Tuwing Bubuhos Ang Ulan (7)
(Last of 7 Parts – A Novelette in Filipino)

Hindi nanaman ako nakatulog halos dahil sa iyo. Kahit ganoon ang naging desisyon ko, kahit hindi kita sinipot upang magkasama sana tayong umalis ng Sagada eh aaminin kong may nararamdaman pa rin ako sa iyo. Hindi basta-basta na lang na biglang maglalaho ang pagtangi ko sa iyo. Sa maniwala ka o hindi, kung hindi lang buntis si Elena, eh magkasama tayong umalis ng bayang iyon.
Bumangon na ako nagtungo sa kusina. Iniwan ko sa kuwarto si Elena na natutulog pa. Nang makapagtimpla ako ng kape eh nagpunta ako sa terrace. Nandoon pala kayo ni Daniel. Nakita kong nakahilig ka sa kanyang balikat at siya nama’y nakahawak sa iyong baywang. May naramdaman ako, alam ko ang tawag doon – selos. Nang akmang babalik ako sa loob ng bahay eh napansin ako ng asawa mo.
“Oh bayaw, gising ka na pala.” Wika ni Daniel.
“Oo nga. Inagahan ko at ihahanda ko pa iyong mga gamit ko. Lalabas kasi ulit ako mamaya, pupunta ako sa Marlboro Hills.”
“Maganda nga doon bayaw, magsasawa ka sa pagkuha ng mga pictures doon. Pasensiya na nga pala sa abala namin sa inyo kagabi.”
“Wala iyon kuya.”
“Teka… ako nga pala eh mauuna na. Lilinisin ko kasi iyong taniman namin ng gulay.”
“Ah ganoon ba. O sige, ingat kayo kuya.”
“Ako lang ang muna ang aalis, dito daw muna si Camille. Susunduin ko na lang siya mamayang hapon.”
Bago umalis si Daniel ay hinalikan mo siya sa labi. Habang hinahalikan mo siya ay bakit ba naisipan mong tumingin sa akin? Yumuko na lamang ako. Bakit nga ba ako nakakaramdan ng selos?
Binuksan ko ang gate para sa asawa mo. Nang makaalis siya’y bumalik ako sa terrace.
Nang malapit na ako sa kinauupuan mo’y tumayo ka at bigla mo akong sinampal… dalawang beses… sa magkabilang pisngi.
“Bakit?”
Ang tanong ko sa iyo sabay tingin sa loob na bahay upang tiyaking walang ibang taong nakakita ng ginawa mo.
“Bakit? Bakkkittt? Hindi mo alam kung bakit? Kulang pa iyan sa panggagagong ginawa mo sa akin.”
Ang sumunod mong sampal ay nasangga ko na.
“Tama na Camille… tama na. Patawarin mo sana ako.”
“Putang-ina mo Jeff. Bakit mo ako ginanito? Sa halip na iahon mo ako mula sa kumunoy na kinahulugan ko eh lalo mo lang pala kong ilulubog.
Nagsimula kang umiyak. Dahan-dahan kitang iniupo.
“Camille… magpapaliwanag ako.”
“Hindi ko kaylangan ang paliwanag mo. Ikaw ang kaylangan ko. Puwede pa tayong umalis. Mamaya… o kahit bukas… kung kaylan mo gusto.”
“Sorry Camille… hindi natin puwedeng gawin iyan.”
Bakit hindi? Bakit?”
Umiling-iling na ako habang ako’y nakatingin sa iyo.
Tinadyakan mo ako sa paa.
“Umalis ka sa harapan ko.”
Lumakad ako papunta sa kabilang dulo ng terrace. Patuloy ka sa paghikbi mo. Naiintindihan ko kung bakit galit na galit ka sa akin. Gusto ko sanang magpaliwanag pero tingin ko hindi ka na makikinig sa akin.
Ilang saglit lang eh lumabas na rin ng kuwarto si Elena. Nakita niya tayong nasa terrace.
“Good morning ate Camille”
Nginitian mo lamang siya bilang tugon.
“Bakit mukhang umiiyak ka ate?”
“Wala, naalaala ko lang ang mga nangyari kahapon.”
“Ah, akala ko kasi inaapi ka ni Jeff kaya ka umiiyak.”
Tumawa si Elena pagkasabi niyon. Alam kong nagbibiro lang ang kasintahan ko. Tumingin ka sa akin bago mo nginitian si Elena bilang tugon sa kanyang sinabi.
Pagkatapos niyon ay tumabi sa akin Elena at hinalikan ako sa pisngi. Yumuko ka rin, katulad ko nang hinalikan mo si Daniel. Parang ayaw mong makita na hinahalikan ako ni Elena. Selos din siguro iyon.
“Parang namumula ang pisngi mo dad. Ano ba nangyari diyan.”
“Wala… nakamot ko lang kanina kaya namula.” Wika ko at para mawala doon ang atensyon mo ay nagtanong ako – “Ang inay, tulog pa ba?”
“Oo, hayaan lang natin siya, kaylangan niyang magpahinga para gumaling agad.”
Nakihigop si Elena sa kape ko.
“Ay… siyanga pala ate Camille… may good news ako sa iyo.”
“Ha!? Ano naman iyon?
“Dad ikaw na kaya ang magsabi kay ate Camille.”
“Oh. Bakit ako?
“Sige na dad… pleeeassseee!”
Atubili ma’y pinagbigyan ko ang kahilingan ni Elena.
“Camille… bu… buntis si Elena. 6 weeks na”
“Oww… talaga?”
“Yes ate Camille.”
“Wow… aba eh congratulations sa inyong dalawa. Magiging nanay at tatay na pala kayo niyan.”
Pinilit mong ngumiti habang sinasabi mo iyon pero kita ko sa mata mo na parang nanlumo ka nang marinig mo iyon. Hindi mo siguro napansin na ang isang braso mong nakapuwesto sa patungan ng kamay sa inuupuan mo’y biglang nalaglag. Hindi ko alam kung ang bagay na iyon ay napansin ni Elena.
“Thank you ate. Siyempre kukunin ka naming ninang… ‘di ba dad.?”
Tumango ako.
“Ah… sure… sure. Bakit naman hindi.”
Pagkasabi mo niyon ay parang gusto mong humagulgol lalo na nang parang batang itinaas ni Elena ang tshirt at inilagay ang kamay ko sa ibabaw ng kanyang tiyan.
“Sandali lang ha, papasok muna ako at hihiga ako ulit. Masakit ang ulo ko.”
“Ow… hangover iyan ate. Sige ate pahinga ka. Ako naman eh magluluto na ng agahan natin.”
Sabay kayo ni Elena na pumasok ng bahay. Siya’y nagputna ng kusina at ikaw naman ay sumalampak sa sofa sa salas. Nakatagilid ka patalikod sa kinalalagyan ko sa terrace kay hindi ko malaman kung natutulog ka ba talaga o umiiyak.
**********
Mula noon eh minsan isang linggo kayo pumuntan ni Daniel sa bahay. Kadalasang araw ng Linggo. Halatang umiiwas ka sa akin tuwing nandoon kayo sa bahay. Ni minsan hindi tayo nag-usap na tayong dalawa lang. Mabuti na rin iyon dahil ayaw kong madagdagan pa ang pagdududa ni Elena tungkol sa atin, kung nagdududa man siya.
Nasasaktan ako sa nangyayari. Hindi mo lang alam kung ano ang tunay kong nararamdaman sa iyo, damdaming pilit kong iwinawaksi alang-alang sa magiging anak namin ni Elena. Sa tingin ko ay naunawaan mo na kung ano ang dahilan kung bakit hindi kita pinuntahan sa kubo noon.
Ang magandang bagay na naging resulta ng hindi ko pagsipot sa usapan natin noon, bukod na sa walang pamilyang nasira, ay ang mga pagbabagong nakita ko sa asawa mo. Ang biyenan mo na magiging biyenan ko na rin mismo ang nagsasabi na ibang-iba na si Daniel. Kung totoo ang sinasabi niya eh hindi na siya tumikim ng alak mula noong araw na sana’y iiwan natin sila ni Elena. At siguro kung drugs iyong nakita ko noon sa clutch bag niya, marahil ay tinigilan na rin niya iyon.
Maganda ang naging panahon ng sumunod pang isang buwan at ilang araw. Hindi bumuhos ang malakas na ulan, manaka-nakang ambon lang at hindi pa nagtatagal. Kaya napasyalan namin ni Elena ang mga lugar na gusto kong puntahan para sa mga kaylangan kong pictures at videos. Pag-aalaga kay Elena at ang aking travel vlog ang pinagkaabalahan ko ng mga araw na iyon.
Iyong linggong susunod ang pinili naming schedule para sa pagpapakasal sa huwes dahil ang susunod na linggo doon ay uuwi na kami pabalik sa Pasig. Three months na noong buntis si Elena. Ang tatay at nanay ko at isang kapatid na lang ang dadalo dahil simpleng kasalan lang naman ang gagawin. Pagkapanganak na lang ang engrandeng kasal na ipinangako ko kay Elena.
**********
Araw ulit ng Linggo noon, dumalaw kayong muli ni Daniel sa bahay. Noon lamang muling kumilimlim ang kalangitan at umiihip ang malamig na hangin. Ayon sa balita, ay mayroong malakas na bagyong paparating.
Habang abala sa paghahanda sina Elena at ang kanyang nanay sa pag-aayos ng tanghalian at si Daniel naman sa nagpa-practice shooting sa likod bahay, ay nilapitan mo ako sa terrace. Hindi ko inaasahan iyon. Bago ka nagsalita eh luminga-linga ka pa upang tiyaking walang ibang nakikinig.
“Jeff… two weeks na akong delayed. Napakadalas kong mahilo at magsuka nitong mga nakaraan araw.”
Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa narinig ko.
“Bakit mo sinsabi sa akin iyan Camille?”
“Tarantado ka. Ikaw lang ang nakagalaw sa akin bukod kay Daniel at siguro naman eh nasabi na sa iyo ni Elena kung bakit kahit matagal na kaming nagsasama ng kuya niya eh hindi kami magkaroon ng anak.”
Alam ko namang baog ang asawa mo. Ayaw ko lang paniwalaan ang sinabi mo dahil kung totoo iyon eh napakalaking problema ang hinaharap natin. Mas gugustuhin ko pang nagiimbento ka lang ng kuwento para kuhanin ang atensiyon ko.
“Bakit hindi ka magtest para sigurado.”
“Mamaya, may dala nga akong pregnancy kit. Huwag kang magalala Jeff. Alam kong wala kang gulugod. Isa kang duwag. Kung buntis man ako’y hindi ako maghahabol sa iyo. Kaya kong harapin itong mag-isa.”
“Camille…”
“Huwag mo akong maCamille-Camille. Ang saya kung buntis nga ako di ba. Dalawa agad ang magiging anak mo next year. Parehong panganay. Ang galing mo.”
Iniwan mo ako sa terrace pagkasabi mo niyon.
Ang lahat ng sayang naramdaman ko ng ilang linggo, ang katahimikan ng kalooban at pagiisip, ay naglahong parang bula. Mula sa terrace ay nakita kong nagsimula ng umambon, maya-maya lang ay bubuhos na ang malakas na ulan at iihip na ang malakas na hangin.
“Dad… tawagin mo na si kuya Daniel sa likod. Sabihin mong nakahanda na ang tanghalian.”
Parang akong nakalutang habang ako’y naglalakad papunta sa likod ng bahay upang tawagin si Daniel.
“Kuya, kain na daw tayo.”
“Okay bayaw. Ikaw ba, gusto mo bang matutong humawak ng baril? Tuturuan kitang pumutok.”
Tumango na lamang ako dahil wala na ako sa wisyo. Lutang na lutang na ako. Ano ang mangyayari kung buntis nga si Camille. Ano ang mangyayari kung malaman ni Elena, ni Daniel, at ng nanay nila na ako ang nakabuntis kay Camille?
Nang makapasok kami sa bahay ay inilapag ni Daniel sa lamesita sa salas ang kanyang mga bala at baril.
Nagsimula nang umulan. Dumating na siguro ang bagyo.
“Naku Daniel… anak… Ingat lang kapag gumagamit ka ng baril mo ha.”
“Opo naman inay. Kaya ko lang naman inilabas ulit yan eh balak kong sumali sa isang shooting competition sa Baguio sa November.
“O puwede nang magsimula, kain na kayo mga anak.” Wika ng nanay nila.
“Teka, nasaan si Camille.”
“Nasa CR, parang masama ang pakiramdam. Mauna na daw tayong kumain.” Ang sabi ni Elena.
Tumayo si Daniel at nagpunta sa CR. Nakita ko nang itulak niya ang pinto. Bumukas, nakalimutan mo sigurong i-lock.
Hindi nga lang malinaw pero nauulinigan naming nag-uusap kayo ni Daniel sa loob. Matagal-tagal din bago lumabas si Daniel ng CR. Hindi ka kasama.
Lumapit si Daniel kay Elena.
“Sa iyo ba ito Elena.” Padabog na inilapag ni Daniel ang pregnancy test sa lamesa. Positive ang resulta.”
Napapikit na lamang ako dahil nangyari na ang isang malaking problemang hindi ako nakakatiyak kung malulusutan ko ba o hindi.
Ang kapalaran ay walang gulong… ang karma meron at pakiramdam ko ay malapit na akong magulungan. Ang inihagis kong boomerang ay pabalik na sa akin at mukhang hindi ko yata ito kayang saluhin nang hindi ako nasasaktan.
Sa bubong na yari sa yero ay parang mga batong tumama ang buhos ng malakas na ulan.
“Ha… hindi kuya… hindi ito sa akin. Matagal ko nang alam na buntis ako kaya hindi ko na kaylangang gumamit nito.”
Nakita ko kung papaano napapikit ang nanay nila Elena. Yumuko ito at umiling-iling.
Bago pa man makakilos ang sinoman sa amin ay nakuha na ni Daniel ang baril sa lamesita. Bumalik siya sa CR. Paglabas niya’y hila-hila ka sa buhok. Pilit kang kumakawala. Ano ang ginawa ko? Wala. Dapat eh ipinagtanggol kita. Tama ka, wala nga akong gulugod. Duwag nga ako.
“Anak, maghunos-dili ka.”
“Kuya… kuya.”
Ako’y parang tuod. Wala akong ginawa. Naghihintay na lamang ako kung ano uri ng kabayaran ang nakatakdang singilin sa akin sa lahat ng ginawa kong kabalbalan.
Dinala ka ni Daniel sa kuwarto namin. Kasunod kami pero ibinalibag niya pasara ang pinto. Hindi ito nagsara ng maayos. Papasok sana si Elena sa kuwarto.
“Walang makikialam!”
Naudlot ang pagpasok ni Elena. Siguro tinutukan siya ng baril ng kuya niya kaya umurong siya.
“Sino ang lalaki mo? SINO?
Pumutok ang baril.
“Diyos kong mahabagin.” Wika ng nanay nila na akma sanang papasok sa kuwarto subalit pinigilan ni Elena.
“Sino kako ang lalaki mo? Puta ka, kanino ka nagpabuntis.”
Wala kaming magawa sa labas ng kuwarto. Nakinig na lang kami at naghintay. Hinintay ko na lang na sabihin mo ang pangalan ko.
“Ano Daniel. Masakit di ba? Ganiyan kasakit ang naramdaman ko ng minsang sa mismong kuwarto natin mo dinala ang babae mo. Akala mo wala ako noon sa bahay. Sa palagay mo ilang beses ko ring nakita na pumasok ka sa bahay niya. Ang daming beses kitang sinundan dahil gusto kong mapatunayan ang tsismis tungkol sa inyong dalawa.”
“Hiniwalayan ko na siya ‘di ba? Nagbago na ako ‘di ba? Nangako akong aayusin ko ang sarili ko … ang buhay natin ‘di ba?”
“Huli na Daniel nang magbago ka. Nadumihan ko na ang sarili ko bago mo naisipang magbago. Nagmahal na ako ng iba bago mo naisipang magbago. Naiputan na kita sa ulo bago mo naisipang magbago.”
At muling pumutok ang baril… isa …dalawa… tatlo.
Tumahimik sa kuwarto. Tumahimik sa bahay. Ang ingay lang ng ulan na tumatama sa bubong ang nadidinig.
**********
“Tao po… tao po… ano pong nangyayari diyan.”
May mga taong dumating. Kinakalampag nila ang gate.
Nanginginig sa takot sina Elena at ang nanay niya. Magkayakap sila.
Binuksan ko ang gate.
Pumasok ang ilang kalalakihan.
“Aling Upeng… Elena… may mga putok kaming narinig kaya kami’y nagpunta dito.”
“Kapitan…” sagot ni Elena, “pumasok po kayo sa kuwarto.”
Itinulak ng isa sa sa mga lalaki ang pinto.
Tumambad sa amin paningin ang duguan mong katawan. Si Daniel nama’y nakasalampak sa isang sulok ng kuwarto. Iyak ng iyak. Nilapitan siya ni Elena at ng kanilang nanay.
“Anak, bakit mo nagawa ito.” Niyakap ng kanyang nanay si Daniel.
“Kuya, bakit?”
“Patawarin po ninyo ako inay… Elena… Ang hirap tanggapin. Ang sakit.”
“Kapitan,” wika ng isang lalaki, “patay na po si Camille.”
Pagkarinig ko niyon ay nagpunta ako ng CR. Doon ako’y nagkulong. Habang bumubuhos ang ulan sa labas ay bumuhos ang mga luha ko. Binalot ang buong pagkatao ng lungkot at pagsisisi.
Ano sa palagay mo ang naramdaman ko matapos mangyari ang lahat-lahat? Sino sa palagay mo ang sinisisi ko sa lahat ng nangyari. Kung alam ko lang na sa ganoon hahantong ang lahat eh sana pumayag na akong umalis tayo ng Sagada. Sana buhay ka pa. Para sa magiging anak namin ni Elena ay pinili kong huwag kang puntahan sa kubo. Pero hindi ko alam na sa pagpili ko kay Elena at sa magiging anak namin ay ganoon ang magiging resulta. Mamamatay ka at ang sana’y magiging anak din natin. Kung ikaw at ang anak natin ang pinili ko eh masasaktan lamang si Elena pero walang trahedyang mangyayari.
Sisihin ko ba ang Panginoon dahil sa sinapit mo at ng anak natin? Tatanungin ko ba Siya na kung halimbawa mang nagpasiya Siyang pakialaman ang kahihinatnan ng mga nangyari ay bakit puro pabor para kay Elena? HINDI. Dahil alam kong ang lahat ng nangyari ay bunga ng maling desisyon natin na huwag magdala ng payong sa araw na iyon nang pareho tayong sumilong sa kubo dahil bumuhos ang malakas na ulan. Ang lahat ay nangyari dahil sa maling desisyon natin na magtampisaw sa tubigan ng kataksilang binuo ng bumuhos na ulan.
**********
Kusang sumama sa mga dumating na pulis si Daniel. Ang bangkay mo naman ay sinabi nina kapitan na dadalhin na sa isang punenarya. Nilinis na rin nila ang mga dugo mong kumalat sa kuwarto namin ni Elena.
Bumumuhos pa rin ang malakas na ulan. Malakas pa rin ang hihip ng hangin. Hindi pa lumilipas ang bagyo.
Gabi na ng makaalis ang mga tao sa bahay. Ako, si Elena, at ang nanay nila ang natira.
Sina Elena at ang kanyang nanay ay nakaupo lamang sa salas. Wala silang imik, wala silang kibuan. Si Elena’y hindi ko malapitan. Parang may pader na nakapagitan sa amin, pader na nilikha ng nababagabag kong konsensiya.
Hindi ko alam kung dapat ko bang ipagtapat kay Elena at sa kanilang nanay ang mga namagitan sa atin. Dapat ko bang sabihin pa sa kanila na ako ang nakabuntis sa iyo? Ano ang mangyayari kapag nalaman nila iyon? Iniisip kong manahimik na lang. Iniisip ko ba kung hahayaan ko na lang na isama mo sa libingan ang sikreto natin.
“Inay, dapat na po nating ipaalam sa mga magulang at kapatid ni ate Camille sa Pangasinan kung ano ang nangyari.”
“Oo nga Elena. Mahirap kung sa iba pa nila malalaman ito.”
“Malamang na iuuwi nila sa Pangasinan ang bangkay ni Camille kapag nalaman nila kung ano talaga ang nangyari.”
“Oo nga po inay. Hindi ko inaasahang hahayaan nilang dito sa Sagada ibuburol at ililibing si ate Camille.”
“Sige kontakin mo na sila. Ako ang kakausap sa mga magulang ni Camille.”
“May number po ba kayo ng sinoman sa mga partido ni ate?”
“Naku anak wala ah.”
“Teka, friend ko po pala sa Facebook ang isang pinsan ni ate Camille. Kokontakin ko po’t hihingin ko ang number ng kung sino mang puwede nating tawagan sa kanila.”
Kinuha ni Elena ang cell phone niyang nasa ibabaw ng ref.
“Naku, lowbat pala ako. Dad, pahiram ako ng laptop mo. Doon na lang ako magfefacebook.”
Kinuha ko mula sa kuwarto ang aking laptop at iniabot ko kay Elena. Pagkatapos niyon ay nagpunta muna ako ng terrace upang mapagisipan kung ano ang dapat kong gawin, kung dapat ko bang sabihin sa kanila ang lahat ng nangyari sa atin.
Muli nanaman akong nagbalik-tanaw sa unang araw ng pagdating namin ni Elena sa Sagada. Bakit kasi ako naging atat na kumuha ng mga pictures at videos noon.
Pictures?!
Sa pagkakataong iyon ay aking napagtanto na hindi ko pala nadelete ang picture mo sa kubo na nasave ko sa desktop ng aking laptop. Halos lumipad ako pabalik sa salas.
Wala doon si Elena at ang laptop ko.
“Inay, nasaan po si Elena?”
“Pumasok siya sa kuwarto ko.”
Nang pumasok ako sa kuwarto ay nakaupo sa sahig si Elena. Patulalang nakatingin sa picture mo na nasa desktop ng laptop ko.
Sukol na sukol ako. Walang akong mapagtataguan.
“Mommy, hayaan mo akong makapagpaliwanag.”
Hindi sumagot si Elena. Gulat siya’t lumuluhang nakatingin lang sa larawan mong iyon na suot mo ang t-shirt. Si Elena ang bumili ng t-shirt na iyon. Regalo niya sa akin.
Sinimulan kong magpaliwanag. Mula sa simula, mula ng bumuhos ang ulan at sumilong ako sa kubong iyon at ang bigla mong pagdating. Sinabi ko lahat. Walang labis, walang kulang. Pati ang binalak mong pagalis nating ng Sagada na hindi natuloy dahil hindi kita pinuntahan nang malaman kong buntis siya. Wala na akong dapat itago pa.
Habang nagpapaliwanag ako eh napansin kong unti-unti nawawala ang pagkagulat sa mukha niya at huminto na siya sa pag-iyak. Dahan-dahang nagsasalubong ang kanyang mga kilay at naririnig kong nagngangalit ang kanyang mga ngipin.
At narating ng paliwanag ko ang dulo. Wala na akong maidudugtong pa bukod sa pakiusap na ako’y patawarin niya.
“Tapos na ba ang paliwanag mo?”
Tumango lamang ako.
“Tumahimik na lang tayo Jeff. Tayong dalawa na lang ang makakaalam ng tungkol sa inyo ni Camille.”
Gusto kong magbunyi sa mga narinig kong iyon. Inakala kong patatawarin na niya ako.
“Ayaw ko nang dagdagan pa ang sama ng loob ng nanay ko. Baka hindi na niya kayanin.”
“Salamat mommy.”
Umakma akong yayakapin si Elena. Pero itinulak niya ako palayo.
“Huwag kang magpasalamat. Hindi pa ako tapos. Gusto ko pag-gising namin ng inay bukas ay wala ka na dito. Ako na ang bahalang gumawa ng kuwento tungkol sa pagkawala mo. Dalhin mo ang lahat ng gamit mo, pati ang t-shirt na pinasuot mo sa babaeng iyon. Masarap dyumugdyug ang mga diwata ‘di ba?”
“Elena… please…”
Sinubukan ko ulit na yakapin siya. Sinampal niya ako.
Iyon siguro ang pinakamalakas na sampal na natikman ko. Mas masakit kung ikukumpara doon sa mag-asawang sampal na pinadapo mo noon sa pisngi ko.
Tagos hanggang kaluluwa ko ang sakit ng sampal niyang iyon.
“Mula ngayon ay tapos na sa atin ang lahat. Kahit kaylan ay hindi mo makikita ang anak ko at hindi kita ipapakilala bilang kanyang ama.”
“Mommy… sor…”
“Kung mababago ng pagso-sorry mo ang lahat ng nangyari, eh patatawarin kita. Pero hindi di ba. Makakatulog ka kaya tuwing gabi niyan? Alam mo ba kung gaano katindi ang ginawa mo? Masahol ka pa sa hayop. Sana lang eh kasama ka ng namatay ng punyetang babaeng iyon.”
Lumuhod ako sa harapan ni Elena at handa na akong magmakaawa. Tinalikuran lang niya ako at iniwan ako sa kuwarto.
“Lumabas ka na diyan at nang makapangpahinga ang nanay ko.”
**********
Madaling araw pa lang ay nilisan ko na ang bahay nina Elena. Tahimik ang ginawa kong paglabas. Nang nasa gate na ako ay lumingon ako. Nagbabakasakaling gising si Elena at tawagin ako niya at pabalikin sa bahay. Pero wala.
Hindi na umuulan nang lumabas ako, pero mahangin pa rin. Walang tao sa paligid. Tulog pa siguro silang lahat. Ang mga ilaw sa ilang poste ng kuryente ang nagsisilbing liwanag ko sa paglalakad.
Bitbit ko ang lahat ng gamit ko. Nang madaan ako sa isang basurahan ay itinapon ko na lang ang isang bag na naglalaman ng ilan sa mga lumang damit ko upang maginhawa akong makapaglakad.
Wala pa akong masasakyan paalis sa lugar na iyon kaya minabuti kong maglakad-lakad muna hanggang nakarating sa kalye na pasukan papunta sa mini rice terraces. May kaunti ng liwanag kaya nagpasiya akong tignan siguro sa huling pagkakataon ang palayang iyong.
Ako’y naglakad hanggang natanaw ko ang kubong pinagsimulan ng lahat. Nilapitan ko iyon. Pumasok ako. Pagod ang katawa’t isipan ko kaya minabuti kong magpahinga sandali.
Nang hihiga na ako’y nadinig kong pumapatak ang ulan. Isinarado ko ang bintana. Nang isasara ko na rin ang pinto ay naalaala kita.
Dahan-dahan kong isinara ang pinto ng kubo.
Hinihintay kong itulak mo iyon pabukas upang makapasok ka’t muli’y samahan ako sa loob.
At tuluyan nang bumuhos ang malakas na ulan.
– W A K A S –
Posted on August 22, 2020, in Creative Writing, Fiction, Maikling Kwento, Maikling Nobela, Novelette, Short Story and tagged Creative writing, Fiction, Maikling Kuwento, Maikling Nobela, Novelette, Short Story. Bookmark the permalink. 2 Comments.
Pingback: Tuwing Bubuhos Ang Ulan – MUKHANG "POET"
Pingback: Tuwing Bubuhos Ang Ulan (6) | M. A. D. L I G A Y A