Tungkol Sa Aking Pagsusulat
Madalas akong tanungin kung bakit ako nagsusulat. Bakit nga ba? Libangan ko lang talaga ito. Ako’y nagsisikap na maging mahusay na manunulat ngunit aaminin kong marami pa akong bigas na kakainin (matapos ko siyempreng isaing). Wala po akong ilusyon (Wala nga ba?) na maging tanyag sa larangang ito. Kahit na nga ba madalas kong sabihin sa mga estudyante ko sa “Literature” na pangarap kong mapagwagian ang “Nobel prize in Literature.” Biro ko lamang iyon. Sa “Palanca” nga hindi ako manalo-nalo eh sa “Nobel” pa kaya. Ilang beses na rin akong nagsumite ng entries sa “Palanca” pero nganga. Titigilan ko na ba? Siyempre hindi. Gusto ko lang talagang magsulat at masaya ako kapag ginagawa ko ito. At heto pa, medyo malalaki-laki na rin ang kinita ko sa pagusulat. Nalilibang na ako eh kumikita pa. Pero ang mga sinulat ko sa English ang binabayaran, lalo na kapag gumagawa ako (o tumutulong na gumawa) ng “research.” Medyo malaki ang tinatanggap kong bayad kaya sulit.
Kinaloob ng Panginoon na gawing daluyan ng biyaya Niya sa akin ang pagsusulat at kung kaloobin rin ng Panginoon na makilala ako sa larangan ng pagsusulat eh bakit naman hindi. At kung kaloobin niyang balang araw eh manalo rin ako sa “Palanca” eh ‘di wow. Malay mo eh masungkit ko rin ang “Nobel Prize in Literature.” Eh di dalawang wow na. Wow na wow! Si Bob Dylan nga na isang song writer (composer) at hindi talaga regular na writer ng mainstream prose and poetry at fiction ay nanalo. (Sabagay, ang kanta naman kasi ay tula kaya si Bob Dylan, isang musician, pero technically ay isa ring poet.) Pero mismong siya ay nagulat nang mapanalunan niya ang presitihyosong premyo at noong una ay ayaw nga niya itong tanggapin. Siya daw ay nanalo “for having created new poetic expressions within the great American song tradition.”
At ako, eh ano bang “something new” at kakaiba sa mga sinusulat ko na baka ituring na “new poetic expression.” Heto… TINULANG JOKES. Meron na bang mga makata at manunulat noon na gumagawa ng jokes nang patula? Malay mo ako ang nauna. Malay mo mapansin ito ng National Commission for Culture and the Arts at i-nominate nila akong maging National Artist dahil dito. Tama ka, nananaginip ako ng gising. In other words, nahihibang.
May mga TULA, MAIKLING KWENTO, MAIKLING NOBELA at SANAYSAY akong sinulat. May mga nasulat na rin akong mga DULA. May mga sinusulat rin ako tungkol sa mga karanasan ko dito sa South Korea. Tinipon ko ang mga naturan sa KUWENTONG KIMCHI (BUHAY OFW).
Dula ang entry ko nang sa unang pagkakataon ay sumali ako sa Palanca. Ang pamagat ng naturang dula ay “K-Drama.” Resulta? Nasabi ko na kanina – nganga. Hindi ako pinalad na manalo. Mula noong 2014 ay sumasali ako sa Palanca. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sinisikatan ng suwerte. Pero hindi ako marunong madala. Kaya taon-taon na sasali ako…hangga’t kaya ko pang pumindot sa keyboard ng aking laptop. Pero mula nang nagka-pandemya ay huminto muna ang Palanca sa kanilang patimpalak.
Ang mga akda ko ay simple lang. Patuloy akong nagsisikap upang mapagbuti ko ang pagsusulat. At ang paglikha ko ng website/blogsite na ito ay isang simpleng paglilibang lang. Nais ko lamang na maging produktibo. Ilan sa mga essays sa English na sinulat ko ay ginawan kong video essays. Naka-upload ang mga ito sa aking YouTube channel. Tama po, vlogger din ako at heto ang link patungo sa aking YouTube channel. Napakadami ko kasing libreng oras dito sa South Korea at bukod sa pagsusulat ay naghanap ako ng iba pang mapaglilibangan. At heto nga, ang paglikha ng sarili kong website/blogsite na siyang paglalagakan ko na aking mga sinulat at mga susulatin pa. Sayang at napakadaming mga sinulat ko noon na nangawala na kaya’t dito sa site na ito ay titiyakin ko na lahat ng aking mga likha ay mapi-preserve ko ang aking mga akda. Ang dahilan naman kung bakit ako ay nagdesisyon na mag-vlog ay upang isulong ko ang aking advocacy for self-improvement. Sa mga Pinoy ay hindi po popular na content ang self-improvement pero gusto ko lang talagang tumulong na ma-raise ang awareness ng mga kababayan natin sa kahalagahan ng self-improvement upang ma-achieve nila ang kanilang full-potential bilang isang tao.
Napakalaking challenge sa akin ang bumuo ng website/blogsite at YouTube channel dahil hindi naman talaga ko techie. Pero ano ba ang hindi puwedeng matutunan kung gusto mo talaga itong pag-aralan? At iyon ang ginaw ko – pinagaralan ko ang dapat kong malamam at matutuhan sa paglikha ng website at mga videos. Paunti-unti ay natututo ako.
Maraming salamat po at sana’y may makita kayo dito na magugustuhan ninyong basahin. Nais ko rin pong mabasa ang inyong mga komento upang malaman ko kung paano ko mas mapagbubuti ang pagsusulat. At kung may panahon ay dalawin sana ninyo ang aking YouTube channel.
Posted on February 22, 2021, in Creative Writing, Dula, Maikling Kuwento, Maikling Nobela, Malikhaing Pagsulat, Tula and tagged Creative writing, Dula, Maikling Nobela, Makiling Kuwento, Malikhaing Pagsulat, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0