Blog Archives

TATSULOK (3)

(Last of 3 Parts)         

triangle3

“Sawa na akong magtrabaho sa Japan. Ayaw ko nang magsayaw. Iniisip ko ngang huwag nang bumalik  doon. Marami na akong ipon, at may negosyo na rin naman kaming magkapatid. Gusto ko na kasing baguhin ang takbo ng buhay ko. Sa palagay mo ba may lalaki pa kayang seseryoso sa akin?”

Bigla siyang naging seryoso, nagkaroon ng bahid ng lungkot ang boses nito.

Nag-isip  ako  sandali  bago  nakasagot  sa kanya,

“Siyempre  naman,  sa ganda mong iyan.”

Gusto ko pa sanang sabihin na bukod doon ay mayaman pa siya.

“Puwede bang ikaw na lang, hiwalayan mo na ang asawa mo at umuwi ka na rito sa akin.”

Nagulat ako sa sinabing iyon ni M.

“Joke, joke, joke! Binibiro lang kita hoy. Alam ko naman na hindi ako ang tipo ng babae na puwedeng seryosohin.”

“Huwag mo namang ibaba ng ganyan ang sarili mo.” Ani ko.

“Maniniwala ka bang ikaw pa lang ang pangalawang lalaking dumaan sa buhay ko?

Tumango ako. Nakinig na lamang ako sa kanya.

“Mahirap paniwalaan ‘di ba, kasi nga Japayuki ako. Pero dancer lang talaga ako doon, hindi ako pumapayag na magpalabas kahit anong mangyari. Mabuti na lang at naging paborito ako ng amo kong babae at asawa niyang miyembro ng Yakuza. Prinotektahan nila ako. Hindi rin sila pumayag na ilabas ako ng mga customer. Baka daw mabuntis ako eh mawalan sila ng star dancer. Ako daw sabi niya ang dinadayo ng mga lalaking Hapones at foreigners sa club.”

Tahimik lamang akong nakikinig sa kanya. Aywan ko pero naniniwala ako sa kanyang mga sinasabi. Matanda na ako at alam ko na kung binobola lang ako ng kausap ko.

“Pinoy din ang una kong boyfriend pero nakipag-break siya sa akin noong nagpunta ako sa Japan. Paano kilala at conservative ang pamilya niya at siguradong hindi ako katanggap-tangap sa kanila. Balita ko may asawa’t mga anak na siya ngayon.

Panandaliang tumahimik si M. Nagsimulang tumulo ang kanyang mga luha.

Nilapitan ko siya. Tumayo ako sa kanyang bandang tagiliran at siya’y aking inakbayan. Aywan ko pero naawa ako sa kanya. Parang tuloy naramdaman kong ayaw ko munang umuwi. Parang gusto muna siyang damayan.

Dumukwang ako’t hinalikan siya sa pisngi.  Tumayo siya. Naupo naman siya sa kama.

“Salamat sa lahat.” Ang wika niya.

“Ako ang dapat magpasalamat sa iyo.”

“Sige bihis ka na, kain  na tayo sa baba para maka-uwi ka na at baka hinihintay ka na ng asawa mo.”

Hindi na ako kakain,” ang sagot ko sa kanya. “Kaylangang ko nang umalis.”

ako ni M at humawak siya sa aking baywang.

“Please lang, dito ka na kumain ng agahan. Isa pa, naipangako ko kay bes na ipapakilala kita sa kanya. Curious siya sa iyo. Paano mo daw ako napapayag na… alam mo na iyon… eh kagabi lang tayo nagkakilala. Sabi ko na-love at first sight ako sa iyo. Sayang nga lang at married ka na sabi ko. Kaya hindi puwedeng hindi kayo magkita ha. Kain na muna bago ka umalis… please…”

Pagkasabi niyon eh humalik siya sa labi ko.

“Please….”

ako ni Lady M na doon kumain ng agahan. Nagbihis siya at sinabing ihahatid daw namin ang bestfriend niya sa kanilang bahay  tapos ihahatid niya rin ako kahit sa malapit lang sa amin.

“Heto nga pala ang calling card ko. Tawagan mo ako anytime. Welcome ka dito sa bahay ano mang oras.”

Nang maibulsa ko ang ibinigay niyang calling card ay bumaba na kami.

**********

Mula sa hagdan ay natanaw ko ang bestfriend ni M, nakatalikod ito sa amin habang inihahanda ang mga pagkain sa lamesa.

“Huwag ka maingay. Gugulatin natin siya.”

Dahan-dahan nga naming nilapitan ang kanyang bestfriend.

“Hello bes, oh heto na ang lalaking nagpatibok muli ng aking puso.”  Ang buong pagmamalaking sabi ni M habang ako’y hawak-hawak niya sa braso.

Nagulat  ako nang lumingon at makilala ko kung sino ang matalik niyang kaybigan – si Vicky, ang aking asawa.

Gusto kong lumubog sa kinalaglayan ko at mawala sa lugar na iyon. Ayaw kong maniwalang nangyayari iyon. Hiniling kong sana ay nananaginip lamang ako.

Nagkatinginan kami ni Vicky, pareho kaming hindi makapagsalita, pareho kaming hindi makapaniwala. Si M pala ay si Marjorie, ang bestfriend niyang OFW.

“Oh parang nagkagulatan kayo. Magkakilala ba kayo?.” Ang tanong ni Marjorie.

Hindi sumagot si Vicky. Umupo ito at nagsimulang tumulo ang luha habang nakatingin sa akin. Sa titig nito’y nandoon ang paguusig, nandoon ang napakaraming tanong.

“Bakit? Ano ba ang nangyayari?” Ang nagtatakang tanong ni Marjorie.

“Siya ang asawa ko.” Ang halos pabulong ko na sabi sa kanya.

 “Ha? Nagbibiro ka ba?” Ang tanong ni Marjorie sabay bitaw niya sa ang aking braso.

Bakas sa mukha ni Marjorie ang kalituhan. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin, kung ano ang sasabihin. Tumingin siya sa aking at iiling-iling.

Ilang sandali ring tahimik sa bahay. Tanging ang impit na pag-iyak lamang ni Vicky ang maririnig. Bawat hikbi ng asawa ko’y parang batong tumatama sa ulo ko.

Atubili ma’y nilapitan ni Marjorie si Vicky.

Hinawakan niya ito sa balikat.

“Huwag mo akong hawakan. Traydor ka.”

Tumingin sa akin si Marjorie.

“Alfred, iwanan mo muna kami dito ni Vicky, sa labas ka muna.”

Pinagbigyan ko ang kahilingan ni Marjorie. Lumabas muna ako upang makapagusap ng masinsinan ang dalawa.

Kaya  pala nang una kong makita si Marjorie sa club ay para kakong nakita ko na siya noon. Nakita ko ang mga pictures nila ng asawa ko. Minsan na ring ipinakita sa akin ni Vicky ang Facebook account ni Marjorie.

Bigla kong naalaala ang calling card na ibinigay sa akin ni Marjorie bago kami bumaba… Marjorie Contreras. Marahil kung nabasa ko ang pangalan niya sa calling card ay baka natanong ko na siya at maaaring hindi na ako bumaba kanina at isisikreto na lamang namin kay Vicky ang lahat-lahat.

Litong-lito ako sa pagkakataong iyon. Napakalaking gulo ang pinasok kong iyon, hindi ko alam kung paano ko ito malalampasan. Hindi ko alam kung ano ang susunod na mangyayari. Labis ang pag-sisisi ko. Hindi ko alam kung papaano tatanggapin ni Vicky ang lahat, kung ano ang mangyayari sa pagkakaibigan ng dalawa, at kung ano naman ang mangyayari sa aming mag-asawa. Akala ko’y handa akong makipaghiwalay sa kanya. Hindi pala. Ayaw ko  palang mawala siya.

Bigla kong naalaala ang sinabi ni Marjorie na buntis ang bisita niya… buntis ang aking asawa. Nakakalungkot na sa kalagitnaan ng napakalaking gusot na nilikha ko ay doon ko nalaman ang balitang magkakaanak na kami ni Vicky.

Ilang minuto lang ang pinalipas ko. Hindi ako mapakali. Nagpasya akong bumalik kaaagad sa loob ng bahay, nagbabakasaling maayos na ang lahat. Pero parang malabong mangyari  iyon. Napakomplikado ng sitwasyon at imposibleng iyon ay maayos agad. Dalawang bagay ang maaring datnan ko – naayos ang problema o lumala ito.

At ang nangyari –  lumala ang problema.

Nang pinuntahan ko ang dalawa sa dining room ay tumambad sa akin ang mas malaking gusot. Duguan si Marjorie, nakahandusay sa sahig. Si Vicky ay nakaupo sa tabi nito, umiiyak, hawak pa ang kutsilyo na ipinangsaksak sa kaybigan niya.

Hindi ko akalaing hahantong sa ganoon ang lahat. Nilapitan ko si Vicky. Yumakap siya sa akin, takot na takot, nanginginig.

“Dad hindi ko sinasadya, nagdilim ang paningin ko. Dad, tulungan mo ako, ano ang gagawin ko?”

Ano nga ba ang dapat gawin ni Vicky… ang dapat kong gawin… ang dapat naming gawin.

Biglang naglaro ang kung ano-ano bagay sa imahinasyon ko…. mga eksenang na minsa’y napapanood ko sa pelikula na kung saan ay may mga nakapatay… babalutin ng kumot ang pinatay at itatapon sa isang malalim na bangin… o kaya’y ibinabaon sa lupa sa may gubat… o kaya’y sinusunog.

Pinagmasdan ko ang duguang katawan ni Marjorie. Sa kanang tagiliran ang tama niya. Naisipan kong siya’y pulsuhan. Buhay pa siya sa pagkakataong iyon. “Halika, dali, dalhin natin siya sa hospital.” Ang sabi ko kay Vicky.

Takot na takot man ay tinulungan ako ni Vicky na buhatin si Marjorie. Ginamit namin ang sasakyan nito papuntang hospital. Walang ginawa si ang kabiyak kung hindi umiyak hanggang makarating kami sa hospital.

**********

Habang nasa operating room si Marjorie, nagtungo kami ni Vicky sa may chapel ng hospital. Lumuhod si Vicky. Humihikbi habang nanalangin.

Pinagmasdan ko ang aking asawa habang ito ay nakaluhod. Natakot ako sa maaring kahantungan ng mga pangyayari. Posibleng makulong si Vicky. Buntis pa naman siya. Ang sakit isipin na maaring ang unang anak namin ay sa kulungan isisilang.

Ang akala ko’y gusto ko nang mawala sa buhay ko ang aking asawa. Ang akala ko’y handa na akong makipaghiwalay sa kanya dahil sa mga hindi magandang pangyayari sa pagsasama namin. Hindi pala. Dala lamang pala ng galit ko dahil sa pag-aaway namin kaya’t nakapag-isip ako ng ganoon.

Sa pagkakataong iyon ay muli kong binalikan ang limang taong pagsasama namin.

Sa sama ng loob ko kay Vicky ay puro pala ang hindi maganda sa kanya ang nakita at naiisip ko. Nakalimutan ko ang marami niyang magagandang katangian.  At maraming magandang katangian ang aking asawa.

Naalaala ko ang madalas kong ipinapayo sa mga kaybigan ko kapag nagagalit sila sa kanilang mga mahal sa buhay – na ang isang tao ay kumbinasyon ng magaganda at masasamang ugali. Kung talagang mahal mo ang isang tao dapat tanggapin mo ang katotohanang iyon, ang katotohang hindi sila perperkto, na walang perpektong tao.

Nang matapos magdasal ay naupo sa tabi ko ang aking asawa. Yumakap  siya sa akin at umiyak. Noon ko muling naramdaman na mahal na mahal ko si Vicky. Noon ko napagisip-isip na  ayaw ko palang mawala siya sa akin. Noon ko napagtanto kung gaano kalaki ang kasalanan ang nagawa ko sa kanya. At noon ko rin naramdaman ang matinding pagsisisi.

Sana sinundan ko na lang ang asawa ko nang  lumabas siya kagabi. Kung hindi ko man siya sinundan, sana nanatili na lang ako sa bahay at hinintay ko ang kanyang pagbabalik. Sana hindi ako pumayag na sumama sa bahay ni Marjorie. Napakaraming “sana” ang pumasok sa isip ko. Pero wala na, magsisi man ako ay huli na. Nangyari na ang hindi dapat mangyari.

Hinimas ko ang tiyan ni Vicky. “Nabanggit sa akin ni Marjorie na buntis ang bestfriend niya.”

Ngumiti si Vicky. “Iyon ang sinasabi ko kagabi sa iyo na parang binalewala mo kaya ako nagtampo. Iyon sana ang magandang balitang sasabihin ko sa iyo kagabi, na sa wakas mabibigyan na rin kita ng anak, na sa wakas kumpleto na ang pamilya natin.”

 Para akong pinagsakluban ng langit at lupa sa narinig kong iyon. Gusto kong sumigaw. Gusto kong iumpog ang ulo ko sa pader.

“Sorry mommy. Kasalanan ko ang lahat ng ito. Bakit ko ba nagawa iyon?”

            “Hindi dad, ako ang dapat sisihin sa nangyari. Kung hindi sana ako umalis ay baka hindi nangyari ito.” Ang sagot sa akin ni Vicky.

  “Kung sana’y hindi ko binalewala ang magandang balita mo sa akin eh hindi tayo nag-away at hindi ka siguradong umalis.”

Hindi na sumagot si Vicky. Hinawakan na lamang niya ang aking pisngi. Sa pisil niyang marahan ay naramdaman ko ang unawa at pagpapatawad. Ganoon madalas ang ginagawa ng asawa ko kapag tinatapos nito ang pagtatampo sa akin. Hahawakan niya ako sa pisngi at marahan niya itong pipisilin.

“Kahapon ko lang ng umaga nakumpirma sa doktor na buntis ako. Isang buwan na. Ang saya-saya dahil magkakaanak na tayo. Sasaya na ang bahay natin. Kaya lang ay parang sa loob na ng kulungan ako manganganak.” Iyon ang mangiyak-ngiyak na sinabi ni Vicky.

Posible ang sinabi ni Vicky. Iyon ang problemang susunod naming kakaharapin.

Nagdaan  ang ilang oras, natapos na ang operasyon ni Marjorie. Nakita naming dinala siya sa recovery room. Maya-maya pa’y nagsidating na ang mga diumano’y kamag-anak ni Marjorie, may kasamang mga pulis.

Nag-alaala ako kung ano ang mangyayari kapag nagising si Marjorie at malaman nila kung ano ang nangyari. Dali-dali kong inilabas ng hospital si Vicky. Umuwi kami sa aming bahay.

Lumipas ang buong maghapon. Tahimik lamang kami ni Vicky sa bahay, nag-aabang kung ano ang susunod na mangyayari. Inaasahan na namin na may pulis na darating upang imbitahan kami sa presinto o arestuhin ang asawa ko. Napag-usapan namin ni Vicky na hindi siya magtatago. Papanagutan niya ang ginawa kay Marjorie.

Pinagplanuhan na namin ang lahat. Kukuha kami ng abugado at ihahanda namin ang kanyang pangpiyansa.

Subalit dalawang araw ang lumipas ay walang mga pulis ang dumating. Maaring nahihirapan ang mga pulis na hanapin ang tinitirhan namin. Kinabahan rin kaming mag-asawa na baka may nangyaring hindi maganda kay Marjorie.

“Dad, hindi ko na kaya. Hindi ako matahimik. Gusto ko nang kusang sumuko sa pulis.”

Nagulat ako sa sinabing iyon ni Vicky.

“Sigurado ka ba diyan sa gagawin mo?”

“Oo dad, pumunta tayo ng presinto, pero gusto ko munang dalawin si Marjorie sa hospital. Bahala na. Gusto kong humingi ng tawad sa bestfriend ko.”

 Matapos kong pag-isipan ang mga sinabi ni Vicky ay pinagbigyan ko ang kanyang kahilingan. Bumalik kami sa hospital na pinagdalhan namin kay Marjorie. Pagkatapos niyon ay pupunta kami sa pinakamalapit na presinto.

*********

Sa hospital ay nasabi sa amin ng isang nurse na nagkamalay na si Marjorie at nakakapagsalita na. Nakahinga kaming mag-asawa ng maluwag sa balitang iyon. Mga dalawang   araw pa daw bago siya lumabas.

Pagkatapos niyon ay lakas-loob naming tinungo ang  kuwarto ni Marjorie.

Nang malapit na kami ay para akong kinabahan. Parang ayaw kong tumuloy sa kuwarto ni Marjorie. Para kasing may mangyayaring hindi maganda.

“Mommy, uwi na tayo, huwag na tayong tumuloy.” Ang sabi ko sa aking asawa.

“Nandito na tayo dad. Para rin ito sa katahimikan ng isip ko, kaylangang matapos na ito.”

Pagbukas namin  ng pinto ay may apat na taong nandoon, dalawang babae at dalawang pulis na kumakausap kay Marjorie. Gustuhin ko man ay hindi ko na puwedeng itakbo palabas si Vicky.

Napatingin silang lahat sa amin, pati si Marjorie.

Inaasahan ko na na galit na sasabihin kaagad ni Marjorie sa mga pulis na si Vicky ang may kagagawan niyon sa kanya. Pero…

“Tuloy kayo.” Ang nakangiting paanyaya ni Marjorie sa amin. Nagulat ako. Maging si Vicky ay man hindi makapaniwala. Taliwas iyon sa aming inaasahan.

“Mamang pulis, silang mag-asawa ang nagdala sa akin dito sa hospital. Sila iyong sinasabi ko sa inyong bisita ko nang madulas ako sa kusina at aksidenteng nadapaan ko ang kutsilyong hawak ko. Mabuti na lang nandoon sila. Kung hindi, malamang  ay  patay na ako ngayon.”

Nagaatubili man ay lumapit si Vicky kay Marjorie. Nagyakapan at nagiyakan ang magkaybigan.

“Sige miss.” Ang sabi ng isang pulis.

“Hindi na kami magtatagal. Sinisigurado lang naman naming na walang foul play sa nangyari sa iyo.” Pagkasabi niyon ay lumabas na ang dalawang pulis.

“Mam, lalabas din po kami, may aasikasuhin kaming mga papeles.”

 Mga kasambahay pala ni Marjorie ang dalawang babae. Lumabas din ang mga ito.

Naupo kami ni Vicky sa tabi ni Marjorie.

“Bakit mo ako kaylangang pagtakpan sa mga pulis. Grabe ang kasalanan na nagawa ko sa iyo. Pinagtangkaan ko ang iyong buhay.” Ang wika ni Vicky kay Marjorie sabay hawak sa kamay ng huli.

“Gaga ka ba bes. Ipapahamak ba naman kita. Tama na ang drama. Kalimutan na natin iyon. Kahit ano ang sabihin mo, kahit ano ang mangyari, ikaw ang bestfriend ko. Mahal na mahal kita. Alam mo iyon ‘di ba?

At nagsimulang magiyakan ang dalawa.

“At saka malaki rin ang kasalan na nagawa namin ni Alfred sa iyo. Kaya patawarin mo rin sana kami bes.”

Nagyakapan ang dalawa.

Nagpasiya akong lumabas ng kuwarto at hayaan silang magkausap.

Nagtungo ako sa chapel ng hospital. Umusal ng panalangin…humingi ng tawad…nagpasalamat na ligtas si Marjorie…nagpasalamat na hindi makukulong si Vicky… nagpasalama na magkakaroon na kami ng anak.

– W  A  K  A  S  –

TATSULOK (1)

(1st of 3 Parts)

triangle

Pinihit ko ang doorknob. Hindi ko maitulak pabukas ang pinto ng aming kuwarto, mabigat. Nakasandal doon si Vicky, kapag bubuksan ko ang pinto’y itutulak nito pasara . Impit man ang iyak ng aking asawa’y naririnig ko mula sa salas sa dahilang sakmal na ng katahimikan ang paligid. Halos hatinggabi na kasi noon at ang tanging maririnig ay ang manaka-nakang pagtahol ng aso sa labas at ang ugong ng trycycle na naghahatid-sundo ng mga trabahador sa isang pabrika malapit sa amin.

Muli kong pinihit ang doorknob at dahan-dahan ko itong binuksan subalit hindi ko pa ito masyadong naiaawang ay  itinulak nanaman niya pasara kasabay ang isang malakas na bulyaw.

“Lumayas ka rito, wala kang kuwentang tao, demonyo ka!”

Tiyak kong narinig ng aming mga kapitbahay ang kalabog ng pinto at sigaw na iyon ni Vicky. Maliban na lang kung natutulog na sila. Halos dikit-dikit kasi ang mga kabahayan sa lugar namin. Nahihiya  ako sa dahilang alam nilang isa akong guro. May mga estudyante pa naman akong   nakatira malapit sa amin.

“Buksan mo ito, mag-usap tayo ng maayos,” ang pakiusap ko sa aking asawa. “At please lang, huwag ka namang sumigaw o, nakakahiya sa mga kapitbahay natin.”

“Wala akong pakialaman sa kanila, umalis ka na rito, wala na tayong dapat pagusapan pa. How dare you say na nakakahiya  samantalang ikaw itong  nagsisisigaw kanina.”

Hindi na ako nagpumilit pumasok. Batid  ko kung paano magalit si Vicky at alam ko rin kung papaano ako mainis. Tiyak na lalala ang away namin. Minabuti kong bumalik na lamang sa salas. Doon tumambad sa aking paningin ang mga kalat sa sahig dahilan upang manumbalik sa aking ala-ala ang nangyari sa nakaraan mga sandali.

Alas-nuwebe na ng maka-uwi ako galing sa pinagtuturuan kong kolehiyo, pang-gabi kasi ang klase ko kapag MWF.

Mababaw lang dahilan ng hindi namin pagkakaintidihan ng gabing iyon – medyas. Ubod kasi ng sinop ang aking asawa at ayaw na ayaw nitong nakakakita ng kalat lalo na kung bagong linis ang bahay. Pero hindi ko naman sinasadyang lumampas pala ang mga medyas  ko sa lagayan ng maduming damit nang ihagis ko doon ang aking pinagbihisan. At hindi nga nalingat sa pansin ni Vicky  ang mga medyas na nagkalat sa sahig.

“Ano  nanaman  bang  kalat  ito, kalilinis ko lang ah. Pulutin mo nga!” Halatang inis ang aking kabiyak.

“Sige, mamaya na lang, maghain ka muna’t gutom na gutom na ako.”

“Bahala ka, kapag hindi mo pinulot iyan, hindi kita ipaghahain.”

Sa narinig kong iyon ay  gusto kong mainis, subalit may maikli pang pisi akong nahila sa aking pasensya. At para wala ng diskusyon, pinulot ko na ang medyas at inihagis sa dapat kalagyan.

“Ganyan… that’s my boy! Susunod ka din pala eh…”  Patuyang sabi ni Vicky sabay bukas  ng gas stove upang  iinit ang aming pagkain.

Ang pagod at gutom ko’y nahaluan pa ng kaunting inis. Pinili kong manahimik na lamang dahil ayaw ko ng away.

Nang makapaghain siya’y tinawag ako upang kumain. Sa lamesa ay wala akong kibo, hindi dahil sa inis. Wala na sa isip ko ang nangyari ilang minuto lang ang nakalipas. Sa nagmamahalan ay maliit na bagay lamang iyon. Pagod lamang ako kaya ganoon. Iniisip ko rin ang mga patong-patong na gawain sa iskul.

May sinabi si Vicky. Naulinigan ko ang ilang bahagin ng sinabi niya pero wala roon ang aking atensyon.

“Hoy! Ano ba! Salita ako ng salita, hindi mo ako pinapansin.”

“Ha, eh…” bigla akong naalimpungatan. “Pasensiya na… may iniisip kasi ako. Ano nga iyon? Doktor, ba kamo? Galing ka ba sa doktor, may sakit ka ba?

“Wala, kalimutan mo na iyon, basta naman tungkol sa akin ay…”

“Mommy, please, huwag mo nang ituloy.” Hindi ko hinayaang matapos pa ni Vicky ang gusto niyang sabihin. “Sorry na, medyo lumilipad lang ng kaunti ang isip ko kanina.”

Walang akong narinig na tugon mula sa aking asawa, nakatitig lamang ito sa kanyang pinggan.

At parang nag-asal bata  si Vicky. Malumanay na pinapalo-palo  ang kanyang pinggan ng hawak na kutsara. Walang tigil niyang ginagawa iyon, paulit-ulit.

Pinilit kong huwag na lamang siyang pansinin. Patuloy lang ako sa pagkain.

Maya-maya pa’y nagsimula akong mairita sa ginagawa nito. Nakiusap akong iyon ay kanyang tigilan. “Mommy , kain ka na, sorry na. Pagod lang ako kaya’t parang lutang ang isip ko.” Habang sinasabi ko iyon ay masuyo kong hinahaplos  ang pisngi niya.

Walang epekto. Patuloy pa rin siya sa ginagawa. Sadya nga yatang nang-iinis.

At ganoon na nga ang nangyari. Napundi na ako.

“Ayaw mo ba talagang tumigil, ha!” Pasigaw kong sabi sabay hawak sa kanyang kamay. Pilit kong  inagaw ang kutsara. Napahigpit  yata ang hawak ko sa kanyang kamay. Pinalo niya ng tinidor ang aking kamay.

Nasaktan ako. Mabilis ang aking naging reaksyon. Hinila ko siya papunta sa aming upuan sa sala at doo’y patulak ko siyang  iniupo. Nagdidilim na ang paningin ko noon, hindi na ako makapagisip ng malinaw. Nasaktan marahil  sa pagkakasadlak ko sa kanya sa upuan, sinipa ako ni Vicky sa aking hita dahilan upang sa unang pagkakataon ay masampal ko siya. Galit na galit na ako noon, parang gusto kong muli siyang sampalin. Mabuti na lamang at ako’y nakapagpigil at ang napagbalingan ko ng galit ay ang chessboard na nakapatong sa aming lamesita . Inihampas ko iyon ng buong lakas sa aming sahig kasabay ang isang malakas na sigaw, “Sobra ka na!”. Nagkalasog-lasog ang chessboard at nagsalimbayan kung saan-saan ang mga piyesa sa loob nito. Napatayo ang asawa ko at dali-daling pumasok sa aming kuwarto.

Gigil na gigil ako, gusto kong muling sumigaw, gusto kong magwala, gusto kong sundan sa loob ng kuwarto si Vicky at komprontahin. Napatunayan ko sa pagkakataong iyon na may dulo pala  ang pisi ng aking pasensiya.

Mga ilang minuto lang at unti-unti napawi ang nagaalimpuyong galit sa aking dibdib. Gumapang muli ang katinuan sa nalalabuan kong pag-iisip. Noon ko napagisip-isip ang mga nangyari, ang mga nagawa ko.

Gusto ko ngang magpaliwanag kay Vicky, humingi ng patawad kaya ko siya sinundan sa kuwarto. Pero ayaw niya akong pakinggan.

Naupo ako’t nag-isip. Pinagmasdan ko ang paligid. Wala na, sira na ang chessboard na regalo ng mga estudyante ko noong nakaraan kaarawan ko. Wasak ito at ang ilang mga piyesa ng chess ay nagkasira-sira. Nakakahinayang din na nagkaroon ng lamat ang malaking salamin sa salas. Regalo pa naman iyon noong ikinasal kami ni Vicky. Tinamaan siguro iyon ng isang piyesa ng chess.

Naisip kong hindi pala ako mabuting tao. Sinaktan ko si Vicky. Isang bagay na ipinangako ko sa sarili kong kaylan man ay hinding-hindi ko gagawin. Nangako akong hindi ko tutularan ang aking ama na nakita kong minsan na sinampal ang aking nanay – pangakong nasira ng gabing iyon. Namamana ba ang pananankit sa asawa?

Hindi pala totoo ang madalas nilang sabihin na ako’y isang ulirang asawa. Wala nga akong bisyo. Wala rin sa bokubularyo ko ang alak at babae. Hindi rin ako mahilig sa barkada. Ganoon pa man,  wala pa rin akong kuwentang asawa. Sinaktan ko si Vicky, nanakit ako ng babaeng walang kalaban-laban.

Alam kong mali na napagbuhatan ko siya ng kamay. Parang nasagad lang kasi ako. Sa limang taon naming pagsasama labis ang kabaitang ipinakita ko sa kanya. Wala na siyang masasabi pa. Aywan ko lang pero iyong ang pananaw ko. Wala nga akong masamang bisyo. Ni kusing walang bawas na ibinibigay ko sa kanya ang aking suweldo. Pagkagaling ko sa trabaho diretso ako kaagad ng bahay. Tinutulungan ko din naman siya sa mga gawaing-bahay kahit papaano. Wala akong nalalaman na puwede niyang isumbat sa akin.

Hindi ko na alam kung paano  magiging maganda ang aming pagsasama. Nakapagtataka na sa loob na isang linggo ay dalawa hanggang tatlong beses kaming mag-away at kadalasang mababaw lamang ang dahilan. Minsan sa panonood ng TV, ang gusto ko ay basketball, siya naman ay ang mga tele-serye. Kapag inilipat ko kahit sandali upang silipin lang ang score ay nagagalit kaagad ito. Makalimutan ko lang na isara ang pinto ng banyo, nakasigaw agad ito. At nang gabing iyon, hindi ko lang napansin na may sinasabi pala siya, ganoon ng ang nangyari. Adjustment period pa rin ba itong matatawag o talagang malabo kaming magkasundo.

Ang  opinyon ng ibang tao ay kaya kami madalas mag-away ay dahil  wala pa kaming anak. Sinadya naming magkontrol sa unang tatlong taon ng pagsasama namin. Noong gusto na namin ay hindi naman kami palarin na magkaroon ganoong ayon sa aming doktor ay pareho namin kaming walang diperensiya . Pero hindi ako naniniwala na iyon ang dahilan. Talagang napakarami naming incompatibilities.

Matagal akong nakatayo sa harap ng salamin. Hindi ko alintana ang ngalay. Tinitignan ko ang sarili kong repleksyon sa salamin. Parang kinakausap ko ito. Tinatanong ko kung ano na ang mangyayari, ano na ang dapat kong gawin.  Naroong sumagi  sa isip kong lumabas at maglibang na lamang. Naisipan ko ring layasan na lamang si Vicky o hamunin siya ng hiwalayan. Tutal, hindi din naman kami magkasundo. Ano ba ang saysay ng pagsasama namin kung lagi na lamang kaming nagbabangayan.

Ilang minuto pa ang lumipas. Bumukas ang pintuan  ng aming kuwarto. Mula doo’y humahangos na lumabas  ang aking asawa, may bitbit na malaking bag at dali-daling lumabas ng bahay at padabog na isinara ang pintuan.

Tila naunahan niya ako sa binabalak kong gawin.

Hindi ko pinigilan si Vicky, sinilip ko lamang siya mula sa bintana. Pinara nito ang dumaang tricycle at doo’y sumakay.  Hindi ko maintindihan ang aking damdamin sa pagkakataong iyon. Parang nagsisisi ako na hindi ko siya pinigilan ngunit parang may bahagi rin ng pagkatao ko na nagagalak na umalis siya.

Iyon ang unang pagkakataong nagalsa-balutan si Vicky. Napagisip-isip kong baka lumaki ang ulo nito’t isipin na pipigilan ko pala siya sa ganoong pagkakataon at sa tuwing magaaway kami ay gagawin niyang panakot ang paglalayas. Kaya’t tama lamang na hindi ko siya pinigilan.

At pagod na rin akong maghabol, pagod na akong manuyo. Tuwing mayroon kaming hindi pagkakaintindihan, ako man o hindi ang may pagkukulang, ako ang nauunang sumusuko para lang matapos na ang aming gusot. Ayaw ko kasing nakikitang malungkot siya at nagdaramdam. Bukod doon, ayaw ko ring may mabigat akong dalahin sa isip o damdamin kapag humaharap ako sa mga estudyante sa klase. Naaapektuhan kasi ang performance ko sa trabaho.

Nawala na sa pandinig ko ang ugong ng makina ng tricycle na sinakyan ni Vicky. Mula sa harap  ng  salamin  ay sumadlak ako sa sahig.  Isinandal ko ang aking ulo sa pader at napatingin ako sa kisame. Pumikit ako at muling nag-isip. Muling pumasok sa isip ko ang makipag-hiwalay na lamang sa aking asawa. Maraming beses ko siyang inuunawa, lagi na lamang ako ang nagpapaubaya. Pakiramdam ko’y wala ng mangyayaring maganda sa pagsasama namin. Mas madalas kaming mag-away kaysa maglambingan. Sabagay, baka iyon din naman ang gusto na niyang mangyari kaya siya nag-alsa balutan.

Pumasok ako sa aming silid upang magbihis. Nagpasiya akong lumabas upang makapag- isip nang mas malinaw – hindi upang sundan ang naglayas kong asawa. At kahit gusto ko siyang sundan ay hindi ko alam kung saan siya nagpunta.

**********

Habang nakasakay ako sa jeep, inisip ko kung saan maaaring tumuloy si Vicky. Tiyak na hindi sa mga biyenan ko o sa mga kapatid niya. Alam niyang kasundong-kasundo ko ang mga miyembro ng pamilya niya. Alam niyang katulad sa  mga naging tampuhan namin noon na ako  ang kakampihan ng mga magulang niya’t kapatid at siya nanaman ang pagagalitan. May kutob akong ang pinuntahan niya ay ang kumare naming si Maribel. Kung doon siya nagpunta eh sigurado magtetext o tatawag sa akin iyon. Kung hindi man eh baka doon siya nagpunta kina  Marjorie, ang bestfriend niya na isang OFW. Hindi ko na maalaala kung ano ang apelyido ni Marjorie – Concepcion ba o Contreras. Kamakaylan nga pala ay nabanggit ni Vicky sa akin  na magbabaksyon sa Pilipinas si Marjorie.

Kahit minsan ay hindi ko pa nakita ng personal si Marjorie, sa mga larawan lang,  at matagal-tagal na rin iyon, hindi ko na nga masyadong matandaan ang mukha nito. Madalas siyang ikuwento sa akin ng asawa ko, higit pa raw sa magkapatid ang kanilang turingan. Siya sana   ang   bridesmaid   ni   Vicky   noong   kami   ay   ikasal,  kaya lang biglaan ang pagalis nito papunta sa bansang pinagtatrabahuhan.

Bumaba ako ng jeep. Naisip kong puntahan sinoman sa mga kaybigan ko subalit nahihiya akong abalahin ang kanilang  pamamahinga sa ganoong oras. Naghanap ako ng internet café. Sarado lahat. Pasado alas-dose na kasi ng hating-gabi. Sa isang videoke bar na lamang ako nagpasyang pumasok.

Kaunti lang ang kustomer ng gabing iyon, isang linggo pa kasi bago ang sahod. Sa isang lamesa sa may sulok malapit sa pinto ako naupo. Dali-daling lumapit sa akin ang isang waiter  at umorder ako ng tatlong bote ng beer  at kalahating fried chicken.

Sa pagkakatanda ko eh iyon pa lamang ang pangatlo o pangapat na beses kong pagpasok sa ganoong lugar. Hindi ko kasi nakasanayan ang barkada at pag-inom. Bukod doon, ano ba ang napapala ng mga  lasenggo? Iinom ng pagkadami-dami tapos kinabukasan ay  makakaranas ng hang-over, magsusuka at sasakit ang ulo. Pagkaminsan naman, sa sobrang kalasingan, ay nakakagawa ng mga masamang desisyon na saka pagsisihan matapos lumipas ang epekto ng alak. Minsan ay magiging makulit tapos ay  mapapaaway at maaaring kung hindi ospital ay kulungan o sementeryo ang hahantungan.

Kung hindi lang dahil sa nangyari sa bahay ay malabong mapadpad ako sa lugar na iyon.

Nangangalahati na ako sa pangalawang bote ng lapitan ako ng isang babae. Mahirap sabihin kung isa siyang GRO o customer ding katulad ko. Pero hindi naman siguro pupunta sa ganoong lugar ang isang babae kung walang kasama. Mas malamang na GRO siya.

May kadiliman man sa   napuwestuhan ko’y naaninag ko ang ganda ng hugis ng mukha at hubog ng katawan ng babae. Parang pamilyar ang mukha niya. Hindi ko lang maala-ala kung saan ko siya nakita. Napaisip tuloy ako na baka dati ko siyang estudyante. Huwag naman sana.

“Puwede bang makipagkuwentuhan?”

Iyon ang bungad niyang tanong. Tumayo ako’t kumuha ng kanyang mauupuan.

“Wow naman , gentleman ha,” sabi nito sabay haplos sa aking pisngi.

Napakalambot ng palad niya. Napakabango niya.

“Salamat! Ako nga pala si ah… M.

Hindi ko malaman kung letrang M ba ang narinig ko o may kasama bang E sa unahan ang letrang M. O baka naman bukod sa E eh may H pang kasama iyong M.

“Letrang M lang ba o may kasamang E o E-H?”

“Bahala ka na kung alin. M… o Em… o Ehm… pare-pareho lang. Magkakasingtunog lang naman. Puwedeng M na lang as in maganda, o puwede rin namang M as in maharot. Puwede ring M as in masarrapppp.

Nangiti ako sa sinabi niyang iyon.

“Ayon, mas guwapo ka pala kapag nguminigiti. Kanina pa kasi kita pinagmamasdan mula sa kinauupuan ko. Napakesersyoso mo. Teka… ikaw, may pangalan ka ba?”

“Alfred.”

“Ah… Alfred. Parang may kilala akong Alfred.”

“Malamang. Maraming may pangalang Alfred.”

“Sabagay. Tama ka.”

Hinawakan ni M  ang aking kamay. Nadako ang kamay niya sa suot kong wedding ring.

“Uy, married ang mama ha.” Kantiyaw niya habang pinaikotikot ang aking singsing.

Let me guess  kung bakit ka nandito. Nag-away kayo ng asawa mo! Right? Come on, don’t deny!”

Isang matipid na ngiti lamang ang itinugon ko kay M.

“Hay salamat, ako lang pala ang kaylangan para mangiti ka palagi. Alam mo, ilan lang naman ang dahilan kung bakit ang mga married men ay pumapasok sa ganitong lugar. Una, bisyo. Eh di ka naman mukhang lasenggo. Pangalawa, babae. Wala naman sa itsura mo na babaero ka. Tingin ko naman di ka manyakis. Aywan ko lang ha. Pangatlo, problema sa asawa. Iyan ang hindi mo maikakaila. Para ka kasing pinagsakluban ng langit at lupa.”

“Oo nga eh,” ang sagot ko. “Gusto ko lang talagang magpalipas ng oras kaya ako nandito. Kung may bukas lang sana na internet café o sinehan, mas pipiliin kong doon pumunta.”

“So, mahilig ka ring mag-computer. Mahilig rin akong mag-chat at gumamit ng social media. I-add mo ako sa FB mo ha.”

Tumango na lang ako. Hindi ko naman magagawa iyon dahil hindi naman niya ibinigay ang buo niyang pangalan.

“Mabuti na lang pala at sarado ang mga computer shops ano. Hindi sana tayo nagkakilala. By the way, ano nga palang trabaho mo?

Teacher ako sa isang kolehiyo. I.T. subjects ang itinuturo ko.

“Wow naman.”  muli niyang hinaplos ang mukha ko.  Kaysarap damhin ng kamay niya. Nakakaginhawa sa pakiramdam.

“Puedeng magpa-tutor sa computer? Gusto ko matutong guwama ng videos. Balak ko kasing mag-vlog. Gusto ko ring maging YouTuber.”

Tinanguan ko lamang siya. Para kasing hindi naman siya seryoso sa mga sinasabi.

By the way, kustomer din ako dito. Siguro kanina inisip mo nagtatrabaho ako rito   ano? Pero sa club din ako nagtatrabaho, sa Japan nga lang. Dancer  ako doon. Isa akong Japayuki. Kararating ko lang noong isang araw. Pero siguro mga dalawang linggo o hanggang isang buwan lang ako dito sa atin dahil babalik din agad ako sa Japan.  May mahalagang-mahalaga lang akong dapat gawin dito.”

Pinapakinggan ko lang si M. Napakaganda ng hugis ng kanyang labi, Kaygandang pagmasdan ng bibig niya habang siya’y nagsasalita at kapag siya ay ngumingiti.

Part 2

ISANG ORAS

busy

May humintong sasakyan sa tapat namin. Nang madinig kong parang may bumubukas ng gate ay sumilip ako sa bintana. Dumating na si papa. Pinatay ko muna ang TV, tumayo ako mula sa kinauupuan ko upang salubungin siya. Bandang alas-dos ng hapon noon. May sinat ako kaya ako umabsent.

“Nandiyan na ba ang kapatid mo?” ang bungad ni papa pagkabukas na pagkabukas ko ng pintuan.

Nabigla ako. Pulang-pula kasi ang mukha ni papa at mukhang seryosong-seryoso. Nagsasalimbayan ang mga kunot sa kanyang noo. Umiling na lamang ako bilang kasagutan. Nagatubili tuloy akong abutin ang kanyang kamay upang magmano katulad ng nakagawian namin ng bunso kong kapatid na si Athena tuwing si papa’y dumarating.

“Ano ba ang ginawa ni Athena at kaylangan ko pang magpunta sa principal’s office bukas? Ang dagdag na tanong ni papa habang ito’y naglalakad papunta sa sala. “Sabi ni Teddy na wala namang meeting ah.”

Iyon pala ang dahilan kung bakit wala sa mood si papa. Napaisip tuloy ako kung ano nga ba ang ginawa ni Athena at  bakit pinapapunta si papa sa school.

“Hindi ba’t mahigpit kong bilin sa inyo na ayaw na ayaw kong maaabala dahil sa mga walang kapararakang bagay?”

Naupo na si papa at tinanggal ang kanyang kurbata. Naupo rin ako sa tabi niya.

“Mahalaga ang oras sa akin.”

Nakinig na lamang ako kay papa. Wala kasi akong maisagot sa kanya. Ako man ay wala ring nalalaman kung ano ang ginawa ng kapatid ko sa school. Wala namang sinabi sa akin ang adviser nila nang magkita kami kahapon. Tuwing hapon kasi ay sinusundo ko ang aking kapatid sa kanilang classroom para sabay kaming umuwi.

Ano nga kaya ang nangyari? Siguro seryoso dahil  kinakaylangan pang papuntahin si papa doon. May sinaktang kayang kaklase si Athena? Imposible. Hindi naman salbahe ang kapatid ko. Masayahin nga siya’t malambing. Malabo namang sinagot-sagot niya ang sinoman sa kanyang mga guro. Hindi mangyayari iyon. Napakabait na bata ni Athena. Lalong hindi naman siguro siya nangumit ng ano mang gamit ng mga kaklase niya o nagnakaw ng pera. Binibigyan kami ni papa ng pera araw-araw bukod pa sa puwede kaming kumuha ng kahit anong pagkain at prutas na nasa lamesa at refrigerator.

Ang napansin ko lang nitong mga huling araw eh parang matamlay at malungkot si Athena.

“Christian!”

“Po?!”

“Pakisabi nga kay ate Flora  na tawagan ang school principal ninyo. Pakitanong kamo kung puwedeng ngayon na lang ako magpunta doon. Hindi ako puwede bukas, may mahalaga pala akong meeting na hindi maaaring hindi ko puntahan.”

“Ah papa, nagpunta po sa palengke si tita Flora. Ako na lang po ang tatawag.”

Tinanguan lamang ako ni papa. Ayaw pa rin siyang tantanan ng mga kunot sa kanyang noo. Parang naka-drawing na iyon doon.

Dalawang bagay lang kung bakit ayaw na ayaw ni papa na magpunta ng school kung ang dahilan eh may kapalpakang ginawa ako o si Athena. Una , isang lawyer si papa at maganda ang reputasyon niya sa komunidad. Pangalawa, napakahalaga ng oras para sa kanya. Ayaw niyang aksayahin ang oras sa mga bagay na walang katuturan. Napakadami niya kasing kliyente. Ang dami niyang hawak na kaso.

Kapag darating nga siya ng bahay matapos kaming magmano sa kanya ay hahalikan laman niya kami at didiretso na siya sa kuwarto o sa kanyang library. Kapag kami’y bumangon na sa umaga ay wala na siya. Ang mag-aasikaso sa amin ay si tita Flora, ang matandang dalagang pinsan ni mama. Ang naghahatid-sundo naman sa amin ay si kuya Teddy, ang driver-bodyguard ni papa. Pagkahatid niya kay papa sa opisina ay babalik siya sa bahay upang ihatid  naman kami sa school.

Matagal na kasing patay si mama, tatlong taong gulang lang daw ako noon. Namatay siya pagkapanganak kay Athena.

Sabi ni tita Flora na napakasakit para kay papa ng pagkamatay ng aming ina. Kaya kung masipag na siya dati sa trabaho ay dumoble pa ang sipag nito. Isinubsob daw ni papa sa kanyang trabaho ang kanyang sarili. Sa eksaktong salita ni tita Flora eh parang naging “therapy” daw para kay papa ang trabaho. Hindi ko naiintidihan kung ano ibig sabihin ng sinabing iyon ni tita Flora.


Parang ayaw na daw ulit pang mag-asawa ni papa. Iyong ang sabi ni tita Flora sa amin kaya nga Grade 6 na ako at ang kapatid ko ay Grade 2 na eh wala kaming nakikitang idine-date si papa.

Mabuti na lang at hindi kami iniwan ni tita Flora mula nang maulila kami sa ina. Siya na ang nagsilbing nanay… at tatay namin. Si papa ay napakadalang kaming kausapin. Minsan habang pumapasok siya ng bahay at saan man siya maglagi  dito eh may nakasalpak pa na telepono sa kanyang tenga. Sa kasabikan ko siguro sa kanya ay minsan napapanaginipan ko na natutulog siya sa aking tabi. Minsan kapag inaabutan namin siya  sa lamesa eh kung hindi cellphone ang hawak niya eh diyaryo.

“Papa, pwede ba tayo mag-usap?” ang tanong ni Athena minsan.

“Naku anak, pasensiya na ha… nagmamadali ang papa. May nagpa-schedule sa aking makipagusap mamayang alas-diyes. Sayang iyon anak, isang libo sa isang oras ang ibinabayad sa akin kapag may consultation.”

Matapos kaming halikan ni papa eh nagmamadali siyang umalis, kasunod si kuya Teddy.

“Hayaan mo Athena, mamayang gabi pagdating ni papa mo eh sabihin kong bigyan ka ng oras para makapag-usap kayo.” ang pangako ni tita Flora kay Athena.

“Ang mahal pala ng bayad nila kay papa kung gusto nila siyang kausapin, one thousand pesos per hour” ang sabi ng bunso kong kapatid.

“Ganoon talaga kapag sikat na ang abogado, nagiging mahal ang bahay kapag kakausapin mo sila o kukunsulta ka.” ang sagot naman ni tita Flora.

At mula noon halos tuwing umaga ay tinatanong ni Athena si tita Flora kung pumayag si papa na kausapin siya at ang laging sagot ay, “Pasensya na Athena, sobrang dami ng appointments ng papa mo.”

Ganoon ka-busy ang papa kaya kahit sa mga parents’ meetings eh si kuya Teddy  ang madalas dumalo. Akala nga ng ibang mga kaklase namin ni Athena na siya ang tatay namin.

“O Christian, ano ang sinabi ng principal?”

“Okay daw po, bago lang daw sana mag alas-kuwatro eh makarating daw kayo doon. Ang kakausap daw po sa inyo ah iyong adviser ni Athena at ang guidance counselor.” ang sagot ko kay papa.

“Sige. Magu-UBER na lang ulit ako. Pakisabi kay Teddy na pagkahatid niya dito kay Athena ay puntahan niya ako doon sa school at didiretso pa kami sa isang appointment ko mamayang gabi.”

“Opo pa.”

“Pakisabi rin kay ate Flora na huwag munang patulugin si Athena hangang hindi pa ako dumarating. Ano mang problema ang ginawa niya eh dapat ipaliwanag niya sa akin ng mabuti mamaya. Mapapalo ko yata ang kapatid mo sa unang pagkakataon.”

Lumabas ng bahay si papa nang tumigil sa harapan ng bahay ang tinawagan niyang UBER.

Lagot si Athena nito. Namamalo talaga ang papa. Ilang beses na rin niya akong pinadapa at pinalo sa puwit gamit ang tsinelas  dahil sa aking kalikutan at kakulitan

Pagkatapos nun ay laging ipinapaliwanag sa akin ni tita Flora kung bakit ako pinalo. Pero noong Grade 3 pa yata ako huling napalo ni papa.

Ano nga kaya ang nangyari? Kay hirap talagang isipin na may kalokohang gagawin si Athena. Baka naman “cutting classes” lang. Baka matapos ang breaktime eh naglaro silang magkakaibigan at late silang bumalik sa klase.

*****

Dumating si Athena labing-limang minuto pagkaalis ni papa. Matamlay ito. Maaring pagod o may dinaramdam. Matapos akong halikan sa pisngi  ay dumiretso ito sa kanyang kuwarto.

Maya-maya’y dumating na rin si tita Flora.

“Christian, dumating na ba si Athena?”

“Opo tita! Nasa kwarto. Para pong may dinaramdam si bunso.”

“Ganoon ba! Bakit kaya? Baka lalagnatin. Baka nahawa mo. Teka ipagtimpla ko ng juice tapos puntahan natin sa kuwarto niya ha.”

Habang inihahanda ng tita Flora ang mga dadalhin sa kuwarto ni Athena ay sinabi ko sa kanya ang mga nangyari habang nasa palengke siya.

“Christian, sigurado ako, ano man ang dahilan at pinapunta sa school ang papa mo eh hindi dahil may ginawang kalokohan o may sinaktan ang kapatid mo. Tingin ko may ibang dahilan.”

“O baka naman tita eh may nangbu-bully pala kay Athena ah.”

Ready na itong juice at mga prutas, tara na sa kuwarto ng kapatid mo.”

*****

Nakaawang ang pintuan ng kwarto ni Athena nang pinuntahan namin ito. Dahan-dahan kaming pumasok. Nakahiga ang kapatid ko. Nakasuot pambahay na.

“O tita…kuya! Wow juice… and my favorite fruits.”

“Anak kumusta ka? May masakit ba sa iyo?”

“Tita wala naman po. Napagod lang ako sa P.E. namin. Tinuruan kasi kaming sumayaw.”

Nakahinga ako ng maluwag nang sabihin iyon ng kapatid ko.

Sumandal sa ulunan ng kama si Athena at sinimulang kainin ang mga prutas.

“Ah, Athena. Kumusta naman sa school. Meron ka bang gustong sabihin sa amin? Ang tanong ni Aling Flora.

“Ha? Eh… wala naman po. Wala naman pong problema sa school. Everything is okay.”

“Athena, baka may nambu-bully sa iyo doon ha. Sabihin mo lang sa akin,” ang wika ko.

“Hay naku kuya, paanong may mangbu-bully sa akin sa school eh alam nilang attorney si papa at may malaki at matabang grade 6 pa akong kuya.”

“Heto naman, ipinangalandakan pa iyong mataba.”

“Ay… sorry kuya. Chubby pala,” ang natatawang sabi ni Athena.

“Pero anak napansin ko lang na matamlay ka nitong mga nakaraang  araw. May problema ba?”

Hindi agad makasagot si Athena.

“May gusto ka bang sabihin bunso?” ang tanong ko.

“Wa… wala naman kuya. Nami-miss ko lang si papa. Gusto ko siyang kausapin. May gusto akong sabihin. May gusto akong itanong.  Kaya lang lagi naman siyang busy.”

Naiintindihan ko ang nararamdaman ni Athena. Ako man ay gustong-gusto kong kausapin si papa minsan kaya lang parang wala na siyang panahon para sa amin.

“Kuya, pahingi naman one hundred o… please!”

“Oh bakit, aanhin mo pera?” ang tanong ko.

“Basta kuya bigyan mo na ako one hundred. Sige utang na lang. Ibabalik ko rin sa iyo. Sige na please.”

“Sandali. Kuhanin ko lang ang wallet ko sa kuwarto.”

“Huwag na Christian,” ani tita Flora.

Dumukot sa bulsa niya si tita Flora.

Nangiti si Athena nang tanggapin ang perang bigay ng tita Flora. Bumangon siya mula sa kama at kinuha ang kanyang bag. Inilabas niya ang ilan pang dadaanin at binilang.

“Hayan… sa wakas nakumpleto ko na ang perang kaylangan ko.”

Tuwang-tuwan inilagay ni Athena ang mga dadaanin sa bulsa ng kanyang suot na shorts.

“Tita ilalabas ko na lang po ito meryenda ko. Manonood po ako ng TV.

“O sige na bunso ako na lang ang bibitbit nito,” ang sabi ko kay Athena.

“Ay ang bait naman ng kuya ko. Thank you po!”

*****

Magaalas-otso na nang dumating sina papa at kuya Teddy. Kasalukuyang kumakain na kami ng hapunan.

Dire-diretso sa refiregerator si papa. Hindi pinansin ang pagbati namin sa kanya. Para lamang kaming mga estatwang dinaanan niya. Si kuya Teddy naman ay naupo upang sumalo sa amin.

Dala ang isang baso ng malamig na tubig eh umupo si papa sa tabi ni Athena.

“Athena bakit mo ginawa iyon?” ang tanong ni papa.

“Ang… ang alin po papa?”

Mabilis na tinungo ni tita Flora ang kinauupuan ni Athena. Tumayo siya sa likod nito  at hinawakan ang kapatid ko sa kanyang mga balikat.

“Kinausap ako ng guidance counselor at adviser ninyo. Bakit sa palagay mo ako pinapunta doon at kinausap.”

“Papa… let me explain,” ang wika ng bunso kong kapatid.

“Bakit ka nangutang ng pera sa mga kaklase mo? Bakit mo ginawa iyon Athena?  Nakakahiya!”

Napayuko na lamang si Athena.

Sorry po papa. Babayaran ko po naman sila unti-unti mula sa baon na binibigay ninyo sa akin.”

“Eh bakit kaylangan mong mangutang, binibigyan ko naman kayo ng pera araw-araw at nagbabaon pa kayo ng pagkain. Sana sinabi mo sa akin na kaylangan mo para binigyan na lang kita. Hindi iyong nangungutang ka. Nakakahiya.”

Nagsimula ng manggilid ang luha sa mga mata ni Athena. Tumakbo siya sa sala. Naupo at doon ay tahimik na umiiyak.

Sumunod kaming lahat kay Athena sa sala. Naupo sa tabi niya si tita Flora. Naupo rin kami ni papa sa magkahiwalay na upuan. Nakatayo lang si kuya Teddy.

“Bunso saan mo ba kasi gagamitin ang perang iyon?” ang tanong ni tita Flora.

Habang dumadaloy ang mga tahimik na luha sa pisngi ni Athena ay sinabi nito, “Para po kay papa.”

“Ha!? Para sa akin? ang gulat na bulalas ni papa.

Natahimik kaming lahat.

Tumayo si Athena mula sa kanyang kinauupuan at lumapit siya kay papa.

Mula sa bulsa ng shorts  ay dinukot ang mga dadaaning inilagay niya doon.

“Papa heto po ang pera. Bayad ko po. Isang libo iyan para sa isang oras ninyo.” Ang sabi ni Athena matapos ilagay sa kamay ni papa ang pera.

Hindi nakakibo si papa. Kitang-kita ko sa mukha niya ang pagtataka.

“Gusto ko po kasi kayong makausap ng kahit isang oras lang. Makakwentuhan. Mayakap. Mahalikan.”

Sa punto iyon ay napayuko si papa.

“Mahal po kasi ang bayad ninyo bawat oras kaya isang oras lang po ang kaya kong bayaran. Pero okay na po sa akin ang isang oras na kasama kayo. Okay na sa akin iyon.”

Umiiling-iling si papa.

“Inipon ko po ang five hundred last week mula sa baon ko.  Iyon pong four hundred ay inutang ko sa mga classmates ko at one hundred naman po ang bigay ni tita Flora.”

Hindi ko napigilang lumuha.

Aywan ko kung bakit sina tita Flora at kuya Teddy ay iniwan kami’t bumalik sila sa kainan.

“Kaylan ko po kayo puwedeng makausap papa? Hayan bayad na po ako. Ngayon na po ba? Kuya puwede bang orasan mo ang paguusap namin ni papa?”

“ENOUGH! I am so sorry Athena.” Niyakap ni papa si Athena nang mahigpit at sa pagitan ng mga hagulgol niya ay paulit-ulit niyang sinabi ang sorry.

“Papa, galit ka ba sa akin dahil namatay si mama matapos akong ipanganak?”

“Ha? Anak, kahit kaylan hindi ako nakaramdam ng ano mang galit sa iyo dahil doon.”

“Talaga po papa?”

Lalong humigpit ang yakap ni papa kay Athena at parang batang humagulgol.

“Anak, maniwala ka sa akin. Hindi ako galit sa iyo. Mahal na mahal kita… kayong magkapatid… mahal na mahal ko kayo.”

Tumingin sa akin si papa at sumenyas na lapitan ko sila.

Lumapit ako’t ikinulong ko sila ni Athena sa aking mga bisig.

“Christian…Athena… hindi lang ninyo alam pero tuwing gabi kapag kayo’y tulog na tulog na eh halinhinang pinupuntahan kayo ng papa ninyo sa inyong kuwarto.” Ang sabi ni tita Flora.

“Talaga po papa? Tuwing gabi eh nasa kuwarto namin kayo?” ang tanong ni Athena.

Tumango si papa sabay halik sa pisngi ni Athena.

Ang akala ko ay nanaginip lang ako kapag nakikita ko si papa sa aking kuwarto sa tuwing ako’y naaalimpungatan. Totoo palang nandoon siya.

“Sorry Athena… Christian. Hayaan ninyo, simula ngayon, isang oras bago kayo matulog  eh dito muna tayo sa sala o kaya sa garden. Mag-bonding tayo. Babawi ako sa iyo.”

“Promise iyan papa ha,” ang wika ni Athena.

Tumango-tango si papa at pagkatapos ay halinhinan siyang humalik sa amin ng bunso kong kapatid.

“Balik na kayo dito, tapusin na natin ang pagkain.” Si tita Flora iyon.

– W A K A S –

%d bloggers like this: