Blog Archives
Reunion (6)
(Last of 6 parts)
Alam ng asawa ko na magkikita-kita kaming magkakaybigan. Nagluto daw siya ng hapunan. Yayain ko daw ang tropa na doon kumain.
“Aba’y ayos na ayos iyan.” Ang wika ni Jay nang sabihin kong nag-iimbinta si misis na doon kami maghapunan sa bahay. “Para na rin ma-meet namin ang iyong pamilya.”
“Okay.” Ang sabi ko. “Oh dito na lang tayo sa jeep ko sumakay ha. Mukhang delikado para sa inyo Jay… Chris ang mag-drive. Ihahatid ko na lang kayo dito pabalik mamaya. Malapit lang naman itong lugar na ito sa amin.”
Pumayag ang dalawa. Si Mario naman, dahil mukhang hindi nalasing, eh hinayaan kong dalhin niya ang kanyang sasakyan. Para na rin daw hindi na ako maabalang ihatid sila pabalik doon pagkatapos naming kumain. Nang isauli ko ang case ng beer sa tindahan ay inihabilin ko sa may-ari ang sasakyan nina Chris at Jay. Kaylangan lang daw na balikan nila ang mga iyon bago maghating-gabi bago sila magsasara.
At binagtas namin ang daan papunta sa aking bahay. Nakabuntot sa amin si Mario. Sina Chris at Jay ay mukhang naidlip habang kami’y bumibihaye. Wala pang 20 minutes ay nakarating kami sa bahay.
Bukas na ang aming gate nang dumating kami. Nagsibaba kami ni Jay at Chris ng jeep at hinintay namin si Mario maka-park ng maayos bago kami pumasok sa aming bakuran.
“Mon, may van ka pala ah.” Ang wika ni Chirs.
“Kay misis yan, gamit niya sa negosyo.”
“Aba ‘tol, maganda pala ang bahay mo ha.” Ani Jay.
“Oo nga, up-and-down. At malawak ang bakuran mo ah. Akala ko naman eh heto pa rin iyong lumang bahay na pinupuntahan namin noong nasa high school pa tayo.” Dugtong ni Mario.
“Naku, simpleng bahay lang iyan. Pinabaklas ko iyong lumang bahay namin noon tapos kapag maganda ang ani ng palay at gulay namin eh unti-unti naming pinapagawa ni misis.”
Bumukas ang pintuan ng aming bahay.
“Tuloy po kayo.”
Si Maxene ang nagbukas ng pinto. Nagmano siya’t humalik sa aking pisngi.
“Mga ‘tol… si Maxene. Bunso naming anak.”
Nagmano sa kanilang tatlo ang aking anak.
“May dalaga ka palang anak ‘tol.”
“Oo, grade 12 na ‘yan. Next year magka-college na. Nasaan ang mama mo hija?”
“Nandoon po sila ni kuya Marco sa kubo sa likod. Inihahanda po iyong pagkain.”
“Tara mga ‘tol. Diretso tayo sa likod.”
“Ang ganda naman ng interior ng bahay mo Mon.” Wika ni Chris.
“Kapatid ko ang nagdisenyo nito. Graduate siya ng Fine Arts.”
“At saka Mon.” Ang bulong sa akin ni Mario. ‘Kumpleto kayo sa gamit ha.”
“Misis ko nagpundar ng mga iyan ‘tol. Maganda kasi kita ng maliit niyang grocery sa palengke.”
“May desktop computer ka pala dito Mon. O… may laptop pa dito at isang tablet. Bakit ‘di mo pag-aralang gamitin ang mga ito?” Ani Chris.
“Mga anak ko at si misis ang gumagamit ng mga niyan… hindi ako makasingit.”
Nang makarating kami sa kubo sa likuran ng bahay namin ay nakahanda na ang pagkain. Lubog na araw noon at medyo dumidilim na kaya bukas na ang ilaw.
“Wow. Birthday mo ba Mon. Ang daming pagkain nito ah… adobong baboy at manok, pritong bangus… itlog na maalat… chop suey…” Ani Jay.
“Naku misis, pasensiya na sa abala.” Ang Sabi ni Mario
“Hindi naman po. Huwag ninyong alalahanin iyon.” Ang sagot ng aking kabiyak.
“Ah, siyanga nga pala mga ‘tol. My one and only… Em.”
Humalik sa pisngi ko ang aking asawa at nagmano naman sa akin at sa mga kaybigan ko aking anak na si Marco.
“Ang ganda pala ng misis mo ‘tol.” Ang sabi ni Mario.
“Oo nga.” Ang halos sabay na pag-sang ayon nina Chris at Jay.
“Hindi naman po. Naku Mon… katulad mo palang bolero itong mga kaybigan mo.” Wika ng aking kabiyak.”
“Ma… ang mayayaman at sikat kong mga kaklase… si Jay, si Chris, at si Mario.”
“Mayaman… baka mayabang kamo…” Ani Jay.
“Siya nga pala ang panganay kong anak… si Marco. Gagraduate na siya next year.”
“Anong course ang kinukuha mo Marco?” Ang tanong ni Chris.
“Chemical Engineering po.”
“Mon, pag-graduate nitong si Marco eh kontakin mo ako. Kayang-kaya kong ipasok ito ng trabaho sa Saudi.”
“Ay sige po… sana nga po.” Ang bulalas ni Marco.
Bago kami nagsimulang kumain ay naganyaya ang aking kabiyak na kami muna ay manalangin at magpasalamat sa Panginoon. Mukhang nasorpresa ang mga kaybigan ko. Para silang atubiling nag-antanda bago magdasal.
Ganoon ang asawa ko, iminulat sa akin at sa aming mga anak ang pagdarasal… ang pananalig sa Maykapal. Kaming mag-anak ay nagsisimba tuwing Linggo.
Matapos ang dasal ay naghain ng kanin si Maxene. May katahimikang dumatal sa kubo matapos ang panalanging iyon. Napansin kong halinhinang tinititigan ng mga kaybigan ko ang aking mag-anak.
“Hayan… may dumaang anghel.” Ang wika ko upang basagin ang katahimikang iyon.
“Okay, dahil ako ang pinakamahiyain sa grupo, eh ako na ang unang sasandok ng ulam.” Wika ni Chris.
“Misis… mga bata… sumabay na po kayo sa amin.” Ang paanyaya ni Jay.
“Sige po… mamaya na po kami.” ang halos magkasabay na tugon ng dalawa kong anak.
Naupo sa tabi ko ang aking maybahay at sa likuran namin ang aming dalawang anak. Habang ako’y kumakain eh masuyong hinahagod ni Maxene ang aking likuran.
“Tatay, hindi po ba sumasakit ang likod ninyo.” Ang tanong ni Maxene.
“Hindi naman hija. Okay lang ako.”
Nakita ko kung paano tumitig sa aming mag-anak ang tatlo habang sila’y kumakain. Hindi ko alam kung ano ang kanilang iniisip pero nababanaag ko sa mga ngiting matipid na namumutawi sa kanilang labi at sa banayad nilang pagtango na parang nasisiyahan sila sa kanilang nakikita. Ganoon ang reaksyon ng mga guro ko noon kapag may tanong sila at tama ang sagot na ibinibigay ko.
Natapos ang aming hapunan. Tulong-tulong sa pagliligpit ang aking mag-anak. Nagsipasok sila sa loob ng bahay. Iniwan kami ng mga kaybigan ko sa kubo.
“Maxene, pakitimpla mo nga ang mga tito mo ng kape… sa akin eh green tea.”
Tahimik ang mga kaybigan ko matapos ang aming kainan. Kahit nang nagkakape na sila eh ganoon pa rin. Hindi ko alam kung bakit. Marahil epekto ng mga ininom namin. O kaya ay pagod na sila. Halos anim na oras na kasi kaming magkakasama. Dumating sa puntong parang sabay-sabay silang tumitig sa akin.
“O… mga ‘tol. Bakit? May uling ba ako sa mukha?” Ang tanong ko.
Nangiti si Jay. “I am so happy for you.” Ang sabi niya.
“O bakit naman?”
“Basta, ‘tol. Just keep it up.”
Naiintindihan ko ang ibig sabihin ni Jay.
“Nasimplehan mo kami Mon ah. Maganda pala bahay mo… at may maganda ka palang sasakyan” Ani Chris.
“Naku, masuwerte lang ako at masinop si misis. Magaling mag-budget kaya nakaipon kami para sa unti-unting pagpapagawa ng bahay.”
“Ganyan naman si Mon mula noon. Hindi pala-kuwento. Laging nakikinig lang iyan sa mga sinasabi natin.” Wika ni Mario.
“Bakit kasi ang mga babaeng nakikilala ko eh puro reject. Sa kama lang magaling. May kapatid bang babae ang misis mo ‘tol? Ipakilala mo nga ako.”
“Naku Chris. Meron… pero ayaw ko silang mapariwara ang buhay.”
“Grabe ka naman ‘tol.”
“Gusto kong mainggit sa iyo Mon.” Ani Mario. “Siguro kung hindi ako nag-abroad eh buo pa pamilya ko ngayon.”
“Eh hindi ka yumaman ng ganyan kung dito ka lang nagtrabaho sa Pilipinas.”
Panandalian nanaman kaming natahimik.
“Chris, ano ba ang naging kapalit ng pagyaman ko? Ano ang silbi ng pera ko?”
Tinignan ko si Chris. Mukhang biglang naging seryoso.
“Aywan ko, hindi ko rin alam. Ayaw kong mag-isip.” Ang sagot ni Chris.
“Tama nga Mario ano. Ano nga ba talaga ang tunay na halaga ng pera? Ano ang halaga ng mga natapos ko, ng mataas na posisyon ko… kung ganito namang parang may taning na ang buhay ko. Ano nga ba talaga ang mahalaga?”
“Hay naku Jay. Masasamang damo tayo. Gagaling ka. Mabubuhay tayo nga matagal. Basta sa ating apat eh bawal ang mamatay.”
Muling tumahimik ang kubo matapos sabihin iyon ni Chris. Akong muli ang bumasag sa katahimikang iyon.
“Teka… teka… tama na ang seryosong usapan. Ang mahalaga mga ‘tol ay buhay pa tayo. May pagkakataon tayong ayusin ang dapat ayusin. Habang buhay tayo ay puwede nating pagsikapang matupad ang mga pangarap natin at puwede tayong mangarap ng panibago.”
Tumango-tango si Jay habang si Chris naman eh yumuko.
Lumabas ng kubo si Mario. Lumanghap ng hangin.
“Mon… ihanap mo nga ako ng ibinebentang lupa dito sa malapit sa iyo.” Ani Mario. “Parang iba ang nararamdaman ko ng makita ko itong lugar mo. Parang lumuwag ang dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit.”
“Sige ‘tol. Sa pagkakaalam ko nga eh may ilang magsasaka na gustong magbenta na lupa nila sa may di kalayuan dito.”
“Okay, gusto kong magkaroon ng farm. Sana matulungan mo akong i-develop ito kapag nagkataon.”
“Bakit naman hindi.” Ang sagot ko.
Nang maubos na ang kanilang kape ay nagpaalam na ang mga kaybigan ko. Nagkasundo kaming sa susunod na uwi ni Mario ay magkikita-kita kaming muli. Titiyakin daw ni Jay na buhay pa siya sa muling pagbabalik ni Mario. Nangako naman si Chris na ipapakilala niya sa amin ang babaeng pakakasalan niya.
Mula sa aming terrace ay pinagmamasdan ko ang aking mga kaybigan habang sumasakay sila sa kotse ni Mario. Nakatapat sila sa poste ng ilaw kaya maliwanag. Nakita kong naglabas ng sigarilyo si Jay. Subalit sa halip na ito ay sindihan, ang sigarilyo, pati na ang lighter, ay kanyang itinapon.
– W A K A S –
Reunion (5)
(5th of 6 parts)
“Bakit ba ‘tol, ganyan ang salita mo? Kanina ka pang ganyan.” Ang tanong ko kay Jay.
Yumuko si Jay, bumuntong-hininga. Hinintay namin kung ano ang sasabihin niya. Tahimik lamang kami. Parang kay tagal bago siya muling nagsalita.
“Mga ‘tol. May prostate cancer ako. Stage 1.”
Napailing si Chris sa narinig. Si Mario nama’y umakbay kay Jay. Medyo hindi na ako nagulat sa rebelasyong iyon. Parang nahulaan ko na may problemang ganoon si Jay dahil dalawang beses na siyang may ipanapahaging tungkol sa kalagayan ng kanyang kalusugan.
“Kaya nga Mario nang makita ko sa post mo sa Facebook na magbabakasyon ka, tapos tamang-tama naman na nagkita kami ni Mon eh hiniling ko sa inyo na magkita-kita tayo. Baka kasi… baka kasi…”
Hindi na naituloy ni Jay ang sasabihin niya. Nagsimula nang tumulo ang kanyang mga luha.
“Eh hindi pala si Mario ang pinakamadrama sa atin… ikaw pala Jay. Hindi pa katapusan ng mundo ano… may lunas ‘yan.”
Gusto ko sanang soplahin si Chris pero may katwiran siya. Nakakapanlata na malamang ganoon ang kalagayan ni Jay. Pero wala siyang choice kundi lumaban.
“Natatakot ako kasi prostate cancer din ang ikinamatay ng aking ama. Tila namana ko ito sa kanya.”
Nakinig lang kami sa mga sinasabi ni Jay. Hinayaan naming ilabas niya ang kanyang mga saloobin. Sina Mario at Chris ay nagsabi rin na may mga iniinda na rin daw sila sa katawan. Pareho silang high blood at may problema sa bato ang dalawa kaya marami na ring iniinom na gamot. Sinabi ni Chris na kapag hindi natunaw ng gamot ang bato niya eh malamang na operahan siya.
Ang isang bagay na ipinagpapasalamat ko sa Panginoon eh wala akong sakit na kaylangang nang ikunsulta sa doktor at inuman ng gamot. Kapag namamasada kasi ako mula noon pa ay may tinututukan akong programa sa radio tungkol sa kalusugan at sinusunod ko lahat ng mga payong naririnig ko doon. Paminsan-minsan lang na kumikirot ang tuhod ko at likuran pagkatapos ng mga gawain ko sa bukid.
“Hayaan mo ‘tol. Sasamahan kita doon sa kilala kong magaling na urologist sa St. Luke’s. Gagawan natin ng paraan iyan. Tutulungan kita.” Ani Mario.
“Sige…sige… para sa paggaling ni Jay… CHEERS!”
“Thank you Chris. Thank you mga ‘tol. Medyo lumuwag ang aking pakiramdam nang nasabi ko na kung ano ang kalagayan ko. Kayo pa lang ang nakakaalam tungkol sa kalagayan kong ito.”
“Ibig mo sabihin, hindi pa alam ng asawa mo’t mga anak ang nangyari sa iyo.”
“Mon… binata pa si Jay.” Wika ni Mario.
Marami akong hindi alam tungkol sa mga kaybigan ko. Siguro kung konektado ako sa kanila sa mga social media eh updated rin ako tungkol sa mga nangyayari sa kanila.
“Jay… kaya mo iyan. Kayanin mo! Alam ko kung gaano ka katibay. Dapat magaling ka na sa susunod na uwi ni Mario kapag nagkita-kita tayo ulit.” Wika ni Chris habang nagbubukas siyang muli ng mga bote ng beer.
“Mamaya na ako Chris. Hindi pa ubos itong sa akin.”
“Naku naman Mon… mandadaya ka nanaman.
Nagtawanan silang tatlo. Pero tanggap nila ang kahinaan ko sa pag-inom at hindi nila ako pinipilit. Ang palaging nangyayari noon sa inuman namin ay makatig-tatlo na sila bago ko palang maubos ang unang bote ko. At alam nilang hindi ako puwedeng uminom ng hard.
“Lalakarin natin iyang problema mo Jay next week. Aayusin ko lang muna iyong kasong isinampa ko laban sa aking asawa.”
Natuon ang atensyon namin kay Mario sa sinabi niyang iyon.
“Oo mga ‘tol. Nag-file ako ng kasong adultery laban sa aking asawa 3 years ago. Sometime next week na ang promulgation of judgment. Makukulong ang lintik na babaeng iyon at ang kanyang kalaguyo.”
Ipinaliwanag sa amin ni Mario ang buong pangyayari. Kasosyo daw nila sa negosyo ang lalaking umahas sa kanya. Sampung taon na daw pala halos na nagtataksil sa kanya ang kanyang asawa bago niya ito nadiskubre. Isang common friend nilang mag-asawa sa Facebook ang nagmalasakit na sabihin ang nalalaman niya tungkol sa katraydurang ginagawa ng kanyang asawa.
“May anak ba kayo? Ano ang sabi ng mga bata?” Ang tanong ni Jay.
“Galit sila sa kanilang ina. Wala daw silang pakiaalam kung makukulong siya. Dalawang lalaki ang naging anak namin. Pareho nang graduate ng college at pareho rin silang engineer. Kasama ko na silang nagtatrabaho sa Saudi. Hinayr rin sila ng mga employers ko doon.”
Naging sobrang seryoso na ang kinalabasan ng kuwentuhan namin. Natuon na sa pamilya. Hindi na rin bago sa pandinig ko ang nangyari kay Mario at sa kanyang asawa. Iyon talaga ang ang isa sa mga risks kapag isa sa mag-asawa ay magiging OFW. Mas magiging maganda ang kinabukasan ng pamilya kapag nakakapagtrabaho ang ama o ang ina. Ang problema ay kung ang umalis, o ang iniwan, ay hindi mapaglalabanan ang tukso.
“Siyanga pala Mon… Chris… may pamilya ba kayo?”
Tumango ako. Magkukuwento na sana ako tungkol sa aking pamilya pero naunahan ako ni Chris.
“May dalawa akong anak… pero wala akong asawa. O… bakit parang hindi man lang kayo nagulat.
“Hay naku Chris, hindi na nakakagulat iyang sinabi mo.” Ani Jay. “ Alam na naming malikot ka sa aparato.”
“May isa pa ngang babae na humihingi sa akin ng child support. Idedemanda daw niya ako kapag hindi ko sinuportahan iyong bata. Sabi ko ipa-DNA test ko muna ang bata. Patunayan muna niya na ako nga ama ng anak niya.”
“Bahala ka ‘tol. Baka magka-HIV ka niyan. Kung saan-saang kanal ka sumasaksak.”
“Mario… wise ine. Gumagamit ako ng helmet kung hindi ko kilala ang may ari ng butas na papasukan ko.”
“Eh nasaan iyong dalawang bata na kinilala mo na bilang anak?” Ang tanong ni Jay.
“Nasa akin. Ayaw kuhanin ng mga nanay nila. Kaya hayun, inaalagaan ng ka-live in ko ngayon.”
Parang balewala lang kay Chris ang mga ikinuwento niya. Parang okay lang na ganoon kakomplikado ang takbo ng personal na buhay niya. Ayaw kong husgahan ang kaybigan ko pero hindi kaya niya naiisip kung anong uri ng buhay magkakaroon ang dalawang anak niya sa magkaibang babae. At posible pa pala na maging tatlo na. Paano kung mabuntis pa iyong kalive-in niya? Kung nagkataong kapatid ko si Chris eh malamang nabatukan ko.
Hindi na ako nakapagkuwento tungkol sa aking pamilya dahil nasentro na ang usapang sa mga kapilyuhang pinaggagawa ni Chris. Pinagpayuhan namin siyang umayos alang-alang sa kanyang mga anak.
Nagpatuloy ang inuman at kuwentuhan naming magkakaybigan. Bandang ala-sais na ng hapon ng maubos ang beer at alak na dala ni Mario. Medyo parang nalasing sina Jay At Chris. Si Chris kalaunan ay tumahimik, parang naging antukin. Tuwing maghihilik ay sinisiko siya ni Jay para magising. Si Mario nama’y parang wala lang. Mukhang sanay sa inuman. Ako’y naka-3 bote lang ng beer, may kalahati pang natira kaya okay lamang ako. Sa bandang huli ay kami na lamang ni Mario ang nagkukuwentuhan.
Bumaba sina Jay at Chris. Habang si Jay ay umiihi, sumuka naman si Chris. Bumaba ako’t hinagod ko ang likuran ni Chris. Sa pagkataong iyon eh nag-ring ang aking cell phone. Ang asawa ko ang tumawag.
“Excuse me mga ‘tol. Si misis tumatawag.”
“Naku lagot… nagro-roll call na si kumander.” Ani Chris.
Reunion (4)
(4th of 6 parts)
Bumaba si Mario ng kanyang sasakyan. May bitbit na plastic bag. Naka-long sleeve din ito, katulad ni Jay. Wala nga lang kurbata.
“Mga ‘tol. Sa wakas, nagkita-kita rin tayo.” Ang mangiyak-ngiyak na sabi ni Mario habang isa-isa niya kaming niyakap
Anak ng… ‘tol hanggang ngayon. Madrama ka pa rin.” Wika ni Chris
Hindi naman,” ang sabi ni Jay, “Na-miss lang tayo ni Mario.”
Teka, upo nga muna tayo. Wow. Ito pa rin yata iyong mga batong inuupuan natin kapag tumatambay tayo dito noon.” Ang sabi ni Mario.
Binuksan ni Mario ang bitbit niyang plastic bag.
“This is for you Jay. Perfume iyan. Alam kong mahilig ka sa pabango. Mon, heto, ibinili kita ng bagong phone. Galaxy S20 yan. Latest ng Samsung.”
“Naku ‘tol, nakakahiya naman, ang mahal nito ah.”
“Okay lang Mon. Huwag mong alalahanin ‘yan. Sabi kasi sa akin ni Jay nang tawagan ko siya kahapon na mukhang luma na ang gamit mong cell phone.”
Sabay kami ni Jay na yumakap kay Mario at nagpasalamat.
Wow, tamang-tama! Dapat lang talaga na igawa na kita account sa Facebook.” Ani Chris. “Eh hetong akin, ano naman itong laman nito?”
“Viagra iyan.”
Nagtawanan kami sa sinabing iyon ni Mario.
“Hoy, FYI ha, hindi ko kaylangan ng Viagra. Kindatan lang ako ng babae eh nagagalit na ito.”
“Talaga lang ha!” Wika ni Jay. “Baka naman mukha mo na lang ang nagagalit.”
Muli nanaman kaming nagtawanan.
“As if you don’t know me boys.”
“Naku Chris, kilalang-kilala ka namin.” Ani Jay.
“Hindi ‘yan Viagra. Relo ‘yan. G-shock.”
Mukhang totoo nga ang sinabi ni Jay sa amin ni Chris tungkol kay Mario. Maganda nga siguro ang ang naging trabaho niya sa Saudi. Masaya talaga ako para sa aking mga kaybigan. Nagtagumpay sila sa mga larangang kanilang pinili. Natupad nila ang kanilang mga pangarap.
Mahirap talagang hulaan kung ano ang kakahinatnan ng buhay ng tao sa kinabukasan. Mahirap sabihin kung ang ano mangyayari sa mga kaklase mo’t mga kaybigan kapag kayo’y naghiwa-hiwalay na matapos ang high school o college. Walang makakapagsabi kung ang mga pinakamagagaling mong kaklase noon eh sila rin ang magtatamasa ng tagumpay at kasaganaan pagdating ng panahon. Katulad na lamang nina Chris at Mario. Kung tutuusin eh tamad silang mag-aral noon. Bulakbol silang maituturing. Madalas absent sa klase. Si Jay ang pinakamatalino sa aming magkakaybigan at si Mario naman ang pinakamahina pero sa tingin ko sa kanilang tatlo eh siya ang pinakamapera. Pinakamaganda ang kanyang kotse at mantakin mong parang balewale lang sa kanya ang halaga ng mga pasalubong niya sa amin.
“O Mon, baka matunaw ako niyan. Huwag mo ako masyadong pagmasdan.” Ang sabi ni Mario.
“Pinahahanga mo kasi ako ‘tol. You’re amazing.”
“Teka, teka… ayan ha… kumpleto na tayo. Puwede siguro piktyur-piktyur na tayo. Groufie tayo mga ‘tol.” Ani Chris.
Naghalinhinan silang tatlo na kumuha ng pictures ng grupo. Para kaming mga bata na nagkakagulo sa pagpo-pose.
“Hayan, naka-post na sa Facebook ang mga pictures natin.” Sabi ni Jay. “Hayaan mo Mon, makikita mo rin ito mamaya kapag nagawa ko na account mo sa Facebook. O… tingin dito ‘tol. Hayan… heto ang gagamitin kong profile pic. Okay ah… walang kupas… guwapo ka pa rin hanggang ngayon.”
“Teka, gutom na ako ah. Puwede bang magmeryenda muna tayo?” Ani Mario.
“Wait! Hindi ba tayo maglalaro?” Tanong ni Chris.
“Next time na laro. Kain na lang muna tayo.” Mungkahi ni Jay.
“Sabagay, gutom na rin ako.” Wika ni Chris. “Eh Mon, saan ba meron ditong magandang restaurant? Marami ka siguradong alam niyan dahil araw-araw kang namamasada dito.”
“No! Gusto ko ng LTB Chris. At bakit lalayo pa tayo eh hayan na ang lugawan ni mang Isko.”
Itinuro ni Mario ang lugawang madalas naming puntahan noon.
“Wow, ang cheap ha… lugaw, tokwa, baboy.”
“O sige Chris. Maghanap ka ng restaurant na kakainan mo. Tara na Mario… Mon. Kain tayo ng LTB.”
Naglakad si Jay papunta sa lugawan. Sumunod kami ni Mario.
“Hoy, teka, sama ako. Parang masarap nga ang LTB.” Ani Chris.
Solo namin ang lugawan. Nakakalungkot malaman na patay na pala sina nanay Mameng at mang Isko. Mga anak na nila ang nagpapatakbo ng kanilang tindahan at lugawan.
Nagsiupo na silang tatlo habang hinihintay ko ang inorder naming LTB. Pinagmasdan ko ang aking mga kaybigan na masayang nagkukuwentuhan. Sa kanilang tatlo, ang pinakamatandang tignan ay si Jay. Marami na siyang puting buhok. Stressed siguro sa dami ng trabaho at sa pag-aaral niya noon kaya mabilis pumuti ang kanyang mga buhok. Napatingin ako sa salaming nakasabit sa may pintuan ng lugawan. Tinignan ko kung may puting buhok na rin ako. Mukha namang wala pa. Sina Mario at Chris ay mangilan-ngilan lang ang natatanawan kong puti nila sa buhok. Pero si Mario ay medyo mas lumapad na ang noo. Siguro dahil mainit sa Saudi kaya madaling nanlalagas ang kanyang mga buhok.
Tumayo si Chris at nag-selfie. Makulit siyang talaga, kinuhan din niya ako. Napansin kong mas tumangkad pa lalo siya. Si Chris ang laging tumatayong sentro kapag bumubuo ng team ang aming section noong high school. Si Jay ang pinakamaliit sa aming apat pero siya ang pina-gwaping. Mestisuhin siya. Kami naman ni Mario halos mag-kasingtangkad lang.
Self-service sa lugawang iyon kaya ako na ang nagbitbit ng mga inorder namin nang handa na ang mga ito.
“Wow… ngayon lang ulit ako makakatikim nitong LTB.” Ani Mario. “Teka, Mon…lugaw-itlog lang ba ang sa iyo?”
Tumango lamang ako.
“Diet ba?” Ang tanong ni Chris. “Kaya siguro maliit pa rin ang tiyan mo hanggang ngayon. Samantalang ako eh para na akong buntis.”
“Oo nga ano.” Ang sabi naman ni Jay. “At napansin ba ninyo Chris… Mario. Ang lalaki ng mga dibdib at braso ni Mon.”
“Batak kasi ako sa pagda-drive at sa bukid mga ‘tol.”
“Eh ikaw naman Jay. Bakit parang pumayat ka?” Ang tanong ni Mario.
“Ah… eh… Kapupuyat siguro…dami ko kasing paperwork. Mahirap maging school administrator.”
Lugaw lang ang kinain namin pero masayang-masaya kaming magkakaybigan. Umorder pa sila ng isang round ng LTB ako nama’y nagkasya na sa isa. Habang kami’y kumakain eh pinagkuwentuhan namin ang lahat ng mga kalokohang ginawa namin noong kami’y nasa high school. Masaya ang kuwentuhang iyon – tawanan kami’t kantiyawan.
Pagkatapos naming kumain, nagyayang uminom sina Chris at Mario.
“May alam akong videoke bar sa kabilang bayan. Bukas sila from 3:00 PM hanggang madaling araw. Tara, may mga sasakyan naman tayo.” Ani Chris.
“Huwag na doon ‘tol, mahaba ang biyahe, sayang ang oras. Mas maganda kung bumili na lang tayo ng beer diyan sa tindahan at doon sa loob ng jeep ni Mon tayo mag-inuman. Presko na eh unique pa iyong experience.” Ang mungkahi ni Jay.
“Oo nga naman Chris. Huwag na tayong lumayo para tuloy-tuloy ang kuwentuhan.” Ang susog ni Mario.
“Okay…okay… siyempre majority wins. Heto namang si Mon eh hindi boboto. Laging neutral. Sige… sige.. bibili na ako ng beer para masimulan na agad.”
At ayon nga sa mungkahi ni Jay, sa loob ng aking jeep kami nag-inuman. Tama siya, kakaiba nga ang gagawin naming iyon – sa loob ng jeep magiinuman. Si Chris ang bumili ng beer at ako nama’y bumili ng mani at chicharon na pupulutanin. Mabuti na lamang at nilinis ko ang loob ng jeep pagkatapos kong mamasada. Laking tuwa namin nang inilabas din ni Mario mula sa kanyang sasakyan ang baon niyang Chivas Regal at imported na Cheddar. May bitbit din itong isang shot glass.
Isang case ng beer ang kinuha ni Chris.
“O, katulad ng dati walang uuwi hangga’t hindi ubos ito… pati ang Chivas ni Mario. Heto bumili na rin ako ng plastic cup at cubed ice kung gusto ninyo ng malamig. ” Ani Chris habang inaabutan kami ng binuksan niyang bote ng beer.
“Para sa muli nating pagsasama-sama ng mga gwapings… CHEERS!!!” Wika ni Jay.
Sa ganoon nagsimula ang aming inuman at ang pagpapatuloy ng parang hindi matapos-tapos naming kuwentuhan.
“Bakit ba kasi ngayon lang natin naisipang magkita-kita?” Ang tanong ni Mario. “Gawin na nating regular ito. Baka kasi ang mangyari niyan eh after 25 years na naman bago natin ulitin ito. Paano ba gagawin natin… every 2 years, tuwing bakasyon ko? O kahit every 4 years?”
“Huwag 4 years… baka hindi na ako umabot!” Ani Jay.
Bigla kaming tumahimik.