Reunion (4)
(4th of 6 parts)
Bumaba si Mario ng kanyang sasakyan. May bitbit na plastic bag. Naka-long sleeve din ito, katulad ni Jay. Wala nga lang kurbata.
“Mga ‘tol. Sa wakas, nagkita-kita rin tayo.” Ang mangiyak-ngiyak na sabi ni Mario habang isa-isa niya kaming niyakap
Anak ng… ‘tol hanggang ngayon. Madrama ka pa rin.” Wika ni Chris
Hindi naman,” ang sabi ni Jay, “Na-miss lang tayo ni Mario.”
Teka, upo nga muna tayo. Wow. Ito pa rin yata iyong mga batong inuupuan natin kapag tumatambay tayo dito noon.” Ang sabi ni Mario.
Binuksan ni Mario ang bitbit niyang plastic bag.
“This is for you Jay. Perfume iyan. Alam kong mahilig ka sa pabango. Mon, heto, ibinili kita ng bagong phone. Galaxy S20 yan. Latest ng Samsung.”
“Naku ‘tol, nakakahiya naman, ang mahal nito ah.”
“Okay lang Mon. Huwag mong alalahanin ‘yan. Sabi kasi sa akin ni Jay nang tawagan ko siya kahapon na mukhang luma na ang gamit mong cell phone.”
Sabay kami ni Jay na yumakap kay Mario at nagpasalamat.
Wow, tamang-tama! Dapat lang talaga na igawa na kita account sa Facebook.” Ani Chris. “Eh hetong akin, ano naman itong laman nito?”
“Viagra iyan.”
Nagtawanan kami sa sinabing iyon ni Mario.
“Hoy, FYI ha, hindi ko kaylangan ng Viagra. Kindatan lang ako ng babae eh nagagalit na ito.”
“Talaga lang ha!” Wika ni Jay. “Baka naman mukha mo na lang ang nagagalit.”
Muli nanaman kaming nagtawanan.
“As if you don’t know me boys.”
“Naku Chris, kilalang-kilala ka namin.” Ani Jay.
“Hindi ‘yan Viagra. Relo ‘yan. G-shock.”
Mukhang totoo nga ang sinabi ni Jay sa amin ni Chris tungkol kay Mario. Maganda nga siguro ang ang naging trabaho niya sa Saudi. Masaya talaga ako para sa aking mga kaybigan. Nagtagumpay sila sa mga larangang kanilang pinili. Natupad nila ang kanilang mga pangarap.
Mahirap talagang hulaan kung ano ang kakahinatnan ng buhay ng tao sa kinabukasan. Mahirap sabihin kung ang ano mangyayari sa mga kaklase mo’t mga kaybigan kapag kayo’y naghiwa-hiwalay na matapos ang high school o college. Walang makakapagsabi kung ang mga pinakamagagaling mong kaklase noon eh sila rin ang magtatamasa ng tagumpay at kasaganaan pagdating ng panahon. Katulad na lamang nina Chris at Mario. Kung tutuusin eh tamad silang mag-aral noon. Bulakbol silang maituturing. Madalas absent sa klase. Si Jay ang pinakamatalino sa aming magkakaybigan at si Mario naman ang pinakamahina pero sa tingin ko sa kanilang tatlo eh siya ang pinakamapera. Pinakamaganda ang kanyang kotse at mantakin mong parang balewale lang sa kanya ang halaga ng mga pasalubong niya sa amin.
“O Mon, baka matunaw ako niyan. Huwag mo ako masyadong pagmasdan.” Ang sabi ni Mario.
“Pinahahanga mo kasi ako ‘tol. You’re amazing.”
“Teka, teka… ayan ha… kumpleto na tayo. Puwede siguro piktyur-piktyur na tayo. Groufie tayo mga ‘tol.” Ani Chris.
Naghalinhinan silang tatlo na kumuha ng pictures ng grupo. Para kaming mga bata na nagkakagulo sa pagpo-pose.
“Hayan, naka-post na sa Facebook ang mga pictures natin.” Sabi ni Jay. “Hayaan mo Mon, makikita mo rin ito mamaya kapag nagawa ko na account mo sa Facebook. O… tingin dito ‘tol. Hayan… heto ang gagamitin kong profile pic. Okay ah… walang kupas… guwapo ka pa rin hanggang ngayon.”
“Teka, gutom na ako ah. Puwede bang magmeryenda muna tayo?” Ani Mario.
“Wait! Hindi ba tayo maglalaro?” Tanong ni Chris.
“Next time na laro. Kain na lang muna tayo.” Mungkahi ni Jay.
“Sabagay, gutom na rin ako.” Wika ni Chris. “Eh Mon, saan ba meron ditong magandang restaurant? Marami ka siguradong alam niyan dahil araw-araw kang namamasada dito.”
“No! Gusto ko ng LTB Chris. At bakit lalayo pa tayo eh hayan na ang lugawan ni mang Isko.”
Itinuro ni Mario ang lugawang madalas naming puntahan noon.
“Wow, ang cheap ha… lugaw, tokwa, baboy.”
“O sige Chris. Maghanap ka ng restaurant na kakainan mo. Tara na Mario… Mon. Kain tayo ng LTB.”
Naglakad si Jay papunta sa lugawan. Sumunod kami ni Mario.
“Hoy, teka, sama ako. Parang masarap nga ang LTB.” Ani Chris.
Solo namin ang lugawan. Nakakalungkot malaman na patay na pala sina nanay Mameng at mang Isko. Mga anak na nila ang nagpapatakbo ng kanilang tindahan at lugawan.
Nagsiupo na silang tatlo habang hinihintay ko ang inorder naming LTB. Pinagmasdan ko ang aking mga kaybigan na masayang nagkukuwentuhan. Sa kanilang tatlo, ang pinakamatandang tignan ay si Jay. Marami na siyang puting buhok. Stressed siguro sa dami ng trabaho at sa pag-aaral niya noon kaya mabilis pumuti ang kanyang mga buhok. Napatingin ako sa salaming nakasabit sa may pintuan ng lugawan. Tinignan ko kung may puting buhok na rin ako. Mukha namang wala pa. Sina Mario at Chris ay mangilan-ngilan lang ang natatanawan kong puti nila sa buhok. Pero si Mario ay medyo mas lumapad na ang noo. Siguro dahil mainit sa Saudi kaya madaling nanlalagas ang kanyang mga buhok.
Tumayo si Chris at nag-selfie. Makulit siyang talaga, kinuhan din niya ako. Napansin kong mas tumangkad pa lalo siya. Si Chris ang laging tumatayong sentro kapag bumubuo ng team ang aming section noong high school. Si Jay ang pinakamaliit sa aming apat pero siya ang pina-gwaping. Mestisuhin siya. Kami naman ni Mario halos mag-kasingtangkad lang.
Self-service sa lugawang iyon kaya ako na ang nagbitbit ng mga inorder namin nang handa na ang mga ito.
“Wow… ngayon lang ulit ako makakatikim nitong LTB.” Ani Mario. “Teka, Mon…lugaw-itlog lang ba ang sa iyo?”
Tumango lamang ako.
“Diet ba?” Ang tanong ni Chris. “Kaya siguro maliit pa rin ang tiyan mo hanggang ngayon. Samantalang ako eh para na akong buntis.”
“Oo nga ano.” Ang sabi naman ni Jay. “At napansin ba ninyo Chris… Mario. Ang lalaki ng mga dibdib at braso ni Mon.”
“Batak kasi ako sa pagda-drive at sa bukid mga ‘tol.”
“Eh ikaw naman Jay. Bakit parang pumayat ka?” Ang tanong ni Mario.
“Ah… eh… Kapupuyat siguro…dami ko kasing paperwork. Mahirap maging school administrator.”
Lugaw lang ang kinain namin pero masayang-masaya kaming magkakaybigan. Umorder pa sila ng isang round ng LTB ako nama’y nagkasya na sa isa. Habang kami’y kumakain eh pinagkuwentuhan namin ang lahat ng mga kalokohang ginawa namin noong kami’y nasa high school. Masaya ang kuwentuhang iyon – tawanan kami’t kantiyawan.
Pagkatapos naming kumain, nagyayang uminom sina Chris at Mario.
“May alam akong videoke bar sa kabilang bayan. Bukas sila from 3:00 PM hanggang madaling araw. Tara, may mga sasakyan naman tayo.” Ani Chris.
“Huwag na doon ‘tol, mahaba ang biyahe, sayang ang oras. Mas maganda kung bumili na lang tayo ng beer diyan sa tindahan at doon sa loob ng jeep ni Mon tayo mag-inuman. Presko na eh unique pa iyong experience.” Ang mungkahi ni Jay.
“Oo nga naman Chris. Huwag na tayong lumayo para tuloy-tuloy ang kuwentuhan.” Ang susog ni Mario.
“Okay…okay… siyempre majority wins. Heto namang si Mon eh hindi boboto. Laging neutral. Sige… sige.. bibili na ako ng beer para masimulan na agad.”
At ayon nga sa mungkahi ni Jay, sa loob ng aking jeep kami nag-inuman. Tama siya, kakaiba nga ang gagawin naming iyon – sa loob ng jeep magiinuman. Si Chris ang bumili ng beer at ako nama’y bumili ng mani at chicharon na pupulutanin. Mabuti na lamang at nilinis ko ang loob ng jeep pagkatapos kong mamasada. Laking tuwa namin nang inilabas din ni Mario mula sa kanyang sasakyan ang baon niyang Chivas Regal at imported na Cheddar. May bitbit din itong isang shot glass.
Isang case ng beer ang kinuha ni Chris.
“O, katulad ng dati walang uuwi hangga’t hindi ubos ito… pati ang Chivas ni Mario. Heto bumili na rin ako ng plastic cup at cubed ice kung gusto ninyo ng malamig. ” Ani Chris habang inaabutan kami ng binuksan niyang bote ng beer.
“Para sa muli nating pagsasama-sama ng mga gwapings… CHEERS!!!” Wika ni Jay.
Sa ganoon nagsimula ang aming inuman at ang pagpapatuloy ng parang hindi matapos-tapos naming kuwentuhan.
“Bakit ba kasi ngayon lang natin naisipang magkita-kita?” Ang tanong ni Mario. “Gawin na nating regular ito. Baka kasi ang mangyari niyan eh after 25 years na naman bago natin ulitin ito. Paano ba gagawin natin… every 2 years, tuwing bakasyon ko? O kahit every 4 years?”
“Huwag 4 years… baka hindi na ako umabot!” Ani Jay.
Bigla kaming tumahimik.
Posted on March 1, 2020, in Creative Writing, Dreams and Aspirations, Maikling Kuwento, Mga Pangarap Sa Buhay, Short Story and tagged Creative writing, Dreams and Aspirations, Maikling Kuwento, Mga Pangarap Sa Buhay, Short Story. Bookmark the permalink. 5 Comments.
Jackpot sa Saudi? Ang asawa ko ay nakakulong sa bahay ng princesa sa loob ng 3 taon at ang trabaho ay 20 oras bawat araw…mabuti at nasumpungan niya ang jackpot dito kung saan 100% ng kita ay puro upa at bills…
LikeLiked by 1 person
Saan? Sa Italy ba?
LikeLiked by 1 person
Oo, sa Italy
LikeLike
Pingback: Mga Pangarap – MUKHANG "POET"
Pingback: Reunion | M. A. D. L I G A Y A