Blog Archives
Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 6B
Chapter 6B
“Sa Gitna Ng Libingan”
Kasunod nito ang mga alulong at ungol—ang mga sigaw ng mga Sutsot ay nagiging mga boses ng mga taong kilala at malapit sa amin: ang aming mga ina, ama, kapatid… kaybigan. Kopyang-kopya ng mga Sutsot ang boses ng mga mahal namin sa buhay. Lubos man ang pananabik namin sa kanila ay hindi kami puwedeng lumingon.
Habang naglalakad kami, ang mga Sutsot ay sumusunod—nakadapo sa mga sanga, tumatawid sa mga tulay na baging. Nasusulyapan ko sila kapag bahagya kong itinitagilid ang aking mata sa kaliwa’t kanan. Isang bagay ang napansin ko. Ang madalas gayahin ng mga Sutsot ay ang boses ni Adam.
“Sa awa ng Diyos, makikita ko uli ang kapatid ko,” deklara ni Tomas.
Tomas, naniniwala ka ba talaga na may Diyos?—boses iyong ng tatay ni Tomas.
Hindi na sumagot si Tomas. Tanging ang tunog ng nagngangalit niyang ngipin ang aking narinig.
Talaga lang ha. Hindi ka sumasagot. Kunwari cool na cool ka lang. Pero ramdam ko ang galit at panggigil mo. Sige Tomas. Kailan mo naramdaman na ang Diyos ay tunay na gumagabay at nagmamahal sa’yo?
Napaisip ako, ganoon din maraghil ang mga kasama ko. Ang tanong na iyon ay hindi lang para kay Tomas. Ito’y tanong para sa aming lahat.Sinusubok ang aming pananampalataya.
Naniniwala pa ba kami sa Diyos?
Sasabihin ko ito sa inyo, mga tao ulol… Sa tingin niyo ba ay maililigtas kayo ng inyong Diyos? Wala Siyang pakialam sa inyo. Iyan ang dahilan kung bakit ang bawat taong tumapak sa islang ito ay hindi na nakabalik, sa loob ng daan-daang taon. Kahit isa. Tingnan ninyo… pinabayaan na kayo ng inyong Diyos. Hinayaan Niya kayong maging pagkain namin. Thank you, Lord… Thank you, Lord.
Ang boses na iyon mula sa isang Sutsot ay iba. Ito’y kakaiba. Hindi boses ng isang tao. Boses iyong ng nilalang na galing sa impyerno.
AMMMEEENNNN… AMMEEENNNN
Parang tinutuya ng mga demonyo ang pananampalataya ng mg Kristyano. Sinundan iyong ng mga tawang at hiyawan. Tinakpan ko ang aking mga tenga, pero tumatagos ang kabastatusang ginagawa ng mga halimaw..
Ang Diyos ninyo ay nandoon at kampanteng nakaupo sa kanyang trono, kasama ang Anak at ang Espiritu Santo, nanonood sa inyong pagdurusa. Wala silang pakialam. Naniniwala ba kayo na tutulungan nila kayo?
YES JESUS… YES JESUS…
Kumakapit kayo sa walang kwentang pag-asa. Walang kapangyarihan ang inyong Diyos, nakabahag ang buntot.
Ang huling boses na iyon—kay Adam.
“Nakakatawa kang demonyo ka. Walang kapangyarihan ang Diyos? Eh kaya nga kayo naitapon dito sa lupa dahil hindi kayo nagtagumpay labas sa kanya.” Wika ni Jasmine.
Wow, ipanagtatangol mo ang Diyos… nakaka-touch naman. Mas kinakampihan mo ang Diyos kaysa akin na kapatind mo… ha..
Hinigpitan ni Jasmine ang hawak sa kanyang rosaryo. Pumikit siya. Taimtim ang ginagawang panalangin
Sige, magdasal ka pa, ang sigaw ng isang pang Sutsot, ginagaya ang boses ng ina ni Daniel. Sa tingin mo ba ay maililigtas ka ng mga dasal mo? Bingi ang Diyos mo. Nag-aaksaya ka lang ng oras.
Sumama ako sa pagdarasal ni Jasmine.
Tingnan niyo si Willy, nagdadasal, patuloy nito, ang pinanggagalingan ng boses ay napakalapit lang sa akin. Sabihin mo sa akin, Willy—ilang dasal na ba ang sinagot ng Diyos mo? Nagkabati ba ang mga magulang mo matapos ang lahat ng gabing nakiusap ka para sa kapayapaan sa bahay niyo?
YES JESUS… YES JESUS
Pinigilan ba ng mga dasal mo ang pagkamatay ng kapatid mo sa liver cancer? At paano naman si Eve? Ipinagdasal mo rin ang pag-ibig niya, ‘di ba? Sabihin mo sa akin—nakikinig ba ang Langit noon?
Ang tawa ng Sutsot ay naging isang paos na hiyaw.
Bingi ang Diyos mo. At sino ka ba, Willy, para pagbigyan Niya?
AMMMEEENNNN… AMMEEENNNN
“Pati ba naman ang mga iyon eh alam din ng mga demonyong iyan ha Jasmine?” Ang tanong ko.
“Natatandaan mo pa ba ang sinabi ko kagabi?” Ang tanong ni Jasmine. “Dating anghel ang mga iyan bago sila naging demonyo. Taglay nila ang ilang kapangyarihan na taglay ng mga anghel. Kapag nakita na nila ang tao ay nalalaman nila ang mga kinikimkim mong sama ng loob, ang mga kabiguan mo sa buhay, at ang mga itinatago mong kasalanan.”
Tumigil sandali si Jasmine. Tumingin sa akin. “Sa isang tingin lang ay parang isang aklat na nababasa nila ang nakaraan ng isang tao. Pero nang itapon sila mula sa langit, nawala sa kanila ang isang kakayahan makita ang darating pa lang.”
Biglang muling nag-ingay ang mga Sutsot.. Pakiramdam ko ay nasa mismong itaas lang ng nilalalakaran namin.
“HAYOP KAYO!”
Sumigaw si Daniel at iwinasiwas ang hawak niyang pamalo sa mga tulay na baging nang buong lakas.
Napatingala si Daniel sa pinaghagisan ng hawak niyang pamala.
Naganap ang lahat sa isang iglap. Isang guhit ng itim na usok ang bumulusok pababa, diretso sa kanyang mata.
Pagkatapos ay bumagsak si Daniel. Ang kanyang katawan ay nangingisay; ang kanyang mga paa’t kamay ay pumipitlag sa lupa. Tumirik ang kanyang mga mata, at isang paos na ungol ang kumawala sa kanyang lalamunan—isang tunog na hindi nagmula sa tao.
Hindi namin malaman kung ano ang gagawin. Nalito kami sa bilis ng mga pangyayari.
“Laban, Daniel! Huwag mong hayaang maagaw ang katawan mo!” sigaw ni Jasmine, puno ng desperasyon.
Sinubukan ni Tomas na hawakan ang mga binti ni Daniel, pero kalaunan ay ay nasipa siya at gumulong sa tabi ko. Biglang tumayo si Daniel, ang mga mata ay dilat at ligaw. Sinasabunutan niya ang kanyang sarili, sinasampal ang kanyang mukha, at hinahampas ang hangin.
“Lumabas ka sa katawan ko! Lumabas ka!” sigaw ni Daniel, hirap na hirap.
Umiikot siya nang mabilis, ang kanyang katawan ay naging isang ipo-ipo.
Lumabas ka—akin na ang katawang ito! Boses iyon ng nanay ni Daniel. Ang katawang ito ay galing sa aking sinapupunan. Ibalik mo ito sa akin!
Bumagsak si Daniel, nangingisay sa lupa. Sa itaas namin, ang mga demonyo ay tumitili at tumatawa. Tuwang-tuwa silang pagmasdan ang paghihirap ni Daniel.
Pinilit ni Daniel na tumayo. “Tomas… patayin mo na ako. Please… tapusin mo na.”
Lalong lumakas ang tili ng mga Sutsot. Nakakarinding pakinggan ang ingay na likha nila.
“Sorry…” hingal ni Daniel. “Hinayaan kong kainin ako ng galit ko… nawalan ako ng kontrol.”
Pagkatapos ay naging tahimik siya. Sobrang tahimik.
Isang sandali pa, nakita ko ang isang malaking usok—parang usok ng sigarilyo—na lumabas sa kanyang mga mata. Iyon marahil ang kaluluwa niya.
Isang ngisi ang gumuhit sa mukha ni Daniel—hungkag, hindi natural. Umagos ang dugo mula sa kanyang mga mata. Dahan-dahan, ang laman sa paligid nito ay nagsimulang lumubog at matunaw, tila ba may kumakain sa mga ito mula sa loob.
Nakakasuka ang naririnig kong ingay mula sa katawan ni Daniel. Parang may napupunit na laman, parang may ginigiling na karne. Ang hungkag na mga hukay ng mata ay nakatitig sa akin. Ang katawan ni Daniel ay nanginginig, ang mga labi ay gumagalaw sa isang piping sigaw, habang ang bagay sa loob niya ay nagpapakasasa nang walang awa.
“Wala na si Daniel. Nakuha na ang katawan niya,” bulong ni Jasmine, garalgal ang boses.
Kaibigan ko siya. Sa isang iglap, nakita ko ang totoong Daniel sa likod ng mga nagdurugong matang iyon—nagsusumamo na palayain siya.
Nang walang kamukat-mukat , si Daniel—o ang bagay sa loob niya—ay sumugod sa akin. Ayaw gumalaw ng mga binti ko. Maging ang paghinga ay parang nakalimutan ko. Hindi halimaw ang nakita kong pasugod sa akin—kundi isang kaibigan na humihiling ng yakap.
Isang putok ng baril ang umalingawngaw. Bumagsak ang katawan ni Daniel, berdeng likido , hindi dugo, ang lumalabas sa sugat sa kanyang sentido. Agad siyang nilapitan ni Jasmine, itinusok ang kanyang kutsilyo sa dibdib nito.
Isa pang putok pa ang umalingawngaw. Si Tomas, habang nakapikit ang mga mata, ay nagpaputok pataas sa direksyon ng mga Suksok. Naghiyawan ang mga Sutsot. Isang bagay ang bumagsak sa mga sanga at umatras sa likuran ng mga puno.
Muling naghari ang katahimikan. Lumuhod si Tomas sa harap ng wala nang buhay na katawan ni Daniel. Patuloy ang pag-agos ng berdeng likido mula sa mga sugat. Sa sandaling iyon, naging malinaw: wala na si Daniel, at wala na rin ang Sitsit na kumuha sa kanyang katawan.
“Sorry, bro… sorry, bro,” paulit-ulit na sinsabi ni Tomas, umaagos ang luha sa kanyang mukha.
Ipinatong ko ang aking kamay sa balikat ni Tomas. “Bro, wala na tayong magagawa. Tapos na.”
Sandaling walang kumilos sa amin. Ang mundo ay tila lumiit sa bahagi ng lupang kumandong sa bangkay ni Daniel. Ang kanyang pagkawala ay tila isang bigat na hindi namin kayang buhatin. Ang isiping kasama pa namin siya ilang minuto lang ang nakalipas—tumatawa, nakikipagtalo, buhay—ay mas masakit pa sa anumang sugat. Ang pighati ay nanuot sa aming mga buto, habang ang isla mismo ay tila nagluluksa kasama namin.
At sa dulo ng isip ko, isang boses ang narinig—malalim, malayo, hindi maiiwasan.
Ang babala ni Kharon.
“Isa sa inyo ang mabubuhay para ibahagi ang kuwentong ito. Ang iba’y magiging plamuti sa kuwento.”
Naramdaman ko iyon—hindi bilang isang hula, kundi bilang isang katotohanang nagsisimula nang mabuo.
*****
Nanginginig na nagsimulang maghukay si Tomas gamit ang kanyang mga kamay. Alam ko ang ginagawa niya. Humahagulgol siya, at lumuhod kami sa tabi niya para tumulong. Huling beses ko siyang nakitang umiyak nang ganoon ay noong namatay ang tatay niya.
“Kasalanan ko ang lahat ng ‘to. Hindi ko sana kayo hinayaang sumama. Anong sasabihin ko sa nanay ni Daniel? Paano ko ipapaliwanag ‘to sa kanya?”
“Hindi na bata si Daniel. Isang matanda na siya na gumawa ng sariling desisyon,” sabi ni Jasmine.
“Kahit na. Idinamay ko ang mga kaibigan ko sa kamalasan ko. Isa sa kanila ang namatay dahil dito.”
“Kusang loob ang pagsama namin sa iyo. Hindi na kami mga bata. At kahit ayaw mo pa, magpupumilit kaming sasama. Hindi ka namin puwedent pabayaan.”
Sandaling hindi kami gumalaw. Tatlong taong pinagbuklod ng pagkawala, dumi sa ilalim ng kuko, dugo sa mga kamay, at pighating hindi kayang sukatin.
Pero hindi hinintay ng isla na matapos ang aming pagdadalamhati. Muling gumalaw ang gubat, ipinapaalala sa amin na ang kamatayan ni Daniel ay simula pa lamang.
Mababaw lang ang hukay pero malalim ang pighating nararamdaman namin sa pagkawala ng am ing kaybigan. Inangat ni Jasmine ang kanyang kutsilyo, nag-atubili lang ng isang saglit bago pinutol ang ulo ni Daniel.
“Sorry,” bulong niya. “Kailangang gawin ‘to.”
Naintindihan naming dalawa ni Tomas. Tumalikod siya, at ipinikit ko ang aking mga mata. Nang matapos si Jasmine, tinabunan namin ang katawan ni Daniel ng lupa at bato. Iyon ang ikalawang libingang hinukay namin sa araw na iyon.
Namayani ang katahimikan. Ang hamog ay parang balumbon ng kalungkutan na bumalot sa amin.
Inilibing namin si Daniel, pero pakiramdam ko ay naghuhukay din kami ng libingan para sa aming sarili. Ngunit sa gitna ng aming pagdadalamhati ay hindi namin puwedeng kalomutan na si Eve ang nasa isla at nahaharap sa matinding panganib. Hindi kami pwedeng huminto. At alam kong hindi rin titigil si Jasmine hangga’t hindi niya nahanap ang kanyang kapatid.
Hinawakan ko sa balikat si Tomas. “Kailangan nating hanapin si Eve habang may oras pa. Hinihintay niya tayo.”
Hindi na ako nag-atubiling malaman pa ni Tomas na katulad niya, gusto-gusto ko ring mahanap at tiyakin ang kaligtasan ni Eve. Mahalaga sa akin si Eve. Handa akong suungin ang ano mang panganib para sa kanya.
Sa gitna ng mga pagsubok at panganib na aming pinagdaanan at ang nakakalungkot na pagkawala ni Daniel, nalusaw na ang ano mang takot ko at pagaalinlangan. Tila ang mga ito’y sumama sa hukay ng aming kaybigan
At dito, kung saan ang kamatayan ay nasa likod lang namin, wala talagang puwang ang takot at pag-aalinlangan. .
Bago kami nagpatuloy, kinuha ko ang backpack ni Daniel. Tinignan ko ang laman nito. Nandoon ang kanyang lighter at ang inipon niyang gaas at mga mitsa ng mga gasera.
Ipinagpatuloy namin ang paglalakad sa gubat. Tatlo na lamang kami. Sa paglalakad namin ay aming tiniyak na hindi kami mabubulaga kapag biglaang sumalakay ng mga Sutsot. .
Criminal ka, Tomas. Pinatay mo ang sarili mong kaibigan, panunukso ng isang boses, perpektong ginagaya ang boses ni Adam.
Wala kang puso, Tomas. Kinuha mo ang buhay ng anak ko. Pagbabayaran mo ‘to, sabat ng isa pang boses—boses ngy nanay ni Daniel, puno ng galit at pighati.
Itinaas ni Tomas ang kanyang baril sa mga anino.
“Mga ulol!” sigaw niya. “Kapwa ninyo halimaw ang pinatay ko, hindi ang kaibigan namin! Kayo ang kumuha sa buhay ni Daniel. Magpakita kayo! Harapin niyo ako!”
Matapang ka lang dahil may baril ka. Pero tandaan mo, darating ang oras na mauubusan ka ng bala. At kapag nangyari ‘yun, humanda ka—dahil tayo na lang dalawa ang maghaharap.
Iba ang tono sa pagkakataong ito—hindi panggagaya. Iyon ang boses ng demonyong nagsalita noon. Maaaring si Berith nga iyon.
“Malakas ang loob mo dahil tao lang ako!” sigaw ni Tomas. “Pero ikaw—isinumpang anghel—kaya mo bang lumaban nang walang kapangyarihan? Nang hindi nagnanakaw ng katawan ng tao? Kaya mo bang lumaban nang patas?”
Isang nakakabinging atungal nanaman ang tumagos at dumurog sa mga puno, yumayanig sa lupa. Isa pa ang sumunod—mas matindi. Napakalapit lang nila sa amin.
At inihanda ko ang sarili ko sa koro ng mga tili at hiyaw na siguradong susunod.
At, dumating nga ito. Mas malakas. Mas nakakabingi.
Mag-ingat ka sa mga hinihiling mo, babala ng boses na kinopya is Adam.
Kung ang mga demonyong ito ay may pinuno nga, siguradong ang nanggagaya sa boses ni Adam iyon.
“Tatlo na lang ang silver bullets ko,” bulong ni Tomas.
“Kunin mo ang patalim ko kung kailangan.” sabi ni Jasmine.
Pero tumanggi si Tomas. “Huwag. Kailangan mo ‘yan. May mga bala pa naman ako.”
“Apat na sa mga kasama ni Eve ang nakita nating patay. Isa na lang, maliban kay Eve, ang posibleng buhay pa,” paalala ko sa grupo.
“Buhay o sinaniban!” balik ni Jasmine, nagngangalit ang mga ngipin sa panggigil habang hinihigpitan ang hawak sa kanyan patalim.
Muling pumasok si Eve sa isip ko—ang kanyang mukha, boses, ang paraan ng kanyang pagtawa. Paano kung nakuha na ng mga demonyo ang katawan niya?
Pilit kong iwinaksi ang isiping iyon. Hindi ko hinayaang kainin ako ng inisip kong iyon. Kaylangang manalig akong buhay at ligtas si Eve.
“At huwag mong kalilimutan ang kapatid mo,” mahina kong dagdag. “Tatlo pa sila. Maliban na lang kung ang bangkay na nilalapa ng mga lobo kanina ay isa sa mga kaibigan ni Eve… kung wala nang ibang nakarating dito sa isla bago sila.”
Ang mga demonyo ay patuloy na sinusubukang patingalain kami, umaasang mawala ang aming atensyon sa panganib.
Ang mga puno sa paligid namin ay nagsimulang kumaunti. Ang mga tulay na baging sa itaas ay naglaho na rin. Ang damo sa paanan namin ay napalitan ng baku-bakong batuhan.
Pagkatapos, sa isang hindi inaasahang pagkakataon, ang mga Sutsot ay tila umatras na, hindi na kami hinahabol. Bakit hindi nila kami sinundan sa bahaging ito ng gubat ay isang palaisipan. Para bang off-limits ito sa kanila. Pero imposible.
Pero bakit nga kaya? Marahil gusto lang nilang maging kampante kami nang sa gayon mas madali nila kaming talunin.
Ano man ang dahilan nila ay mahirap hulaan. Basta handa kami kung ano man ang susunod nilang gawin.
Chapter 7
“Sa Muling Pagtatagpo”
(Scheduled posting: 01 -17 -26)
Tuwing Bubuhos Ang Ulan (Audiobook)

I tried to see if I could create an audiobook. I just did. I created an audiobook out of one of my short novels written in Filipino. It’s a tragic love story. It’s not perfect but I gave it my best shot. One thing that I realized when I finished it is that I should have asked a lady friend or two to read the lines delivered by the female characters in my story. I undertook this project just to make good use of my free time here in South Korea. Doing creative work is the best way to overcome boredom.
Ang Sumpa (Part 1)
(A Novella in Filipino)

Papalubog na ang araw. Nagsisimula nang gumapang ang dilim sa paligid. Nagsisihapon na ang manok sa mga punong nakapaligid sa aming bahay. Isa-isa na ring nagsisipag-paalam ang aming mga bisita. Ilan na lamang ang natira sa kanila kasama ang ilang mga kamag-anakan namin.
Masaya ang maghapong iyon. Maraming pagkain at inumin. Rumenta rin ako ng videoke para mas mag-enjoy ang mga bisita. Nagkakantahan sila habang kumakain. Ang iba’y nag-iinuman at ang ilan sa kanila’y sumasayaw kapag may kantang nagtutulak sa kanila upang umindak. May ilan rin sa mga bisita na nag-abot ng regalo kay Alfred. Ang iba’y sobre ang ibinigay sa kanya.
Pinagmamasdan ko ang aking kaisa-isang anak habang inaasikaso niya ang kanyang mga kaklase at mga kaybigang nagdatingan. Masigla siya at tawa ng tawa. Panay nga ang kuha ng selfie kasama ang mga bisita. Pihadong mamaya o bukas eh babaha nanaman ng pictures sa Facebook ng anak ko. Ipinalangin ko na sana ay ganoon siya palagi. Sana pagkatapos ng araw na iyon ay walang magbago sa takbo ng buhay niya… sana ay walang magbago sa takbo ng buhay naming mag-anak.
“Kuya, mukhang hindi ka yata uminom ngayon. Nakakapanibago ah. Parang pang balisa ka.” Si Pol iyon, pinsan ko.
“Ha, eh pagod lang siguro ako,” tugon ko sa pagitan ng isang ngiting pilit.
“Ang dami mong inihanda para kay Alfred ah!”
“Siyempre naman, binata na ito mula ngayong araw na ito.” Sagot ko sabay akbay sa aking anak. “Alam mo naman ang tradisyon sa lahi nating mga Cervantes. Kapag unang kaarawan, ika-7, ika-13 at debu ng mga anak natin ay ipinaghahanda natin sila, di ba?.”
“O tito Pol, itay… picture-picture muna.” umakbay sa akin si Alfred sabay kuha ng picture namin gamit ang bagong cell phone na iniregalo ko sa kanya.
“Siyanga pala, next month eh debu naman ng unica hija ko. Huwag na huwag na hindi kayo pupunta ha.”
“Aba eh hindi talaga puwede na hindi kami pupunta. Magtatampo iyong inaanak ko,” sagot ng asawa kong si Sally na bigla na lamang sumulpot mula sa aming likuran.
“Aasahan ko yan! Pasensya na ulit kung iyong mag-ina ko eh hindi nakarating ngayon, may sinat kasi iyong inaanak mo kanina.”
“Okay lang iyon Pol. Tumawag kanina si kumare at nagpaliwanag,” ang sagot ni Sally.
“O papaano, ako eh aalis na at hayan oh papadilim na. Happy birthday na lang ulit Alfred. Iyong regalo ko, binuksan mo na ba?”
“Naku hindi pa po, mamaya ko pa siguro maaasikasong buksan mga regalo ko.”
“Okay… okay! Hoy batang tisoy, huwag ka munang manliligaw ha… hehe.”
“Wala pa po sa isip ko iyan tito.”
“Talaga lang ha. Iyong isang bisita mong dalagita kanina eh laging nakadikit sa iyo ah. Panay pa ang sulyap sa iyo.”
“Ha… eh…”
“O kitam hindi ka makasagot. O…o…biglang namula mukha mo ah.”
“Naku tito wala lang po iyon, napakababata pa po namin ano.”
“Okay…okay… sige… sabi mo eh!. Ay siya, lalakad na ako.”
“Sige po tito. Ingat kayo,” ang sagot ni Alfred.
Inihatid ko sa labasan ang aking pinsan at ilan pa sa mga bisita namin.
Habang pabalik ako sa loob ng bahay ay napansin kong may mga uwak na aali-aligid sa bahay namin. Napansin din iyon ng ilang mga bisita naming papalabas. Iyon eh binale-wala lang ng mga bagong kakilala namin subalit sa aming mga kaybigan na alam ang kuwento ng aming pamilya ay nabakas ko sa kanilang mukha ang pag-aalala.
Bawat huni ng uwak na marinig ko ay parang nagpapasidhi sa kabang aking nararamadaman at nagpapabilis sa paglalakad palayo ng ilan sa mga bisita namin.
Nagsimula na ang kinatatakutan ko. Kung kaylan pa naman na parang nanumnumbalik na ang lahat sa normal. Kung kaylan na parang nakalimutan na ng mga dating kapitabahay at mga kaybigan namin doon sa sityo sa barangay na aming pinanggalingan ang mga nangyari.
Naabutan ko si Alfred na naglalagay sa ilang supot ng mga pagkaing inihanda habang ang asawa ko’y patuloy sa pagliligpit ng mga ginamit sa handaan.
“O, saan mo dadalhin iyan?” tanong ng kanyang ina.
“Kay tito Mon po. Dadalhan ko siya ng makakain.”
“Ha! Gabi na, malayo iyon. Bukas mo na lang siya dalhan niyan!”
“Inay naman eh! Ngayon na po. Pleaasee!!! Magmo-motor naman ako eh.”
“Ay naku anak!”
“Pleaaasseee!!!” Ang nagsususumamong sabi ni Alfred sabay halik sa pisngi ng ina.
“Pero anak, baka mapaano ka. Dumidilim na oh.”
“Inay, hindi na po ako bata.”
“Hayaan mo lang si Alfred ‘nay. Binata na nga naman siya.” Pagkatapos kong sabihin iyon sa aking kabiyak eh bumaling naman ako kay Alfred. “Sige na anak, lakad ka na para makabalik ka kaagad. May pasok ka bukas kaya hindi puwedeng doon ka nanaman matutulog ha.
“Opo itay. Babalik po agad ako.”
“Huwag mabilis magpatakbo ng motor. Iyong bago na ang gamitin mo. I-check mo muna ang preno at ilaw bago mo paandarin” dugtong ko.
“Sir… yes sir!”
“Kunsintidor ka talaga. Wala pa namang lisensya iyang anak mo at napakabata pa.” Bulong sa akin ng aking asawa sabay kurot sa aking baywang.
“Responsableng bata si Alfred. Sanay na sanay na siyang magmotor. Naiaangkas na nga niya ako eh.” Ang sagot ko.
Habang isinusuot ni Alfred ang helmet ay may itinanong siya.
“Itay, iyon nga po palang sunog na mga bahay sa tabi ng bahay ng tito Mon… ano po ba talaga ang nangyari doon? Ang tagal nang ganoon ang hitsura ng lugar na iyon ah. Bakit kaya hindi na inayos ng mga may-ari.”
“Ha?! Eh…” Hindi ko inakalang itatanong niya iyong sa akin. Hindi ko malaman kung ano ang isasagot ko sa kanya.
“Naku… naku… Alfred lumakad ka na at gagabihin ka masyado. Saka na lang ikukwento sa iyo ng tatay mo iyan,” ang wika ni Sally.
“Ang gara ah… kapag tinatanong ko si tito Mon tungkol doon eh halatang ayaw niyang ikuwento kung ano ang nangyari. Tapos ang tatay naman eh parang nagulat ng nagtanong ako tungkol doon.”
“Alfred… sabi nang lumakad ka na eh!”
“Oo nga po inay, heto na nga po bababa na.”
“Ikumusta mo na lang kami sa tito Mon mo.”
“Sige po itay. Lalarga na po ako.”

Tungkol Sa Aking Pagsusulat
Madalas akong tanungin kung bakit ako nagsusulat. Bakit nga ba? Libangan ko lang talaga ito. Ako’y nagsisikap na maging mahusay na manunulat ngunit aaminin kong marami pa akong bigas na kakainin (matapos ko siyempreng isaing). Wala po akong ilusyon (Wala nga ba?) na maging tanyag sa larangang ito. Kahit na nga ba madalas kong sabihin sa mga estudyante ko sa “Literature” na pangarap kong mapagwagian ang “Nobel prize in Literature.” Biro ko lamang iyon. Sa “Palanca” nga hindi ako manalo-nalo eh sa “Nobel” pa kaya. Ilang beses na rin akong nagsumite ng entries sa “Palanca” pero nganga. Titigilan ko na ba? Siyempre hindi. Gusto ko lang talagang magsulat at masaya ako kapag ginagawa ko ito. At heto pa, medyo malalaki-laki na rin ang kinita ko sa pagusulat. Nalilibang na ako eh kumikita pa. Pero ang mga sinulat ko sa English ang binabayaran, lalo na kapag gumagawa ako (o tumutulong na gumawa) ng “research.” Medyo malaki ang tinatanggap kong bayad kaya sulit.
Kinaloob ng Panginoon na gawing daluyan ng biyaya Niya sa akin ang pagsusulat at kung kaloobin rin ng Panginoon na makilala ako sa larangan ng pagsusulat eh bakit naman hindi. At kung kaloobin niyang balang araw eh manalo rin ako sa “Palanca” eh ‘di wow. Malay mo eh masungkit ko rin ang “Nobel Prize in Literature.” Eh di dalawang wow na. Wow na wow! Si Bob Dylan nga na isang song writer (composer) at hindi talaga regular na writer ng mainstream prose and poetry at fiction ay nanalo. (Sabagay, ang kanta naman kasi ay tula kaya si Bob Dylan, isang musician, pero technically ay isa ring poet.) Pero mismong siya ay nagulat nang mapanalunan niya ang presitihyosong premyo at noong una ay ayaw nga niya itong tanggapin. Siya daw ay nanalo “for having created new poetic expressions within the great American song tradition.”
At ako, eh ano bang “something new” at kakaiba sa mga sinusulat ko na baka ituring na “new poetic expression.” Heto… TINULANG JOKES. Meron na bang mga makata at manunulat noon na gumagawa ng jokes nang patula? Malay mo ako ang nauna. Malay mo mapansin ito ng National Commission for Culture and the Arts at i-nominate nila akong maging National Artist dahil dito. Tama ka, nananaginip ako ng gising. In other words, nahihibang.
May mga TULA, MAIKLING KWENTO, MAIKLING NOBELA at SANAYSAY akong sinulat. May mga nasulat na rin akong mga DULA. May mga sinusulat rin ako tungkol sa mga karanasan ko dito sa South Korea. Tinipon ko ang mga naturan sa KUWENTONG KIMCHI (BUHAY OFW).
Dula ang entry ko nang sa unang pagkakataon ay sumali ako sa Palanca. Ang pamagat ng naturang dula ay “K-Drama.” Resulta? Nasabi ko na kanina – nganga. Hindi ako pinalad na manalo. Mula noong 2014 ay sumasali ako sa Palanca. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sinisikatan ng suwerte. Pero hindi ako marunong madala. Kaya taon-taon na sasali ako…hangga’t kaya ko pang pumindot sa keyboard ng aking laptop. Pero mula nang nagka-pandemya ay huminto muna ang Palanca sa kanilang patimpalak.
Ang mga akda ko ay simple lang. Patuloy akong nagsisikap upang mapagbuti ko ang pagsusulat. At ang paglikha ko ng website/blogsite na ito ay isang simpleng paglilibang lang. Nais ko lamang na maging produktibo. Ilan sa mga essays sa English na sinulat ko ay ginawan kong video essays. Naka-upload ang mga ito sa aking YouTube channel. Tama po, vlogger din ako at heto ang link patungo sa aking YouTube channel. Napakadami ko kasing libreng oras dito sa South Korea at bukod sa pagsusulat ay naghanap ako ng iba pang mapaglilibangan. At heto nga, ang paglikha ng sarili kong website/blogsite na siyang paglalagakan ko na aking mga sinulat at mga susulatin pa. Sayang at napakadaming mga sinulat ko noon na nangawala na kaya’t dito sa site na ito ay titiyakin ko na lahat ng aking mga likha ay mapi-preserve ko ang aking mga akda. Ang dahilan naman kung bakit ako ay nagdesisyon na mag-vlog ay upang isulong ko ang aking advocacy for self-improvement. Sa mga Pinoy ay hindi po popular na content ang self-improvement pero gusto ko lang talagang tumulong na ma-raise ang awareness ng mga kababayan natin sa kahalagahan ng self-improvement upang ma-achieve nila ang kanilang full-potential bilang isang tao.
Napakalaking challenge sa akin ang bumuo ng website/blogsite at YouTube channel dahil hindi naman talaga ko techie. Pero ano ba ang hindi puwedeng matutunan kung gusto mo talaga itong pag-aralan? At iyon ang ginaw ko – pinagaralan ko ang dapat kong malamam at matutuhan sa paglikha ng website at mga videos. Paunti-unti ay natututo ako.
Maraming salamat po at sana’y may makita kayo dito na magugustuhan ninyong basahin. Nais ko rin pong mabasa ang inyong mga komento upang malaman ko kung paano ko mas mapagbubuti ang pagsusulat. At kung may panahon ay dalawin sana ninyo ang aking YouTube channel.
Tuwing Bubuhos Ang Ulan (7)
(Last of 7 Parts – A Novelette in Filipino)

Hindi nanaman ako nakatulog halos dahil sa iyo. Kahit ganoon ang naging desisyon ko, kahit hindi kita sinipot upang magkasama sana tayong umalis ng Sagada eh aaminin kong may nararamdaman pa rin ako sa iyo. Hindi basta-basta na lang na biglang maglalaho ang pagtangi ko sa iyo. Sa maniwala ka o hindi, kung hindi lang buntis si Elena, eh magkasama tayong umalis ng bayang iyon.
Bumangon na ako nagtungo sa kusina. Iniwan ko sa kuwarto si Elena na natutulog pa. Nang makapagtimpla ako ng kape eh nagpunta ako sa terrace. Nandoon pala kayo ni Daniel. Nakita kong nakahilig ka sa kanyang balikat at siya nama’y nakahawak sa iyong baywang. May naramdaman ako, alam ko ang tawag doon – selos. Nang akmang babalik ako sa loob ng bahay eh napansin ako ng asawa mo.
“Oh bayaw, gising ka na pala.” Wika ni Daniel.
“Oo nga. Inagahan ko at ihahanda ko pa iyong mga gamit ko. Lalabas kasi ulit ako mamaya, pupunta ako sa Marlboro Hills.”
“Maganda nga doon bayaw, magsasawa ka sa pagkuha ng mga pictures doon. Pasensiya na nga pala sa abala namin sa inyo kagabi.”
“Wala iyon kuya.”
“Teka… ako nga pala eh mauuna na. Lilinisin ko kasi iyong taniman namin ng gulay.”
“Ah ganoon ba. O sige, ingat kayo kuya.”
“Ako lang ang muna ang aalis, dito daw muna si Camille. Susunduin ko na lang siya mamayang hapon.”
Bago umalis si Daniel ay hinalikan mo siya sa labi. Habang hinahalikan mo siya ay bakit ba naisipan mong tumingin sa akin? Yumuko na lamang ako. Bakit nga ba ako nakakaramdan ng selos?
Binuksan ko ang gate para sa asawa mo. Nang makaalis siya’y bumalik ako sa terrace.
Nang malapit na ako sa kinauupuan mo’y tumayo ka at bigla mo akong sinampal… dalawang beses… sa magkabilang pisngi.
“Bakit?”
Ang tanong ko sa iyo sabay tingin sa loob na bahay upang tiyaking walang ibang taong nakakita ng ginawa mo.
“Bakit? Bakkkittt? Hindi mo alam kung bakit? Kulang pa iyan sa panggagagong ginawa mo sa akin.”
Ang sumunod mong sampal ay nasangga ko na.
“Tama na Camille… tama na. Patawarin mo sana ako.”
“Putang-ina mo Jeff. Bakit mo ako ginanito? Sa halip na iahon mo ako mula sa kumunoy na kinahulugan ko eh lalo mo lang pala kong ilulubog.
Nagsimula kang umiyak. Dahan-dahan kitang iniupo.
“Camille… magpapaliwanag ako.”
“Hindi ko kaylangan ang paliwanag mo. Ikaw ang kaylangan ko. Puwede pa tayong umalis. Mamaya… o kahit bukas… kung kaylan mo gusto.”
“Sorry Camille… hindi natin puwedeng gawin iyan.”
Bakit hindi? Bakit?”
Umiling-iling na ako habang ako’y nakatingin sa iyo.
Tinadyakan mo ako sa paa.
“Umalis ka sa harapan ko.”
Lumakad ako papunta sa kabilang dulo ng terrace. Patuloy ka sa paghikbi mo. Naiintindihan ko kung bakit galit na galit ka sa akin. Gusto ko sanang magpaliwanag pero tingin ko hindi ka na makikinig sa akin.
Ilang saglit lang eh lumabas na rin ng kuwarto si Elena. Nakita niya tayong nasa terrace.
“Good morning ate Camille”
Nginitian mo lamang siya bilang tugon.
“Bakit mukhang umiiyak ka ate?”
“Wala, naalaala ko lang ang mga nangyari kahapon.”
“Ah, akala ko kasi inaapi ka ni Jeff kaya ka umiiyak.”
Tumawa si Elena pagkasabi niyon. Alam kong nagbibiro lang ang kasintahan ko. Tumingin ka sa akin bago mo nginitian si Elena bilang tugon sa kanyang sinabi.
Pagkatapos niyon ay tumabi sa akin Elena at hinalikan ako sa pisngi. Yumuko ka rin, katulad ko nang hinalikan mo si Daniel. Parang ayaw mong makita na hinahalikan ako ni Elena. Selos din siguro iyon.
“Parang namumula ang pisngi mo dad. Ano ba nangyari diyan.”
“Wala… nakamot ko lang kanina kaya namula.” Wika ko at para mawala doon ang atensyon mo ay nagtanong ako – “Ang inay, tulog pa ba?”
“Oo, hayaan lang natin siya, kaylangan niyang magpahinga para gumaling agad.”
Nakihigop si Elena sa kape ko.
“Ay… siyanga pala ate Camille… may good news ako sa iyo.”
“Ha!? Ano naman iyon?
“Dad ikaw na kaya ang magsabi kay ate Camille.”
“Oh. Bakit ako?
“Sige na dad… pleeeassseee!”
Atubili ma’y pinagbigyan ko ang kahilingan ni Elena.
“Camille… bu… buntis si Elena. 6 weeks na”
“Oww… talaga?”
“Yes ate Camille.”
“Wow… aba eh congratulations sa inyong dalawa. Magiging nanay at tatay na pala kayo niyan.”
Pinilit mong ngumiti habang sinasabi mo iyon pero kita ko sa mata mo na parang nanlumo ka nang marinig mo iyon. Hindi mo siguro napansin na ang isang braso mong nakapuwesto sa patungan ng kamay sa inuupuan mo’y biglang nalaglag. Hindi ko alam kung ang bagay na iyon ay napansin ni Elena.
“Thank you ate. Siyempre kukunin ka naming ninang… ‘di ba dad.?”
Tumango ako.
“Ah… sure… sure. Bakit naman hindi.”
Pagkasabi mo niyon ay parang gusto mong humagulgol lalo na nang parang batang itinaas ni Elena ang tshirt at inilagay ang kamay ko sa ibabaw ng kanyang tiyan.
“Sandali lang ha, papasok muna ako at hihiga ako ulit. Masakit ang ulo ko.”
“Ow… hangover iyan ate. Sige ate pahinga ka. Ako naman eh magluluto na ng agahan natin.”
Sabay kayo ni Elena na pumasok ng bahay. Siya’y nagputna ng kusina at ikaw naman ay sumalampak sa sofa sa salas. Nakatagilid ka patalikod sa kinalalagyan ko sa terrace kay hindi ko malaman kung natutulog ka ba talaga o umiiyak.
**********
Mula noon eh minsan isang linggo kayo pumuntan ni Daniel sa bahay. Kadalasang araw ng Linggo. Halatang umiiwas ka sa akin tuwing nandoon kayo sa bahay. Ni minsan hindi tayo nag-usap na tayong dalawa lang. Mabuti na rin iyon dahil ayaw kong madagdagan pa ang pagdududa ni Elena tungkol sa atin, kung nagdududa man siya.
Nasasaktan ako sa nangyayari. Hindi mo lang alam kung ano ang tunay kong nararamdaman sa iyo, damdaming pilit kong iwinawaksi alang-alang sa magiging anak namin ni Elena. Sa tingin ko ay naunawaan mo na kung ano ang dahilan kung bakit hindi kita pinuntahan sa kubo noon.
Ang magandang bagay na naging resulta ng hindi ko pagsipot sa usapan natin noon, bukod na sa walang pamilyang nasira, ay ang mga pagbabagong nakita ko sa asawa mo. Ang biyenan mo na magiging biyenan ko na rin mismo ang nagsasabi na ibang-iba na si Daniel. Kung totoo ang sinasabi niya eh hindi na siya tumikim ng alak mula noong araw na sana’y iiwan natin sila ni Elena. At siguro kung drugs iyong nakita ko noon sa clutch bag niya, marahil ay tinigilan na rin niya iyon.
Maganda ang naging panahon ng sumunod pang isang buwan at ilang araw. Hindi bumuhos ang malakas na ulan, manaka-nakang ambon lang at hindi pa nagtatagal. Kaya napasyalan namin ni Elena ang mga lugar na gusto kong puntahan para sa mga kaylangan kong pictures at videos. Pag-aalaga kay Elena at ang aking travel vlog ang pinagkaabalahan ko ng mga araw na iyon.
Iyong linggong susunod ang pinili naming schedule para sa pagpapakasal sa huwes dahil ang susunod na linggo doon ay uuwi na kami pabalik sa Pasig. Three months na noong buntis si Elena. Ang tatay at nanay ko at isang kapatid na lang ang dadalo dahil simpleng kasalan lang naman ang gagawin. Pagkapanganak na lang ang engrandeng kasal na ipinangako ko kay Elena.
**********
Araw ulit ng Linggo noon, dumalaw kayong muli ni Daniel sa bahay. Noon lamang muling kumilimlim ang kalangitan at umiihip ang malamig na hangin. Ayon sa balita, ay mayroong malakas na bagyong paparating.
Habang abala sa paghahanda sina Elena at ang kanyang nanay sa pag-aayos ng tanghalian at si Daniel naman sa nagpa-practice shooting sa likod bahay, ay nilapitan mo ako sa terrace. Hindi ko inaasahan iyon. Bago ka nagsalita eh luminga-linga ka pa upang tiyaking walang ibang nakikinig.
“Jeff… two weeks na akong delayed. Napakadalas kong mahilo at magsuka nitong mga nakaraan araw.”
Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa narinig ko.
“Bakit mo sinsabi sa akin iyan Camille?”
“Tarantado ka. Ikaw lang ang nakagalaw sa akin bukod kay Daniel at siguro naman eh nasabi na sa iyo ni Elena kung bakit kahit matagal na kaming nagsasama ng kuya niya eh hindi kami magkaroon ng anak.”
Alam ko namang baog ang asawa mo. Ayaw ko lang paniwalaan ang sinabi mo dahil kung totoo iyon eh napakalaking problema ang hinaharap natin. Mas gugustuhin ko pang nagiimbento ka lang ng kuwento para kuhanin ang atensiyon ko.
“Bakit hindi ka magtest para sigurado.”
“Mamaya, may dala nga akong pregnancy kit. Huwag kang magalala Jeff. Alam kong wala kang gulugod. Isa kang duwag. Kung buntis man ako’y hindi ako maghahabol sa iyo. Kaya kong harapin itong mag-isa.”
“Camille…”
“Huwag mo akong maCamille-Camille. Ang saya kung buntis nga ako di ba. Dalawa agad ang magiging anak mo next year. Parehong panganay. Ang galing mo.”
Iniwan mo ako sa terrace pagkasabi mo niyon.
Ang lahat ng sayang naramdaman ko ng ilang linggo, ang katahimikan ng kalooban at pagiisip, ay naglahong parang bula. Mula sa terrace ay nakita kong nagsimula ng umambon, maya-maya lang ay bubuhos na ang malakas na ulan at iihip na ang malakas na hangin.
“Dad… tawagin mo na si kuya Daniel sa likod. Sabihin mong nakahanda na ang tanghalian.”
Parang akong nakalutang habang ako’y naglalakad papunta sa likod ng bahay upang tawagin si Daniel.
“Kuya, kain na daw tayo.”
“Okay bayaw. Ikaw ba, gusto mo bang matutong humawak ng baril? Tuturuan kitang pumutok.”
Tumango na lamang ako dahil wala na ako sa wisyo. Lutang na lutang na ako. Ano ang mangyayari kung buntis nga si Camille. Ano ang mangyayari kung malaman ni Elena, ni Daniel, at ng nanay nila na ako ang nakabuntis kay Camille?
Nang makapasok kami sa bahay ay inilapag ni Daniel sa lamesita sa salas ang kanyang mga bala at baril.
Nagsimula nang umulan. Dumating na siguro ang bagyo.
“Naku Daniel… anak… Ingat lang kapag gumagamit ka ng baril mo ha.”
“Opo naman inay. Kaya ko lang naman inilabas ulit yan eh balak kong sumali sa isang shooting competition sa Baguio sa November.
“O puwede nang magsimula, kain na kayo mga anak.” Wika ng nanay nila.
“Teka, nasaan si Camille.”
“Nasa CR, parang masama ang pakiramdam. Mauna na daw tayong kumain.” Ang sabi ni Elena.
Tumayo si Daniel at nagpunta sa CR. Nakita ko nang itulak niya ang pinto. Bumukas, nakalimutan mo sigurong i-lock.
Hindi nga lang malinaw pero nauulinigan naming nag-uusap kayo ni Daniel sa loob. Matagal-tagal din bago lumabas si Daniel ng CR. Hindi ka kasama.
Lumapit si Daniel kay Elena.
“Sa iyo ba ito Elena.” Padabog na inilapag ni Daniel ang pregnancy test sa lamesa. Positive ang resulta.”
Napapikit na lamang ako dahil nangyari na ang isang malaking problemang hindi ako nakakatiyak kung malulusutan ko ba o hindi.
Ang kapalaran ay walang gulong… ang karma meron at pakiramdam ko ay malapit na akong magulungan. Ang inihagis kong boomerang ay pabalik na sa akin at mukhang hindi ko yata ito kayang saluhin nang hindi ako nasasaktan.
Sa bubong na yari sa yero ay parang mga batong tumama ang buhos ng malakas na ulan.
“Ha… hindi kuya… hindi ito sa akin. Matagal ko nang alam na buntis ako kaya hindi ko na kaylangang gumamit nito.”
Nakita ko kung papaano napapikit ang nanay nila Elena. Yumuko ito at umiling-iling.
Bago pa man makakilos ang sinoman sa amin ay nakuha na ni Daniel ang baril sa lamesita. Bumalik siya sa CR. Paglabas niya’y hila-hila ka sa buhok. Pilit kang kumakawala. Ano ang ginawa ko? Wala. Dapat eh ipinagtanggol kita. Tama ka, wala nga akong gulugod. Duwag nga ako.
“Anak, maghunos-dili ka.”
“Kuya… kuya.”
Ako’y parang tuod. Wala akong ginawa. Naghihintay na lamang ako kung ano uri ng kabayaran ang nakatakdang singilin sa akin sa lahat ng ginawa kong kabalbalan.
Dinala ka ni Daniel sa kuwarto namin. Kasunod kami pero ibinalibag niya pasara ang pinto. Hindi ito nagsara ng maayos. Papasok sana si Elena sa kuwarto.
“Walang makikialam!”
Naudlot ang pagpasok ni Elena. Siguro tinutukan siya ng baril ng kuya niya kaya umurong siya.
“Sino ang lalaki mo? SINO?
Pumutok ang baril.
“Diyos kong mahabagin.” Wika ng nanay nila na akma sanang papasok sa kuwarto subalit pinigilan ni Elena.
“Sino kako ang lalaki mo? Puta ka, kanino ka nagpabuntis.”
Wala kaming magawa sa labas ng kuwarto. Nakinig na lang kami at naghintay. Hinintay ko na lang na sabihin mo ang pangalan ko.
“Ano Daniel. Masakit di ba? Ganiyan kasakit ang naramdaman ko ng minsang sa mismong kuwarto natin mo dinala ang babae mo. Akala mo wala ako noon sa bahay. Sa palagay mo ilang beses ko ring nakita na pumasok ka sa bahay niya. Ang daming beses kitang sinundan dahil gusto kong mapatunayan ang tsismis tungkol sa inyong dalawa.”
“Hiniwalayan ko na siya ‘di ba? Nagbago na ako ‘di ba? Nangako akong aayusin ko ang sarili ko … ang buhay natin ‘di ba?”
“Huli na Daniel nang magbago ka. Nadumihan ko na ang sarili ko bago mo naisipang magbago. Nagmahal na ako ng iba bago mo naisipang magbago. Naiputan na kita sa ulo bago mo naisipang magbago.”
At muling pumutok ang baril… isa …dalawa… tatlo.
Tumahimik sa kuwarto. Tumahimik sa bahay. Ang ingay lang ng ulan na tumatama sa bubong ang nadidinig.
**********
“Tao po… tao po… ano pong nangyayari diyan.”
May mga taong dumating. Kinakalampag nila ang gate.
Nanginginig sa takot sina Elena at ang nanay niya. Magkayakap sila.
Binuksan ko ang gate.
Pumasok ang ilang kalalakihan.
“Aling Upeng… Elena… may mga putok kaming narinig kaya kami’y nagpunta dito.”
“Kapitan…” sagot ni Elena, “pumasok po kayo sa kuwarto.”
Itinulak ng isa sa sa mga lalaki ang pinto.
Tumambad sa amin paningin ang duguan mong katawan. Si Daniel nama’y nakasalampak sa isang sulok ng kuwarto. Iyak ng iyak. Nilapitan siya ni Elena at ng kanilang nanay.
“Anak, bakit mo nagawa ito.” Niyakap ng kanyang nanay si Daniel.
“Kuya, bakit?”
“Patawarin po ninyo ako inay… Elena… Ang hirap tanggapin. Ang sakit.”
“Kapitan,” wika ng isang lalaki, “patay na po si Camille.”
Pagkarinig ko niyon ay nagpunta ako ng CR. Doon ako’y nagkulong. Habang bumubuhos ang ulan sa labas ay bumuhos ang mga luha ko. Binalot ang buong pagkatao ng lungkot at pagsisisi.
Ano sa palagay mo ang naramdaman ko matapos mangyari ang lahat-lahat? Sino sa palagay mo ang sinisisi ko sa lahat ng nangyari. Kung alam ko lang na sa ganoon hahantong ang lahat eh sana pumayag na akong umalis tayo ng Sagada. Sana buhay ka pa. Para sa magiging anak namin ni Elena ay pinili kong huwag kang puntahan sa kubo. Pero hindi ko alam na sa pagpili ko kay Elena at sa magiging anak namin ay ganoon ang magiging resulta. Mamamatay ka at ang sana’y magiging anak din natin. Kung ikaw at ang anak natin ang pinili ko eh masasaktan lamang si Elena pero walang trahedyang mangyayari.
Sisihin ko ba ang Panginoon dahil sa sinapit mo at ng anak natin? Tatanungin ko ba Siya na kung halimbawa mang nagpasiya Siyang pakialaman ang kahihinatnan ng mga nangyari ay bakit puro pabor para kay Elena? HINDI. Dahil alam kong ang lahat ng nangyari ay bunga ng maling desisyon natin na huwag magdala ng payong sa araw na iyon nang pareho tayong sumilong sa kubo dahil bumuhos ang malakas na ulan. Ang lahat ay nangyari dahil sa maling desisyon natin na magtampisaw sa tubigan ng kataksilang binuo ng bumuhos na ulan.
**********
Kusang sumama sa mga dumating na pulis si Daniel. Ang bangkay mo naman ay sinabi nina kapitan na dadalhin na sa isang punenarya. Nilinis na rin nila ang mga dugo mong kumalat sa kuwarto namin ni Elena.
Bumumuhos pa rin ang malakas na ulan. Malakas pa rin ang hihip ng hangin. Hindi pa lumilipas ang bagyo.
Gabi na ng makaalis ang mga tao sa bahay. Ako, si Elena, at ang nanay nila ang natira.
Sina Elena at ang kanyang nanay ay nakaupo lamang sa salas. Wala silang imik, wala silang kibuan. Si Elena’y hindi ko malapitan. Parang may pader na nakapagitan sa amin, pader na nilikha ng nababagabag kong konsensiya.
Hindi ko alam kung dapat ko bang ipagtapat kay Elena at sa kanilang nanay ang mga namagitan sa atin. Dapat ko bang sabihin pa sa kanila na ako ang nakabuntis sa iyo? Ano ang mangyayari kapag nalaman nila iyon? Iniisip kong manahimik na lang. Iniisip ko ba kung hahayaan ko na lang na isama mo sa libingan ang sikreto natin.
“Inay, dapat na po nating ipaalam sa mga magulang at kapatid ni ate Camille sa Pangasinan kung ano ang nangyari.”
“Oo nga Elena. Mahirap kung sa iba pa nila malalaman ito.”
“Malamang na iuuwi nila sa Pangasinan ang bangkay ni Camille kapag nalaman nila kung ano talaga ang nangyari.”
“Oo nga po inay. Hindi ko inaasahang hahayaan nilang dito sa Sagada ibuburol at ililibing si ate Camille.”
“Sige kontakin mo na sila. Ako ang kakausap sa mga magulang ni Camille.”
“May number po ba kayo ng sinoman sa mga partido ni ate?”
“Naku anak wala ah.”
“Teka, friend ko po pala sa Facebook ang isang pinsan ni ate Camille. Kokontakin ko po’t hihingin ko ang number ng kung sino mang puwede nating tawagan sa kanila.”
Kinuha ni Elena ang cell phone niyang nasa ibabaw ng ref.
“Naku, lowbat pala ako. Dad, pahiram ako ng laptop mo. Doon na lang ako magfefacebook.”
Kinuha ko mula sa kuwarto ang aking laptop at iniabot ko kay Elena. Pagkatapos niyon ay nagpunta muna ako ng terrace upang mapagisipan kung ano ang dapat kong gawin, kung dapat ko bang sabihin sa kanila ang lahat ng nangyari sa atin.
Muli nanaman akong nagbalik-tanaw sa unang araw ng pagdating namin ni Elena sa Sagada. Bakit kasi ako naging atat na kumuha ng mga pictures at videos noon.
Pictures?!
Sa pagkakataong iyon ay aking napagtanto na hindi ko pala nadelete ang picture mo sa kubo na nasave ko sa desktop ng aking laptop. Halos lumipad ako pabalik sa salas.
Wala doon si Elena at ang laptop ko.
“Inay, nasaan po si Elena?”
“Pumasok siya sa kuwarto ko.”
Nang pumasok ako sa kuwarto ay nakaupo sa sahig si Elena. Patulalang nakatingin sa picture mo na nasa desktop ng laptop ko.
Sukol na sukol ako. Walang akong mapagtataguan.
“Mommy, hayaan mo akong makapagpaliwanag.”
Hindi sumagot si Elena. Gulat siya’t lumuluhang nakatingin lang sa larawan mong iyon na suot mo ang t-shirt. Si Elena ang bumili ng t-shirt na iyon. Regalo niya sa akin.
Sinimulan kong magpaliwanag. Mula sa simula, mula ng bumuhos ang ulan at sumilong ako sa kubong iyon at ang bigla mong pagdating. Sinabi ko lahat. Walang labis, walang kulang. Pati ang binalak mong pagalis nating ng Sagada na hindi natuloy dahil hindi kita pinuntahan nang malaman kong buntis siya. Wala na akong dapat itago pa.
Habang nagpapaliwanag ako eh napansin kong unti-unti nawawala ang pagkagulat sa mukha niya at huminto na siya sa pag-iyak. Dahan-dahang nagsasalubong ang kanyang mga kilay at naririnig kong nagngangalit ang kanyang mga ngipin.
At narating ng paliwanag ko ang dulo. Wala na akong maidudugtong pa bukod sa pakiusap na ako’y patawarin niya.
“Tapos na ba ang paliwanag mo?”
Tumango lamang ako.
“Tumahimik na lang tayo Jeff. Tayong dalawa na lang ang makakaalam ng tungkol sa inyo ni Camille.”
Gusto kong magbunyi sa mga narinig kong iyon. Inakala kong patatawarin na niya ako.
“Ayaw ko nang dagdagan pa ang sama ng loob ng nanay ko. Baka hindi na niya kayanin.”
“Salamat mommy.”
Umakma akong yayakapin si Elena. Pero itinulak niya ako palayo.
“Huwag kang magpasalamat. Hindi pa ako tapos. Gusto ko pag-gising namin ng inay bukas ay wala ka na dito. Ako na ang bahalang gumawa ng kuwento tungkol sa pagkawala mo. Dalhin mo ang lahat ng gamit mo, pati ang t-shirt na pinasuot mo sa babaeng iyon. Masarap dyumugdyug ang mga diwata ‘di ba?”
“Elena… please…”
Sinubukan ko ulit na yakapin siya. Sinampal niya ako.
Iyon siguro ang pinakamalakas na sampal na natikman ko. Mas masakit kung ikukumpara doon sa mag-asawang sampal na pinadapo mo noon sa pisngi ko.
Tagos hanggang kaluluwa ko ang sakit ng sampal niyang iyon.
“Mula ngayon ay tapos na sa atin ang lahat. Kahit kaylan ay hindi mo makikita ang anak ko at hindi kita ipapakilala bilang kanyang ama.”
“Mommy… sor…”
“Kung mababago ng pagso-sorry mo ang lahat ng nangyari, eh patatawarin kita. Pero hindi di ba. Makakatulog ka kaya tuwing gabi niyan? Alam mo ba kung gaano katindi ang ginawa mo? Masahol ka pa sa hayop. Sana lang eh kasama ka ng namatay ng punyetang babaeng iyon.”
Lumuhod ako sa harapan ni Elena at handa na akong magmakaawa. Tinalikuran lang niya ako at iniwan ako sa kuwarto.
“Lumabas ka na diyan at nang makapangpahinga ang nanay ko.”
**********
Madaling araw pa lang ay nilisan ko na ang bahay nina Elena. Tahimik ang ginawa kong paglabas. Nang nasa gate na ako ay lumingon ako. Nagbabakasakaling gising si Elena at tawagin ako niya at pabalikin sa bahay. Pero wala.
Hindi na umuulan nang lumabas ako, pero mahangin pa rin. Walang tao sa paligid. Tulog pa siguro silang lahat. Ang mga ilaw sa ilang poste ng kuryente ang nagsisilbing liwanag ko sa paglalakad.
Bitbit ko ang lahat ng gamit ko. Nang madaan ako sa isang basurahan ay itinapon ko na lang ang isang bag na naglalaman ng ilan sa mga lumang damit ko upang maginhawa akong makapaglakad.
Wala pa akong masasakyan paalis sa lugar na iyon kaya minabuti kong maglakad-lakad muna hanggang nakarating sa kalye na pasukan papunta sa mini rice terraces. May kaunti ng liwanag kaya nagpasiya akong tignan siguro sa huling pagkakataon ang palayang iyong.
Ako’y naglakad hanggang natanaw ko ang kubong pinagsimulan ng lahat. Nilapitan ko iyon. Pumasok ako. Pagod ang katawa’t isipan ko kaya minabuti kong magpahinga sandali.
Nang hihiga na ako’y nadinig kong pumapatak ang ulan. Isinarado ko ang bintana. Nang isasara ko na rin ang pinto ay naalaala kita.
Dahan-dahan kong isinara ang pinto ng kubo.
Hinihintay kong itulak mo iyon pabukas upang makapasok ka’t muli’y samahan ako sa loob.
At tuluyan nang bumuhos ang malakas na ulan.
– W A K A S –
Huwag Kang Lilingon – Chapter 1
Chapter 1
“Sa Pinagmulang Dalampasigan“
Hindi ko na mabilang kung ilang beses tumingin sa kanyang relo si Daniel at pagkatapos ay bubuntong hininga. Wala na siyang sigarilyong masindihan pero patay-sindi pa rin ang ginagawa sa hawak na lighter. Matagal nang ubos ang laman ng kaisa-isang pakete ng sigarilyo na binili niya sa terminal ng bus bago kami bumiyahe. Ako nama’y nang magsawang makinig sa mga paborito kong kantang naka-download sa cellphone ko’y pinanood ko na lamang ang mga bankang inuugoy ng mga alon malapit sa pampang habang nagbabalik-tanaw ako sa aking kamusmusang ginugol ko sa tabing-dagat sa bayang aking sinilangan.
Nabaling ang aking atensyon kay Tomas. Nakatayo pa rin siya sa may rampa na parang tuod. Habang kami ni Daniel ay umiiwas sa tilamsik ng tubig-alat na hatid ng along humahampas ng paulit-ulit sa aming kinapupuwestuhan ay hinahayaan lamang niyang mabasa siya nito. Taog na kasi at medyo may kalakasan pa ang hangin kaya maalon. Mukhang may bagyong paparating.
Si Tomas ay nakatingin sa direksyon ng araw na malapit nang lunurin ng dagat. Mahirap hulaan kung inaabangan ba niya ang paglubog ng araw na bahagyang ikunukubli ng balumbon ng ulap o mayroon kung ano mang nakatago sa likod ng ulap na pilit niyang inaaninag. Kapansin-pansin ang paminsan-minsang niyang pagyuko upang hagurin ang kanyang mga hita. Marahil ay nangangalay na siya sa tagal ng kanyang pagkakatayo. May mga pagkakataon na ikinukuyom niya ang kanyang mga kamay. Animo’y mayroon siyang gustong hawakan na hindi mahagilap ng kanyang mga kamay.
Halatang hindi mapakali si Tomas. Labis siguro niyang iniisip si Evelyn, o Eve kung aming tawagin. Ako ma’y ganoon din, hindi rin mawala sa isip ko si Eve. Ang pagkakaiba marahil eh si Tomas ay nag-aalala lang sa kanya. Bukod sa pag-aalala, ay may mas malalim pa akong dahilan — sabik akong makita siya.
Pinipilit kong itago ang nararamdaman ko kay Eve. Hindi ito puwedeng malaman ni Tomas at lalong hindi puwedeng mabisto ni Daniel. Bakit? Dahil ba sa kapatid siya ng aming kasanggang-dikit at ayaw kong isipin niyang sinasamantala ko ang pagkakaybigan namin? Minsan ding narinig ko ang aking ina sinabing hindi maganda sa paningin na taluhin mo ang kapatid ng matalik mong kaybigan.O torpe lang talaga ako.
Ang daming pagkakataon na gusto kong hawakan ang mga kamay ni Eve. Gusto kong sabihing may pagtangi ako sa kanya. Subalit tuwing ibubuka ko na ang aking bibig ay walang salitang lumalabas dito.
Ang pag-mumuni-muni kong iyon ay pinutol ng isa nanamang buntong-hininga ni Daniel. Ang medyo masungit na panahon ay tila sinasalamin ang magkakahalo alalahanin at isipin namin sa pagkakataong iyon.
Magkatabi kami ni Daniel na nakaupo sa isang baytang ng hagdanan ng parola na nasa dulo ng konkretong breakwater. Medyo may kalakasan nga ang hangin galing mula sa nilulubugan ng araw dahilan upang umalon ng katamtaman lang naman ang taas at iugoy ang mga bankang nakahimpil malapit sa hilera ng mga puno ng talisay sa tabing-dagat. Nagpapaligsahan rin sa pag-indak sa saliw ng hangin ang mga dahon ng hagonoy at kugon na tumubo sa kahabaan ng dalampasigang iyon.
Mababa lang ang parolang iyon sa breakwater. Sa tantiya ko ay higit-kumulang na 10 talamapakan lang ang taas. Isang malaking bombilya ang nakalagay sa ibabaw nito na nakapaloob sa isang lagayang yari sa makapal na salamin. Gabay iyon ng mga mandaragat upang malaman nila kung saang banda ang pampang kapag madilim ang gabi, lalo na kung masama ang panahon. Bukod sa nadaanan naming malaking bahay na napapalibutan ng mataas na bakod na ang bawat sulok ay may mga CCTV, ang dalawang solar panel sa ibabaw ng lagayan ng bombilya ang tanging palatandaan na umabot na sa lugar na ito ang kabihasnan.
Si Daniel ay may takip na panyo sa ilong. Halatang hindi sanay sa amoy na isinisingaw ng dagat at ng buhanginang nagsisilbing libingan ng mga patay at nabubulok na lamang-dagat. Pablihasa nga ako’y isinilang sa lugar na malapit sa aplaya kaya sanay na ang ilong ko sa amoy ng tubig-alat na itinuturing ni Daniel na mabaho at malansa. Para sa akin, di-hamak na mas mabaho ang amoy ng sigarilyong kumapit sa suot niyang t-shirt at mas malansa ang hininga niyang may halong amoy ng nikotina.
May isang luma na’t sira-sirang rampa na yari sa magkahalong kahoy at kawayan na nakadikit sa breakwater. Doon nga nakatayo si Tomas. Sa tinging ko’y nagsisilbing daungan ng mga bangka at siguro ay babaan rin ng mga isda at iba pa mga lamang-dagat na nahuhuli ng mga mangingisda kapag kati at hindi makatuloy sa pampang ang kanilang mga bangka.
Kahalintulad ito ng daungan sa bayan namin. Dalawang baytang rin na hagdanang yari sa kahoy ang nakapagitan sa rampa at breakwater. Malamang na yari rin sa kongkreto o malaking kahoy ang nagsisilbing poste ng rampang iyon. Hindi ko makita sa dahilang taog nga noon.
“Anong oras ba talaga darating ang bangkang sasakyan natin,” ang tanong ni Daniel kay Tomas. “Aba’y makapananghalian pa tayo naghihintay dito ah.” Ang mga kunot sa noo ni Daniel ay parang kanal na dinadaluyan ng kanyang pawis.
“Oo nga naman bro, hayan papalubog na ang araw o,” ang dugtong ko.
“Aywan ko ba,” ang sagot ni Tomas. “Ang sabi niyong kakilala ko na kapag wala na ang araw at lalatag na ang dilim eh saka pa lamang daw darating ang bankang naghahatid sa mga gustong pumunta sa isla. Akala ko nagbibiro lang siya kaya hindi ko na ito binanggit sa inyo. Pero mukha yatang totoo ang sinabi niya.”
Pailing-iling na tumingin sa akin si Daniel. Pagkatapos niyo’y tumingin sa kawalan at bumuntung-hininga. Hindi iyon nalingat kay Tomas.
“Pasensya na mga ‘tol,” ang wika ni Tomas. “Nadamay pa kayo sa problema ko. Kung gusto na ninyong umuwi eh okay lang. Ako na lang ang maghahanap sa kapatid ko.”
Nanahimik na lamang kami matapos iyon sabihin ni Tomas. Kung puwede ko lang sanang sabihin na responsibilidad ko ring hanapin si Eve. At marahil ay mas masidhi ang pagnanais kong makita ang kanyang kapatid kaysa sa kanya.
Maya-maya pa’y sabay kami halos ni Daniel na bumaba sa rampa upang lapitan si Tomas.
“Bro, sorry, hindi ka naman namin pwedeng iwanan dito,” wika ko sabay akbay sa aming kaybigan. “Kami naman ang nagpumilit sumama sa iyo dito ‘di ba. Wala tayong iwanan. Mula noon ganyan tayo.”
“Nakakainip lang kasi ‘tol, dalawang oras pa halos ang biniyahe natin patungo dito kanina,” ang dagdag ni Daniel. “Tapos mahigit isang oras pa tayong naglakad papunta dito. Sumakit ang mga paa ko dito sa suot kong sapatos.”
Eh engot ka kasi eh,” ang sabi ko. “Alam mo namang dagat ang pupuntahan natin at sasakay pa tayo ng bangka eh nag-leather shoes ka. Dapat kasi rubber shoes, tsinelas o sandals ang sinuot mo. Tapos naka-trousers ka pa.”
“Nakalimutan ko nga na bibyahe tayo sa dagat,” ang sagot ni Daniel. “Hay naku, akala ko’y naiwan ang nanay kong sermon nang sermon. Kasama ko pala”
“Ganyan ka kapag napapansin ang kaengotan mo,” ang tugon ko. “Hindi ka kasi nag-iisip bago gumawa ng desisyon. Ilang beses ka na bang nagka-problema sa ugali mong ganyan. Pabigla-bigla. Napaka-impulsive mo.”
“Oo na… oo na. Ikaw na magaling.” Ang wika ni Daniel sabay sipa sa isang maliit na bato nasa aming paanan.
Tinampal ko sa balikat si Daniel. Lumayo siya sa akin ng kaunti. Parang nagtatampo.
“Patience Daniel… patience.” Ang sagot ko sa kanya.
“Pagod na, gutom pa. Napakalayo pa naman ng mga bahayan na nadaanan natin kanina. Wala man lang mabilhan ng pagkain at mahingan ng kahit tubig man lang na maiinom. Tapos iyon pang mga mangingilang-ngilang bahay na nadaanan natin kanina eh nagsasara ng mga bintana at pinto kapag malapit na tayo.”
Napansin ko rin iyon pero inisip ko na lang na marahil ay nag-iingat lamang ang mga may-ari ng bahay sa dahilang kami ay mga dayo.
“Ah basta… gutom na ako.”
“Magtigil ka nga Daniel,” wika ko. “Ayos lang na naglakad tayo ng malayo at wala tayong pagkain para pamin-minsan eh nakakapag-exercise ka at nakakapag-diet. Tignan mo nga iyang tiyan mo oh, parang tambol na ah.”
“Kung makapagsalita ka Willy eh parang ke payat-payat mo,” ang sagot ni Daniel sa akin.
Tumawa ako’t tinampal ko nanaman sa balikat si Daniel sabay sabing, “Joke lang bro. Pero tignan mo… di hamak na mas malaki ang tiyan mo sa akin. At tignan mo oh… kahit kaunti may mga muscles na ako.” Wika ko sabay pakita ng aking biceps. “Sumama ka na kasi sa amin mag-gym.”
“Oo na… oo na… next time sasama na ako sa inyo.”
“Gusto mong maging pulis ‘di ba? Eh baka hindi mo abutan ang mga hahabulin kung may bitbit kang tambol.”
Pagkasabi ko niyon eh binuksan ko ang aking dalang backpack. “O heto tubig. Kundi ka ba naman talaga engot. Ni tubig ‘di ka man lang nagbaon.”
“Eh tumakas nga lang ako ‘di ba.”
“O heto pa biscuit, isaksak mo sa ngala-ngala mo para matigil ka sa kakareklamo.”
Padabog na kinuha ni Daniel ang mga iniabot ko.
“Hindi ko kasi natanong doon sa nakausap ko kung may mga karinderya o tindahan dito. Pasensya na mga tol.”
Tumingin ako kay Daniel, sinimangutan ko ito’t sinenyasang manahimik.
“Ang tigas kasi ng ulo ni Eve. Pinagbawalan ko siyang sumama sa mga kaybigan niyang mag-night swimming eh hindi nakinig.”
“Eh mukhang lahi yata talaga kayo ng matitigas ang ulo tol,” ang hindi ko malaman kung nanunuya o nagbibirong sabi ni Daniel. “Baka naman nagtanan na si Eva at si Jeff kaya hindi pa umuuwi.”
“Magtigil ka nga.” Ang inis na bulalas ko kay Daniel. Para kasing kinurot ako ng selos nang sabihin niya iyon. Ayaw kong isipin na tuluyan nang mawawalan ako ng pag-asa kay Eve. Iyon ang mangyayari kung nagtanan nga sila ni Jeff.
“Sigurado akong hindi ganoon ang nangyari.” Nahimasmasan ako ng sabihin iyon ni Tomas.
“Hinahanap nga siya ni Jeff sa bahay kagabi si Eva kaya nalaman ng nanay namin na wala pala siya sa bahay. Pilit ko siyang pinagtakpan pero bistado kami. Masyado nang nag-aalala si nanay kaya pinapasundan na sa akin. Aywan ko ba. Kinakabahan talaga ako. Sa lahat pa naman ng mapipiling puntahan eh bakit sa islang pang iyon.”
“Bakit Tomas? ang tanong ni Daniel. “Anong meron sa islang iyon?”
“Ha… eh, wala naman tol,” ang sagot ni Tomas.
Pakiramdaman ko’y may gustong sabihin si Tomas. Pinagmasdan ko siya at nang magkasalubong ang aming tingin eh ngumiti siyang pilit.
“Ano iyon ‘tol?” ang tanong ko kay Tomas.
Kilala ko si Tomas. Meron siyang dapat sabihin sa amin. High school pa lang eh magkakabarkada na kaming tatlo. Nagdesisyon din kaming pumasok sa iisang kolehiyo at pare-pareho pa ang kursong kinuha namin. Nagkataon namang pare-parehong Criminology ang gusto naming tapusin. Halos araw-araw eh magkakasama kami. Sabado man o Linggo eh kung hindi sa amin eh doon kami tumatambay kina Daniel o kina Tomas. Parehong firing range din ang pinupuntahan namin para magsanay sa paghawak ng baril.
Wika nga’y kabisado namin ang likaw ng bituka ng bawat isa. Wala kaming itinatagong sikreto—bukod marahil sa tunay kong damdamin para kay Eve. Pilit ko itong inilihim. Nahihiya akong malaman ito ng dalawa.
Hindi mahirap gustuhin si Eve dahil sa kagandahan niyang taglay. Lalong hindi siya mahirap mahalin dahil sa mga magaganda nitong katangiang. Matalino rin siya at napakalambing.
Wika nga’y gustuhin si Eve at hindi ako magtataka kung maging si Daniel man ay may gusto rin sa kanya. Baka nga kung totong may mga anghel, demonyo, at maligno ay maaring mapa-ibig niya.
Pinutol ni Daniel ang pagiisip ko kay Eve. “Bro, ano na? Ano ba talaga ang meron sa islang iyon?”
Ang Sumpa
(Maikling Nobela)

Paano kung mali ang akala natin na lahat ng totoo ay kung ano lamang ang nakikita ng dalawang mata… kung ano lang ang puwedeng ipaliwanag sa pamamagitan ng lengwahe ng siyensiya, matematika at lohika?
Paano kung ang lahat ng kaalaman ng mga itinuturing na mga dalubhasa’t paham na nabuhay mula noong unang araw sa kasaysayan ng tao ay hindi pala naisulat sa ano mang aklat o sadyang hindi isinulat dahil kapag ito ay nalaman ng mga hindi dapat makaalam eh sa halip na makabuti sa sangkatauhan eh makasama ito?
Paano kung bukod sa dalawang mata ay totoong may pangatlo at ang nasusulat lang at nababasa sa mga libro eh iyong nakikita lang ng dalawang mata? At kung totoong may pangatlong mata, ano kaya ang nakikita nito?
Paano kung bukas ang iyong ikatlong mata? Gusto mo ba? Kakayanin mo bang bigla na lamang makakita ng mga hindi pangkaraniwan – mga kakaibang elemento at mga espiritu? Hindi ka kaya mabaliw o mamatay sa takot?
Kay lolo Benjamin at kay Mon, ano ba ang nangyari nang bumukas ang ikatlong mata nila?
Ano naman kaya ang mangyayari kay Alfred kapag ang kanyang ikatlong mata ang bumukas?
**********
Part 1
Papalubog na ang araw. Nagsisimula nang gumapang ang dilim sa paligid. Nagsisihapon na ang manok sa mga punong nakapaligid sa aming bahay. Isa-isa na ring nagsisipag-paalam ang aming mga bisita. Ilan na lamang ang natira sa kanila kasama ang ilang mga kamag-anakan namin.
Masaya ang maghapong iyon. Maraming pagkain at inumin. Rumenta rin ako ng videoke para mas mag-enjoy ang mga bisita. Nagkakantahan sila habang kumakain. Ang iba’y nag-iinuman at ang ilan sa kanila’y sumasayaw kapag may kantang nagtutulak sa kanila upang umindak. May ilan rin sa mga bisita na nag-abot ng regalo kay Alfred. Ang iba’y sobre ang ibinigay sa kanya.
Pinagmamasdan ko ang aking kaisa-isang anak habang inaasikaso niya ang kanyang mga kaklase at mga kaybigang nagdatingan. Masigla siya at tawa ng tawa. Panay nga ang kuha ng selfie kasama ang mga bisita. Pihadong mamaya o bukas eh babaha nanaman ng pictures sa Facebook ng anak ko. Ipinalangin ko na sana ay ganoon siya palagi. Sana pagkatapos ng araw na iyon ay walang magbago sa takbo ng buhay niya… sana ay walang magbago sa takbo ng buhay naming mag-anak.
“Kuya, mukhang hindi ka yata uminom ngayon. Nakakapanibago ah. Parang pang balisa ka.” Si Pol iyon, pinsan ko.
“Ha, eh pagod lang siguro ako,” tugon ko sa pagitan ng isang ngiting pilit.
“Ang dami mong inihanda para kay Alfred ah!”
“Siyempre naman, binata na ito mula ngayong araw na ito.” Sagot ko sabay akbay sa aking anak. “Alam mo naman ang tradisyon sa lahi nating mga Cervantes. Kapag unang kaarawan, ika-7, ika-13 at debu ng mga anak natin ay ipinaghahanda natin sila, di ba?.”
“O tito Pol, itay… picture-picture muna.” umakbay sa akin si Alfred sabay kuha ng picture namin gamit ang bagong cell phone na iniregalo ko sa kanya.
“Siyanga pala, next month eh debu naman ng unica hija ko. Huwag na huwag na hindi kayo pupunta ha.”
“Aba eh hindi talaga puwede na hindi kami pupunta. Magtatampo iyong inaanak ko,” sagot ng asawa kong si Sally na bigla na lamang sumulpot mula sa aming likuran.
“Aasahan ko yan! Pasensyan na ulit kung iyong mag-ina ko eh hindi nakarating ngayon, may sinat kasi iyong inaanak mo kanina.”
“Okay lang iyon Pol. Tumawag kanina si kumare at nagpaliwanag,” ang sagot ni Sally.
“O papaano, ako eh aalis na at hayan oh papadilim na. Happy birthday na lang ulit Alfred. Iyong regalo ko, binuksan mo na ba?”
“Naku hindi pa po, mamaya ko pa siguro maaasikasong buksan mga regalo ko.”
“Okay… okay! Hoy batang tisoy, huwag ka munang manliligaw ha… hehe.”
“Wala pa po sa isip ko iyan tito.”
“Talaga lang ha. Iyong isang bisita mong dalagita kanina eh laging nakadikit sa iyo ah. Panay pa ang sulyap sa iyo.”
“Ha… eh…”
“O kitam hindi ka makasagot. O…o…biglang namula mukha mo ah.”
“Naku tito wala lang po iyon, napakababata pa po namin ano.”
“Okay…okay… sige… sabi mo eh!. Ay siya, lalakad na ako.”
“Sige po tito. Ingat kayo,” ang sagot ni Alfred.
Inihatid ko sa labasan ang aking pinsan at ilan pa sa mga bisita namin.
Habang pabalik ako sa loob ng bahay ay napansin kong may mga uwak na aali-aligid sa bahay namin. Napansin din iyon ng ilang mga bisita naming papalabas. Iyon eh binale-wala lang ng mga bagong kakilala namin subalit sa aming mga kaybigan na alam ang kuwento ng aming pamilya ay nabakas ko sa kanilang mukha ang pag-aalala.
Bawat huni ng uwak na marinig ko ay parang nagpapasidhi sa kabang aking nararamadaman at nagpapabilis sa paglalakad palayo ng ilan sa mga bisita namin.
Nagsimula na ang kinatatakutan ko. Kung kaylan pa naman na parang nanumnumbalik na ang lahat sa normal. Kung kaylan na parang nakalimutan na ng mga dating kapitabahay at mga kaybigan namin doon sa sityo sa barangay na aming pinanggalingan ang mga nangyari.
Naabutan ko si Alfred na naglalagay sa ilang supot ng mga pagkaing inihanda habang ang asawa ko’y patuloy sa pagliligpit ng mga ginamit sa handaan.
“O, saan mo dadalhin iyan?” tanong ng kanyang ina.
“Kay tito Mon po. Dadalhan ko siya ng makakain.”
“Ha! Gabi na, malayo iyon. Bukas mo na lang siya dalhan niyan!”
“Inay naman eh! Ngayon na po. Pleaasee!!! Magmo-motor naman ako eh.”
“Ay naku anak!”
“Pleaaasseee!!!” Ang nagsususumamong sabi ni Alfred sabay halik sa pisngi ng ina.
“Pero anak, baka mapaano ka. Dumidilim na oh.”
“Inay, hindi na po ako bata.”
“Hayaan mo lang si Alfred ‘nay. Binata na nga naman siya.” Pagkatapos kong sabihin iyon sa aking kabiyak eh bumaling naman ako kay Alfred. “Sige na anak, lakad ka na para makabalik ka kaagad. May pasok ka bukas kaya hindi puwedeng doon ka nanaman matutulog ha.
“Opo itay. Babalik po agad ako.”
“Huwag mabilis magpatakbo ng motor. Iyong bago na ang gamitin mo. I-check mo muna ang preno at ilaw bago mo paandarin,” dugtong ko.
“Sir… yes sir!”
Habang isinusuot ni Alfred ang helmet ay may itinanong siya.
“Itay, iyon nga po palang sunog na mga bahay sa tabi ng bahay ng tito Mon… ano po ba talaga ang nangyari doon? Ang tagal nang ganoon ang hitsura ng lugar na iyon ah. Bakit kaya hindi na inayos ng mga may-ari.”
“Ha?! Eh…” Hindi ko inaasahan mula sa kanya ang tanong na iyon. Hindi ko malaman kung ano ang isasagot ko.
“Naku… naku… Alfred lumakad ka na at gagabihin ka masyado. Saka na lang ikukwento sa iyo ng tatay mo iyan,” ang wika ni Sally.
“Ang gara ah… kapag tinatanong ko si tito Mon tungkol doon eh halatang ayaw niyang ikuwento kung ano ang nangyari. Tapos ang tatay naman eh parang nagulat ng nagtanong ako tungkol doon.”
“Alfred… sabi nang lumakad ka na eh!”
“Oo nga po inay, heto na nga po bababa na.”
“Ikumusta mo na lang kami sa tito Mon mo.”
“Sige po itay. Lalarga na po ako.”








