MGA PANGARAP (6)

(Last of 6 parts)

6th

Alam ng asawa ko na magkikita-kita kaming magkakaybigan. Nagluto daw siya ng hapunan. Yayain ko daw ang tropa na doon kumain.

“Aba’y ayos na ayos iyan.” Ang wika ni Jay nang sabihin kong nag-iimbinta si misis na doon kami maghapunan sa bahay. “Para na rin ma-meet namin ang iyong pamilya.”

“Okay.” Ang sabi ko. “Oh dito na lang tayo sa jeep ko sumakay ha. Mukhang delikado para sa inyo Jay… Chris ang mag-drive. Ihahatid ko na lang kayo dito pabalik mamaya. Malapit lang naman itong lugar na ito  sa amin.”

Pumayag ang dalawa. Si Mario naman, dahil mukhang hindi nalasing, eh hinayaan kong dalhin niya ang kanyang sasakyan. Para na rin daw hindi na ako maabalang ihatid sila pabalik doon pagkatapos naming kumain.  Nang isauli ko ang case ng beer sa tindahan ay inihabilin ko sa may-ari ang sasakyan nina Chris at Jay. Kaylangan lang daw na balikan nila ang mga iyon bago maghating-gabi bago sila magsasara.

At binagtas namin ang daan papunta sa aking bahay. Nakabuntot sa amin si Mario. Sina Chris at Jay ay mukhang naidlip habang kami’y bumibihaye. Wala pang 20 minutes ay nakarating kami sa bahay.

Bukas na ang aming gate nang dumating kami. Nagsibaba kami ni Jay at Chris ng jeep at hinintay namin si Mario maka-park ng maayos bago kami pumasok sa aming bakuran.

“Aba ‘tol, maganda pala ang bahay mo ha.” Ani Jay.

“Oo nga, up-and-down. At malawak ang bakuran mo ah. Akala ko naman eh heto pa rin iyong lumang bahay na pinupuntahan namin noong nasa high school pa tayo.” Dugtong ni Mario.

“Naku, simpleng bahay lang iyan. Pinabaklas ko iyong lumang bahay namin noon tapos kapag maganda ang ani ng palay at gulay namin eh unti-unti naming pinapagawa ni misis.”

Bumukas ang pintuan ng aming bahay.

“Tuloy po kayo.”

Si Maxene ang nagbukas ng pinto. Nagmano siya’t humalik sa aking pisngi.

“Mga ‘tol… si Maxene. Bunso naming anak.”

Nagmano sa kanilang tatlo ang aking anak.

“May dalaga ka palang anak ‘tol.”

“Oo, grade 12 na ‘yan. Next year magka-college na. Nasaan ang mama mo hija?”

“Nandoon po sila ni kuya Marco sa kubo sa likod. Inihahanda po iyong pagkain.”

“Tara mga ‘tol. Diretso tayo sa likod.”

“Ang ganda naman ng interior ng bahay mo Mon.” Wika ni Chris.

“Kapatid ko ang nagdisenyo nito. Graduate siya ng Fine Arts.”

“At saka Mon.” Ang bulong sa akin ni Mario. ‘Kumpleto kayo sa gamit ha.”

“Misis ko nagpundar ng mga iyan ‘tol. Maganda kasi kita ng maliit niyang grocery sa palengke.”

“May desktop computer ka pala dito Mon. Bakit ‘di mo pag-aralang gamitin?” Ani Chris.

“Mga anak ko ang gumagamit niyan… hindi ako makasingit.”

Nang makarating kami sa kubo sa likuran ng bahay namin ay nakahanda na ang pagkain. Lubog na araw noon at medyo dumidilim na kaya bukas na ang ilaw.

“Wow. Birthday mo ba Mon. Ang daming pagkain nito ah… adobong baboy at manok, pritong bangus… itlog na maalat… chop suey…” Ani Jay.

“Naku misis, pasensiya na sa abala.” Ang Sabi ni Mario

“Hindi naman po. Huwag ninyong alalahanin iyon.” Ang sagot ng aking kabiyak.

“Ah, siyanga nga pala mga ‘tol. My one and only… Myrna.”

Humalik sa pisngi ko ang aking asawa at nagmano naman sa akin at sa mga kaybigan ko aking anak na si Marco.

“Ang ganda pala ng misis mo ‘tol.” Ang sabi ni Mario.

“Oo nga.” Ang halos sabay na pag-sang ayon nina Chris at Jay.

“Hindi naman po. Naku Mon… katulad mo palang bolero itong mga kaybigan mo.” Wika ng aking kabiyak.”

“Ma… ang mayayaman at sikat kong mga kaklase… si Jay, si Chris, at si Mario.”

“Mayaman… baka mayabang kamo…” Ani Jay.

“Siya nga pala ang panganay kong anak… si Marco. Gagraduate na siya next year.”

“Anong course ang kinukuha mo Marco?” Ang tanong ni Chris.

Chemical Engineering po.”

“Mon, pag-graduate nitong si Marco eh kontakin mo ako. Kayang-kaya kong ipasok ito ng trabaho sa Saudi.”

“Ay sige po… sana nga po.” Ang bulalas ni Marco.

Bago kami nagsimulang kumain ay naganyaya ang aking kabiyak na kami muna ay manalangin at magpasalamat sa Panginoon. Mukhang nasorpresa ang mga kaybigan ko. Para silang atubiling nag-antanda bago magdasal.

Ganoon ang asawa ko, iminulat sa akin at sa aming mga anak ang pagdarasal… ang pananalig sa Maykapal. Kaming mag-anak ay nagsisimba tuwing Linggo.

Matapos ang dasal ay naghain ng kanin si Maxene. May katahimikang dumatal sa kubo matapos ang panalanging iyon. Halinhinang tinititigan ng mga kaybigan ko ang aking mag-anak.

“Hayan… may dumaang anghel.” Ang wika ko upang basasin ang katahimikang iyon.

“Okay, dahil ako ang pinakamahiyain sa grupo, eh ako na ang unang sasandok ng ulam.” Wika ni Chris.

“Misis… mga bata… sumabay na po kayo sa amin.” Ang paanyaya ni Jay.

“Sige po… mamaya na po kami.” ang halos magkasabay na tugon ng dalawa kong anak.

Naupo sa tabi ko ang aking maybahay at sa likuran namin ang aming dalawang anak. Habang ako’y kumakain eh masuyong hinahagod ni Maxene ang aking likuran.

“Tatay, hindi po ba sumasakit ang likod ninyo.” Ang tanong ni Maxene.

“Hindi naman hija. Okay lang ako.”

Nakita ko kung paano tumitig sa aming mag-anak ang tatlo  habang sila’y kumakain. Hindi ko alam kung ano ang kanilang iniisip pero nababanaag ko sa mga ngiting matipid na namumutawi sa kanilang labi at sa banayad nilang pagtango na parang nasisiyahan sila sa kanilang nakikita. Ganoon ang reaksyon ng mga guro ko noon kapag may tanong sila at tama ang sagot na ibinibigay ko.

Natapos ang aming hapunan. Tulong-tulong sa pagliligpit ang aking mag-anak. Nagsipasok sila sa loob ng bahay. Iniwan kami ng mga kaybigan ko sa kubo.

“Maxene, pakitimpla mo nga ang mga tito mo ng kape… sa akin eh green tea.”

Tahimik ang mga kaybigan ko matapos ang aming kainan. Kahit nang nagkakape na sila eh ganoon pa rin. Hindi ko alam kung bakit. Marahil epekto ng mga ininom namin. O kaya ay pagod na sila. Halos anim na oras na kasi kaming magkakasama. Dumating sa puntong parang sabay-sabay silang tumitig sa akin.

“O… mga ‘tol. Bakit? May uling ba ako sa mukha?” Ang tanong ko.

Nangiti si Jay. “I am so happy for you.” Ang sabi niya.

“O bakit naman?”

“Basta, ‘tol. Just keep it up.”

Naiintindihan ko ang ibig sabihin ni Jay.

“Nasimplehan mo kami Mon ah. Maganda pala bahay mo.” Ani Chris.

“Naku, masuwerte lang ako at masinop si misis. Magaling mag-budget kaya nakaipon kami para sa unti-unting pagpapagawa ng bahay.”

“Ganyan naman si Mon mula noon. Hindi pala-kuwento. Laging nakikinig lang iyan sa mga sinasabi natin.” Wika ni Mario.

“Bakit kasi ang mga babaeng nakikilala ko eh puro reject. Sa kama lang magaling. May kapatid bang babae ang misis mo ‘tol? Ipakilala mo nga ako.”

“Naku Chris. Meron… pero ayaw ko silang mapariwara ang buhay.”

“Grabe ka naman ‘tol.”

“Gusto kong mainggit sa iyo Mon.” Ani Mario. “Siguro kung hindi ako nag-abroad eh buo pa pamilya ko ngayon.”

“Eh hindi ka yumaman ng ganyan kung dito ka lang nagtrabaho sa Pilipinas.”

Panandalian nanaman kaming natahimik.

“Chris, ano ba ang naging kapalit ng pagyaman ko? Ano ang silbi ng pera ko?”

Tinignan ko si Chris. Mukhang biglang naging seryoso.

“Aywan ko, hindi ko rin alam. Ayaw kong mag-isip.” Ang sagot ni Chris.

“Tama nga Mario ano. Ano nga ba  talaga ang tunay na halaga ng pera? Ano ang halaga ng mga natapos ko, ng mataas na posisyon ko… kung ganito namang parang may taning na ang buhay ko. Ano nga ba talaga ang mahalaga?”

“Hay naku Jay. Masasamang damo tayo. Gagaling ka. Mabubuhay tayo nga matagal. Basta sa ating apat eh bawal ang mamatay.”

Muling tumahimik ang kubo matapos sabihin iyon ni Chris. Akong muli ang bumasag sa katahimikang iyon.

“Teka… teka… tama na ang seryosong usapan. Ang mahalaga mga ‘tol ay buhay pa tayo. May pagkakataon tayong ayusin ang dapat ayusin. Habang buhay tayo ay puwede nating pagsikapang matupad ang mga pangarap natin at puwede tayong mangarap ng panibago.”

Tumango-tango si Jay habang si Chris naman eh yumuko.

Lumabas ng kubo si Mario. Lumanghap ng hangin.

“Mon… ihanap mo nga ako ng ibinebentang lupa dito sa malapit sa iyo.” Ani Mario. “Parang iba ang nararamdaman ko ng makita ko itong lugar mo. Parang lumuwag ang dibdib ko. Hindi ko alam kung bakit.”

 “Sige ‘tol. Sa pagkakaalam ko nga eh may ilang magsasaka na gustong magbenta na lupa nila sa may di kalayuan dito.”

Nang maubos na ang kanilang kape ay nagpaalam na ang mga kaybigan ko. Nagkasundo kaming sa susunod na uwi ni Mario ay magkikita-kita kaming muli. Titiyakin daw ni Jay na buhay pa siya sa muling pagbabalik ni Mario. Nangako naman si Chris na ipapakilala niya sa amin ang babaeng pakakasalan niya.

Mula sa aming terrace ay pinagmamasdan ko ang aking mga kaybigan habang sumasakay sila sa kotse ni Mario. Nakatapat sila sa poste ng ilaw kaya maliwanag. Nakita kong naglabas ng sigarilyo si Jay. Subalit sa halip na ito ay sindihan, ang sigarilyo, pati na ang lighter ay kanyang itinapon.

–  W  A  K  A  S –

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer M, A, and D are the initials of my two first names (Massuline and Antonio) and my mother's family name (Dupaya). Ligaya (a Filipino word which means happiness in English) is my family name. MAD is actually one of my nicknames aside from Tony and Ching. My full name is Massuline Antonio Dupaya Ligaya. Many times I was asked the question "Why do you write?" I don't write for material rewards nor adulation. When I write poems, stories, and essays, when I do research, seeing them completed gives me immense joy and satisfaction. I don't write for cash incentives, "likes," and "praises." I would be thankful should I get those but the happiness and sense of fulfillment I feel when completing my works are my real rewards. Is teaching difficult? No! When I teach, I don't work but I play. My educational philosophy - "The classroom is my playground, the students are my playmates, and the subject is our toy." Proud to be me! Proud to be a FILIPINO! TO GOD BE THE GLORY!

Posted on March 3, 2020, in Creative Writing, Dreams and Aspirations, Maikling Kuwento, Malikhaing Pagsulat, Mga Pangarap Sa Buhay, Short Story and tagged , , , , , . Bookmark the permalink. 1 Comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: