Category Archives: Short Story
Reunion (6)
(Last of 6 parts)

Alam ng asawa ko na magkikita-kita kaming magkakaybigan. Nagluto daw siya ng hapunan. Yayain ko daw ang tropa na doon kumain.
“Aba’y ayos na ayos iyan.” Ang wika ni Jay nang sabihin kong nag-iimbinta si misis na doon kami maghapunan sa bahay. “Para na rin ma-meet namin ang iyong pamilya.”
“Okay.” Ang sabi ko. “Oh dito na lang tayo sa jeep ko sumakay ha. Mukhang delikado para sa inyo Jay… Chris ang mag-drive. Ihahatid ko na lang kayo dito pabalik mamaya. Malapit lang naman itong lugar na ito sa amin.”
Pumayag ang dalawa. Si Mario naman, dahil mukhang hindi nalasing, eh hinayaan kong dalhin niya ang kanyang sasakyan. Para na rin daw hindi na ako maabalang ihatid sila pabalik doon pagkatapos naming kumain. Nang isauli ko ang case ng beer sa tindahan ay inihabilin ko sa may-ari ang sasakyan nina Chris at Jay. Kaylangan lang daw na balikan nila ang mga iyon bago maghating-gabi bago sila magsasara.
At binagtas namin ang daan papunta sa aking bahay. Nakabuntot sa amin si Mario. Sina Chris at Jay ay mukhang naidlip habang kami’y bumibihaye. Wala pang 20 minutes ay nakarating kami sa bahay.
Bukas na ang aming gate nang dumating kami. Nagsibaba kami ni Jay at Chris ng jeep at hinintay namin si Mario maka-park ng maayos bago kami pumasok sa aming bakuran.
“Mon, may van ka pala ah.” Ang wika ni Chirs.
“Kay misis yan, gamit niya sa negosyo.”
“Aba ‘tol, maganda pala ang bahay mo ha.” Ani Jay.
“Oo nga, up-and-down. At malawak ang bakuran mo ah. Akala ko naman eh heto pa rin iyong lumang bahay na pinupuntahan namin noong nasa high school pa tayo.” Dugtong ni Mario.
“Naku, simpleng bahay lang iyan. Pinabaklas ko iyong lumang bahay namin noon tapos kapag maganda ang ani ng palay at gulay namin eh unti-unti naming pinapagawa ni misis.”
Bumukas ang pintuan ng aming bahay.
“Tuloy po kayo.”
Si Maxene ang nagbukas ng pinto. Nagmano siya’t humalik sa aking pisngi.
“Mga ‘tol… si Maxene. Bunso naming anak.”
Nagmano sa kanilang tatlo ang aking anak.
“May dalaga ka palang anak ‘tol.”
“Oo, grade 12 na ‘yan. Next year magka-college na. Nasaan ang mama mo hija?”
“Nandoon po sila ni kuya Marco sa kubo sa likod. Inihahanda po iyong pagkain.”
“Tara mga ‘tol. Diretso tayo sa likod.”
“Ang ganda naman ng interior ng bahay mo Mon.” Wika ni Chris.
“Kapatid ko ang nagdisenyo nito. Graduate siya ng Fine Arts.”
“At saka Mon.” Ang bulong sa akin ni Mario. ‘Kumpleto kayo sa gamit ha.”
“Misis ko nagpundar ng mga iyan ‘tol. Maganda kasi kita ng maliit niyang grocery sa palengke.”
“May desktop computer ka pala dito Mon. O… may laptop pa dito at isang tablet. Bakit ‘di mo pag-aralang gamitin ang mga ito?” Ani Chris.
“Mga anak ko at si misis ang gumagamit ng mga niyan… hindi ako makasingit.”
Nang makarating kami sa kubo sa likuran ng bahay namin ay nakahanda na ang pagkain. Lubog na araw noon at medyo dumidilim na kaya bukas na ang ilaw.
“Wow. Birthday mo ba Mon. Ang daming pagkain nito ah… adobong baboy at manok, pritong bangus… itlog na maalat… chop suey…” Ani Jay.
“Naku misis, pasensiya na sa abala.” Ang Sabi ni Mario
“Hindi naman po. Huwag ninyong alalahanin iyon.” Ang sagot ng aking kabiyak.
“Ah, siyanga nga pala mga ‘tol. My one and only… Eliza.”
Humalik sa pisngi ko ang aking asawa at nagmano naman sa akin at sa mga kaybigan ko aking anak na si Marco.
“Ang ganda pala ng misis mo ‘tol.” Ang sabi ni Mario.
“Oo nga.” Ang halos sabay na pag-sang ayon nina Chris at Jay.
“Hindi naman po. Naku Mon… katulad mo palang bolero itong mga kaybigan mo.” Wika ng aking kabiyak.”
“Ma… ang mayayaman at sikat kong mga kaklase… si Jay, si Chris, at si Mario.”
“Mayaman… baka mayabang kamo…” Ani Jay.
“Siya nga pala ang panganay kong anak… si Marco. Gagraduate na siya next year.”
“Anong course ang kinukuha mo Marco?” Ang tanong ni Chris.
“Chemical Engineering po.”
“Mon, pag-graduate nitong si Marco eh kontakin mo ako. Kayang-kaya kong ipasok ito ng trabaho sa Saudi.”
“Ay sige po… sana nga po.” Ang bulalas ni Marco.
Bago kami nagsimulang kumain ay naganyaya ang aking kabiyak na kami muna ay manalangin at magpasalamat sa Panginoon. Mukhang nasorpresa ang mga kaybigan ko. Para silang atubiling nag-antanda bago magdasal.
Ganoon ang asawa ko, iminulat sa akin at sa aming mga anak ang pagdarasal… ang pananalig sa Maykapal. Kaming mag-anak ay nagsisimba tuwing Linggo.
Matapos ang dasal ay naghain ng kanin si Maxene. May katahimikang dumatal sa kubo matapos ang panalanging iyon. Napansin kong halinhinang tinititigan ng mga kaybigan ko ang aking mag-anak.
“Hayan… may dumaang anghel.” Ang wika ko upang basagin ang katahimikang iyon.
“Okay, dahil ako ang pinakamahiyain sa grupo, eh ako na ang unang sasandok ng ulam.” Wika ni Chris.
“Misis… mga bata… sumabay na po kayo sa amin.” Ang paanyaya ni Jay.
“Sige po… mamaya na po kami.” ang halos magkasabay na tugon ng dalawa kong anak.
Naupo sa tabi ko ang aking maybahay at sa likuran namin ang aming dalawang anak. Habang ako’y kumakain eh masuyong hinahagod ni Maxene ang aking likuran.
“Tatay, hindi po ba sumasakit ang likod ninyo.” Ang tanong ni Maxene.
“Hindi naman hija. Okay lang ako.”
Nakita ko kung paano tumitig sa aming mag-anak ang tatlo habang sila’y kumakain. Hindi ko alam kung ano ang kanilang iniisip pero nababanaag ko sa mga ngiting matipid na namumutawi sa kanilang labi at sa banayad nilang pagtango na parang nasisiyahan sila sa kanilang nakikita. Ganoon ang reaksyon ng mga guro ko noon kapag may tanong sila at tama ang sagot na ibinibigay ko.
Natapos ang aming hapunan. Tulong-tulong sa pagliligpit ang aking mag-anak. Nagsipasok sila sa loob ng bahay. Iniwan kami ng mga kaybigan ko sa kubo.
“Maxene, pakitimpla mo nga ang mga tito mo ng kape… sa akin eh green tea.”
Tahimik ang mga kaybigan ko matapos ang aming kainan. Kahit nang nagkakape na sila eh ganoon pa rin. Hindi ko alam kung bakit. Marahil epekto ng mga ininom namin. O kaya ay pagod na sila. Halos anim na oras na kasi kaming magkakasama. Dumating sa puntong parang sabay-sabay silang tumitig sa akin.
“O… mga ‘tol. Bakit? May uling ba ako sa mukha?” Ang tanong ko.
Nangiti si Jay. “I am so happy for you.” Ang sabi niya.
“O bakit naman?”
“Basta, ‘tol. Just keep it up.”
Naiintindihan ko ang ibig sabihin ni Jay.
“Nasimplehan mo kami Mon ah. Maganda pala bahay mo… at may maganda ka palang sasakyan” Ani Chris.
“Naku, masuwerte lang ako at masinop si misis. Magaling mag-budget kaya nakaipon kami para sa unti-unting pagpapagawa ng bahay.”
“Ganyan naman si Mon mula noon. Hindi pala-kuwento. Laging nakikinig lang iyan sa mga sinasabi natin.” Wika ni Mario.
“Bakit kasi ang mga babaeng nakikilala ko eh puro reject. Sa kama lang magaling. May kapatid bang babae ang misis mo ‘tol? Ipakilala mo nga ako.”
“Naku Chris. Meron… pero ayaw ko silang mapariwara ang buhay.”
“Grabe ka naman ‘tol.”
“Gusto kong mainggit sa iyo Mon.” Ani Mario. “Siguro kung hindi ako nag-abroad eh buo pa pamilya ko ngayon.”
“Eh hindi ka yumaman ng ganyan kung dito ka lang nagtrabaho sa Pilipinas.”
Panandalian nanaman kaming natahimik.
“Chris, ano ba ang naging kapalit ng pagyaman ko? Ano ang silbi ng pera ko?”
Tinignan ko si Chris. Mukhang biglang naging seryoso.
“Aywan ko, hindi ko rin alam. Ayaw kong mag-isip.” Ang sagot ni Chris.
“Tama nga Mario ano. Ano nga ba talaga ang tunay na halaga ng pera? Ano ang halaga ng mga natapos ko, ng mataas na posisyon ko… kung ganito namang parang may taning na ang buhay ko. Ano nga ba talaga ang mahalaga?”
“Hay naku Jay. Masasamang damo tayo. Gagaling ka. Mabubuhay tayo nga matagal. Basta sa ating apat eh bawal ang mamatay.”
Muling tumahimik ang kubo matapos sabihin iyon ni Chris. Akong muli ang bumasag sa katahimikang iyon.
“Teka… teka… tama na ang seryosong usapan. Ang mahalaga mga ‘tol ay buhay pa tayo. May pagkakataon tayong ayusin ang dapat ayusin. Habang buhay tayo ay puwede nating pagsikapang matupad ang mga pangarap natin at puwede tayong mangarap ng panibago.”
Tumango-tango si Jay habang si Chris naman eh yumuko.
Lumabas ng kubo si Mario. Lumanghap ng hangin.
“Mon… ihanap mo nga ako ng ibinebentang lupa dito sa malapit sa iyo.” Ani Mario. “Parang iba ang nararamdaman ko ng makita ko itong lugar mo. Parang lumuwag ang dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit.”
“Sige ‘tol. Sa pagkakaalam ko nga eh may ilang magsasaka na gustong magbenta na lupa nila sa may di kalayuan dito.”
“Okay, gusto kong magkaroon ng farm. Sana matulungan mo akong i-develop ito kapag nagkataon.”
“Bakit naman hindi.” Ang sagot ko.
Nang maubos na ang kanilang kape ay nagpaalam na ang mga kaybigan ko. Nagkasundo kaming sa susunod na uwi ni Mario ay magkikita-kita kaming muli. Titiyakin daw ni Jay na buhay pa siya sa muling pagbabalik ni Mario. Nangako naman si Chris na ipapakilala niya sa amin ang babaeng pakakasalan niya.
Mula sa aming terrace ay pinagmamasdan ko ang aking mga kaybigan habang sumasakay sila sa kotse ni Mario. Nakatapat sila sa poste ng ilaw kaya maliwanag. Nakita kong naglabas ng sigarilyo si Jay. Subalit sa halip na ito ay sindihan, ang sigarilyo, pati na ang lighter, ay kanyang itinapon.
– W A K A S –
Reunion (5)
(5th of 6 parts)

“Bakit ba ‘tol, ganyan ang salita mo? Kanina ka pang ganyan.” Ang tanong ko kay Jay.
Yumuko si Jay, bumuntong-hininga. Hinintay namin kung ano ang sasabihin niya. Tahimik lamang kami. Parang kay tagal bago siya muling nagsalita.
“Mga ‘tol. May prostate cancer ako. Stage 1.”
Napailing si Chris sa narinig. Si Mario nama’y umakbay kay Jay. Medyo hindi na ako nagulat sa rebelasyong iyon. Parang nahulaan ko na may problemang ganoon si Jay dahil dalawang beses na siyang may ipanapahaging tungkol sa kalagayan ng kanyang kalusugan.
“Kaya nga Mario nang makita ko sa post mo sa Facebook na magbabakasyon ka, tapos tamang-tama naman na nagkita kami ni Mon eh hiniling ko sa inyo na magkita-kita tayo. Baka kasi… baka kasi…”
Hindi na naituloy ni Jay ang sasabihin niya. Nagsimula nang tumulo ang kanyang mga luha.
“Eh hindi pala si Mario ang pinakamadrama sa atin… ikaw pala Jay. Hindi pa katapusan ng mundo ano… may lunas ‘yan.”
Gusto ko sanang soplahin si Chris pero may katwiran siya. Nakakapanlata na malamang ganoon ang kalagayan ni Jay. Pero wala siyang choice kundi lumaban.
“Natatakot ako kasi prostate cancer din ang ikinamatay ng aking ama. Tila namana ko ito sa kanya.”
Nakinig lang kami sa mga sinasabi ni Jay. Hinayaan naming ilabas niya ang kanyang mga saloobin. Sina Mario at Chris ay nagsabi rin na may mga iniinda na rin daw sila sa katawan. Pareho silang high blood at may problema sa bato ang dalawa kaya marami na ring iniinom na gamot. Sinabi ni Chris na kapag hindi natunaw ng gamot ang bato niya eh malamang na operahan siya.
Ang isang bagay na ipinagpapasalamat ko sa Panginoon eh wala akong sakit na kaylangang nang ikunsulta sa doktor at inuman ng gamot. Kapag namamasada kasi ako mula noon pa ay may tinututukan akong programa sa radio tungkol sa kalusugan at sinusunod ko lahat ng mga payong naririnig ko doon. Paminsan-minsan lang na kumikirot ang tuhod ko at likuran pagkatapos ng mga gawain ko sa bukid.
“Hayaan mo ‘tol. Sasamahan kita doon sa kilala kong magaling na urologist sa St. Luke’s. Gagawan natin ng paraan iyan. Tutulungan kita.” Ani Mario.
“Sige…sige… para sa paggaling ni Jay… CHEERS!”
“Thank you Chris. Thank you mga ‘tol. Medyo lumuwag ang aking pakiramdam nang nasabi ko na kung ano ang kalagayan ko. Kayo pa lang ang nakakaalam tungkol sa kalagayan kong ito.”
“Ibig mo sabihin, hindi pa alam ng asawa mo’t mga anak ang nangyari sa iyo.”
“Mon… binata pa si Jay.” Wika ni Mario.
Marami akong hindi alam tungkol sa mga kaybigan ko. Siguro kung konektado ako sa kanila sa mga social media eh updated rin ako tungkol sa mga nangyayari sa kanila.
“Jay… kaya mo iyan. Kayanin mo! Alam ko kung gaano ka katibay. Dapat magaling ka na sa susunod na uwi ni Mario kapag nagkita-kita tayo ulit.” Wika ni Chris habang nagbubukas siyang muli ng mga bote ng beer.
“Mamaya na ako Chris. Hindi pa ubos itong sa akin.”
“Naku naman Mon… mandadaya ka nanaman.
Nagtawanan silang tatlo. Pero tanggap nila ang kahinaan ko sa pag-inom at hindi nila ako pinipilit. Ang palaging nangyayari noon sa inuman namin ay makatig-tatlo na sila bago ko palang maubos ang unang bote ko. At alam nilang hindi ako puwedeng uminom ng hard.
“Lalakarin natin iyang problema mo Jay next week. Aayusin ko lang muna iyong kasong isinampa ko laban sa aking asawa.”
Natuon ang atensyon namin kay Mario sa sinabi niyang iyon.
“Oo mga ‘tol. Nag-file ako ng kasong adultery laban sa aking asawa 3 years ago. Sometime next week na ang promulgation of judgment. Makukulong ang lintik na babaeng iyon at ang kanyang kalaguyo.”
Ipinaliwanag sa amin ni Mario ang buong pangyayari. Kasosyo daw nila sa negosyo ang lalaking umahas sa kanya. Sampung taon na daw pala halos na nagtataksil sa kanya ang kanyang asawa bago niya ito nadiskubre. Isang common friend nilang mag-asawa sa Facebook ang nagmalasakit na sabihin ang nalalaman niya tungkol sa katraydurang ginagawa ng kanyang asawa.
“May anak ba kayo? Ano ang sabi ng mga bata?” Ang tanong ni Jay.
“Galit sila sa kanilang ina. Wala daw silang pakiaalam kung makukulong siya. Dalawang lalaki ang naging anak namin. Pareho nang graduate ng college at pareho rin silang engineer. Kasama ko na silang nagtatrabaho sa Saudi. Hinayr rin sila ng mga employers ko doon.”
Naging sobrang seryoso na ang kinalabasan ng kuwentuhan namin. Natuon na sa pamilya. Hindi na rin bago sa pandinig ko ang nangyari kay Mario at sa kanyang asawa. Iyon talaga ang ang isa sa mga risks kapag isa sa mag-asawa ay magiging OFW. Mas magiging maganda ang kinabukasan ng pamilya kapag nakakapagtrabaho ang ama o ang ina. Ang problema ay kung ang umalis, o ang iniwan, ay hindi mapaglalabanan ang tukso.
“Siyanga pala Mon… Chris… may pamilya ba kayo?”
Tumango ako. Magkukuwento na sana ako tungkol sa aking pamilya pero naunahan ako ni Chris.
“May dalawa akong anak… pero wala akong asawa. O… bakit parang hindi man lang kayo nagulat.
“Hay naku Chris, hindi na nakakagulat iyang sinabi mo.” Ani Jay. “ Alam na naming malikot ka sa aparato.”
“May isa pa ngang babae na humihingi sa akin ng child support. Idedemanda daw niya ako kapag hindi ko sinuportahan iyong bata. Sabi ko ipa-DNA test ko muna ang bata. Patunayan muna niya na ako nga ama ng anak niya.”
“Bahala ka ‘tol. Baka magka-HIV ka niyan. Kung saan-saang kanal ka sumasaksak.”
“Mario… wise ine. Gumagamit ako ng helmet kung hindi ko kilala ang may ari ng butas na papasukan ko.”
“Eh nasaan iyong dalawang bata na kinilala mo na bilang anak?” Ang tanong ni Jay.
“Nasa akin. Ayaw kuhanin ng mga nanay nila. Kaya hayun, inaalagaan ng ka-live in ko ngayon.”
Parang balewala lang kay Chris ang mga ikinuwento niya. Parang okay lang na ganoon kakomplikado ang takbo ng personal na buhay niya. Ayaw kong husgahan ang kaybigan ko pero hindi kaya niya naiisip kung anong uri ng buhay magkakaroon ang dalawang anak niya sa magkaibang babae. At posible pa pala na maging tatlo na. Paano kung mabuntis pa iyong kalive-in niya? Kung nagkataong kapatid ko si Chris eh malamang nabatukan ko.
Hindi na ako nakapagkuwento tungkol sa aking pamilya dahil nasentro na ang usapang sa mga kapilyuhang pinaggagawa ni Chris. Pinagpayuhan namin siyang umayos alang-alang sa kanyang mga anak.
Nagpatuloy ang inuman at kuwentuhan naming magkakaybigan. Bandang ala-sais na ng hapon ng maubos ang beer at alak na dala ni Mario. Medyo parang nalasing sina Jay At Chris. Si Chris kalaunan ay tumahimik, parang naging antukin. Tuwing maghihilik ay sinisiko siya ni Jay para magising. Si Mario nama’y parang wala lang. Mukhang sanay sa inuman. Ako’y naka-3 bote lang ng beer, may kalahati pang natira kaya okay lamang ako. Sa bandang huli ay kami na lamang ni Mario ang nagkukuwentuhan.
Bumaba sina Jay at Chris. Habang si Jay ay umiihi, sumuka naman si Chris. Bumaba ako’t hinagod ko ang likuran ni Chris. Sa pagkataong iyon eh nag-ring ang aking cell phone. Ang asawa ko ang tumawag.
“Excuse me mga ‘tol. Si misis tumatawag.”
“Naku lagot… nagro-roll call na si kumander.” Ani Chris.
Reunion (4)
(4th of 6 parts)

Bumaba si Mario ng kanyang sasakyan. May bitbit na plastic bag. Naka-long sleeve din ito, katulad ni Jay. Wala nga lang kurbata.
“Mga ‘tol. Sa wakas, nagkita-kita rin tayo.” Ang mangiyak-ngiyak na sabi ni Mario habang isa-isa niya kaming niyakap
Anak ng… ‘tol hanggang ngayon. Madrama ka pa rin.” Wika ni Chris
Hindi naman,” ang sabi ni Jay, “Na-miss lang tayo ni Mario.”
Teka, upo nga muna tayo. Wow. Ito pa rin yata iyong mga batong inuupuan natin kapag tumatambay tayo dito noon.” Ang sabi ni Mario.
Binuksan ni Mario ang bitbit niyang plastic bag.
“This is for you Jay. Perfume iyan. Alam kong mahilig ka sa pabango. Mon, heto, ibinili kita ng bagong phone. Galaxy S20 yan. Latest ng Samsung.”
“Naku ‘tol, nakakahiya naman, ang mahal nito ah.”
“Okay lang Mon. Huwag mong alalahanin ‘yan. Sabi kasi sa akin ni Jay nang tawagan ko siya kahapon na mukhang luma na ang gamit mong cell phone.”
Sabay kami ni Jay na yumakap kay Mario at nagpasalamat.
Wow, tamang-tama! Dapat lang talaga na igawa na kita account sa Facebook.” Ani Chris. “Eh hetong akin, ano naman itong laman nito?”
“Viagra iyan.”
Nagtawanan kami sa sinabing iyon ni Mario.
“Hoy, FYI ha, hindi ko kaylangan ng Viagra. Kindatan lang ako ng babae eh nagagalit na ito.”
“Talaga lang ha!” Wika ni Jay. “Baka naman mukha mo na lang ang nagagalit.”
Muli nanaman kaming nagtawanan.
“As if you don’t know me boys.”
“Naku Chris, kilalang-kilala ka namin.” Ani Jay.
“Hindi ‘yan Viagra. Relo ‘yan. G-shock.”
Mukhang totoo nga ang sinabi ni Jay sa amin ni Chris tungkol kay Mario. Maganda nga siguro ang ang naging trabaho niya sa Saudi. Masaya talaga ako para sa aking mga kaybigan. Nagtagumpay sila sa mga larangang kanilang pinili. Natupad nila ang kanilang mga pangarap.
Mahirap talagang hulaan kung ano ang kakahinatnan ng buhay ng tao sa kinabukasan. Mahirap sabihin kung ang ano mangyayari sa mga kaklase mo’t mga kaybigan kapag kayo’y naghiwa-hiwalay na matapos ang high school o college. Walang makakapagsabi kung ang mga pinakamagagaling mong kaklase noon eh sila rin ang magtatamasa ng tagumpay at kasaganaan pagdating ng panahon. Katulad na lamang nina Chris at Mario. Kung tutuusin eh tamad silang mag-aral noon. Bulakbol silang maituturing. Madalas absent sa klase. Si Jay ang pinakamatalino sa aming magkakaybigan at si Mario naman ang pinakamahina pero sa tingin ko sa kanilang tatlo eh siya ang pinakamapera. Pinakamaganda ang kanyang kotse at mantakin mong parang balewale lang sa kanya ang halaga ng mga pasalubong niya sa amin.
“O Mon, baka matunaw ako niyan. Huwag mo ako masyadong pagmasdan.” Ang sabi ni Mario.
“Pinahahanga mo kasi ako ‘tol. You’re amazing.”
“Teka, teka… ayan ha… kumpleto na tayo. Puwede siguro piktyur-piktyur na tayo. Groufie tayo mga ‘tol.” Ani Chris.
Naghalinhinan silang tatlo na kumuha ng pictures ng grupo. Para kaming mga bata na nagkakagulo sa pagpo-pose.
“Hayan, naka-post na sa Facebook ang mga pictures natin.” Sabi ni Jay. “Hayaan mo Mon, makikita mo rin ito mamaya kapag nagawa ko na account mo sa Facebook. O… tingin dito ‘tol. Hayan… heto ang gagamitin kong profile pic. Okay ah… walang kupas… guwapo ka pa rin hanggang ngayon.”
“Teka, gutom na ako ah. Puwede bang magmeryenda muna tayo?” Ani Mario.
“Wait! Hindi ba tayo maglalaro?” Tanong ni Chris.
“Next time na laro. Kain na lang muna tayo.” Mungkahi ni Jay.
“Sabagay, gutom na rin ako.” Wika ni Chris. “Eh Mon, saan ba meron ditong magandang restaurant? Marami ka siguradong alam niyan dahil araw-araw kang namamasada dito.”
“No! Gusto ko ng LTB Chris. At bakit lalayo pa tayo eh hayan na ang lugawan ni mang Isko.”
Itinuro ni Mario ang lugawang madalas naming puntahan noon.
“Wow, ang cheap ha… lugaw, tokwa, baboy.”
“O sige Chris. Maghanap ka ng restaurant na kakainan mo. Tara na Mario… Mon. Kain tayo ng LTB.”
Naglakad si Jay papunta sa lugawan. Sumunod kami ni Mario.
“Hoy, teka, sama ako. Parang masarap nga ang LTB.” Ani Chris.
Solo namin ang lugawan. Nakakalungkot malaman na patay na pala sina nanay Mameng at mang Isko. Mga anak na nila ang nagpapatakbo ng kanilang tindahan at lugawan.
Nagsiupo na silang tatlo habang hinihintay ko ang inorder naming LTB. Pinagmasdan ko ang aking mga kaybigan na masayang nagkukuwentuhan. Sa kanilang tatlo, ang pinakamatandang tignan ay si Jay. Marami na siyang puting buhok. Stressed siguro sa dami ng trabaho at sa pag-aaral niya noon kaya mabilis pumuti ang kanyang mga buhok. Napatingin ako sa salaming nakasabit sa may pintuan ng lugawan. Tinignan ko kung may puting buhok na rin ako. Mukha namang wala pa. Sina Mario at Chris ay mangilan-ngilan lang ang natatanawan kong puti nila sa buhok. Pero si Mario ay medyo mas lumapad na ang noo. Siguro dahil mainit sa Saudi kaya madaling nanlalagas ang kanyang mga buhok.
Tumayo si Chris at nag-selfie. Makulit siyang talaga, kinuhan din niya ako. Napansin kong mas tumangkad pa lalo siya. Si Chris ang laging tumatayong sentro kapag bumubuo ng team ang aming section noong high school. Si Jay ang pinakamaliit sa aming apat pero siya ang pina-gwaping. Mestisuhin siya. Kami naman ni Mario halos mag-kasingtangkad lang.
Self-service sa lugawang iyon kaya ako na ang nagbitbit ng mga inorder namin nang handa na ang mga ito.
“Wow… ngayon lang ulit ako makakatikim nitong LTB.” Ani Mario. “Teka, Mon…lugaw-itlog lang ba ang sa iyo?”
Tumango lamang ako.
“Diet ba?” Ang tanong ni Chris. “Kaya siguro maliit pa rin ang tiyan mo hanggang ngayon. Samantalang ako eh para na akong buntis.”
“Oo nga ano.” Ang sabi naman ni Jay. “At napansin ba ninyo Chris… Mario. Ang lalaki ng mga dibdib at braso ni Mon.”
“Batak kasi ako sa pagda-drive at sa bukid mga ‘tol.”
“Eh ikaw naman Jay. Bakit parang pumayat ka?” Ang tanong ni Mario.
“Ah… eh… Kapupuyat siguro…dami ko kasing paperwork. Mahirap maging school administrator.”
Lugaw lang ang kinain namin pero masayang-masaya kaming magkakaybigan. Umorder pa sila ng isang round ng LTB ako nama’y nagkasya na sa isa. Habang kami’y kumakain eh pinagkuwentuhan namin ang lahat ng mga kalokohang ginawa namin noong kami’y nasa high school. Masaya ang kuwentuhang iyon – tawanan kami’t kantiyawan.
Pagkatapos naming kumain, nagyayang uminom sina Chris at Mario.
“May alam akong videoke bar sa kabilang bayan. Bukas sila from 3:00 PM hanggang madaling araw. Tara, may mga sasakyan naman tayo.” Ani Chris.
“Huwag na doon ‘tol, mahaba ang biyahe, sayang ang oras. Mas maganda kung bumili na lang tayo ng beer diyan sa tindahan at doon sa loob ng jeep ni Mon tayo mag-inuman. Presko na eh unique pa iyong experience.” Ang mungkahi ni Jay.
“Oo nga naman Chris. Huwag na tayong lumayo para tuloy-tuloy ang kuwentuhan.” Ang susog ni Mario.
“Okay…okay… siyempre majority wins. Heto namang si Mon eh hindi boboto. Laging neutral. Sige… sige.. bibili na ako ng beer para masimulan na agad.”
At ayon nga sa mungkahi ni Jay, sa loob ng aking jeep kami nag-inuman. Tama siya, kakaiba nga ang gagawin naming iyon – sa loob ng jeep magiinuman. Si Chris ang bumili ng beer at ako nama’y bumili ng mani at chicharon na pupulutanin. Mabuti na lamang at nilinis ko ang loob ng jeep pagkatapos kong mamasada. Laking tuwa namin nang inilabas din ni Mario mula sa kanyang sasakyan ang baon niyang Chivas Regal at imported na Cheddar. May bitbit din itong isang shot glass.
Isang case ng beer ang kinuha ni Chris.
“O, katulad ng dati walang uuwi hangga’t hindi ubos ito… pati ang Chivas ni Mario. Heto bumili na rin ako ng plastic cup at cubed ice kung gusto ninyo ng malamig. ” Ani Chris habang inaabutan kami ng binuksan niyang bote ng beer.
“Para sa muli nating pagsasama-sama ng mga gwapings… CHEERS!!!” Wika ni Jay.
Sa ganoon nagsimula ang aming inuman at ang pagpapatuloy ng parang hindi matapos-tapos naming kuwentuhan.
“Bakit ba kasi ngayon lang natin naisipang magkita-kita?” Ang tanong ni Mario. “Gawin na nating regular ito. Baka kasi ang mangyari niyan eh after 25 years na naman bago natin ulitin ito. Paano ba gagawin natin… every 2 years, tuwing bakasyon ko? O kahit every 4 years?”
“Huwag 4 years… baka hindi na ako umabot!” Ani Jay.
Bigla kaming tumahimik.
Reunion (3)
(3rd of 6 parts)

Tumayo si Chris. Naginat-inat. Si Jay naman ay nagsinding muli ng sigarilyo. Inalok niya si Chris.
Oh no doc Jay.” Kinuha ang stick ng sigarilyo. “Don’t you know that smoking is dangerous to your health? Tigilan mo na ang paninigarilyo.”
“It’s too late.” Ang sagot ni Jay.
Nagkatinginan kami ni Chris sa narinig naming iyon.
“Seryoso ka ‘tol?” Ang tanong ni Chris.
“Heto naman… joke lang. Ang ibig kong sabihin eh mahihirapan na akong tigilan ito, ”
Hindi ko sigurado kung nagbibiro nga lang si Jay o seryoso siya sa sinabing iyon. Hindi tuloy sinindihan ni Chris ang sigarilyong bigay nito. Inilagay na lamang niya ito sa bulsa ng suot na polo shirt.
Pinagmasdan kong mabuti si Jay. Para ngang payat diys at medyo maputla.
“Okay ka lang ba ‘tol?”
Tango lamang ang isinagot sa akin ni Jay. Magtatanong pa sana ako pero napansin kong parang ayaw ni Jay na pag-usapan ang kalagayan ng kanyang kalusugan.
“Engineer pala si Mario at sa Saudi nakapagtrabaho. Nakita ko sa Facebook niya.”
Oo Chris.” Ang sagot ni Jay. “Napakayaman na niya. Mukhang naka-jackpot siya sa Saudi. Sa isang oil refinery daw siya nagtatrabaho doon. Nandito nga siya sa Pilipinas kaya nang magkita kami nitong si Mon eh naisipan kong magkita-kita tayo. Baka kasi isang buwan lang daw ang bakasyon niya.”
Bumaling sa akin si Chris. “Eh ikaw naman Mon. Bakit hindi kita mahanap sa Facebook? Gumagamit ka siguro na alyas ano?!”
Ngumiti lamang ako.
“Walang hilig sa social media si Mon Chris.” Wika ni Jay. “Hindi katulad mo na adik sa Facebook.”
“Adik pala ha. Ikaw nga itong halos kada dalawang araw yata na nagpapalit ng profile pic.”
“Wow… mukhang stalker pala kita sa Facebook ah.” Ani Jay.
Siyempre naman… kaylangang updated ako sa mga nangyayari sa mga kaybigan. By the way Mon, gusto mo ba magka-Facebook? Puwede kitang igawa ng account.”
“Naku huwag na. Wala namang internet connection sa barangay namin.”
“Puwede naman sa cell phone lang, kapag nag-load ka may data nang kasama iyon. Makapag-Facebook ka na.”
“Hay naku Chris, tantanan mo na si Mon. Hayaan mo kung ayaw niya mag-Facebook.”
“Ibigay mo na lang sa akin ang cell phone number mo Chris para magkakontakan tayo. Nakuha ko na ang kay Jay.”
“O heto.” Binigyan ako ni Chris ng calling card. “Mag-miskol ka para makuha ko number mo. Pero, basta igagawa pa rin kita ng Facebook account. Ise-send ko na lang sa iyo password. Teka, ano nga pala ang e-mail mo.”
“Wala rin akong e-mail. Wala akong Google account.”
“Grabe ha. Napaka-Jurrasic mo pala Mon. Sige ‘tol. Ako na bahala sa lahat.”
“Naku Mon, pagbigyan mo na ang makulit na iyan.”
Tumango na lamang ako. Alam ko kasing hindi rin ako tatantanan ni Chris.
“Teka, maiba ako. Ikaw Jay eh may PhD, si Mario naman eh engineer, at ako naman eh natapos ng IT at may MBA. Ikaw Mon, ano nga pala natapos mo?”
“Bachelor of Science in driving and farming.” Ang sabi ko sabay tawa ng kaunti.
“Ha!?? Meron bang ganun?” Tanong ni Chris.
“Meron… sa university of hard knocks.” Ang sabi naman ni Jay.
Naintidihan ko ang sinabi ni Jay. Alam kong sinakyan niya ang joke ko.
“University of hard knocks!? Saan naman iyon.
Lalong nalito si Chris.
“Tol… maraming bagay tayong natutuhan na sa mga actual experiences natin sa buhay. Iyon ang ibig sabihin ni Jay sa university of hard knocks.”
“Hindi nakapag-college si Mon.” Sabi ni Jay sabay akbay sa akin. “Pero sa pagkakatanda ko eh mas mataas ang mga grades ni Mon kaysa sa inyong dalawa ni Mario. Kita mo ”
“Oo na, sige na. Alam ko magaling kayo mag-English. Kami na ni Mario ang kulelat sa grupo natin.”
“Eh paano, tamad kayong dalawa noon, si Mon lang ang laging kasama ko sa library noon para magbasa at gumawa ng assignment.”
“Stop!” Ang biglang sabi ni Chris. “Alam ko na ang susunod na sasabihin mo ‘tol… na tanging si Mon lang ang hindi kumokopya sa iyo kapag may test tayo noon. Sige, kayo na matalino.”
“Hindi mo nga alam ibig sabihin ng university of hard knocks eh.” Dagdag pa in Jay.
“Oo na nga, kayo na nga matatalino.”
“O… ikaw ang nagsabi niyan ha, hindi ako.” Ang natatawang sagot ni Jay kay Chris.
Nangiti ako sa palitan ng mga kaybigan ko. Gusto ko sanang ipaalaala sa kanilang dalawa na palagi akong nasa top-10 sa klase mula 1st year hanggang 4th year noon at sa aming 4 na magkakaybigan ay pinakamataas ang naging score ko sa NSAT. Kaya lang parang nakakahiyang banggitin ko pa iyon. Pero siguro naman eh hindi pa nila nakakalimutan iyon.
“Pero ‘tol kung sumabay kang kumuha sa amin noon ng scholarship exam sa kapitolyo noon eh nakakatiyak akong makakapasa ka. Heto ngang si Chris eh nakapasa eh ikaw pa.”
“Pasang awa nga lang ako noon eh.” Dagdag ni Chris.
Gusto ko naman talagang mag-aral sa college noon at balak ko talagang kumuha ng scholarship exam para makapag-aral ako sa Maynila noon. Pero mas pinili kong tulungan na lang si ama sa bukid. Pagsasaka kasi ang ikinabubuhay namin at kaylangan noon ni ama ang tulong ko. Nagkakaedad na siya noon at tingin ko eh kaylangan ko siyang alalayan sa mga gawain sa bukid. Tindera ng isda at gulay sa palengke naman ang aming ina. Apat kaming magkakapatid, ako ang panganay at nag-iisang lalaki. Puro babae ang mga kapatid ko. Alam kong hindi kakayanin ng mga magulang ko na sabay-sabay kaming mag-aaral sa kolehiyo. Kaya hinayaan ko na lang ang mga kapatid kong magpatuloy sa pag-aaral. Nakatapos ang dalawa sa kanila. Ang bunso kasi naming kapatid eh nabuntis ng boyfriend na seaman isang taon bago siya sana matapos ng pag-aaral. Pero pinakasalan naman siya at naging maganda ang buhay.
“Ay oo nga pala… Ano hanapbuhay mo niyan Mon?” Ang tanong ni Chris.
“Driver ako ng jeep at may lupa akong sinasaka sa bukid. Minana ko sa aking ama. Ikaw ba?”
“Systems supervisor ako sa isang BPO sa Ortigas. Freelance website developer din ako. Iyang kotse kong iyan eh kinita ko lang iyan sa mga websites na pinagawa at piname-maintain sa akin.”
“Bigtime na si Chris Mon. May 2 condo units na ‘yan sa QC.”
“Mas bigtime ka kaya doc Jay. Sabi ng lady guard ninyo sa akin na singkwenta mil daw ang suweldo mo bilang college dean.”
“Naniwala ka naman?”
“Oo naman. Bukod doon eh lagi ka nagla-live sa Facebook kapag speaker ka sa mga seminars. Tiyak mahal ang bayad sa iyo doon.”
“Wow! Mukhang nga talagang stalker kita sa Facebook ah Chris. Updated na updated ka sa mga activities ko.”
“Halika Mon. Tignan mo ito o, cover ng Facebook ni Jay. Iyan ang maliit niyang bahay kubo.”
Tinignan ko ang ipinapakita ni Chris. Malaki nga at maganda ang bahay ni Jay.
“Hinuhulugan ko pa iyon hanggang ngayon ano.”
Hangang-hanga ako kina Jay at Chris. Masaya akong malaman na malayo na ang kanilang narating. Hindi nasayang ang kanilang pagsisikap.
“Ikaw Mon, saan ka nga pala nakatira?” ang tanong ni Chris.
“Sa dati pa rin.”
“Ha? You mean sa lumang bahay ninyo? Doon sa pinupuntahan namin noon?”
“Oo Chris, doon nga. Bukod sa bukid eh ipinamana din sa akin nga mga namatay naming magulang ang lupa’t bahay na iyon.”
“Mabuti hindi naghabol ang mga kapatid mo.” Ang wika ni Jay.
“Ay oo. Kasi maayos naman ang mga napangasawa nila. May mga sariling lupa’t bahay at maganda ang mga hanapbuhay. Sinusuklian ko naman pero ayaw nilang tanggapin.”
“Ang suwerte mo ah. Iyong iniwang lupa’t bahay ng mga magulang namin eh hanggang ngayon pinag-aawayan pa naming magkakapatid.”
“Chris naman. Hayaan mo na iyon sa mga kapatid mo. Eh ang dami mo ng pera ah at may dalawang condo units ka pa.”
“Naku Jay, mas maraming pera ang dalawang kapatid ko na iyon. Dapat nga na sa akin na lang nila ipaubaya ang bahay at lupang iyon. Magkakademandahan pa nga yata kami dahil doon.”
Hindi na bago sa akin ang sinabi ni Chris na awayan ng magkakapatid dahil sa mga ari-ariang iiwanan ng mga namamatay na magulang. May mga mga magkakadugo pa nga na nagpapatayan dahil sa manang lupa at bahay. Masuwerte nga siguro ako dahil nagparaya sa akin ang mga kapatid ko. Ganun pa man, tuwing umaani ako ng palay o mga gulay eh hindi ko sila nakakalimutang bahaginan.
Naputol ang kuwentuhan nang makita namin may dumarating na isa pang sasakyan – isang itim na Mercedez Benz. Mismong sa harapan namin huminto ang sasakyan. Sa wakas eh dumating na rin si Mario.
Reunion (2)
(2nd of 6 parts)

Laging ganoon, laging kapag may usapang magkikita-kita kaming magkakaybigan eh si Jay ang mauuna sa aming tagpuan. Ako ang papangalawa at sina Cris at Mario ay nagpapalitan sa pangatlo at panghuli. At lagi silang leyt.
Bumaba ako ng jeep at nilapitan ko ang kotse ni Jay. Binuksan nito ang pintuan at pinapasok ako.
Tumingin ako sa aking relo – limang minuto bago mag-alas dos. Hindi ako leyt. Mabango sa loob ng kotse ni Jay. Ang halimuyak ay hindi galing sa isang airfreshener. Iba ang amoy na iyon. Mukhang mamahaling perfume ang gamit ng kaybigan ko samantalang ako eh amoy rubbing alcohol. Naka-long sleeve at kurbata si Jay. Parang galing sa isang meeting o talagang nakasanayan lang niyang magsuot ng ganoon kapag nakikipagkita sa ibang tao.
“Dito muna tayo sa loob ‘tol. Mainit sa labas.” Wika ni Jay. “Ngayon tayo magkakakuwentuhan ng matagal. Kumusta ka naman? Ano ang ginawa mo pagkatapos natin ng high school.”
“Naku ‘tol. Wala akong maiku-kuwento sa iyo dahil dito lang ako namalagi sa bayan natin. Namamasada lang ako ng jeep at nagsasaka. Hindi na ako nakapag-aral.” Nahinto ako saglit sa pagsasalita. Inisip ko kung bakit nga ba hindi ako nakatuntong ng kolehiyo, “I…ikaw na lang kaya muna ang mag-kuwento Jay. Mamaya na ako.”
At nagsimula nang magkuwento si Jay. Education pala ang kinuha nitong kurso at dahil nga masipag mag-aral eh nakapag-MA at PhD pa siya. Matalino naman talaga siya at hindi nakapagtataka na ganoon kataas ang antas ng kanyang pinagaralan. Akalain mong siya pala ang dean ng malaking college sa kabilang bayan na madalas kong pinaghahatidan ng mga estudyante.
May koneksyon pala siya kina Chris at Mario dahil friends daw sila sa Facebook. Matagal na daw nila akong hinahanap sa mga social media platforms pero hindi nila ako makita. Hindi talaga nila ako mahahanap doon dahil wala akong account sa Facebook o saan mang social media. Hindi ko nakahiligan. Feeling ko kasi eh hindi ko naman kaylangan. Pero mahilig akong magbasa ng diyaryo. Bumibili ako ng Philippine Star at Tempo araw-araw. Binabasa ko ang mga ito habang naghihintay akong masalang sa pilahan ng jeep namin. Habang namamasada naman ako eh nakikinig ako ng radio. Sa bahay naman eh nanood ako ng TV. Kaya masasabi kong updated ako. Alam ko ang tungkol sa mga Facebook at YouTube. Nakikita ko ang mga ito kapag ginagamit ng aking mga anak ang computer sa bahay. May mga viral videos din akong napapanood sa TV.
Halos 20 minutos na kaming nagkukuwentuhan eh hindi pa dumarating sina Chris at Mario.
“Ang tagal naman ng dalawang kumag na iyon.”
“Naku sir Jay! Mula naman noon na ang dalawang iyon eh laging late kapag may lakad tayo.”
“Sir ka diyan. Bigla ka namang naging pormal. Jay na lang ‘tol. Ano ka ba… para kang others.”
“Siyempre naman, isa kang doctor at dean pa ng isang kolehiyo. Dapat lang na…”
“O sige, ganito na lang, kapag pumunta ka sa school, tawagin mo akong sir, pero dito eh Jay na lang.”
“Okay dok.”
“Dok naman ngayon, ano ba iyan. Hay naku. Halika nga. Baba muna tayo. Gusto kong mag-yosi.”
Bumaba nga kami ng sasakyan ni Jay at naupo sa malalaking tipak ng bato na nakapaligid sa puno ng acacia. Isa lamang iyon sa ilang puno ng acacia na nakapalibot sa basketball court na madalas na paglaruan naming magkakaybigan noong nag-aaral pa kami sa high school. Ang sari-sari store at ang katabi nitong lugawan malapit sa baskebolan ay nandoon pa rin.
Inalok ako ni Jay ng sigarilyo. Tinangihan ko. Hindi ako natutong manigarilyo.
“Hindi ka pala naninigarilyo.” Wika ni Jay. “Good for you. How I wish na hindi ko natutuhan ito.”
“Ha? Bakit naman?”
Tumingin sa akin si Jay.
“Ah… wala lang… basta.”
Tingin ko eh may gustong sabihin si Jay. Biglang parang nawala ang kanyang sigla. Nagsindi siya ng sigarilyo.
“Jay, mukhang lumang-luma na iyong board oh. Parang malalaglag na. Tapos nakalaylay pa ng kaunti iyong ring.”
“Oo nga, Mukhang hindi na napalitan. Iyan pa rin yata iyong board at ring na ginagamit natin noon kapag dumadayo tayo rito.
“Wari ko nga.”
“Paano, may bagong sports center kasi sa tabi ng munisipyo kaya doon na lang naglalaro ang mga mahilig magbasketbol.”
“At least Mon iyong tindahan ni nanay Mameng at iyong lugawan ni mang Isko ay mukhang umasenso. Tignan mo o… yari na sa konkreto iyong puwesto nila.
“Oo nga ano, hindi ko napansin iyon kanino.” Wika ko. “Dati nga pala eh yari ang mga iyan sa kawayan at pawid.”
Halos araw-araw kong nadadaan ang lugar na iyon kapag pumapasada ako ng jeep pero hindi ko kaylan man napansin na binago ang yari ng tindahan at lugawan na iyon.
“Buhay pa kaya sina nanay Mameng at mang Isko.”
“Mamaya Jay, malalaman natin.”
“Oo nga, kapag naubos itong sigarilyo ko eh kumustahin natin sila. Siyanga pala, naglalaro ka pa ba?”
“Paminsan-minsan, kapag hindi ako namamasada. May basketbolan doon sa barangay namin malapit sa aming bahay. Sumasali ako kapag may liga doon.”
Nang maubos ni Jay ang unang stick ng kanyang sigarilyo ay may nakita kaming paparating na kotse. Huminto ito sa mismong harapan namin at dahang-dahang bumaba ang salamin ng pintuan nito.
“Hello ladies…” si Chris iyon. “Teka mga ‘tol, ipa-park ko lang ng maayos itong wheels ko.”
Ipinarada ni Jay ang mukhang bagong-bagong kotse nito sa tabi ng aking jeep. Nakagitna sa mga kotse nina Jay at Chris ang aking jeep. Parehong Honda Civic ang mga kotse nila, itim ang kay Jay, pula naman ang kay Chris.
Bumaba si Chris. Pareho kami ng suot – polo short, jeans at rubber shoes. Bago nga lang ang sa kanya samantalang ang akin ay medyo may kalumaan na.
“Kaninong karag-karag ba ito? Baka matetano ang kotse ko ah.” Ani Chris.
“Gago, kay Mon ‘yan.” Ang sabi ni Jay.
“Ha, naku ‘tol sorry. Sa iyo pala ito.”
“Ayos lang ‘tol.”
“Same old Chris… tactless.” Dagdag pa ni Jay.
“O kumusta naman kayo mga ‘tol?”
Halos sabay kaming nag-thumbs up ni Jay.
“Eh ang playboy, kumusta naman,” ani Jay.
“Playboy… baka ikaw ang playboy… balita ko nga may siyota kang estudyante mo.”
“Naku Chris, huwag mo nga akong igaya sa iyo. Pati lady guard namin sa school eh gusto mong patusin.”
“Hindi ah.”
“Sinabi niya sa akin. Bistado ka na. Hiningi mo daw number niya nang pasyalan mo ako sa school.”
“Okay…okay. Hot mama kasi iyong lady guard ninyo. Ang laki ng… bumper.”
“At ilan na nga sa mga kaklase natin noong high school at naging syota mo noong nagkatrabaho ka na?”
“Hoy Jay… 3 lang ha… si Aida, si Lorna, at is Fe.”
“Grabe… grabe…”
“What was I suppose to do? Sila naman ang kumontak at naghabol sa akin.”
Pagkasabi niyon ay naupo sa gitna namin si Chris.
“Wow, ang bango mo ‘tol ah. Mukhang perfume ang ipinang-ligo mo kanina.”
“Mumurahing cologne lang ang gamit ko.” Sagot ni Jay kay Chris.
“Mon… anong amoy iyan… namputsa…alcohol… alcohol ang gamit mong pabango.”
“Oo ‘tol. Greencross rubbing alcohol.” Sinakyan ko na lamang ang kantiyaw ni Chris. Ganoon talaga siya. Mahilig mangbuska.
“Miss na miss ko kayo mga ‘tol.” Wika ni Chris sabay akbay sa aming dalawa ni Jay.
“Si Mario na lang ang kulang.” Sabi ni Jay.
“Teka, groufie nga muna tayo.” Ani Chris sabay set-up ang hawak niyang cell phone.
“Mamaya na lang pagdating ni Mario, para kumpleto tayo.”Ang mungkahi ni Jay.
Reunion (1)
(1st of 6 parts)

“Sa tabi lang amang.”
Marahan kong tinapakan ang preno. Dali-dali akong bumaba upang salubungin ang matandang babae na dahan-dahan at hirap na bumababa. Inalalayan ko rin siya nang sumampa siya sa jeep kong minamaneho. Tingin ko nama’y hindi minasama ng ibang mga pasahero ko ang kaunting abalang idinulot niyon sa kanila. Nakakaawa kasi si nanay. Sana man lang eh sinamahan siyang bumiyahe ng sinoman sa mga kamag-anak niya.
“Maraming salamat amang. Napakasuwerte ko at jeep mo ang aking natiyempuhang sakyan.”
“Wala pong ano man nanay. Salamat din po dahil kahit luma na itong jeep ko eh ito ang pinara ninyo.”
“Maayos pa naman ang jeep mo amang ah. Okay ka ring magmaneho.”
“Salamat po. Ingat po kayo nanay.”
Siya ang huling pasahero ko sa araw na iyon. Tinanggal ko na ang mga signboard na nakadikit sa salamin sa unahan ng jeep ko para wala nang pumara.
Pasado alas-dose pa lamang ng tanghali pero huminto na ako sa aking pasada. Magkikita kasi kami ng mga kaklase ko – sina Jay, Chris, at Mario. Sila ang mga sanggang dikit ko noon sa high school. Excited ako dahil iyon ang una naming pagkikita matapos ang higit-kumulang 20 taon. Parang reunion. Apat nga lang kami.
Si Jay ang nag-plano ng pagkikita-kita naming iyon. Noon isang linggo kasi eh may pumara sa akin na isang mama na tila nangka-aberya ang minamanehong kotse. Para kakong pamilyar sa akin ang mukha ng mamang iyon. Sa dahilang wala naman akong pasahero noon ay huminto ako upang tignan kung anong tulong ang maibibigay ko sa kanya.
Pagbabang-pagbaba ko ng sasakyan ay nagkatinginan kami at laking gulat ko nang tawagin akong ‘tol at sabihin ang aking pangalan ko. Siya pala si Jay. Katulad ng madalas naming gawin noon – nagkamayan kami ng mahigpit at pagkatapos ay nagkalawitan kami ng braso na animo kami’y magbubunong braso.
Buong sabik kaming nagkumustahan habang iniaayos ko ang na-discharge na baterya ng kanyang sasakyan. Nagmamadali si Jay noon dahil may meeting daw siyang dapat puntahan kaya’t hindi kami nakapagkuwentuhan ng matagal. Nang maayos ko ang problema ng kanyang sasakyan ay dumukot si Jay ng pera sa kanyang wallet at pilit iniaabot sa akin. Ito’y aking tinanggihan. Matapos siyang humingi ng paumanhin sa sinabi niyang abalang dulot sa akin eh kinuha niya ang kanyang cell phone at tinanong kung ano ang number ko. Matagal na daw talaga niya akong hinahanap. Ibinigay ko sa kanya ang aking number. Nag-miskol siya upang makuha ko naman ang sa kanya.. Isi-nave ko ito at matapos mangakong ako’y tatawagan eh kaagad siyang sumakay sa kanyang kotse at pinaharurot palayo. Mukha ngang siya’y nagmamadali.
Si Jay ay isa sa mga matatalino kong kaklase noong high school. Siya kung tutuusin ang lider ng aming grupo. Masayang-masaya ako at nagkita kami. Matagal ko na rin silang hinahanap.
Mukhang natupad ang mga pangarap ni Jay. Madalas niyang sabihin noon na gusto niyang makatapos ng pag-aaral, magkaroon ng magandang trabaho, kotse, at malaking bahay. May kotse na siya at naka coat and tie. Tila maganda ang kanyang trabaho. Hindi ko lang alam kung may bahay na siya at kung nagka-pamilya. Mas malamang na nagkaroon din siya ng sariling bahay. Pamilya? Iyon ang hindi ko matantiya. Sayang at hindi kami nakapag-usap ng matagal. Ni hindi ko natanong kung ano at saan siya nagtatrabaho.
Hanggang sa makauwi ako eh iniisip ko pa rin ang biglaang pagkikita namin ni Jay sa araw na iyon. Bigla kong naalaala ang dalawa pa naming kaybigan – sina Chris at Mario. Apat na taon din kaming nagkasama, mula first year hanggang grumadyewt kami ng high school. Halos pare-pareho sila ng mga sinasabi noon kapag napag-uusapan namin kung ano ang mga pangarap at gustong marating sa buhay. Gusto nilang makatapos ng pag-aaral, makapagtrabaho, makaipon ng maraming pera, magka-kotse, at magkaroon ng malaking bahay. Hindi ako sigurado pero parang si Mario yata ang nangarap sa amin na mag-abroad at doo’y magtrabaho. Natupad kaya niya iyon? Sana naman.
Nang tanungin nila ako noon kung ano ang pangarap ko sa buhay eh natawa sila sa sinabi ko – gusto ko lang na maging masaya at malusog ako at mamuhay ng maayos. Hindi ko alam kung bakit iyon ang sinabi ko. Mga bata pa kasi kami noon at hindi ko pa talaga alam kung ano ang gagawin ko pagkatapos namin ng high school. At ang isa pa ay hindi ako nakakatiyak noon kung makakatuntong ako sa kolehiyo. Hirap sa pera ang mga magulang ko noon.
Sa puntong iyong ay nag-ring ang aking cell phone. Katulad ng ipinangako niya’y tumawag si Jay.
Sandali din lang kaming nag-usap ni Jay. May bisita daw kasi siya. Tumawag lang siya para sabihing kinontak niya sina Chris at Mario at pumayag ang dalawang magkikita-kita kami sa susunod na linggo, araw ng Sabado. Sa dating tagpuan daw kami maghihintayan.
**********
At sa araw ngang iyon ay makakasama ko ulit ang mga kaybigan ko. Huminto muna ako sa isang karinderya. Alas-dos pa naman ang aming usapan kaya puwede pa akong kumain at magpahinga ng kaunti.
“Aling Tinay, menudo nga po at pinakbet. Huwag po ninyong lalagyan ng taba iyong menudo ko ha.”
“Naku Mon, bakit ba ayaw na ayaw mo ng taba? Tanging ikaw lang sa lahat ng customer ko ang ang ayaw kainin ito.”
“Umiiwas lang po ako sa cholesterol.”
“Sus, paminsan-minsan lang naman eh. Ilan ba kanin mo?”
“Ay isa lang po.”
“Dalawa ulam tapos isa lang ang kanin. Talaga naman. Masyadong health-conscious ang mamang driver. Hoy Manny, ipagsandok mo nga ng kanin ang kuya Mon mo. Huwag mong damihan at hindi din naman niya uubusin ‘yan.”
“Opo inay.” Ang sagot ng binatilyong anak ni aling Tinay.
Nangiti na lamang ko sa mga nadinig kong sinabi ni aling Tinay. Medyo kasi lumaki ang tiyan ko ng mag-edad 30 ako kaya kaunti na lang ang kinakain kong kanin. Nadinig ko kasi sa isang programa sa radyo na matinding magpalaki daw ng tiyan ang pagkain ng maraming kanin at delikado sa puso ang pagkain ng taba ng baboy. Pati nga daw ang madalas na pag-inom ng beer eh nakakalaki rin ng tiyan. Mabuti na lang at hindi talaga ako mahilig uminom. Pero tiyak sa pagkikita-kita naming magkakaybigan eh siguradong masusubo ako nito sa inuman. Lalo na nga’t darating din sina Chris at Mario. Hindi papayag ang mga iyon na walang inuman. Kami lang ni Jay ang hindi talaga pala-inom sa grupo.
“O heto ang tubig mo, walang yelo iyan. Alam kong hindi ka uminom ng malamig na tubig.”
“Salamat po aling Tinay.”
Iyon ang isang bagay kung bakit kahit maraming kainan akong nadadaanan eh sa karinderya ni aling Tinay ako pumupunta para mananghalian tuwing ako’y namamasada. Mabait at maasikaso siya sa mga kustomer niya.
“Sabi ni Manny eh mukhang nagdyi-gym ka rin tulad niya. Aba eh palaki ng palaki daw ang dibdib mo at namumutok ang braso mo sa suot mong t-shirt.”
“Hindi po. Magastos po mag-gym. May mga barbell at dumbbell lang ako sa bahay na gawa sa semento. Ginagamit ko tuwing umaga bago ako mamasada o lumusong sa bukid.”
Pasado ala-una na nang lumabas ako ng karinderya. Ipinagtimpla pa kasi ako ni aling Tinay ng kape. Libre iyon. Hindi ko daw kasi tinatanggap ang pamasahe niya tuwing natitiyempuhan na naisasakay ko siya galing sa palengke kaya tuwing kumakain ako doon eh may libre akong kape.
Bago ko pinaandar ang aking jeep eh nagpunas ako ng katawan gamit ang face towel na binasa ko ng alcohol. Nagpalit ako ng damit at nagsuot ng sapatos. May baon akong polo shirt at rubber shoes. Nakakahiya naman sa mga kaybigan ko kung amoy-pawis at grasa ang t-shirt ko at madungis na tsinelas ang suot ko kapag nagkita-kita kami. Nag-baon din ako ng shorts at sando upang may magamit ako halimbawang gusto nilang maglaro kami ng basketball.
Ilang minuto pa ay mararating ko na ang aming dating tagpuan – ang lumang basketball court sa sentro ng aming bayan. Magkakalapit lang naman ang mga barangay na tinitirhan naming magkakaybigan kaya mabilis namin itong napupuntahan kung gusto naming maglaro noon. Ang bahay namin ang pinakamalapit sa basketbolang iyon, halos isang kilometro lang.
Pero bakit nga ba ganoon katagal bago kami magkikita-kita gayong magkakalapit lang naman ang mga baryong tinitirhan namin. Ang unang dahilan siguro eh nagsipag-aral sila sa Maynila samantalang ako naman eh huminto na ng pag-aaral pagkatapos ng high school. Nang makatapos siguro sila ng pag-aaral eh nakahanap na ng trabaho doon na rin sila namalagi.
Nandoon na si Jay nang makarating ako sa aming hintayan. Nakita kong naka-park sa ilalim ng isang punong acacia ang kotse niyang nagkaaberya noong nakaraang linggo. Itinabi ko sa magarang kotse ni Jay ang aking lumang jeep.
Ang Larawan Ni Ama
Hindi ko na nabilang kung ilang oras bago ko narating ang maliit na baryong sinilangan ng aking ama. Humahalo kasi ang yamot sa aking inip tuwing tumitingin ako sa relo noon kaya’t idinaan ko na lamang sa tulog. Nakadalawang bus at isang jeep ako at kinaylangan ko pang sumakay ng tricycle. Sanay naman ako sa matagalang biyahe kaso nga lang ay walang tigil ang ulan dahil may bagyong paparating. Baha’t maputik ang mga daan kaya mahirap ang magpalipat-lipat ng sasakyan. Kaya nga’t nagpasya akong hindi na lamang isama ang aking butihing maybahay sa lakad kong iyon. Mahihiluhin at mainipin siya sa biyahe. Napakabagal pa naman ang tinakbo ng aking mga sinakyan.
Sumablay pa ng kaunti ang huling yugto ng biyahe kong iyon. Nakalimutan yata ng driver ng tricycle ang kanyang trapal, o kaya’y tinamad lamang siyang ilagay ito kaya’t ginamit ko na lamang ang dala kong payong na panangga sa ulan upang hindi mabasa ang bitbit kong bag at mga pasalubong. Hinayaan ko ng mabasa ang aking mukha. Maging ang pantalon ko ay nabasa na rin. Hinayaan ko na lang. Sa halip na ako’y magmukmok ay nag-enjoy na lang ako sa tubig-ulang humihilamos sa mukha ko. Matagal-tagal na rin naman akong hindi naliligo sa ulan. Ipinalangin ko na lang na huwag sana akong sipunin o trangkasuhin dahil doon.
Nang malapit na akong bumaba ay humina nang kaunti ang ulan. Takip-silim na noon. Sarado ang mga bintana’t pintuan ng bahay ng aking mga tiyahin. Maulan at mahangin kasi. Ngunit may mga tao sa loob ng mga bahay nila. Bukas ang mga ilaw at may mga anino akong nababanaag na gumagalaw sa loob. Minabuti kong huwag na muna silang abalahin. Isa pa’y nabasa nga ako ng ulan. Kaylangang makapagpalit agad ako ng damit at makapagpakulo ng tubig. Masarap humigop ng mainit na kape sa pagkakataong iyon. Dumiretso na lang ako sa bahay ng aking ama.
Tahimik ang paligid. Ang naririnig ko lang ay ang patak ng ulan sa bubungan ng mga kabahayan at pagaspas ng mga dahong hinahampas ng medyo may kalakasang hangin. Natanaw ko na ang bahay. Noon ko lamang napansin na sa medyo malayo at kapag medyo madilim ay para palang maliit na haunted house na ang dating nito. Para bang kung dayuhan ka sa lugar na iyon at makikita mo ang bahay sa unang pagkakataon ay kikilabutan ka ng kaunti at mag-aatubili kang lumapit
Pumasok ako sa bakuran. Nakalaylay na halos sa lupa ang yari sa kawayang bakod sa harapan. Isang makalawang na yero lamang ang nagsisilbing harang. Mahaba ang mga damo sa harapa’t gilid ng bahay. Maraming dahon ang nagkalat. Nang pumasok ako sa terrace ay pumulupot pa sa mukha ko ang sapot ng gagambang hindi ko napansing nakaharang pala sa aking daraanan. Muntik nang pumasok sa bibig ko ang isang maliit na paru-parong nakalaylay sa sapot.
Nang nasa harapan na ako ng pintuan at hahawakan ko na ang door knob ay noon ko napagtantong wala nga pala akong susi. Dapat nga pala’y hiniram ko ang susi kay tita Cecille, ang bunsong kapatid ng aking ama. Wala na akong choice kundi puntahan si tita Cecille upang humiram ng susi. Ngunit bago pa man ako makahakbang palayo sa pinto ay biglang dahan-dahan itong bumukas. Ganoon ang mga eksenang napapanood ko sa pelikulang katatakutan. Pakiramdaman ko’y nagtayuan ang mga balahibo ko sa batok. Nag-alangan akong pumasok agad. Nang ako mahimasmasan ay naisip ko na siguro’y nakaligtaang lang i-lock ang pintuan ng sinumang nautusan ni tita Cecille na buksan ang ilaw sa terrace nang nagdaang gabi. Nagkataon lang na bigla itong bumukas nang ako’y nandoon na. Siguro dahil nga malakas ang hangin.
Nabanggit sa akin minsan ng tita ko na para maliwanag sa bahay ay binubuksan nila ang ilaw sa terrace tuwing gabi. Wala na kasi doong nakatira. Hindi na rin kasi doon namalagi si ate Lea, ang aking madrasta. Mula nang magkasakit ang aking ama’y madalang na siyang puntahan ng pangalawang asawa nito. Kaya’t nang mamatay siya at nagtangka si ate Lea na muling tumira doon ay hindi na pumayag ang aking mga tiyahin. Ako man ay hindi ko siya hahayaang manatili doon. Tinanggap ko siya’t iginalang bilang madrasta subalit naglaho ang amor ko sa kanya ng hinayaan niyang mamuhay mag-isa ang aking ama sa bahay. Hindi ko siya gustong sisihin pero marahil kung nandoon lamang siya noong atakihin sa puso si papa ay baka sakaling nadala pa ang aking ama sa hospital. Maaaring buhay pa sana siya ngayon.
Nang tuluyan na akong pumasok ay napangiwi ako nang sumalubong sa akin ang magkahalong amoy ng alimuom na galing sa maruming sahig at pader at sa dumi ng pusa. Kagyat kong binuksan ang bintana upang sumingaw ang masangsang na amoy.
Maraming agiw. Basa ang maruming sahig. Sira na kasi ang bubong na yari sa pawid. Tumutulo na tuwing umuulan. Palitin na. Hindi na naayos ang bahay, napabayaan na ito. Kaming magkakapatid kasi ay paminsan-minsan lamang napupuntahan ito mula nang sumakabilang-buhay ang aming ama. Ako nama’y nagta-trabaho sa Japan at dalawa hanggang tatlong beses lang ako sa isang taon kung umuwi.
Kung tututusin eh maliit lamang ang gastos kung ipapagawa ko ang bubong. Buhay pa man ang aking ama noo’y gusto ko nang gawing yero ito ngunit ayaw niyang pumayag. Mas presko daw ang pawid. Kapag naman napapansin kong may kaunting butas ang bubong ay sasabihin niyang hayaan ko na lang daw para nasisilip niya ang langit kapag siya’y nakahiga sa kanyang kama. Ganun ang aming ama. Ginagawang katatawanan ang ilang bagay na kung ituring ng iba’y suliranin.
Kaya ko namang pagandahin ang bahay nang sumakabilang-buhay ang ama. Napapinturahan ko na nga ang salas at pinalagyan ko ng pre-cast ang terrace na dating yari lamang sa kawayan ang harang. Ngunit kapag nagawa na ang bahay eh nakatitiyak akong gagawin itong tambayan ng panganay kong kapatid na lalaki at ng kanyang mga kabarkada. Gagawing inuman at walang nakakaalam kung ano pang kabalbalan ang puwede nilang gawin dito. Kaya hinahayaan ko lang munang ganoon ang lagay ng bahay. Ang isa pang mabigat na dahilan eh kapag maayos na maayos na ito’y baka tuluyan ng tirhan iyon ng panganay naming kapatid at ng kanyang pamilya. Hindi maaari iyon dahil ang bunso man naming kapatid na babae eh naghahanap din ng matitirhan at ilang beses na niyang nabanggit na gusto niyang manirahan doon. Kaya para walang problema napagpasyahan kong wala titira doon sa aming tatlong magkakapatid. Pinangakuan ko na lamang silang hintayin akong magkapera at susuklian ko na lamang sila sa kanilang parte sa bahay at maliit na lupang iyon ng aming ama.
Aywan ko ba kung bakit kasi hindi nagsikap magpundar ng lupa’t bahay ang dalawa kong kapatid. Hindi sila marahil nadala sa karanasan ng aming pamilya na palipat-lipat ng bahay. Noon nga’y pinalayas kami ng isang kamag-anak namin mula sa isang bahay na aming tinirhan. Hindi ko alam kung bakit at ayaw ko na ring alamin ang dahilan sa pangyayaring iyon. Baka rin kasi mali ang pagkakaintindi ko noon dahil bata pa nga ako. Hindi ako nagtanim ng galit kanino man dahil doon pero nagmarka sa isip ko iyon. Abang-aba ako sa aming kalagayan noon na kaylangan naming panandaliang tumira sa animo’y ulbo ng baboy na pagmamay-ari, hindi pa ng isa man sa mga kamaganak namin kundi ibang tao… kaybigan ng aking ama’t ina. Ang insidenteng iyon ang isa sa mga hinuhugutan ko ng inspirasyon para magsikap sa buhay, hanggang ngayon. Nag-aral ako at nagpunyagi. Pinilit kong magkaroon ng sariling lupa’t bahay.
Pero mas malaking inspirasyon para sa akin ang aking ama. Sa kanya ko natutuhan ang magpunyagi at tumayo sa sariling paa, ang magtiwala sa sarili at huwag umasa sa iba. Matalino’t madiskarte ang aking ama. Sabi nila ay sa kanya daw ako nagmana.
Nakatakdang dumating din kinabukasan ang dalawa kong kapatid. Babaang-luksa na kasi para sa aming ama. Mag-iisang taon na mula nang siya ay pumanaw. Tiyak na walang hanggang tanungan nanaman kung kaylan ko sila babayaran sa parte nila sa iniwang bahay at lupa ng aming ama. Tiyak na mangungulit nanaman sila na sa iba na lang namin ito ipagbili dahil gipit na gipit na sila’t kaylangang-kaylangan na nila ng puhunan para makapagsimulang makapagnegosyo. Para bang tanging iyon na lamang ang ang puwede nilang pagkunan ng ikabubuhay nila.
Hindi ko gustong mapunta sa ibang tao ang bahay at lupang iyon ng aking ama kaya’t dapat silang maghintay. Ni ayaw ko nga itong paupahan.
Maliit lang at sira-sira pa ang bahay at hindi ganoon kalaki ang kinatitirikang lupa. Subalit iyon ay ala-ala ng aking ama. Iyon ang aming nagsisilbing koneksyon sa angkang aming pinanggalingan kaya’t hindi ko papayagang mapunta iyon sa iba.
Matapos kong buksan lahat ng ilaw at makapagwalis ng kaunti sa salas ay pumasok ako sa kuwarto’t inilapag ko sa ibabaw ng lamesa sa ulunan ng kama ang aking mga gamit. Inilatag ko ang nakatiklop na banig at kumot na nasa kama. Mabuti na lamang at balot sa plastik ang mga gamit sa kama kaya malinis at walang masamang amoy. Gayon pa ma’y ipanagpag ko ng paulit-ulit ang mga ito bago ko inilatag.
Nagpalit agad ako ng damit. Pagkatapos, katulad ng aking nakagawian, ay kinuha ko ang larawan ng aking ama. Sa larawang iyon ay kuha ang kabuuan ng kanyang mukha hanggang sa dibdib, sa babang bahagi ng huling butones ng suot n’yang polo shirt. Ang larawan iyon na nakasabit sa dingding na nasa itaas ng isang lumang TV ay ang bantay sa bahay na iyon.
Dinala ko sa kuwarto ang larawan at pinunasan ng face towel kong nabasa ng ulan.
Nang malinis na’t itinaas ko ng kaunti upang ito’y pagmasdan eh parang nakita kong gumalaw ang mga labi ng aking ama sa larawan. Parang nginitian n’ya ako. Hindi ko na matandaan kung nakangiti nga ba talaga sa larawang iyon ang aking ama o hindi. Siguro’y namamalik-mata lang ako, dala marahil ng pagod at hilo dahil sa mahaba kong byahe.
“Kumusta na ba papa? Pasensya na po kayo kung ngayon lang ako nakabalik dito.”
Matapos kong sabihin iyon ay parang nawala ang ngiti sa labi ng ama ko sa larawan na animo’y nagtatampo. May kilabot na namang gumapang sa aking katawan. Nangalisag yata lahat ng balahibo ko.
“Naku si papa, nagpaparamdam ka ba.” Nagtapang-tapangan ako’t sinabing, “Sige nga pa pakita ka sa akin oh. Sige na pa.”
Naniniwala akong merong multo pero hindi pa ako nakakakita. Hindi ko masabi kung takot ba ako dito o hindi. Pero kung ang aking ama ang magpapakita sa akin eh baka yakapin ko pa siya. Nami-miss ko siya… sobra. Gusto ko talagang siyang makita. Kahit sa anyong multo man lang.
Pinagmasdan kong muli ang larawan ng aking ama. Maraming kuwento ang mga tiyahin ko tungkol sa larawang iyon. Minsan daw ay makikita na lamang nila ito sa salas ng kani-kanilang bahay. Ang sabi ko naman sa kanila ay baka isa lang sa mga pilyong pinsan ko ang gumagawa niyon at tinatakot lang sila.
May pamangkin naman ako sa pinsan na nagsabi na nang siya’y utusan ni tita Cecille na buksan ang ilaw sa terrace dahil papadilim na noon ay nakita n’yang blangko daw ang larawan ni papa at may narinig s’yang parang umiihi sa banyo. Nagtatakbo daw ito sa takot at kahit kaylan ay hindi na ito nautusang buksan ang ilaw. Hindi ko pinaniwalaan iyon. Inisip ko naman na baka lasing lang ang pamangkin ko noon. Pero hindi naman daw.
Marami pa na animo’y mga kababalaghan na nangyayari kaugnay sa larawan ng aking ama. Ipinagkibit-balikat ko lang lahat ng iyon. Sanay na ako sa ganoong uri ng kuwentuhan kapag may kamamatay lamang na isang tao.
“Kakauwi ko lang po pa. Sa susunod na buwan pa ang balik ko sa ko sa Japan. Miss na miss ko na po kayo.”
Ganun madalas ang ginagawa ko tuwing dumadalaw ako sa bahay ng aking ama. Hinahawakan ko ang kanyang larawan at kinakausap ko siya. Tinitiyak ko naman na ako lang ang makakarinig at baka isipin nilang nasisiraan ako ng ulo. Ang mga tita ko siguro ay alam na ganun ang ginagawa ko. Itinatabi ko pa ang larawan ni ama kapag ako’y natutulog at dinadala sa kusina kapag ako’y kakain. Saka ko lamang ibabalik ito sa ding-ding kapag ako’y paalis na.
“Sobrang dumi ng bahay mo papa. Napagod ako sa paglilinis. Nagutom tuloy ako ah. Tara kaya sa kusina, magpapainit ako ng tubig. Magkakape tayo at ipapatikim ko sa iyo itong super anghang na noodles na uwi ko.”
Para naging masaya ang itsura ng ama ko sa larawan matapos kong sabihin iyon. Ipinagkibit-balikat ko lang din iyon at inisip ko na lang na siguro pagod at gutom lang ako kaya parang may nakikita akong mga nagbabago sa larawan ng aking ama.
Posible rin naman na nakondisyon ang isip ko ng mga paulit-ulit nilang kuwento tungkol sa larawan ng aking ama kaya nai-imagine kong nagbabago nga ito kahit hindi naman .
“Puro porma ka lang naman pa. Paradaman ka lang ng paramdam, eh ayaw mo namang magpakita. Tara na nga sa kusina.”
Inilapag ko sa lamesa ang larawan. Patayong isinandal ko ito sa pader paharap sa inuupuan ko.
“O pa, relax ka lang diyan. Ako ang magluluto. Ang daya mo pa, dati ikaw ang nagluluto kapag pumupunta ako dito. Paano yan, hindi ka na makakatikim ng dala kong longganisa galing sa amin. Sorry na lang po. Pero puwede mo namang sigurong amuy-amuyin.”
Madilim na kaya’t binuksan ko ang ilaw sa kusina. Unti-unti nanamang lumalakas ang ulan, pati ang hangin.
Humangin ng malakas. Biglang may kumalabog at pagkatapos ay namatay ang ilaw. Paglingon ko sa lamesa, sa kaunting liwanag na natitira ay nakita kong parang nakabuwal ang larawan ni amang inilagay ko doon.
Mukhang pundido ang ilaw. Pumasok ako sa salas. Mabuti na lamang at may ekstrang bombilya sa toolbox na iniwan doon ni kuya. Pagbalik ko sa kusina’y pinalitan ko ang bombilya. Nang magliwanag na ulit sa kusina ay nagulat ako sa nakita ko sa lamesa. Nakatayo na ang kanina’y nakabuwal na larawan ng aking ama.
Mas matindi ang kilabot na naramdaman ko sa pagkakataong iyon. Nakakapagtakang bigla na lamang nakatayo ang larawan ng aking ama. Huminga ako ng malalim katulad ng madalas kong gawin kapag medyo natutuliro ako’t ‘di makapagisip ng mabuti. Lumingon ako sa kaliwa’t kana. Pati sa likuran. Walang ibang tao.
Pagkatapos ay naglakas-loob akong lapitan ang larawan. Dahan-dahan. Kapansin-pansing nawala ang ngiti ng aking ama sa larawan. Parang seryoso itong nakatingin sa akin. Naiinis ba siya na hinahamon ko siyang magpakita pero heto’t nagpaparamdam pa lang siya’y parang gusto ko nang tumakbong palayo?
Naisip kong bigla ang isang bagay na sinabi ng lola ko noon na hangga’t hindi pa nakakabababaang-luksa eh umaali-aligid lang kaluluwa ng patay sa kanyang bahay at nagpapaparamdam sa kanyang mga mahal sa buhay.
“Naku naman papa. Tinatakot mo naman ako. Sige ka uuwi na ako. Mag-iisa ka rito.”
Pabiro kong sinabi iyon para medyo maibsan lang ang takot na nagsisimula ko nang maramdaman. Inisip kong tumawag ng kasama sa pagkakataong iyon. Gusto ko nang tawagan at papuntahin doon ang pinsan kong si Randy.
“Siguro gustong-gusto mo nang magkape ano kaya sumimangot ka. Sige, teka lang pa ha. Magpaparikit na ako.”
Wala na doon ang gasul at stove na dating ginagamit ng aking ama sa pagluluto. Kaya’t sa lumang tungko ako nagpakulo ng tubig. Mabuti na lang at may mga panggatong na nakasalansan sa ilalim ng tungko na hindi naman nabasa ng ulan.
Hinugasan ko din ang mga baso’t pinggan mukhan matagal nang naka-stock sa lagayan. May kalumaan na ang mga gamit ng aking ama sa kusina.
Paminsan-minsan ay nililingon ko ang larawan ni papa habang ako’y naghuhugas. Inabangan ko kung may mangyayari. Siguro may pinsan akong nagbibiro sa akin. Katulad ko, may mga pinsan din akong mahilig mang-good time. Isa sa kanila siguro ang nagtayo ng larawan ng aking ama. Naisip kong baka si Randy.
“Randy!… Randy!… ‘insan labas na dyan. Samahan mo kami dito ni papa.”
Hinintay kong lumabas ang pinsan ko. Pero wala.
Nagtimpla ako ng kape. Tig-isa kami ng aking ama.
“O heto na po ang kape ninyo. Swerte nati’t may nakatago pang kape’t asukal sa lagayan mo. Nakasalang na rin po iyong noodles. Ay sandali nga pala papa, may kukunin ako sa loob.”
Dali-dali kong binuksan ang mga dala kong gamit at kaagad akong bumalik ng kusina. “Heto nga pala papa ang pasalubong ko sa iyo. Chivas Regal! Sa Duty Free ko pa binili yan. Dalawang bote. Tig-isa tayo. 18 anyos yan papa…hindi 12… kaya wala tayong sabit. Hehe!”
Hindi na ako masyadong ninerbyos ng mapasin kong parang bumalik ang ngiti sa labi ng aking ama sa larawan. Inisip ko na lang ulit na namamalikmata lang ako.
“Nagustuhan mo ba ang kape papa? Oops teka. May tulo na rin pala sa tapat na ito. Nahihiya ako sa iyo na hindi ko pa maipagawa itong bahay mo sa ngayon. Ayaw ko kasing gawin tambayan lang ito ni kuya at ng mga barkada niya.”
At ayon, may nagbago nanaman sa anyo ni papa. Kumunot ang noo nito, nawala ang ngiti nang banggitin ko si kuya. Ayaw na ayaw ng aming ama na pumupunta din doon si kuya dahil walang alam gawin kundi makipag-inuman sa mga barakda. Para nga talagang may kakaiba sa larawang iyon ng aking ama. Talagang nakakunot ang noo n’ya. Siguro wringkles lang iyon na hindi ko napansin noon. Pero medyo nawawala na ang kaba ko. Parang nakakasanayan ko na. Huwag ng lang sana siyang biglang tubuan na pangil sa larawan at tiyak eh kakaripas ako ng takbo.
Nang maluto ang noodles ay nagpirito rin ako ng dala kong Spam.
Kain po tayo papa bago tayo uminom. Mahaba-haba ang kwentuhan natin ngayon.
“Marco, Marco. Ikaw ba yang nandyan?… Marco.”
“Opo tita. Nandito po ako sa likod, sa kusina.” Si tita Cecille iyon.
Pinuntahan ako sa kusina ng tita. Nagmano’t humalik ako sa pisngi ni tita Cecille.
“Akala ko ang kuya mo nanaman ang nandito. Aba sosyal, Chivas Regal, 2 bote pa ha. Paano naman kami?”
“Siyempre meron din po kayo tita – red wine. Nasa loob po.”
“Eh sino ba kasama mong nandito? Parang may naririnig akong kausap ka.”
“Hayan po siya sa likod mo tita. Say hello to papa.”
“Ha!”
Lumingon sa mesa si tita Cecille. Biglang tumayo.
“Hesusmaryahosep. Ginulat mo naman ako. Alam mo namang matatakutin ako eh. Hayan, hindi na ako nito makakabalik sa bahay mag-isa. Dapat ihatid mo ako.
“Ganun!?” Hindi ko napigilang tumawa.
“Tawa ka pa diyan.”
“Hayan, pahatid ka kay papa.”
“Naku naman Marco, lalo ka pang nanakot eh. Basta ihatid mo ako.”
Natatawa lang ako. Nang tumingin ako sa larawan ng aking ama eh parang nangingiti ito.
“Para na rin makuha mo iyong niluto kong ginataan tulingan para sa iyo.”
“Wow! Sige po tita ihahatid na kita. Oo nga pala tita pakikuha na lang sa kuwarto ang mga pasalubong ko sa inyo. Nasa kulay pulang plastic bag. Paghati-hatiin na lang po ninyo. Nandyan ba sina tita Claire at tita Carol?”
“Oo, kanina ka pa nga nila hinihintay.”
Pumasok ng bahay ang tita Cecille at kinuha ang pasalubong ko sa kanila. Naglagay ako sa bowl ng niluto kong noodles.
“Kadami naman nito Marco. Salamat ha.”
“Heto po tita, tikman mo rin itong dala kong Japanese noodles.”
“Ay naku, hindi ko kaya ang anghang niyan. Matakaw ang tita mo pero pass ako d’yan.”
“Tita, natanggap ko po iyong text message mo sa akin kanina. Eh bakit ayaw ninyong maghanda tayo bukas para sa babaang-luksa ni papa. May budget naman ako para doon.”
“Huwag na, okay na iyong pansit palabok at tinapay. Maging praktikal tayo Marco. At isa pa, bukod na sa maulan, eh busy mga tao dito, walang magluluto. Baka rin wala masyadong magpuntahan bukas at may bagyong paparating. Masasayang lang kapag nagluto tayo ng madami.”
“Sige po. Kayo po bahala. Pakisabi na bukas matapos ang padasal natin eh manananghalian na lang tayo doon sa paborito ninyong restaurant bago ako umalis.”
“Iyon ang isa pang dahilan, gusto naming yayain mo kami doong kumain.”
Nagtawanan kami ng tita pagkasabi niya niyon.
“O halika na tita, ihahatid na muna kita. Papa, sandali lang ha.”
“Ay siya sige at naabala ko ang bonding ninyong mag-ama. Hehe. Babay kuya!”
Napansin kong hindi tumingin ang tita Cecille sa larawan bagay na siguro eh hindi nagustuhan ng aking ama kaya’t tingin ko sa larawan niya’y parang itong nakasimangot.
Pagbalik ko’y dala ko na ang ginataang tulingang niluto ng tita ko. May kasama pang kanin.
“Hayan pa, may noodles, may kanin, may ginataang tulingan at meron pang Spam.”
Naglagay ako Chivas sa dalawang baso.
“This is for you papa… and this one’s for me… Cheers!!!”
Sumubo ako ng tulingan at kanin nang maubos ko ang aking unang tagay. Sarap na sarap ako sa ginataang tulingan. Noon lamang ulit ako nakatikim ng isadang iyon sa loob halos ng isang taon. Hinango ko na rin ang pinirito kong Spam.
“O heto pa, lagi mong sinasabing uwian kita ng Spam ‘di ba.”
Ipanagpalagay kong buhay ang aking ama at siya’y masayang nandoon ako. Katulad noong buhay pa siya na masiglang-masigla kapag dinadalaw ko siya. Naglagay ako sa isang platito ng tulingan at Spam at inilapit ko sa kanyang larawan.
Naramdaman ko na lamang na may tumutulo akong luha.
“O hindi ba papa. Hanggang ngayon iyakin pa rin ako. Ikaw kasi eh. Iniwan mo kami agad. O tagay na ako papa. Ubusin mo na iyang sa iyo.”
Matapos ang higit isang oras ay nangalahati na ang bote ng alak.
“Papa, naaalala mo ba noong dinalaw mo kami sa bahay minsan. Walang akong mabiling San Mig Light noon at ang meron lang ay Red Horse beer. Bumili ako ng apat na bote, isa sa akin at tatlo sa iyo. Anak ng… pinagtawanan po ninyo ako noon kasi hindi ko pa man nauubos ang isang bote ko eh nagkanda-suka’t tae na ako. Mula noon eh hindi na ako umulit uminom ng Red Horse. Lintek, ang lakas sumipa.”
Pinagmasdan ko ang larawan ng aking ama. Kitang-kita ko sa mukha niya ang saya habang umiinom ako o paano ko ba dapat sasabihin – habang nag-iinuman kami. Kitang-kita kong parang nangingiti siya, parang nanunuya, sa dahilang tuwing may sasabihin ako’y may sumasabay na mga butil ng luha na tumutulo mula sa aking mga mata.
Mahirap paniwalaan ang nakikita kong pabago-bagong itsura ni papa. Pabago-bago ang emosyon sa kanyang mukha. Alam ko kung ano ang nakikita ko, hindi naman ako nababaliw. Sabihin ko na lang na siguro may problema ako sa mata o nakondisyon ang utak ko sa mga kuwento nila tungkol sa larawan ni ama. Tingin ko nga’y kumikindat pa ang mata niya kapag natutuwa siya sa mga sinasabi ko.
Sayang at wala pa ang mga kapatid ko. Sila man sana’y minumulto ng ama namin sa pagkakataong iyon. Siguro magsisisigaw ang bunso naming kapatid. Matatakutin iyon eh. Kung totoong matapos ang babaang luksa, sa sandaling maiusal ang huling panalangin para sa patay ay papanhik na sa langit ang kaluluwa ng aking ama eh sasamantalahin ko na. Kahit sa ganitong paraan, medyo nakakakaba man, eh kahit papaano eh ramdam kong kasama ko siya. Sa pagkakataon iyong ay nilunod na ng alak at pagkasabik ko sa aking ama ang takot.
“Tagay pa papa.”
Muli ay hinagod ko ng tingin ang larawan ng aking ama. Tahimik lamang ako. Parang lumungkot ang mukha niya.
“Papa, bukas pa darating sina kuya at bunso natin. Hay naku papa, ganun pa rin iyong dalawa. Hirap na hirap sa buhay. Mga hindi kasi nagsipag-aral. Inaabutan ko naman sila paminsan-minsan. Aba eh hindi puwedeng palagi. Kaylangang dumiskarte sila ng sa kanila. Si mama nakiusap ako na pumunta siya dito kahit ngayon lang eh ayaw talaga. Pero alam po ba ninyo, ayaw mang aminin ni mama eh mahal ha mahal ka pa rin niya. Ma-pride lang talaga iyon. Pero tiyak ko na pinagrorosaryo ka niya ngayon. Hinihiling kay Lord na doon ka mapunta sa Kanya, huwag kay Taning. Haha! Joke lang papa. Siguro kung hindi dito gaganapin ang babaang-luksa eh pupunta si mama. Alam mo naman mula noon ay hindi niya ka-good ang mga tita ko dito. Ganun talaga ang buhay. Wala tayong magagawa doon. Basta mahal ko silang lahat. Pero siyempre, mas mahal ko si mama. Ina ko iyon eh. At alam kong naiintindihan nila iyon. “
Parang habang nagsasalita ako eh unti-unting yumuyuko ang ulo ng aking ama sa larawan. Lasing na nga ako. Kung ano-ano nanaman ang nakikita ko.
“Sayang talaga na nagkahiwalay kayo. Pero talagang ganun nga ang buhay. Siguro noong araw na iniwan mo kami, kung kayo ni mama magkasama eh maaaring nadala ka pa sa hospital. Si ate Lea naman kasi kung kaylan ka naging masasakitin saka ka iniiwan. Teka…teka pa! Medyo lumulungkot tayo. Change topic. Oo nga pala. Picture-picture tayo papa.”
Kinuha ko cell phone ko, pu-mose ako sa tabi ng larawan ni papa at pinindot ko ng pinindot ang camera. Hindi ko alam pero parang may malamig na bagay na nakapatong sa balikat ko habang ginagawa ko iyon. Dalawang bagay lang, kaluluwa iyon ng aking ama o malamig na hangin.
“O tagay tayo uli papa. Aba mauubos na itong isang bote oh. Kitam papa. Dahil pinagtawanan mo ako nang magsuka’t tae ako sa Red Horse eh nagpraktis akong uminom sa Japan. Pang-whisky na ako ngayon. Maipagmamalaki mo na ako. Hehe!”
Nang tignan ko ang baso ni papa eh nakakapagtakang wala itong laman. Inisip ko na lang na baka ako ang uminom. O baka natabig ko kaya natapon. Pero hindi naman basa ang lamesa. Hindi ko lang siguro maalaala kasi medyo may tama na nga ako. Nilagyan ko na lang ulit ng laman ang kanyang baso.
“Pero papa, bakit nga ba ganun, hindi ko kayo napagsama ni mama sa mga espesyal na okasyon ko. Graduation ko ng elementary wala kayo pareho. Noong grumadweyt naman ako sa high school at college, ikaw lang ang nandoon. Nang magtapos naman ako sa Graduate school eh pareho kayong wala. Pagkatapos, noong ikasal ako eh wala ulit si mama. Hindi po ako nagtatampo, sinasabi ko lang papa.”
Alam kong lasing na ako sa pagkakataong iyon. Sobra akong naging madaldal.
“Papa, salamat sa lahat ng ginawa ninyo ni mama sa amin ha. Lalo na sa pagtataguyod sa pagaaral ko noong nasa kolehiyo ako. I will not be where I am now if not because of the two of you. Naks, okay ba English ko papa. Iyan ang namana ko sa iyo. Galing sa English. Lalo na kapag lasing. Hehe!”
Tumayo ako’t kinuha ko ang larawan ni papa.
“You’re the greatest father on earth papa. The greatest!”
Hinalikan ko ang larawan ng aking ama bago ko ito muling inilagay sa mesa.
“Kahit nagkahiwalay pa kayo ni mama eh kayo pa rin ang pinakamagagaling na magulang sa buong mundo para sa akin. Walang makakapantay sa mga ginawa ninyo para sa aming magkakapatid. Pareho ko kayong mahal na mahal.”
Hindi ko na alam kung ano pa nga ang mga sumunod kong sinabi at nangyari. Umiikot na paningin ko. Ang huling natatandaan ko ay nang tignan ko ang larawan ng aking ama eh parang nandoon ang frame pero nawala ang mukha n’ya. Blanko. Pero imposible. Siguro sobra na akong lasing kaya’t nanlabo na ng husto ang aking paningin. Pagkatapos ay may nadinig pa akong parang kumakaluskos sa banyo. Parang may umiihi.
“Haha. Ayon pala si papa sa banyo, umihi kaya naglaho sa larawan.”
Gusto ko pa sanang uminom. Pero ang bigat na ng baso. Hindi ko na kayang iangat. Maging ang talukap ng aking mga mata’y mabigat na rin. Parang kay hirap imulat. Gusto ko na sanang tumayo’t matulog na sa kuwarto pero parang nakapako ang puwitan ko sa upuan. Pagkatapos ay unti-unting nagdilim ang paligid ko. Bago akong tuluyang nawalan ng ulirat sa aking kinauupuan ay may malamig na mga brasong dumantay sa aking balikat na pilit akong itinatayo. Parang lang. Hindi ako nakakatiyak.
**********
“Marco, Marco! Gising na!
Nagmulat ako ng mata. Parang umiikot ang paligid.
Marco! Bangon na! Tanghali na.
Ang tita Cecille ko iyon! Masakit man ang ulo ko’t hilo ay pinilit kong bumangon.
“Gising na Marco. Maya-maya’y darating ang mga magdarasal. Aayusan pa natin ang salas.”
“Tuloy ka po tita.”
“Hayan, lungange ka ngayon. Hay naku, saan pa ba magmamana. Pareho lang kayo ng ama mo. Pareho kayong matalino, pareho kayong gwapo, pareho kayong bolero at babaero, at pereho kayong lasenggo.”
Dumiretso sa kusina si tita Cecille. Sinundan ko siya.
“Tita sino po ba bumuhat sa akin papunta sa kama. Ang alam ko’y dito sa lamesa ako naidlip ah.”
“Aba’y malay ko sa iyo, wala namang ibang taong pumunta na dito kagabi at maulan. Dadayuhin ka nga daw sana ni Randy eh tinamad na daw at maulan nga.”
“Ganun ba? Eh papaanong…” Napakamot na lamang ako sa ulo.
Hinanap ko ang larawan ni papa.
“O nasaan ang larawan ni papa. Dito ko iyon iniwan kagabi ah.”
“Sus ginoo. Ayon ah oh… nakasabit na sa dingding. Sobra kang nalasing kagabi. Wala kang maalaala sa mga ginawa mo.”
“Papanong…? Tita hindi po talaga ako ang nagbalik niyan sa dingding.”
“Siguro naglakad ang larawan ni kuya… gumapang sa dingding… kaya hayan nakasabit na ulit. Magtigil ka nga Marco, huwag mo na akong takutin.”
Wala akong naisagot sa tita ko.
“Grabe ha, nakadalawang bote ka ng alak.”
“Hindi po tita…isang lang ang binuksan ko. Hindi ko na kinaya ang pangalawa.”
“Eh anong tawag mo dito?”
Itinaas ni tita Cecille ang dalawang bote ng Chivas Regal na parehong walang laman.
“Tita, peksman, isa lang talaga ang binuksan ko. “
Bumalik sa salas si Tita Cecille.
“Hay naku kuya.”
Tumingala siya sa larawan ng aking ama.
“Pati itong anak mo eh pinaglalaruan mo. Ay pagbutihin mo na kuya ang pagpaparadaman at huling araw mo na ito dito sa lupa. Pero huwag na sa akin ha. Kay Marco na lang. Aba’y inubos mo na ang takot ko. Teka… teka, ibang-iba ang ngiti mo ngayon ah. Mukhang masayang-masaya ka. Hindi ganyan ang ngiti mo kahapon. Sure ako. Nagmilagro ka nanaman. O, huwag mo nang baguhin ang ngiting iyan ha, ganyan na lang. Hala sige, basta mamaya’y mamamahinga ka na ha. Aakyat ka na sa langit. Aba’y sa dami ng idinasal namin eh baka lumampas ka pa sa langit n’yan. Ikumusta mo nalang kami kay San Pedro. “
Naala-ala ko ang picture sa cell phone. Pinagmasdan ko ito ng mabuti.
Totoo nga. Magka-iba ang ngiti ng ama ko sa larawang nakasabit sa dingding at sa kuha namin sa cell phone.
—– WAKAS —–





