Ang Mga Hunyango

(Sa Piling Ng Mga Hayop – 2)

Di ba’t sa gubat na aking pinuntahan
Mga HAYOP doo’y aking nasumpungan
Sila na nga’y ating nang napagkwentuhan
Unggoy, ahas, talangka… h’wag kalimutan

Heto’t tulang iyon aking dudugtungan
Isang HAYOP… kilatisi’t pag-aralan
Dapat alamin taglay na katangian
HAYOP na ito’y dagling ninyong iwasan

HAYOP na ito HUNYANGO  kung tawagin
Kulay ng balat madaling pagpalitin
Sa harapan, ika’y kanyang pupurihin
Pagtalikod mo saka ka titirahin

HAYOP na ito kay galing na magpanggap
Kapag tao’y wala saka bumabanat
Kung ang binabatikos  biglang humarap
Para namang asong buntot nakabahag.

Kapag  eleksyon sila’y  naglalabasan
Kandidato pangako’y susuportahan
Hunyango’y bibigyan tiglilimang-daan
Ngunit kalaban kanila ring hihingan

Ganyan ang  hunyango kulay ay nagpapalit
Sa may pakinabang doon kumakapit
Basta’t manatiling pula ang gilagid
Sa kaunting pera dangal ipagpapalit.

Sa hayop na ‘to meron pang kakaiba
Maliit ang katawan dila’y mas mahaba
Kaya pala ito’y  matabil… madada
Buhay ng iba s’yang pinapaksa

Kukulayan ang sarili bilang  kaybigan
Syempre siya nama’y  pagkakatiwalaan
Sikretong malupit na kanyang nalaman
Ipagkakalat sa buong sambayanan

Kulay ng hunyango kay hirap hulaan
Siya ba’y kaaway o isang kaybigan
Butiking switik ikaw ay kakapitan
Kung batid n’yang sa  ‘yo’y makikinabang

Hayop na itong dila’y may kahabaan
Butiking ‘pag sikreto mo’y nakapitan
Humandang bayan ika’y pag-uusapan
Baho’y mabubunyag nang ‘di nalalaman

Advertisement

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: