Blog Archives

Salamin

mirror 2Aking salaming nakasabit sa dingding,
Samo ko ay laging ibulong sa akin,
Na dungis ng iba, bago  ko punahin,
Uling sa mukha ko dapat ay  linisin.

Turuan mo nga akong maghunos-dili,
Na h’wag perpekto kung tignan ang sarili.
Pagsabihan ako na h’wag magmapuri,
Isiping ako ma’y pwedeng magkamali.

Sabihin mong wala akong karapatan
Na kapwa ko tao ay aking pulaan,
Dahil ako ma’y maraming kakulangan –
Pagkatao ko’y tadtad sa kapintasan.

Sa tuwing kita’y lalapitan sa dingding,
Paalalahanan ako oh salamin
Na sariling buhay ko’y dapat ayusin
At h’wag buhay ng may buhay ang punahin.

Sana’y tulungan mo akong unawain,
Na oras akin lamang sasayangin
Kung kakulangan ng iba’y laging papansinin
At pagkakamali nila ang laging hahanapin.

Pilitin mo namang ituro sa akin
Na galit sa puso’y hindi ko kimkimin,
Na inggit sa limot lagi kong ilibing,
Na kapwa-tao’y lagi kong unawain.

Oh salamin ako’y paalalahanan
Na dapat saliksiki’y tamang katwiran
Na kung tamang landas… aking dadaanan
Panginoong Diyos ako’y gagabayan.

ISANG ORAS

busy

May humintong sasakyan sa tapat namin. Nang madinig kong parang may bumubukas ng gate ay sumilip ako sa bintana. Dumating na si papa. Pinatay ko muna ang TV, tumayo ako mula sa kinauupuan ko upang salubungin siya. Bandang alas-dos ng hapon noon. May sinat ako kaya ako umabsent.

“Nandiyan na ba ang kapatid mo?” ang bungad ni papa pagkabukas na pagkabukas ko ng pintuan.

Nabigla ako. Pulang-pula kasi ang mukha ni papa at mukhang seryosong-seryoso. Nagsasalimbayan ang mga kunot sa kanyang noo. Umiling na lamang ako bilang kasagutan. Nagatubili tuloy akong abutin ang kanyang kamay upang magmano katulad ng nakagawian namin ng bunso kong kapatid na si Athena tuwing si papa’y dumarating.

“Ano ba ang ginawa ni Athena at kaylangan ko pang magpunta sa principal’s office bukas? Ang dagdag na tanong ni papa habang ito’y naglalakad papunta sa sala. “Sabi ni Teddy na wala namang meeting ah.”

Iyon pala ang dahilan kung bakit wala sa mood si papa. Napaisip tuloy ako kung ano nga ba ang ginawa ni Athena at  bakit pinapapunta si papa sa school.

“Hindi ba’t mahigpit kong bilin sa inyo na ayaw na ayaw kong maaabala dahil sa mga walang kapararakang bagay?”

Naupo na si papa at tinanggal ang kanyang kurbata. Naupo rin ako sa tabi niya.

“Mahalaga ang oras sa akin.”

Nakinig na lamang ako kay papa. Wala kasi akong maisagot sa kanya. Ako man ay wala ring nalalaman kung ano ang ginawa ng kapatid ko sa school. Wala namang sinabi sa akin ang adviser nila nang magkita kami kahapon. Tuwing hapon kasi ay sinusundo ko ang aking kapatid sa kanilang classroom para sabay kaming umuwi.

Ano nga kaya ang nangyari? Siguro seryoso dahil  kinakaylangan pang papuntahin si papa doon. May sinaktang kayang kaklase si Athena? Imposible. Hindi naman salbahe ang kapatid ko. Masayahin nga siya’t malambing. Malabo namang sinagot-sagot niya ang sinoman sa kanyang mga guro. Hindi mangyayari iyon. Napakabait na bata ni Athena. Lalong hindi naman siguro siya nangumit ng ano mang gamit ng mga kaklase niya o nagnakaw ng pera. Binibigyan kami ni papa ng pera araw-araw bukod pa sa puwede kaming kumuha ng kahit anong pagkain at prutas na nasa lamesa at refrigerator.

Ang napansin ko lang nitong mga huling araw eh parang matamlay at malungkot si Athena.

“Christian!”

“Po?!”

“Pakisabi nga kay ate Flora  na tawagan ang school principal ninyo. Pakitanong kamo kung puwedeng ngayon na lang ako magpunta doon. Hindi ako puwede bukas, may mahalaga pala akong meeting na hindi maaaring hindi ko puntahan.”

“Ah papa, nagpunta po sa palengke si tita Flora. Ako na lang po ang tatawag.”

Tinanguan lamang ako ni papa. Ayaw pa rin siyang tantanan ng mga kunot sa kanyang noo. Parang naka-drawing na iyon doon.

Dalawang bagay lang kung bakit ayaw na ayaw ni papa na magpunta ng school kung ang dahilan eh may kapalpakang ginawa ako o si Athena. Una , isang lawyer si papa at maganda ang reputasyon niya sa komunidad. Pangalawa, napakahalaga ng oras para sa kanya. Ayaw niyang aksayahin ang oras sa mga bagay na walang katuturan. Napakadami niya kasing kliyente. Ang dami niyang hawak na kaso.

Kapag darating nga siya ng bahay matapos kaming magmano sa kanya ay hahalikan laman niya kami at didiretso na siya sa kuwarto o sa kanyang library. Kapag kami’y bumangon na sa umaga ay wala na siya. Ang mag-aasikaso sa amin ay si tita Flora, ang matandang dalagang pinsan ni mama. Ang naghahatid-sundo naman sa amin ay si kuya Teddy, ang driver-bodyguard ni papa. Pagkahatid niya kay papa sa opisina ay babalik siya sa bahay upang ihatid  naman kami sa school.

Matagal na kasing patay si mama, tatlong taong gulang lang daw ako noon. Namatay siya pagkapanganak kay Athena.

Sabi ni tita Flora na napakasakit para kay papa ng pagkamatay ng aming ina. Kaya kung masipag na siya dati sa trabaho ay dumoble pa ang sipag nito. Isinubsob daw ni papa sa kanyang trabaho ang kanyang sarili. Sa eksaktong salita ni tita Flora eh parang naging “therapy” daw para kay papa ang trabaho. Hindi ko naiintidihan kung ano ibig sabihin ng sinabing iyon ni tita Flora.


Parang ayaw na daw ulit pang mag-asawa ni papa. Iyong ang sabi ni tita Flora sa amin kaya nga Grade 6 na ako at ang kapatid ko ay Grade 2 na eh wala kaming nakikitang idine-date si papa.

Mabuti na lang at hindi kami iniwan ni tita Flora mula nang maulila kami sa ina. Siya na ang nagsilbing nanay… at tatay namin. Si papa ay napakadalang kaming kausapin. Minsan habang pumapasok siya ng bahay at saan man siya maglagi  dito eh may nakasalpak pa na telepono sa kanyang tenga. Sa kasabikan ko siguro sa kanya ay minsan napapanaginipan ko na natutulog siya sa aking tabi. Minsan kapag inaabutan namin siya  sa lamesa eh kung hindi cellphone ang hawak niya eh diyaryo.

“Papa, pwede ba tayo mag-usap?” ang tanong ni Athena minsan.

“Naku anak, pasensiya na ha… nagmamadali ang papa. May nagpa-schedule sa aking makipagusap mamayang alas-diyes. Sayang iyon anak, isang libo sa isang oras ang ibinabayad sa akin kapag may consultation.”

Matapos kaming halikan ni papa eh nagmamadali siyang umalis, kasunod si kuya Teddy.

“Hayaan mo Athena, mamayang gabi pagdating ni papa mo eh sabihin kong bigyan ka ng oras para makapag-usap kayo.” ang pangako ni tita Flora kay Athena.

“Ang mahal pala ng bayad nila kay papa kung gusto nila siyang kausapin, one thousand pesos per hour” ang sabi ng bunso kong kapatid.

“Ganoon talaga kapag sikat na ang abogado, nagiging mahal ang bahay kapag kakausapin mo sila o kukunsulta ka.” ang sagot naman ni tita Flora.

At mula noon halos tuwing umaga ay tinatanong ni Athena si tita Flora kung pumayag si papa na kausapin siya at ang laging sagot ay, “Pasensya na Athena, sobrang dami ng appointments ng papa mo.”

Ganoon ka-busy ang papa kaya kahit sa mga parents’ meetings eh si kuya Teddy  ang madalas dumalo. Akala nga ng ibang mga kaklase namin ni Athena na siya ang tatay namin.

“O Christian, ano ang sinabi ng principal?”

“Okay daw po, bago lang daw sana mag alas-kuwatro eh makarating daw kayo doon. Ang kakausap daw po sa inyo ah iyong adviser ni Athena at ang guidance counselor.” ang sagot ko kay papa.

“Sige. Magu-UBER na lang ulit ako. Pakisabi kay Teddy na pagkahatid niya dito kay Athena ay puntahan niya ako doon sa school at didiretso pa kami sa isang appointment ko mamayang gabi.”

“Opo pa.”

“Pakisabi rin kay ate Flora na huwag munang patulugin si Athena hangang hindi pa ako dumarating. Ano mang problema ang ginawa niya eh dapat ipaliwanag niya sa akin ng mabuti mamaya. Mapapalo ko yata ang kapatid mo sa unang pagkakataon.”

Lumabas ng bahay si papa nang tumigil sa harapan ng bahay ang tinawagan niyang UBER.

Lagot si Athena nito. Namamalo talaga ang papa. Ilang beses na rin niya akong pinadapa at pinalo sa puwit gamit ang tsinelas  dahil sa aking kalikutan at kakulitan

Pagkatapos nun ay laging ipinapaliwanag sa akin ni tita Flora kung bakit ako pinalo. Pero noong Grade 3 pa yata ako huling napalo ni papa.

Ano nga kaya ang nangyari? Kay hirap talagang isipin na may kalokohang gagawin si Athena. Baka naman “cutting classes” lang. Baka matapos ang breaktime eh naglaro silang magkakaibigan at late silang bumalik sa klase.

*****

Dumating si Athena labing-limang minuto pagkaalis ni papa. Matamlay ito. Maaring pagod o may dinaramdam. Matapos akong halikan sa pisngi  ay dumiretso ito sa kanyang kuwarto.

Maya-maya’y dumating na rin si tita Flora.

“Christian, dumating na ba si Athena?”

“Opo tita! Nasa kwarto. Para pong may dinaramdam si bunso.”

“Ganoon ba! Bakit kaya? Baka lalagnatin. Baka nahawa mo. Teka ipagtimpla ko ng juice tapos puntahan natin sa kuwarto niya ha.”

Habang inihahanda ng tita Flora ang mga dadalhin sa kuwarto ni Athena ay sinabi ko sa kanya ang mga nangyari habang nasa palengke siya.

“Christian, sigurado ako, ano man ang dahilan at pinapunta sa school ang papa mo eh hindi dahil may ginawang kalokohan o may sinaktan ang kapatid mo. Tingin ko may ibang dahilan.”

“O baka naman tita eh may nangbu-bully pala kay Athena ah.”

Ready na itong juice at mga prutas, tara na sa kuwarto ng kapatid mo.”

*****

Nakaawang ang pintuan ng kwarto ni Athena nang pinuntahan namin ito. Dahan-dahan kaming pumasok. Nakahiga ang kapatid ko. Nakasuot pambahay na.

“O tita…kuya! Wow juice… and my favorite fruits.”

“Anak kumusta ka? May masakit ba sa iyo?”

“Tita wala naman po. Napagod lang ako sa P.E. namin. Tinuruan kasi kaming sumayaw.”

Nakahinga ako ng maluwag nang sabihin iyon ng kapatid ko.

Sumandal sa ulunan ng kama si Athena at sinimulang kainin ang mga prutas.

“Ah, Athena. Kumusta naman sa school. Meron ka bang gustong sabihin sa amin? Ang tanong ni Aling Flora.

“Ha? Eh… wala naman po. Wala naman pong problema sa school. Everything is okay.”

“Athena, baka may nambu-bully sa iyo doon ha. Sabihin mo lang sa akin,” ang wika ko.

“Hay naku kuya, paanong may mangbu-bully sa akin sa school eh alam nilang attorney si papa at may malaki at matabang grade 6 pa akong kuya.”

“Heto naman, ipinangalandakan pa iyong mataba.”

“Ay… sorry kuya. Chubby pala,” ang natatawang sabi ni Athena.

“Pero anak napansin ko lang na matamlay ka nitong mga nakaraang  araw. May problema ba?”

Hindi agad makasagot si Athena.

“May gusto ka bang sabihin bunso?” ang tanong ko.

“Wa… wala naman kuya. Nami-miss ko lang si papa. Gusto ko siyang kausapin. May gusto akong sabihin. May gusto akong itanong.  Kaya lang lagi naman siyang busy.”

Naiintindihan ko ang nararamdaman ni Athena. Ako man ay gustong-gusto kong kausapin si papa minsan kaya lang parang wala na siyang panahon para sa amin.

“Kuya, pahingi naman one hundred o… please!”

“Oh bakit, aanhin mo pera?” ang tanong ko.

“Basta kuya bigyan mo na ako one hundred. Sige utang na lang. Ibabalik ko rin sa iyo. Sige na please.”

“Sandali. Kuhanin ko lang ang wallet ko sa kuwarto.”

“Huwag na Christian,” ani tita Flora.

Dumukot sa bulsa niya si tita Flora.

Nangiti si Athena nang tanggapin ang perang bigay ng tita Flora. Bumangon siya mula sa kama at kinuha ang kanyang bag. Inilabas niya ang ilan pang dadaanin at binilang.

“Hayan… sa wakas nakumpleto ko na ang perang kaylangan ko.”

Tuwang-tuwan inilagay ni Athena ang mga dadaanin sa bulsa ng kanyang suot na shorts.

“Tita ilalabas ko na lang po ito meryenda ko. Manonood po ako ng TV.

“O sige na bunso ako na lang ang bibitbit nito,” ang sabi ko kay Athena.

“Ay ang bait naman ng kuya ko. Thank you po!”

*****

Magaalas-otso na nang dumating sina papa at kuya Teddy. Kasalukuyang kumakain na kami ng hapunan.

Dire-diretso sa refiregerator si papa. Hindi pinansin ang pagbati namin sa kanya. Para lamang kaming mga estatwang dinaanan niya. Si kuya Teddy naman ay naupo upang sumalo sa amin.

Dala ang isang baso ng malamig na tubig eh umupo si papa sa tabi ni Athena.

“Athena bakit mo ginawa iyon?” ang tanong ni papa.

“Ang… ang alin po papa?”

Mabilis na tinungo ni tita Flora ang kinauupuan ni Athena. Tumayo siya sa likod nito  at hinawakan ang kapatid ko sa kanyang mga balikat.

“Kinausap ako ng guidance counselor at adviser ninyo. Bakit sa palagay mo ako pinapunta doon at kinausap.”

“Papa… let me explain,” ang wika ng bunso kong kapatid.

“Bakit ka nangutang ng pera sa mga kaklase mo? Bakit mo ginawa iyon Athena?  Nakakahiya!”

Napayuko na lamang si Athena.

Sorry po papa. Babayaran ko po naman sila unti-unti mula sa baon na binibigay ninyo sa akin.”

“Eh bakit kaylangan mong mangutang, binibigyan ko naman kayo ng pera araw-araw at nagbabaon pa kayo ng pagkain. Sana sinabi mo sa akin na kaylangan mo para binigyan na lang kita. Hindi iyong nangungutang ka. Nakakahiya.”

Nagsimula ng manggilid ang luha sa mga mata ni Athena. Tumakbo siya sa sala. Naupo at doon ay tahimik na umiiyak.

Sumunod kaming lahat kay Athena sa sala. Naupo sa tabi niya si tita Flora. Naupo rin kami ni papa sa magkahiwalay na upuan. Nakatayo lang si kuya Teddy.

“Bunso saan mo ba kasi gagamitin ang perang iyon?” ang tanong ni tita Flora.

Habang dumadaloy ang mga tahimik na luha sa pisngi ni Athena ay sinabi nito, “Para po kay papa.”

“Ha!? Para sa akin? ang gulat na bulalas ni papa.

Natahimik kaming lahat.

Tumayo si Athena mula sa kanyang kinauupuan at lumapit siya kay papa.

Mula sa bulsa ng shorts  ay dinukot ang mga dadaaning inilagay niya doon.

“Papa heto po ang pera. Bayad ko po. Isang libo iyan para sa isang oras ninyo.” Ang sabi ni Athena matapos ilagay sa kamay ni papa ang pera.

Hindi nakakibo si papa. Kitang-kita ko sa mukha niya ang pagtataka.

“Gusto ko po kasi kayong makausap ng kahit isang oras lang. Makakwentuhan. Mayakap. Mahalikan.”

Sa punto iyon ay napayuko si papa.

“Mahal po kasi ang bayad ninyo bawat oras kaya isang oras lang po ang kaya kong bayaran. Pero okay na po sa akin ang isang oras na kasama kayo. Okay na sa akin iyon.”

Umiiling-iling si papa.

“Inipon ko po ang five hundred last week mula sa baon ko.  Iyon pong four hundred ay inutang ko sa mga classmates ko at one hundred naman po ang bigay ni tita Flora.”

Hindi ko napigilang lumuha.

Aywan ko kung bakit sina tita Flora at kuya Teddy ay iniwan kami’t bumalik sila sa kainan.

“Kaylan ko po kayo puwedeng makausap papa? Hayan bayad na po ako. Ngayon na po ba? Kuya puwede bang orasan mo ang paguusap namin ni papa?”

“ENOUGH! I am so sorry Athena.” Niyakap ni papa si Athena nang mahigpit at sa pagitan ng mga hagulgol niya ay paulit-ulit niyang sinabi ang sorry.

“Papa, galit ka ba sa akin dahil namatay si mama matapos akong ipanganak?”

“Ha? Anak, kahit kaylan hindi ako nakaramdam ng ano mang galit sa iyo dahil doon.”

“Talaga po papa?”

Lalong humigpit ang yakap ni papa kay Athena at parang batang humagulgol.

“Anak, maniwala ka sa akin. Hindi ako galit sa iyo. Mahal na mahal kita… kayong magkapatid… mahal na mahal ko kayo.”

Tumingin sa akin si papa at sumenyas na lapitan ko sila.

Lumapit ako’t ikinulong ko sila ni Athena sa aking mga bisig.

“Christian…Athena… hindi lang ninyo alam pero tuwing gabi kapag kayo’y tulog na tulog na eh halinhinang pinupuntahan kayo ng papa ninyo sa inyong kuwarto.” Ang sabi ni tita Flora.

“Talaga po papa? Tuwing gabi eh nasa kuwarto namin kayo?” ang tanong ni Athena.

Tumango si papa sabay halik sa pisngi ni Athena.

Ang akala ko ay nanaginip lang ako kapag nakikita ko si papa sa aking kuwarto sa tuwing ako’y naaalimpungatan. Totoo palang nandoon siya.

“Sorry Athena… Christian. Hayaan ninyo, simula ngayon, isang oras bago kayo matulog  eh dito muna tayo sa sala o kaya sa garden. Mag-bonding tayo. Babawi ako sa iyo.”

“Promise iyan papa ha,” ang wika ni Athena.

Tumango-tango si papa at pagkatapos ay halinhinan siyang humalik sa amin ng bunso kong kapatid.

“Balik na kayo dito, tapusin na natin ang pagkain.” Si tita Flora iyon.

– W A K A S –

DAHIL SA BIGAS, NOODLES, AT SARDINAS

4db728b6907402d395bb7162da548dc7Kung noong may pagkakataon kang magsikap
… pagkakataong mag-ipon
Eh nag-ipon ka.
Nagtabi.

Kung noong tag-araw
Sa halip na sa ilog naligo’t nagtampisaw
Ikaw sana’y namingwit.
Ang nahuli mong isda…
hindi lahat kinain.
Ang iba sana’y ginawa mong daing.

Kung noon ika’y nagsuksok
Ngayon sana ika’y may madudukot.
Ngayon sana’y hindi ka parang kawawa
Nagmumukhang timawa.

Aasa ka ngayon sa ibibigay
ng munisipyo… ng barangay.

At kapag hindi ka nabigyan…
Sa ano mang kadahilanan
Magagalit ka.

Ika mo…
MGA WALANGHIYA KAYO!!!
NASAAN ANG BIGAS KO…
ANG DE-LATA KO…
ANG NOODLES KO?

Nagkakandalaiti ka.
Halos sumabog ang iyong ngala-ngala.
Halos malagot ang lahat ng litid mo sa lalamunan.
Isinumpa mo ang pamahalaan.
Nanakot ka pa na hindi mo na iboboto si mayor… si kap.
Susme.
Eh ‘di huwag!

Ika mo pa…
YOU”RE SO UNFAIR KAP!
WALA KANG KUWENTA!
Bakit sila meron, ako wala?

Eh ano ang gagawin kung naubos na.

Hindi lahat mabibigyan.
Sa dami ng nangangaylangan.
Maghintay ka lang.
Baka sa susunod ikaw naman.

At FYI mare… pare
Hindi isang karapatan
ang bigyan.

Ang tanong kasi –
Bakit kaylangang mong manghingi?
Bakit kaylangan mong bigyan?
Bakit kaylangan mong iaasa ang iyong buhay
sa limos, sa donasyon, sa bigay?

Walang-wala ka ba talaga?
Sobrang gipit?
Sa gutom mamimilipit
Kapag walang relief?

Eh bakit nagkaganoon?

Bakit hindi mo ito pinaghandaan?
Bakit sa halip na ikaw ang tumulong
eh ikaw pa ang dapat tulungan?

Bakit ang pagkaing ihahandog mo sa hapag…
Ang kanin at ulam na isusubo ng asawa mo’t mga anak.
Eh kaylangan mong iaasa kay mayor o kay kap?

Noon kasing wala pang COVID…
Noon kasing wala pang krisis…
Ano ang ginawa mo? Papetiks-petiks.
Painom-inom… patong-its tong-its.
Kaya hayan tanging ang pag-asa mo ngayon eh relief.

Makikapagkagalit ka
dahil sa ilang piraso ng noodles at sardinas,
dahil sa ilang kilo ng bigas.
Nasaan ang iyong dignidad?

Paano kung ang krisis matagal matapos?
Paano kung ang gobyerno wala na sa iyong ilimos?
Paano kung wala nang magbigay ng noodles at sardinas?
Paano kung wala nang magpamudmod ng bigas?

Ano na?
Game over ka!
Nganga!!!

At iyon namang ilang tao diyan
Na alam nating may mapagkukunan
Bakit pati kayo eh gusto pang maambunan?
Bakit pati kayo eh kaylangan pang tulungan?

Mare… pare
Ikaw na de-kotse
Wala na ba kayong bigas?
Talaga lang ha.
Sawa ka na ba sa baka at salmon
Sawa ka na ba sa hamon
Sa sobra bang sarap ng ulam ninyo
kaya sa noodles at sardinas nasabik kayo?

%d bloggers like this: