Blog Archives

Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 11

Chapter 11
“Kabuntot Na Anino”

Sa gitna ng kadilimang iyon ay bigla kong naalaala ang propesiya ni Kharon. Akala ko ba ay mabubuhay ako para isalaysay ang kwentong ito.

Bakit ang mga ingay na narinig ko kanina ay unti-unting naglaho? Bakit nawala ang liwanag?  Para akong lumulutang. Pakiramdam ko’y nawalan akong ng bigat. Para akong balahibo ng ibon na nakalutang at itinataboy ng hangin patungo sa  hindi ko malaman kung saan.

Ang mga alaala sa isip ko’y dumaan na parang mga bubog ng salamin—bawat isa ay nagpapakita ng isang eksena sa buhay ko bago tuluyang maglaho.

Pagkatapos ay biglang dumating ang mga Sutsot.

Bakit narito pa rin sila? Akala ko ay wala na. Nasaan ang mga Guardians? Nasaan si Eve? Wala na silang lahat. Ako na lang—ako laban sa mga Sutsot?

Naramdaman ko ang malamig na hawak  ng mga Sutsot  sa aking binti, hinihila ako pababa, gusto akong ibaon sa kailaliman. Nilamon ng pangamba  ang aking dibdib. Sumipa ako, nagpupumiglas—bawat galaw ay dala ng matinding desperasyon. Sa pagpupumilit ko’y, nakawala ako sa kanilang kapit at tumakbo, habang ang sakit ay nag-aapoy sa aking sugatang binti.

Lumingon ako at nakita ko sila sinusundan ako. Tila ayaw akong pakawalan. Umaatungal at umaalulong ang mga aninong humahabol sa akin, hanggang sa may lumitaw na isang lagusan, nasa bandang unahan.Parang umiikot ang lagusan ngunit wala akong ibang puwedeng takbuhan. Tanging ang liwanas sa bandang dulo ang aking nakikita. At parang hinihila ako ng liwanag na iyon.

Muli akong lumingon. Malapit na akong abutan ng mga Sutsot.

Binilisan ko pa ang aking takbo. Masakit man ang isang binti ko’y tiniis ko. Ang liwanag sa unahan ay lalong nagningning sa bawat hakbang, nangangako ng init, buhay, at pagkakataong makaligtas. Tumakbo ako, sumugod—ibinigay ang bawat hibla ng aking lakas. Nang malapit na ako sa dulo ng lagusan, tumindi ang liwanag, masakit sa mata.Napapikit ako. Pagkatapos ako ay natisod.

Nakadapa ako sa sahig. Tumangging kumilos ang aking katawan. Kahit anong pilit ko, hindi ako makatayo. Naubos ng pagtakbong iyon ang bawat hiblang aking lakas. Sumisigaw ang isip ko na magpatuloy, pero ang katawan ko ay sumuko na.

Akala ko ay narating ko na ang dulo. Sa pagitan ng dilim at liwanag, nakita ko ang kanyang mukha—hindi ang Eve na binaluktot ng sumpa ni Berith, kundi ang babaeng minsang ako’y nginitian. Kumapit ako sa imaheng iyon na parang isang butil ng rosaryo—ang huling dalisay na bagay na natitira sa loob ko.

Hinintay ko ang pagdating ng mga kampon ni Berith. Pero walang dumating. Nasaan kaya sila?

Idinilat ko ang aking mga mata. Ang matalas na sinag ng ilaw sa kisame ay tumusok sa aking paningin. Muli akong pumikit. Ako’y nalilito, nagtataka kung ano ang nangyayari.

Pagkatapos ay naramdaman ko ang unan sa ilalim ng aking ulo.

Nakahiga ako sa isang kama. Ang tuluy-tuloy na tunog ng “beep” at ang mahinang ugong ng mga makina ang humila sa akin pabalik mula sa kawalan. Ang amoy ng gamot ay nasagap ng akin ilong. Nagpaalaala ito sa akin ng mga gabing binantayan ko ang aking ina noong minsang siya ay nasa ospital.

Dahan-dahan, idinilat kong muli ang aking mga mata at napangiwi sa liwanag sa itaas. May mga manipis na tubo mula sa aking mga kamay patungo sa dalawang IV bags na nakasabit sa tabi ng kama—mga linyang nag-uugnay sa akin sa mundo ng mga buhay. Itinaas ko ang aking nanginginig na braso at naramdaman ang malamig na tape sa aking balat—patunay na hindi panaginip ang lahat-lahat.

Buhay pa ako. Huminga ako… at huminga pa ako nang mas malalim. Ang hindi maipagkakailang amoy ng silid ng isang hospital ay pinatutunayan ang marupok na katotohanang buhay pa ako.

Pero nasaan si Eve?

Napansin ko ang isa pang pasyente na nakahiga sa aking kanan, malapit sa isang bukas na bintana. Nandoon siya, si Eve. Maputla ang kanyang mukha, nakapikit ang kanyang mga mata, at ang kanyang kamay ay nakalaylay sa gilid ng kama.

Isang malaking ginhawa ang bumalot sa akin nang makita kong tumataas-baba ang kanyang dibdib, mahina pero matatag. Pareho kaming nakaligtas sa kalupitan ng mga Sutsot.

Dahil wala na si Tomas, ang tungkuling protektahan siya ay mas mabigat pa kaysa sa benda sa aking binti. Alam kong wala na si Berith, at ang Diyos Ama ay laging magbabantay sa amin. Pero walang puwang para maging kampante. Hindi ko sigurado kung naubos ba ng apoy ang lahat ng mga kampon ni Berith sa Isla Miedo. Kailangan kong bantayan si Eve.

Kumikirot ang aking binti—ang bahaging tinamaan ng bala—tumitibok sa bawat paghinga ko. Sa kabila ng sakit, isang tahimik na pagdiriwang ang nabuo sa loob ko habang inaalala ang lahat ng nangyari bago ako nawalan ng malay. Natalo ang mga Sutsot. Hindi nagwagi ang kasamaan.

Naalaala ko ang sinabi ni Jasmine: “Maaaring bumagsak ang katawan ng mga demonyo, pero ang kanilang espiritu ay nananatiling buhay. Hindi sila namamatay gaya ng mga tao. Ngunit kapag sila ay nagapi, itinatapon sila sa lawa ng apoy—isang lugar na walang takasan, kung saan ang paghihirap ay walang katapusan.”

Si Berith ay nasa kailaliman na ngayon ng lawa ng apoy, nangingisay ng walang hanggan,  isinumpa, at walang ng kapangyarihan. Ang mga sakripisyo nina Tomas, Daniel, Fidel, Marco, at Jasmine ay hindi nawalan ng saysay. Ang pagkamatay nina Adam, Julie, at lahat ng biktima ng mga Sutsot ay naiganti na, kasama ang hindi masabing kalapastangang ginawa ni Berith sa isip at katawan ni Eve.

Hindi nagtagumpay ang kasamaan. Pero nagtatago lang ito sa likod ng kadiliman at muli ito magtatangkang bumalik sa ano mang pagkakataon. Hindi ito susuko kahit kaylan. Kaya dapat laging magbantay at handang muling lumaban.

*****

May dalawang tao palang nakaupo malapit sa pintuan—mga kasamang hindi inaasahan pero pamilyar. Ang kanilang madilim na pulang tunika ay nagmamarka sa kanila bilang mga miyembro ng Guardians of Light.

Sa mga dahilan na hindi ko maipaliwanag, muli akong nakaramdam ng kilabot. Hindi ko alam kung dahil ba ang presensya ng mga Guardians ay nagpapaalaala sa akin ng mga nakatatakot na karanasan namin sa Isla Miedo at sa safehouse.

Pagkatapos, isang kakaibang init ang bumukal sa aking leeg at dibdib. Nanggagaling ito sa kwintas na may krus na ibinigay sa akin ng pari. Bakit hindi niya ito kinuha pabalik?

Inilabas ko ito mula sa ilalim ng aking damit at hinalikan ang krus. Gawa ito sa pilak. Ito ay mas malaki kaysa sa mga pangkaraniwang krus na ginagawang kwintas. Tila nilikha ito para sa uri ng kasamaang dasal lamang ang puwedeng ipanlaban.

May kumatok sa may pintuan. Ang isang Guardian ay bumunot ng baril, ang isa naman ay inihanda ang  machete. Dahan-dahan nilang binuksan ang pinto.

At nandoon siya—si Jeff.

Tumingin sa akin ang mga Guardians.

“Kaibigan namin siya,” sabi ko. “Pakiusap, patuluyin ninyo.”

“Salamat, bro.” Iaabot ko sana ang aking kamay pero nilagpasan ako ni Jeff… dumiretso siya kay Eve.

Nakita ko siyang hinahaplos ang buhok ni Eve gamit ang nanginginig na mga kamay. Ipinikit ko ang aking mga mata. Akala ko na noong nawala na si Berith, hindi ko na kailangang makipagkumpitensya para sa kanyang puso. Pero nakalimutan ko—bago pa siya kinuha ni Berith, pagmamay-ari na nga pala siya ng iba. Hindi siya akin. Hindi ko puwedeng angkinin.

“Willy.”

Idinilat ko ang aking mga mata. Nagulat ako nang makitang nakatayo na si Jeff sa tabi ko, ang kanyang kamay ay nasa aking balikat.

“Salamat sa ginawa mo para kay Eve,” sabi niya. “Ako na ang bahala sa kanya ngayon. Hindi mo na kailangang mag-alala.”

Ang kanyang tingin ay palipat-lipat sa aking mukha at sa krus sa aking dibdib. Tumango lang ako. Wala namang kaylangan pang sabihin.

Bumalik siya sa tabi ng kama ni Eve, kumuha ng upuan, at naupo. Habang pinapanood ko siyang hinahaplos ang pisngi ni Eve, naramdaman ko ang selos sa ilalim ng aking mga benda—isang hapdi na dulot ng kanyang pagpili kay Jeff.  Hinarap ko ang mga halimaw at tinawid ang impiyerno mismo, pero ang puso niya kahit kaylan ay hindi kailanman ko mapapanalunan.

Pero ang pag-ibig ay hindi laging tungkol sa pagmamay-ari; minsan, ito ay ang tahimik na hiling para sa kaligtasan at kabutihan ng minamahal mo. Anuman ang mangyari sa kanya, alam kong lagi ko siyang mamahalin—nang tahimik, nang buo, kahit na mangahulugan itong mahahalin siya mula sa malayo.

Gusto kong magsalita—ipaliwanag ang lahat ng nangyari—pero hindi na muling tumingin sa akin si Jeff. Marahil ay hindi ito ang tamang panahon.

Ang presensya ni Jeff ay maaaring labag sa aking kagustuhan, pero ang isiping si Eve ay may karagdagang tao na magbibigay sa kanya ng proteksyon ay nagpapanatag sa akin. Sa piling ni Jeff, maaari ko munang ipikit ang aking mga mata, hayaang makapagpahinga ang aking katawan, at hindi mag-alala sa kanyang kaligtasan.

*****

Naalimpungantan ako. Ako pala’y panandaliang naidlip. Isang manipis na kurtina ang naghihiwalay sa amin mula sa mga Guardians. Ang kanilang mga bulong ang gumising sa akin. Nanatili akong tahimik, nakapikit ang mga mata.

“Siyanga pala,” bulong ng isa, “totoo bang nakatakas si Berith mula sa katawang inagaw niya bago pa man mapugotan ang ulo?”

“Oo,” sagot ng isa pa. “Iyon ang narinig ko. At isa sa mga Guardians na kasama sa safehouse kagabi ay nawawala.”

Bigla kong naalaala—ang dugong tumalsik sa aking mukha nang mapugot ang ulo sa katawan ni Adam.

Hindi nga pala berde. Pula. Oo, pula iyon

Sumikip ang aking dibdib. Masyado akong maagang nagdiwang. Hindi pa pala tapos ang bangungot. Nagpalit lang ito ng mukha. At si Berith, na hindi na nakagapos sa Isla Miedo, ay isang nakapangingilabot na kaisipan.

Lahat ng tinawag kong kaibigan ay wala na. Ang tungkuling protektahan si Eve ay nasa akin na lang—at marahil kay Jeff. Sana lang ay matibay ang kanyang paninndigan na ipagtanggol si Eve. Sana ay handa siya magbuwis ng buhay para sa kanya.

Magtutulungan kami ni Jeff sa patiyak na walang mangyayaring masama kay Eve.

Pagkatapos ay muli kong naramdaman ang init mula sa kwintas kong suot. Sinundan itokilabot sa aking gulugod. Hinawakan ko ang krus, mainit pa rin ito, na tila nagbabala sa akin ng may nagbabantang panganib.

Tumingin ako sa kama ni Eve.

Bakante.

Wala na rin si Jeff.

Bigla akong napa-upo, hinablot ang IV tubing mula sa aking kamay, at pilit na tumayo.

“Wala si Eve!” sigaw ko.

Nagmadaling lumapit ang mga Guardians habang paika-ika akong naglakad patungo sa kanyang kama. Ang bintana sa tabi ng kama ni Eve ay nakabukas at ang mga kurtina ay hinahampas ng hangin.

Doon ko lang napagtanto na nasa ground floor kami ng hospital. Gusto kong tanungin ang mga Guardians kung bakit hindi nila na-secure ang bahaging iyon ng kwarto. Pero huli na ang lahat.

Marahil ay hinayaan ako ng Diyos na mabuhay hindi para magpahinga, kundi para magbantay sa huling pagkakataon. Isang malamig na hangin ang gumapang sa loob ng kuwarto, bumabalot sa aking leeg na parang bulong mula sa libingan. Sa labas, ang mga sanga ay kumakaluskos.

Pagkatapos ay muli kong narinig ang paswit  na iyon…

PSSSSTTTT…

Ang krus ay lalong uminit sa aking dibdib; mabilis na dumapo ang kamay ko rito.  Nangibabaw ang aking instinct. Ipinikit ko nang mariin ang aking mga mata, pinipilit ang sarili na huwag tumingin sa pinagmumulan ng tunog.

Ganoon din ang ginawa ng mga Guardians—lahat kami ay tumalikod sa bintana. Maaaring may Sutsot sa labas, inaakit kaming salubungin ang kanyang tingin, naghihintay ng kahit kaunting lamat sa pananampalataya para makapasok sa loob.

Tila nagpigil ng hininga ang buong silid.

Dahan-dahan, idinilat ko ang aking mga mata. Ang isang Guardian ay humakbang pasulong at isinara ang bintana, habang ang isa naman ay tumakbo sa pinto at pumwesto roon. Inilabas niya ang kanyang telepono at tumawag.

“Nawawala si Eve… Nawawala si Eve… Kailangan namin ng tulong… Kailangan namin ng tulong.”

Nilapitan ko ang  bakanteng kama kung saan dating nakahiga si Eve. Ang mga kumot ay hawak pa rin ang manipis na hugis ng kanyang katawan, ang multo ng init na mabilis na naglalaho. Maging ang krus ay naging malamig—wala nang buhay, tila ang liwanag nito ay umurong sa katahimikan.

Isang luha ang pumatak sa aking pisngi bago ko pa ito mapigilan. Ipinatong ng isang Guardian ang kanyang matatag na kamay sa aking balikat.

Marahil ay hindi siya nawala. Marahil ang pag-ibig—gaya ng kasamaan—ay hindi tunay na namamatay. Nagbabago lamang ito ng anyo.

Hindi pa tapos ang mga Sutsot. Si Berith ay buhay—suot ang laman ni Jeff na parang isang maskara. Ang dalawa kong karibal ay nagsanib puwersa na. Magkasama nilang kinuha si Eve mula sa akin.

Pero hindi pa tapos ang laban. Hahanapin ko siya. Ibabalik ko siya.

Pagkatapos, ang krus sa aking leeg ay muling uminit.

– W A K A S –

Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 10C

Chapter 10C
“Ang Tunggalian”

Pagkatapos niyon ay malayang kumilos na ang sanggol na Sutsot.  Ang mga anak ng demonyo ay gumapang nang may nakatatakot na bilis, paroo’t parito sa sahig, bawat galaw ay sadyang nakakakilabot. Dahan-dahan, nagsimula silang gumapang patungo sa mga bangkay nina Tomas, Jasmine, at Marco. Pagkatapos ay nilapa nila ang mga tiyan ng mga patay, mabangis na nag-aagawan sa mga laman-loob. Nanonood si Berith, nagmamalaki habang kumakain ang kanyang mga anak. Gutom na gutom ang mga maliliit na Sutsot.

At si Eve—tuluyan ng nawala sa sarili. Tila nagagalak pa sa lagim na nagaganapa sa harap niya. Nawala na ba siya sa sarili… o tuluyan nang nahulog sa ilalim ng lason ni Berith? Paano ko siya maililigtas? Paano ko siya aagawin mula sa kanya?

Sa wakas, ay naabot ko na rin ang machete. Sinubukan kong tumayo, pero hindi sumunod ang aking katawan. Masyadong maraming dugo na ang nawala sa akin. Nanginig ang aking mga braso sa sarili nilang bigat lalo na’t  ang hawakan ng machete  ay madulas dahil sa dugo. Gumapang ako paatras patungo sa pader at isinandal ang aking likod doon.

Pagkatapos, ang Sutsot—si Berith sa katawan ni Adam—ay ibinaling ang tingin sa akin. Gamit ang boses ni Adam, parang nangungutya itong nagtanong, “Ano na ngayon, Willy?”

Nang kausapin ako ni Berith, ay napunta sa akin ang atensyon ng isa sa mga maliit na nilalang. Nanlaki ang mga mata nito, naging kasing-itim ng gabi, at sumisingasing na parang ahas habang dahan-dahang gumagapang patungo sa akin.

Tinipon ko ang natitira kong lakas at iwinasiwas ko ang hawak kong machete—pero bago pa tumama ang talim, ang sanggol na Sutsot ay nagbagong-anyo at naging usok, parang aninong nadulas sa hangin. Huli na nang naala-ala kong dapat ay ipinikit ko pala ang aking mga mata.

Naramdaman ko ito—ang kakaibang pakiramdam na may tumutulak sa akin palabas ng sarili kong katawan, palabas sa aking mga mata. Wala na ako sa kontrol. At mula sa pakiramdam na may nagtutulak ay parang nagiging merong humihila sa akin palabas sa aking katawan.

Sa unang pagkakataon, nakita ko ang sarili kong katawan hindi sa repleksyon sa salamin. Nakikita ko ang kalahati ng aking espiritu, mula baywang pataas, na lumalabas sa isa kong mata.

At doon bumalik sa isipan ko ang propesiya ni Kharon, “…isa lang sa inyo ang mabubuhay para isalaysay ang kwento.”

Pakiwari ko ay itinulak ako a gilid ng bangin… at malapit na akong mahulog.

Ngunit hindi pa ako handang sumuko. Ako na lang ang natitira para labanan ang mga demonyong ito at iligtas si Eve. Mayroon akong armas na mas matalas kaysa sa anumang itak sa mundo—ang pananampalataya ko sa Diyos. Kahit na hinahati ng sindak ang aking kaluluwa, kumapit ako sa tanging bagay na puwede kong panghawakan sa lahat ng pagkakataon —ang aking pananalig. Kailangan kong mabuhay nang maisalaysay ko ang kwentong ito.

Ibinulong ko sa hangin ang Ama Namin. Nanalig akong ang bulong kong iyon ay ihahatid ng hangin sa tainga ng mapagpalang Ama. Bawat salita ay naglalatag ng apoy sa aking isipan, bawat linya ay isang pakikibaka, isang kislap laban sa kadiliman. Kung ito man ang paraan ng aking kamatayan, mamatay akong habang  nakikipag-usap sa nagbigay sa aking ng buhay.

Habang binibigkas ko ang bawat linya ng dasal, nakikita ko ang aking espiritu na dahan-dahang bumabalik sa aking katawan, at ang anino ng Sitsit ay lumalabas naman sa isa ko pang mata.

Nang mabawi ko ang aking katawan, at sa sandaling ang sanggol na Sitsit ay lumapag sa sahig sa kanyang pisikal na anyo, muli kong iwinasiwas ang itak. Nahiwa ang sanggol na halimaw sa gitna.

Isang malakas na atungal ang umalingawngaw. Ang poot ni Berith ay namilipit sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ang isa sa kanyang mga anak na wala nang buhay at duguan sa harap ko.

Ang demonyo, na iika-ika, ay sumugod; ang kanyang mga paa ay humahampas sa madulas na sahig. Sinubukan kong bumangon para salubungin ang hayop na halimaw pero bumigay ang aking mga tuhod; ang mundo ay tila tumagilid. Napaupo akong muli.

Nang lumapit si Berith, iwinasiwas ko ang machete. Hindi ito tumama. Sinipa niya ako sa mukha. Habang nakahiga ako sa sahig, hinawakan niya ang braso kong may machete at marahas itong inagaw. Nakatihaya ako nang walang kalaban-laban. Animo’y ako si Lucifer at siya’y nakatapak sa dibdib ko’y ang anghel na si Miguel.

“Pinatay mo ang isa sa mga pamangkin ko, bro,” sabi ng Sutsot, ginaya ang boses ni Tomas. “Pero ayos lang ‘yan. Ang kapatid kong si Eve at si Berith ay gagawa pa ng marami.”

Pagkatapos ay lumuhod ang Sutsot at idiniin ang kanyang bigat sa aking dibdib. Halos hindi na ako makahinga.

“At ngayong nakatawid na ako ng isla sa wakas, itatayo ko dito sa mundo mo  ang aking kaharian.” Ang boses na iyon ay narinig ko lang nang ilang beses sa Isla Miedo—marahil ang tunay na boses ni Berith, hindi iyon boses  ng isang ordinaryong tao. “Ang mga anak ko at ako ay madaling magpaparami rito, at marami kaming mapagkukunan ng laman at dugo ng tao..”

Lumingon ako sa paligid. Ang ibang mga sanggol na Sitsit ay patuloy sa paglapa sa mga bangkay nina Marco, Jasmine, at Tomas, ang kanilang maliliit at mapuputing kamay ay nanggigitata sa nangitim na na dugo. Kalong ni Eve ang isa sa mga sanggol na Sutsot na may hawak na bituka ng tao. Buong lambing niya itong iniuugoy habang ito’y parang hayok na hayok na kumakain. Nawala na ba talaga ang katinuan ng isip si Eve?

Inipon ko ang natitirang lakas, ikinuyom ang aking kamao at sinuntok si Berith sa mukha. Tinamaan ko siya sa ilong. Dumugo ito pero bale wala lang sa kanya. Ngumisi lang siya.

Itaas niya ang kanyang kamao, akmang ako’y susuntukin din. Ipinikit ko ang aking mga mata, hinihintay ang pagtama ng kamao niya sa aking mukha.

Pero hindi ito dumating. Sa halip, naramdaman ko ang isang mahinang pitik sa aking ilong. Pinipitik niya ako—minamaliit na parang bata.

“Mapalad ka at sugatan ka na at malapit ka na ring mamatay. Kung hindi, iniwan ko na sana ang katawang ito at lumipat sa’yo.” Ang boses niya nanunuya pa rin. “Kay Lucifer na ang impiyerno, pero ang mundong ito ay magiging akin. Gagawin ko ang sarili kong hari ng mundong ito—at si Eve, ang babaeng pinapangarap mo, ang pinakamamahal mong paulit-ulit kong inangkin, ang magiging reyna ko.”

Ginawa ko ang dapat kong gawin. Nagdasal ako muli. Gumalaw ang aking mga labi nang walang tunog.

“Tama na Willy,” wika ni Berith. “Itigil mo ang kahibangan na ‘yan. Sa pagkakataong ito, hindi makakatulong ang mga dasal mo. Nakatsamba ka lang kanina. Sanggot na sutsot lang ang kalaban mo kanina kaya ka nakabalik sa katawan mo.  Ang tinatawag mong Ama ay hindi darating para tulungan ka. Takot Siya sa akin.” Ang kanyang kalapastanganan niyang iyon ay sinamahan ng malademonyong tawa.

Pagkatapos ay tumayo si Berith sa ibabaw ko, ang malamig na talim ng macheteng hawak niya’y  dahan-dahang idiniin sa aking leeg. Humalik ang bakal sa aking balat.Ang init ay sumiklab kung saan nagbabantang gigilitan ako machete.

“Pipira-pirasuin  kita para mas madali kang makain ng mga anak ko,” ang pananakot  niya. “Pero ang mga mata mo at ang utak mo ay akin. At dahil lagi mong sinasabing ang puso mo ay para kay Eve… ipakakain ko ito sa kanya.”

Tinawag ni Berith si Eve. “Mahal ko, kakainin mo ba ang puso ng iyong pinakamatapat na tagahanga?”

Tumango si Eve at tumingin sa akin, ang kanyang ngiti ay tila isang patalim… nakakasugat ng damdamin. Tuluyan ng nilamon si Eve ng kabaliwan.

Itinaas na ni Berith ang hawak na machete—dahan-dahan niya itong ginawa, tila isang seremonya—handa na akong tapusin.

Habang hinihintay ko ang pagbagsak ng talim sa aking leeg, ang tingin ko ay napako sa panalanging nakasulat sa ilalim ng mural ni San Miguel Arkanghel. Binasa ko ito nang malakas.

“San Miguel Arkanghel, ipagtanggol mo kami sa labanan… maging sandigan  ka nawa namin laban sa kasamaan…”

“Kahit ‘yan ay hindi makakatulong sa’yo. Si Lucifer ang tinalo niya—hindi ako!” sigaw ni Berith, pilit na nilulunod ang aking boses. Pero nagpatuloy ako.

“Buong taimtim kaming nagdarasal na, gaya ng iniutos ng Diyos, itaboy mo ang mga demonyo.”

Pagkatapos—isang kaguluhan ang naganap sa labas ng bahay. May mga nagsisigawan. May mga, marami.

Nagulat siBerith at lumingon sa pinanggalingan ng ingay; nanlaki ang kanyang mga mata. Itinulak ko siya gamit ang huli kong lakas, at napaatras siya’t napaluhod.

Sinubukan niyang tumayo ulit. Hirap siya. Bawat galaw niya ay mabagal at hirap—patunay na ang kanyang mga sugat ay tuluyan na siyang pinanghihina.

“Palibutan ang bahay! Itaas ang mga metal drag nets hangga’t maaari! Punuin ang bakuran ng spotlights!” sigaw ng isang boses mula sa labas.

“Huwag hayaang may makalabas!” sigaw pa ng isa.

Wala na sa akin ang atensyon ni Berith. Lumapit siya kay Eve.

“Adam, anong nangyayari?” tanong ni Eve, lito. Ang mga sanggol na Sutsotay nagkumpulan sa likod ni Berith, naramdaman ang panganib.

Isang nakabibinging atungal ang pinakawalan ni Berith.

Ang mga pinto sa harap at likod ay puwersahang binuksan. Ang mga lalaking nakasuot ng madilim na pulang tunika ay sumugod sa loob, may mga baril at itak sa kamay. Isa sa kanila—isang paring may punit-punit na abito—ay nagtaas ng boses sa gitna ng kaguluhan. Ang iba ay may dalang portable flamethrowers.

“Iwasan ang kanilang tingin!” sigaw ng pari. “Huwag hayaang mahuli ang inyong mga mata! Huwag kayong maniniwala sa mga gagawin nilang panlilinlang.”

Humakbang siya sa harap ng mga Guardians, nagsasaboy ng banal na tubig mula sa isang gasgas na flask at itinataas ang isang krusipiho.

“Liwanag laban sa kadiliman!” Sigaw ng pari. “Sunugin ang mga anino! Linisin ang bahay!”

Muling umatungal si Berith. Napaatras siya, sinasangga ang kanyang mukha mula sa banal na tubig na sumasagitsit sa kanyang balat na parang asido.

Humalinghing siya sa sakit. Ang mga sanggol na demonyo ay nagpulasan sa bawat direksyon, nangingisay tuwing natatalsikan ng mga patak ng banal na tubig.

“Pakiusap huwag niyo siyang saktan… huwag ang mga anak ko!” tili ni Eve, nagpupumiglas sa gitna ng kaguluhan

Si Berith, na halatang mahina na, ay sumugod sa mga Guardians, ang kanyang itak ay humiwa sa balikat ng isang lalaki. Bumagsak ang Guardian habang sumasabog ang dugo sa sahig. Sinubukang itaas muli ni Berith ang kanyang sandata, pero umalingawngaw ang mga putok ng baril—parang kulog sa loob ng bahay.

Sa harap ko mismo, bumagsak ang Sutsot, paluhod. Sa takot na baka tumalon siya mula sa katawan ni Adam patungo sa akin, ipinikit ko nang mariin ang aking mga mata.

“Sige! Pugutin ang ulo—ngayon na!”

Nanatili akong nakapikit. Wala na akong ibang magagawa kundi maghintay.

“Huwag… huwag… huwag… pakiusap. Diyos ko, Adam!!!” Wala nang nagawa si Eve.

Idinilat ko ang aking mga mata. Si Berith, suot ang katawan ni Adam, ay nakaluhod sa harap ko, wala nang ulo. Ang dugo ay tumalsik sa aking mukha. Isa-isa, ang mga talim ng mga Guardians ay tumama sa naputol na ulo—sunod-sunod… hanggang  sa nagkapira-piraso ito.

Lumuhod ako at kinuha ang nalaglag na machete sa sahig. Itinarak  ko ito nang malakas sa dibdib ng Sutsot. Sa sandaling iyon, hindi ko alam kung ginawa ko ba iyon para sa lahat ng biktima niya, o para lang sa babaeng mahal ko—si Eve.

Isang kakaibang pakiramdam ng tagumpay ang umapaw sa akin, pero naputol ito ng tili ni Eve. Gusto lapitan ang bangkay ng halimaw pero pinipigilan siya ng mga Guardians..

Napabaling ang atensyon ko sa kanya. Napaka-aba ng kanyang hitsura, naghihirap dahil sa kamatayan ni Berith. Pagkatapos ay nawalan siya ng malay at bumagsak sa sahig. Matapos ang lahat ng pangyayari, ganoon pa rin ba ang pagtingin ko kay Eve. Walang nagbago sa pagtingin ko sa kanya.

Gusto ko siyang lapitan para hawakan ang kanyang kamay. Kahit ngayon lang. Pero sa sobrang hina ko ay hindi ko na maigalaw ang aking katawan. Akala ko ay susunod na akong mawawalan ng malay dahil sa dami ng dugong nawala sa akin. Pero pinilit kong manatiling gising. Kailangan kong makitang mamatay ang kahuli-hulihan sa mga  sa mga nilalang mula sa impiyerno bago ako mamahinga.

Ang mga sanggol na Sutsot ay tumitili habang sumusugod sa mga Guardians. Ang ilan ay naging usok pero mabilis na natupok ng mga flamethrower. Ang iba’y namatay sa taga, and iba’y sa bala. 

Ang mga sigaw ay humalo sa hangin hanggang sa tila yumayanig ang buong paligid. Ilan sa mga sanggol na Sutsot ay lumabas sa bintana.

“May mga Sutsot na nakakalabas! Habulin sila!” sigaw ng isa sa mga Guardians.

Sa labas, umalingawngaw ang mga putok ng baril; sinagot ito ng matinig na hiyaw ng mga sanggol na sutsot. Ang gabi ay lumalim na ng lumalim. Isang hindi maipaliwanag na kasiyahan ang naramdaman ko habang iniisip ko ang mga demonyong natutupok sa apoy sa may isla at ngayon dito mismo sa bahay.

“Siyasatin ang bawat sulok ng bahay. Siguraduhing walang Sitsit na makakalabas dito nang buhay!”

Habang humuhupa ang ingay sa loob at labas ng bahay, naramdaman ko ang lalong paghihina; dumulas ako sa pader, ang mundo ay naging tila usok, ang sakit sa aking binti ay hindi ko na matiis. Napakabigat ng aking katawan, at ang dilim ay nagbabantang tuuyan akong lamunin. Ngunit kahit nararamdaman kong nawawala na ako, isang kakaibang kaligayahan ang bumalot sa akin. Kung dito na matutuludkan ang buhay ko ay masaya akong mamamaalam sa mundo dahil nakita ko ang pagwawakas ng kademonyohan ng mga sutsot. At ang pinakamahalaga ay buhay si Eve.

Sa gitna ng nanlalabo kong paningin, nakita ko ang pari at ang isa pang Guardian na lumalapit sa akin. Lumuhod ang pari at hinawakan ako. Isinuot niya sa aking leeg ang isang kwintas na may krusipiyo. Pagkatapos ay dahan-dahang ipinatong ang kanyang kamay sa aking noo, tila tinitingnan ang aking kondisyon.

“Tumawag ng medic, bilisan niyo!” sigaw niya.

“Ipagdasal niyo ako—at ang mga kaibigan ko, Father,” bulong ko, pilit kong inaabot ang kanyang mga kamay.

At hindi ko na alam kung nahawakan ko ang mga kamay ni Father sa dahilang ang mga talukap ng mata ko’y tila bintanang nagsara. Dumilim.

Chapter 11
“Kabuntot Na Anino”

Huwan Kang Lilingon
(Maikling Nobela – Horror)

Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 10B

Chapter 10B
“Ang Tunggalian”

Si Marco ay hindi mapakali. Halos magsalubong ang kanyang mga kilay. “Kailangang mamatay ni Eve bago pa niya ilabas ang mga anak ng halimaw.Ang mga demonyong isinisilang mula sa tao ay mas mapanganib.”

Napapikit si Jasmine. Tinakpan ng mga kamay ang kanyang mukha. Marahil ay hindi niya malaman kung ano ang dapat mamayani sa kanya, ang pagiging kapwa niyang tao si Eve o ang sinumpaang tungkulin bilang miyeybro ng Guardians. Ang sundalo ng pananampalataya ay  naipit sa pagitan ng sumpa at puso. Tiningnan niya si Eve, dinudugo at umiiyak.

“Mang Fidel… Marco…” bulong niya. “Tao pa rin siya. Naghihirap siya.”

Nanidigan si Marco “Kung kaaawaan mo siya ngayon, ang sangkatauhan ang maghihirap. Mamamatay tayong lahat kasama niya.”

Napapikit na lamang si  Jasmine. Hindi malaman kung saang panig siya kikiling.

Mabilis na ikinasa ni Marco ang kanyang baril at humakbang patungo kay Eve.

“Sandali—sandali! Baka may ibang paraan!” sigaw ni Tomas, humarang siya sa pagitan ni Marco at ni Eve. Itinanim niya ang kanyang mga paa at itinaas ang patalim na hawak.

Pagkatapos ay isang boses ang aming narinig

“Tama ‘yan, Tomas. Huwag mong hayaang patayin nila ang kapatid at mga pamangkin mo.”

Si Berith iyon, ginagaya ang boses ni Adam.

“Jasmine… mahiya ka naman? Bakit mo sila hahayaang saktan kami? Magkapatid tayo. Ang mga nasa sinapupunan ni Eve… sila ay sarili mong dugo—ang aking mga anak. Pamilya tayo. Tingnan mo si Tomas—pinatutunayan niyang kapatid siya ni Eve. Eh, ikaw?”

“Itigil mo ang pagpapanggap, Berith!” sigaw ni Jasmine.

“Berith? Sinong Berith?” ang wika ng Sutsot na si Berith. “Ako ang kapatid mo, Jasmine. Hindi mo ba nakikita? Ang mga sanggol sa tiyan ni Eve ay iyong mga pamangkin.”

“Patay na ang kuya ko,” mabilis na sagot ni Jasmine. “Ninakaw mo ang katawan niya. Ginamit mo siya. Subukan mo lang akong lalapitan—ako mismo ang pupugot sa ulo mo.”

Tumawa ng tumawa ang Sutsot. “Ano na ang  nangyari sa kasabihang ‘ang dugo ay mas matimbang kaysa sa tubig”?.

“Pula ang dugo ko… ang sa iyo eh berde, gago,” sagot  ni Jasmine.

Panandaliang tumahimik ang paligid. Patuloy pa rin nang pamimilipit si Eve.

Ramdam ko ang tensyon. Habang may pangamba sa ano man ang susunod na gagawin ni Berith, ay nagpapakiramdaman  kami sa loob. Nandoon si Tomas na handang gawin ang lahat upang huwag masaktan si Eve. Sa kabilang banda ay nandoon sina Mang Fidel at Marco, mga miyembro ng Guardians of Light  na sumumpang gagawin ang lahat upang puksain ang mga Sutsot.

Si Jasmine ay nalilito. Ang ba ang  mamamayani sa kanya… tungkulin o ang awa para kay Eve.

Ako, hindi ako nalilito. Malinaw, hindi ang ano ang dapat kong gawin kundi ang gusto kong gawin… ipagtanggol si Eve.

Tumayo ako sa tabi ni Tomas. Hawak ko ng mahigpit ang machete na ibinigay sa akin ni Marco. Kaibigan ko si Tomas. Hindi ko siya hahayaang mag-isa sa labang ito. Higit sa lahat, hindi ko hahayaang saktan ng sinoman si Eve.

Nagtama ang paningin namin ni Mang Fidel. Umiling-iling siya “Hindi kailangang humantong sa ganito. Panginoon, kaawaan Mo kami.”

May ingay na nagmula sa may bandang bintana. Puwersahang ito’y nabuksan. Si  Adam. Gamit pa rin ng demonyong si Berith ang kanyang katawan,

“Sige lang… magpatayan kayo. Gustong-gusto ko ‘yan… gustong-gusto ko.”

Hindi nag-atubili si Marco. Itinaas niya ang kanyang baril at nagpaputok. Ang putok ay parang kulog; ang Sutsot  sa bintana ay hindi tinamaan.  Kung paraan lang iyon ni Berith para ilayo angatensyon ng mga Guardians kay Eve, nagtagumpay siya.

“Kuya… kuya, hindi ko na kaya!” sigaw ni Eve. Walang magawa si Tomas kundi pisilin ang kamay ng kapatid; nanatili akong bantay, ang mga mata ay naglilibot sa paligid para masigurong walang Guardian na lalapit sa kanya.

“Adam… nasaan ka? Tulungan mo ako, ano ba… lalabas na ang mga anak natin.”

Ang Sutsot ay muling umatungal. Tila ba nagdiriwang ito.

“Malapit nang lumabas ang mga anak ko. Maniwala kayo… hindi kayo handa para sa kanila.”

Ang babalang iyon ay sinundan ng isa pang atungal..

Sina Mang Fidel at Marco ay pumunta sa likod ng bahay. Ilang sandali pa, ang gabi ay napuno ng mga sigaw, mga atungal, at mga putok ng baril sa gitna ng ulan.

Biglang bumukas nang malakas ang pinto sa harap.

Ang Sutsot ay pumasok, ang isang kamay ay nakahawak sa kanyang dumudugong tiyan.

“Eve… Eve…”

Sa kabila ng sakit at hirap, pilit na bumabangon si Eve mula sa sofa para salubungin sana siya.

“Adam!!! Anong ginawa niyo kay Adam?!” sigaw ni Eve.

Dalawa pang putok ang umalingawngaw.

“HUWAG!!! HUWAG!!! Pakiusap huwag ninyo siyang saktan!” Ang pagsamo ni Eve.

Bumagsak si Adam sa harap namin, at sa likod niya, lumitaw si Marco. Binitiwan niya ang kanyang baril at lumuhod. Umaagos ang dugo sa kanyang tagiliran.

Kasabay ng pagbagsak ni Berith ay namanhid ang aking kaliwang hita. Tinamaan ako ng isa sa mga bala niya. Umagos ang dugo sa aking binti habang pilit akong kumikilos.

Dinaluhan ni Jasmine si Marco. Nanatili akong nakatayo, nag-aabang.

 May itak na ang nakabaon sa likod ni Marco.

“Jasmine, ang… si ama  ay patay na. Tingin ko… hindi na rin… hindi na rin ako magtatagal. Gawin mo ang iyong sinumpaan. Sa… sa ngalan ng Diyos.”

Tuluyan nang bumagsak si Marco sa sahig, wala ng buhay.

“Kuya… ang tiyan ko… sasabog na!” sigaw ni Eve, nangingisay sa sofa.

Gusto ko siyang lapitan, tulungan, pero nang humakbang ako’y bumigay ang aking binti. Napasandal ako sa pader, para akong kandilang nauupos.

Binunot ni Jasmine ang itak mula sa likod ni Marco at mabilis na sumugod kay Eve.

“Pakiusap, huwag, Jasmine!” sigaw ko.

Napalingon si Tomas dahil sa aking sigaw. Bakas ng pagkalito sa kanyang mukha. Pagkatapos ay nangyari ang lahat sa isang iglap. Sumabit ang paa ni Jasmine sa gilid ng basahan na nasa  sahig. Nawalan siya ng balanse. At bago pa man kami makakilos, dumulas siya pabagsak nang diretso sa sandatang hawak ni Tomas.

Nahiwa ang talim ng macheteng hawak ni Tomas ang tiyan ni Jasmine. Habang siya ay bumabagsak patagilid, ang kamay niyang may hawak na machete ay naiwasiwas niya. Nahiwa ng hawak niyang machete ang leeg ni Tomas.

Habang sina Tomas at Jasmine ay halos sabay na napaluhod tutop ang mga parte ng katawan nilang nasugatan ay bumagsak sa sahig ang mga macheteng hawak nila. Ang mga sandatang iyon ay dapat sa mga Sutsot ginamit.

Sa pagkakataong iyon ay nanumbalik sa aking isip ang babala ni Kharon kina Tomas at Jasmine…mag-ingat sa bagay na matalim.

Tuluyan nang bumagsak sa sahig ang mga katawan nina Tomas at Jasmine. Hawak ni Tomas ang kanyang leeg; si Jasmine ay nakahiga sa tabi niya. Pareho silang naghihingalo… ang mga mata nila ay nakabukas… nakatitig sa akin. Pinilit kong kumilos para tignan kung ano ang puwede kong gawin. Pero bawat kilos ko’y nagdudulot ng sobrang kirot sa aking sugatang hita.

Trahedya… sunod-sunod.

Sa isang saglit pakiramdam ko’y tila huminto ang pag-ikot ng mundo. Ang bagyo sa labas ay nagngangalit, pero sa loob, tanging katahimikan… nakakabinging katahimikan.

Sumigaw ako para pigilan si Jasmine na saktan si Eve, at ang desisyon kong iyon ang nag-umpisa ng sunod-sunod na pangyayari na tumapos sa kanilang buhay. Ako ba ang dapat sisihin sa kanilang kamatayan?

Hindi ako makapag-isip nang malinaw. Lahat ay nangamatay sa harapan ko. Kami na lang ni Eve ang natitirang buhay. Ang masakit, hindi ko man lang magawang lumapit kay Eve.

Ang silid ay tila umiikot; ang mga anino ay naghahalo-halo. Bumabaha ng dugo sa sahig galing sa mga patay at sa aking hitang sugatan at sa Sutsot na si Berith na nasa katawan ni Adam.

Dugo—pula at luntian—ay kumalat na parang dalawang maliit na sapa sa sahig.

Sina Jasmine at Tomas ay tuluyan nang nalagutan ng hininga, habang si Eve ay patuloy sa pag-ire, pilit na inilalabas ang bagong buhay—isang bagong buhay na magdadala lamang ng higit pang kamatayan.

Ang tiyan ni Eve ay namaga nang nakapangingilabot, ang balat niya sa tiyan ay banat na banat na parang bubog na malapit nang mabasag.

At animo’y  hindi pa sapat ang lagim na nasaksihan ko, ang pagkamatay nina Marco, Tomas, at Jasmin at ang malapit ng paglabas ng mga nilalang ng kadiliman na nasa tiyan ni Eve, ang katawan ni Adam ay dahan-dahang tumagilid.

Buhay pa si Berith. Buhay pa ang demonyo. Kay hirap patayin ng halimaw na Sutsot.

Dahan-dahang bumangon ang Sutsot. Nang makatayo na siya’y ibinaling ang kanyang tingin sa akin. Gumuhit sa kanyang labi ang isang mapanuyang ngiti.

Nilapitan ni Berith si  Eve. Bagama’t halatang nanghihina dahil sa mga sugat na tinamo, ay para siyang nagbubunyi.

“Adam… oh Adam… pakiusap bilisan mo,” iyak ni Eve, inaabot siya.

Naupo si Berith sa tabi niya at dahan-dahang hinalikan ang kanyang mga labi. Ang kanyang mga mata ay hindi umalis sa akin—puno ng pangungutya.

“Oh, Willy… ang mga labi na pinapangarap mong mahagkan ay napakatamis… masarap. Gustung-gusto ko siyang halikan.”

Nakita ko kung paano tumugon si Eve sa halik ni Berith—hinalikan niya ito pabalik, nang may panggigil at pananabik. Napapikit ako.

“Lumalabas na ang ating mga anak, Eve. Magiging ina ka na… at magiging ama ako,” ungol ng demonyo.

Si Eve, ay wala nang pakialam kay Tomas na kanyang sariling kapatid. Namatay ito sa pagtatanggol sa kanya. Nakatuon na lamang ang atensyon niya siya Sutsot. Tila siya ay nahibang. Para pa siyang nagbubunyi sa piling ng nilalang na kumuha sa katawan ni Adam.

Ang Sutsot ay nagpakawala ng isa pang nakabibinging atungal. Nagbubunyi. Nagmamalaki.

Sumigaw si Eve, nakakapit sa mga braso ng Sutsot. Wala nang sakit na mababakas sa kanyang mukha—tanging matinding determinasyon, na tila sabik na isilang ang mga anak ng isang demonyo.

At ganoon na nga ang nangyari. Lumabas ang unang sanggol. Pagkatapos ay may pangalawa… pangatlo… pang-apat. Bumilis ang paglabas ng mga ito, hindi na ako nakasunod sa pagbibilang.. Mukhang may labintatlo sila, o baka higit pa. Lumabas sila na parang usok at nagkatawang-tao bago lumapag sa sahig.

Sa halip na iyak ng bagong silang, ang paligid  ay napuno ng unga ng kinakatay na baka at palaka sa bukid kapag umuulan.

Pilit kong inaabot ang machete sa sahig. Pero parang wala na akong natitirang lakas pa. Tila sumama ito sa mga dugong umagos mula sa aking sugat.

Masayang tinipon ni Berith ang mga bagong silang na Sutsot.  Isa-isa niyang kinarga ang mga ito at dinilaan ang madulas na likido mula sa kanilang balat. Si Eve nama’y dahang-dahang naupo sa sahig. Pinangko niya ang dalawa sa mga sanggol na sutsot at masuyo niyang hinagod ang katawan ng mga ito.

Mapuputi ang mga sanggol na Sutsot—mukhang mga anghel sa unang tingin, pero biglang lumalaki ang mata at lumalabas ang maliliit at matatalas na ngipin. Nakakapangilabot ang nasaksihan ko. Ang kanilang katawan ay nagbabago—tao sa isang sandali, usok sa susunod, saka magiging katawang tao ulit.

Ito pala ang ibig sabihin ni Jasmine na ang mga Sutsot na ang isang magulang ay tao ay mas mapanganib. Hindi na nila kailangang mang-agaw ng katawan para magkaroon ng pisikal na anyo. Kaya na nilang magpalipat ng anyo mula sa usok at laman ayon sa kanilang kagustuhan.

Tiningnan ko si Berith na suot ang katawan ni Adam. Pinagmasdan ko din si Eve. Magkasama sina Adan at Eba, pero hindi sa Hardin ng Eden, kundi sa impiyerno dito sa lupa. Isinilang ni Eve hindi si Abel, kundi si Cain—hindi lang isa, kundi marami.

Chapter 10C
“Ang Tunggalian

(Scheduled posting: 01 -23-26)

Huwan Kang Lilingon
(Maikling Nobela – Horror)

Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 8

Chapter 8
“Sa Ningas Ng Paghihiganti”

Humakbang kami palabas ng bahay ni Adam. Sinalubong kami sa makapal at malagkit na hangin. Tahimik ang paligid pero ang katahimikang iyon ay isang patibong.  Hindi  kami puwedeng maging kampante.

Habang binabagtas namin ang gubat pabalik sa sapang pinanggalingan namin  ay ramdam ko pa rin ang kilabot sa aking gulugod. Hindi ito halos nawala mula nang makita namin si Adam sa may sapa.

Nang makarating kami sa sapa ay tumigil kami panandalian. Tinitigan ko ang malaking kagubatan na nakatayo sa pagitan namin at nang dalampasigan na kung nasaan ang balsang gagamitin namin pabalik sa pinanggalingan naming breakwater.

Sinimulan naming pasukin ang kagubatan. Ako ang nasa huli habang nangunguna si Adam, ang kanyang itak ay bahagyang kumikislap sa dilim. Nasa gitnang sina Jasmine at Eve. Si Tomas ay sinasabayan sa paglalakad ang kanyang kapatid.

“Brod meron akong nararamdaman na hindi ko maipaliwanag.” bulong sa akin ni Tomas na binagalan ng kaunti ang paglalakad upang maabutan ko siya.

Habang papalapit kami sa gubat, ay nakita kong parang nahawan ang matataas  damo na tila may dumaan doon. Sigurado akong mga Sutsot iyon. At nang nakapasok na kami sa gubat ay nagsimula ng lumikha ng ingay ang mga Sutsot. Malakas ang sigawan ng mga halimaw ngunit kung noong dati ay nahihintakutan ako kapag narinig ko sila, ngayo’y wala na. Marahil ay mas iniisip ko ang gagawin naming pagtakas mula sa mala-impyernong isla.

Mabilis ngunit maingat ang ginawa naming pagtakbo. Tinitiyak namin na walang maiiwan  at mahihiwalay sa amin.

Nakarating kami sa lugar kung saan namin inilibing si Daniel—ang kanyang katawan ay wala sa hukay na ping libingan namin sa kanya, at malayo s ang kinalalagyan  ng kanyang ulo.

“Sandali!” sigaw ko. “Hindi natin pwedeng iwan si Daniel nang ganito.”

“Ha—!?” Naputol ang boses ni Eve. “Diyos ko… si Daniel ‘yan?”

Napaatras siya, ang mga mata ay nanlalaki sa takot at pagkagulat. Tila nanghina ang kanyang mga tuhod, napaluhod siya.

“Ilang kamatayan pa ba ang kailangan kong makita?” Ang mga salita niya ay putol-putol, barado ng hikbi. “Kasalanan ko ang lahat ng ito… may ibang tao pang nadamay.

Itinakip niya ang dalawang kamay sa kanyang bibig para pigilin ang sigaw na namumuo sa kanyang lalamunan. Nangangatog ang kanyang mga balikat.

Mabilis na lumapit sina Tomas at Adam sa kanya. Naunang lumuhod si Adam sa tabi ni Eve. Ibinaba ang kanyang itak. Inakbayan ni Adam Eve.

“Huwag mong sisihin ang sarili mo dahil sa nangyari,” ang wika ni Adam. “Hindi na bata si Daniel. Ginusto niyang pumunta dito sa isla..”

Wala akong magawa kundi pagmasdan sina Eve at Adam. Noon ka lamang siya nakitang umiyak at gusto ko sana siyang aluin. Pero naunahan ako. Lagi akong nauunahan pagdating kay Eve… nauhanan ako ni Jeff… at mukhang naunahan din ako ni Adam. Pumunta ako sa isla para iligtas siya, pero naunahan ako. Lagi akong nahuhuli pagdating sa kanya.

Nang halos malagutan na ako ng hininga dahil sa panibugho, ay itinuon ko ang aking atensyon sa hawak kong pamalo. Ganoon naman ang naramdaman ko. Hindi ko malamang kung hawak ko ang piraso ng kahoy o kinakapitan ko ito na parang salbabida na kapag binatawan ko’y baka malunod ako sa ilog ng kalungkutan.

Pagkatapos ay humagupit ang hangin, dala ang masangsang na amoy ng nabubulok na laman. Nagising ako mula sa panibugho at muling natuon ang pansin sa luray-luray na katawan ni Daniel. Guta-gutaytay ang kanyang katawan, ang kanyang mga laman-loob ay nilapa—kung ng mga lobo ba o ng mga demonyong Sutsot, hindi na namin alam. Napako ako sa aking kinatatayuan.

Narinig namin ang mga galaw sa paligid. Nagsimula ang nakakabinging atungal at alulong. May mga aninong mabilis na gumagalaw sa pagitan ng mga puno, ang kanilang mga hiyaw ay umaalingawngaw sa bawat panig.

Tinulungan ni Adam si Eve na tumayo at sinabing, “Pasensya na, pero kailangan na nating magpatuloy. Huwag titingala—nasa itaas natin ang mga Sutsot!”

Inihanda nina Jasmine at Adam ang kanilang mga sandata.

“Tara, Willy, tulungan mo ako,” sabi ni Tomas, at sumunod naman ako.

Mabilis naming inayos ang katawan at ang pugot na ulo ni Daniel sa ilalim ng kumot ng mga tuyong dahon at sanga. Tumulong din si Eve.

Mula sa aking backpack, kinuha ko ang mga mitsa at inipong kerosene ni Daniel. Ibinuhos ang mga ito sa ibabaw sa pinaglagyan namin  ng kanyang bangkay. Sa isang pitik ng lighter ni Daniel, nasindihan ko ang tumpok ng mga sanga at dahon. Pinanood namin ang pagsiklab ng apoy.

Nagpatuloy ang mga hiyaw —pero sa pagkakataong ito, hindi para magdiwang, kundi dahil sa takot. Napansin kong lumalayo ang mga Sutsot sa kinalalagyan namin. Totoo ngang takot ang mga halimaw sa apoy.

Mabilis na kumalat ang apoy. Nagdagdag pa kami ni Tomas ng mga dahon at sanga. Ang apoy ay lumaki, dinidilaan ang mga kalapit na dahon at gumagapang sa mga tuyong baging na nakapulupot sa mga puno. Wala na akong marinig na galaw sa paligid, tanging ang lagitik at sagitsit  ng apoy na lumalamon sa bawat tuyong dahon at marupok na sanga madilaan nito.

Tila nararamdaman ko ang espiritu ni Daniel sa dila ng mga apoy. Pinapaypayan niya ang apoy gamit ang mga kamay na hindi nakikita… inuutusang habulin ang mga Sutsot at ubusin sila upang siya’y makapaghiganti.

Mula sa malayo, dinig namin ang hiyaw at ungol ng mga Sutsot. Nagsisigawan sila, hindi upang magdiwang at magkasayahan. Sigaw iyon ng  paghihirap at sindak.

Tuloy-tuloy ang  aming pagtakbo at hindi na nangangamba sa panganib na dala ng mga halimaw. Sila man kasi ay tumatakbo, hindi para kami habulin. Tumatakbo sila upang takasan ang apoy na likha ng paghihiganti ni Daniel.

Pagkatapos ay narinig ko ang pamilyar na atungal—muli, isa na lang—na sinundan ng koro ng mga takot na hiyawan. Napaisip ako kung nasaan ang kanilang pinuno. Patay na  ba siya? O may iba na bang nag-uutos sa mga Sutsot? May kakaiba sa solong atungal na iyon. Galit na galit.

Sa pangunguna nina Adam at Jasmine, tinahak namin ang daan patungo sa dalampasigan. Habang nagngangalit ang apoy, naramdaman namin ang tindi ng init sa aming likuran, na nag-uutos sa aming bilisan ang takbo at lumabas mula sa gubat.

Pagod na pagod na ako pero hindi ko magawang huminto. Batid kong ganoon din ang mga kasamahan ko. Batid naming lahat na kapag huminto kami sa pagtakbo ay baka abutan kami, hindi ng mga Sutsot kundi ng naglalaglab na apoy na walang pinapatawad sa mga nadadaanan nito.

Kakaibang ginhawa dulot ng isipin na ang islang ito ay malapit nang maging isang libingan—hindi lang para sa mga biktima nito, kundi para na rin sa mga halimaw na naninirahan dito.

*****

Nakalubog na ang araw nang lumabas kami mula sa gubat. Mula sa pampang, kitang-kita ang malaking apoy na aming sinimulan. Sinabi ni Adam na nagkalat siya ng gaas sa ilang bahagi ng gubat, at tila ito ang nagpapalakas sa apoy.

Ang mga dating mapanghamong hiyaw ng mga demonyo ay naging mga desperadong tili; ang kanilang kayabangan ay napalitan ng takot.

Habang tumatakbo kami, isang kakaibang saya ang bumangon sa akin. Naiganti namin si Daniel—at ang hindi mabilang na iba pang biktima ng mga Sutsot sa loob ng mahabang panahon. Ngunit sa likod ng tagumpay na iyon, alam kong hindi pa tapos ang laban. Hindi magtatagal at ang mga halimaw na nakaligtas sa apoy ay makakarating din sa dalampasigan—o baka naunahan pa nila kami. Ang pampang na lang ang tanging matatakbuhan nila.

Bagama’t takipsilim na, ang dalampasigan ay nagliliwanag nang nakapangingilabot dahil sa nasusunog na gubat. Ang apoy ay bumabakas sa mga alon, kinukulayan ang dagat ng kahel na parang likidong apoy.

Mabilis kaming tumakbo sa dalampasigan patungo sa kinalalagyan ng balsa ni Kharon. Nasa hulihan pa rin ako. Kaylangan nang bantayan ko ang likuran upang tiyakin na walang Sutsot na bigla sa aming susugod.

 Nangunguna si Tomas, habang kami ni Adam ay hirap na sumasabay kina Jasmine at Eve. Kaya ko namang tumakbo nang mas mabilis, pero nanatili ako sa huli para magbantay sa likuran—at para hindi mawala si Eve sa paningin ko. Hindi ko inalis ang tingin ko sa kanya habang nagtatakbuhan kami patungo sa pampang.

May mga yabag na narinig ko sa aking likuran—tiyak kong hindi tao ang may-ari ng mga yabag na iyon. Pero patuloy lang ako sa pagtakbo. Hindi kami pwedeng huminto. Hindi kami pwedeng magpahinga.

“Bro, mauna ka na kaunti.” Ang wika ni Tomas. Mukhang naulinigan din niya ang mga yabag na sumusunod sa amin.

Nang marinig kong nagkasa ng baril si Tomas ay biglang huminto ang mga yabag na sumusunod sa amin. Nakahinga ako ng maluwag.

Sa wakas, nakita kong narating ni Adam ang pampang kung saan namin iniwan ang balsa ni Kharon. High tide na noon, at halos kalahati na ng balsa ay lubog na sa tubig. Naging madali para kina Tomas at Adam na itulak ang balsa sa dagat.

Unang tumalon si Tomas sa balsa, inihahanda ang kawayang tikin. Hinintay kami ni Adam, hinayaang sumakay muna sina Jasmine at Eve. Nakatayo siya paharap sa direksyong pinanggalingan namin, hawak ang kanyang itak.

Nagsimulang itulak ni Tomas ang balsa palayo sa pampang.

“Bilis, Willy!” sigaw ni Adam.

Tumalon ako sa balsa sa tamang oras; yumanig ito nang lumapag doon ang aking mga paa. Si Adam ang huling sumakay. Lumingon ako at nakita ang apoy sa gubat na kumakalat—ang mga dila ng apoy ay kumakalos sa mga puno, nilalamon ang lahat ng malapit sa pampang.

Pero hindi lang apoy ang humahabol sa amin. Unti-unti lumalakas ang alon.

Chapter 9A
“Ang Pagbubunyag”

Huwan Kang Lilingon
(Maikling Nobela – Horror)

Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 6B

Chapter 6B
“Sa Gitna Ng Libingan”

Kasunod nito ang mga alulong at ungol—ang mga sigaw ng mga Sutsot ay nagiging mga boses ng mga taong kilala at malapit sa amin: ang aming mga ina, ama, kapatid… kaybigan. Kopyang-kopya ng mga Sutsot ang boses ng mga mahal namin sa buhay. Lubos man ang pananabik namin sa kanila ay hindi kami  puwedeng lumingon.

Habang naglalakad kami, ang mga Sutsot ay sumusunod—nakadapo sa mga sanga, tumatawid sa mga tulay na baging. Nasusulyapan ko sila kapag bahagya kong itinitagilid ang aking mata sa kaliwa’t kanan. Isang bagay ang napansin ko. Ang madalas gayahin ng mga Sutsot ay ang boses ni Adam.

“Sa awa ng Diyos, makikita ko uli ang kapatid ko,” deklara ni Tomas.

Tomas, naniniwala ka ba talaga na may Diyos?—boses iyong ng tatay ni Tomas.

Hindi na sumagot si Tomas. Tanging ang tunog ng nagngangalit niyang ngipin ang aking narinig.

Talaga lang ha. Hindi ka sumasagot. Kunwari cool na cool ka lang. Pero ramdam ko ang galit at panggigil mo. Sige Tomas. Kailan mo naramdaman na ang Diyos ay tunay na gumagabay at nagmamahal sa’yo?

Napaisip ako, ganoon din maraghil ang mga kasama ko. Ang tanong na iyon ay hindi lang para kay Tomas. Ito’y tanong para sa aming lahat.Sinusubok ang aming pananampalataya.

Naniniwala pa ba kami sa Diyos?

Sasabihin ko ito sa inyo, mga tao ulol… Sa tingin niyo ba ay maililigtas kayo ng inyong Diyos? Wala Siyang pakialam sa inyo. Iyan ang dahilan kung bakit ang bawat taong tumapak sa islang ito ay hindi na nakabalik, sa loob ng daan-daang taon. Kahit isa. Tingnan ninyo… pinabayaan na kayo ng inyong Diyos. Hinayaan Niya kayong maging pagkain namin. Thank you, Lord… Thank you, Lord.

Ang boses na iyon mula sa isang Sutsot ay iba. Ito’y kakaiba. Hindi boses ng isang tao. Boses iyong ng nilalang na galing sa impyerno.

AMMMEEENNNN… AMMEEENNNN

Parang tinutuya ng mga demonyo ang pananampalataya ng mg Kristyano. Sinundan iyong ng mga tawang at hiyawan. Tinakpan ko ang aking mga tenga, pero tumatagos ang kabastatusang ginagawa ng mga halimaw..

Ang Diyos ninyo ay nandoon at kampanteng  nakaupo sa kanyang  trono, kasama ang Anak at ang Espiritu Santo, nanonood sa inyong pagdurusa. Wala silang pakialam. Naniniwala ba kayo na tutulungan nila kayo?

YES JESUS… YES JESUS…

Kumakapit kayo sa walang kwentang pag-asa. Walang kapangyarihan ang inyong Diyos, nakabahag ang buntot.

Ang huling boses na iyon—kay Adam.

“Nakakatawa kang demonyo ka. Walang kapangyarihan ang Diyos? Eh kaya nga kayo naitapon dito sa lupa dahil hindi kayo nagtagumpay labas sa kanya.” Wika ni Jasmine.

Wow, ipanagtatangol mo ang Diyos… nakaka-touch naman. Mas kinakampihan mo ang Diyos kaysa akin na kapatind mo… ha..

Hinigpitan ni Jasmine ang hawak sa kanyang rosaryo. Pumikit siya. Taimtim ang ginagawang panalangin

Sige, magdasal ka pa, ang sigaw ng isang pang Sutsot, ginagaya ang boses ng ina ni Daniel. Sa tingin mo ba ay maililigtas ka ng mga dasal mo? Bingi ang Diyos mo. Nag-aaksaya ka lang ng oras.

Sumama ako sa pagdarasal  ni Jasmine.

Tingnan niyo si Willy, nagdadasal, patuloy nito, ang pinanggagalingan ng boses ay napakalapit lang sa akin.  Sabihin mo sa akin, Willy—ilang dasal na ba ang sinagot ng Diyos mo? Nagkabati ba ang mga magulang mo matapos ang lahat ng gabing nakiusap ka para sa kapayapaan sa bahay niyo?

YES JESUS… YES JESUS

Pinigilan ba ng mga dasal mo ang pagkamatay ng kapatid mo sa liver cancer? At paano naman si Eve? Ipinagdasal mo rin ang pag-ibig niya, ‘di ba? Sabihin mo sa akin—nakikinig ba ang Langit noon?

Ang tawa ng Sutsot ay naging isang paos na hiyaw.

Bingi  ang Diyos mo. At sino ka ba, Willy, para pagbigyan Niya?

AMMMEEENNNN… AMMEEENNNN

“Pati ba naman ang mga iyon eh alam din ng mga demonyong iyan ha Jasmine?” Ang tanong ko.

“Natatandaan mo pa ba ang sinabi ko kagabi?” Ang tanong ni Jasmine. “Dating anghel ang mga iyan bago sila naging demonyo. Taglay nila ang ilang kapangyarihan na taglay ng mga anghel. Kapag nakita na nila ang tao ay nalalaman nila ang mga kinikimkim mong sama ng loob, ang mga kabiguan mo sa buhay, at  ang mga itinatago mong kasalanan.”

Tumigil sandali si Jasmine. Tumingin sa akin. “Sa isang tingin lang ay parang isang aklat na nababasa nila ang nakaraan ng isang tao. Pero nang itapon sila mula sa langit, nawala sa kanila ang isang kakayahan makita ang darating pa lang.”

Biglang muling nag-ingay ang mga Sutsot.. Pakiramdam ko ay nasa mismong itaas lang ng nilalalakaran namin.

“HAYOP KAYO!”

Sumigaw si Daniel at iwinasiwas ang hawak niyang pamalo sa mga tulay na baging nang buong lakas.

Napatingala si Daniel sa pinaghagisan ng hawak niyang pamala.

Naganap ang lahat sa isang iglap. Isang guhit ng itim na usok ang bumulusok pababa, diretso sa kanyang mata.

Pagkatapos ay bumagsak si Daniel. Ang kanyang katawan ay nangingisay; ang kanyang mga paa’t kamay ay pumipitlag sa lupa. Tumirik ang kanyang mga mata, at isang paos na ungol ang kumawala sa kanyang lalamunan—isang tunog na hindi nagmula sa tao.

Hindi namin malaman kung ano ang gagawin. Nalito kami sa bilis ng mga pangyayari.

“Laban, Daniel! Huwag mong hayaang maagaw ang katawan mo!” sigaw ni Jasmine, puno ng desperasyon.

Sinubukan ni Tomas na hawakan ang mga binti ni Daniel, pero kalaunan ay ay nasipa siya at gumulong sa tabi ko. Biglang tumayo si Daniel, ang mga mata ay dilat at ligaw. Sinasabunutan niya ang kanyang sarili, sinasampal ang kanyang mukha, at hinahampas ang hangin.

“Lumabas ka sa katawan ko! Lumabas ka!” sigaw ni Daniel, hirap na hirap.

Umiikot siya nang mabilis, ang kanyang katawan ay naging isang ipo-ipo.

Lumabas ka—akin na ang katawang ito! Boses iyon ng nanay ni Daniel. Ang katawang ito ay galing sa aking sinapupunan. Ibalik mo ito sa akin!

Bumagsak si Daniel, nangingisay sa lupa. Sa itaas namin, ang mga demonyo ay tumitili at tumatawa. Tuwang-tuwa silang pagmasdan ang paghihirap ni Daniel.

Pinilit ni Daniel na tumayo. “Tomas… patayin mo na ako. Please… tapusin mo na.”

Lalong lumakas ang tili ng mga Sutsot. Nakakarinding pakinggan ang ingay na likha nila.

“Sorry…” hingal ni Daniel. “Hinayaan kong kainin ako ng galit ko… nawalan ako ng kontrol.”

Pagkatapos ay naging tahimik siya. Sobrang tahimik.

Isang sandali pa, nakita ko ang isang malaking usok—parang usok ng sigarilyo—na lumabas sa kanyang mga mata. Iyon marahil ang kaluluwa niya.

Isang ngisi ang gumuhit sa mukha ni Daniel—hungkag, hindi natural. Umagos ang dugo mula sa kanyang mga mata. Dahan-dahan, ang laman sa paligid nito ay nagsimulang lumubog at matunaw, tila ba may kumakain sa mga ito mula sa loob.

Nakakasuka ang naririnig kong ingay mula sa katawan ni Daniel. Parang may napupunit na laman, parang may ginigiling na karne. Ang hungkag na mga hukay ng mata ay nakatitig sa akin. Ang katawan ni Daniel ay nanginginig, ang mga labi ay gumagalaw sa isang piping sigaw, habang ang bagay sa loob niya ay nagpapakasasa nang walang awa.

“Wala na si Daniel. Nakuha na ang katawan niya,” bulong ni Jasmine, garalgal ang boses.

Kaibigan ko siya. Sa isang iglap, nakita ko ang totoong Daniel sa likod ng mga nagdurugong matang iyon—nagsusumamo na palayain siya.

Nang walang kamukat-mukat , si Daniel—o ang bagay sa loob niya—ay sumugod sa akin. Ayaw gumalaw ng mga binti ko. Maging ang paghinga ay parang nakalimutan ko. Hindi halimaw ang nakita kong pasugod sa akin—kundi isang kaibigan na humihiling ng yakap.

Isang putok ng baril ang umalingawngaw. Bumagsak ang katawan ni Daniel, berdeng likido , hindi dugo, ang lumalabas sa sugat sa kanyang sentido. Agad siyang nilapitan ni Jasmine, itinusok ang kanyang kutsilyo sa dibdib nito.

Isa pang putok pa ang umalingawngaw.  Si Tomas, habang nakapikit ang mga mata, ay nagpaputok pataas  sa direksyon ng mga Suksok. Naghiyawan ang mga Sutsot. Isang bagay ang bumagsak sa mga sanga at umatras sa likuran ng mga puno.

Muling naghari ang katahimikan. Lumuhod si Tomas sa harap ng wala nang buhay na katawan ni Daniel. Patuloy ang pag-agos ng berdeng  likido mula sa mga sugat. Sa sandaling iyon, naging malinaw: wala na si Daniel, at wala na rin ang Sitsit na kumuha sa kanyang katawan.

“Sorry, bro… sorry, bro,” paulit-ulit na sinsabi ni Tomas, umaagos ang luha sa kanyang mukha.

Ipinatong ko ang aking kamay sa balikat ni Tomas. “Bro, wala na tayong magagawa. Tapos na.”

Sandaling walang kumilos sa amin. Ang mundo ay tila lumiit sa bahagi ng lupang kumandong sa bangkay ni Daniel. Ang kanyang pagkawala ay tila isang bigat na hindi namin kayang buhatin. Ang isiping kasama pa namin siya ilang minuto lang ang nakalipas—tumatawa, nakikipagtalo, buhay—ay mas masakit pa sa anumang sugat. Ang pighati ay nanuot sa aming mga buto, habang ang isla mismo ay tila nagluluksa kasama namin.

At sa dulo ng isip ko, isang boses ang narinig—malalim, malayo, hindi maiiwasan.

Ang babala ni Kharon.

“Isa sa inyo ang mabubuhay para ibahagi ang kuwentong ito. Ang iba’y magiging plamuti sa kuwento.”

Naramdaman ko iyon—hindi bilang isang hula, kundi bilang isang katotohanang nagsisimula nang mabuo.

*****

Nanginginig na nagsimulang maghukay si Tomas gamit ang kanyang mga kamay. Alam ko ang ginagawa niya. Humahagulgol siya, at lumuhod kami sa tabi niya para tumulong. Huling beses ko siyang nakitang umiyak nang ganoon ay noong namatay ang tatay niya.

“Kasalanan ko ang lahat ng ‘to. Hindi ko sana kayo hinayaang sumama. Anong sasabihin ko sa nanay ni Daniel? Paano ko ipapaliwanag ‘to sa kanya?”

“Hindi na bata si Daniel. Isang matanda na siya na gumawa ng sariling desisyon,” sabi ni Jasmine.

“Kahit na. Idinamay ko ang mga kaibigan ko sa kamalasan ko. Isa sa kanila ang namatay dahil dito.”

“Kusang loob ang pagsama namin sa iyo. Hindi na kami mga bata. At kahit ayaw mo pa, magpupumilit kaming sasama. Hindi ka namin puwedent pabayaan.”

Sandaling hindi kami gumalaw. Tatlong taong pinagbuklod ng pagkawala, dumi sa ilalim ng kuko, dugo sa mga kamay, at pighating hindi kayang sukatin.

Pero hindi hinintay ng isla na matapos ang aming pagdadalamhati. Muling gumalaw ang gubat, ipinapaalala sa amin na ang kamatayan ni Daniel ay simula pa lamang.

Mababaw lang ang hukay pero malalim ang pighating nararamdaman namin sa pagkawala ng am ing kaybigan.  Inangat ni Jasmine ang kanyang kutsilyo, nag-atubili lang ng isang saglit bago pinutol ang ulo ni Daniel.

“Sorry,” bulong niya. “Kailangang gawin ‘to.”

Naintindihan naming dalawa ni Tomas. Tumalikod siya, at ipinikit ko ang aking mga mata. Nang matapos si Jasmine, tinabunan namin ang katawan ni Daniel ng lupa at bato. Iyon ang ikalawang libingang hinukay namin sa araw na iyon.

Namayani ang katahimikan. Ang hamog ay parang balumbon ng kalungkutan na bumalot sa amin.

Inilibing namin si Daniel, pero pakiramdam ko ay naghuhukay din kami ng libingan para sa aming sarili. Ngunit sa gitna ng aming pagdadalamhati ay hindi namin puwedeng kalomutan na si Eve ang  nasa isla at nahaharap sa matinding panganib. Hindi kami pwedeng huminto. At alam kong hindi rin titigil si Jasmine hangga’t hindi niya nahanap ang kanyang kapatid.

Hinawakan ko sa balikat si Tomas. “Kailangan nating hanapin si Eve habang may oras pa. Hinihintay niya tayo.”

Hindi na ako nag-atubiling malaman pa ni Tomas na katulad niya, gusto-gusto  ko ring mahanap at tiyakin ang kaligtasan ni Eve. Mahalaga sa akin si Eve. Handa akong suungin ang ano mang panganib para sa kanya.

Sa gitna ng mga pagsubok at panganib na aming pinagdaanan at ang nakakalungkot na pagkawala ni Daniel, nalusaw na ang ano mang takot ko at pagaalinlangan. Tila ang mga ito’y sumama sa hukay ng aming kaybigan

 At dito, kung saan ang kamatayan ay nasa likod lang namin, wala talagang puwang ang takot at pag-aalinlangan. . 

Bago kami nagpatuloy, kinuha ko ang backpack ni Daniel. Tinignan ko ang laman nito. Nandoon ang kanyang lighter at ang inipon niyang gaas at mga mitsa ng mga gasera.

Ipinagpatuloy namin ang paglalakad sa gubat. Tatlo na lamang kami. Sa paglalakad namin ay aming tiniyak na hindi kami mabubulaga kapag biglaang sumalakay  ng mga Sutsot. .

Criminal ka, Tomas. Pinatay mo ang sarili mong kaibigan, panunukso ng isang boses, perpektong ginagaya ang boses ni Adam.

Wala kang puso, Tomas. Kinuha mo ang buhay ng anak ko. Pagbabayaran mo ‘to, sabat ng isa pang boses—boses ngy nanay ni Daniel, puno ng galit at pighati.

Itinaas ni Tomas ang kanyang baril sa mga anino.

“Mga ulol!” sigaw niya. “Kapwa ninyo halimaw ang pinatay ko, hindi ang kaibigan namin! Kayo ang kumuha sa buhay ni Daniel. Magpakita kayo! Harapin niyo ako!”

Matapang ka lang dahil may baril ka. Pero tandaan mo, darating ang oras na mauubusan ka ng bala. At kapag nangyari ‘yun, humanda ka—dahil tayo na lang dalawa ang maghaharap.

Iba ang tono sa pagkakataong ito—hindi panggagaya. Iyon ang boses ng demonyong nagsalita noon. Maaaring si Berith nga iyon.

“Malakas ang loob mo dahil tao lang ako!” sigaw ni Tomas. “Pero ikaw—isinumpang anghel—kaya mo bang lumaban nang walang kapangyarihan? Nang hindi nagnanakaw ng katawan ng tao? Kaya mo bang lumaban nang patas?”

Isang nakakabinging  atungal nanaman ang  tumagos  at dumurog sa mga puno, yumayanig sa lupa. Isa pa ang sumunod—mas matindi. Napakalapit lang nila sa amin.

At inihanda ko ang sarili ko sa koro ng mga tili at hiyaw na siguradong susunod.

At, dumating nga ito. Mas malakas. Mas nakakabingi.

Mag-ingat ka sa mga hinihiling mo, babala ng boses na kinopya is Adam.

Kung ang mga demonyong ito ay may pinuno nga, siguradong ang nanggagaya sa boses ni Adam iyon.

“Tatlo na lang ang silver bullets ko,” bulong ni Tomas.

“Kunin mo ang patalim ko kung kailangan.” sabi ni Jasmine.

Pero tumanggi si Tomas. “Huwag. Kailangan mo ‘yan. May mga bala pa naman ako.”

“Apat na sa mga kasama ni Eve ang nakita nating patay. Isa na lang, maliban kay Eve, ang posibleng buhay pa,” paalala ko sa grupo.

“Buhay o sinaniban!” balik ni Jasmine, nagngangalit ang mga ngipin sa panggigil habang hinihigpitan ang hawak sa kanyan patalim.

Muling pumasok si Eve sa isip ko—ang kanyang mukha, boses, ang paraan ng kanyang pagtawa. Paano kung nakuha na ng mga demonyo ang katawan niya?

Pilit kong iwinaksi ang isiping iyon. Hindi ko hinayaang kainin ako ng inisip kong iyon. Kaylangang manalig akong buhay at ligtas si Eve.

“At huwag mong kalilimutan ang kapatid mo,” mahina kong dagdag. “Tatlo pa sila. Maliban na lang kung ang bangkay na nilalapa ng mga lobo kanina ay isa sa mga kaibigan ni Eve… kung wala nang ibang nakarating dito sa isla bago sila.”

Ang mga demonyo ay patuloy na sinusubukang patingalain kami, umaasang mawala ang aming atensyon sa panganib.

Ang mga puno sa paligid namin ay nagsimulang kumaunti. Ang mga tulay na baging sa itaas ay naglaho na rin. Ang damo sa paanan namin ay napalitan ng baku-bakong batuhan.

Pagkatapos, sa isang hindi inaasahang pagkakataon, ang mga Sutsot ay tila umatras na, hindi na kami hinahabol. Bakit hindi nila kami sinundan sa bahaging ito ng gubat ay isang palaisipan. Para bang off-limits ito sa kanila. Pero imposible.

Pero bakit nga kaya? Marahil gusto lang nilang maging kampante kami nang sa gayon mas madali nila kaming talunin.

Ano man ang dahilan nila ay mahirap hulaan. Basta handa kami kung ano man ang susunod nilang gawin.

Chapter 7
“Sa Muling Pagtatagpo”

(Scheduled posting: 01 -17 -26)

Huwan Kang Lilingon
(Maikling Nobela – Horror)

Lingon

(Maikling Nobela)

smoke

Kapag naglalakad kang mag-isa sa gubat, sa isang madilim na eskinita, o sa likod ng bahay ninyo at may pumaswit sa iyo eh huwag kang lilingon. Baka kasi ang  nasa likuran mo’y isang uri ng halimaw  na kung tawagin ay  SUTSOT. Ano man ang mangyari eh magpatuloy ka lang maglakad at huwag na huwag kang lilingon. Mas maganda kung tumakbo ka na lang… mabilis na mabilis. Kung naniniwala ka sa Diyos eh magdasal ka  na rin. Ano man ang sabihin nila eh basta huwag kang lilingon. Gagayahin nila ang boses ng nanay, tatay,  o sino man sa mga mahal mo sa buhay.  Ano man ang gawin nilang pambubuyo eh huwag na huwag kang lilingon. Hindi ka nila gagalawin… sasaktan… kakainin… kung hindi mo ibabaling sa likuran ang iyong tingin.

**********

PART 1

Picture2

Hindi ko na mabilang kung ilang beses tumingin sa kanyang relo si Daniel at pagkatapos ay bubuntong hininga.  Wala na siyang sigarilyong masindihan pero patay-sindi pa rin ang ginagawa sa hawak na lighter. Matagal nang ubos ang laman ng  kaisa-isang pakete ng sigarilyo na binili niya sa terminal ng bus bago kami bumiyahe. Ako nama’y nang magsawang makinig sa mga kantang nasa cellphone ko’y pinanood ko na lamang ang mga bankang inuugoy ng mga alon malapit sa pampang habang nagbabalik-tanaw ako sa aking kamusmusang ginugol ko sa tabing-dagat sa bayang aking sinilangan. Magkatabi kami ni Daniel na nakaupo  sa dulo isang baytang ng hagdanan ng parola na nasa dulo ng konkretong breakwater. Mababa lang ang parolang iyon. Sa tantiya ko ay higit-kumulang na 10 talamapakan lang ang taas. Isang malaking bombilya ang nakalagay sa ibabaw nito na nakapaloob sa isang lagayang yari sa makapal na salamin. Gabay iyon ng mga mandaragat upang malaman nila kung saang banda ang pampang kapag madilim ang gabi, lalo na kung masama ang panahon.

Si Daniel ay may takip na panyo sa ilong. Halatang hindi sanay sa amoy na isinisingaw ng dagat at ng buhanginang nagsisilbing libingan ng mga patay at nabubulok na lamang dagat. Pablihasa nga ako’y laking dagat kaya bale-wala sa akin ang amoy ng tubig-alat na itinuturing ni Daniel na mabaho at malansa. Para sa akin, di-hamak na mas mabaho ang amoy ng sigarilyong kumapit sa suot niyang t-shirt at mas malansa ang hininga niyang may halong amoy ng nikotina.

May isang luma na’t sira-sirang rampa na yari sa magkahalong kahoy at kawayan na nakadikit sa breakwater na sa tinging ko’y nagsisilbing daungan ng mga bangka at siguro ay babaan rin ng mga isda at iba pa mga lamang-dagat na nahuhuli ng mga mangingisda kapag kati at hindi makatuloy sa pampang ang kanilang mga bangka. Dalawang baytang na hagdanang yari sa kahoy ang nakapagitan sa rampa at breakwater. Malamang na yari sa kongkreto o malaking kahoy ang nagsisilbing poste ng rampang iyon. Hindi ko makita sa dahilang taog noon.

Nakatayo sa gilid ng rampang iyon  si Tomas at nakatingin sa direksyon ng araw na malapit ng lunurin ng dagat. Habang kami ni Daniel ay umiiwas sa tilamsik ng tubig dagat na hatid ng along humahampas ng paulit-ulit sa aming kinapupuwestuhan ay hinahayaan lamang niyang mabasa siya nito. Taog nga kasi at medyo may kalakasan pa ang hangin kaya maalon.

“Anong oras ba talaga darating ang bangkang sasakyan natin,” ang tanong ni Daniel kay Tomas. “Aba’y makapananghalian pa tayo naghihintay dito ah.”

“Oo nga naman tol, hayan papalubog na ang araw o,” ang dugtong  ko.

“Aywan ko ba,” ang sagot ni Tomas. “Ang sabi niyong kakilala ko na kapag wala na ang araw at lalatag na ang dilim eh saka pa lamang daw darating ang bankang naghahatid sa mga gustong pumunta sa isla. Akala ko nagbibiro lang siya pero mukha yatang totoo ang sinabi niya.”

Pailing-iling na tumingin sa akin si Daniel. Hindi iyon nalingat kay Tomas.

“Pasensya na mga tol,” ang dugtong nito. “Nadamay pa kayo sa problema ko. Kung gusto na ninyong umuwi eh okay lang. Ako na lang ang maghahanap sa kapatid ko.”

Nanahimik na lamang kami matapos iyon sabihin ni Tomas.

Maya-maya pa’y sabay kami halos ni Daniel na bumaba sa rampa upang lapitan si Tomas.

“Tol, sorry, hindi ka naman namin pwedeng iwanan dito,” wika ko sabay akbay sa aming kaybigan. “Kami naman ang nagpumilit sumama sa iyo dito di ba. Wala tayong iwanan. Mula noon ganyan tayo.”

“Nakakainip lang kasi tol, dalawang oras pa halos ang biniyahe natin patungo dito kanina,” ang dagdag ni Daniel. “Tapos mahigit isang oras pa tayong naglakad papunta dito. Sumakit ang mga paa ko dito sa suot kong sapatos.”

“Eh engot ka kasi eh,” ang sabi ko. “Alam mo namang dagat ang pupuntahan natin at sasakay pa tayo ng bangka eh nag-rubber shoes ka. Dapat kasi tsinelas o sandals ang sinuot mo. Tapos nakapantalon ka pa.”

“Nakalimutan ko nga,” ang sagot ni Daniel. “Hay naku, akala ko’y naiwan ang nanay kong sermon nang sermon. Kasama ko pala”

“Ganyan ka kapag napapansin ang kaengotan mo.” ang sabi ko.

“Oo na… oo na. Ikaw na magaling.”

Tinampal ko sa balikat si Daniel. Lumayo siya sa akin ng kaunti. Parang nagtatampo.

“Pagod na, gutom pa. Napakalayo pa naman ng mga bahayan na nadaanan natin kanina. Wala man lang mabilhan ng pagkain at mahingan ng kahit tubig man lang na maiinom.”

“Magtigil ka nga Daniel,” wika ko. “Ayos lang na naglakad tayo ng malayo at wala tayong pagkain para pamin-minsan eh nakakapag-exercise ka at nakakapag-diet. Tignan mo nga iyang tiyan mo oh, parang tambol na ah.”

“Kung makapagsalita ka Willy eh parang ke payat-payat mo,” ang sagot ni Daniel sa akin.

Tumawa ako’t tinampal ko nanaman sa balikat si Daniel sabay sabing, “Joke lang tol. Pero tignan mo… di hamak na mas malaki ang tiyan mo sa akin.”

Binuksan ko ang aking dalang backpack. “O heto tubig. Kundi ka ba naman talaga engot ni tubig ‘di ka man lang nagbaon.”

“Eh tumakas nga lang ako di ba.”

“O heto pa biscuit, isaksak mo sa ngala-ngala mo.”

“Hindi ko kasi natanong doon sa nakausap  ko kung may mga karinderya o tindahan dito. Pasensya na mga tol.”

Tumingin ako kay Daniel, sinimangutan ko ito’t sinenyasang manahimik.

“Ang tigas kasi ng ulo ni Ella. Pinagbawalan ko siyang sumama sa mga kaybigan niyang mag-night swimming eh hindi nakinig.”

“Eh mukhang lahi yata talaga kayo ng matitigas ang ulo tol,” ang hindi ko malaman  kung nanunuya o nagbibirong sabi ni Daniel.

“Baka naman nagtanan na si Ella at ang nobyo niya kaya hindi pa umuuwi,” dagdag ko naman.

“Hinahanap nga siya ni Jeff sa bahay kagabi kaya nalaman ng nanay namin na wala pa siya. Pilit ko siyang pinagtakpan pero bistado kami. Masyado nang nagaalala si nanay kaya pinapasundan na sa akin. Aywan ko ba. Kinakabahan talaga ako. Sa lahat pa naman ng mapipiling puntahan eh ang isla pang iyon.”

“Bakit Tomas? ang tanong ni Daniel. “Anong meron sa islang iyon?”

“Ha… eh, wala naman  tol,” ang sagot ni Tomas.

the-shape-shifting-ghost

Pakiramdaman ko’y may gustong sabihin si Tomas. Pinagmasdan ko siya at nang magkasalubong ang aming tingin eh ngumiti siyang pilit.

“Ano iyon tol?” ang tanong ko kay Tomas.

Kilala ko si Tomas. Meron siyang dapat sabihin sa amin. High school pa lang eh magkakabarkada na kaming tatlo. Nagdesisyon din kaming pumasok sa iisang kolehiyo at pare-pareho pa ang kursong kinuha namin. Halos araw-araw eh magkakasama kami. Wika nga’y kabisado namin ang likaw ng bituka ng bawat isa.

“Puro sabi-sabi lang ang mga naririnig ko tungkol sa islang iyon.”

“Ah, haunted ang islang iyon. Parang isang haunted house –  may mga multo at maraming kababalaghang nagaganap,” ang pabirong sabi ni Daniel.

“Sabihin na nating parang ganoon na nga. Idagdag mo na na may mga maligno doon at halimaw.”

Hindi ko masabi kung seryoso ba si Tomas ng sabihin iyon o sinakyan lamang niya ang biro ni Daniel.

Tinanong ko si Tomas, “Siyanga pala tol, bakit hindi mo niyayang sumama dito ang nobyo ng kapatid mo?”

“Hindi daw siya pinayagan ng kanyang mommy. Sinubukan niyang magpaalam.”

“Mama’s boy.  Mabuti pa itong si Daniel… mama’s boy din pero marunong tumakas.”

“Naku Willy. Ako nanaman ang nakita mo.”

“Pero heto, pinahiram ako ni Jeff ng kalibre .45 at nagbigay  pa ng mga bala, meron pa ngang ibinigay na isang magazine ng silver bullets. Baka daw kaylanganin natin. Mukhang may alam din iyong tao tungkol sa islang iyon.”

“Silver bullets? Bakit meron bang bampira at werewolf sa pupuntahan natin?!!”

Hindi namin pinansin ang parang nanunuyang pagtatanong ni Daniel.

“Bakit nagdala ka pa ng baril tol? Mabuti wala tayong nadaanang checkpoint.” ani ko.

“Para lang sa proteksyon natin ito. Hindi natin kabisado ang lugar na pupuntahan natin. Ayaw kasing ipagamit sa akin ni nanay ang baril ni tatay kaya nanghiram ako sa nobyo ni Ella.”

Dating pulis ang ama ni Tomas at siya’y tinuruan nitong gumamit ng baril. Madalas kaming isinisama ni Tomas kapag nagpupunta silang mag-ama sa shooting range. Kasama rin madalas si Ella. Doon nga sila nagkakilala ni Jeff.

Namatay sa isang police operation ang ama ani Tomas.

“Mga tol!”

Nang kami ni Tomas eh tumingin kay Daniel eh tumuro ito sa direksyon ng pampang. May tatlong tao na humihila ng isang bangka palusong sa dagat. Binantayan namin ang kanilang mga kilos. Sumakay ang mga ito’t sumagwan papalaot patungo sa direksyong kinalalagyan namin sa breakwater. Nakaupo sa likod ng bangka ang dalawa sa kanila, sumasagwan, habang ang isa’y nakatayo sa bandang unahan. Nasa dulo kami ng breakwater kaya’t medyo natagalan bago nakalapit sa amin ang bangka.

Umakyat ako pabalik sa breakwater. Gusto kong may distansya kami ng kaunti sa mga taong paparating. Sumunod sa akin ang dalawa.

Tumigil ang bangka sa dulo ng breakwater  sa  tapat mismo namin. Medyo may kahabaan ang bangka at de-motor pala ito, hindi lang nila pinapaandar. May mga katig sa magkabilang bahagi at sa bandang unahan ay merong parang spotlight. Dalawang lalaki at isang babae ang lulan nito. Tantiya ko’y kasingtanda ng aking ama ang lalaking nakatayo sa harap ng bangka,   higit-kumulang na singkwenta siguro. Ang babae at iyong isang lalaki nama’y parang mga kasing-edad lang namin. Pakiwari ko’y mga estudyante rin sila sa kolehiyo. Tingin ko’y mag-ama ang dalawang lalaki. Sila’y magkahawig. Hindi ko masabi kung kaano-ano nila ang kasama nilang babae. Iba ang hugis ng mukha nito. Maganda siya’t morena at balingkinitan ang katawan.

Maari kong sabihing hindi sila mga mangingisda. Bukod sa mga pantalon nila’t kamiseta ay  may suot sila na parang tunika na kulay magulang na pula. Kung hindi ako nagkakamali eh mga deboto sila ng Nazareno… o baka miyembro sila ng isang kulto. Ang nagsisilbing sinturon nila’y parang malaking rosaryo at nakalawit sa bandang harapan ang krus. Wala rin akong nakitang gamit-pangisda sa kanilang banka. Ang nandoo’y mga lubid, sibat na kawayan at tulos. Ang nakakapagtaka ay  may dala silang isang kahon na may lamang mga bote na ang nagsisilbing takip ay punit na damit. Nakatitiyak akong hindi ilawan ang mga iyon kundi  parang mga Molotov cocktail. Gumagawa ng ganoon ang mga kaybigan kong aktibista unibersidad  kapag may sasalihan silang rally. Kapansin-pansin rin ang mga mahahabang gulok na nakapatong sa mga upuan sa bangka.

“Makikisuyo na nga po mga amang. Puwede bang pakibukas niyang ilaw sa parola. Nasa ilalim ng ika-pitong baytang niyang hagdanan ang switch. Ang pakiusap ng lalaking nasa unahan ng bangka.

“Oh sige po. Ako na lang po.” ang sabi ni Daniel.

“Salamat mga amang. Mawalang-galang na … mukhang may hinihintay yata kayo?”

Ang sumagot ay si Tomas. “Opo, iyong bangka papuntang isla Miedo.”

Natahimik at nagkatinginan ang mga kausap namin. Ang lalaking nakaupo sa likod ay sumagwan at mas inilapit pa sa  kinalalagyan namin ang kanilang bangka.

“Sa anong dahilan at pupunta kayo sa isla Miedo?” ang tanong naman ng babae.

Si Tomas muli ang sumagot, “Nagpunta doon ang kapatid ko at mga kaybigan niya. Nag-swimming sila doon kahapon. Hindi pa sila nakakabalik. Hahanapin namin sila.”

Muling nagtinginan ang mga nasa  bangka. Sila’y nag-ilingan. Nilapitan ng babae ang kasama niya’t may ibinulong. Nag-usap sila habang parehong nakatingin sa amin. Hindi namin maulinigan ang kanilang pinaguusupan. Nilulunod ng ingay  ng mga along humahampas sa breakwater ang kanilang mga tinig.

“Ipagpaumanhin ninyo pero hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Mga amang, kung ako sa inyo eh dumito na lamang kayo. Hintayin na lamang ninyo na bumalik sila.”

Ang lalaking nakakatanda ay parang isang ama na naguutos sa kanyang anak nang sabihin iyon sa amin.

Part 2

 

Huwag Kang Lilingon ~ Chapter 6A

Chapter 6A
“Sa Gitna Ng Libingan”

Kasabay ng pagsikat ng araw ay muling nag-ingay ang mga Sutsot sa may di kalayuan.

Ikinasa ni Tomas ang dalang baril at sinimulang maglakad papasok sa kakahuyan. Sinundan namin siya. Maingat kaming naglakad. Ang bawat hakbang nami’y pinabibigat ng mga babalang galing kay Jasmine.

“Teka… sandali lang.” ang sabi ni Daniel.

Ininom ni Daniel ang natitirang mineral water mula sa kanyang backpack at doo’y pinagsamasama niya ang mga natirang gaas sa mga gasera bitbit namin. Isinilad niya ang pinaglagyang plasctic bottle sa kanyang backpack.  Maging ang mga mitsa ng gasera’y hinugot ay isinama niya sa lalagyan. Pumulot din ito ng isang sanga ng kahoy. Kung nang nakaraang gabi’y halos manginig siya sa takot sa mga Sutsot, sa umagang iyon ay isang palabang Daniel ang nakita ko.

Wika nito’y “Sige ako muna ang bahalang magbantay sa likuran natin.”

Nagkatinginan kami ni Tomas. Pareho kaming bahagyang nangiti.

Matapos kong tampalin sa balikat si Daniel ay ipinagpatuloy namin ang pagpasok sa kakahuyan.

Mga puno ng niyog ang una naming nadaanan. Nagkalat ang mga palapa at mga magugulang na niyog sa lupa. Hindi masyadong madamo sa lugar na iyon dahil marahil sa medyo mabuhangin. Nang malampasan namin ang mga puno ng niyog ay bumulaga sa amin ang mga nagtataasang mga puno na ang  mga balat ay kulay berde dahil sa mga lumot na na nakadikit dito.

Karamihan sa mga puno ay hindi ko kayang ikulong sa yakap sa laki. Nagmistulang sahig ang mga napakaraming nagkalat na mga tuyong dahon at at mga sanga na dinudurog ng aming mga maliliit at dahan-dahang hakbang. Ilang hakbang pa nami’y nagsimula nang maging madawag ang aming dinaraanan. Hanggang tuhod ko halos ang taas ng mga damo at sa dinaraanan namin ay  naglambitin ang mga baging.

Sa bahaging iyon ng kakahuyan ay may mga parang tulay na yari sa mga malalaking baging na nagdudugtong sa bawat puno. Napansin din iyong ng mga kasama ko at marahil katulad ko ay iniisip din nila kung tao ba ang gumawa niyon o ang mga Sutsot.

Nagpunta sa unahan namin si Jasmin at gamit ang kanyang hunting knife ay kanyang hinahawanan ang aming dinaraanan.

Sa pagitan ng mga masinsing mga puno at sa siwang ng kanilang mga makapal na dahon ay pilit sumisingit ang sikat ng araw

May napansin akong kumikinang sa dinaraanan namin.

“Sandali lang.” Ang wika ko.

Huminto sila’t tumingin sa akin.

Lumuhod ako sa lupa’t inusisa ko  ang makinang na bagay. Ito’y isang sing-sing. Nang pulutin ko ito’y nasa daliri pala ng isang kalansay. Hiniram ko ang hunting knife ni Jasmin at aking hinawan ang mga dahon at damo na nakatakip dito. Napaurong nang kaunti si Daniel ng makita ang kabuuan ng kalansay. Sa aki’y bale-wala na ito. Tila naubos na ang takot sa aking katawan.

Kinaylangan kong iangat ang buong kamay ng kalansay upang makuha ko ang sing-sing. Nang mabasa ko ang mga pangalang nakaukit dito’y  ibinigay ko ito kay Jasmine.

May mga luhang nangilid sa mga mata ni Jasmin. “Engagement ring ito na bigay ni kuya kay Julie.”

Bakas sa mukha ni Jasmine ang pag-alaala. Maaaring hiniling na sana’y hindi magkatulad ng sinapit ang kuya niya at ang kasintahan nito. Naglakad siya sa paligid ng kalansay ni Julie. Gamit ang isang sanga ng kahoy ay hinawan niya ang mga dahon sa nilalakaran niya’t kinalkal ang lupa. Batid ko kung ano ang ginagawa niya. Ako ma’y naglakad-lakad din nang kaunti. Ginaya ko ang ginagawa ni Jasmine.

Ganoon rin ang ginawa ni  Daniel at Tomas. Sa loob ng ilang minuto, hinalughog namin ang paligid para sa iba pang posibleng labi ng tao. Wala na kaming ibang nakitang kalansay.

Tumayo nang matuwid si Jasmine. Nakita ko siyang pumikit at huminga nang malalim, tila nagninilay. Pagkaraan ng ilang sandali, iminulat niya ang kanyang mga mata. Nakakunot ang noo at tila nagngangalit ang kanyang mga ngipin.

Ibinulsa niya ang singsing. Huminga ng malalim at pagkatapos ay  nagsimula siyang pumulot ng mga batong nakakalat sa paligid. Pinagpatong-patong namin ang mga bato sa ibabaw ng ng kalansay ni Julie.

Minarkahan namin ang libingan ng isang krus na gawa sa tuyong sanga. Matapos mag-alay ng maikling dasal para sa kaluluwa ni Julie, lumakad na kami palayo, bitbit ang isang bahagi ng aming puso na naiwan doon.

“Teka, papunta kaya tayo sa direksyon niyong sulo na nakita nating kagabi?”

“Sana!”

Iyon lamang ang isinagot ni Jasmine sa tanong ko. Wala sa aming nakakatiyak kung papunta nga kami doon.

Nagpatuloy kami sa paglalakad – marahan pa rin ang aming mga hakbang at halinhinan naming binabantayan ang aming likuran. Habang papalayo kami sa aplaya palalim sa kakahuyan ay unti-unting nawawala ang amoy ng dagat pinalitan ng masangsang na amoy na kahalintulad ng naaamoy ko kapag naghahatid ako ng pagkain sa tiyuhin kong nagtatrabaho sa isang katayan.

Nasa katayan kami… hindi ng baboy o baka… Ito ay katayan ng tao.

May ilang kalansay pa kaming natalisod sa paglalakad. Maging sa mga tulay sa mga puno’y may mga naglambiting mga bahagi ng kalansay ng tao. Lahat halos ng madaanan naming kalansay ay tinitignan ni Jasmine ang daliri ng mga ito.

Papaakyat kami. Pataas ang lebel ng lugar na nilalakaran namin. Hindi ko man makita ang bandang likuran namin dahil makapal ang puno ay natitiyak kong kami’y papaakyat dahil bigla na lamang akong hiningal at medyo bumigat ang aking mga paa. Ganoon ang pakiramdam ko kapag inakyat namin ang burol sa likurang ng bahay ng lola ko.

Mas maraming pang baging ang tumambad sa amin habang lalong lumalalim sa gubat. Noon lang ako nakakita ng mga baging na ganoon kakapal, halos kasing-laki ng isang kamao. Nakapulupot ang mga ito sa mga puno, tila mga nakabiting tulay na bumubuo ng animo’y sapot ng gagamba.

Mahirap sabihin kung ang mga tulay na baging na ito ay tumubo nang natural o sadyang ginawa ng mga halimaw. Ang ilang puno, kasama ang kanilang makapal na sanga, ay may malalaking pugad na gawa sa mga patpat at tuyong dahon—mga pugad na nagpaalala sa akin sa mga pugad ng agila na nakikita ko sa mga documentaries.

“Baka pugad ‘yan ng mga Sutsot,” kabadong hula ni Tomas.

Sa kalaunan, mas marami pa kaming nakitang kalansay at ang  mga bahagi ng nabubulok na laman ng tao na nakabitin sa mga baging sa itaas namin.

Patuloy ang aming paglalakad. Nagsimulang bumigat ang aking mga paa. Bahagya akong hinihingal, ganoon di ang mga kasama ko. Ito’y indikasyon na pataas ang lugar na nilalakaran namin.

Biglang huminto si Tomas sa paglalakad at sinenyasan kaming tumigil.

Ilang metro sa unahan, isang pangkat ng mga lobo na nakapaligid sa isang bangkay.

Ang kanilang mga balahibo ay puno ng dugo at putik, bakas ang kanilang mga nakausling buto sa tagiliran. Mukhang mga gutom na gutom. Ang ilan sa kanila’y halinhinang kumakagat sa bangkay. Ang iba nama’y nagsisilbing guwardiya, ang mga tenga ay gumagalaw sa bawat kaluskos na naririnig.

Akala ko’y babaligtad ang sikmura ko sa nadatnan eksena. Pero hindi.  Hindi na ako kayang gulatin ng kahit ano. Ang takot ay naging isang bahagi na lang ng ingay sa paligid.

Ganoon din si Daniel. Hindi na siya  nangiming  panoorin ang ginagawa ng mga lobo. Ang kanyang mukha ay kakikitaan ng ano bang bakas ng takot o diri. Mukhang tumibay na ang kolooban at sikmura ni Daniel.

Naramdaman kami ng mga lobo. Isa-isa silang tumingala. Sila’y nagtinginan sa aming direksyon.  Ang kanilang mga mata ay kumikinang na parang mga baga sa dilim.

“Totoong mga lobo ba ‘yan… o mga Sutsot na nagbago ng anyo?” tanong ko nang pabulong.

Bago pa makasagot si Jasmine, nagsimula ang mga ungol—mababa, sabay-sabay, gumugulong sa paligid na parang kulog sa ilalim ng lupa.

“Totoong mga lobo sila,” sabi ni Jasmine.

Hindi nag-atubili si Tomas. Binunot niya ang kanyang kalibre 45, pinalitan ang mga pilak na bala ng ordinaryong bala, at nagpaputok ng isa. Agad na bumagsak ang pinakamalapit na lobo. Ang iba ay nagsitakbuhan sa takot nang marinig ang putok.

“Lintik… kung makakaligtas ka man sa mga demonyo rito, baka maging biktima ka pa rin ng mga lobo,” mahinang babala ni Daniel.

Nilapitan nina Tomas at Jasmine ang bangkay na nilalapa ng mga lobo.

“Wala nang natira sa mukha. Pero posibleng isa sa mga kasamahan ito ng kapatid ko. Sila lang ang alam kong pumunta rito,” Ang wika ni Tomas.

“Gabi-gabi, maraming inihahatid si Kharon sa islang ito. Hindi lang ang mga galing sa breakwater na pinanggalingan natin,” dagdag ni Jasmine. “Hindi natin masisiguro kung ang bangkay na ito ay isa sa mga kaibigan ng kapatid mo.”

“EVELYN!” biglang sigaw ni Tomas. “EVELYN!”

Halos nakalimuta ko na na Evelyn ang buong pangalan ni Eve. Ang boses ni Tomas ay umalingawngaw sa katahimikan ng gubat—at sinagot ito ng koro ng mga Sutsot.

Nararamdaman ko ang paglapit ng mga halimaw.

PSSSTTTT!

Ang paswit ay nanggaling sa itaas—sa mga tulay na baging kung saan nagtatago ang mga Sutsot. Mabilis na ikinasa ni Tomas ang kanyang baril.

“Walang titingala,” babala ni Jasmine, ang boses ay matigas… naguutos.

Nasa hulihan ako. Kaylangan kong tiyakin na hindi ako titingala, ano man ang pambubuyo na gawin ng mga Sutsot. Isang pagkakamali lang, isang tingin, iyon lang ang kailangan nila. Kapag nagtama ang aming mga mata ay aariin na nila ang aking katawan at ang kaluluwa ko’y lulutang sa kawalan.

“Hoy Tomas! Di ba’t mahigpit kong bilin sa iyo na huwag na huwag mong pababayaan si Eva. Tignan mo ang nangyari… nawawala si Eva. Pabaya kang kapatid wala kang kwenta.”

“Tarantando kang sutsot ka. Nanahimik na ang ama ko eh idinadamay mo pa. Pasalamat ka’t nasa puno ka’t hindi kita pwedeng tignan kung hindi eh kanina ka pa tapos.”

“Eh bakit hindi ka lumingon o tumingala dito nang makita natin kung talagang sharp shooter ka oh.” Boses naman ni Adam ang ginaya ng sutsot.

“Subukan mo kayang tumalon sa harapan namin nang makita mo hinahanap mo.”

“Aba matapang ah. Eh ikaw gusto mo bang makita ang hinahanap mo? Gusto mo makita si Eve?”Nandito siya, sa tabi ko mismo. Wow! Ang ganda ng kapatid mo. Ang lusog ng dibdib niya. Yummy!!!

Hinigpitan ko ang hawak sa aking pamalo. Kung makikita ko lang ang demonyong bumababoy kay Eve, dudurugin ko ang bungo nito.

Pwede ko bang hawakan ang dibdib mo, Eve?

HUWAG…. HUWAG. Please. Bitawan MO ako. Kuya, tulungan mo ako. TULONG!

Boses ni Eve ang narinig ko. Hindi ako maaaring magkamali. Narinig ko na ang boses na ‘yan na tumatawa, nakikipagtalo, at kumakanta. Ang marinig itong nagmamakaawa—hindi ko kaya. Hindi ko hahayaang mawala siya kay Tomas… o sa akin.

“Alam mong hindi mo kapatid ‘yan,” wika ko kay Tomas habang kinukumbinsi ko rin ang sarili ko.

HUWAG PO…. HUWAG PO!. Please. Huwag niyo akong hubaran. Huwag niyo akong hawakan! Kuya, tulungan mo ako!

Inilagay ni Daniel ang kamay niya sa balikat ni Tomas, marahil para ipaalala na hindi si Eve ang nagsasalita, kundi ang demonyong gamit ang boses nito.

Panandaliang katahimikan ang namayani. Pagkatapos ay may bigla nanamang nagsalita—pero sa pagkakataong ito, sa akin naman siya bumaling.

Hey, Willy boy! Boses ni Eve iyon.

Nakahubad na ako ngayon. Gusto mo ako, ‘di ba? Huwag kang magkaila! Huwag kang mahiya. Tingnan mo ako. Tingnan mo ang katawan na matagal mo nang pinapangarap… na gabi-gabi ay pinapantasya mo. Gusto mo ako… Mahal mo ako… tama ba?

Para akong yelong natutunaw pagkatapo niyon.  Lumingon sa akin sina Tomas at Daniel, bakas ang pagkalito sa kanilang mga mata.

Oops… sorry, bulong ng nilalang. Ang sikretong malupit na matagal mo nang kinikimkim… Ayaw mong malaman ng kapatid ko. Takot na takot ka na malaman niya kung kaninong mukha ang pumapasok sa isip mo kapag naninigas iyang alaga mo…

Pakiramdam ko’y parang lumulubog ako sa kinatatayuan ko. Parang  gumuho ang aking dibdib. Bistado na ang sikretong matagal kong itinatgo.

Alam nila. Alam ng mga hayop na demonyong ito. Gumapang sila sa isip ko at kinaladkad ang aking kahihiyan sa labas.

Naramdaman ko ang kamay ni Tomas sa aking balikat. Ang kanyang hawak ay matatag, parang sa isang kapatid—ang uri ng hawak na nagpapatawad sa mga bagay na hindi kayang sabihin ng salita.

“Huwag kang mag-alala, bro,” mahina niyang sabi. “Alam ko. Hindi naman ako engot para hindi ko mahalata. Matagal ko nang alam. At nagpapasalamat ako na pinanatili mong ganoon.”

“Pasensya na, bro,” bulong ko, basag ang aking boses.

Sinubukan ni Daniel na tumawa. “Bistado na kita… ako’y mahal mo rin…”

Dinaan ni Daniel ang pangangantyaw sa akin sa pamamagitan ng bahagi ng kantang iyon.

“Tama na iyan Daniel.” Ang wika ni Tomas.

“Tumahimik kayo,” ang parang inis na sinabi ni Jasmine. “Hindi ito ang oras para sa drama at komedya. Mag-focus kayo.”

Huminga nang malalim si Tomas. “Okay lang bro.” sabi niya sa akin. “Hindi naman ako magagalit kung naging boyfriend ka ni Eve.”

Para akong nakahinga ng maluwag. At sa pagkakataong iyon ay nakaramdam ako ng panghihinayang. Sana pala ay sinabayan ko si Jeff sa pangliligaw kay Eve.

Hindi pa tapos ang mga sutsot.

Oh… tingnan niyo kung sino ang dumating, wika ng isa sa mga demonyo na gumamit ng boses ni Eve.

 Jeff, darling. Kumusta ka na?

Pagkatapos ay dumating ang sagot—ang boses ay siguradong kay Jeff.

Ayos lang ako, sweetheart. Sorry na-late ako.

Isang mapang-uyam na tawa ang sumunod. Oh… wait! Ikaw ba ‘yan, Willy boy? Kaibigan ko… sorry at ninakaw ko si Eve mula sa iyo. . Pero hey—akin siya, at hindi magiging sa’yo. Pero gusto mo pa rin ba siya kahit gamit na gamit ko na siya. Araw-araw kasi kaming… nagaanuhan… alam mo na iyon di ba??

At alam mo ba, Willy boy? Napakagaling ni Jeff. Madali niya akong nadadala sa rurok ng kaligayahan. Kaya mo kaya ‘yun? Tara, halika, subukan natin.

Iyon ay boses ni Eve—tinutuya ako. Pagkatapos ay sumunod ang mga ungol—malaswa, nang-uuyam,.

Nagngangalit ang aking panga. Gusto kong ipikit ang aking mga mata, takpan ang aking mga tenga.. Ang pang-iinis ng mga Sutsot na ginagamit ang mga boses nina Eve at Jeff ay parang lang naglulubog sa akin sa matinding pagsisis kung bakit hindi ko sinabi kay Eve ang aking pagkagusto sa kanya.

Pagkatapos ay muling nagsimula ang alulong.

Okay, kuya,  Kung hindi mo ako tutulungan, hahayaan ko sina Adam at Jeff na pagsaluhan ako nang sabay… Oh… parehong malaki ang sa inyo. Duda ako kung ganyan din ang batutoy ni Willy boy.

Nagtawang at sigawan ang mga sutsot. Kung ano-anong kalaswaan ang kanilang isinisigaw. Nakakabingi. Nakakainis. Si Jasmine ay nagtakip ng kanyang tenga. Pailing-iling.

Pahigpit ng pahigpit ang pagkakakuyom ko sa aking mga kamay.

“Nakasuka!” sigaw ni Jasmine.

Ay… hindi kaya sister. Ang sigaw ng Sutsot gamit ang boses ni  Tomas. Hindi ito nakakasuka. Hindi mo pa lang natitikman pero masarap ito. Bakit hindi mo subukan sa isa sa kanila… o sa kanilang lahat nang sabay-sabay? Magugustuhan mo.

“Magsama kayo sa impiyerno!” dura ni Jasmine.

Owww… nanggaling na kami doon, parang nang-iinis na sagot ng Sutsot. Pero hindi na kami welcome. Hindi na kami gusto ni Lucifer doon.

Isang buhos nanaman ng tawanan at sigawan ang sumunod—mas malakas, mas nakakatulig, mas mapang-inis. Nagpatuloy kami sa paglalakad, habang ang tawanan ng mga demonyo ay patuloy sa bandang itaas namin. Kahit ano man ang sabihin nila’y hindi na namin pinapansin. Basta handa kaming lumaban kapag sila’y nagpasyang sumugod.

Pagkatapos ay muling pumainlanlang ang isang pamilyar na atungal. Hindi ako puwedeng magkamali… iyong ang unang atungal na narinig namin nang kami’y nandoon pa sa pampang. At katulad ng inaasahan ko ay sumunod ang isa pang atungal. Dalawang halimaw, lalaki at babae, ibinuhos ang kanilang galit sa pamamagitan ng atungal.

Sina  Berith at Empusa kaya ang mga iyon?

_____

Chapter 6B
“Sa Gitna Ng Libingan”