob ng isang linggo at naglalagi sa office ko ng dagdag na tatlong (3) oras para sa student consultation at paperwork. Ang bawat 2-hour subject pa eh kaylangang ituro lang ng 100 minutes. Apat na araw lang ang pasok ko, dalawa doon eh half-day pa.

Kaya napakadami ng oras ko para makapagsulat. Sa dami nga ng bakanteng oras eh may panahon pa akong makapag-basa at pag-aralan  ang mga gusto kong matutuhan. Dito nga eh natuto akong gumawa ng sarili kong website kung saan lahat ng mga katha ko eh doon ko ipina-publish.

Hindi swerte ang naghatid sa akin sa bansang ito. Hindi ako naniniwala sa swerte. Nagsunog ako ng kilay at naglaan ng panahon para dito. Gumastos ako’t nagsakripisyo. Pinaghandaan ko ito’t ipininalangin ng taimtim. Ang maging ESL teacher at makapagturo sa ibang bansa ay bahagi ng “career path” na inilatag ko para sa aking sarili maraming taon na ang nakakaraan.

Nasa crossroads ako noong taong 2011. Kung totoo ngang may mid-life crisis ay iyon na marahil ang pinagdaanan ko noon. Naramdaman kong may mga drastic changes akong dapat gawin sa buhay at sa aking propesyon. Napakarami kong tanong noon at alam kong ang kasagutan eh wala sa Pilipinas. Dalawang taon pa ang lumipas bago sa wakas eh  napunta ako dito sa South Korea.

Maramin akong inaplayang universities sa ibang bansa noong 2011 hanggang 2012. Kadalasang native speakers of English na mga guro ang hinahanap nila. Pero alam ko ring may ilang Pilipino na nagtuturo ng English sa ibang bansa kaya hindi ako sumuko sa paghahanap. At sa wakas, matapos akong mabigo sa 2 personal interviews para sa 2 universities sa Middle East, sa pangatlong pagkakataon, isang university sa South Korea ang nagbukas ng pintuan at ako’y pinatuloy.

Heto nga’t naka-limang taon na ako. Nagtuturo ako hindi lamang ng English. E-1 visa holder ako kaya pwede rin akong magturo ng content subjects. Sa kasalukuyan ay pinagtuturo din ako ng university namin sa Graduate School nito. Hindi lamang mga Koreano ang tinuturuan ko, maging mga foreigners man. May mga PhD at MBA students ako na galing sa mga bansa sa Africa as iba’t-ibang sulok ng Asia.

Dalawang beses akong nakakauwi ng Pilipinas sa isang taon – tuwing winter at summer break dito sa South Korea. Bayad kaming mga professors na nagtuturo sa mga universities sa bansang ito sa buong isang taon kaya kahit bakasyon eh tuloy ang sweldo namin.

Sa isang taon eh katumbas ng tatlong buwan na nasa Pilipinas ako kapiling ng mga mahal ko sa buhay. At kapag nandito naman ako eh mula umaga hanggang aki’y gising  na nakabukas lang ang aking Skype kapag wala akong pasok. Kaya hindi ako tinatalaban ng homesick. Hindi rin ako dinadalaw ng inip dahil sa lakas ng internet connection eh napakadaming pelikula ang pwedeng ma-download at napakadaming educational and motivational videos na pwedeng panoorin sa YouTube. Dagdag pa na alam ko kung paano hanapin sa Internet ang mga live na palabas ng paborito kong NBA. At kung ayaw ko naman manood eh may sariling gym ang university na pwede kong puntahan at mga hiking trails sa mga bundok na pwedeng lakaran. May hideway ako sa isang bundok dito kung saan ako minsan nagbababad para magbasa, magsulat, uminom ng beer mag-isa, at matulog.

Pangalawang tahanan ko na ang South Korea. Kapag kinaloob nga ng Panginoon ay gusto kong maka-limang taon o higit pa na makapagturo dito. Totoo ngang “Land of the Morning Calm” ang bansang ito. Dito ay kumalma ang katauhan ko. Natutuhan kong maging mahinahon, maghinay-hinay. Dito ay natuto akong mag-isip ng maayos bago gumawa ng desisyon. Nagkaroon ng mas malinaw na direksyon ang aking buhay dito.

Dito, dahil nga sa nakakahalubilo ko ang mga taong iba’t-iba ang wika at kulay ng balat ay natutuhan ko ang mas malalim na kahulugan ng respeto sa kapwa-tao.

Dito sa South Korea ay mas nakilala ko ang aking sarili. Higit sa lahat, natutuhan ko kung paano  manalangin ng mas taimtim.