Category Archives: Maikling Kwento

Tuwing Bubuhos Ang Ulan (7)

(Last of 7 Parts – A Novelette in Filipino)

Hindi nanaman ako nakatulog halos dahil sa iyo. Kahit ganoon ang naging desisyon ko, kahit hindi kita sinipot upang magkasama sana tayong umalis ng Sagada eh aaminin kong may nararamdaman pa rin ako sa iyo. Hindi basta-basta na lang na biglang maglalaho ang pagtangi ko sa iyo. Sa maniwala ka o hindi, kung hindi lang buntis si Elena, eh magkasama tayong umalis ng bayang iyon.

Bumangon na ako nagtungo sa kusina. Iniwan ko sa kuwarto si Elena na natutulog pa. Nang makapagtimpla ako ng kape eh nagpunta  ako sa terrace. Nandoon pala kayo ni Daniel. Nakita kong nakahilig ka sa kanyang balikat at siya nama’y nakahawak sa iyong baywang. May naramdaman ako, alam ko ang tawag doon – selos. Nang akmang babalik ako sa loob ng bahay eh napansin ako ng asawa mo.

“Oh bayaw, gising ka na pala.” Wika ni Daniel.

“Oo nga. Inagahan ko at ihahanda ko pa iyong mga gamit ko. Lalabas kasi ulit ako mamaya, pupunta ako sa Marlboro Hills.”

“Maganda nga doon bayaw, magsasawa ka sa pagkuha ng mga pictures doon.  Pasensiya na nga  pala sa abala namin sa inyo kagabi.”

“Wala iyon kuya.”

“Teka… ako nga pala eh mauuna na. Lilinisin ko kasi iyong taniman namin ng gulay.”

“Ah ganoon ba. O sige, ingat kayo kuya.”

“Ako lang ang muna ang aalis, dito daw muna si Camille. Susunduin ko na lang siya mamayang hapon.”

Bago umalis si Daniel ay hinalikan mo siya sa labi. Habang hinahalikan mo siya ay bakit ba naisipan mong tumingin sa akin? Yumuko na lamang ako. Bakit nga ba ako nakakaramdan ng selos?

Binuksan ko ang gate para sa asawa mo. Nang makaalis siya’y bumalik ako sa terrace.

Nang malapit na ako sa kinauupuan mo’y tumayo ka at bigla mo akong sinampal… dalawang beses… sa magkabilang pisngi.

“Bakit?”

Ang tanong ko sa iyo sabay tingin sa loob na bahay upang tiyaking walang ibang taong nakakita ng ginawa mo.

“Bakit? Bakkkittt? Hindi mo alam kung bakit? Kulang pa iyan sa panggagagong ginawa mo sa akin.”

Ang sumunod mong sampal ay nasangga ko na.

“Tama na Camille… tama na. Patawarin mo sana ako.”

“Putang-ina mo Jeff. Bakit mo ako ginanito? Sa halip na iahon mo ako mula sa kumunoy na kinahulugan ko eh lalo mo lang pala kong ilulubog.

Nagsimula kang umiyak. Dahan-dahan kitang iniupo.

“Camille… magpapaliwanag ako.”

“Hindi ko kaylangan ang paliwanag mo. Ikaw ang kaylangan ko. Puwede pa tayong umalis. Mamaya… o kahit bukas… kung kaylan mo gusto.”

“Sorry Camille… hindi natin puwedeng gawin iyan.”

Bakit hindi? Bakit?”

Umiling-iling na ako habang ako’y nakatingin sa iyo.

Tinadyakan mo ako sa paa.

“Umalis ka sa harapan ko.”

Lumakad ako papunta sa kabilang dulo ng terrace. Patuloy ka sa paghikbi mo. Naiintindihan ko kung bakit galit na galit ka sa akin. Gusto ko sanang magpaliwanag pero tingin ko hindi ka na makikinig sa akin.

Ilang saglit lang eh lumabas na rin ng kuwarto si Elena. Nakita niya tayong nasa terrace.

“Good morning ate Camille”

Nginitian mo lamang siya bilang tugon.

“Bakit mukhang umiiyak ka ate?”

“Wala, naalaala ko lang ang mga nangyari kahapon.”

“Ah, akala ko kasi inaapi ka ni Jeff kaya ka umiiyak.”

Tumawa si Elena pagkasabi niyon. Alam kong nagbibiro lang ang kasintahan ko. Tumingin ka sa akin bago mo nginitian si Elena bilang tugon sa kanyang sinabi.

Pagkatapos niyon ay tumabi sa akin Elena at hinalikan ako sa pisngi. Yumuko ka rin, katulad ko nang hinalikan mo si Daniel. Parang ayaw mong makita na hinahalikan ako ni Elena. Selos din siguro iyon.

“Parang namumula ang pisngi mo dad. Ano ba nangyari diyan.”

“Wala… nakamot ko lang kanina kaya namula.” Wika ko at para mawala doon ang atensyon mo ay nagtanong ako –  “Ang inay, tulog pa ba?”

“Oo, hayaan lang natin siya, kaylangan niyang magpahinga para gumaling agad.”

Nakihigop si Elena sa kape ko.

“Ay… siyanga pala ate Camille… may good news ako sa iyo.”

“Ha!? Ano naman iyon?

“Dad ikaw na kaya ang magsabi kay ate Camille.”

“Oh. Bakit ako?

“Sige na dad… pleeeassseee!”

Atubili ma’y pinagbigyan ko ang kahilingan ni Elena.

“Camille… bu… buntis si Elena. 6 weeks na”

“Oww… talaga?”

“Yes ate Camille.”

“Wow… aba eh congratulations sa inyong dalawa. Magiging nanay at tatay na pala kayo niyan.”

Pinilit mong ngumiti habang sinasabi mo iyon pero kita ko sa mata mo na parang nanlumo ka nang marinig mo iyon. Hindi mo siguro napansin na ang isang braso mong nakapuwesto sa patungan ng kamay sa inuupuan mo’y biglang nalaglag. Hindi ko alam kung ang bagay na iyon ay napansin ni Elena.

“Thank you ate. Siyempre kukunin ka naming ninang… ‘di ba dad.?”

Tumango ako.

“Ah… sure… sure. Bakit naman hindi.”

Pagkasabi mo niyon ay parang gusto mong humagulgol lalo na nang parang batang itinaas ni Elena ang tshirt at inilagay ang kamay ko sa ibabaw ng kanyang tiyan.

“Sandali lang ha, papasok muna ako at hihiga ako ulit. Masakit ang ulo ko.”

“Ow… hangover iyan ate. Sige ate pahinga ka. Ako naman eh magluluto na ng agahan natin.”

Sabay kayo ni Elena na pumasok ng bahay. Siya’y nagputna ng kusina at ikaw naman ay sumalampak sa sofa sa salas. Nakatagilid ka patalikod sa kinalalagyan ko sa terrace kay hindi ko malaman kung natutulog ka ba talaga o umiiyak. 

**********

Mula noon eh minsan isang linggo kayo pumuntan ni Daniel sa bahay. Kadalasang araw ng Linggo. Halatang umiiwas ka sa akin tuwing nandoon kayo sa bahay. Ni minsan hindi tayo nag-usap na tayong dalawa lang. Mabuti na rin iyon dahil ayaw kong madagdagan pa ang pagdududa ni Elena tungkol sa atin, kung nagdududa man siya.

Nasasaktan ako sa nangyayari. Hindi mo lang alam kung ano ang tunay kong nararamdaman sa iyo, damdaming pilit kong iwinawaksi alang-alang sa magiging anak namin ni Elena. Sa tingin ko ay naunawaan mo na kung ano ang dahilan kung bakit hindi kita pinuntahan sa kubo noon.

Ang magandang bagay na naging resulta ng hindi ko pagsipot sa usapan natin noon, bukod na sa walang pamilyang nasira, ay ang mga pagbabagong nakita ko sa asawa mo. Ang biyenan mo na magiging biyenan ko na rin mismo ang nagsasabi na ibang-iba na si Daniel. Kung totoo ang sinasabi niya eh hindi na siya tumikim ng alak mula noong araw na sana’y iiwan natin sila ni Elena. At siguro kung drugs iyong nakita ko noon sa clutch bag niya, marahil ay tinigilan na rin niya iyon.

Maganda ang naging panahon ng sumunod pang isang buwan at ilang araw. Hindi bumuhos ang malakas na ulan, manaka-nakang ambon lang at hindi pa nagtatagal. Kaya napasyalan namin ni Elena ang mga lugar na gusto kong puntahan para sa mga kaylangan kong pictures at videos. Pag-aalaga kay Elena at ang aking travel vlog  ang pinagkaabalahan ko ng mga araw na iyon.

Iyong linggong susunod ang pinili naming schedule para sa pagpapakasal sa huwes dahil ang susunod na linggo doon ay uuwi na kami pabalik sa Pasig. Three months na noong buntis si Elena. Ang tatay at nanay ko  at isang kapatid na lang ang dadalo dahil simpleng kasalan lang naman ang gagawin. Pagkapanganak na lang ang engrandeng kasal na ipinangako ko kay Elena.

**********

Araw ulit ng Linggo noon, dumalaw kayong muli ni Daniel sa bahay. Noon lamang muling kumilimlim ang kalangitan at umiihip ang malamig na hangin. Ayon sa balita, ay mayroong malakas na bagyong paparating.

Habang abala sa paghahanda sina Elena at ang kanyang nanay sa pag-aayos ng tanghalian at si Daniel naman sa nagpa-practice shooting sa likod bahay, ay nilapitan mo ako sa terrace. Hindi ko inaasahan iyon. Bago ka nagsalita eh luminga-linga ka pa upang tiyaking walang ibang nakikinig.

“Jeff… two weeks na akong delayed. Napakadalas kong mahilo at magsuka nitong mga nakaraan araw.”

Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa narinig ko.

“Bakit mo sinsabi sa akin iyan Camille?”

“Tarantado ka. Ikaw lang ang nakagalaw sa akin bukod kay Daniel at siguro naman eh nasabi na sa iyo ni Elena kung bakit kahit matagal na kaming nagsasama ng kuya niya eh hindi kami magkaroon ng anak.”

Alam ko namang baog ang asawa mo. Ayaw ko lang paniwalaan ang sinabi mo dahil kung totoo iyon eh napakalaking problema ang hinaharap natin. Mas gugustuhin ko pang nagiimbento ka lang ng kuwento para kuhanin ang atensiyon ko.

“Bakit hindi ka magtest para sigurado.”

“Mamaya, may dala nga akong pregnancy kit. Huwag kang magalala Jeff. Alam kong wala kang gulugod. Isa kang duwag. Kung buntis man ako’y hindi ako maghahabol sa iyo. Kaya kong harapin itong mag-isa.”

“Camille…”

“Huwag mo akong maCamille-Camille. Ang saya kung buntis nga ako di ba. Dalawa agad ang magiging anak mo next year. Parehong panganay. Ang galing mo.”

Iniwan mo ako sa terrace pagkasabi mo niyon.

Ang lahat ng sayang naramdaman ko ng ilang linggo, ang katahimikan ng kalooban at pagiisip, ay naglahong parang bula. Mula sa terrace ay nakita kong nagsimula ng umambon, maya-maya lang ay bubuhos na ang malakas na ulan at iihip  na ang malakas na hangin.

“Dad… tawagin mo na si kuya Daniel sa likod. Sabihin mong nakahanda na ang tanghalian.”

Parang akong nakalutang habang ako’y naglalakad papunta sa likod ng bahay upang tawagin si Daniel.

“Kuya, kain na daw tayo.”

“Okay bayaw. Ikaw ba, gusto mo bang matutong humawak ng baril? Tuturuan kitang pumutok.”

Tumango na lamang ako dahil wala na ako sa wisyo. Lutang na lutang na ako. Ano ang mangyayari kung buntis nga si Camille. Ano ang mangyayari kung malaman ni Elena, ni Daniel, at ng nanay nila na ako ang nakabuntis kay Camille?

Nang makapasok kami sa bahay ay inilapag ni Daniel sa lamesita  sa salas ang kanyang mga bala at baril.

Nagsimula nang umulan. Dumating na siguro ang bagyo.

“Naku Daniel… anak… Ingat lang kapag gumagamit ka ng baril mo ha.”

“Opo naman inay. Kaya ko lang naman inilabas ulit yan eh balak kong sumali sa isang shooting competition sa Baguio sa November.

“O puwede nang magsimula, kain na kayo mga anak.” Wika ng nanay nila.

“Teka, nasaan si Camille.”

“Nasa CR, parang masama ang pakiramdam. Mauna na daw tayong kumain.” Ang sabi ni Elena.

Tumayo si Daniel at nagpunta sa CR. Nakita ko nang itulak niya ang pinto. Bumukas, nakalimutan mo sigurong i-lock.

Hindi nga lang malinaw pero nauulinigan naming nag-uusap kayo ni Daniel sa loob. Matagal-tagal din bago lumabas si Daniel ng CR. Hindi ka kasama.

Lumapit si Daniel kay Elena.

“Sa iyo ba ito Elena.” Padabog na inilapag ni Daniel ang pregnancy test sa lamesa. Positive ang resulta.”

Napapikit na lamang ako dahil nangyari na ang isang malaking problemang hindi ako nakakatiyak kung malulusutan ko ba o hindi.

Ang kapalaran ay walang gulong… ang karma meron at pakiramdam ko ay malapit na akong magulungan. Ang inihagis kong boomerang ay pabalik na sa akin at mukhang hindi ko yata ito kayang saluhin nang hindi ako nasasaktan.

Sa bubong na yari sa yero ay parang mga batong tumama ang buhos ng malakas na ulan.

“Ha… hindi kuya… hindi ito sa akin. Matagal ko nang alam na buntis ako kaya hindi ko na kaylangang gumamit nito.”

Nakita ko kung papaano napapikit ang nanay nila Elena. Yumuko ito at umiling-iling.

Bago pa man makakilos ang sinoman sa amin ay nakuha na ni Daniel ang baril sa lamesita. Bumalik siya sa CR. Paglabas niya’y hila-hila ka sa  buhok. Pilit kang kumakawala. Ano ang ginawa ko? Wala. Dapat eh ipinagtanggol kita. Tama ka, wala nga akong gulugod. Duwag nga ako.

“Anak, maghunos-dili ka.”

“Kuya… kuya.”

Ako’y parang tuod. Wala akong ginawa. Naghihintay na lamang ako kung ano uri ng kabayaran ang nakatakdang singilin sa akin sa lahat ng ginawa kong kabalbalan.

Dinala ka ni Daniel sa kuwarto namin. Kasunod kami pero ibinalibag niya pasara ang pinto. Hindi ito nagsara ng maayos. Papasok sana si Elena sa kuwarto.

“Walang makikialam!”

Naudlot ang pagpasok ni Elena. Siguro tinutukan siya ng baril ng kuya niya kaya umurong siya.

“Sino ang lalaki mo? SINO?

Pumutok ang baril.

“Diyos kong mahabagin.” Wika ng nanay nila na akma sanang papasok sa kuwarto subalit pinigilan ni Elena.

“Sino kako ang lalaki mo? Puta ka,  kanino ka nagpabuntis.”

Wala kaming magawa sa labas ng kuwarto. Nakinig na lang kami at naghintay. Hinintay ko na lang na sabihin mo ang pangalan ko.

“Ano Daniel. Masakit di ba? Ganiyan kasakit ang naramdaman ko ng minsang sa mismong kuwarto natin mo dinala ang babae mo. Akala mo wala ako noon sa bahay. Sa palagay mo ilang beses ko ring nakita na pumasok ka sa bahay niya. Ang daming beses kitang sinundan dahil gusto kong mapatunayan ang tsismis tungkol sa inyong dalawa.”

“Hiniwalayan ko na siya ‘di ba? Nagbago na ako ‘di ba? Nangako akong aayusin ko ang sarili ko … ang buhay natin ‘di ba?”

“Huli na Daniel nang magbago ka. Nadumihan ko na ang sarili ko bago mo naisipang magbago. Nagmahal na ako ng iba bago mo naisipang magbago. Naiputan na kita sa ulo bago mo naisipang magbago.”

At muling pumutok ang baril… isa …dalawa… tatlo.

Tumahimik sa kuwarto. Tumahimik sa bahay. Ang ingay lang ng ulan na tumatama sa bubong ang nadidinig.

**********

“Tao po… tao po… ano pong nangyayari diyan.”

May mga taong dumating. Kinakalampag nila ang gate.

Nanginginig sa takot sina Elena at  ang nanay niya. Magkayakap sila.

Binuksan ko ang gate.

Pumasok ang ilang kalalakihan.

“Aling Upeng… Elena… may mga putok kaming narinig kaya  kami’y nagpunta dito.”

“Kapitan…” sagot ni Elena, “pumasok po kayo sa kuwarto.”

Itinulak ng isa sa sa mga lalaki ang pinto.

Tumambad sa amin paningin ang duguan mong katawan. Si Daniel nama’y nakasalampak sa isang sulok ng kuwarto. Iyak ng iyak. Nilapitan siya ni Elena at ng kanilang nanay.

“Anak, bakit mo nagawa ito.” Niyakap ng kanyang nanay si Daniel.

“Kuya, bakit?”

“Patawarin po ninyo   ako inay… Elena… Ang hirap tanggapin. Ang sakit.”

“Kapitan,” wika ng isang lalaki, “patay na po si Camille.”

Pagkarinig ko niyon ay nagpunta ako ng CR. Doon ako’y nagkulong. Habang bumubuhos ang ulan sa labas ay bumuhos ang mga luha ko. Binalot ang buong pagkatao ng lungkot at pagsisisi.

Ano sa palagay mo ang naramdaman ko matapos mangyari ang lahat-lahat? Sino sa palagay mo ang sinisisi ko sa lahat ng nangyari. Kung alam ko lang na sa ganoon hahantong ang lahat eh sana pumayag na akong umalis tayo ng Sagada. Sana buhay ka pa. Para sa magiging anak namin ni Elena ay pinili kong huwag kang puntahan sa kubo. Pero hindi ko alam na sa pagpili ko kay Elena at sa magiging anak namin ay ganoon ang magiging resulta. Mamamatay ka  at ang sana’y magiging anak din natin. Kung ikaw at ang anak natin ang pinili ko eh masasaktan lamang si Elena pero walang trahedyang mangyayari.

Sisihin ko ba ang Panginoon dahil sa sinapit mo at ng anak natin? Tatanungin ko ba Siya na kung halimbawa mang nagpasiya Siyang pakialaman ang kahihinatnan ng mga nangyari ay bakit puro pabor para kay Elena? HINDI. Dahil alam kong ang lahat ng nangyari ay bunga ng maling desisyon natin na huwag magdala ng payong sa araw na iyon nang pareho tayong sumilong sa kubo dahil bumuhos ang malakas na ulan. Ang lahat ay nangyari dahil sa maling desisyon natin na magtampisaw sa tubigan ng kataksilang binuo ng bumuhos na ulan.

**********

Kusang sumama sa mga dumating na pulis si Daniel. Ang bangkay mo naman ay sinabi nina kapitan na dadalhin na sa isang punenarya. Nilinis na rin nila ang mga dugo mong kumalat sa kuwarto namin ni Elena.

Bumumuhos pa rin ang malakas na ulan. Malakas pa rin ang hihip ng hangin. Hindi pa lumilipas ang bagyo.

Gabi na ng makaalis ang mga tao sa bahay. Ako, si Elena, at ang nanay nila ang natira.

Sina Elena at ang kanyang nanay ay nakaupo lamang sa salas. Wala silang imik, wala silang kibuan. Si Elena’y hindi ko malapitan. Parang may pader na nakapagitan sa amin, pader na nilikha ng nababagabag kong konsensiya.

Hindi ko alam kung dapat ko  bang ipagtapat kay Elena at sa kanilang nanay ang mga namagitan sa atin. Dapat ko bang sabihin pa sa kanila na ako ang nakabuntis sa iyo? Ano ang mangyayari kapag nalaman nila iyon? Iniisip kong manahimik na lang. Iniisip ko ba kung hahayaan ko na lang na isama mo sa libingan ang sikreto natin.

“Inay, dapat na po nating ipaalam sa mga magulang at kapatid ni ate Camille sa Pangasinan kung ano ang nangyari.”

“Oo nga Elena. Mahirap kung sa iba pa nila malalaman ito.”

“Malamang na iuuwi nila sa Pangasinan ang bangkay ni Camille kapag nalaman nila kung ano talaga ang nangyari.”

 “Oo nga po inay. Hindi ko inaasahang hahayaan nilang dito sa Sagada ibuburol at ililibing si ate Camille.”

“Sige kontakin mo na sila. Ako ang kakausap sa mga magulang ni Camille.”

 “May number po ba kayo ng sinoman sa mga partido ni ate?”

“Naku anak wala ah.”

“Teka, friend ko po pala sa Facebook ang isang pinsan ni ate Camille. Kokontakin ko po’t hihingin ko ang number ng kung sino mang puwede nating tawagan sa kanila.”

Kinuha ni Elena ang cell phone niyang nasa ibabaw ng ref.

“Naku, lowbat pala ako. Dad, pahiram ako ng laptop mo. Doon na lang ako magfefacebook.”

Kinuha ko mula sa kuwarto ang aking laptop at iniabot ko kay Elena. Pagkatapos niyon ay nagpunta muna ako ng terrace upang mapagisipan kung ano ang dapat kong gawin, kung dapat ko bang sabihin sa kanila ang lahat ng nangyari sa atin.

Muli nanaman akong nagbalik-tanaw sa unang araw ng pagdating namin ni Elena sa Sagada. Bakit kasi ako naging atat na kumuha ng mga pictures at videos noon.

Pictures?!

Sa pagkakataong iyon ay aking napagtanto na hindi ko pala nadelete ang picture mo sa kubo na nasave ko sa desktop ng aking laptop. Halos lumipad ako pabalik sa  salas.

Wala doon si Elena at ang laptop ko.

“Inay, nasaan po si Elena?”

“Pumasok siya sa kuwarto ko.”

Nang pumasok ako sa kuwarto ay nakaupo sa sahig si Elena. Patulalang nakatingin sa picture mo na nasa desktop ng laptop ko.

Sukol na sukol ako. Walang akong mapagtataguan.

“Mommy, hayaan mo akong makapagpaliwanag.”

Hindi sumagot si Elena. Gulat siya’t lumuluhang nakatingin lang sa larawan mong iyon na suot mo ang t-shirt. Si Elena ang bumili ng t-shirt na iyon. Regalo niya sa akin.

Sinimulan kong magpaliwanag. Mula sa simula, mula ng bumuhos ang ulan at sumilong ako sa kubong iyon at ang bigla mong pagdating. Sinabi ko lahat. Walang labis, walang kulang. Pati ang binalak mong pagalis nating ng Sagada na hindi natuloy dahil hindi kita pinuntahan nang malaman kong buntis siya. Wala na akong dapat itago pa.

Habang nagpapaliwanag ako eh napansin kong unti-unti nawawala ang pagkagulat sa mukha niya at huminto na siya sa pag-iyak. Dahan-dahang nagsasalubong ang kanyang mga kilay at naririnig kong nagngangalit ang kanyang mga ngipin.

At narating ng paliwanag ko ang dulo. Wala na akong maidudugtong pa bukod sa pakiusap na ako’y patawarin niya.

“Tapos na ba ang paliwanag mo?”

Tumango lamang ako.

“Tumahimik na lang tayo Jeff. Tayong dalawa na lang ang makakaalam ng tungkol sa inyo ni Camille.”

Gusto kong magbunyi sa mga narinig kong iyon. Inakala kong patatawarin na niya ako.

“Ayaw ko nang dagdagan pa ang sama ng loob ng nanay ko. Baka hindi na niya kayanin.”

“Salamat mommy.”

Umakma akong yayakapin si Elena. Pero itinulak niya ako palayo.

“Huwag kang magpasalamat. Hindi pa ako tapos. Gusto ko pag-gising namin ng inay bukas ay wala ka na dito. Ako na ang bahalang gumawa ng kuwento tungkol sa pagkawala mo. Dalhin mo ang lahat ng gamit mo, pati ang t-shirt na pinasuot mo sa babaeng iyon. Masarap dyumugdyug ang mga diwata ‘di ba?”

“Elena… please…”

Sinubukan ko ulit na yakapin siya. Sinampal niya ako.

Iyon siguro ang pinakamalakas na sampal na natikman ko. Mas masakit kung ikukumpara doon sa mag-asawang sampal na pinadapo mo noon sa pisngi ko.

Tagos hanggang kaluluwa ko ang sakit ng sampal niyang iyon.

 “Mula ngayon ay tapos na sa atin ang lahat. Kahit kaylan ay hindi mo makikita ang anak ko at hindi kita ipapakilala bilang kanyang ama.”

“Mommy… sor…”

“Kung mababago ng pagso-sorry mo ang lahat ng nangyari, eh patatawarin kita. Pero hindi di ba. Makakatulog ka kaya tuwing gabi niyan? Alam mo ba kung gaano katindi ang ginawa mo? Masahol ka pa sa hayop. Sana lang eh kasama ka ng namatay ng punyetang babaeng iyon.”

Lumuhod ako sa harapan ni Elena at handa na akong magmakaawa. Tinalikuran lang niya ako at iniwan ako sa kuwarto.

“Lumabas ka na diyan at nang makapangpahinga ang nanay ko.”

**********

Madaling araw pa lang ay nilisan ko na ang bahay nina Elena. Tahimik ang ginawa kong paglabas. Nang nasa gate na ako ay lumingon ako. Nagbabakasakaling gising si Elena at tawagin ako niya at pabalikin sa bahay. Pero wala.

Hindi na umuulan nang lumabas ako, pero mahangin pa rin. Walang tao sa paligid. Tulog pa siguro silang lahat. Ang mga ilaw sa ilang poste ng kuryente ang nagsisilbing liwanag ko sa paglalakad.

Bitbit ko ang lahat ng gamit ko. Nang madaan ako sa isang basurahan ay itinapon ko na lang ang isang bag na naglalaman ng ilan sa mga lumang damit ko upang maginhawa akong makapaglakad.

Wala pa akong masasakyan paalis sa lugar na iyon kaya minabuti kong maglakad-lakad muna hanggang nakarating sa kalye na pasukan papunta sa  mini rice terraces. May kaunti ng liwanag kaya nagpasiya akong tignan siguro sa huling pagkakataon ang palayang iyong.

Ako’y naglakad hanggang natanaw ko ang kubong pinagsimulan ng lahat. Nilapitan ko iyon. Pumasok ako. Pagod ang katawa’t isipan ko kaya minabuti kong magpahinga sandali.

Nang hihiga na ako’y nadinig kong pumapatak ang ulan. Isinarado ko ang bintana. Nang isasara ko na rin ang pinto ay naalaala kita.

Dahan-dahan kong isinara ang pinto ng kubo.

Hinihintay kong itulak mo iyon pabukas upang makapasok ka’t muli’y samahan ako sa loob.

At tuluyan nang bumuhos ang malakas na ulan.

– W  A  K  A S –  

Sa Likod Ng Pader (2)

(2nd of 4 parts)

Capture

At sa unang pagkakataon nga ay nakatingin siya sa pader mula sa labas. Noong nasa loob pa siya’y isang misteryo sa kanya kung anong uri ng mundo meron sa likod ng pader. Ngayon ay malalaman na niya. Hindi sapat ang pagsama-sama niya sa mga madre sa bayan noon upang lubusan niyang malaman kung anong uri ng buhay meron sa likod ng pader.

Ipinagpatuloy na ni Marco ang paglalakad. Pinag-adya nga ng pagkakataon na maliwanag ang buwan nang siya’y tumakas. Ganoon pa man ay may baon din siyang maliit na flashlight kung kakaylanganin. Hindi niya alam kung gaano kalawak ang pinasok niyang kakahuyan sa likod ng kumbento. Mas malapit sana ang lalakarin ng bata papuntang bayan kung sa harapan ng kumbento siya maglalakad. Kabisado niya ang daan na iyon ngunit naisip niyang baka matanawan nga siya ng mga guwardiya.

Buong tapang niyang sinuong ang kakahuyang iyon. Madalas na ang mga kasing-edad niya’y naniniwala at takot sa mga multo at maligno. Ngunit iba si Marco. Pinatibay marahil ng sitwasyon niya sa buhay ang kanyang kalooban. Siya ay naging matapang. Sa edad na labindalawa ay maituturing na hindi na siya batang-isip. Madalas kasi na ang mga kausap niya ay mas nakakatanda sa kanya at kung tratuhin at kausapin ng mga ito’y animo’y hindi siya bata.

Hindi man malinaw kung saan talaga siya pupunta eh alam niya ang gagawin…hahanapin niya ang kanyang lola upang itanong kung talaga bang patay na  ang kanyang mga magulang. Kung hindi niya mahahanap ang kanyang lola ay gusto niyang mamuhay mag-isa, maghahanap ng trabaho, at makapag-ipon para sa kanyag pag-aaral. Ganoon na mag-isip si Marco. Parang hindi na bata.

Binuksan ni Marco ang bulsa ng kanyang backpack at tinignan ang lumang relo na walang bracelet na ibinigay sa kanya ni Mang Cesar… ika-siyam na ng gabi. Tapos na ang mga madreng magdasal at kung may sumilip sa kaniyang kuwarto ay baka alam na nilang wala na siya doon. Kaya’t binilisan pa niya ang lakad.

Medyo madawag ang lugar na pinasukan ni Marco sa kakahuyan, matataas ang mga damong cogon. Ramdam niya ang talim ng mga damong tumatama sa kanyang braso. Mabuti na lang at nakapantalon at sapatos siya kaya’t ligtas ang kanyang mga hita’t paa. Kalaunan ay narating niya ang isang parang hawang bahagi ng kakahuyang iyon. Mukhang talagang ginawang daaanan ang bahaging iyon.

Matapos ang halos isang oras ay nakatanaw si Marco ng isang waiting shed. Narating na niya sa wakas ang high way. Namahinga siya sandali sa wating shed. Umaasa siyang may dadaang sasakyan. Paparahin niya ang kahit anong sasakyan na unang dadaan papuntang bayan. Makikisakay siya. Iyon ang kanyang balak.

Nagpatuloy siyang maglakad habang nag-aantabay ng dadaang sasakyan. Medyo nakakararamdam na siya ng uhaw at gutom.

Mahaba-haba na rin ang kanyang nalalakad ngunit kahit naka-bisikleta man lang ay walang dumadaan. Masakit na ang kanyang paa. Tantya niya’y may nagpaltos na siyang mga daliri sa paa.

Maya-maya pa’y nakatanaw siya ng mga ilaw. Galing iyon sa mga barong-barong sa gilid ng kalsada. Ito marahil ang sinabi sa kanya noon ng mga madre na mga iskwater. Binilisan niya ang paglalakad.

Habang papalapit siya sa mga kabahayan ay nakarinig siya ng nagkakantahan at nagtatawanan. May nasalubong siyang mga bata. Nagtataka siya kung bakit gabi na’y nasa daan pa ang mga ito. Sa Kumbento’y kapag datal na ang dilim ay hindi na siya pinalalabas ng mga madre mula sa kanyang kwarto.

Namukhaan niya ang ilan sa mga bata. Sila iyong mga minsa’y naliligaw sa harapan ng kumbento, naglalaro habang namumulot ng mga basura. Sila ang sinasabi ng mga madre na mga batang salbahe. Hindi niya maintindihan kung bakit sinabi iyon ng mga madre samantalang namumulot lang naman sila ng mga basura.

May nadaanan siyang mga aleng nagsusugal sa gilid ng kalsada malapit sa poste ng kuryete na may ilaw. Lumapit siya. Nagulat si Marco sa mga kasuotan ng mga ale. May naka-shorts na sobrang ikli. May nakasando na kitang-kita ang strap ng suot na bra. Halos nakaluwa na ang dede. Palibahasa ay nasanay siya sa mga madre na laging balot ang pangangatawan.

Isa sa mga ale ay nakataas pa ang paa habang nakaupo at litaw na litaw ang makinis nito’t mabilog na hita.

“Hoy bata, sinisilipan mo ba ako?” ang paninita ng isang ale.

Sumagot si Marco habang nagkakamot ng ulo, “Naku hindi po! Sorry po!…ah…manonood lang po sana ako.”

“Hindi puwede, umalis ka, bawal dito ang bata. Hala…allissss.”

Dali-daling umalis si Marco. Itinuloy niya ang paglalakad. Maya-maya pa’y nakita na niya ang pinanggagalingan ng kantaha’t tawanang nadinig niya mula sa malayo… mga mamang nagiinuman at nagka-karaoke. Tumigil si Marco sandali. Noon lamang siya nakakita ng tunay na karaoke. Dati ay puro litrato lang nito ang ipinapakita ng kanyang guro sa homeschooling.

Nanlaki ang mga mata ng bata nang patugtugin ang sumunod na kanta. Ang mga video ng kanta ay nagpapakita ng mga hubo’t hubad na babae. Kanina’y hita lamang ng ale ang nakita niya ngayo’y buong katawan ng isang babae.  Noon lamang siya nakakita ng ganun. Meron siyang naramdaman na hindi niya naiintindihan kung ano sa kanyang puson. Napansin siya ng isang manginginom.

“Bata, baka lumuwa mata mo niyan.”

Nagtawanan ang mga manginginom.

“Ke liit-liit mo pa eh malibog ka na.” wika ng isa.

Hindi naiitindihan ni Marco ang salitang libog. Noon lamang niya narinig iyon.

“O halika tagay ka.”

Maging ang salitang tagay ay hindi niya alam. Noon din lamang niya narinig ang salitang iyon. Basta inabot niya ang baso na may lamang beer dahil nauuhaw na din siya. Inakala niyang softdrinks ito. Uminom ng kaunti. Nang malasahan mapait ay dagling idinura.

“Pweeh! Ang pait.” Ang sigaw ni Marco.

Nagtawanan nanaman ang mga mama. Ibinalik ni Marco ang baso sa nag-abot sa kanya. Pagkatapos eh dali-daling lumayo.

Nakarating sa isang tindahan ang bata. Nagugutom na talaga siya. Inilabas ang dalang pitaka. Nagpasyang bumili ng makakakain.

“Ale… coke nga po at skyflakes!”

Matapos makuha ang binili ay naupo sa lilim ng isang puno si Marco sa may ‘di kalayuan sa tindahan. Doon ay namahinga habang nagmemerienda. Tinignan din ni Marco ang kanyang relo. Halos mag aalas-onse na noon.

Magpapatuloy na sana ng paglalakad si Marco nang mapansin niyang  lumalapit ang mga batang kanina lamang ay kanyang nasalubong. Pinalibutan siya ng mga ito. Nang bilangin niya’y pito sila. Isa sa kanila’y babae. Ito ang umagaw sa  kanyang softdrinks . Isa sa kanila’y kinuha naman ang kanyang biscuit.

“Sino ka ha? Bakit ke bago-bago mo dito eh ke yabang mong umasta.” Wika ng isa.

“Wala naman akong gi…” Hindi pa man natatapos ni Marco ang sasabihi eh may sumampal sa kanya.

Nagsimula ng kabahan si Marco. Susubukan sana niyang tumakbo ngunit nakaharang ang mga bata sa harapan niya. Hinawakan ng dalawa sa mga nakapaligid sa kanya ang magkabilaan niyang kamay at puwersahan siyang itinayo.. Tinakpan naman ng isa ang kanyang bibig. Wala siyang magawa. Dinukot ng pinakamalaki sa kanila ang pitaka  mula sa kanyang bulsa.

Matapos makuha ang kanyang pitaka ay sinuntok naman siya sa tiyan ng isa sa kanila… dalawang beses. May bumatok pa sa kanya at sumipa. Ang mga hita niya ang tinamaaan ng sipa.

Binitawan siya ng mga humahawak sa kanya. Napaluhod at naiyak sa sakit si Marco. Halos mawalan siya ng malay.

Nagtatakbong palayo ang mga bata habang namimilipit pa si Marco sa sakit mula sa kanilang mga suntok at sipa. Walang siyang magawa kundi pagmasdan ang mga ito habang isa-isang nangawala sa madilim na bahagi ng mga kabahayan. Tumayo siya upang habulin sana ang mga bata ngunit hindi niya maihakbang halos ang kanyang mga paa, masakit pa ang kanyang mga hitang nasipa. Nagsisisigaw siya’t humihingi ng tulong. Sinabi niyang may bumugbog sa kanya’t kinuha ang kanyang pitaka. Paulit-ulit iyon. Pero walang pumansin sa kanya. Maging ang may-ari ng tindahang binilhan niya ng meryenda ay dinedma lamang siya.

Walang tumulong sa kanya. Wala na ang mga bata. Sinaktan na siya’y tinangay pa ang kanyang pitaka. Nanumbalik sa kanyang ala-ala  ang mga sinabi ng isang madre tungkol sa kanila noon. Totoo nga, mga salbahe nga sila.

Naupong muli si Marco. Hindi na niya alintana ang sakit sa mga suntok at sipang inabot. Ang iniisip niya ay ang kinuha sa kanyang pitaka.

Marami-rami ang lamang pera ang pitaka ni Marco. Higit-kumulang limang libo. Matagal niyang inipon iyon mula sa mga perang ibinibigay sa kanya ng mga madre nag-aalaga sa kanya at ng mga paring dumadalaw sa kumbento. Nangako siya sa sarili na uunti-untiin lamang na gastusin ang baon niyang pera hanggang makahanap siya ng trabaho sa kanyang pupuntahan.

Hindi na siya nakakatiyak kung ano ang mangyayari sa kanya ngayong wala na siyang pera. Pero wika niya sa sarili’y “Bahala na!” Ipagpapatuloy niya ang kanyang mga balak. Kasubuan na. Ipinangakong kahit ano ang mangyari ay hindi na siya babalik sa kumbento.

Mangiyak-ngiyak man sa magkahalong sakit ng katawan at sama ng loob ay  nagpatuloy sa paglalakad si Marco. Nagpasalamat na lamang siya at hindi na pinaginteresan ang kanyang backpack.

Malayo-layo na rin siya sa mga bahay ng mga iskwater. Wala na siyang nadadaanang poste na may ilaw pero dahil may buwan ay maliwanag pa rin ang daan. Nakakaramdam na ulit siya ng pagod at nagtataka siya kung bakit naman wala pa ring dumaraang sasakyan hanggang sa oras na iyon.

Habang binabagtas ni Marco ang isang kurbandang bahagi ng kalsada ay bigla siyang nakarining ng putok ng baril. Kasunod niyon ay ang pasigaw na pagmamakaawa ng isang lalaki. Sa halip na matakot at tumakbong palayo ay binilisan ng bata ang paglalakad at pilit hinanap ang pinanggalingan ng putok.

Nakarating siya sa isang bakanteng lote malapit sa gilid ng kalsada. Napapaligiran ito ng mga puno ng acacia. Doo’y nakakita siya ng mga pulis. Binilang niya…tatlo sila. Isa sa kanila’y may hawak na parang samurai at ang iba’y mga baril. May mamang nakabulagta at may 2 pang lalaking nakaluhod at mukhang nakatali ang mga kamay at may piring ang mga mata. Maliwanag ang lugar dahil bukas ang mga headlight ng dalawang patrol ng pulis. Nasa harapan ng mga sasakyan ang mga mamang walang hinto ng paghingi ng tawad. Nakapanood na siya ng ganoong eksena sa isang palabas sa TV minsan.

Maingat siyang nagtago sa likod ng isang puno para hindi mapansin ng mga pulis. Mula sa kanyang puwesto ay dinig na dinig niya ang sagutan ng mga pulis at ng mga mamang nakaluhod.

“Sir maawa na po kayo sa amin. Huwag po ninyo kaming patayin. May mga pamilya po kami.”

“Ganun, paano naman ang pamilya ng mga nasira ang buhay dahil sa drogang ibinebenta ninyo.”

“Pangako po, hindi na kami gagamit at magtutulak ng droga. Magbabagong-buhay na po kami.”

Nilapitan ng pulis na may hawak na patalim ang isa sa mga mama.

“Nadinig ko na ‘yan eh. Lumang tugtugin na ’yan.”

Kitang-kita ni Marco kung papaanong dahan-dahang sinugatan ng pulis ang mama sa pisngi. Nakita ng bata ang dugong umaagos sa mukha nito. Natakot siyang bigla, nanginig. Noon lamang siya nakakita ng ganun. Nang akmang pipingasin ng pulis ang tenga ng mama ay hindi na nakayanang tignan ni Marco. Pumikit ito at nagusmiksik sa likod ng punong pinagtataguan. Sising-sisi kung bakit siya nagpunta doon. Naala-ala niya ang ginawa sa kanya ng mga bata kanina lamang. Paano kung nagkataong palang may patalim din ang mga ito. Parang nagsisimula na niyang pagsisihan  kung bakit umakyat siya sa pader at umalis ng kumbento.

Nang marinig niyang humiyaw sa sakit ang piningasan ng tenga ay tuluyang na siyang nanginig. Habang patuloy ang pagmamakaawa ng mga hinuli ng pulis ay tumutulo na ang mga luha ni Marco. Matinding takot ang kanyang nararamdaman.

Hindi malaman ni Marco kung ano ang gagawin. Gusto na niyang tumakbo paalis sa lugar na iyon pero natatakot siyang makita ng mga pulis at baka siya ay barilin. Maya-maya pa’y dalawang putok ang magkasunod na umalingawngaw. Sinundan iyon ng pagkalabog ng bumagsak sa lupa ang katawan ng mga mamang binaril.

Hindi na kinaya ni Marco. Masyado na siyang natakot sa mga nangyari.

“Tama na, maawa kayo.” Paulit-ulit niyang sinasabi iyon habang siya’y umiiyak at nakasiksik sa ilalim ng puno.

Nahimasmasan ang bata nang mapansin na nakatapat na sa pinagtaguan niyang puno ang ilaw ng isa sa mga sasakyan ng pulis. Siya naman ang pinaligiran ng mga ito. Sa unang pagkakataon ay natutukan siya ng baril. Hindi na malaman ni Marco ang gagawin. Nangangatal ito sa takot at habang umiiyak at sa garalagal na boses ay nagmakaawa siya na huwag patayin. Paulit-ulit na sinasabing wala siyang kasalanan.

Tinawanan lamang siya ng mga pulis. Takang-taka siya. Natahimik.  Nakita niyang ibinaba ng mga ito ang kanilang mga baril.

“Taga-saan ka bata? Ano ba ginagawa mo dito? Dis-oras na nang gabi ah.” Tanong ng isang pulis.

Hindi siya sumagot agad. Hindi niya puwedeng sabihing sa kumbento siya nakatira dahil baka ibalik siya doon.

Tumuro siya sa kinaroroonan ng mga iskwater at sinabing, “Doon po ako nakatira. Ano po kasi… nawawala po kasi iyong aso namin kaya hinahanap ko.”

Mukhang naniwala ang mga pulis at mukhang hindi naman siya sasaktan ng mga ito. Marahil naawa dahil siya ay isang musmos pa lamang. Ngunit nanginginig pa rin siya.

“Sige-sige hanapin mo ng makauwi ka na.” Sabi ng isang pulis. “Hoy bata siguraduhin mong wala kang pagsasabihan kahit sino sa mga nakita mo ngayon ha dahil kung may makakaalam na mga pulis ang pumatay sa mga mamang iyan ay hahanapin ka namin. Nakita namin ang mukha. Madali ka lamang namin na mahahanap.”

“Hindi po, hindi po. Wala po akong pagsasabihan. Tatahimik po ako.”

Pinaalis na siya ngunit ilang hakbang pa lamang ay sinabihan siya ng isa na huminto. Nadagdagan ang kaba sa dibdib ni Marco.

“Mag-ingat ka nga pala, sa kabilang bayan ay may mga nawawalang bata. Dinudukot daw.” Babala ng isang pulis.

“Opo. Salamat po.”

Part 3

Ang Larawan Ni Ama

papa1Hindi ko na nabilang kung ilang oras bago ko narating ang maliit na baryong sinilangan ng aking ama. Humahalo kasi ang yamot sa aking  inip tuwing tumitingin ako sa relo noon kaya’t idinaan ko na lamang sa tulog. Nakadalawang bus at  isang jeep ako at kinaylangan ko pang sumakay ng tricycle. Sanay naman ako sa matagalang biyahe kaso nga lang ay walang tigil ang ulan dahil may bagyong paparating. Baha’t  maputik ang mga daan kaya mahirap ang magpalipat-lipat ng sasakyan. Kaya nga’t nagpasya akong hindi na lamang isama ang aking butihing maybahay sa lakad kong iyon. Mahihiluhin at mainipin siya sa biyahe. Napakabagal pa naman ang tinakbo ng aking mga sinakyan.

Sumablay pa ng kaunti ang huling yugto ng biyahe kong iyon. Nakalimutan yata ng  driver ng tricycle ang kanyang trapal, o kaya’y tinamad lamang siyang ilagay ito kaya’t ginamit ko na lamang ang dala kong payong na panangga sa ulan upang hindi mabasa ang bitbit kong bag at mga pasalubong. Hinayaan ko ng mabasa ang aking mukha. Maging ang pantalon ko ay nabasa na rin. Hinayaan ko na lang. Sa halip na ako’y magmukmok ay nag-enjoy na lang  ako sa tubig-ulang humihilamos sa mukha ko. Matagal-tagal na rin naman akong hindi naliligo sa ulan. Ipinalangin ko na lang na huwag sana akong sipunin o trangkasuhin dahil doon.

Nang malapit na akong bumaba ay humina nang kaunti ang ulan. Takip-silim na noon. Sarado ang mga bintana’t pintuan ng bahay ng aking mga tiyahin. Maulan at mahangin kasi. Ngunit may mga tao sa loob ng mga bahay nila.  Bukas ang mga ilaw at may mga anino akong nababanaag na gumagalaw sa loob. Minabuti kong huwag na muna silang abalahin. Isa pa’y nabasa nga ako ng ulan. Kaylangang makapagpalit agad ako ng damit at makapagpakulo ng tubig. Masarap humigop ng mainit na kape sa pagkakataong iyon. Dumiretso na lang ako sa bahay ng aking ama.

Tahimik ang paligid. Ang naririnig ko lang ay ang patak ng ulan sa bubungan ng mga kabahayan at pagaspas ng mga dahong hinahampas ng medyo may kalakasang hangin. Natanaw ko na ang bahay. Noon ko lamang napansin na sa medyo malayo at kapag medyo madilim ay para palang maliit na haunted house na ang dating nito. Para bang kung dayuhan ka sa lugar na iyon at makikita mo ang bahay sa unang pagkakataon ay kikilabutan ka ng kaunti at mag-aatubili kang lumapit

Pumasok ako sa bakuran. Nakalaylay na halos sa lupa ang yari sa kawayang bakod sa harapan. Isang makalawang na yero lamang ang nagsisilbing harang. Mahaba ang mga damo sa harapa’t gilid ng bahay. Maraming dahon ang nagkalat. Nang pumasok ako sa terrace ay pumulupot pa sa mukha ko ang sapot ng gagambang hindi ko napansing nakaharang pala sa aking daraanan. Muntik nang pumasok sa bibig ko ang isang maliit na paru-parong nakalaylay sa sapot.

Nang nasa harapan na ako ng pintuan at hahawakan ko na ang door knob ay noon ko napagtantong wala nga pala akong susi. Dapat nga pala’y hiniram ko ang susi kay tita Cecille, ang bunsong kapatid ng aking ama. Wala na akong choice kundi  puntahan si tita Cecille upang humiram ng susi. Ngunit bago pa man ako makahakbang palayo sa pinto ay  biglang dahan-dahan itong bumukas. Ganoon ang mga eksenang napapanood ko sa pelikulang katatakutan. Pakiramdaman ko’y nagtayuan ang mga balahibo ko sa batok. Nag-alangan akong pumasok agad. Nang ako mahimasmasan ay naisip ko  na siguro’y nakaligtaang lang i-lock ang pintuan ng sinumang nautusan ni tita Cecille na buksan ang ilaw  sa  terrace nang nagdaang gabi.  Nagkataon lang na bigla itong bumukas nang ako’y nandoon na. Siguro dahil nga malakas ang hangin.

Nabanggit sa akin minsan ng tita ko na para maliwanag sa bahay ay binubuksan nila ang ilaw sa terrace tuwing gabi. Wala na kasi doong nakatira. Hindi na rin kasi doon namalagi si ate Lea, ang aking madrasta. Mula nang magkasakit ang aking ama’y madalang na siyang puntahan ng pangalawang asawa nito. Kaya’t nang mamatay siya at nagtangka si ate Lea na muling tumira doon ay hindi na pumayag ang aking mga tiyahin. Ako man ay hindi ko siya hahayaang manatili doon. Tinanggap ko siya’t iginalang bilang madrasta subalit naglaho ang amor ko sa kanya ng hinayaan niyang mamuhay mag-isa ang aking ama sa bahay. Hindi ko siya gustong sisihin pero marahil kung nandoon lamang siya noong atakihin sa puso si papa ay baka sakaling nadala pa ang aking ama sa hospital. Maaaring buhay pa sana siya ngayon.

Nang tuluyan na akong pumasok ay napangiwi ako nang sumalubong sa akin ang magkahalong amoy ng alimuom na galing sa maruming sahig at pader at sa dumi ng pusa. Kagyat kong binuksan ang bintana upang sumingaw ang masangsang na amoy.

Maraming agiw. Basa ang maruming sahig. Sira na kasi ang bubong na yari sa pawid. Tumutulo na tuwing umuulan. Palitin na. Hindi na naayos ang bahay, napabayaan na ito. Kaming magkakapatid kasi ay paminsan-minsan lamang napupuntahan ito mula nang sumakabilang-buhay ang aming ama. Ako nama’y nagta-trabaho sa Japan at dalawa hanggang tatlong beses lang ako sa isang taon kung umuwi.

Kung tututusin eh maliit lamang ang gastos kung ipapagawa ko ang bubong. Buhay pa man ang aking ama noo’y gusto ko nang gawing yero ito ngunit ayaw niyang pumayag. Mas presko daw ang pawid. Kapag naman napapansin kong may kaunting butas ang bubong ay sasabihin niyang hayaan ko na lang daw para nasisilip niya ang langit kapag siya’y nakahiga sa kanyang kama. Ganun ang aming ama. Ginagawang katatawanan ang ilang bagay na kung ituring ng iba’y suliranin.

Kaya ko namang pagandahin ang bahay nang sumakabilang-buhay ang ama. Napapinturahan ko na nga ang salas at pinalagyan ko ng pre-cast ang terrace na dating yari lamang sa kawayan ang harang. Ngunit kapag nagawa na ang bahay eh nakatitiyak akong gagawin itong tambayan ng panganay kong kapatid na lalaki at ng kanyang mga kabarkada. Gagawing inuman at walang nakakaalam kung ano pang kabalbalan ang puwede nilang gawin dito. Kaya hinahayaan ko lang munang ganoon ang lagay ng bahay. Ang isa pang mabigat na dahilan eh kapag maayos na maayos na ito’y baka tuluyan ng tirhan iyon ng panganay naming kapatid at ng kanyang pamilya. Hindi maaari iyon dahil ang bunso man naming kapatid na babae eh naghahanap din ng matitirhan at ilang beses na niyang nabanggit na gusto niyang manirahan doon. Kaya para walang problema napagpasyahan kong wala titira doon sa aming tatlong magkakapatid.  Pinangakuan ko na lamang silang hintayin akong magkapera at susuklian ko na lamang sila sa kanilang parte sa bahay at maliit na lupang iyon ng aming ama.

Aywan ko ba kung bakit kasi hindi nagsikap magpundar ng lupa’t bahay ang dalawa kong kapatid.  Hindi sila marahil nadala sa karanasan ng aming pamilya na palipat-lipat ng bahay. Noon nga’y pinalayas kami ng isang kamag-anak namin mula sa isang bahay na aming tinirhan. Hindi ko alam kung bakit at ayaw ko na ring alamin ang dahilan sa pangyayaring iyon. Baka rin kasi mali ang pagkakaintindi ko noon dahil bata pa nga ako.  Hindi ako nagtanim ng galit kanino man dahil doon pero nagmarka sa isip ko iyon. Abang-aba ako sa aming kalagayan noon na kaylangan naming panandaliang tumira sa animo’y ulbo ng baboy na pagmamay-ari, hindi pa ng isa man sa mga kamaganak namin kundi ibang tao… kaybigan ng aking ama’t ina. Ang insidenteng iyon ang isa sa mga hinuhugutan ko ng inspirasyon para magsikap sa buhay, hanggang ngayon. Nag-aral ako at nagpunyagi. Pinilit kong magkaroon ng sariling lupa’t bahay.

Pero mas malaking inspirasyon para sa akin ang aking ama. Sa kanya ko natutuhan ang magpunyagi at tumayo sa sariling paa, ang magtiwala sa sarili at huwag umasa sa iba. Matalino’t madiskarte ang aking ama. Sabi nila ay sa kanya daw ako nagmana.

Nakatakdang dumating din kinabukasan ang dalawa kong kapatid. Babaang-luksa na kasi para sa aming ama. Mag-iisang taon na mula nang  siya ay pumanaw. Tiyak na walang hanggang tanungan nanaman kung kaylan ko sila babayaran sa parte nila sa iniwang bahay at lupa ng aming ama. Tiyak na mangungulit nanaman sila na sa iba na lang namin ito ipagbili dahil gipit na gipit na sila’t kaylangang-kaylangan na nila ng puhunan para makapagsimulang makapagnegosyo. Para bang tanging iyon na lamang ang ang puwede nilang pagkunan ng ikabubuhay nila.

Hindi ko gustong mapunta sa ibang tao ang bahay at lupang iyon ng aking ama kaya’t dapat silang maghintay. Ni ayaw ko nga itong paupahan.

Maliit lang at sira-sira pa ang bahay  at hindi ganoon kalaki ang kinatitirikang lupa. Subalit iyon ay ala-ala ng aking ama. Iyon ang aming nagsisilbing koneksyon sa angkang aming pinanggalingan kaya’t hindi ko papayagang mapunta iyon sa iba.

Matapos kong buksan lahat ng ilaw at makapagwalis ng kaunti sa salas ay pumasok ako sa kuwarto’t inilapag ko sa ibabaw ng lamesa sa ulunan ng kama ang aking mga gamit. Inilatag ko ang nakatiklop na banig at kumot na nasa kama. Mabuti na lamang at balot sa plastik ang mga gamit sa kama kaya malinis at walang masamang amoy. Gayon pa ma’y ipanagpag ko ng paulit-ulit ang mga ito bago ko inilatag.

Nagpalit agad ako ng damit. Pagkatapos, katulad ng aking nakagawian, ay kinuha ko ang larawan ng aking ama. Sa larawang iyon ay kuha ang kabuuan ng kanyang mukha hanggang sa dibdib, sa babang bahagi ng huling butones ng suot n’yang polo shirt. Ang larawan iyon na nakasabit sa dingding na nasa itaas ng isang lumang TV ay ang bantay sa bahay na iyon.

Dinala ko sa kuwarto ang larawan at pinunasan ng face towel kong nabasa ng ulan.

Nang malinis na’t itinaas ko ng kaunti upang ito’y pagmasdan eh parang nakita kong gumalaw ang mga labi ng aking ama sa larawan. Parang nginitian n’ya ako. Hindi ko na matandaan kung nakangiti nga ba talaga sa larawang iyon ang aking ama o hindi. Siguro’y namamalik-mata lang ako, dala marahil ng pagod at hilo dahil sa mahaba kong byahe.

“Kumusta na ba papa? Pasensya na po kayo kung ngayon lang ako nakabalik dito.”

Matapos kong sabihin iyon ay parang nawala ang ngiti sa labi ng ama ko sa larawan na animo’y nagtatampo. May kilabot na namang gumapang sa aking katawan. Nangalisag yata lahat ng balahibo ko.

“Naku si papa, nagpaparamdam ka ba.” Nagtapang-tapangan ako’t sinabing, “Sige nga pa pakita ka sa akin oh. Sige na pa.”

Naniniwala akong merong multo pero hindi pa ako nakakakita. Hindi ko masabi kung takot ba ako dito o hindi.  Pero kung ang aking ama ang magpapakita sa akin eh baka yakapin ko pa siya. Nami-miss ko siya… sobra. Gusto ko talagang siyang makita. Kahit sa anyong multo man lang.

Pinagmasdan kong muli ang larawan ng aking ama. Maraming kuwento ang mga tiyahin ko tungkol sa larawang iyon. Minsan daw ay makikita na lamang nila ito sa salas ng kani-kanilang bahay. Ang sabi ko naman sa kanila ay baka isa lang sa mga pilyong pinsan ko ang gumagawa niyon at tinatakot lang sila.

May pamangkin naman ako sa pinsan na nagsabi na nang siya’y utusan ni tita Cecille na buksan ang ilaw sa terrace dahil papadilim na noon ay nakita n’yang blangko daw ang larawan ni papa at may narinig s’yang parang umiihi sa banyo. Nagtatakbo daw ito sa takot at kahit kaylan ay hindi na ito nautusang buksan ang ilaw. Hindi ko pinaniwalaan iyon. Inisip ko naman na baka lasing lang ang pamangkin ko noon. Pero hindi naman daw.

Marami pa na animo’y mga kababalaghan na nangyayari kaugnay sa larawan ng aking ama. Ipinagkibit-balikat ko lang lahat ng iyon. Sanay na ako sa ganoong uri ng kuwentuhan kapag may kamamatay lamang na isang tao.

“Kakauwi ko lang po pa. Sa susunod na buwan pa ang balik ko sa ko sa Japan. Miss na miss ko na po kayo.”

Ganun madalas ang ginagawa ko tuwing dumadalaw ako sa bahay ng aking ama. Hinahawakan ko ang kanyang larawan at kinakausap ko siya. Tinitiyak ko naman na ako lang ang makakarinig at baka isipin nilang nasisiraan ako ng ulo. Ang mga tita ko siguro ay alam na ganun ang ginagawa ko. Itinatabi ko pa ang larawan ni ama kapag ako’y natutulog at dinadala sa kusina kapag ako’y kakain. Saka ko lamang ibabalik ito sa ding-ding kapag ako’y paalis na.

“Sobrang dumi ng bahay mo papa. Napagod ako sa paglilinis. Nagutom tuloy ako ah. Tara kaya sa kusina, magpapainit ako ng tubig. Magkakape tayo at ipapatikim ko sa iyo itong super anghang na noodles na uwi ko.”

Para naging masaya ang itsura ng ama ko sa larawan matapos kong sabihin iyon. Ipinagkibit-balikat ko lang din iyon at inisip ko na lang na  siguro pagod at gutom lang ako kaya parang may nakikita akong mga nagbabago sa larawan ng aking ama.

Posible rin naman na nakondisyon ang isip ko ng mga paulit-ulit nilang kuwento tungkol sa larawan ng aking ama kaya nai-imagine kong nagbabago nga ito kahit hindi naman .

“Puro porma ka lang naman pa. Paradaman ka lang ng paramdam, eh ayaw mo namang magpakita. Tara na nga sa kusina.”

Inilapag ko sa lamesa ang larawan. Patayong isinandal ko ito sa pader paharap sa inuupuan ko.

“O pa, relax ka lang diyan. Ako ang magluluto. Ang daya mo pa, dati ikaw ang nagluluto kapag pumupunta ako dito. Paano yan, hindi ka na makakatikim ng dala kong longganisa galing sa amin. Sorry na lang po. Pero puwede mo namang sigurong amuy-amuyin.”

Madilim na kaya’t binuksan ko ang ilaw sa kusina. Unti-unti nanamang lumalakas ang ulan, pati ang hangin.

Humangin ng malakas. Biglang may kumalabog at pagkatapos ay namatay ang ilaw. Paglingon ko sa lamesa, sa kaunting liwanag na natitira ay nakita kong parang nakabuwal ang larawan ni amang inilagay ko doon.

Mukhang pundido ang ilaw. Pumasok ako sa salas. Mabuti na lamang at may ekstrang bombilya sa toolbox na iniwan doon ni kuya. Pagbalik ko sa kusina’y pinalitan ko ang bombilya. Nang magliwanag na ulit sa kusina ay nagulat ako sa nakita ko sa lamesa. Nakatayo na ang kanina’y nakabuwal na larawan ng aking ama.

Mas matindi ang kilabot na naramdaman ko sa pagkakataong iyon. Nakakapagtakang bigla na lamang nakatayo ang larawan ng aking ama. Huminga ako ng malalim katulad ng madalas kong gawin kapag medyo natutuliro ako’t ‘di makapagisip ng mabuti. Lumingon ako sa kaliwa’t kana. Pati sa likuran. Walang ibang tao.

Pagkatapos ay naglakas-loob akong lapitan ang larawan. Dahan-dahan. Kapansin-pansing nawala ang ngiti ng aking ama sa larawan. Parang seryoso itong nakatingin sa akin. Naiinis ba siya na hinahamon ko siyang magpakita pero heto’t nagpaparamdam pa lang siya’y parang gusto ko nang tumakbong palayo?

Naisip kong bigla ang isang bagay na sinabi ng lola ko noon na hangga’t hindi pa nakakabababaang-luksa eh umaali-aligid lang kaluluwa ng patay sa kanyang bahay at nagpapaparamdam sa kanyang mga mahal sa buhay.

“Naku naman papa. Tinatakot mo naman ako. Sige ka uuwi na ako. Mag-iisa ka rito.”

Pabiro kong sinabi iyon para medyo maibsan lang ang takot na nagsisimula ko nang maramdaman. Inisip kong tumawag ng kasama sa pagkakataong iyon. Gusto ko nang tawagan at papuntahin doon ang pinsan kong si Randy.

“Siguro gustong-gusto mo nang magkape ano kaya sumimangot ka. Sige, teka lang pa ha. Magpaparikit na ako.”

Wala na doon ang gasul at stove na dating ginagamit ng aking ama sa pagluluto. Kaya’t sa lumang tungko ako nagpakulo ng tubig. Mabuti na lang at may mga panggatong na nakasalansan sa ilalim ng tungko na hindi naman nabasa ng ulan.

Hinugasan ko din ang mga baso’t pinggan mukhan matagal nang naka-stock sa lagayan. May kalumaan na ang mga gamit ng aking ama sa kusina.

Paminsan-minsan ay nililingon ko ang larawan ni papa habang ako’y naghuhugas. Inabangan ko kung may mangyayari. Siguro may pinsan akong nagbibiro sa akin. Katulad ko, may mga pinsan din akong mahilig mang-good time. Isa sa kanila siguro ang nagtayo ng larawan ng aking ama. Naisip kong baka si Randy.

“Randy!… Randy!… ‘insan labas na dyan. Samahan mo kami dito ni papa.”

Hinintay kong lumabas ang pinsan ko. Pero wala.

Nagtimpla ako ng kape. Tig-isa kami ng aking ama.

“O heto na po ang kape ninyo. Swerte nati’t may nakatago pang kape’t asukal sa lagayan mo. Nakasalang na rin po iyong noodles. Ay sandali nga pala papa, may kukunin ako sa loob.”

Dali-dali kong binuksan ang mga dala kong gamit at kaagad akong bumalik ng kusina. “Heto nga pala papa ang pasalubong ko sa iyo. Chivas Regal! Sa Duty Free  ko pa binili yan. Dalawang bote. Tig-isa tayo. 18 anyos yan papa…hindi 12… kaya wala tayong sabit. Hehe!”

Hindi na ako masyadong ninerbyos ng mapasin kong parang bumalik ang ngiti sa labi ng aking ama sa larawan. Inisip ko na lang ulit na namamalikmata lang ako.

“Nagustuhan mo ba ang kape papa?  Oops teka. May tulo na rin pala sa tapat na ito. Nahihiya ako sa iyo na hindi ko pa maipagawa itong bahay mo sa ngayon. Ayaw ko kasing gawin tambayan lang ito ni kuya at ng mga barkada niya.”

At ayon, may nagbago nanaman sa anyo ni papa. Kumunot ang noo nito, nawala ang ngiti nang banggitin ko si kuya. Ayaw na ayaw ng aming ama na pumupunta din doon si kuya dahil walang alam gawin kundi makipag-inuman sa mga barakda. Para nga talagang may kakaiba sa larawang iyon ng aking ama. Talagang nakakunot ang noo n’ya. Siguro wringkles lang iyon na hindi ko napansin noon.  Pero medyo nawawala na ang kaba ko. Parang nakakasanayan ko na. Huwag ng lang sana siyang biglang tubuan na pangil sa larawan at tiyak eh kakaripas ako ng takbo.

Nang maluto ang  noodles ay nagpirito rin ako ng dala kong Spam.

Kain po tayo papa bago tayo uminom. Mahaba-haba ang kwentuhan natin ngayon.

“Marco, Marco. Ikaw ba yang nandyan?… Marco.”

“Opo tita. Nandito po ako sa likod, sa kusina.” Si tita Cecille iyon.

Pinuntahan ako sa kusina ng tita. Nagmano’t humalik ako sa pisngi ni tita Cecille.

“Akala ko ang kuya mo nanaman ang nandito. Aba sosyal, Chivas Regal, 2 bote pa ha. Paano naman kami?”

“Siyempre meron din po kayo tita – red wine. Nasa loob po.”

“Eh sino ba kasama mong nandito? Parang may naririnig akong kausap ka.”

“Hayan po siya sa likod mo tita. Say hello to papa.”

“Ha!”

Lumingon sa mesa si tita Cecille. Biglang tumayo.

“Hesusmaryahosep. Ginulat mo naman ako. Alam mo namang matatakutin ako eh. Hayan, hindi na ako nito makakabalik sa bahay mag-isa. Dapat ihatid mo ako.

 “Ganun!?” Hindi ko napigilang tumawa.

“Tawa ka pa diyan.”

“Hayan, pahatid ka kay papa.”

“Naku naman Marco, lalo ka pang nanakot eh. Basta ihatid mo ako.”

Natatawa lang ako. Nang tumingin ako sa larawan ng aking ama eh parang nangingiti ito.

“Para na rin makuha mo iyong niluto kong ginataan tulingan para sa iyo.”

“Wow! Sige po tita ihahatid na kita. Oo nga pala tita pakikuha na lang sa kuwarto ang mga pasalubong ko sa inyo. Nasa kulay pulang plastic bag. Paghati-hatiin na lang po ninyo. Nandyan ba sina tita Claire at tita Carol?”

“Oo, kanina ka pa nga nila hinihintay.”

Pumasok ng bahay ang tita Cecille at kinuha ang pasalubong ko sa kanila. Naglagay ako sa bowl ng niluto kong noodles.

“Kadami naman nito Marco. Salamat ha.”

“Heto po tita, tikman mo rin itong dala kong Japanese noodles.”

“Ay naku, hindi ko kaya ang anghang niyan. Matakaw ang tita mo pero pass ako d’yan.”

“Tita, natanggap ko po iyong text message mo sa akin kanina. Eh bakit ayaw ninyong maghanda tayo bukas para sa babaang-luksa ni papa. May budget naman ako para doon.”

“Huwag na, okay na iyong pansit palabok at tinapay. Maging praktikal tayo Marco. At isa pa, bukod na sa maulan, eh busy mga tao dito, walang magluluto. Baka rin wala masyadong magpuntahan bukas at may bagyong paparating. Masasayang lang kapag nagluto tayo ng madami.”

“Sige po. Kayo po bahala. Pakisabi na bukas matapos ang padasal natin eh manananghalian na lang tayo doon sa paborito ninyong restaurant bago ako umalis.”

“Iyon ang isa pang dahilan, gusto naming yayain mo kami doong kumain.”

Nagtawanan kami ng tita pagkasabi niya niyon.

“O halika na tita, ihahatid na muna kita. Papa, sandali lang ha.”

“Ay siya sige at naabala ko ang bonding ninyong mag-ama. Hehe. Babay kuya!”

Napansin kong hindi tumingin ang tita Cecille sa larawan bagay na siguro eh hindi nagustuhan ng aking ama kaya’t tingin ko sa larawan niya’y parang itong nakasimangot.

Pagbalik ko’y dala ko na ang ginataang tulingang niluto ng tita ko. May kasama pang kanin.

“Hayan pa, may noodles, may kanin, may ginataang tulingan at meron pang Spam.”

Naglagay ako Chivas sa dalawang baso.

“This is for you papa… and this one’s for me… Cheers!!!”

Sumubo ako ng tulingan at kanin nang maubos ko ang aking unang tagay. Sarap na sarap ako sa ginataang tulingan. Noon lamang ulit ako nakatikim ng isadang iyon sa loob halos ng isang taon. Hinango ko na rin ang pinirito kong Spam.

“O heto pa, lagi mong sinasabing uwian kita ng Spam ‘di ba.”

Ipanagpalagay kong buhay ang aking ama at siya’y masayang nandoon ako. Katulad noong buhay  pa siya na masiglang-masigla kapag dinadalaw ko siya. Naglagay ako sa isang platito ng tulingan at Spam at inilapit ko sa kanyang larawan.

Naramdaman ko na lamang na may tumutulo akong luha.

“O hindi ba papa. Hanggang ngayon iyakin pa rin ako. Ikaw kasi eh. Iniwan mo kami agad. O tagay na ako papa. Ubusin mo na iyang sa iyo.”

Matapos ang higit isang oras ay nangalahati na ang bote ng alak.

“Papa, naaalala mo ba noong dinalaw mo kami sa bahay minsan. Walang akong mabiling San Mig Light noon at ang meron lang ay Red Horse beer. Bumili ako ng apat na bote, isa sa akin at tatlo sa iyo. Anak ng… pinagtawanan po ninyo ako  noon kasi hindi ko pa man nauubos ang isang bote ko eh nagkanda-suka’t tae na ako. Mula noon eh hindi na ako umulit uminom ng Red Horse. Lintek, ang lakas sumipa.”

Pinagmasdan ko ang larawan ng aking ama. Kitang-kita ko sa mukha niya ang saya habang umiinom ako o paano ko ba dapat sasabihin – habang nag-iinuman kami.  Kitang-kita kong parang nangingiti siya, parang nanunuya, sa dahilang tuwing may sasabihin ako’y may sumasabay na mga butil ng luha na tumutulo mula sa aking mga mata.

Mahirap paniwalaan ang nakikita kong pabago-bagong itsura ni papa.  Pabago-bago ang emosyon sa kanyang mukha. Alam ko kung ano ang nakikita ko, hindi naman ako nababaliw. Sabihin ko na lang na siguro may problema ako sa mata o nakondisyon ang utak ko sa mga kuwento nila tungkol sa larawan ni ama. Tingin ko nga’y kumikindat pa ang mata niya  kapag natutuwa siya sa mga sinasabi ko.

Sayang at wala pa ang mga kapatid ko. Sila man sana’y minumulto ng ama namin sa pagkakataong iyon. Siguro magsisisigaw ang bunso naming kapatid. Matatakutin iyon eh. Kung totoong matapos ang babaang luksa, sa sandaling maiusal ang huling panalangin para sa patay ay papanhik na sa langit ang kaluluwa ng aking ama eh sasamantalahin ko na. Kahit sa ganitong paraan, medyo nakakakaba man, eh kahit papaano eh ramdam kong kasama ko siya. Sa pagkakataon iyong ay nilunod na ng alak at pagkasabik ko sa aking ama ang takot.

“Tagay pa papa.”

Muli ay hinagod ko ng tingin ang larawan ng aking ama. Tahimik lamang ako. Parang lumungkot ang mukha niya.

“Papa, bukas pa darating sina kuya at bunso natin. Hay naku papa, ganun pa rin iyong dalawa. Hirap na hirap sa buhay. Mga hindi kasi nagsipag-aral. Inaabutan ko naman sila paminsan-minsan. Aba eh hindi puwedeng palagi. Kaylangang dumiskarte sila ng sa kanila. Si mama nakiusap ako na pumunta siya dito kahit ngayon lang eh ayaw talaga. Pero alam po ba ninyo, ayaw mang aminin ni mama eh mahal ha mahal ka pa rin niya. Ma-pride lang talaga iyon. Pero tiyak ko na pinagrorosaryo ka niya ngayon. Hinihiling kay Lord na doon ka mapunta sa Kanya, huwag kay Taning. Haha! Joke lang papa. Siguro kung hindi dito gaganapin ang babaang-luksa eh pupunta si mama. Alam mo naman mula noon ay hindi niya ka-good ang mga tita ko dito. Ganun talaga ang buhay. Wala tayong magagawa doon. Basta mahal ko silang lahat. Pero siyempre, mas mahal ko si mama. Ina ko iyon eh. At alam kong naiintindihan nila iyon. “

Parang habang nagsasalita ako eh unti-unting yumuyuko ang ulo ng aking ama sa larawan. Lasing na nga ako. Kung ano-ano nanaman ang nakikita ko.

“Sayang talaga na nagkahiwalay kayo. Pero talagang ganun nga ang buhay. Siguro noong araw na iniwan mo kami, kung kayo ni mama magkasama eh maaaring nadala ka pa sa hospital. Si ate Lea naman kasi kung kaylan ka naging masasakitin saka ka iniiwan. Teka…teka pa! Medyo lumulungkot tayo. Change topic. Oo nga pala. Picture-picture tayo papa.”

Kinuha ko cell phone ko, pu-mose ako sa tabi ng larawan ni papa at pinindot ko ng pinindot ang camera. Hindi ko alam pero parang may malamig na bagay na nakapatong sa balikat ko habang ginagawa ko iyon. Dalawang bagay lang, kaluluwa iyon ng aking ama o malamig na hangin.

“O tagay tayo uli papa. Aba mauubos na itong isang bote oh. Kitam papa. Dahil pinagtawanan mo ako nang magsuka’t tae ako sa Red Horse eh nagpraktis akong uminom sa Japan. Pang-whisky na ako ngayon. Maipagmamalaki mo na ako. Hehe!”

Nang tignan ko ang baso ni papa eh nakakapagtakang wala itong laman. Inisip ko na lang na baka ako ang uminom. O baka natabig ko kaya natapon. Pero hindi naman basa ang lamesa. Hindi ko lang siguro maalaala kasi medyo may tama na nga ako. Nilagyan ko na lang ulit ng laman ang kanyang baso.

“Pero papa, bakit nga ba ganun, hindi ko kayo napagsama ni mama sa mga espesyal na okasyon ko. Graduation ko ng elementary wala kayo pareho. Noong grumadweyt naman ako sa high school at college, ikaw lang ang nandoon. Nang magtapos naman ako sa Graduate school eh pareho kayong wala. Pagkatapos, noong ikasal ako eh wala ulit si mama. Hindi po ako nagtatampo, sinasabi ko lang papa.”

Alam kong lasing na ako sa pagkakataong iyon. Sobra akong naging madaldal.

“Papa, salamat sa lahat ng ginawa ninyo ni mama sa amin ha. Lalo na sa pagtataguyod sa pagaaral ko noong nasa kolehiyo ako. I will not be where I am now if not because of the two of you. Naks, okay ba English ko papa. Iyan ang namana ko sa iyo. Galing sa English. Lalo na kapag lasing. Hehe!”

Tumayo ako’t kinuha ko ang larawan ni papa.

“You’re the greatest father on earth papa. The greatest!”

Hinalikan ko ang larawan ng aking ama bago ko ito muling inilagay sa mesa.

“Kahit nagkahiwalay pa kayo ni mama eh kayo pa rin ang pinakamagagaling na magulang sa buong mundo para sa akin. Walang makakapantay sa mga ginawa ninyo para sa aming magkakapatid. Pareho ko kayong mahal na mahal.”

Hindi ko na alam kung ano pa nga ang mga sumunod kong sinabi at nangyari. Umiikot na paningin ko. Ang huling natatandaan ko ay nang tignan ko ang larawan ng aking ama eh parang nandoon ang frame pero nawala ang mukha n’ya. Blanko. Pero imposible. Siguro sobra na akong lasing kaya’t nanlabo na ng husto ang aking paningin. Pagkatapos ay may nadinig pa akong parang kumakaluskos sa banyo. Parang may umiihi.

“Haha. Ayon pala si papa sa banyo, umihi kaya naglaho sa larawan.”

Gusto ko pa sanang uminom. Pero ang bigat na ng baso. Hindi ko na kayang iangat. Maging ang talukap ng aking mga mata’y mabigat na rin. Parang kay hirap imulat. Gusto ko na sanang tumayo’t matulog na sa kuwarto pero parang nakapako ang puwitan ko sa upuan. Pagkatapos ay unti-unting nagdilim ang paligid ko. Bago akong tuluyang nawalan ng ulirat sa aking kinauupuan ay may malamig na mga brasong dumantay sa aking balikat na pilit akong itinatayo. Parang lang. Hindi ako nakakatiyak.

**********

“Marco, Marco! Gising na!

Nagmulat ako ng mata. Parang umiikot ang paligid.

Marco! Bangon na! Tanghali na.

Ang tita Cecille ko iyon! Masakit man ang ulo ko’t hilo ay pinilit kong bumangon.

“Gising na Marco. Maya-maya’y darating ang mga magdarasal. Aayusan pa natin ang salas.”

“Tuloy ka po tita.”

“Hayan, lungange ka ngayon. Hay naku, saan pa ba magmamana. Pareho lang kayo ng ama mo. Pareho kayong matalino, pareho kayong gwapo, pareho kayong bolero at babaero, at pereho kayong lasenggo.”

Dumiretso  sa kusina si tita Cecille. Sinundan ko siya.

“Tita sino po ba bumuhat sa akin papunta sa kama. Ang alam ko’y dito sa lamesa ako naidlip ah.”

“Aba’y malay ko sa iyo, wala namang ibang taong pumunta na dito kagabi at maulan. Dadayuhin ka nga daw sana ni Randy eh tinamad na daw at maulan nga.”

“Ganun ba? Eh papaanong…” Napakamot na lamang ako sa ulo.

Hinanap ko ang larawan ni papa.

“O nasaan ang larawan ni papa. Dito ko iyon iniwan kagabi ah.”

“Sus ginoo. Ayon ah oh… nakasabit na sa dingding. Sobra kang nalasing kagabi. Wala kang maalaala sa mga ginawa mo.”

“Papanong…? Tita hindi po talaga ako ang nagbalik niyan sa dingding.”

“Siguro naglakad ang larawan ni kuya… gumapang sa dingding… kaya hayan nakasabit na ulit. Magtigil ka nga Marco, huwag mo na akong takutin.”

Wala akong naisagot sa tita ko.

“Grabe ha, nakadalawang bote ka ng alak.”

“Hindi po tita…isang lang ang binuksan ko. Hindi ko na kinaya ang pangalawa.”

“Eh anong tawag mo dito?”

Itinaas ni tita Cecille ang dalawang bote ng Chivas Regal na parehong walang laman.

“Tita, peksman, isa lang talaga ang binuksan ko. “

Bumalik sa salas si Tita Cecille.

“Hay naku kuya.”

Tumingala siya sa larawan ng aking ama.

“Pati itong anak mo eh pinaglalaruan mo. Ay pagbutihin mo na kuya ang pagpaparadaman at huling araw mo na ito dito sa lupa. Pero huwag na sa akin ha. Kay Marco na lang. Aba’y inubos mo na ang takot ko. Teka… teka, ibang-iba ang ngiti mo ngayon ah. Mukhang masayang-masaya ka.  Hindi ganyan ang ngiti mo kahapon. Sure ako. Nagmilagro ka nanaman. O, huwag mo nang baguhin ang ngiting iyan ha, ganyan na lang. Hala sige, basta mamaya’y mamamahinga ka na ha. Aakyat ka na sa langit. Aba’y sa dami ng idinasal namin eh baka lumampas ka pa sa langit n’yan.  Ikumusta mo nalang kami kay San Pedro. “

Naala-ala ko ang picture sa cell phone. Pinagmasdan ko ito ng mabuti.

Totoo nga. Magka-iba ang ngiti ng ama ko sa larawang nakasabit sa dingding at sa kuha namin sa cell phone.

—– WAKAS —–

T A K D A

M.A.D. LIGAYA's avatarM.A.D. L I G A Y A

lonesome-man-2.jpg(A Short Story in Filipino)

 Hindi tinanggap ni Alfred ang paliwanag ko na ang tao ang gumagawa ng sarili niyang tadhana’t kapalaran. Ang kalahatan ng mga desisyong ginagawa ng isang tao sa  buhay ay magdidikta sa kanyang kakahinatnan at s’ya ring huhubog sa kanyang kinbukasan. Sa sinabi kong iyon ay kinwestyon ng aking kapatid ang pagiging Kristyano ko. Bakit hindi daw ako naniniwala na bago pa man isilang ang tao ay may kapalarang nakaguhit na sa kanyang palad. Naniniwala ang kapatid ko na ang Panginoong Diyos ang nagtatakda nito. Para sa kanya ay nang ang tao’y isilang sinimulang pagulungin ng Lumikha ang gulong ng kanyang kapalaran. Hindi raw kayang pigilin ng tao ang pagikot ng gulong ng kanyang palad, minsa’y papaibabaw siya’t minsan nama’y papailalim.

At nangyari ang isang trahedya sa kayang pamilya…

At sa pagkakataong iyon ay pwedeng sabihin ni Alfred na tila natumbok sya’t nagulungan ng gulong…

View original post 56 more words

Ang Larawan Ni Ama

M.A.D. LIGAYA's avatarM.A.D. L I G A Y A

papa1Mahaba ang byahe. Hindi ko na binilang kung ilang oras  bago ko narating ang maliit na baryong sinilangan ng aking ama. Nadadagdagan kasi ang inip ko ng yamot tuwing tumitingin ako sa relo kaya’t idinaan ko na lamang sa tulog. Nakadalawang bus at  isang jeep ako pero kinaylangan ko pang sumakay ng tricycle. Sanay naman ako sa matagalang byahe kaso nga lang ay tag-ulan kaya’t maputik at mahirap ang magpalipat-lipat ng sasakyan. Kaya nga’t nagpasya akong hindi na lamang isama si misis sa lakad kong iyon. Mahihiluhin at mainipin siya sa byahe. Natyempo pa namang may paparating na bagyo kaya’t medyo mabagal ang tinakbo ng aking mga sinakyan.

Sumablay pa ng kaunti ang huling yugto ng byahe kong iyon. Nakalimutan yata ng tricycle driver ang kanyang trapal, o kaya’y tinamad siyang ilagay ito kaya’t ginamit ko na lamang ang dala kong payong na panangga sa ulan upang hindi mabasa ang…

View original post 4,791 more words

MULA SA BINGIT

Mula Sa BingitMuli kong binagtas ang trail paakyat sa bundok na madalas kong puntahan kapag gusto kong mapag-isa at mag-isip. Bumibyahe pa ako ng isang oras para makarating dito. Wala kahit sinuman ang nakakaalam na pumupunta ako sa bundok na ito. Ito’y ang aking hideaway kaya sinikreto ko. Ang pagakyat ko mang ito’y wala ring nakakaalam. Ni hindi ako nagsabi kaninoman na ako’y may pupuntahan at hindi na muling babalik.

Medyo malayo na ang nalalakad ko at lampas tanghalian na. Pero mangilan-ngilan lang na butil ng pawis ang nararamdaman kong dumadaloy sa aking noo’t pisngi. Wala pa akong basang nararamdaman sa bandang likuran ko.  Kahit na nga nakakangawit pa ang backpack sa likuran ko na maraming lamang pagkai’t inumin para sa aking huling hapunan. Siguro dahil medyo maliliit  lang naman ang  mga hakbang ko.  Parang lakad ng mga naghahatid ng patay sa sementeryo. Parang lakad ng isang nakatakdang bitayin na kaylangang itulak ng mga taong naghahatid sa kanya sa bitayan.  O kaya’y mahirap lang talagang pagpawisan dahil kalagitnaan pa lamang kasi ng Marso at hindi pa lubusang tunaw ang lahat ng nyebeng naipon noong tag-lamig. Pero hindi na ganoon kakapal ang aking jacket at isang layer na lang ang suot kong panloob – isang itim na t-shirt.

Naglalabasan na ang  mga ubod ng bulaklak sa mangilan-ngilang puno ng cherry blossoms sa dinaraanan ko. Nagsisimula na ring umusbong ang mga dahon  sa mga  sanga ng  ilang puno’t halaman. Ilang araw na lang at ang mga bulaklak ng mga halaman ay bubukadkad na ng todo upang bigyang buhay at kulay ang paligid na ginawang parang disyerto ng nagdaang tag-lamig.

Sayang at hindi ko na muli pang masusumpungan ang pamumukadkad ng mga bulaklak sa paparating na tag-sibol. Ang trail na nilalakaran ko ay hindi ko na muling hahakbangan pababa.

Walang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa muli kong pag-akyat sa bundok na ito.  Bahala na pagdating ko sa tuktok. Basta planado na ang lahat. Basta’t aakyat ako doon at uubusin ko ang dala kong isang dosenang  beer at dalawang bote ng soju. Wala rin akong ititira sa fried chicken, mani at kaunting kimching binaon ko. Ang mga ito na ang huling pagkaing matitikman ko. At least, busog ako’t lasing na mamamatay. Hindi lang naman ang mga bibitayin ang pinapakain ng gusto nila bago igawad ang kanilang sistensya. Maging ang mga malapit nang mamatay ay binibigyan din ng mga paborito nilang pagkain.

Ito dapat ang isa sa mga pinakamasasayang araw sa buhay ko. Pinaghandaan ko ito. Ginastusan ng malaki. Dapat sana’y nasa Pilipinas ako ngayon. Pero nagkalintek-lintek ang lahat. Saan ba ako nagkamali? Saan ako nagkulang?

Wala akong matandaan.

Nakarating na ako sa pinakamabatong bahagi ng bundok.  Noon ko lang napansin na kapag ganung panahon ay para palang sementeryo ang bahaging ito. Wala kasing puno at ang mga malalaking tipak ng bato ay parang mga puntod at krus ang mga halamang hindi pa muling inuusbungan ng dahon.

Sabagay ginagawa naman talagang libingan ng mga tao dito ang mga bundok. Tuwing nagpupunta ako sa bundok na ito ay may ilan nga akong nadaanang puntod na kung walang marker na nagsisilbing lapida ay aakalain mong isang punso.

Sa bundok na ito rin ako mahihimlay. Iyon nga lang hindi ako maililibing ng maayos.

Malayo-layo pa ang lalakarin ko pero ayaw kong bilisan ang aking mga hakbang. Hindi naman ako nagmamadaling mamatay. Basta kaylangang sa tuktok ng bundok ko isasagawa ang aking plano. Nakahanda na ako. Basta mamayang hapon, bago lumubog ang araw eh tapos na ang kwento ng buhay ko.
Kung pwede nga lang, para hindi na ako mapagod pang umakyat ng bundok eh nagpasagasa na lang ako sa trak. Kung pwede lang din eh gumamit na lang ako ng baril o kutsilyo para mas madaling matapos ang lahat-lahat.

Pinagisipan kong gawin ang alin man sa mga iyon. Pati nga pag-inom ng lason. Pero ayaw kong  mamatay sa ganoong paraan. Ang isa pa eh baka hindi mabisa ang lason na mabili ko. Gusto ko eh maka-tiyak na malagot ang aking hininga. Kapag nagpasagasa naman ako sa trak eh tiyak na lasog-lasog ang katawan ko’t madidiri ang sinumang pupulot ng mga magkakapira-piraso kong buto’t laman. Isusumpa niya o nila akong tiyak.

Sa lahat kasi ng ayaw ko eh mang-istorbo ng ibang tao. Ayaw kong kapag natagpuan akong patay eh marami pang tao ang maaabala. Pumasok nga din sa isipan ko na magpasagasa sa tren sa subway. Pero ayaw ko namang makaladkad pa ang ang pangalan ng bayan ko sa ganoong paraan kapag nalaman ng media dito na ang sira ulong binangga ang tren ay isa palang Pinoy.

Sabagay, pangkaraniwan lang naman sa bansang ito ang balita tungkol sa pagpapakamatay. Kung totoo ang nabasa ko eh mahigit dalawampu daw ang nagsu-suicide dito araw-araw. Kaya ang pagpapatiwakal ko, mabalitaan man nila eh malamang hindi nila papansinin. At iyon ang gusto kong mangyari. Walang makapansin sa gagawin ko. Dapat ang tanging makaalam na may tumalon sa pinakamataas na bahagi ng bundok na inaakyat ko ay patay na kapag lumapag sa mabato’t madawag na bahagi nito.

Syempre hahanapin ako ng mga kasamahan ko sa trabaho, ng pamilya ko, ng mga opisyales sa embahada ng Pilipinas, at ng mga awtoridad dito. Pero hindi nila iisiping nandoon ako sa matarik na bahagi ng bundok na ito na tinatakpan ng maraming puno  at damo. Sinadya ko ngang doon sa walang CCTV na bahagi ng trail pumasok kanina para walang pruweba na umakyat ako dito. Bahagi iyon ng pagpaplano ko. At sa panahong magbakasakali silang doon ako’y puntaha’t hanapin eh marahil napaghati-hatian at naubos na ng mga hayop at insekto ang aking mga buto’t laman. Hindi din nila makikita alinman sa mga kasuotan ko dahil susunugin ko ito at hubo’t-hubad akong tatalon tungo sa aking kamatayan. Kaya kung matigas ang aking bungo at hindi kayang mabasag pagtalon ko eh tiyak na sa hypothermia ay wala akong lusot.

Ganun kadetalyado ang aking plano. Suicide note lang ang wala dahil ayaw ko ngang may makaalam sa gagawin ko.

*****

Namahinga muna ako. Para kasing ayaw nang humakbang ng mga paa ko.  Naupo ako sa isang tipak ng bato na nakasandal sa isang malaking puno ng pine tree.

Tahimik ang paligid. Nagkataon lang ba na ngayon ay wala ang mga humuhuning ibong dati kong nakikita sa mga puno kapag nagpupunta ako dito sa ganitong panahon. Wala rin akong nasalubong kahit isang tao habang ako’y papaakyat. Ayos lang iyon para walang makapagsasabing may nasalubong silang taong parang Pilipino o Indonesian ang itsura habang sila’y pababa ng bundok. At sana ay wala ring tao pagdating ko doon sa tuktok. Gusto kong pagkakain at maubos ang mga pagkaing dala ko eh makatalon agad ako para matapos na.

Habang ako’y namamahinga, eh nagsindi ako ng sigarilyo. Naubo ako ng bahagya nang mahithit ko ang usok. First time kong manigarilyo. Naisipan ko lang biglang gawin ito nang bumili ako ng lighter sa isang convenience store bago ako umakyat. Hindi na ako natakot magkaroon ng kanser sa baga.  Ilang orang na lang naman eh ipipinid ko na ang aklat ng aking buhay.

Bago ko maubos ang isang stick ng sigarilyo eh biglang tumunog ang aking cell phone.

Ang aking ina ang tumatawag. Ayaw ko sanang sagutin pero gusto ko naman siyang bigyan ng pagkakataong marinig ang boses ko sa huling pagkakataon.

“Joseph…anak, okay ka lang ba hijo?”

Ramdam ko ang awang nadarama ng aking ina para sa akin habang sinasabi niya iyon. At iyon ang ayaw na ayaw ko – kinakaawaan. Kaya nga ayaw ko sanang sagutin ang tawag niya.

“Don’t worry about me ma. I am okay.”

“Sigurado ka ba hijo?”

Parang nakulitan ako sa aking ina.

“Unli ba ma?”

“Pasensya na, gusto ko lang makasigurado. Anak, sana umuwi ka pa rin dito kahit ganun ang nangyari. Miss ka na namin. Ilang buwan ka na naming hindi nakikita.”

Sa narinig ko’y nagsalubong ang aking mga kilay. Parang mga sala-salabat na pansit na naipon ang mga kunot sa aking noo. Parang wala na nga akong mukhang ihaharap sa lahat ng mga kakilala ko matapos ang pangyayaring iyon tapos gusto pa ng aking ina na umuwi ako! Para ano? Para kaawaaan o kaya’y pagtawanan? At kung uuwi man ako ng Pilipinas eh hindi ko gugustuhing puntahan ang bahay namin. Nakatitiyak akong may masamang mangyayari. Kung hindi ako ang mapapatay eh baka ako ang makapatay.

“Sorry ma, may bigla kasing ipinagawa ang boss ko sa hagwon.”

“O ‘di ba naka-leave ka dahil dapat eh…”

“Ma…STOP…PLEASE.”

Iyon pa ang isang dahilan kung bakit ayaw kong umuwi. Tiyak na ang pangyayaring iyon lamang ang paulit-ulit na pag-uusapan. Sa tuwing naiisip ko kasi ito eh parang tinutusok ng karayom ang aking mga kalamnan. Sabihin nang madrama ako  pero sinuman ang makaranas ng nangyari sa akin eh tiyak na guguho at hihinto sap ag-inog ang mundo niya
Sa unang pagkakataon eh nagsalita ako sa aking ina ng madiin. Pakiramdam ko’y parang lumuwa ang mga mata ko nang bitiwan ko ang mga salitang iyon. Parang ang bunso kong kapatid na babae lang ang kausap ko.

Matagal  bago ko muling narinig ang boses ni mama.

“Anak, kung kaylangan mo ng kausap tawagan mo lang ako ha. O kaya mag-Skype tayo.”

“Opo ma. Pasensya na po. Hayaan ninyo lang muna ako.”

“Nagpunta nga pala ang mga magulang niya dito kanina. Gusto sana nilang…”

“ANO BA MA!!! Hindi ninyo po ba talaga naiintidihan ang sinasabi ko. Mahirap po bang unawain ang gusto kong mangyari?”

Pakiramdam ko’y gustong sumabog ng mga litid ko sa lalamunan habang sinasabi ko iyon. Kung ibang tao lang ang kausap ko eh malamang may kasunod pa iyong mura.

“Okay…okay anak. Ahh… Joseph…”

Ang isang hibla pa na pasensya at paggalang sa akin ina ang nagtulak upang sumagot pa rin ako sa kanya.

“Ano po iyon ma?”

“Ano kasi…”

Alam ko na kung ano ang gustong sabihin ng aking ina.

“Nandito nga pala ang kuya mo. Mag-usap sana kayo. Nagmamakaawa ako sa iyo.”

Tuluyang nalagot ang huling hibla ng pasensya ko. Hindi ako sumagot. Pinutol ko ang pag-uusap namin. Iyon ang hindi na pwedeng mangyari kaylanman – ang kausapin ko ang panganay na anak ng aking ina. Sakali mang magmilagro na hindi madurog ng batong babagsakan ko ang aking mga buto’t bungo at mabuhay pa ako eh hinding-hindi na kami magkakaayos pa.

Kung hindi sana siya kasali ay mas madaling tanggapin ang nangyari.

Paulit-ulit na tumatawag si mama pagkatapos nun. Hindi ko sinasagot. Kung wala lang akong hinihintay na tawag eh pinatay ko na ng tuluyan ang telepono.

Wala na akong kakampi. Siyempre, ang papaboran ng aking ina ay ang paborito niyang anak.

Siguro ang mga kaybigan ko ay naiintidihan ako. Tiyak na alam nila ang nangyari. Malabong hindi nila nabalitaan. Ang marami sa kanila ay imbitado pa sa okasyon sanang mangyayari. May mga tumatawag nga at nagte-text  sa akin mula Pilipinas. Meron din mga nagsesend ng PM sa Facebook. Tambak ang mga messages ko sa Messenger, ganun rin sa email. Ni isa ay wala akong sinagot. Makagugulo lang ang mga payo’t opinyon nila.

Ano man kasi ang sabihin nila ay ako pa rin ang gagawa ng desisyon para sa sarili ko. Buhay ko ito. Tingin ko ay walang namang makakatulong sa akin. Wala nang sino mang makapagbabago sa nangyari.

Ang Panginoon kaya? Pwede ba Niyang baguhin ang lahat ng nangyari? Kung pwede nga lang sana. Pero alam kong hindi ganun ang pamamaraan ng Panginoon. Hindi Siya nanghihimasok. Wala Siyang kinakampihan. Sa pagkakaalam ko’y hinahayaan Niyang gumawa ang mga tao ng desisyon at harapin nila ang resulta ng kanilang gagawin.

Nang isilang ang tao’y nagsimulang tumakbo ang gulong ng kapalaran niya. Minsan mapapailalim siya sa gulong na iyon. Pasensya na lang kung hindi siya makailag at siya’y magulungan nga nito. Maipit. Madurog. Katulad ko ngayon. Durog. Durog na durog.

Parang hindi ko na mahintay na makarating pa ako sa tuktok ng bundok. Gusto ko na lamang iumpog sa bato ang ulo ko ng paulit-ulit hanggang mabasag ang bungo ko.

*****

Pinagpatuloy ko ang aking “death march.”

Sa tantya ko’y nasa kalagitnaan na ako. Sinimulan ko nang inumin ang beer. Gusto ko nang malasing. Dapat bangenge na ako kapag narating ko na ang bahaging iyon ng bundok para magkaroon ako ng lakas ng loob na gawin kung anuman ang gusto kong gawin. Para hindi  magbago ang takbo ng isip ko. Para kasing may maliit na boses na kanina pa bumubulong sa akin na maghunos-dili ako. Naisip ko nga sa convenience store kanina na kung hindi bawal at meron silang shabu eh baka bumili ako. Hindi lang dahil gusto ko rin sanang marandaman mabangag bago man lang ako madedo. Gusto kong mabangag para aakalain kong ako’y isang ibon para hindi ako magdalawang-isip na tumalon.

Nang maubos ko  ang pangalawang beer eh tumunog muli ang aking cell phone. Hindi na si mama. Ang tumawag ngayon ay si Luis, kaybigan kong abogado. Iyon ang hinihintay kong tawag.

“Pare kumusta ka na?”

Hindi ako agad nakasagot. Dinig na dinig ko naman siya pero para kasing nagsasalimbayan sa utak ko ang napakaraming bagay.

“Hello… Joseph?”

“O.”

“Parang humihingal ka.”

“Naglalakad kasi ako.”

“Nangunugmusta ako kanina. Okay ka lang ba?”

“Bakit ba kayong lahat eh nagtatanong pa sa kung ano ang kalagayan ko? Ikaw pare, kung sa iyo nangyari ang ganitong  sitwasyon, ano ang mararamdaman mo? Magiging okay ka ba?

“O…o…teka…pare…relax ka lang. Mukha yatang mainit ang ulo mo. Sige… mamaya na lang kita tatawagan.”

Pagkatapos nun eh nawala siya.  Pinatayan ako ng telepono.  May parang bumulong sa akin na ibalibag ko ang cell phone.

Huminga ako ng malalim. Meron pa palang natira sa mga natutuhan ko sa mga motivational videos na napanood ko. Kapag inis na inis ka raw o litong-lito, eh huminga ka  ng malalim. Senyales daw kasi ang biglaang galit at kalituhan na nawawalan na ng supply ng oxygen ang utak mo.

Matapos ang ilang hingang malalim eh tinawagan ko si Luis.

“Pare. Pasensya ka na. Sobrang bigat lang talaga ng dalahin ko ngayon. Alam mo iyan. Sorry.”

“Ayos lang pare. Naiintidihan ko ang pinagdadaaanan mo. Dapat kasi eh masaya ang araw na ito dahil…”

“Pare please lang, h’wag na nating pag-usapan.”

“Okay…okay. Ah. S’ya nga pala. Tungkol doon sa tinatanong mo. Wala kang habol doon sa bahay, nakapangalan doon sa babae ang land title. Bakit pumayag ka ng ganun pare?

Hindi ako sumagot. Hindi ko kayang sagutin.

“Ang pag-asa mo na lang eh kung kusa niyang i-surrender iyon sa iyo. At pare, iyong pera sa bangko na joint account ninyo, na-withdraw na niyang lahat 3 days ago. Kasama pa nga raw niya ang kuya mo sabi nung kakilala nating teller sa bangko.”

Hindi ko na naintindihan ang mga sumunod na sinabi ni Luis. Nablangko na ako. Napansin ko na lang na hindi ko na pala s’ya kausap. Hindi ko alam kung ako ba o s’ya ang pumutol sa usapan namin. Lutang na lutang talaga ako…litong-lito. Huminga ulit ako ng malalim ng ilang beses. Ilang hakbang pa bago ko naramdaman ang lupang tinatapakan ko.

Ipinagmamalaki ko palagi na napakatalino ko. Kaya nga ako naging ESL teacher. Madalas ding sabihin ng mga kaybigan ko’t mga kamag-anak na ang galing-galing ko raw. Napakataas daw siguro ng IQ ko.

Hindi pala.

Napakalaki ko palang tanga.

“ANG TANGA-TANGA KO!

Isinigaw ko iyon ng paulit-ulit. Hindi ko alam kung ilang beses.

“PUTANG-INA NILA!”

*****

Pinagpatuloy ko ang paglalakad papunta sa tuktok ng bundok. Gusto ko nang tapusin ang lahat. Ayaw ko nang sumapit pang muli ang isang gabi na mag-iisa na naman ako sa loob ng kwarto. Tutulala at iinom lang nanaman ako nang iniinom. Magpapakalunod sa  alak hangggang sisinghap-singhap nanaman ako sa kalasingan.

Ang binuksan ko naman eh ang bote ng soju. Umiinom ako habang naglalakad.  Wala pa namang suray ang lakad ko. Tuwid pa. Hindi pa tumatabingi ang daan. Hindi ako tinamaan ng beer na ininom ko kaya nagpasiya akong soju naman ang tirahin ko.

Dati kapag inaakyat ko ang bundok  na ito eh tubig ang tinutungga ko habang ako’y naglalakad. Dati eh selfie roon… selfie rito. Dati ay nakikinig pa ako ng paborito kong mga kanta ng Eraserheads,  habang pasipol-sipol na binabagtas ang mga trails paakyat. At kapag narinig ko na ang kantang “Ligaya” eh sasabayan ko ito mula simula hanggang dulo.

“Ilang awit pa ba ang aawitin o giliw ko…gagawin ko ang lahat pati ang thesis mo…”

Nagpagawa nga ng thesis ang lintek na iyon sa akin. Nang biruin kong gagawin ko lang ang chapter 3 kapag syota ko na siya eh sinagot na kaagad ako. Nang sabihin kong tatapusin ko hanggang chapter 5 kapag natikman ko siya eh bumigay agad ang gaga. Wala sigurong kaalam-alam ang unibersidad nila na may mga graduates doon na nagpapagawa lang ng thesis o dissertation. Nagbabayad ng pera o puri, o pareho, para magka Master’s o PhD.

            “…At ang galing-galing mong sumayaw. Mapa boogie man o cha cha. Ngunit ang paborito ay ang pagsayaw mo ng El Bimbo. Nakakaindak…nakakaaliw…nakakatindig balahibo.”

            “Magkahawak ang ating kamay at walang kamalay-malay. Na tinuruan mo ang puso ko na umibig ng tunay.”

            Kung kaylan ako nagseryoso sa babae. Kung kaylan ako umibig ng tunay saka nangyari ang ganito.

“PUTANG-INA.’

Ang sarap palang magmura.

“PUTANG-INA NINYO.”

Mas malutong pala ang mura kapag isinisigaw.

“Noong nagsama tayo…ay kanan ang ginamit mo. Ngunit biglang naturete…ikaw pala ay kaliwete…”

Paulit-ulit kong kinanta iyon habang inuubos ko ang soju. Nang paos na ako at wala ng laman ang bote ay malapit na ako sa tuktok ng bundok. Kaunti na lang ay makakarating na ako sa aking huling hantungan.

Magkahalong pagod at hilo ang nararamdaman ko. Parang umiikot ng kaunti ang paningin ko. Pahinga muna ulit. Pinili kong mahiga sa lupa na may kaunting nagkalat na tuyong dahon kesa sumandal sa puno. Wala lang. Trip ko lang.

Ilang minuto rin ang lumipas bago ako tumayo at muling naglakad.

Sa wakas nakarating ako sa tuktok. Narating ko na ang bundok ng aking Golgota… naihaon ko na sa wakas ang krus ng aking kalbaryo. Suot-suot ko pa rin ang koronang ipot. Papakuan ko na ang aking sarili. Tutusukin ko na ng sibat ang aking sariling tagiliran.

Hawan ang parteng iyon ng bundok. May mga upuan at isang parang kubo na para pahingahan. May malalaking bato at ilang puno ng pine trees sa bandang gilid at nilagyan ng mga malalaking lubid na pangharang. May mga nakasabit na babalang nakasulat sa Hanguel. Huwag daw lumampas sa lubid. Madulas at  matarik kasi ang bahaging iyon ng bundok kaya mapanganib.

Iyong panganib ngang iyon ang gusto kong hamunin. Nilampasan ko ang lubid. Nilapitan ko ang gilid ng bundok. Isang hakbang na lang at wala na akong lupang tatapakan.

Pero hindi ko pa balak tumalon.

May seremonyas pa akong gagawin. Parang mga Hapong Samurai lang noon bago nila isagawa ang “hara-kiri.” Kesa sa mahuli sila ng kaaway eh magpapakamatay na lang sila. Pero ako, sa halip na gayatin ko ang aking tiyan, eh pupunuin ko ito ng pagkain.

Malalim-lalim ang babagsakan ko. Mabato at maraming pine trees. Huwag sana akong sumabit sa mga punong iyon para siguradong dedo ako. Mukhang mahihirapang mahanap ang bangkay ko doon. Ayos lang… iyon naman talaga ang gusto kong mangyari.

Humanap ako ng pinakamalapit na batong medyo patag ang ibabaw. Doon ko inalatag ang natitira ko pang beer,  soju, at mga pagkaing dala ko.

Magsisimula na sana akong kumain nang may taong dumating.

Isang babae.

Istorbo.

Sana lang eh umalis kaagad upang pagkatapos kong kumai’t ubusin ang natitira ko pang inumin eh makatalon na.

Parang walang nadaanang tao ang babae. Gusot ang buhok. Nakakunot ang noo. Nakasimangot. Salubong ang dalawang kilay. Hindi ako pinansin kahit mismong sa harapan ko  siya dumaan.

Sinundan ko siya ng tingin. Tumigil siya’t naupo sa ibabaw ng isang bato. Siya’y nakatalikod sa akin. Inilabas niya ang kanyang cell phone. Hindi ko alam kung may tumawag ba sa kanya o may tinawagan siya. Basta nauulinigan kong meron siyang kausap at mukhang inaaway niya kung sinuman iyon.

Sa halip na kumain eh parang binantayan ko ang babae. Umaaasa akong umalis siya kaagad.

Inaalis ng babae sa tenga ang cell phone. Natapos na yatang makipag-usap. Nagulat ako ng biglang nagsisigaw ang babae.

“Neohui dul-eun jiog-e gal su-iss-eo.”

Hindi ko naitindihan lahat ng sinabi niya. Iyong “impyerno” lang at “dalawa.” Baka sinabi niyang mapunta sana sa impyerno iyong kausap niya at kung sino pa man iyong isa.

Pagkatapos ay tumayo’t paulit-ulit na idinakdak sa pinakamalapit na pine tree sa akin ang hawak na cell phone.

Wasak!

Ang ilang piraso ng nasirang cell phone eh nakarating pa sa aking paanan.

Naupo sa lupa ang babae. Parang batang nagmamaktol dahil inagawan ng laruan.

“Salanghae! Geuleona wae?”

Ayon, mukhang iniwan ang babae ng kanyang boyfriend. Umiyak siya. Humagulgol na parang bata.

Nahabag ako sa kanya. Naiitindihan ko siya. Naka-relate ako. Tumayo ako upang bigyan siya ng tisyu.

Dahan-dahan ko siyang nilapitan. Nang iaabot ko na sana ang tisyu eh bigla itong tumayo’t hinakbangan ang mga nakaharang na lubid. Tumigil siya sa mismong gilid ng bundok. Isang maling hakbang  lang at tiyak na kamatayan ang babagsakan niya.

Balak pa yata akong unahang tumalon.

Hinakbangan ko rin ang mga lubid.

Napalingon siya sa akin. Parang nanlilisik ang mga mata niya.

“Deo isang dagaoji mal-ayo.”

Naiintindihan ko ang sinabi niya. Huwag ko daw siyang lapitan.

Tumigil ako. Ngunit nang akmang tatalon na ang babae ay mabilis ko siyang  hinawakan sa braso.

Pilit siyang kumakawala habang hinihila ko siya palayo sa gilid ng bundok. Nang sipain ako sa hita ay nabitawan ko siya ngunit hindi  niya nagawang tumalon, dahil  niyakap ko naman s’ya ng mahigpit mula sa likuran at binuhat ko papalayo sa gilid ng bundok.

“Naleul bonaejuseyo!!!”

Hindi ko siya binitiwan. Nagsisisigaw siya at nagpupumiglas  hanggang natumba kami pareho at nagpagulong-gulong. Maraming beses niya akong siniko. Pinagmumura.

GEUNYEOLEUL NAEBEOLYEODWO!

Boses iyon ng lalaki.

Parang may ibang tao.

Meron nga.

May isang grupo ng mga lalaking biglang dumating at nakita kami sa ganoong kalagayan.

Nagtakbuhan sila palapit sa amin. Hinila ng isa palayo sa akin ang babae at ang iba’y sinunggaban ako. Tatlo o apat yata ang may hawak sa akin. Katulad ko, amoy alak sila.

Mabilis ang pangyayari.  Dumapo sa mga pisngi ko ang mag-asawang sampal. Sinundan iyon ng isang malakas na budyok sa tiyan na nagpaluhod sa akin.

Naduwal ako sa sakit.

Halinhinan silang pinagbabatok-batukan ako. May sumasabunot rin sa akin. Nabingi ako sa lakas ng mga sampal na ang ilan eh sa mga tenga ko tumama.

            Habang ako’y nakaluhod ay tumingala ako sa mga lalaking nakapaligid sa akin. Humawak ako sa tuhod ng isa.

“Please…”

“Dakcho!!!

Shibalnoma!”

Minura na ako ng isa’y dinuraan pa ako sa mukha.

“Seolmyeonghae julge.” Sabi ko.

Ngunit bago pa man ako makapagpaliwanag eh hindi na mabilang na suntok at tadyak ang inabot ko…  sa mukha… sa sikmura… sa hita.

Mata ko lang yata ang hindi nasayaran ng kanilang mga kamay at paa.

Nagawi ang tingin ko sa babae na hawak pa rin ng lalaking humila sa kanya. May sinasabi siya sa mga lalaki na hindi ko maintindihan. Basta pilit siyang kumakawala sa pagkakahawak ng lalaki.

Duguan na ako pero ayaw pa nila akong tantanan. Nang tumakbo ako papunta sa gilid ng bundok para tumalon na lang sana ay pinatid ako ng isa. Napaluhod akong muli.

Hindi pala sa pagtalon sa bundok ako mamatay kundi sa bugbog.

Nakakapagsisising hindi pa ako kaagad tumalon kanina at sana’y hindi ko na lang pinigilan ang babae. Sana’y sinabayan ko na lang ang kanyang pagtalon. O sinundan ko siya.  Isang bugso lang sana ng sakit iyon. Baka nga ni hindi ko na maramdaman. Hindi katulad ng pambubugbog ng mga lalaki na unti-unti akong pinapatay sa sakit.

Bago ako panawan ng ulirat, eh nakita kong tumakbong palapit sa akin ang babae. Pilit niyang  pinipigilan ang mga bumubugbog sa akin. Naramdaman kong idinagan niya sa akin ang kanyang katawan upang ako’y tantanan ng mga galit na galit niyang kababayan.

*****

Sinalubong ng liwanag ang aking pagmulat. Masakit sa mata. Pumikit akong muli. Nakiramdam. Makirot ang buo kong katawan. Kapag humihinga ako’y may masakit sa bandang tadyang ko.

Tumagilid ako at muling minulat ang mata. Dahan-dahan.

Buhay pa ako. Hindi langit o impyerno ang kinalalagyan ko. Nasa kwarto ako ng isang hospital.

Dalawang karayom ang nakatusok sa aking kamay. Isa pang-dextrose at ang isa nama’y hindi ko malaman kung ano. Hindi naman dugo.

May nakalagay sa aking oxygen. Iniangat ko ito at tuluyang tinanggal nang maluwag naman akong nakakahinga. Puro pasa ang aking magkabilang braso.

Nang tumanaw ako sa aking bandang paanan ay napansin ko na may babaeng nakadukdok ang ulo sa kamang hinihigaan ko. Tila siya ang bantay ko.

            Pinilit kong maupo. Medyo masakit talaga ang aking tadyang.

Sa puntong iyon, nagising ang babae. Tumayo. Tumingin sa akin.

Kilala ko siya. Hindi ako pwedeng magkamali. Siya ang babae sa bundok. Walang kaabog-abog  ay yumakap siya sa akin. Nabigla ako lalo ng umiyak siya.

Hindi ko alam kung itutulak ko ba siya palayo o yayakapin ko rin. Siya ang dahilan kung bakit ako nabugbog.

Dapat ko ba siyang sisihin?

Humigpit ang yakap niya sa akin. Sa pagkakataong iyon ay naala-ala kong bigla ang kapatid kong babae. Ganoon niya ako kahigpit niyakap, sabay iyak,  noong sitahin ko siya kung bakit ilang beses na ang padala kong pera ay hindi niya ibinigay sa aming ina.

“Dangsin-i sal-a gyesim-eul gamsadeulibnida.”

            Nagpasalamat siya sa Panginoon dahil buhay pa ako. Ako ba’y dapat ding magpasalamat at nasa akin pa ang buhay kong hiram na gusto ko na sanang isauli?

“Jeongmal mianhae. Geugeos-eun modu nae jalmos-ieossda.”

Ang babae’y humihingi ng paumahin. Inaaming kasalanan niya ang nangyari.

Kung tutuusin eh sino ba ang may sala sa pagkakabugbog ko? Masisisi ba ang mga lalaking sinaktan ako dahil inaakalang sinasalbahe ko ang babaeng kababayan nila? Kung may madatnan ba akong ganoong eksena – nagsisisigaw at pilit kumakawala ang isang babae habang yakap na mahigpit ng isang lalaki’t sila’y nasa lupa na parang nagpapambuno – ano ang gagawin ko?

Pero kasalanan ko ba ang nangyari dahil pinigilan ko ang babaeng ito sa balak niyang pagtalon? Tama ba na pinigilan ko ang pagpapakamatay niya?

“How stupid of me. I put you in danger.”

Marunong pala siyang mag-English.

“Okay…okay… Jam-kkan-man! Let go of me first.”

Kumawala sa pagkakayakap ang babae. Lumuhod.

“Please forgive me.”

“Wait…wait…Please stand up. Don’t do that.”

Hindi tuminag ang babae. Nanatili itong nakaluhod at humawak pa sa hita ko.

Sinubukan kong tumayo. Masakit ang aking mga binti’t kasu-kasuan pero kinaya ko. Hinawakan ko sa magkabilang balikat ang babae. Pinilit ko siyang itayo.

“I am not blaming you for what happened to me.”

Tumayo siya. Yumakap muli sa akin.

“Thank you. Thank you. But I’m really sorry.”

Pagkasabi nun ay dahan-dahan niya akong pinaupong muli sa kama.

“Just sit down. You’re still weak. You were badly injured.”

Umupo akong muli sa gilid ng kama.

“You might to know. The doctors said all you have are bruises and contusions. None of your bones are broken.”

Hinila niya ang isang upuan at mismong sa harapan ko pumwesto’t naupo.

“By the way, I’m Su Jin.”

“Oh, and I’m…”

“Joseph! You’re Joseph. You’re from the Philippines. I’m sorry. I opened your wallet. I had to get information about you when I brought you here.”

Natigilan ako ng kaunti.

“Well,  you had no choice but to do that. It’s okay.”

Mula sa kanyang bag ay kinuha niya ang cell phone at wallet  ko’t iniabot sa akin.

“Here. I have in my car your other personal belongings.”

“Thanks. By the way, how long have I been here?”

“This is the second night.”

“How were you able to bring me to this hospital, all the way from the mountain?”

“Those men helped me. I explained to them what really happened. They’re very sorry. They were drunk at that time. Ah, by the way, they’re paying for your hospitalization. They’are hoping that you would not sue them and just settle things amicably.”

Magdedemanda ba ako? Parang hindi na. Ako man kasi ang nasa lugar nila ay maaaring gawin ko din iyon. Sapat nang tinulungan nilang madala ako sa hospital.

“I told them that they should pay you also for damages especially if you would decide not to work for sometime because of what happened. They agreed.  I will call them later so they could come and talk to you.”

Nakatutuwang isipin na mukhang inayos niya ang lahat. At maayos talaga siyang magsalita ng English. Hindi pangkaraniwan iyon sa kanila. Mukhang nakatapos ng university  ito oh sineryoso lang ang pag-aaral ng English katulad ng karamihan sa kanyang mga kababayan.

“How come you could speak English so well?”

“I studied in the US for almost 10 years. I just completed my Master’s there recently.”

Kaya pala.

“I was also able to contact your family in the Philippines?”

“Really? How?”

“Through your embassy.  Your sister is coming to fetch you. By the way Joseph…”

“Yeah?”

Hindi kaagad nagsalita si Su Jin. May gusto siyang sabihin pero parang nahihiya siya.

“Ah…Your sister told me your story.”

“What do you mean?”

“I know what happened.”

Hindi ko alam kung maiinis ba ako o ano. Napakatsimosa talaga ng kapatid ko.

“Is that so?”

Tumango s’ya at sinabing, “We’re on the same boat.”

Pagkarinig ko nun eh hindi ko napigilang matawa na kaunti. Natawa din si Su Jin.

“You would not believe this.”

“What?” Ang nagtatakang tanong ni Su Jin.

“I was in that mountain that afternoon to commit suicide.”

Natigilan si Su Jin.

“You want me to believe that!”

“But that’s the truth. Believe it or not.”

“Stop it Joseph! I don’t believe you. You didn’t go there to die. You were there to save me.”

Tumahimik na lamang ako. Sino nga ba ang manininawala na pumunta ako doon para magpakamatay. Tama nga siguro siya. Nandoon ako para sa kanya.

Hinawakan niya ang aking kamay. Kay lambot ng mga palad niya. Ngumiti siya’t tumingin sa akin. Noon ko lamang napansin na maganda pala siya’t napaakaamo ng kanyang mukha.

“I owe you my life. You saved me. You are a very good man.”

Marahan ko na lamang na pinisil ang kanyang mga kamay bilang tugon dahil hindi ko malaman kung ano ang isasagot ko. Kasi, kung tutuusin eh siya lang ba ang naligtas nang pigilan ko siyang tumalon? Siya lang ba ang dapat magpasalamat sa akin? Dapat ko rin ba siyang pasalamatan?

Naisip ko  tuloy, na siguro ay nakatakdang gumulong pataas ng bundok ang aking kapalaran sa araw na iyon dahil kay Su Jin. Nangyari siguro ang lahat – na nabuntis ng mismong kuya ko ang kasintahang nakatakda ko na sanang pakasalan upang panawan ako sandali ng katinuan at maisipan kong umakyat sa bundok na iyon at balaking magpakamatay. Ngunit sa halip na ako’y tumalon eh nandoon ako para pigilan ang pagtalon ni Su Jin.

Paano kaya kung nangyari ang nangyari sa kanya? – ang pagtaksilan din siya ng kanyang kasintahan upang siya ma’y panawan sandali ng katinuan nang  magkrus ang mga landas namin sa bundok na iyon.

Binitiwan niya sa wakas ang mga kamay ko’t tumayo.

“By the way, aren’t you hungry? I brought some food.”

Tumuro ito sa lamesa.

“Yeah, actually I’m starving. Is coffee available?”

“I’m afraid not but there’s a coffee shop nearby. I’ll get one for you. What do you want?”

“Is it okay?”

“Of course!”

“Can you get me caramel macchiato, please?”

“Sure! I’ll be back in a few minutes.”

“Wait!” Binuksan ko ang aking wallet.

“No please. It’s on me.”

Bago lumabas ng pinto eh lumingon pa si Su Jin. Ngumiti siyang muli sa akin.

“Don’t go anywhere, okay. Don’t run away from me.”

Natawa ako sa sinabi niya. May sense of humor si Su Jin.

Inisip ko ang mga binitiwang salita ni Su Jin bago siya lumabas. Nakakatawa pero sa totoo lang eh parang manghihinayang ako’t malulungkot kapag hindi siya bumalik. Para kasing meron siyang pinupunan sa buhay ko sa pagkakataong iyon. Ganun din kaya ang pakiramdam niya?

Naalaala kong bigla ang kantang “Two Less Lonely People In The World.”

Bumukas ang pinto.

“Oh, you’re still here. You did not escape.”

Iniabot niya sa akin ang kape.

“You’re funny.”

“Am I?”

Kumuha siya ng tinapay mula sa mesa’t ibinigayt sa akin.

“By the way, your sister invited me to visit the Philippines. I’d like to. Can I go with you and your sister? PLEASE. I need a little break.”

Tumingin ako’t nangiti sa kanya.

“Chincha?”

Tinanong ko kung seryoso siya. Mukha naman.

“Ne!.. Boo ta kam ni da!”

Hinawakan niyang muli ang aking mga kamay. Pinisil ng bahagya. Parang nagbabantang kapag hindi ako pumayag eh tuluyan niyang pipilipitin ang mga kamay ko.

Nang tumango ako eh nakita kong kung paano gumuhit ang saya sa maaamo niyang mukha.

“Yes! Gomabseubnida!”

Nagpasalamat si Su Jin at sa sobrang  tuwa eh muli akong niyakap.

–  WAKAS  –

 

Ang Tatay Kong Taxi Driver

driver

Kalahating oras na lang ay magsisimula na ang final examination namin pero hindi pa rin dumarating si tatay. Hindi pa bayad ang aking tuition fee kaya hindi ako bibigyan ng permit para kumuha ng exam. Bakit kasi nauso pa ang patakarang “No permit, no exam.” Kapag nagkataon ay bukod tanging ako lang nanaman ang hindi makakakuha ng test. Dalawa o tatlong beses na yatang nangyari sa aking iyon. Hirap na hirap pa naman akong  mag-review tapos ganito lang ang mangyayari.

Sinubukan kong tawagan si tatay “cannot be reached.” Ang dami ko ding texts na nasend sa kanya pero hindi siya sumasagot. Nakaka-stress. Sagad na sagad na aking inis sa tatay ko at sobra-sobra na akong kinakabahan.

Taxi driver lang ang tatay ko kaya minsan eh ginigipit kami sa gastusin sa bahay. Mabuti na nga lang at nag-iisa akong anak. Gusto kong magkaroon ng kapatid pero sa kalagayan namin sa buhay ay pihadong mahihirapan lalo ang aking mga magulang. Batid nila ito kaya’t sadyang hindi ako sinundan. Ang inaalala ko eh paano na kung college na ako, ngayon ngang high school pa lang ako eh hirap na ang tatay.

“Anak.”

Nakatalikod man ako’y natitiyak kong ang tatay ang tumawag sa akin. Sa wakas ay dumating na rin siya.

“Pasensya na anak, dumaan pa kasi ako sa presinto kaya medyo natagalan ako. Oh heto naang pambayad mo sa tuition.”

Halos pahablot kong kinuha ang pera. Kagyat akong umalis. Hindi na ako nakapag-paalam sa tatay. Sobra na akong nagmamadali. Ilang minuto na lang eh mahuhuli na ako sa exam.

Maswerte ako’t  walang pila sa cashier. Nakabayad ako kaagad at binigyan ako ng permit. Dalawang minuto na lang siguro ay mahuhuli na ako sa test. Mabuti na lang at umabot ako.

Naidaos ko ang first day ng final exam namin. Sobra akong na-stress. Mahirap ang exam at sobra akong ininis ni tatay sa paghihintay. Dalawang araw pa ang test namin at 5 subjects pa ang aking pag-aaralan kaya’t puspusan ang pagre-review ko pagkauwing-pagkauwi ko sa bahay.

Maya-maya’y may kumatok sa pintuan ng aking kwarto.

“O anak, dinalhan kita ng gatas. Inumin mo habang nagre-review ka.”

Kinuhako ang gatas na dinala ng aking tatay. Hinagkan ako nito sa noo.

“Pagbutihin mo anak ang pagre-review ha. Pagpasesyahan mo na ako kanina kung na-delay ako.”

Tumango na lamang ako. Medyo nagtatampo pa ako sa tatay. Muli kong naiisip ang kanyang pagiging taxi driver. Bakit kasi iyon lang ang hanapbuhay n’ya. Bakit kasi hindi s’ya nag-aral para sana naging abogado s’ya, doktor o kaya accountant. Ganun pa man ay sinikap n’yang sa isang private school ako makapag-aral. Pero dahil halos puro anak-mayaman ang mga kaklase ko ay lalo kong nakikita kung gaano kami kahirap.

Naiinggit ako sa mga kaklase ko, lalong-lalo na kay Trishia. Hatid-sundo ng driver nila. Minsan mismong daddy pa n’ya ang naghahatid sa kanya. Ang dami niyang bagong mga gadgets. May cellphone din naman ako pero halos limang taon ko nang ginagamit. Ang sasarap ng mga kinakain nila kapag breaktime at lunchtime. Ako ay laging biskwit ang meryenda at paulit-ulit na adobong manok o baboy, minsan pritong isda, ang pinababaon sa akin ni nanay para sa tanghalian. Mabuti na lang at paminsan-minsan ay nabibigyan ako ni Trishia ng masarap na ulam. Minsan nga ay isinasama pa n’ya akong mag-lunch sa Jollibee. Malapit lang iyon sa school pero sinusundo pa s’ya ng driver at may kasama pang yaya. Naisip ko tuloy minsan na sana magkapatid na lang kami ni Trishia.

Nagdaan ang halos dalawang oras.

“Anak, labas ka muna. Handa na ang hapunan. Kumain ka muna bago mo ipagpatuloy ang pagre-review mo.”

Ang nanay ko iyon. Lumabas ako ng kwarto at tinungo ang aming hapag-kainan.

Habang kami’y kumakain ay nakarinig kami ng katok sa aming pintuan. Binuksan iyon ng aking nanay.

“Dito po ba nakatira si Mr. Danilo Aguilar.” Ang narinig kong tanong mula sa labas.

“Dito nga po. Ano po ba ang maipanglilingkod namin sa inyo.”

“Maari po ba kaming tumuloy?”

Tumango ang nanay at nakita kong pumasok ang tatlong pulis, isang reporter at isang mamang mukhang mayaman. Lumapit sakanila ang tatay.

Kinabahan ako dahil tatlo-tatlo ang pulis na pumasok sa amin. Naisip kong meron sigurong ginawang problema ang tatay ko. H’wag naman sana. Sa hirap na ng buhay namin eh magkakakaso pa ang tatay. Kapag nakulong s’ya paano na kami ni nanay. Paano na ang aking pag-aaral sa kolehiyo.

Hindi ko madinig kung ano ang kanilang pinag-uusapan. Nakahinga ako ng maluwag dahil mukha namang walang problema. Maayos naman ang takbo ng usapan. Nakikita kong sila’y nag-ngingitian.

Maya-maya’y nilapitan ako ng reporter nilang kasama. May bit-bit itong cake. Hindi ko napansin ang cake na  iyon nang sila’y pumasok.

“Ikaw si Maxene ano? “

“A…ako nga po.”

O heto ang cake galing kay Mr. Reyes.”

“Salamat po. Bakit n’yo po alam ang pangalan ko? Siguro sinabi po ng nanay ko sa inyo.”

“Hindi. Nagtanong-tanong  ako tungkol sa inyong pamilya d’yan sa mga kapitbahay n’yo kanina at may nagbanggit na Maxene ang pangalan ng unica hija ng nanay at tatay mo. Ikinagagalak kong makilala ang anak ng isa sa mga pinakabuting taong nakilala ko.”

“Ano po? Hindi ko po maintindihan.”

“Maxene, kaninang umaga ay sakay ng tatay mo si Mr. Reyes, iyong mamang kasama namin. S’ya ay isang kilalang milyonaryo na ang negosyo eh alahas. Nasiraan kasi ng kotse kaya’t pinara ang taxi naminamaneho ng tatay mo. At sa pagmamadali ay naiwan niya ang isa sa mga bag na dala niya na may lamang pera  at mga mamahaling alahas na milyon ang halaga. Nakita iyon ng tatay mo at nagpunta siya sa isang presinto ng pulis kaninang umaga at iniwan doon ang bag. Nagkataong nandoon ako  kanina. At alam mo bang hindi natandaan ni Mr. Reyes ang plaka ng taxi ng tatay mo. Kung iyong bag eh itinago na lamang n’ya eh malamang na hindi na ito matutunton. Kahanga-hanga ang tatay mo.”

Hindi ako makapaninawala sa aking naririnig.

“At s’ya na sana ang maghahatid daw ng pera kay Mr. Reyes dahil may ID sa loob ng bag at kabisado daw ng tatay mo ang address na nakalagay doon. Pero sinabi niya sa mga pulis na sila na lamang daw ang mag-sauli ng bag kay Mr. Reyes. Nagmamadali daw kasi siyang puntahan ka sa school dahil kaylangan mo daw ng pera para sa tuition mo. Nagulat pa ang mga pulis nang buksan nila ang bag dahil sa dami nang laman nitong pera at mga alahas. Akala nila kung ano lang ang laman ng bag. Ni hindi nag-iwan ng pagkakakilanlan ang tatay mo.  Mabuti na lang naplakahan iyong taxi n’ya dahil may CCTV sa presinto. Kaya pinuntahan namin ang opisina nila at natunton namin itong tirahan ninyo.

Para akong nanliit sa mga sinabi ng reporter. Parang wika nila sa English ay “Too good to be true.”

Naisip ko ang inasal ko sa aking tatay. Iyon pala ang dahilan kung bakit hindi n’ya kaagad nadala ang pang-tuition ko. May kinaylangan lang siyang gawin. Hiyang-hiya ako sa aking sarili.

“At grabe ang tatay mo ha. Binibigyan na ng P200,000 bilang pasasalamat ni Mr.Reyes eh ayaw pang tanggapin. Kung ako iyon, naku!!! Mabilis pa sa alas-kwatro na susunggaban ko iyong pera, hehe.”

Nangiti lamang ako. Pero ganoon talaga si tatay. Gusto niyang pagpaguran ang ano mang meron s’ya.  Maging ang tulong na binibigay ng mga lola’t lolo ko sa mother side eh tinatanggihan. Katwriran n’ya mas kaylangan iyon ng mga matatanda.

“O kuhanan ko nga pala kayong mag-anak ng picture. Tara doon, tumabi ka sa kanila” Wika ng reporter.

Pina-unlakan naming mag-anak ang kahilingan ng reporter.

Nang naka-alis ang aming mga bisita ay hindi ko mapigilang yakapin ang aking tatay.

“Aba, ‘nay, tignan mo itong prinsesa natin, parang naglalambing yata.”

“Tatay sorry po ha.”

“O bakit ka nagso-sorry sa akin anak.” Ang tanong ng tatay.

“Basta po…sorry.”

“Okay, okay anak. I love you.”

“I love you too tatay…I love you nanay.”

“Teka, tapusin na natin ang pagkain. Magre-review pa si Maxene.” Wika ni tatay.

Kinabukasan sa school canteen, habang ako’y nagi-snacks ay bigla na lamang lumitaw sa TV ang picture naming mag-anak. Nabalita sa TV ang ginawa ng aking tatay. Ibinalita ang ginawa niyang pagbabalik ng pera at alahas kay Mr. Reyes. Nagulat ako ng banggitin sa balita na noong binata pa ang aking tatayay nag-sauli din ito ng perang naiwan sa kanyang taxi.

Nagpalakpakan ang mga kakilala ko sa canteen. Ang mga gurong kong nandoon ay naglapitan pa sa akin. Halos lahat ng tao doon ay tinitignan at nginingitian ako. Nagpahayag sila ng paghanga sa aking tatay. May mga estudyanteng lumapit sa akin at ako’y kinamayan. Ang iba ay yumapos pa sa akin. Hindi ko mapigilan ang pag-luha.

Masayang-masaya ako ng araw na iyon.

Bago ako umuwi ay dumaan ako sa library. Nakita ko sa dyaryo ang larawan ng tatay ni Trishia. Nabalita na napatunayang isang courier ng drugs ang kanyang daddy. Naaresto ito at kasalukuyan na itong nakakulong.

Naawa ako kay Trishia. Kaya pala hindi s’ya pumasok ng araw na iyon. May problema pala sila sa pamilya.

Hindi n’ya siguro akalain na ganun pala ang pinagkakakitaan ng kanyang ama. Ako man ay nagulat din.

Nang makauwi ako sa bahay ay ibinalita sa akin ni nanay na bumalik si Mr. Reyes. Papag-aralin daw ako saan mang kolehiyo ko gustong mag-aral. Binigyan din si tatay ng sarili nitong taxi. Pumayag  daw ang tatay basta’t kaylangang hulugan niya ito paunti-unti ito kay Mr. Reyes. Kakamot-kamot daw sa ulo na pumayag si Mr.Reyes.

Nang makapasok ako sa aking kwarto ay napaluhod ako. Taimtim akong nanalangin. Nagpasalamat ako sa Panginoong Diyos na binigyan ako ng ama na katulad ng tatay kong taxi driver.