Category Archives: Mga Pangarap Sa Buhay

Reunion (6)

(Last of 6 parts)

6th

Alam ng asawa ko na magkikita-kita kaming magkakaybigan. Nagluto daw siya ng hapunan. Yayain ko daw ang tropa na doon kumain.

“Aba’y ayos na ayos iyan.” Ang wika ni Jay nang sabihin kong nag-iimbinta si misis na doon kami maghapunan sa bahay. “Para na rin ma-meet namin ang iyong pamilya.”

“Okay.” Ang sabi ko. “Oh dito na lang tayo sa jeep ko sumakay ha. Mukhang delikado para sa inyo Jay… Chris ang mag-drive. Ihahatid ko na lang kayo dito pabalik mamaya. Malapit lang naman itong lugar na ito  sa amin.”

Pumayag ang dalawa. Si Mario naman, dahil mukhang hindi nalasing, eh hinayaan kong dalhin niya ang kanyang sasakyan. Para na rin daw hindi na ako maabalang ihatid sila pabalik doon pagkatapos naming kumain.  Nang isauli ko ang case ng beer sa tindahan ay inihabilin ko sa may-ari ang sasakyan nina Chris at Jay. Kaylangan lang daw na balikan nila ang mga iyon bago maghating-gabi bago sila magsasara.

At binagtas namin ang daan papunta sa aking bahay. Nakabuntot sa amin si Mario. Sina Chris at Jay ay mukhang naidlip habang kami’y bumibihaye. Wala pang 20 minutes ay nakarating kami sa bahay.

Bukas na ang aming gate nang dumating kami. Nagsibaba kami ni Jay at Chris ng jeep at hinintay namin si Mario maka-park ng maayos bago kami pumasok sa aming bakuran.

“Mon, may van ka pala ah.” Ang wika ni Chirs.

“Kay misis yan, gamit niya sa negosyo.”

“Aba ‘tol, maganda pala ang bahay mo ha.” Ani Jay.

“Oo nga, up-and-down. At malawak ang bakuran mo ah. Akala ko naman eh heto pa rin iyong lumang bahay na pinupuntahan namin noong nasa high school pa tayo.” Dugtong ni Mario.

“Naku, simpleng bahay lang iyan. Pinabaklas ko iyong lumang bahay namin noon tapos kapag maganda ang ani ng palay at gulay namin eh unti-unti naming pinapagawa ni misis.”

Bumukas ang pintuan ng aming bahay.

“Tuloy po kayo.”

Si Maxene ang nagbukas ng pinto. Nagmano siya’t humalik sa aking pisngi.

“Mga ‘tol… si Maxene. Bunso naming anak.”

Nagmano sa kanilang tatlo ang aking anak.

“May dalaga ka palang anak ‘tol.”

“Oo, grade 12 na ‘yan. Next year magka-college na. Nasaan ang mama mo hija?”

“Nandoon po sila ni kuya Marco sa kubo sa likod. Inihahanda po iyong pagkain.”

“Tara mga ‘tol. Diretso tayo sa likod.”

“Ang ganda naman ng interior ng bahay mo Mon.” Wika ni Chris.

“Kapatid ko ang nagdisenyo nito. Graduate siya ng Fine Arts.”

“At saka Mon.” Ang bulong sa akin ni Mario. ‘Kumpleto kayo sa gamit ha.”

“Misis ko nagpundar ng mga iyan ‘tol. Maganda kasi kita ng maliit niyang grocery sa palengke.”

“May desktop computer ka pala dito Mon. O… may laptop pa dito at isang tablet. Bakit ‘di mo pag-aralang gamitin ang mga ito?” Ani Chris.

“Mga anak ko at si misis ang gumagamit ng mga niyan… hindi ako makasingit.”

Nang makarating kami sa kubo sa likuran ng bahay namin ay nakahanda na ang pagkain. Lubog na araw noon at medyo dumidilim na kaya bukas na ang ilaw.

“Wow. Birthday mo ba Mon. Ang daming pagkain nito ah… adobong baboy at manok, pritong bangus… itlog na maalat… chop suey…” Ani Jay.

“Naku misis, pasensiya na sa abala.” Ang Sabi ni Mario

“Hindi naman po. Huwag ninyong alalahanin iyon.” Ang sagot ng aking kabiyak.

“Ah, siyanga nga pala mga ‘tol. My one and only… Eliza.”

Humalik sa pisngi ko ang aking asawa at nagmano naman sa akin at sa mga kaybigan ko aking anak na si Marco.

“Ang ganda pala ng misis mo ‘tol.” Ang sabi ni Mario.

“Oo nga.” Ang halos sabay na pag-sang ayon nina Chris at Jay.

“Hindi naman po. Naku Mon… katulad mo palang bolero itong mga kaybigan mo.” Wika ng aking kabiyak.”

“Ma… ang mayayaman at sikat kong mga kaklase… si Jay, si Chris, at si Mario.”

“Mayaman… baka mayabang kamo…” Ani Jay.

“Siya nga pala ang panganay kong anak… si Marco. Gagraduate na siya next year.”

“Anong course ang kinukuha mo Marco?” Ang tanong ni Chris.

Chemical Engineering po.”

“Mon, pag-graduate nitong si Marco eh kontakin mo ako. Kayang-kaya kong ipasok ito ng trabaho sa Saudi.”

“Ay sige po… sana nga po.” Ang bulalas ni Marco.

Bago kami nagsimulang kumain ay naganyaya ang aking kabiyak na kami muna ay manalangin at magpasalamat sa Panginoon. Mukhang nasorpresa ang mga kaybigan ko. Para silang atubiling nag-antanda bago magdasal.

Ganoon ang asawa ko, iminulat sa akin at sa aming mga anak ang pagdarasal… ang pananalig sa Maykapal. Kaming mag-anak ay nagsisimba tuwing Linggo.

Matapos ang dasal ay naghain ng kanin si Maxene. May katahimikang dumatal sa kubo matapos ang panalanging iyon. Napansin kong halinhinang tinititigan ng mga kaybigan ko ang aking mag-anak.

“Hayan… may dumaang anghel.” Ang wika ko upang basagin ang katahimikang iyon.

“Okay, dahil ako ang pinakamahiyain sa grupo, eh ako na ang unang sasandok ng ulam.” Wika ni Chris.

“Misis… mga bata… sumabay na po kayo sa amin.” Ang paanyaya ni Jay.

“Sige po… mamaya na po kami.” ang halos magkasabay na tugon ng dalawa kong anak.

Naupo sa tabi ko ang aking maybahay at sa likuran namin ang aming dalawang anak. Habang ako’y kumakain eh masuyong hinahagod ni Maxene ang aking likuran.

“Tatay, hindi po ba sumasakit ang likod ninyo.” Ang tanong ni Maxene.

“Hindi naman hija. Okay lang ako.”

Nakita ko kung paano tumitig sa aming mag-anak ang tatlo  habang sila’y kumakain. Hindi ko alam kung ano ang kanilang iniisip pero nababanaag ko sa mga ngiting matipid na namumutawi sa kanilang labi at sa banayad nilang pagtango na parang nasisiyahan sila sa kanilang nakikita. Ganoon ang reaksyon ng mga guro ko noon kapag may tanong sila at tama ang sagot na ibinibigay ko.

Natapos ang aming hapunan. Tulong-tulong sa pagliligpit ang aking mag-anak. Nagsipasok sila sa loob ng bahay. Iniwan kami ng mga kaybigan ko sa kubo.

“Maxene, pakitimpla mo nga ang mga tito mo ng kape… sa akin eh green tea.”

Tahimik ang mga kaybigan ko matapos ang aming kainan. Kahit nang nagkakape na sila eh ganoon pa rin. Hindi ko alam kung bakit. Marahil epekto ng mga ininom namin. O kaya ay pagod na sila. Halos anim na oras na kasi kaming magkakasama. Dumating sa puntong parang sabay-sabay silang tumitig sa akin.

“O… mga ‘tol. Bakit? May uling ba ako sa mukha?” Ang tanong ko.

Nangiti si Jay. “I am so happy for you.” Ang sabi niya.

“O bakit naman?”

“Basta, ‘tol. Just keep it up.”

Naiintindihan ko ang ibig sabihin ni Jay.

“Nasimplehan mo kami Mon ah. Maganda pala bahay mo… at may maganda ka palang sasakyan” Ani Chris.

“Naku, masuwerte lang ako at masinop si misis. Magaling mag-budget kaya nakaipon kami para sa unti-unting pagpapagawa ng bahay.”

“Ganyan naman si Mon mula noon. Hindi pala-kuwento. Laging nakikinig lang iyan sa mga sinasabi natin.” Wika ni Mario.

“Bakit kasi ang mga babaeng nakikilala ko eh puro reject. Sa kama lang magaling. May kapatid bang babae ang misis mo ‘tol? Ipakilala mo nga ako.”

“Naku Chris. Meron… pero ayaw ko silang mapariwara ang buhay.”

“Grabe ka naman ‘tol.”

“Gusto kong mainggit sa iyo Mon.” Ani Mario. “Siguro kung hindi ako nag-abroad eh buo pa pamilya ko ngayon.”

“Eh hindi ka yumaman ng ganyan kung dito ka lang nagtrabaho sa Pilipinas.”

Panandalian nanaman kaming natahimik.

“Chris, ano ba ang naging kapalit ng pagyaman ko? Ano ang silbi ng pera ko?”

Tinignan ko si Chris. Mukhang biglang naging seryoso.

“Aywan ko, hindi ko rin alam. Ayaw kong mag-isip.” Ang sagot ni Chris.

“Tama nga Mario ano. Ano nga ba  talaga ang tunay na halaga ng pera? Ano ang halaga ng mga natapos ko, ng mataas na posisyon ko… kung ganito namang parang may taning na ang buhay ko. Ano nga ba talaga ang mahalaga?”

“Hay naku Jay. Masasamang damo tayo. Gagaling ka. Mabubuhay tayo nga matagal. Basta sa ating apat eh bawal ang mamatay.”

Muling tumahimik ang kubo matapos sabihin iyon ni Chris. Akong muli ang bumasag sa katahimikang iyon.

“Teka… teka… tama na ang seryosong usapan. Ang mahalaga mga ‘tol ay buhay pa tayo. May pagkakataon tayong ayusin ang dapat ayusin. Habang buhay tayo ay puwede nating pagsikapang matupad ang mga pangarap natin at puwede tayong mangarap ng panibago.”

Tumango-tango si Jay habang si Chris naman eh yumuko.

Lumabas ng kubo si Mario. Lumanghap ng hangin.

“Mon… ihanap mo nga ako ng ibinebentang lupa dito sa malapit sa iyo.” Ani Mario. “Parang iba ang nararamdaman ko ng makita ko itong lugar mo. Parang lumuwag ang dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit.”

 “Sige ‘tol. Sa pagkakaalam ko nga eh may ilang magsasaka na gustong magbenta na lupa nila sa may di kalayuan dito.”

“Okay, gusto kong magkaroon ng farm. Sana matulungan mo akong i-develop ito kapag nagkataon.”

“Bakit naman hindi.” Ang sagot ko.

Nang maubos na ang kanilang kape ay nagpaalam na ang mga kaybigan ko. Nagkasundo kaming sa susunod na uwi ni Mario ay magkikita-kita kaming muli. Titiyakin daw ni Jay na buhay pa siya sa muling pagbabalik ni Mario. Nangako naman si Chris na ipapakilala niya sa amin ang babaeng pakakasalan niya.

Mula sa aming terrace ay pinagmamasdan ko ang aking mga kaybigan habang sumasakay sila sa kotse ni Mario. Nakatapat sila sa poste ng ilaw kaya maliwanag. Nakita kong naglabas ng sigarilyo si Jay. Subalit sa halip na ito ay sindihan, ang sigarilyo, pati na ang lighter, ay kanyang itinapon.

–  W  A  K  A  S –

Reunion (5)

(5th of 6 parts)

5th

“Bakit ba ‘tol, ganyan ang salita mo? Kanina ka pang ganyan.” Ang tanong ko kay Jay.

Yumuko si Jay, bumuntong-hininga. Hinintay namin kung ano ang sasabihin niya. Tahimik lamang kami. Parang kay tagal bago siya muling nagsalita.

“Mga ‘tol. May prostate cancer ako. Stage 1.”

Napailing si Chris sa narinig. Si Mario nama’y umakbay kay Jay. Medyo hindi na ako nagulat sa rebelasyong iyon. Parang nahulaan ko na may problemang ganoon si Jay dahil dalawang beses na siyang may ipanapahaging tungkol sa kalagayan ng kanyang kalusugan.

“Kaya nga Mario nang makita ko sa post mo sa Facebook na magbabakasyon ka, tapos tamang-tama naman na nagkita kami ni Mon eh hiniling ko sa inyo na magkita-kita tayo. Baka kasi… baka kasi…”

Hindi na naituloy ni Jay ang sasabihin niya. Nagsimula nang tumulo ang kanyang mga luha.

“Eh hindi pala si Mario ang pinakamadrama sa atin… ikaw pala Jay. Hindi pa katapusan ng mundo ano… may lunas ‘yan.”

Gusto ko sanang soplahin si Chris pero may katwiran siya. Nakakapanlata na malamang ganoon ang kalagayan ni Jay. Pero wala siyang choice kundi lumaban.

“Natatakot ako kasi prostate cancer din ang ikinamatay ng aking ama. Tila namana ko ito sa kanya.”

Nakinig lang kami sa mga sinasabi ni Jay. Hinayaan naming ilabas niya ang kanyang mga saloobin. Sina Mario at Chris ay nagsabi rin na may mga iniinda na  rin daw sila sa katawan. Pareho silang high blood at may problema sa bato ang dalawa kaya marami na ring iniinom na gamot. Sinabi ni Chris na kapag hindi natunaw ng gamot ang bato niya eh malamang na operahan siya.

Ang isang bagay na ipinagpapasalamat ko sa Panginoon eh wala akong sakit na kaylangang nang ikunsulta sa doktor at inuman ng gamot. Kapag namamasada kasi ako mula noon pa ay may tinututukan akong programa sa radio tungkol sa kalusugan at sinusunod ko lahat ng mga payong naririnig ko doon.  Paminsan-minsan lang na kumikirot ang tuhod ko at likuran pagkatapos ng mga gawain ko sa bukid.

“Hayaan mo ‘tol. Sasamahan kita doon sa kilala kong magaling na urologist sa St. Luke’s. Gagawan natin ng paraan iyan. Tutulungan kita.” Ani Mario.

“Sige…sige… para sa paggaling ni Jay… CHEERS!”

Thank you Chris. Thank you mga ‘tol. Medyo lumuwag ang aking pakiramdam nang nasabi ko na kung ano ang kalagayan ko. Kayo pa lang ang nakakaalam tungkol sa kalagayan kong ito.”

“Ibig mo sabihin, hindi pa alam ng asawa mo’t mga anak ang nangyari sa iyo.”

“Mon… binata pa si Jay.” Wika ni Mario.

Marami akong hindi alam tungkol sa mga kaybigan ko. Siguro kung konektado ako sa kanila sa mga social media eh updated rin ako tungkol sa mga nangyayari sa kanila.

“Jay… kaya mo iyan. Kayanin mo! Alam ko kung gaano ka katibay. Dapat magaling ka na sa susunod na uwi ni Mario kapag nagkita-kita tayo ulit.” Wika ni Chris habang nagbubukas siyang muli ng mga bote ng beer.

“Mamaya na ako Chris. Hindi pa ubos itong sa akin.”

“Naku naman Mon… mandadaya ka nanaman.

Nagtawanan silang tatlo. Pero tanggap nila ang kahinaan ko sa pag-inom at hindi nila ako pinipilit. Ang palaging nangyayari noon sa inuman namin ay makatig-tatlo na sila bago ko palang maubos ang unang bote ko. At alam nilang hindi ako puwedeng uminom ng hard.

“Lalakarin natin iyang problema mo Jay next week. Aayusin ko lang muna iyong kasong isinampa ko laban sa aking asawa.”

Natuon ang atensyon namin kay Mario sa sinabi niyang iyon.

“Oo mga ‘tol. Nag-file ako ng  kasong adultery laban sa aking asawa 3 years ago. Sometime next week na ang promulgation of judgment. Makukulong ang lintik na babaeng iyon at ang kanyang kalaguyo.”

Ipinaliwanag sa amin ni Mario ang buong pangyayari. Kasosyo daw nila sa negosyo ang lalaking umahas sa kanya. Sampung taon na daw pala halos na nagtataksil sa kanya ang kanyang asawa bago niya ito nadiskubre. Isang common friend nilang mag-asawa sa Facebook ang nagmalasakit na sabihin ang nalalaman niya tungkol sa katraydurang ginagawa ng kanyang asawa.

“May anak ba kayo? Ano ang sabi ng mga bata?” Ang tanong ni Jay.

“Galit sila sa kanilang ina. Wala daw silang pakiaalam kung makukulong siya. Dalawang lalaki ang naging anak namin. Pareho nang graduate ng college at pareho rin silang engineer. Kasama ko na silang nagtatrabaho sa Saudi. Hinayr rin sila ng mga employers ko doon.”

 Naging sobrang seryoso na ang kinalabasan ng kuwentuhan namin. Natuon na sa pamilya. Hindi na rin bago sa pandinig ko ang nangyari kay Mario at sa kanyang asawa. Iyon talaga ang ang isa sa mga risks kapag isa sa mag-asawa ay magiging OFW. Mas magiging maganda ang kinabukasan ng pamilya kapag nakakapagtrabaho ang ama o ang ina. Ang problema ay kung ang umalis, o ang iniwan, ay hindi mapaglalabanan ang tukso.

“Siyanga pala Mon… Chris… may pamilya ba kayo?”

Tumango ako. Magkukuwento na sana ako tungkol sa aking pamilya pero naunahan ako ni Chris.

“May dalawa akong anak… pero wala akong asawa. O… bakit parang hindi man lang kayo nagulat.

“Hay naku Chris, hindi na nakakagulat iyang sinabi mo.” Ani Jay. “ Alam na naming malikot ka sa aparato.”

“May isa pa ngang babae na humihingi sa akin ng child support. Idedemanda daw niya ako kapag hindi ko sinuportahan iyong bata. Sabi ko ipa-DNA test ko muna ang bata. Patunayan muna niya na ako nga ama ng anak niya.”

“Bahala ka ‘tol. Baka magka-HIV ka niyan. Kung saan-saang kanal ka sumasaksak.”

“Mario… wise ine. Gumagamit ako ng helmet kung hindi ko kilala ang may ari ng butas na papasukan ko.”

“Eh nasaan iyong dalawang bata na kinilala mo na bilang anak?” Ang tanong ni Jay.

“Nasa akin. Ayaw kuhanin ng mga nanay nila. Kaya hayun, inaalagaan ng ka-live in ko ngayon.”

Parang balewala lang kay Chris ang mga ikinuwento niya. Parang okay lang na ganoon kakomplikado ang takbo ng personal na buhay niya. Ayaw kong husgahan ang kaybigan ko pero hindi kaya niya naiisip kung anong uri ng buhay magkakaroon ang dalawang anak niya sa magkaibang babae. At posible pa pala na maging tatlo na. Paano kung mabuntis pa iyong kalive-in niya? Kung nagkataong kapatid ko si Chris eh malamang nabatukan ko.

Hindi na ako nakapagkuwento tungkol sa aking pamilya dahil nasentro na ang usapang sa mga kapilyuhang pinaggagawa ni Chris. Pinagpayuhan namin siyang umayos alang-alang sa kanyang mga anak.

Nagpatuloy ang inuman at kuwentuhan naming magkakaybigan. Bandang ala-sais na ng hapon ng maubos ang beer at alak na dala ni Mario. Medyo parang nalasing sina Jay At Chris. Si Chris kalaunan ay tumahimik, parang naging antukin. Tuwing maghihilik ay sinisiko siya ni Jay para magising. Si Mario nama’y parang wala lang. Mukhang sanay sa inuman. Ako’y naka-3 bote lang ng beer, may kalahati pang natira kaya okay lamang ako. Sa bandang huli ay kami na lamang ni Mario ang nagkukuwentuhan.

Bumaba sina Jay at Chris.  Habang si Jay ay umiihi, sumuka naman si Chris. Bumaba ako’t hinagod ko ang likuran ni Chris. Sa pagkataong iyon eh nag-ring ang aking cell phone. Ang asawa ko ang tumawag.

Excuse me mga ‘tol. Si misis tumatawag.”

“Naku lagot… nagro-roll call na si kumander.” Ani Chris.

Part 6

Reunion (4)

(4th of 6 parts)

4th

Bumaba si Mario ng kanyang sasakyan. May bitbit na plastic bag. Naka-long sleeve din ito, katulad ni Jay. Wala nga lang kurbata.

“Mga ‘tol. Sa wakas, nagkita-kita rin tayo.” Ang mangiyak-ngiyak na sabi ni Mario habang isa-isa niya kaming niyakap

Anak ng… ‘tol hanggang ngayon. Madrama ka pa rin.” Wika ni Chris

Hindi naman,” ang sabi ni Jay, “Na-miss lang tayo ni Mario.”

Teka, upo nga muna tayo. Wow. Ito pa rin yata iyong mga batong inuupuan natin kapag tumatambay tayo dito noon.” Ang sabi ni Mario.

Binuksan ni Mario ang bitbit niyang plastic bag.

This is for you Jay. Perfume iyan. Alam kong mahilig ka sa pabango. Mon, heto, ibinili kita ng bagong phone. Galaxy S20 yan. Latest ng Samsung.”

“Naku ‘tol, nakakahiya naman, ang mahal nito ah.”

“Okay lang Mon. Huwag mong alalahanin ‘yan.  Sabi kasi sa akin ni Jay nang tawagan ko siya kahapon na mukhang luma na ang gamit mong cell phone.”

Sabay kami ni Jay na yumakap kay Mario at nagpasalamat.

Wow, tamang-tama! Dapat lang talaga na igawa na kita account sa Facebook.” Ani Chris. “Eh hetong akin, ano naman itong laman nito?”

Viagra iyan.”

Nagtawanan kami sa sinabing iyon ni Mario.

“Hoy, FYI ha, hindi ko kaylangan ng Viagra. Kindatan lang ako ng babae eh nagagalit na ito.”

“Talaga lang ha!” Wika ni Jay. “Baka naman mukha mo na lang ang nagagalit.”

Muli nanaman kaming nagtawanan.

“As if you don’t know me boys.”

“Naku Chris, kilalang-kilala ka namin.” Ani Jay.

“Hindi ‘yan Viagra. Relo ‘yan. G-shock.”

Mukhang totoo nga ang sinabi ni Jay sa amin ni Chris tungkol kay Mario. Maganda nga siguro ang ang naging trabaho niya sa Saudi. Masaya talaga ako para sa aking mga kaybigan. Nagtagumpay sila sa mga larangang kanilang pinili. Natupad nila ang kanilang mga pangarap.

Mahirap talagang hulaan kung ano ang kakahinatnan ng buhay ng tao sa kinabukasan. Mahirap sabihin kung ang ano mangyayari sa mga kaklase mo’t mga kaybigan kapag kayo’y naghiwa-hiwalay na matapos ang high school o college. Walang makakapagsabi kung ang mga pinakamagagaling mong kaklase noon eh sila rin ang magtatamasa ng tagumpay at kasaganaan pagdating ng panahon. Katulad na lamang nina Chris at Mario. Kung tutuusin eh tamad silang mag-aral noon. Bulakbol silang maituturing. Madalas absent sa klase. Si Jay ang pinakamatalino sa aming magkakaybigan at si Mario naman ang pinakamahina pero sa tingin ko sa kanilang tatlo eh siya ang pinakamapera. Pinakamaganda ang kanyang kotse at mantakin mong parang balewale lang sa kanya ang halaga ng mga pasalubong niya sa amin.

“O Mon, baka matunaw ako niyan. Huwag mo ako masyadong pagmasdan.” Ang sabi ni Mario.

“Pinahahanga mo kasi ako ‘tol. You’re amazing.”

“Teka, teka… ayan ha… kumpleto na tayo. Puwede siguro piktyur-piktyur na tayo. Groufie tayo mga ‘tol.” Ani Chris.

Naghalinhinan silang tatlo na kumuha ng pictures ng grupo. Para kaming mga bata na nagkakagulo sa pagpo-pose.

“Hayan, naka-post na sa Facebook ang mga pictures natin.” Sabi ni Jay. “Hayaan mo Mon, makikita mo rin ito mamaya kapag nagawa ko na account mo sa Facebook. O… tingin dito ‘tol. Hayan… heto ang gagamitin kong profile pic. Okay ah… walang kupas… guwapo ka pa rin hanggang ngayon.”

“Teka, gutom na ako ah. Puwede bang magmeryenda muna tayo?” Ani Mario.

“Wait! Hindi ba tayo maglalaro?” Tanong ni Chris.

“Next time na laro. Kain na lang muna tayo.” Mungkahi ni Jay.

“Sabagay, gutom na rin ako.” Wika ni Chris. “Eh Mon, saan ba meron ditong magandang restaurant? Marami ka siguradong alam niyan dahil araw-araw kang namamasada dito.”

“No! Gusto ko ng LTB Chris. At bakit lalayo pa tayo eh hayan na ang lugawan ni mang Isko.”

Itinuro ni Mario ang lugawang madalas naming puntahan noon.

“Wow, ang cheap ha… lugaw, tokwa, baboy.”

“O sige Chris. Maghanap ka ng restaurant na kakainan mo. Tara na Mario… Mon. Kain tayo ng LTB.”

Naglakad si Jay papunta sa lugawan. Sumunod kami ni Mario.

“Hoy, teka, sama ako. Parang masarap nga ang LTB.” Ani Chris.

Solo namin ang lugawan. Nakakalungkot malaman na patay na pala sina nanay Mameng at mang Isko. Mga anak na nila ang nagpapatakbo ng kanilang tindahan at lugawan.

Nagsiupo na silang tatlo habang hinihintay ko ang inorder naming LTB. Pinagmasdan ko ang aking mga kaybigan na masayang nagkukuwentuhan. Sa kanilang tatlo, ang pinakamatandang tignan ay si Jay. Marami  na siyang puting buhok. Stressed siguro sa dami ng trabaho at sa pag-aaral niya noon kaya mabilis pumuti ang kanyang mga buhok. Napatingin ako sa salaming nakasabit sa may pintuan ng lugawan. Tinignan ko kung may puting buhok na rin ako. Mukha namang wala pa. Sina Mario at Chris ay mangilan-ngilan lang ang natatanawan kong puti nila sa buhok. Pero si Mario ay medyo mas lumapad na ang noo. Siguro dahil mainit sa Saudi kaya madaling nanlalagas ang kanyang mga buhok.

Tumayo si Chris at nag-selfie. Makulit siyang talaga, kinuhan din niya ako. Napansin kong mas tumangkad pa lalo siya. Si Chris ang laging tumatayong sentro kapag bumubuo ng team ang aming section noong high school. Si Jay ang pinakamaliit sa aming apat pero siya ang pina-gwaping. Mestisuhin siya. Kami naman ni Mario halos mag-kasingtangkad lang.

Self-service sa lugawang iyon kaya ako na ang nagbitbit ng mga inorder namin nang handa na ang mga ito.

“Wow… ngayon lang ulit ako makakatikim nitong LTB.” Ani Mario. “Teka, Mon…lugaw-itlog lang ba ang sa iyo?”

Tumango lamang ako.

“Diet ba?” Ang tanong ni Chris. “Kaya siguro maliit pa rin ang tiyan mo hanggang ngayon. Samantalang ako eh para na akong buntis.”

“Oo nga ano.” Ang sabi naman ni Jay. “At napansin ba ninyo Chris… Mario. Ang lalaki ng mga dibdib at braso ni Mon.”

“Batak kasi ako sa pagda-drive at sa bukid mga ‘tol.”

“Eh ikaw naman Jay. Bakit parang pumayat ka?” Ang tanong ni Mario.

“Ah… eh… Kapupuyat siguro…dami ko kasing paperwork. Mahirap maging school administrator.

Lugaw lang ang kinain namin pero masayang-masaya kaming magkakaybigan. Umorder pa sila ng isang round ng LTB ako nama’y nagkasya na sa isa.  Habang kami’y kumakain eh pinagkuwentuhan namin ang lahat ng mga kalokohang ginawa namin noong kami’y nasa high school. Masaya ang kuwentuhang iyon – tawanan kami’t  kantiyawan.

Pagkatapos naming kumain, nagyayang uminom sina Chris at Mario.

“May alam akong videoke bar sa  kabilang bayan. Bukas sila from 3:00 PM hanggang madaling araw. Tara, may mga sasakyan naman tayo.” Ani Chris.

“Huwag na doon ‘tol, mahaba ang biyahe, sayang ang oras. Mas maganda kung bumili na lang tayo ng beer diyan sa tindahan at doon sa loob ng jeep ni Mon tayo mag-inuman. Presko na eh unique pa iyong experience.”  Ang mungkahi ni Jay.

“Oo nga naman Chris. Huwag na tayong lumayo para tuloy-tuloy ang kuwentuhan.” Ang susog ni Mario.

“Okay…okay… siyempre majority wins. Heto namang si Mon eh hindi boboto. Laging neutral. Sige… sige.. bibili na ako ng beer para masimulan na agad.”

At ayon nga sa mungkahi ni Jay, sa loob ng aking jeep kami nag-inuman. Tama siya,  kakaiba nga ang gagawin naming iyon – sa loob ng jeep magiinuman. Si Chris ang bumili ng beer at ako nama’y bumili ng mani at chicharon na pupulutanin. Mabuti na lamang at nilinis ko ang loob ng jeep pagkatapos kong mamasada. Laking tuwa namin nang inilabas din ni Mario mula sa kanyang sasakyan ang baon niyang Chivas Regal at imported na Cheddar. May bitbit din itong isang shot glass.

Isang case ng beer ang kinuha ni Chris.

“O, katulad ng dati walang uuwi hangga’t  hindi ubos ito… pati ang Chivas ni Mario. Heto bumili na rin ako ng plastic cup at cubed ice kung gusto ninyo ng malamig. ” Ani Chris habang inaabutan kami ng binuksan niyang bote ng beer.

“Para sa muli nating pagsasama-sama ng mga gwapings… CHEERS!!!” Wika ni Jay.

Sa ganoon nagsimula ang aming inuman at ang pagpapatuloy ng parang hindi matapos-tapos naming kuwentuhan.

“Bakit ba kasi ngayon lang natin naisipang magkita-kita?” Ang tanong ni Mario. “Gawin na nating regular ito. Baka kasi ang mangyari niyan eh after 25 years na naman bago natin ulitin ito. Paano ba gagawin natin… every 2 years, tuwing bakasyon ko? O kahit  every 4 years?”

“Huwag 4 years… baka hindi na ako umabot!” Ani Jay.

Bigla kaming tumahimik.

Part 5

Reunion (3)

(3rd of 6 parts)

4-ways-to-jumpstart-your-dream-1

Tumayo si Chris. Naginat-inat. Si Jay naman ay nagsinding muli ng sigarilyo. Inalok niya si Chris.

Oh no doc Jay.” Kinuha ang stick ng sigarilyo. “Don’t you know that smoking is dangerous to your health? Tigilan mo na ang paninigarilyo.”

It’s too late.” Ang sagot ni Jay.

Nagkatinginan kami ni Chris sa narinig naming iyon.

“Seryoso ka ‘tol?” Ang tanong ni Chris.

“Heto naman… joke lang. Ang ibig kong sabihin eh mahihirapan na akong tigilan ito, ”

Hindi ko sigurado kung nagbibiro nga lang si Jay o seryoso siya sa sinabing iyon.    Hindi tuloy sinindihan ni Chris ang sigarilyong bigay nito. Inilagay na lamang niya ito sa bulsa ng suot na polo shirt.

Pinagmasdan kong mabuti si Jay. Para ngang payat diys  at medyo maputla.

“Okay ka lang ba ‘tol?”

Tango lamang ang isinagot sa akin ni Jay. Magtatanong pa sana ako pero napansin kong parang ayaw ni Jay na pag-usapan ang kalagayan ng kanyang kalusugan.

Engineer pala si Mario at sa Saudi nakapagtrabaho. Nakita ko sa Facebook niya.”

Oo Chris.” Ang sagot ni Jay. “Napakayaman na niya. Mukhang naka-jackpot siya sa Saudi. Sa isang oil refinery daw siya nagtatrabaho doon. Nandito nga siya sa Pilipinas kaya nang magkita kami nitong si Mon eh naisipan kong magkita-kita tayo. Baka kasi isang buwan lang daw ang bakasyon niya.”

Bumaling sa akin si Chris. “Eh ikaw naman Mon. Bakit hindi kita mahanap sa Facebook? Gumagamit ka siguro na alyas ano?!”

Ngumiti lamang ako.

“Walang hilig sa social media si Mon Chris.” Wika ni Jay. “Hindi katulad mo na adik sa Facebook.”

“Adik pala ha. Ikaw nga itong halos kada dalawang araw yata na nagpapalit ng profile pic.”

“Wow… mukhang stalker pala kita sa Facebook ah.”  Ani Jay.

Siyempre naman… kaylangang updated ako sa mga nangyayari sa mga  kaybigan. By the way Mon, gusto mo ba magka-Facebook? Puwede kitang igawa ng account.”

“Naku huwag na. Wala namang internet connection sa barangay namin.”

“Puwede naman sa cell phone lang, kapag nag-load ka may data nang kasama iyon. Makapag-Facebook ka na.”

“Hay naku Chris, tantanan mo na si Mon. Hayaan mo kung ayaw niya mag-Facebook.”

“Ibigay mo na lang sa akin ang cell phone number mo Chris para magkakontakan tayo. Nakuha ko na ang kay Jay.”

“O heto.” Binigyan ako ni Chris ng calling card. “Mag-miskol ka para makuha ko number mo. Pero, basta igagawa pa rin kita ng Facebook account. Ise-send ko na lang sa iyo password. Teka, ano nga pala ang e-mail mo.”

“Wala rin akong e-mail. Wala akong Google account.”

“Grabe ha. Napaka-Jurrasic mo pala Mon. Sige ‘tol. Ako na bahala sa lahat.”

“Naku Mon, pagbigyan mo na ang makulit na iyan.”

Tumango na lamang ako. Alam ko kasing  hindi rin ako tatantanan ni Chris.

“Teka, maiba ako. Ikaw Jay eh may PhD, si Mario naman eh engineer, at ako naman eh natapos ng IT at may MBA. Ikaw Mon, ano nga pala natapos mo?”

Bachelor of Science in driving and farming.” Ang sabi ko sabay tawa ng kaunti.

“Ha!?? Meron bang ganun?” Tanong ni Chris.

“Meron… sa university of hard knocks.” Ang sabi naman ni Jay.

Naintidihan ko ang sinabi ni Jay. Alam kong sinakyan niya ang joke ko.

“University of hard knocks!? Saan naman iyon.

Lalong nalito si Chris.

“Tol… maraming bagay tayong natutuhan na sa mga actual experiences natin sa buhay.  Iyon ang ibig sabihin ni Jay sa university of hard knocks.”

“Hindi nakapag-college si Mon.” Sabi ni Jay sabay akbay sa akin.  “Pero sa pagkakatanda ko eh mas mataas ang mga grades ni Mon kaysa sa inyong dalawa ni Mario. Kita mo ”

“Oo na, sige na. Alam ko magaling kayo mag-English. Kami na ni Mario ang kulelat sa grupo natin.”

“Eh paano, tamad kayong dalawa noon, si Mon lang ang laging kasama ko sa library noon para magbasa at gumawa ng assignment.”

Stop!” Ang biglang sabi ni Chris. “Alam ko na ang susunod na sasabihin mo ‘tol… na tanging si Mon lang ang hindi kumokopya sa iyo kapag may test tayo noon. Sige, kayo na matalino.”

“Hindi mo nga alam ibig sabihin ng university of hard knocks eh.” Dagdag pa in Jay.

“Oo na nga, kayo na nga matatalino.”

“O… ikaw ang nagsabi niyan ha, hindi ako.” Ang natatawang sagot ni Jay kay Chris.

Nangiti ako sa palitan ng mga kaybigan ko. Gusto ko sanang ipaalaala sa kanilang dalawa na palagi akong nasa top-10 sa klase mula 1st year hanggang 4th year noon at sa aming 4 na magkakaybigan ay pinakamataas ang naging score ko sa NSAT. Kaya lang parang nakakahiyang banggitin ko pa iyon. Pero siguro naman eh hindi pa nila nakakalimutan iyon.

“Pero ‘tol kung sumabay kang kumuha sa amin noon ng scholarship exam sa kapitolyo noon eh nakakatiyak akong makakapasa ka. Heto ngang si Chris eh nakapasa eh ikaw pa.”

“Pasang awa nga lang ako noon eh.” Dagdag ni Chris.

Gusto ko naman talagang mag-aral sa college noon at balak ko talagang kumuha ng scholarship exam para makapag-aral ako sa Maynila noon. Pero mas pinili kong tulungan na lang si ama sa bukid. Pagsasaka kasi ang ikinabubuhay namin at kaylangan noon ni ama ang tulong ko. Nagkakaedad na siya noon at tingin ko eh kaylangan ko siyang alalayan sa mga gawain sa bukid. Tindera ng isda at gulay sa palengke naman ang aming ina. Apat kaming magkakapatid, ako ang panganay at nag-iisang lalaki. Puro babae ang mga kapatid ko. Alam kong hindi kakayanin ng mga magulang ko na sabay-sabay kaming mag-aaral sa kolehiyo. Kaya hinayaan ko na lang ang mga kapatid kong magpatuloy sa pag-aaral. Nakatapos ang dalawa sa kanila. Ang bunso kasi naming kapatid eh nabuntis ng boyfriend na seaman isang taon bago siya sana matapos ng pag-aaral. Pero pinakasalan naman siya at naging maganda ang buhay.

“Ay oo nga pala… Ano hanapbuhay mo niyan Mon?” Ang tanong ni Chris.

Driver ako ng jeep at may lupa akong sinasaka sa bukid. Minana ko sa aking ama. Ikaw ba?”

Systems supervisor ako sa isang BPO sa Ortigas. Freelance website developer din ako. Iyang kotse kong iyan eh kinita ko lang iyan sa  mga websites na pinagawa at piname-maintain sa akin.”

Bigtime na si Chris Mon. May 2 condo units na ‘yan sa QC.”

“Mas bigtime ka kaya doc Jay. Sabi ng lady guard ninyo  sa akin na singkwenta mil daw  ang suweldo mo bilang college dean.”

“Naniwala ka naman?”

“Oo naman. Bukod doon eh lagi ka nagla-live sa Facebook kapag speaker ka sa mga seminars. Tiyak mahal ang bayad sa iyo doon.”

“Wow! Mukhang nga talagang  stalker kita sa Facebook ah Chris. Updated na updated ka sa mga activities ko.”

“Halika Mon. Tignan mo ito o, cover ng Facebook ni Jay. Iyan ang maliit niyang bahay kubo.”

Tinignan ko ang ipinapakita ni Chris. Malaki nga at maganda ang bahay ni Jay.

“Hinuhulugan ko pa iyon hanggang ngayon ano.”

Hangang-hanga ako kina Jay at Chris. Masaya akong malaman na malayo na ang kanilang narating. Hindi nasayang ang kanilang pagsisikap.

“Ikaw Mon, saan ka nga pala nakatira?” ang tanong ni Chris.

“Sa dati pa rin.”

“Ha? You mean sa lumang bahay ninyo? Doon sa pinupuntahan namin noon?”

“Oo Chris, doon nga. Bukod sa bukid eh ipinamana din sa akin nga mga namatay naming magulang ang lupa’t bahay na iyon.”

“Mabuti hindi naghabol ang mga kapatid mo.” Ang wika ni Jay.

“Ay oo. Kasi maayos naman ang mga napangasawa nila. May mga sariling lupa’t bahay at maganda ang mga hanapbuhay. Sinusuklian ko naman pero ayaw nilang tanggapin.”

“Ang suwerte mo ah. Iyong iniwang lupa’t bahay ng mga magulang namin eh hanggang ngayon pinag-aawayan pa naming magkakapatid.”

“Chris naman. Hayaan mo na iyon sa mga kapatid mo. Eh ang dami mo ng pera ah at may dalawang condo units ka pa.”

“Naku Jay, mas maraming pera ang dalawang kapatid ko na iyon. Dapat nga na sa akin na lang nila ipaubaya ang bahay at lupang iyon. Magkakademandahan pa nga yata kami dahil doon.”

Hindi na bago sa akin ang sinabi ni Chris na awayan ng magkakapatid dahil sa mga ari-ariang iiwanan ng mga namamatay na magulang. May mga mga magkakadugo pa nga na nagpapatayan dahil sa manang lupa at bahay. Masuwerte nga siguro ako dahil nagparaya sa akin ang mga kapatid ko. Ganun pa man, tuwing umaani ako ng palay o mga gulay eh hindi ko sila nakakalimutang bahaginan.

Naputol ang kuwentuhan nang makita namin may dumarating na isa pang sasakyan – isang itim na Mercedez Benz. Mismong sa harapan namin huminto ang sasakyan.  Sa wakas eh dumating na rin si Mario.

Part 4

Reunion (2)

(2nd of 6 parts)

Life-is-but-a-dream

Laging ganoon, laging kapag may usapang magkikita-kita kaming magkakaybigan eh si Jay ang mauuna sa aming tagpuan. Ako ang papangalawa at sina Cris at Mario ay nagpapalitan sa pangatlo at panghuli. At lagi silang leyt.

Bumaba ako ng jeep at nilapitan ko ang kotse ni Jay. Binuksan nito ang pintuan at pinapasok ako.

Tumingin ako sa aking relo – limang minuto bago mag-alas dos. Hindi ako leyt. Mabango sa loob ng kotse ni Jay. Ang halimuyak ay hindi galing sa isang airfreshener. Iba ang amoy na iyon. Mukhang mamahaling perfume ang gamit ng kaybigan ko samantalang ako eh amoy rubbing alcohol. Naka-long sleeve at kurbata si Jay. Parang galing sa isang meeting o talagang nakasanayan lang niyang magsuot ng ganoon kapag nakikipagkita sa ibang tao.

“Dito muna tayo sa loob ‘tol. Mainit sa labas.” Wika ni Jay. “Ngayon tayo magkakakuwentuhan ng matagal. Kumusta ka naman? Ano ang ginawa mo pagkatapos natin ng high school.”

“Naku ‘tol. Wala akong maiku-kuwento sa iyo dahil dito lang ako namalagi sa bayan natin. Namamasada lang ako ng jeep at nagsasaka. Hindi na ako nakapag-aral.” Nahinto ako saglit sa pagsasalita. Inisip ko kung bakit nga ba hindi ako nakatuntong ng kolehiyo, “I…ikaw na lang kaya muna ang mag-kuwento Jay. Mamaya na ako.”

At nagsimula nang magkuwento si Jay. Education pala ang kinuha nitong kurso at dahil nga masipag mag-aral eh nakapag-MA at PhD pa siya. Matalino naman talaga siya at hindi nakapagtataka na ganoon kataas ang antas ng kanyang pinagaralan. Akalain mong siya pala ang dean ng malaking college sa kabilang bayan na madalas kong pinaghahatidan ng mga estudyante.

May koneksyon pala siya kina Chris at Mario dahil friends daw sila sa Facebook. Matagal na daw nila akong hinahanap sa mga social media platforms pero hindi nila ako makita. Hindi talaga nila ako mahahanap doon dahil wala akong account sa Facebook o saan mang social media. Hindi ko nakahiligan. Feeling ko kasi eh hindi ko naman kaylangan. Pero mahilig akong magbasa ng diyaryo. Bumibili ako ng Philippine Star at Tempo araw-araw. Binabasa ko ang mga ito habang naghihintay akong masalang sa pilahan ng jeep namin. Habang namamasada naman ako eh nakikinig ako ng radio. Sa bahay naman eh nanood ako ng TV. Kaya masasabi kong updated ako. Alam ko ang tungkol sa mga Facebook at YouTube. Nakikita ko ang mga ito kapag ginagamit ng aking mga anak ang computer sa bahay. May mga viral videos din akong napapanood sa TV.

Halos 20 minutos na kaming nagkukuwentuhan eh hindi pa dumarating sina Chris at Mario.

“Ang tagal naman ng dalawang kumag na iyon.”

“Naku sir Jay! Mula naman noon na ang dalawang iyon eh laging late kapag may lakad tayo.”

“Sir ka diyan. Bigla ka namang naging pormal. Jay na lang ‘tol. Ano ka ba… para kang others.”

“Siyempre naman, isa kang doctor at dean pa ng isang kolehiyo. Dapat lang na…”

“O sige, ganito na lang, kapag pumunta ka sa school, tawagin mo akong sir, pero dito eh Jay na lang.”

“Okay dok.”

“Dok naman ngayon, ano ba iyan. Hay naku. Halika nga. Baba muna tayo. Gusto kong mag-yosi.”

Bumaba nga kami ng sasakyan ni Jay at naupo sa malalaking tipak ng bato na nakapaligid sa puno ng acacia. Isa lamang iyon sa ilang puno ng acacia na nakapalibot sa  basketball court na madalas na paglaruan naming magkakaybigan noong nag-aaral pa kami sa high school. Ang sari-sari store at ang katabi nitong lugawan malapit sa baskebolan ay nandoon pa rin.

Inalok ako ni Jay ng sigarilyo. Tinangihan ko. Hindi ako natutong manigarilyo.

“Hindi ka pala naninigarilyo.” Wika ni Jay. “Good for you. How I wish na hindi ko natutuhan ito.”

“Ha? Bakit naman?”

Tumingin sa akin si Jay.

“Ah… wala lang… basta.”

Tingin ko eh may gustong sabihin si Jay. Biglang parang nawala ang kanyang sigla. Nagsindi siya ng sigarilyo.

“Jay, mukhang lumang-luma na iyong board oh. Parang malalaglag na. Tapos nakalaylay pa ng kaunti iyong ring.”

“Oo nga, Mukhang hindi na napalitan. Iyan pa rin yata iyong board at ring na ginagamit natin noon kapag dumadayo tayo rito.

“Wari ko nga.”

“Paano, may bagong sports center kasi sa tabi ng munisipyo kaya doon na lang naglalaro ang mga mahilig magbasketbol.”

At least Mon iyong tindahan ni nanay Mameng at iyong lugawan ni mang Isko ay mukhang umasenso. Tignan mo o… yari na sa konkreto iyong puwesto nila.

“Oo nga ano, hindi ko napansin iyon kanino.” Wika ko. “Dati nga pala eh yari ang mga iyan sa kawayan at pawid.”

Halos araw-araw kong nadadaan ang lugar na iyon kapag pumapasada ako ng jeep pero hindi ko kaylan man napansin na binago ang yari ng tindahan at lugawan na iyon.

“Buhay pa kaya sina nanay Mameng at mang Isko.”

“Mamaya Jay, malalaman natin.”

“Oo nga, kapag naubos itong sigarilyo ko eh kumustahin natin sila. Siyanga pala, naglalaro ka pa ba?”

“Paminsan-minsan, kapag hindi ako namamasada. May basketbolan doon sa barangay namin malapit sa aming bahay. Sumasali ako kapag may liga doon.”

Nang maubos ni Jay ang unang stick ng kanyang sigarilyo ay may nakita kaming paparating na kotse. Huminto ito sa mismong harapan namin at dahang-dahang bumaba ang salamin ng pintuan nito.

Hello ladies…” si Chris iyon. “Teka mga ‘tol, ipa-park ko lang ng maayos itong wheels ko.”

Ipinarada ni Jay ang mukhang bagong-bagong kotse nito sa tabi ng aking jeep. Nakagitna sa mga kotse nina Jay at Chris ang aking jeep. Parehong Honda Civic ang mga kotse nila, itim ang kay Jay, pula naman ang kay Chris.

Bumaba si Chris. Pareho kami ng suot – polo short, jeans at rubber shoes. Bago nga lang ang sa kanya samantalang ang akin ay medyo may kalumaan na.

“Kaninong karag-karag ba ito? Baka matetano ang kotse ko ah.” Ani Chris.

“Gago, kay Mon ‘yan.” Ang sabi ni Jay.

“Ha, naku ‘tol sorry. Sa iyo pala ito.”

“Ayos lang ‘tol.”

Same old Christactless.” Dagdag pa ni Jay.

“O kumusta naman kayo mga ‘tol?”

Halos sabay kaming nag-thumbs up ni Jay.

“Eh ang playboy, kumusta naman,” ani Jay.

Playboy… baka ikaw ang playboy… balita ko nga may siyota kang estudyante mo.”

“Naku Chris, huwag mo nga akong igaya sa iyo.  Pati lady guard namin sa school eh gusto mong patusin.”

“Hindi ah.”

“Sinabi niya sa akin. Bistado ka na. Hiningi mo daw number niya nang pasyalan mo ako sa school.”

“Okay…okay. Hot mama kasi iyong lady guard ninyo. Ang laki ng… bumper.”

“At ilan na nga sa mga kaklase natin noong high school at naging syota mo noong nagkatrabaho ka na?”

“Hoy Jay… 3 lang ha… si Aida, si Lorna, at is Fe.”

“Grabe… grabe…”

“What was I suppose to do? Sila naman ang kumontak at naghabol sa akin.”

Pagkasabi niyon ay naupo sa gitna namin si Chris.

“Wow, ang bango mo ‘tol  ah. Mukhang perfume ang ipinang-ligo mo kanina.”

“Mumurahing cologne lang ang gamit ko.” Sagot ni Jay kay Chris.

“Mon… anong amoy iyan… namputsa…alcoholalcohol ang gamit mong pabango.”

 “Oo ‘tol. Greencross rubbing alcohol.” Sinakyan ko na lamang ang kantiyaw ni Chris.  Ganoon talaga siya. Mahilig mangbuska.

“Miss na miss ko kayo mga ‘tol.” Wika ni Chris sabay akbay sa aming dalawa ni Jay.

“Si Mario na lang ang kulang.” Sabi ni Jay.

“Teka, groufie nga muna tayo.” Ani Chris sabay set-up ang hawak  niyang cell phone.

“Mamaya na lang pagdating ni Mario, para kumpleto tayo.”Ang mungkahi ni Jay.

Part 3

Reunion (1)

(1st of 6 parts)

dreams

“Sa tabi lang amang.”

Marahan kong tinapakan ang preno. Dali-dali akong bumaba upang salubungin ang matandang babae na dahan-dahan at hirap na bumababa. Inalalayan ko rin siya nang sumampa siya sa jeep kong minamaneho. Tingin ko nama’y hindi minasama ng ibang mga pasahero ko ang kaunting abalang idinulot niyon sa kanila. Nakakaawa kasi si nanay. Sana man lang eh sinamahan siyang bumiyahe ng sinoman sa mga kamag-anak niya.

“Maraming salamat amang. Napakasuwerte ko at jeep mo ang aking natiyempuhang sakyan.”

“Wala pong ano man nanay. Salamat din po dahil kahit luma na itong jeep ko eh ito ang pinara ninyo.”

“Maayos pa naman ang jeep mo amang ah. Okay ka ring magmaneho.”

“Salamat po. Ingat po kayo nanay.”

Siya ang huling pasahero ko sa araw na iyon. Tinanggal ko na ang mga signboard na nakadikit sa salamin sa unahan ng jeep ko para wala nang pumara.

Pasado alas-dose pa lamang ng tanghali pero huminto na ako sa aking pasada. Magkikita kasi kami ng mga kaklase ko – sina Jay, Chris, at Mario. Sila ang mga sanggang dikit ko  noon sa high school. Excited ako dahil iyon ang una naming pagkikita matapos ang higit-kumulang 20 taon. Parang reunion. Apat nga lang kami.

Si Jay ang nag-plano ng pagkikita-kita naming iyon. Noon isang linggo kasi eh may pumara sa akin na isang mama na tila nangka-aberya ang minamanehong kotse. Para kakong pamilyar sa akin ang mukha ng mamang iyon. Sa dahilang wala naman akong pasahero noon ay huminto ako upang tignan kung anong tulong ang maibibigay ko sa kanya.

Pagbabang-pagbaba ko ng sasakyan ay nagkatinginan kami at laking gulat ko nang tawagin akong ‘tol at sabihin ang aking pangalan ko. Siya pala si Jay. Katulad ng madalas naming gawin noon – nagkamayan kami ng mahigpit at pagkatapos ay nagkalawitan kami ng braso na animo kami’y magbubunong braso.

Buong sabik kaming nagkumustahan habang iniaayos ko ang na-discharge na baterya ng kanyang sasakyan. Nagmamadali si Jay noon dahil may meeting daw siyang dapat puntahan kaya’t hindi kami nakapagkuwentuhan ng matagal. Nang maayos ko ang problema ng kanyang sasakyan ay dumukot si Jay ng pera sa kanyang wallet at pilit iniaabot sa akin. Ito’y aking tinanggihan. Matapos siyang humingi ng paumanhin sa sinabi niyang abalang dulot sa akin eh kinuha niya ang kanyang cell phone at tinanong kung ano ang number ko. Matagal na daw talaga niya akong hinahanap. Ibinigay ko sa kanya ang aking number. Nag-miskol siya upang makuha ko naman ang sa kanya.. Isi-nave ko ito at matapos mangakong ako’y tatawagan eh kaagad siyang sumakay sa kanyang kotse at pinaharurot palayo. Mukha ngang siya’y nagmamadali.

Si Jay ay isa sa mga matatalino kong kaklase noong high school. Siya kung tutuusin ang lider ng aming grupo. Masayang-masaya ako at nagkita kami. Matagal ko na rin silang hinahanap.

Mukhang natupad ang mga pangarap ni Jay. Madalas niyang sabihin noon na gusto niyang makatapos ng pag-aaral, magkaroon ng magandang trabaho, kotse, at malaking bahay. May  kotse na siya at naka coat and tie. Tila maganda ang kanyang trabaho. Hindi ko lang alam kung may bahay na siya at kung nagka-pamilya. Mas malamang na nagkaroon din siya ng sariling bahay. Pamilya? Iyon ang hindi ko matantiya. Sayang at hindi kami nakapag-usap ng matagal. Ni hindi ko natanong kung ano at saan siya nagtatrabaho.

Hanggang sa makauwi ako eh iniisip ko pa rin ang biglaang pagkikita namin ni Jay sa araw na iyon. Bigla kong naalaala ang dalawa pa naming kaybigan – sina Chris at Mario. Apat na taon din kaming nagkasama, mula first year hanggang grumadyewt kami ng high school.  Halos pare-pareho sila ng mga sinasabi noon kapag napag-uusapan namin kung ano ang mga pangarap at gustong marating sa buhay. Gusto nilang makatapos ng pag-aaral, makapagtrabaho, makaipon ng maraming pera, magka-kotse, at magkaroon ng malaking bahay. Hindi ako sigurado pero parang si Mario yata ang nangarap sa amin na  mag-abroad at doo’y magtrabaho. Natupad kaya niya iyon? Sana naman.

Nang tanungin nila ako noon kung ano ang pangarap ko sa buhay eh natawa sila sa sinabi ko – gusto ko lang na maging masaya at malusog ako at mamuhay ng maayos. Hindi ko alam kung bakit iyon ang sinabi ko. Mga bata pa kasi kami noon at hindi ko pa talaga alam kung ano ang gagawin ko pagkatapos namin ng high school.  At ang isa pa ay hindi ako nakakatiyak noon kung makakatuntong ako sa kolehiyo. Hirap sa pera ang mga magulang ko noon.

Sa puntong iyong ay nag-ring ang aking cell phone. Katulad ng ipinangako niya’y tumawag si Jay.

Sandali din lang kaming nag-usap ni Jay. May bisita daw kasi siya. Tumawag lang siya para sabihing kinontak niya sina Chris at Mario at pumayag ang dalawang magkikita-kita kami sa susunod na linggo, araw ng Sabado. Sa dating tagpuan daw kami maghihintayan.

**********

At sa araw ngang iyon ay makakasama ko ulit ang mga kaybigan ko. Huminto muna ako sa isang karinderya. Alas-dos pa naman ang aming usapan kaya puwede pa akong kumain at magpahinga ng kaunti.

“Aling Tinay, menudo nga po at pinakbet. Huwag po ninyong lalagyan ng taba iyong menudo ko ha.”

“Naku Mon, bakit ba ayaw na ayaw mo ng taba? Tanging ikaw lang sa lahat ng customer ko ang ang ayaw kainin ito.”

“Umiiwas lang po ako sa cholesterol.”

“Sus, paminsan-minsan lang naman eh. Ilan ba kanin mo?”

“Ay isa lang po.”

“Dalawa ulam tapos isa lang ang kanin. Talaga naman. Masyadong health-conscious ang mamang driver. Hoy Manny, ipagsandok mo nga ng kanin ang kuya Mon mo. Huwag mong damihan at hindi din naman niya uubusin ‘yan.”

“Opo inay.” Ang sagot ng binatilyong anak ni aling Tinay.

Nangiti na lamang ko sa mga nadinig kong sinabi ni aling Tinay. Medyo kasi lumaki ang tiyan ko ng mag-edad 30 ako kaya kaunti na lang ang kinakain kong kanin. Nadinig ko kasi sa isang programa sa radyo na matinding magpalaki daw ng tiyan ang pagkain ng maraming kanin at delikado sa puso ang pagkain ng taba ng baboy. Pati nga daw ang madalas na pag-inom ng beer eh nakakalaki rin ng tiyan. Mabuti na lang at hindi talaga ako mahilig uminom. Pero tiyak sa pagkikita-kita naming magkakaybigan eh siguradong masusubo ako nito sa inuman. Lalo na nga’t darating din sina Chris at Mario. Hindi papayag ang mga iyon na walang inuman. Kami lang ni Jay ang hindi talaga pala-inom sa grupo.

“O heto ang tubig mo, walang yelo iyan. Alam kong hindi ka uminom ng malamig na tubig.”

“Salamat po aling Tinay.”

Iyon ang isang bagay kung bakit kahit maraming kainan akong nadadaanan eh sa karinderya ni aling Tinay ako pumupunta para mananghalian tuwing ako’y namamasada. Mabait at maasikaso siya sa mga kustomer niya.

“Sabi ni Manny eh mukhang nagdyi-gym ka rin tulad niya. Aba eh palaki ng palaki daw ang dibdib mo at namumutok ang braso mo sa suot mong t-shirt.”

“Hindi po. Magastos po mag-gym. May mga barbell at dumbbell lang ako sa bahay na gawa sa semento. Ginagamit ko tuwing umaga bago ako mamasada o lumusong sa bukid.”

Pasado ala-una na nang lumabas ako ng karinderya. Ipinagtimpla pa kasi ako ni aling Tinay ng kape. Libre iyon. Hindi ko daw kasi tinatanggap ang pamasahe niya tuwing natitiyempuhan na naisasakay ko siya galing sa palengke kaya tuwing kumakain ako doon eh may libre akong kape.

Bago ko pinaandar ang aking jeep eh nagpunas ako ng katawan gamit ang face towel na binasa ko ng alcohol. Nagpalit ako ng damit at nagsuot ng sapatos. May baon akong polo shirt at rubber shoes. Nakakahiya naman sa mga kaybigan ko kung amoy-pawis at grasa ang t-shirt ko at madungis na tsinelas ang suot ko kapag nagkita-kita kami. Nag-baon din ako ng shorts at sando upang may magamit ako halimbawang gusto nilang maglaro kami ng basketball.

Ilang minuto pa ay mararating ko na ang aming dating tagpuan – ang lumang basketball court sa sentro ng aming bayan. Magkakalapit lang naman ang mga barangay na tinitirhan naming magkakaybigan kaya mabilis namin itong napupuntahan kung gusto naming maglaro noon.  Ang bahay namin ang pinakamalapit sa basketbolang iyon, halos isang kilometro lang.

Pero bakit nga ba ganoon katagal bago kami magkikita-kita gayong magkakalapit lang naman ang mga baryong tinitirhan namin. Ang unang dahilan siguro eh nagsipag-aral sila sa Maynila samantalang ako naman eh huminto na ng pag-aaral pagkatapos ng high school. Nang makatapos siguro sila ng pag-aaral eh nakahanap na ng trabaho doon na rin sila namalagi.

Nandoon na si Jay nang makarating ako sa aming hintayan. Nakita kong naka-park sa ilalim ng isang punong acacia ang kotse niyang nagkaaberya noong nakaraang linggo. Itinabi ko sa magarang kotse ni Jay ang aking lumang jeep.

Part 2