Category Archives: Short Story
TONG-ITS TIME(3)
(Last of 3 parts)

Ipinakita ni tata Berting ang mga buong niyang baraha. Tatlo na lang pala ang hindi pa buo – dalawang dos… isang alas. Singko na lang ang baraha ni tato Berting. Kaya pala kuwatro’t tres ang mga itinapon niya kay Khalil. Akala ko pa naman sure win na ang baraha ko.
Batuktok ako.
“Ilan ka sir?”
“Talo po ninyo ito. Otso pa. Tatlo butas ko.”
“O ikaw Khalil. Kung kuwatro ka’y panalo, pero kung singko ka eh resbak ka lang… pero kung nagloko-lokohan ka nanaman eh patay kang bata ka.”
At ipinakita ni Khalil ang kanyang baraha. Ang hindi buo’y isang tao, dalawang singko, isang sais, at isang alas. 27 ang bilang niya. Bale 22 ang butas. Malaki-laki ang babayaran niya.
Bago inayos ni tata Berting ang baraha eh pinaglayo-layo niya ang mga baraha ni Khalil. May lumabas na isa pang tao sa ilalim ng baraha ni Khalil.
“Aha… may itinatago ka pa palang isang tao ha. Plus 10 ang butas mo.” Ang sabi ni tata Berting. “Mandadaya ka pa ha.
“Ay sorry… meron pa palang baraha sa ilalim. Nadikit siguro kaya hindi ko napansin.”
“Ganoon, hindi mo alam?” Ang tanong ko.
“Oo naman. Kaylan ko ba kayo dinaya?”
“Madalas.” Halos magkasabay na sinabi namin ni tata Berting iyon kay Khalil.
“Baka lang makalusot.” Ang sabi ni Khalil.
At nagtawanan kaming tatlo.
Nangyayari iyon minsan kapag naglalaro ng tong-its. Kaya kaylangang alisto ka. Minsan sasadyain ng player iyon, minsan nama’y talagang honest mistake. Kapag may nagbaba ng straight na baraha – sabihin nating diamond – eh tignan mo nang mabuti at baka heart pala ang isa doon. Ginagawa ni Khalil paminsan-minsan iyon. Ako man ay ganoon din. Siguro si tata Berting man, baka hindi ko lang napansin kahit minsan. Pandarayang maituturing iyon pero sa aming tatlo ay parang bahagi lang nang kapilyuhan na tinatawanan lang namin kapag may sumubok na gumawa. Pero kung hindi sila ang kalaro ko, lalo na kung hindi ko kabiruan, eh hindi ko kaylan man susubukang gawin iyon dahil baka bugbog ang abutin ko.
Nagbayad si Khalil. Kulang-kulang na 200.
“Hayan tata Berting may bagong record tayo… 200 hundred sa batuktok. Record holder – Khalil!!!” Ang wika ko sabay sundot sa tagiliran ng parang ngunguto-ngutong si Khalil.
“Heto… magtotong ako ng beinte kahit hindi pa ako nakaka-hit. Kasi naka jackpot ako. Ulitin mo pa ha Khalil. Laban ng laban kahit mataas ang baraha.”
“Talagang uulitin ko. Hindi naman ako marunong madala. Ngayon pang sugatan na ako.”
Nagpatuloy ang pagtotong-its namin.
Dalawang oras na halos ang lumipas. Umabot na ng labing-apat ang bato sa gitna pero wala pa ring nakaka-hit. Nangyayari talaga ang ganoon. Minsan nga eh umaabot pa kami ng hanggang labing-walong bato bago tamaan. Ang pagkakaiba lang at ang nakakapagtaka sa pagkakataong iyon ay kaming dalawa lang ni tata Berting ang nagpapalitan ng tama. Katakot-takot na ang kantiyaw na inabot sa amin ni Khalil dahil mula ng nanalo siya sa unang round eh hindi na ito naulit. Sabi niya’y nakaka mahigit na siyang 500 ng talo. Ako nama’y parang bawi lang. Na kay tata Berting ang pera.
“Tata Berting… mukhang nagdilang-anghel kayo ah. Iyong tama kanina ni Khalil nang magsimula tayo eh iyon na ang una at huli.”
“Magtigil ka bulilit.” Ani Khalil.
“Sandali nga, break muna tayo. Iihi lang ako.” Ang sabi ni tata Boy.
“Oo nga, makaihi nga rin nang mailabas ko ang kamalasang ito.”
“Mas maganda siguro Khalil kung dumumi ka na rin. Baka hindi lang ihi mo ang malas. Baka pati pupu mo.” Ang sabi ko.
Tumawa ng tumawa si tata Berting sa sinabi kong iyon.
“Hindi ka na uubra sa amin ngayon. Kabisado na namin ang diskarte mo. Ang wika ni tata Berting. “Sir, basta pagtulungan natin ha. Kaylangang hindi siya maka-hit kahit minsan lang”
“Naku tata Berting, napagtatatalo na nga ang tao eh ginaganyan mo pa . Tignan mo nga oh hindi na makangiti, mukhang stressed na stressed na.”
“Oy, hindi ah! Para iyong lang eh.”
“Oo nga sir. Para ngang galit na eh.
“He… magtigil kayo. Hindi pa tapos ang laban. Kaya huwag muna kayong magdiwang. Ni hindi pa nga nakukuha ang gitna eh o.”
“Tignan natin… basta hindi mo makukuha iyan. Nakatakda para sa akin o kay sir.”
“Ganun? Sige… tignan natin.”
“Ay siya sige mag-break muna tayo.” Ang sabi ko. “Ako naman eh magpapatimpla muna kay misis ng kape. Basta nasa akin ang hit ha”
Sampung minuto rin siguro kaming nagpahinga. At bago kami nagpatuloy maglaro eh pinagsaluhan muna namin ang meryendang inihanda ng aking butihing maybahay. Iyon ang isang bahagi pa ng paglalaro namin ng tong-its na masaya – may kasamang kainan at kapehan. Malimit eh hapunan. Para lang kaming nagpi-picnic Nagmungkahi noon sina tata Berting at Khalil na magbigay ng tong ang makakahit para daw may maibili ang aking kabiyak ng aming pagkain at kape. Sinabi kong huwag na pero ipinilit nila.
Bilang hitter eh ako ang nagbalasa matapos kaming magmeryenda.
Hindi maganda ang pagkakabalasa ko. Ubod ng pangit ang sumampang baraha sa akin. Ako pa naman ang hitter. Maingat magtapon si Khalil dahil alam niyang kapag ako ang nanalo eh makukuha ko na ang gitna. Puro mabababa ang itinatapon sa akin at kung magtapon man ng tao ay iyong siguradong hindi ko makukuha. At panay naman ang kain niya sa mga barahang itinatapon ni tata Berting.
Nang wala ng bunuting at kami’y nagbilangan ng baraha ay pinakamababa ang kay Khalil. Naagaw niya sa aking ang hit.
“O papaano ba iyan. Ako na ulit ang hitter. Natapos na ang sumpa sa akin ni tata Berting.”
“Naku sir, 15 ang bato. Tapunan mo ako ng tapunan para maagaw natin ang hit.” Ang wika ni tata Berting.
“15 bato… 75 plus 20 sa gitna. Bale 95 plus bayad sa panalo. Wow…100. Eh paano kung may alas pa ako, kuwadra at makakabatuktok pa. Medyo makakabawi-bawi sa talo.” Ani Khalil habang binabalasa ang baraha.
“Libre talaga ang mangarap.” Ang wika ni tata Berting.
“Ang nagbibilang ng sisiw nang hindi pa napipisa ang itlog… ay hindi makakarating sa paroroonan.”
“Ang galing talaga ni sir… nakaimbento ng bagong kasabihan.” Ang sabi ni Khalil. “Pero ito sisiguraduhin kong ako ang panalo. Hindi ako magdo-draw ng hindi pilado ang bilang ng baraha ko.”
“Owww! Hindi nga?” Ani ko.
“Watch and see bulilit.” Ang sagot ni Khalil.
Nang pintahan ko ang mga barahang bigay sa akin ni Khalil ay medyo nadismaya ako. Walang buo. Ganoon pa man ay may 2 akong pares-pares at 2 na magkasunod. Ang unang tapon ko – diyes na diamond – ay kinuha ni tata Berting. Ngunit ang tapon niyang sais na bulaklak ay nakuha rin ni Khalil.
Ang pangalawang tapon ni Khalil ay hindi ko nanaman nakuha. Ganoon din ang pangalawang tapon ko – hindi rin nakuha ni tata Berting. Ngunit ang pangalawang tapo ni tata Berting – tres na spade eh nakuha ni Khalil. Bakit naman nagkataon na ang mabababang tapon ni tata Berting ay nagkakataong iyon ang hanap ng baraha ni Khalil.
Mabuti na lamang at may panapaw ako sa mga baba ni Khalil sa sumunod na 2 ikot. Sa sumunod kong bunot ay nakakuha ako ng pangdugtong sa hawak kong magkasunod na baraha kaya ako nagkabahay. Pero nakabawas din ng baraha si Kahlil nakasasapaw siya sa mga ibinaba namin ni ka Berting. Pareho kasing straight. Iyon ang dahilan kung bakit ayaw kong magbaba ng straight. Sapawin. Hindi katulad ng trio na isa na lang ang puwedeng isapaw.
Hanggang 2 na lamang ang natitirang baraha – ang bubunutin ko at ang bubunutin ni tata Berting. Malabo nang manalo ang hawak kong baraha – 2 nuebe at 2 jack. Nang bumunot ako, ang aking nakuha ay dos na puso. Tinanong ko si tata Berting.
“Ilan pa ho ba ang hawak ninyong baraha?”
“Lima pa eh. Pero isa na lang ang hinahanap ko”
Inilapag niya ang tatlo sa lamesa Pero nakataob ito. Hindi ko alam kung buo nga o hindi.
“Heto… dalawa na lang… sana mabunot ko. Kung hindi, magbayad tayo ng mahigit 100.”
“Ako eh lima, pero buo ang apat. Isa na lang ang kalaban ninyo. Heto.”
Ipinakita ni Khalil ang isang alas at inilapag ang apat na baraha sa lamesa. Nakataob din kaya hindi ko alam kung ano ang mga barahang iyon.
“Buo ba talaga iyang apat na iyan?” Ang tanong ko.
“Gusto mo pustahan tayo ng isang daan o. Walang biro. Kung buo ito… talo ka, kung hindi talo ako.” Ang hamon ni Kahlil. “O heto isang daan kahit ikaw pa humawak.”
Tinanggihan ko ang hamon ni Khalil.
Mukha ngang buo ang mga nakataob niyang baraha. Totoo nga yatang alas na lang ang natitira. Lagot kami ni tata Berting. Makaka-two hits si Khalil. Magbabayad kami ni tata Berting ng higit tig-100 at babalik lahat sa amin ang kantiyaw namin kay Khalil.
Kaylangang makuha ni tata Berting ang itatapon ko. Nakakalito kung alin – nuebe, jack, o ang nabunot kong dos. Binasa ko ng mabuti ang mga barahang naitapon na sa lamesa.
Madalas na hindi ko sineseryoso ang pagtotong-its. Naglilibang lang naman kasi ako. Bunot lang nang bunot, tapon lang nang tapon. Sina tata Berting at Khalil, sa tingin ko, eh dinidibdib masyado ang paglalaro. Saka ko lamang talagang pagiisipan ng mabuti ang pagtatapon at gagalingan ang diskarte kapag marami na ang bato sa gitna. Sa pagkakataong ngang iyon ay 15 na.
“Ano ba sir, slow motion ka na rin ba? Kaylan mo ba balak magtapon? Next week pa ba? Wala na, talo na kayo. Alas na lang ito. O heto o ipapakita ko kay tata Berting itong apat na baraha. O hayan lolo… buo di ba?”
“Naku po, oo nga sir. Buo nga! Alas na lang talaga siya.”
“Eh ano po ba iyong buo?” Ang tanong ko.
“Ops…ops… tata Berting, keep your mouth shut or else…”
Nuebe… jack.. at dos. Lahat posible makuha. Inilatag ko na sa lamesa ang baraha ko. Pinagtabi-tabi ko ang nuebe, jack, at dos.
“Okay… kung saan matapat… A – lin – ang – i – ta – ta – pon – ko – he – to – o – he – to… he – to.”
Tumapat iyon sa dos na puso. Iyon ang itanapon ko.
Nakuha ni tata Berting… paningit sa hawak niyang alas at tres na puso. Natong-its siya. Tuwang-tuwa si tata Berting. Tuwang-tuwa din ako. Hindi nakuha ni Khalil ang gitna.
“Ang bagal mo kasi sir magtapon. Hindi puwede kasi iyong ganoon. Mabilis lang kasi dapat ang tapon” Ani Khalil.
“Hayan tata Berting… nagagalit na si Khalil… maghuhurumentado na iyan.”
“Bulilitttt!” Ang bulalas ni Khalil habang paulit-ulit akong sinusundot sa tagiliran.
Masarap ang aming naging tawanan dahil sa nangyaring iyon. Hindi mabalasa ni tata Berting ng maayos ang baraha dahil sa katatawa. Katakot-takot na kantiyaw ang inabot nanaman sa amin ni Khalil.
At nang matapos naming bayaran si tata Berting sa pakakapanalo niya ay ipinamahagi na niya ang baraha.
“Nasa akin ulit ang hit ha. Wow… 16 na ang bato. Kukunin ko na ito.”
“Mangarap ka impo.” Ang sagot ni Khalil kay tata Berting.
Sa sumunod na round ay naubos ang baraha na walang nagdo-draw. Tig-iisang baraha ang natira sa amin. Alas ang sa akin at kinutuban akong alas na lang din ang hawak nila kaya hinintay ko na lang na maubos ang bunutin. Hindi magdo-draw si Khalil dahil ang huling maglalaban eh si tata Berting at siya ang mananalo. HIndi din magdo-draw si tata Berting dahil alam niyang ako mananalo. Kung ako ang magdo-draw eh si Khalil ang panalo pero hindi ko gagawin iyon dahil alam kong ako ang huling bunot. Tiyak kong ako na ang panalo lalo na nga’t walang ng sapawin, sarado na ang lahat ng nakababang baraha. Tapon-bunot na lang kaming tatlo hanggang mabunot ko ang huling baraha.
At ako nga ang nanalo sa round na iyon. Naagaw ko mula kay tata Berting ang hit.
“Dadahasin ko na kayo para makuha ko na ang hit. Okay na sa akin ang 17 bato.” Ang pabirong sabi ko sa dalawa.
“Huwag mainit ang ulo sir. Baka magaya ka kay Khalil. Magkakabutas-butas ang noo mo.”
“O lolo… baka naman puwedeng tapunan mo ako ng tapunan para maagaw natin ang hit.”
“Okay… okay. Ako bahala sa iyo. Puro malalaki ang itatapon ko sa simula. Abangan mo.” Ang sagot ni tata Berting.
Binalasa ko ng mabuti ang baraha. Siguro’y mga apat na beses. Pagkatapos eh hinipan ko pa. Pampahiyang.
“May paihip-ihip ka pa. Baka may laway iyan ha. Baka mahawa kami ng coronavirus mo.” Ani Kahlil.
“Coronahin mo face mo. O cut na.”
Sa halip na katin, eh binalasa ni tata Berting ang baraha.
“O hayan. Huwang ng katin. Ayos na iyan.”
Ipinamigay ko ang baraha. Habang ginagawa ko iyon eh biglang kong napagisipang pagmasdan ang mga reaksyon nila habang pinipintahan nila ang ibinibigay kong baraha. Si tata Berting eh parang nangingiti habang pinagsasama-sama niya ang kanyang mga baraha samantalang si Khalil eh parang nangingiwi at kumukunot ang noo. Kung ang nakita ko ang sa mga reakasyon nila ang pagbabasehan, eh maganda ang pumanhik na baraha kay tata Berting at kabaligtaran naman ang kay Khalil.
“”Game na ba kayo?” Ang wika ko pagkatapos kong ipamigay ang mga baraha.
“Aba’y kanina pa.” Ani Khalil.
“Handa na ba kayong magbayad?”
“Aba’y ipanalo mo muna sir.” Ang sagot ni tata Berting.
Isa-isa kong pinulot ang mga baraha ko. Mabilis, walang pinta-pinta. At nang mapagsama-sama ko’y natuwa ako sa aking nakita. Apat ang alas. Pero hindi ko dapat itaob bilang kuwadra dahil meron din akong dos at tres na bulaklak. Wala nang ibang buo pero ang bababa – tig-dalawa ang dos at kuwatro, tig-isang tres at kuwatro, at ang pinakamalaki na siyang dapat na pantapon ko ay siyete. Kapag itinapon ko ang siyete ay beinte na lang ang ang bilang ng baraha ko.
Naisip kong totohanin ang sinabi ko kanina. Dadahasin ko na ang mga kalaro ko.
Nagbahay ako – tatlong alas. Nasa akin pa ang isa kaya wala na silang maisasapaw.
“Wow! Lalaban ka na ba sir?” Ang tanong ni Khalil.
“Secret, walang clue!” Ang sagot ko.
Itinapon ko ang siyete.
Kinuha ni tata Berting. Na-trio ang siyete. Pagkatapos niya pagsamasamahin ang tatlong siyete ay may itinaob pa siyang kuwadra. Anim na baraha na ang nabawas sa kanya. Magiging lima iyon kapag nagtapon pa siya.
Biglang parang nagdalawang-isip na ako kung magdo-draw nga ako.
Jack na diamond ang itinapon ni tata Berting. Kinuha iyon ni Khalil. Paningit. Mayroon siyang nuebe, diyes, queen, at king na diamond.
“Suwerte, nakabuo pa ng isa.” Ang sabi ni Khalil.
Kung totoo ang sinabi ni Khalil – na may buo pa siya sa taas bukod doon sa naging bahay niya – o bluff lang eh tanging siya lang ang nakakaalam.
Nagtapon siya ng otsong flower. Hindi ko nakuha iyon.
Kaylangan kong magdesisyon kung do-draw na ba ako. Nakakaalangan. Akala ko baraha ko lang ang maganda. Sa kanila din pala. May bahay na rin si tata Berting at may kuwadra pa. Si Khalil naman ay mahaba ang kanyang naging bahay at maaari ding may buo pa siya sa taas.
Binilang ko ulit ang baraha ko – saradong beinte. Isang ikot pa lang kaya puwede-puwede nang i-draw.
“Sir. Laban kung laban. Hindi naman mauubos ang mga dolyares mo diyan. Paminsan-minsan eh sumugal ka naman.”
Para tuloy lalo pa akong nagdalawang-isip maglaban. Para kasi akong binubuyo ni Khalil. Parang gusto niya akong batuktukan.
Pero tama naman ang sinabi ni Khalil. Bakit hindi ko subukang gayahin ang diskarte niya. Kung mabatuktukan eh di magbayad.
Worst scenario – dos ang pinakamababa na puwedeng maging baraha nila. Lahat kasi ng alas eh nasa akin. Disiotso ang pinakamataas na puwede kong maging butas. 90 pesos iyon. 20 pesos naman ang batuktok. 110 pesos lang. Aba eh 2 dollars lang mahigit iyon ah. Pero kapag ako ang nanalo eh malaki ang kakabigin ko – 17 ang bato sa gitna. May bayad pa ang panalo at 4 na alas.
It’s worth the gamble.
“Okay draw na.” Ang sabi ko.
Tama naman si Khalil. Dapat paminsan-minsan eh kaylangang mong sumugal. Kaylangang paminsan-minsan eh sumuong ka sa isang bagay na hindi mo tiyak ang kahihinatnan. Sabi nga ni Jake Sully sa pelikulang Avatar – “Sometimes your whole life boils down to one insane move.”
Katulad ni Kahlil ay nagbakasali din ako. Nang sa tingin ko eh hindi sapat ang kinikita ko sa pagtuturo dito sa Pilipinas eh nangibang-bansa ako at doon nagturo. Sugal iyon. Ang maging OFW eh hindi gawang biro. Hindi mo tiyak kung ano ang kahihinatnan ng pagpunta mo sa ibang bansa.
Katulad sa larong tong-its. Maaring ang barahang ibibigay sa iyo ng bumalasa nito eh buo-buo o kada dalawang piraso sa labing-dalawa mong baraha eh magkakatabi. Suwete di ba. Posible rin na kabaligtaran – walang buo kahit isa at ang mga baraha mo’y hiwa-hiwalay pa. Sorry na lang – malas.
Suwerte o malas lang ang dalawang puwedeng kalabasan ng pagiging OFW. Maaring masaya ka sa trabahong dadatnan mo at maayos ang trato sa iyo ng iyong mga employer. Naka-hit ka kumbaga sa tong-its. Tapos wala kang naging problema sa pamilyang iniwan mo sa Pilipinas – hindi nagtaksil ang iyong asawa at walang napariwara sa iyong mga anak. Two hits sa tong-its iyon. Panalo. Kuha mo na ang gitna babayaran pa sa iyo ang mga batong naipon.
Eh papano kung maayos nga ang trabaho mo, malaki ang kita at marami kang ipon pero nasira ang pamilya mo? Batuktok ka. At huwag naman sana na wala ka nang naipon pagbalik mo sa Pilipinas eh wala ka pang pamilyang babalikan. Napakasakit kuya Eddie. Batuktok na, ubos pa puhunan.
Ganoon ang nangyari kay Khalil. Matapos ang ilang taon niyang pagpupursigi sa Oman ay naghiwalay sila ng kanyang asawa. Hindi niya alam kung saan siya nagkulang. May nakilala ulit siyang babae at sila’y nagsama. Pero kalaunan ay nagkahiwalay din sila. Marami nga siyang pera pag-uwi pero wala siyang pamilyang dinatnan. May nakilala nanaman siya pero ang sabi niya sa akin eh parang takot na siyang sumugal. Lagi daw kasi siyang batuktok pagdating sa pag-ibig.
Si tata Berting? Sigurista! Hindi sumugal magtrabaho sa abroad. Sa Pilipinas nagtrabaho. Nagsikap. Pinagkasya ang kinikita, binantayan ang pamilya. Pinag-aral ang mga anak na lahat, kalaunan, ay nagkaroon ng magagandang trabaho at maaayos na pamilya. Suwerte. Naka-hit si tata Berting. Halatang maganda ang barahang ibinigay sa kanya ng bumabalasa nito. Siguro buo-buo at tabi-tabi ang kanyang mga baraha. O kaya, hindi man kagandahan ang natanggap niyang baraha eh diniskartehan lang niya ito ng mabuti. Sinugarado na kapag inilaban niya ito eh panalo siya. At kapag ang mga kalaro niya ang naglaban eh alam niya kung kaylan siya kakasa at kung kaylan siya dapat tumiklop.
Ako? Malinaw na pumusta ako sa pangingibang-bansa. Pero kapag ako kasi ang pumusta ay mas malamang na panalo ako kaysa matalo. Minsan nga ay sinisigurado ko na mananalo ako. Noong nangibang-bansa ako ay tinignan ko ang lahat ng anggulo, kung ano ang puwedeng mangyari. Saan ko man silipin noon ay malinaw na tama ang gagawin kong desisyon. At noong nagsimula akong magtrabaho doon ay habang naghahanapbuhay ako eh tiniyak kong ang mga mahal ko sa buhay ay hindi mararamdamang pinababayaan o binabale-wala ko sila.
“Sir… sigurado ka ba sa desisyon mo? Draw na ba talaga? Ang tanong ni tata Berting.
Tumango ako na paulit-ulit.
Katulad nang desisyon kong iyon na mag-draw. Alam kong mas malamang na panalo ako. Nasa akin lahat halos ng mga mababang baraha. Maraming beses nang nangyari ang ganoon kapag naglalaro kami. Napakadalang na tinatalo ang nagdo-draw matapos ang isang ikot lang.
“Surrender ako sir. Wala na akong buo. Napakatataas pa. Ikaw na lang Khalil.”
“Wala rin eh. Mabuti nga’t nakuha ko itong tapon mong jack kaya nagka-bahay ako.”
Naka-two hits ako. Nakuha ko ang gitna.
“O time-out ulit. Maghapunan muna kayo.” Wika ng misis ko na bitbit ang kaldero at mga pinggan.
Naghapunan kami – piniritong galunggong at munggo ang ulam. Habang kami’y kumakain, katulad ng dati, patuloy ang aming kuwentuhan.
Inabot kami ng halos alas-onse ng gabi sa paglalaro. Nakabawi din si Khalil nang kalaunan. Hindi kami masyado nagkatalo. Pero katulad ng dati, wala naman talagang natatalo sa amin dahil hindi nga mababayaran ng anumang halaga ang kasiyahang aming naramdaman habang kami’y naglalaro ng tong-its, nagkukwentuhan, nagkakainan, at nagtatawanan. Panalo.
– W A K A S –
TONG-ITS TIME (2)
(2nd of 3 parts)

Inilatag ni tata Berting ang natitira pa sa mga hawak niyang baraha – dalawang king at dalawang otso. Nasa akin pareho ang mga puro ni tata Berting. Kung pinalakad ko pala sana iyong king eh nakuha niya at maisasapaw ko pa iyong isang matitira sa akin. Malaki sana ang ibababa ng baraha ko.
“Hindi na… mataas eh. Trenta’y sais.”
“Mga duwag pala kayo eh… o heto baraha ko.”
Napailing na lang kami ni tata Berting sa aming Nakita – wala nang buo sa baraha ni Khalil. Dalawang alas at pagkatapos ay puro nuwebe’t diyes at may mga tao na. Wala man lang magkatabi. Mahigit sinkwenta kung bibilangin.
“Wala nang pag-asang manalo ito kaya naglakas-loob na akong lumaban. Lakasan lang ng loob ang tong-its mga tsong.”
“Anak ng… panalo pala sana ako ah.” Ang sabi ni tata Berting habang nagkakamot ng ulo. “Butas-butas ka pala sana.”
“Eh wagdu ka naman tata Berting eh… kaya sorry na lang. Bayad-bayad na mga boys. Dalawa alas ko. Bali tig-kinse kayo. Ay teka… sunog po pala kayo lolo. Hindi ka nagbaba. Beinte ang bayad mo.”
Tawa ng tawa si Khalil habang binabalasa ang baraha.
“Walang lumaban eh wala naman na akong buo. Mga walang binatbat. O ako ang hitter ha.. akin na ang marker. Isa na ang bato ha. Naku… kahit isa lang iyan eh kukuhanin ko na.
“Sir, papayag ka ba na ma-hit na ng kapwa mo bulilit.”
“Aba tata Berting, nasa sa inyo po iyan. Kayo ang magtatapon sa kanya eh.”
“Promise sir, hindi sa akin makakuha ng malaki. Dos… tress ang itatapon ko sa kanya. Hindi baleng makuha basta maliit lang. ”
“Sige… tignan natin.” Ang sabi ni Khalil. O cut na!”
Ako ang nag-cut. Paulit-ulit. Para kako maiba ang takbo ng baraha.
Ipinamigay ni Khalil ang baraha. Kapag siya ulit ang nanalo eh makukuha niya ang gitna at isang bato. Bale beinte singko ang bayad niyon at saka limang piso sa pagkapanalo niya. May dagdag pang lima kung makakakuha pa siya ng alas.
Ganoon ang larong tong-its. Hindi porke hindi maganda ang hawak mong baraha eh talo ka na. Depende sa diskarte. Palakasan ng loob. Kung magaling ka na maglaro at malakas pa ang loob mo eh mas malamang na lagi kang panalo.
Ganoon din lang sa totoong buhay. Minsan hindi lang puro talino at talento ang kaylangan para magtagumpay ka. Kaylangang matapang ka rin, handang magbakasali… handang sumugal.
Maaring si tata Berting, sa larong tong-its, kapag hindi na maganda ang baraha, humihina na ang kalooban, hindi na lumalaban. Pero sa totoong buhay eh kabaligtaran siya. Katulad ng baraha eh hindi mo puwedeng piliin ang mga sirkumstansya sa buhay. Sa sugal, depende iyan sa balasa at sa paraan nang pagka-cut. Ang baraha ng buhay na naibahagi kay tata Berting ay ang magkaroon ng mahirap na mga magulang. Nang ayaw na daw siyang pag-aralin sa high school ng kanyang ama dahil kaylangang niyang tumulong sa mga gawain sa bukid eh pinilit niyang mag-aral sa gabi. Pinayagan naman siya. At dahil nga sa gabi siya nag-aral ay inabot ng limang taon bago siya natapos. Sumugal din si tata Berting nang lumuwas siya ng Maynila at naghanap ng trabaho upang matustusan ang pag-aaral. Nakatapos siya at nagkaroon ng magandang trabaho.
“Oh hayan na ang mga baraha ninyo. Bilis-bilisan tata Berting ang pagpipinta ha. At galingan ninyo dahil kung hindi eh makukuha ko na ang gitna. Remember – hitter ako!”
Magaling talagang magtong-its si Khalil. Sa aming tatlo, siya ang record holder kung dami ng panalo ang paguusapan. Ang hirap niyang talunin. Malakas kasi ang loob. Lumalaban kahit sobrang taas ng hawak na baraha.
Kahit sa buhay, sa tingin ko, ay ganoon din siya – malakas ang loob sumugal. Katulad ng magtrabaho siya sa Oman. Nang mag-expire ang kanyang visa eh hindi daw siya umuwi. Sumugal siya. Nag-TNT. Kung uuwi daw kasi siya ng Pilipinas noong panahong iyon eh baka hindi na siya makabalik at wala naman siyang makikitang trabaho dito na magkakaroon siya ng kita katulad ng natatanggap niya sa bansang iyon.
Si tata Berting naman ay halataing sigurista. Hindi inilalaban ang baraha kapag mataas. Kaya kapag siya ang nag-draw at mataas sa beinte ang baraha ko ay iniuurong ko na. Si Khalil ang masarap matiyempuhan kasi nga naglalaban kahit sobrang taas ng baraha.
“Si tata Berting o hinayang na hinayang. Aba eh baka mga treinta ang butas ko kung lumaban kayo. Maliwanag na 150 plus sana iyon tapos 20 pa ang batuktok.”
“Tignan mo sir nangangantiyaw pa. Nanalo na nga eh. Batukan ko kaya ito.”
“Hayaan po ninyo, pasasaan ba at matataymingan din natin ang kolokoy na iyan. Butas-butas ang puwit niyan kapag nagkataon.” Ang sagot ko.
Sa round na sumunod, katulad nang madalas gawin ni tata Berting, ay dahan-dahan kong pinintahan ang aking mga baraha. Mukhang maganda ang pagka-cut ko. Akalain mong tatlo ang buo at isa na lang ang hanap. Singko at sais na bulaklak na lang ang hindi buo. Mababa kung tutuusin. Panlaban na. Kaya binalak kong hindi ko man mabunot ang kuwatro o siyeteng bulaklak eh magbabahay na kaagad ako nang makalaban na sa susunod na ikot. Iyon eh kung walang sasapaw.
Nagtapon si Khalil – siyeteng bulaklak. Tambog siya. Panalo ako sa round na iyon.
“Anak ng… heto na nga bang jack sana ang itatapon ko eh.”
“Eh gusto mo pala lagi kang panalo. Hindi puwede iyon, tsong.” Ang wika ni tata Berting.
“Aba’y kayo ho ba ayaw ninyo laging nananalo?” Ang tanong ni Khalil habang iniaabot sa akin ang sinamsam niyang baraha.
Nagkitbit-balikat lang si tata Berting. Pero parang nag-isip rin siya. Hindi ko alam kung ang iniisip niya ay iyong tanong sa sagot ni Khalil.
Pero lahat ba ng nagsusugal, o ang nakikapagpustahan, o ang mga sumasali sa ano mang labanan o paligsahan eh lagi gusto manalo? Siyempre oo. Pero bakit gusto nila manalo? Siguro dahil sa mapapanalunang pera o premyo. Ako? Kung pormal na paligsahan ang sasalihan ko, gusto ko manalo hindi dahil sa pera o premyo kundi iyong karangalang kaakibat ng panalo. Kung tong-its lang naman eh lalong hindi ko inaasam ang pera kundi iyong sarap lang ng pakiramdam na nanalo ka at iyong pagkakataon mo na ikaw naman ang makapangantiyaw.
“Tata Berting, nakalimutan po ni Khalil na maryoon siyang kalaban.”
“Oo nga eh. Khalil… don’t forget… hindi lang ikaw ang maruong magtong-its. Malay mo nga na baka iyong panalo mo kanina eh iyon ang una at huli mong panalo ngayong gabing ito.”
“Ha? Una’t huli pala ha. Tignan natin.”
Matapos silang magbayad ay binalasa ko’t ipinamigay ang mga baraha para sa susunod na round.
Maganda nanaman ang panhik ng baraha sa akin sa round na iyon. Dalawa ang buo, isang trio at isang straight. May anim akong baraha na pares-pares at meron akong isa lang na pantapon. Ang mga pares-pares na baraha ko eh puro mabababa pa. Naisipan kong iligaw ang mga kalaro ko, lalo na si Khalil na siyang nagtatapon sa akin.
“Naku po. Ano ba namang baraha ito. Puro tao hanap. Mahirap ipanalo ito.”
Pagkasabi ko niyon ay tinapunan ko si tata Berting. Hindi niya nakuha. Bumunot siya. Inilapag muna niya sa kanyang harapan ang binunot at pagkatapos ay kumuha ng isang pantapon mula sa kanyang baraha – tres na diamond. Napabuntung-hininga si Khalil sa nakitang tapon ni tata Berting.
“Naku… sige lolo, huwag mo akong tapunan. Hayaan na nating makuha ni sir ang gitna.”
Nangiti lang si tata Berting. Inayos-ayos ang kanyang mga baraha.
Mukhang ang kaylangan ni Khalil eh tao kaya ganoon ang sinabi niya.
Ang binunot ni Khalil na baraha ay kaagad ding itinapon.
Hindi ko nakuha ang tapon ni Khalill pero nakabunot ako ng karugtong ng isang pares kong baraha. Binilang ko. Trese na lang ang baraha ko. Nang magtapon ako ng singko eh naging otso na lang. Kapag ganoon ang baraha eh puwedeng hindi ka magbaba at mag-abang ka na lang ng magdo-draw.
“Tsk… hindi ako makabuo ah. Lasma.” Ang wika ko.
Nakuha ni tata Berting ang tapon ko ngunit si Khalil ay hindi nakakuha sa kanya. Kuwatro ang tapon niya. Bagay na parang ikinainis ni Khalil.
“Lolo, iniipit mo yata ako ah. Hindi ako ang hitter.” Ang parang kunsimidong wika ni Khalil. “Sige na nga. Makapagbahay na nga lang nang makalaban na.”
Nagbahay nga si Khalil at muli nanaman niyang sinamsam ang kanyang baraha at itinabi sa mga bunutin. Akma nanamang lalaban ang loko. Kapag ginawa niya iyon, malamang na sasakit ang katawan niya sa batuktok.
Bumunot ako. King. Isinama ko muna sa baraha ko. Pinagpalit-palit ko ang puwesto ng mga baraha ko.
“Heto na nga ang king tata Berting.”
“Aha… nagbiyak na ng king. May natira pang isa.” Ang wika ni Khalil.
Iyon eksakto ang gusto kong isipin ng aking mga kalaro kaya pinagtagal ko muna bago ko itinapon ang king na aking nabunot.
“Eh ayaw mong ibigay eh.” Ang sabi ko na lang.
“Naku sir, walang tao itong baraha ko kaya wala akong itatapong king sa iyo… at pilado na lang ang bilang ko kaya panlaban na ito.”
Dalawang bagay lang iyon – nagsasabi ng totoo si Khalil… na kulang na sa diyes ang bilang ng baraha niya, o nanakot lang siya para hindi kami lumaban kapag siya ay nag-draw. Kutob ko eh nangba-bluff lang siya. At siguro kahit pa totoo ang sinabi niya eh kakasa ako kapag siya ay nag-draw. Iuurong ko ba naman ang otso lalo na nga’t nakakadalawang ikot pa lang. Kahit pa nga wala ng baraha eh lalaban ako.
Ang sumunod kong nabunot ay king ulit. Tamang-tama sa dramang ginagawa ko.
“Anak ng… kung kaylan ko sinira… saka nabuo.” Ang sabi ko na kunwari’y naiinis ako.
Pagsisinungaling iyon pero ganoon talaga sa tong-its. Kapag may sinasabi ang naglalaro sa tong-its na isang bagay tungkol sa baraha nila ay dapat mong isipin na may mind-game na nagaganap. Gawain ko din iyon.
Hindi nanaman kinuha ni tata Berting ang tapon ko. Bumunot siya. Napansin kong medyo tumaas ang isang kilay niya’t nangiti pa. Mukhang gusto ni tata Berting ang nakikita niya sa kanyang mga baraha. Pinagmamasdan niya ito ng mabuti.
“Sir… tulog muna tayo. Mukhang bukas pa magtatapon si impo.”
Pagkasabi niyon eh kunwari naghihilik si Khalil.
At nagtapon na si tata Berting…
“TRESSS!!! Kanina kuwatro. Lolo hindi ako ang hitter.” Ang bulalas ni Khalil. “Inilalaban mo nanaman yata ang baraha mo kahit walang pag-asa iyan.”
Sa tong-its kasi ay minsan kaylangan mong magsakripisyo o gandahan ang iyong diskarte para hindi maka-two hits ang hitter. Lalo na kung marami ang bato sa gitna. Kapag ikaw ang nagtatapon sa hitter eh siguraduhin mong hindi makukuha ang tapon mo, lalo na kung tao, at kung makuha man ay tiyakin mong may panunod ka. Iyon namang nagtatapon sa iyo ay kaylangang mabigyan ka. Dapat matataas ang mga tapon sa unang mga ikot at sa kalagitnaan, kung marami na ang naitapong baraha, eh kaylangan basahin niya at tantiyahin kung ano ang puwede mong makuha.
“Anong wala pag-asa. Anong gagawin ko sa iyan talaga ang pantapon. Tres na ang pinakamataas ko.”
“Talaga lang ha!!!”
Pagkasabi niyon ay dinaklot ni Khalil ang mga bunuting baraha… itinaob.
“O sige draw.” Ang sabi ni Khalil. “Pa tres-tres ka pa lolo ha. Tignan natin kung lalaban ka.”
May kutob akong mababa na ang baraha ni tata Berting kaya ganoon kababa ang mga tapon niya kay Khalil. Pero hindi ko puwedeng iurong ang baraha ko.
“O sige… laban ako.” Ang sabi ko.
Tila nagulat si Khalil na kumasa ako sa draw niya.
“Ang lalakas ng loob ninyong mag-labanan. Sabi ng tres na lang ang pinakamataas ko eh. Sige… laban din ako.” Ang sabi ni tata Berting.
TONG-ITS TIME (1)
(1st of 3 parts)

“Magkano ba ang gitna?” Ang tanong ni tata Berting habang binabalasa niya ang hawak na baraha.
“Katulad po ng dati… beinte po.” Ang sagot ko.
“Ha! Beinte? Kahina naman. Singkwenta na. O kaya… isang daan! Kagagaling lang abroad eh. Aanhin mo ba ang iniuwi mong mga dolyares?”
“Naku Khalil magtigil ka. Naglilibang lang tayo kaya ayos na ang beinte.”
Sina tata Berting at Khalil ang madalas kong katong-itan kapag ako’y nagbabakasyon sa Pilipinas. Basta’t nabalitaan nilang nasa bahay na ako eh siguradong pupuntahan ako’t maglalaro kami ng tong-its. Gabi kami naglalaro sa may kubo sa gilid ng bahay ko. Presko kasi doon, tahimik, at walang miron. Paminsan-minsan lang na mauupo doon ang aking maybahay matapos niyang hatiran kami ng makakain o snacks. Minsan kape o malamig na tubig. Kadalasang nagsisimula kami ng ala-sais at inaabot kami ng alas-diyes, minsan higit pa.
Si tata Berting ay isang retiradong accountant na dating nagta-trabaho sa Makati. Kapit-bahay namin siya sa subdivision. Close ang pamilya namin. Si Khalil naman eh katulad kong OFW. Pero nagsawa na daw siyang magtrabaho sa ibang bansa. Sa kabilang barangay siya naninirahan. Hindi niya totoong pangalan ang Khalil. Ang employer daw niya sa isang construction site sa Oman ang nagbansag sa kanya ng pangalang iyon. At iyon na rin ang nakagawian naming tawag sa kanya. Dominic ang totoo niyang pangalan.
Pampalipas oras lang sa akin ang pagtotong-its. Sa tingin ko eh ganoon din kay tata Berting. Hindi ako sigurado kay Khalil. Ang alam ko kasi eh madalas siyang magsugal, lalo na sa mga lamayan. Nagsasakla din daw siya. Kontrolado ko ang sarili ko pagdating sa sugal at sa Pilipinas ko lang ginagawa ito. Hindi ko kaylan man sinubukang magsugal kapag nasa ibang bansa. Niyayaya ako minsan ng mga katrabaho kong banyagang katulad ko na mag-poker. Pero ayaw ko. Baka hanap-hanapin ko. Mahirap ang malulong sa sugal, lalo na kung nasa ibang bansa ka.
Hindi ako sanay sa malakihang taya. Hindi ko na mae-enjoy kapag malakihan ang labanan. Sayang ang pera. Mahirap kitain ang dolyar. Hindi bale kung siguradong panalo ako palagi pagkatapos naming maglaro. Sa totoo niyan kapag nagtotong-its ako eh hindi ko naman kaylanmang hinangad na talunin ang mga kalaro ko para makuha ko ang kanilang pera. Hindi pera ang naguudyok sa akin para magtong-its. Naglilibang lang ako. Nagre-relax. Para sa akin, kung gusto mong magkapera, eh huwag sa sugal mo hangarin. Magbanat ka ng buto dapat.
Tong-its lang ang nagustuhan kong sugal. Ayaw ko sanang tawaging pagsusugal ang pagtotong-its ko dahil nilalaro ko ito hind dahil sa pera kundi upang maglibang nga. Pero sige, sugal ang gagamitin kong tawag dito. Marunong akong mag-lucky nine, 41, at pusoy pero hindi ako ma-enggayong laruin ang mga ito. Purong sugal kasi ang lucky nine at pusoy at mabilis laruin. Hindi katulad ng tong-its na nagtatagal ang bawat round… iyon eh kung walang malakas ang loob na kahit mahigit singkwenta ang bilang ng baraha kung susumahin eh biglang mangbla-bluff at be-bet o magdo-draw. At maliban na lang rin kung pagsampa ng baraha eh may bumisaklat sa mga kalaro mo. At ang tong-it eh may elemento ng mind game kaya nagustuhan ko ito. Kahit sobrang pangit ng sumampang baraha sa iyo eh maaari mong ipanalo. Iyon eh kung magaling ka ngang mang-bluff at ang mga kalaro mo eh hindi kakasa.
“Hayaan mo na Khalil, pagbigyan natin ang hiling ni sir. Tulad na lang ng dati – beinte ang gitna.”
Ako kasi eh isang guro kaya kung tawagin ako ni tata Berting eh sir. Nakigaya na rin si Khalil nang kalaunan.
“…tapos lima ang bawat bato. Ang bayad sa batuktok eh gawin nating beinte at lima din ang bawat butas. Kapag sunog o walang bahay eh magdadagdag ng limang piso.” Ang dagdag pa ni tata Berting.
“O sige na nga, baka hindi pa tayo laruin nitong si bulilit kung lalakihan natin ang gitna.”
“Kung makabulilit naman heto. Bakit matangkad ka ba?” Ang tanong ko kay Khalil sabay batok sa kanya ng banayad.
“Eh bakit… mas matangkad naman ako sa iyo ah.”
“He… magtigil na nga kayo. Pareho lang kayong punggok.” Ang sabi ni tata Berting. “O… cut na. Masimulan na ito nang makarami tayo.”
“Hayan nagalit na si impo.” Ang sabi ni Khalil sabay tawa.
Naging kaybigan na ng pamilya namin si Khalil kalaunan. Parang kapatid na ang turing ko sa kanya kaya bale wala na sa amin ang magbiruan. Siya ang gumawa ng extension ng bahay namin. Hindi naman siya engineer pero alam niya ang lahat ng aspeto ng construction ng bahay o building. Iyong ang naging trabaho niya sa Oman. At iyon na ang pinagkakakitaan ng tumigil na siyang mag-abroad.
Ganoon kami kapag nagtotong-its. May kantyawan, buskahan, at tawanan. Kaya nage-enjoy akong kalaro silang dalawa. Masarap kasi iyong ganoon. Galawgaw din kasi ako at palabiro.
Nagkukuwentuhan kami habang nagtotong-its. At sa tagal na naming naglalaro ng tong-its eh marami na kaming naikwento sa isa’t isa tungkol sa aming mga buhay. Paminsan-minsan ay seryoso ang aming usapan pero mas madalas ang tawanan. May mga pagkakataon na pulitika ang pinaguusapan namin. Minsan may magti-trip na kumanta tapos sasabayan namin. Ganoon ang gusto ko kapag nagtotong-its kami. Nakakalibang. Hindi ko napapansin ang paglipas ng oras. Hindi baleng sa bandang huli eh talo. Hindi mababayaran ng ano mang halaga iyong kasiyahang nararamdaman ko habang naglalaro kami.
Dati ay may ibang dumadayo sa akin para makatong-itan ako pero inayawan ko sila. Iyong isa eh mahilig kasing manigarilyo at mismong sa mukha ko pa minsan ibinubuga ang kanyang usok kaya ubo ako ng ubo habang naglalaro kami. Hindi kasi ako naninigarilyo. May isa naman na kapag nanalo na ng malaki eh bigla na lang umaayaw kahit hindi pa tapos ang itinakda naming bilang ng oras ng paglalaro. Napakagulang. Kung ano-ano ang idinadahilan para maka-alis. Ang mga manlalaro kasi ng tong-its, at tingin ko kahit sa anong sugal, eh nag-uusap sa simula kung hanggang anong oras ang laro. Ang mga talunan lang ang puwedeng umayaw. Kapag nananalo ka, hanggang hindi tapos ang pinagusapang oras eh hindi ka puwedeng magsabing ayaw mo na. At ang huli eh iyong nakalaro ko na napakahilig mag “mo.” Kapag natatalo eh sasabihing “beinte mo muna”… “singkwenta mo muna.” Hindi siya maglalabas ng pera pero patuloy sa paglalaro. Ang hirap tantiyahin kung may pera pa ba siya o wala na. Minsan lumalaki nang hangang dalawang-daan o higit pa ang kanyang utang. Tapos kapag siya ang tatama eh babawasan iyong utang niya. Minsan nagkakalituhan na sa kuwentahan. Iyon ang mga players na iniwasan kong makalaro. Sina tata Berting at Khalil lang ang nakita kong matino at masarap katongitan kaya kapag sila ang nagyayaya eh umo-oo kaagad ako. Madalas nga na ako pa ang nagyayaya sa kanila.
“O tulad ng dati… ang kuwadra ay limang piso at ang alas eh limang piso ang isa kapag naipanalo.”
“Okay… Kapag ang alas ang naikwadra eh bente pesos ulit ha.” Ang dagdag ko sa sinabing iyon ni Khalil. “Tapos kapag ikaw ang panalo at may kuwadra alas ka pa eh may bayad na bilang kuwadra iyong mga alas, may bayad pa isa-isa pa ang mga ito dahil sa pagkakapanalo mo. Bale kuwarante’y singko ang bayad. Clear?”
“Sir… yes sir!” Ang bulalas ni Khalil.
Ang totoo niyan eh kahit beinte pesos lang ang tayaan namin sa gitna, napansin ko na pagkatapos ng sampung balasa at hindi ka tumama kahit minsan eh lagas kaagad ang dalawang daang piso mo o higit pa. At posible nga na mangyari na isang oras na kayong naglalaro eh kahit minsan eh hindi ka makakabalasa. Lalo na kung magagaling ang kalaro mo. Hindi rin imposible na hanggang matapos ang laro ay hindi ka makaka-hit kahit minsan. Iyon ang tinatawag na epic failure sa tong-its – iyong natapos ang laro at hindi ka naka-hit kahit minsan. Nangyari na sa akin ang ganoon at halos inabot ng isang libo ang talo ko matapos ang apat na oras naming paglalaro. Iyong isang libo eh hindi ko naman iindahin dahil kahit papaano eh may pera naman ako. Pero nakakasama ng loob na matatalo ka ng ganoong kalaki at sa loob ng ganoong katagal na paglalaro eh hindi ka makaka-hit kahit minsan. Iyon bang pakiramadam na ang bobo-bobo mong magtong-its. Ang minsang nakakainis, lalo na kung balat-sibuyas ka, eh kapag ikaw aymahaba-haba na itinatakbo ng laro at hindi ka pa nakakabalasa kahit minsan eh tiyak na uulanin ka ng kantiyaw. At mas lalo na nga kung hindi ka naka-hit kahit minsan. Kada laro na ipapaala-ala sa iyo ang bagay na iyon hangga’t hindi mo sila nababawian.
“Ano ba tata Berting. Aba’y magtapon ka na. Papaano tayo makakarami niyan eh slow motion ka nanaman.” Ang bulalas ni Khalil.
“Pagbigyan mo na ang senior citizen.” Dagdag ko.
“Ganyan nga, mainis kayo, para masira ang diskarte ninyo. Babagalan ko pang lalo para ma-stress kayo.” Ang sagot ni tata Berting.
Isa-isa kasi kung pulutin ni tata Berting ang kanyang mga baraha at dahan-dahan pa kung pintahan. Ako may ganoon din – isa-isa kong pinupulot ang mga baraha at pipipintahan ko rin ang mga iyon nang isa-isa. Pero mabilis, hindi katulad nang ginagawa ni tata Berting na dahan-dahan. Sa ganang akin kasi eh hindi naman gaganda ang napunta sa iyong barahan kung babagalan mo ang pinta. Pero kanya-kanya ng style. Sabi nga nila – walang basagan ng trip.
“O kita mo nga. Suwerte kapag dahan-dahan ang pinta ng baraha. Buo-buo kaagad.”
“Hindi nga! Nagsisinungaling nanaman si tatang.” Ang wika ni Khalil. “Paramihan tayo ng buo o.”
“Bahala ka kung ayaw mong maniwala. Basta ito eh buo-buo. Ang haba pa nga ng isang buo ko.”
Mabuti pa sila. Maganda ang mga baraha. Ako eh walang buo kahit isa ang sa mga baraha ko sa round na iyon. Walang straight, walang trio. May dalawa akong king, dalawang otso, may tres at kuwatro akong spade, tapos iyong anim ko pang baraha eh hiwa-hiwalay na eh halos puro tao pa. Pero posible rin naman na wala din silang buo at mas pangit ang hawak nilang baraha. Ganoon kasi sa tong-its. Uso ang bluffan. Hindi mo puwedeng ipahalata na pangit ang sumampang baraha sa iyo. Kunwari eh maganda ang hawak mong baraha… kahit pangit.
“Aba, eh pare-pareho palang buo-buo baraha natin.”
“Sir, masama magsinungaling.” Ani tata Berting.
Ngumiti na lamang ako.
“Tata Berting, ako po eh palaki ng mga madre kaya hindi ako marunong magsinungaling.” Ang sagot ko.
At sa wakas ay nagtapon na si tata Berting… sinkong spade.
Napangiwi ako dahil kaylangan ko ang barahang iyon para mabuo na straight ang tres at kuwatrong spade na hawak ko.
Kinuha ni Khalil ang sinkong spade na tapon ni tata Berting. Mabuti na lang at hindi sa trio nabuo kundi sa straight. Sais at siyeteng spade ang idinugtong ni Khalil. Inilatag niya ito sa kanyang harapan.
“O heto dos na spade, hindi ko na hihintaying maisapaw ang tres at kuwatro. Labanan na ito. Kapag hindi ninyo sinapawan ito eh fight na.”
“Subukan mo lang nang sumakit ang katawan mo.” Ang banta ni tata Berting.
Dos ngang spade ang itinapon sa akin ni Khalil. Kaylangan ko iyon dahil hawak ko ang sinasabi niyang tres at kuwatrong spade. Pagkatapon niya ng barahang iyon ay maayos niyang isinalansan ang mga barahang hawak niya at itinabi sa mga bunuting baraha. Iyon ang madalas niyang gawin kapag ilalaban na niya ang kanyang baraha. Nag-alangan tuloy akong kuhanin ang tapon niya. Puwede ko kasing kuhanin o kaya eh isasapaw ko na lang sa nakababa niyang baraha ang hawak kong spade para hindi siya makalaban.
Kapag nagtotong-its ka eh mahirap malaman kung tama o mali ang gagawing mong desisyon. Parang sa tunay na buhay, kung mapapabuti ka o mapariwara eh depende sa mga ginagawang mong desisyon sa buhay. Ang iba’y naniniwala na ang kahihinatnan natin sa kinabukasan eh parang sugal. Nakadepende daw iyon sa may hawak ng baraha ng ating buhay – ang Panginoon. Ang iba’y naniniwala na nang isilang ang tao ay may nakatakda na sa kanyang baraha. Ang tawag nila doon ay kapalaran. Ako kasi ay hindi naniniwala sa kapalaran. Kung totoo man na binabalasa ng Panginoon ang baraha ng buhay natin ay binigyan Niya tayo ng pagkakataon na laruin natin ito ng maayos. Ang panalo o pagkatalo natin ay depende sa mga desisyong gagawin natin.
At ang desisyon ko – kinuha ko ang barahang tapon ni Khalil upang idugtong sa hawak kong tres at kuwatrong spade.
“O sige. Kuhanin ko na ito para magkalabanan na.” Ang wika ko. Pagkatapos ay itinapon ko ang nag-iisang queen na hawak ko.
Hindi kinuha ni tata Berting ang itinapon kong baraha.
“O… puwedeng lumaban kahit walang babay ha. Hindi naman tayo “no down, no fight” ‘di ba.” Ang wika ni tata Berting.
“Yes lolo dear!” Ang sagot ni Khalil.
At bumunot na si tata Berting.
“Ayos… ang ganda ng bunot ko… nakabuo pa ako ng isa.” Ang bulalas ni tata Berting. “Magbabahay pa ba ko sir?”
“Aba’y bahala po kayo.”
“Hindi na. Puwede naman ako lumaban kahit walang baba.”
“Ganoon po ba? O sige labanan tayo.”
Pagkasabi niyon eh itinaob na ni Khalil ang mga bunuting baraha. Hindi na hinintay na makapagtapon si tata Berting.
“O sige… laban ang matapang!!!” Ang hamon ni Khalil.
Heto nanaman si Khalil. Nag-draw na kaagad. Madalas niyang gawin iyon. Dalawang bagay lang iyon, mababa na talaga ang kanyang baraha o mataas pa. Nanghinayang ako sa ginawa kong desisyon. Sa halip pala na kinuha ko ang tapon ni Khalil ay sinapawan ko na lang sana ang barahang ibinaba niya. Kung bumunot pala ako eh baka nakuha ko pa ang king o otsong kaylangan ko.
Talagang nasa huli palagi ang pagsisisi. Sumurender ako. Wala nang buo sa hawak kong baraha. .
Ibinaba ni tata Berting ang tatlo sa kanyang hawak na mga baraha – trio siyete. Isinunod niya ang lima pa sa kanyang baraha – straight na dos hanggang sais na diamond. Apat na lang ang natitirang baraha sa kanyang kamay.
“O ano impo… tama na ang pakita… laban ba ‘yan?”
Sa Likod ng Pader (4)
(Last of 4 parts)

Binuksan ng isang lalaki ang tagiliran ng van. Itinulak siya papasok. Napasubsob siya sa upuan. Hinang-hina dahil sa lakas ng suntok sa kanya. Sa loob ng sasakyan ay nakita niyang may iba pang mga bata. Mga nakatali ang kamay at nakapiring…nag-iiyakan. Naala-ala niyang bigla ang mga mamang pinatay ng mga pulis.
“Talian mo na rin ang gagong ‘yan.” Sabi ng isa sa dalawang lalaking nasa harapan ng van.
“Naku pare, ubos na ang tali ko. Pero ako na ang bahala ditto. Siguro naman eh natikman na niya ang lakas aking suntok kaya nagtanda na ito. Heto nga’t namimilipit pa sa sakit hanggang ngayon.” Ang sagot nang nagbabantay sa kanila sa likod.
“Siguraduhin mo lang na walang makakatakas sa mga iyan, kundi lagot tayo kay boss.”
Umandar na ang sasakyan. Kung saan sila dadalhin ay hindi alam ni Marco. Masakit pa rin ang kanyang tiyan. Matindi ang suntok na inabot niya. Nag-iiyakan pa rin ang mga batang kasama niya sa van. Nagsisiksikan sila sa bandang likuran. Siya nama’y katabi misno ng nababantay sa kanila. Lasing ito. Nangangamoy alak. Katulad ng amoy ng mga lalaking nagiinuman sa iskwater. Ganun din ang amoy ni mang Cesar kapag ito’y nakakainom kaya’t alam ni Marco.
Naglabas ng baril ang kanilang bantay. Idinuldol ito sa mukha ni Marco.
“Kita mo ito bata. Sa susunod na may gagawin kang kalokohan eh hindi na suntok ang matitikman mo. Putok na. Kapag tumakbo ka eh hahabulin ka ng mga bala ng baril ko. Naiintindihan mo?”
Sa takot ay hindi makasagot si Marco.
“Naiintindihan mmoooo? Sssaggoottt!!!”
“Opo…na…naiintindihan ko po!” Tugon ni Marco sabay tango ng paulit-ulit.”
Naramdaman na lamang ni Marco na umaagos ang kanyang mga luha. Sobra-sobra ang takot na nadarama. Mas higit sa takot na nadama niya nang makita ang ginawa ng mga pulis. Sa pagkakataong iyon pinagsisihan niyang lubos ang ginawang pag-akyat sa pader…ang pag-alis sa kumbento.
Ngayon alam na niya kung anong uri ng mundo meron sa likod ng pader na kanyang kinamumuhian. Ngunit huli na ang lahat magsisi man siya ang pakirawari niya’y wala na ring mangyayari.
“Pare, baka napalakas masyado suntok mo sa tiyan ng bata ha. Siguraduhin mo lang na hindi nasira ang atay niyan ha, kundi mababawasan pa kita natin.” Wika ng nagda-drive ng van.
“Hayaan mo, may iba pang lamang-loob ang batang ito na pwedeng pakinabangan.”
Sa narinig ay parang gumuho ang mundo ni Marco. Sa pakiwari niya’y mas lumakas ang iyakan ng mga batang kasama niya sa van. Pihadong narinig nila ang sinabing iyon ng nagbabantay sa kanila. Naramdaman din niyang mas dumarami ang luhang tahimik na umaagos mula sa kanyang mga mata.
Lubos-lubos na nga ang pagsisising nararamdaman ni Marco. Kung hindi siya tumakas sa kumbento ay hindi nangyari sa kanya ang lahat nang naranasan niya at mararanasan pa. Hindi mamimiligro ang buhay niya ng ganoon. Pero inisip din niya kung mali ba na gustuhin niyang hanapin ang mga tunay na mga magulang. Mali ba na gustuhin niyang mamuhay na parang isang normal na bata.
Napakadaming pumapasok sa isipan niya sa pagkaakataong iyon. Sana ay hindi na lamang niya nakita ang hagdanang kawayan upang hindi niya naakyat ang pader. Sana ay hindi na lang niya naisipang gamitin ang lubid na iyon para hindi siya nakapagpadausdos pababa. Sana’y hindi na lamang siya sumakay sa jeep. Pero nandoon na siya, wala na siyang magagawa.
Nahabag siya sa kanyang sarili. Muli niyang naiisip na sana ay hindi na lamang sa mga madre sa kumbento siya iniwan ng kanyang lola.
Naaawa din siya sa mga batang kasama niya. Iniisip niya kung papaano na sila. Matatakasan ba nila ang nakatakdang mangyari sa kanila. Matatakasan ba nila ang halang ang kaluluwang mga lalaking iyon na magdadala sa kanila sa kapahamakan.
Ilang minuto pa’y natahimik ang loob ng van. Hindi na umiiyak ang mga bata. Napagod marahil o tanggap na nila ang kinahinatnan nila. Maging si Marco ma’y huminto na sa pagluha. Maya-maya pa’y naririnig niyang naghihilik ang bantay nila. Ganun din ang lalaking katabi ng driver.
“Hoy, gumising kayo. Mga lintik na… gising sabi eh.” Wika ng driver.
Tuloy lang sa paghihilik ang dalawa.
“Mga gago, nagpakalasing kasi kaya, hayan tuloy.”
Napansin ni Marco na nilampasan ng van ang lugar ng mga iskwater na dinaanan niya kanina. Pabalik pala sa pinanggalingan niya ang van, hindi papuntang bayan.
Ilang saglit pa’y huminto ang sasakyan sa harap ng isang waiting shed. Iyon mismo ang lugar na pinagpahingahan niya matapos siyang makalabas ng kakahuyan.
“Mga pare. Gising kayo. Masakit na masakit na tiyan ko. Dudumi lang ako sandali.”
Hindi kumikibo ang dalawang kasama nito. Hinampas sa balikat ang bantay nina Marco.
“Ano ba? Natutulog ang tao eh.”
“Hoy bababa ako sandali. Bantayan mo mga iyan.”
“O sige…sige… ako bahala dito.”
Bumaba ang driver. Tumawid sa kabila ng kalsada. Pumuwesto sa likuran ng isang puno. Maya-maya’y narinig ni Marco na humilik muli ang kanilang bantay.
Napagtanto niyang hindi pala siya nakatali. Naisipan ng bata na tumakas. Alam niyang mapanganib ang kanyang gagawin pero kaylang niyang subukan.
Parehong may pinto ang magkabilaang bahagi ng van. Dahan-dahang binuksan ni Marco ang pintuan sa bandang kaliwa niya. Nakababa ang bata nang hindi nagigising ang kanilang mga bantay. Nagpunta siya a likuran ng van. Palinga-linga. Payukong naglakad ng dahan-dahan papunta sa waiting shed.
Nalampasan niya ang waiting shed na walang nakakapansin sa kanya. Nasa damuhan na siya pero medyo malayo pa ang mga punong-kahoy na pwedeng magtago sa kanya, ang mga punong kahoy na dinaanan niya nang papalayo siya sa kumbento. Gumapang na siya upang tiyaking walang makakakita sa kanya. Maliwanag pa naman ang buwan.
Kaunti na lang ay mararating na niya ang kakahuyan nang marinig niya ang boses ng driver.
“Hoy mga gago, nawawala ang isang bata.”
Bumaba ang dalawang kasama ng driver.
“Iyan ang sinasabi ko sa inyo, puro kayo inom. Hala hanapin ninyo.”
Sa pagkakataong iyo’y tumayo si Marco at nagsimulang tumakbo.
“O hayun siya. Habulin ninyo.”
Dalawa ang humabol sa kanya. Mabilis na mabilis ang takbo ng bata.
“Pare, barilin mo. Sa paa lang.”
Dinig na dinig niya ang sigaw na iyon ng isa sa mga humahabol sa kanya. Lalo niyang binilisan ang pagtakbo.
Nakarinig siya ng putok. Nagulat siya. Halos matumba sa pagtakbo. Ngunit hindi siya tumigil. Isang putok pa ang narinig niya. Hindi pa rin siya tinamaan.
Nakarating si Marco sa kakahuyan. Tinungo niya ang mga matataas na damong nadaanan niya kanina. Alam niyang mas madali siyang makita kung tatakbo lang siya ng tatakbo. Kaylangan niyang magtago.
Tumigil siya sandali. Hindi upang mamahinga kundi gusto niyang malaman kung nasaan ang mga humahabol sa kanya.
“Pare, nakita mo ba?”
“Wala eh. Tarantadong bata iyon. Magaling magtago ah.”
“Tumingala ka sa mga puno… baka umakyat.”
Dinig na dinig ni Marco ang usapang iyon ng dalawa. Tantya niya’y malapit na malapit lang sa kanya ang mga ito.
“Baka nasa damuhang iyan. Puntahan mo pare. Doon naman ako sa banda doon”
Nang marinig iyo’y pumikit na lamang ang bata. Inakalang mahuhuli na siya.
“Okay…okay. Sandali lang… naiihi ako.”
Dahan-dahang gumapang paatras ang bata palayo sa pinanggagalingan ng mga boses na naririnig niya. Ikinubli ng huni ng mga kuliglig ang kanyang mga kaluskos. Hindi niya alintana ang tama sa braso at mukha niya ng matatalas na bagay sa ginagapangan niyang lupa.
“Wala dito pare.”
Medyo malayo na ang boses na nadinig ni Marco. Patuloy pa rin siyang gumapang palayo. Mas binilisan pa niya.
Nakarinig siya ng mga putok, sunod-sunod. Medyo malayo na ang pinanggagalingan. Marahil ay nagpa-putok na lang nagpa-putok ang mga mama nagbabakasakaling tamaan siya.
Tumakbo nang muli sa Marco. Mabilis na mabilis. Alam niyang hindi siya ligtas hangga’t hindi niya nararating ang gustong puntahan…ang kanyang tanging kailigtasan. Tumakbo siya ng tumakbo hanggang makita niya ang gusto niyang makita…ang pader.
Sa wakas ay natanaw na niya ang pader. Iyon ang kanyang kaligtasan. Binilisan pa niya ang takbo.
Palapit siya ng palapit sa pader.
Nakita na niya ang lubid.
Nakalambitin pa rin iyon. Parang hinihintay ang kanyang pagbabalik.
Hinawakan niya ng mahigpit ang lubid. Nagsimula na siyang umakyat. Masakit ang kanyang mga kamay. Parang namamanhid na ang kanyang mga paa. Kumikirot pa ang tiyan niyang sinuntok kanina. Tiniis niyang lahat iyon. Kaylangan niyang umakyat. Hindi siya pwedeng mahuli.
Kaylangang niyang mabuhay.
Gusto pa niyang mabuhay.
Sa wakas ay narating niya ang ibabaw ng pader. Lumingon siya sa kakahuyang pinanggalingan. Pinagmasdan niya ang kalakhan ng mundo sa likod ng pader. Ngayon alam na niya kung anong uri ng mundo iyon.
Natiyak na niyang hindi siya nasundan. Wala siyang makita ni anino ng mga humahabol sa kanya. Hinila niya pataas ang lubid, kinalas sa nakalitaw na bakal na kanyang pinagtalian.
Bitbit ang lubid ay bumaba ito sa hagdanang ginamit niya nang siya’y umakyat sa pader upang tumakas. Pagkababang-pagkababa ay napaupo si Marco pasandal sa hagdan.
Ligtas na siya.
Malaya na siya.
Sumubsob siya sa kanyang brasong nakapatong sa kanyang tuhod. Binalikan ang pinagdaanan sa ilang oras lamang na nasa likod siya ng pader na iyon. Gusto niyang maiyak, hindi niya alam kung gusto niyang umiyak dahil sa masaklap niyang karanasan o sa tuwa dahil ito’y kanyang nalampaasan.
Tumayo si Marco. Naglakad. Tahimik ang kumbento, walang kamalya-malay ang lahat doon sa kanyang mga pinagdaanan. Ibinalik ng bata ang hagdanan kung saan niya ito kinuha. Pagkaatapos niyo’y nagpunta siya sa chapel. Muling itinali sa kampana ang lubid.
Umupo si Marco. Tinanggal ang backpack sa kanyang likuran. Binuksan ang bulsa nito. Tinignan ni Marco ang relo. Pasado alas-tres ng madaling araw. Higit-kumulang 6 na oras siyang nasa labas ng kumbento. Sandali lamang kung tutuusin ngunit napakaraming nangyari sa kanya.
Mula sa malayo ay may narinig nanaman siyang mga putok ng baril. Marami. Sunod-sunod. Pero wala na siyang takot. Ligtas na siya. Napapaligiran na siya ng pader.
Pumikit muna si Marco.
**********
“Marco…Marco…. gising…Marco!!!”
Napaigtad si Marco. Nagulat. Mula sa pagkakahiga’y bigla itong tumayo. Nang mapagtanto kung sino ang gumising sa kanya’y bigla itong nahimasmasan.
“Sister Carissa!!!” Biglang niyakap ni Marco ang madreng nasa harapan niya.
“Hoy…hoy…teka…teka!
Hindi bumitaw si Marco. Lalo pang hinigpitan ang yakap sa madre.
“Aba Marco. Ngayon mo lang ako muling niyakap ah. Nami-miss ko ‘yan sa iyo. Mauupo nga muna tayo hijo.”
Bumitaw na si Marco sa pagkakayakap. Naupo silang dalawa.
“Bakit ba dito ka sa chapel natulog?” Ang pag-uusisa ng madre.
“Kasi po sister…ano po…ah…naglakad po kasi ako kagabi sa paligid…tapos po…tapos po…pumasok ako dito at umupo sandali. Eh nakatulog po pala ako.”
“Eh bakit naman nakapantalon at sapatos ka pa?”
“Ha, eh…ano po kasi sister. Malamok po kasi at ‘pigtas na po iyong tsinelas ko.”
“O ano naman ang laman ng backpack mo na iyan?”
“Libro…libro po…nagbasa din kasi ako dito kagabi.”
“Ah…sige…sige…hayaan mo mamaya pagpunta natin sa bayan eh ibibili kita ng bagong tsinelas. Hala… tara na… baka nakahain na sila sa kusina. Kain na tayo. Pagkatapos kumain ay maligo ka ha. Ang bantot mo na…hehe.”
Habang naglalakad sila papuntang kusina ay sinalubong sila ni mang Cesar.
“Naku sister. Nabalitaan na ba ninyo ang nangyari sa may highway kaninang madaling araw.” Wika ng driver.
“Hindi pa po. Ano ba nangyari.”
“May tatlong pulis na rumispendo daw sa mga putukang narinig nila diyan lang sa may kakahuyan sa bandang likuran ng kumbento. At iyon may nakita silang van na nakaparada sa waiting shed doon. Tumakbo daw ang driver at nang tignan nila ang loob ng van ay may mga bata. Nang habulin nila ang driver sa may kakahuyan eh may dalawa pang kasama. Ayon napatay iyong tatlong lalaki. Kaso ninyo po eh namatay din daw iyong mga pulis sa hospital na pinagdalhan sa kanila. Malala din daw ang mga tama.”
“Tsk, tsk…hay naku iba na talaga panahon ngayon. Kaya ikaw Marco. Huwag matigas ang ulo ha. Dito ka lang sa loob ng kumbento. Iyang pader na iyan, proteksyon mo iyan.”
Tumango lamang si Marco.
“O hijo, bakit ang dami mong gasgas sa braso mo’t mukha?” Tanong ng driver.
“Aba’y oo nga. Hindi ko napansin kanina iyan.” Dagdag ng madre.
“Ano po kasi…nahiga rin po ako kagabi sa damuhan sa gilid ng chapel.”
– WAKAS –
Sa Likod Ng Pader (3)
(3rd of 4 parts)

At nang naglalakad na siya palayo ay pahabol pang sinabi ng isa sa kanila na huwag daw niyang tutularan ang mga taong iyon na gumagamit at nagbebenta ng droga. Sumagot ito ng “opo,” malakas dahil gusto niyang siguradong marinig ito ng mga pulis baka kasi bigla siyang pabalikin o kaya’y habulin kapag hindi nila narinig ang pagsagot niya.
Nang medyo malayo na siya’y naglakas-loob siyang lumingon. Nakita niyang inilalagay ng mga pulis ang mga bangkay sa kanilang mga sasakyan. Binilisan pang lalo ng bata ang paglalakad pagkatapos niyon. Narinig na lamang niya ang ugong ng mga sasakyan at nagpapasalamat siya na sa kabilang direksyon tumakbo ang mga patrol ng pulis.
Nanginginig pa rin sa takot si Marco. Nalilito siya. Naiiyak. Bumalik sa isip niya ang ang ginawa ng mga pulis sa mga mamang iyon…ang paghiwa sa mukha…ang pagpingas sa tenga…ang pamamaril. Naisip din niya ang pananakit na ginawa ng mga bata sa kanya.. ang pagkuha sa kanyang pera. Parang nakikita pa niya ang makinis na hita ng aleng nagsusugal…ang hubo’t hubad na katawan ng babae sa video.
Tinanong sa sarili kung ganito ba talaga ang mundo sa labas ng kumbento… sa likod ng pader.
Muling tumingin sa kanyang relo si Marco. Hatinggabi na halos. Tatlong oras pa lang siya sa likod ng pader pero napakadami na ng nangyari. Natakot siya sa kung ano pa ang susunod.
Ilang saglit pa’y nakarinig siya ng ugong ng sasakyan mula sa kanyang likuran. Kinabahan siyang baka ang mga pulis iyon. Naisipan niyang magtago sa gilid ng kalsada subalit parang matarik ito. Iniisip niyang magpadausdos na lang ngunit hindi siya nakakatiyak kung ano ang nasa baba. Hindi niya ito maaninag ng maayos. Wala na siyang masusulingan. Ipinagpatuloy na lamang niya ang paglalakad at wika nanaman sa sarili’y “Bahala na!”
Tumigil ang sasakyan nang siya’y matapatan. Hindi ang mga pulis. Isa itong pampasaherong jeep.
“Boy, aba’y hatinggabi na. Nasa daan ka pa. Saan ba ang punta mo?” Tanong sa kanya ng nagmamaneho ng jeep.
May ilaw sa ulunan ng driver kaya maliwanag sa bandang harapan ng jeep. Tinignan ni Marco ang driver. Medyo may katandaan na. May katabi siyang isang ale. Sila lamang ang sakay ng jeep.
“Ah…sa bayan po sana eh,” sagot ni Marco.
“Mukhang naglayas ka ah?” Ang paguusisa ng katabing babae ng driver.
Nag-aalangan ma’y umamin na si Marco. “Opo eh. Pu…pwede po ba akong makisakay?”
Nagtinginan ang dalawang kausap ni Marco. Nakita niyang kumindat sa driver ang babae.
“Okay boy! Sige sakay ka na.” Sabi ng driver.
Tuwang-tuwang sumakay si Marco. Nakahinga siya nang maluwag. Pakiramdam niya’y sa wakas ay may magandang nangyari sa lakad niya, na hindi naman pala puro kamalasan ang aabutin nya sa gabing iyon. Makakarating na siya sa bayan.
Umandar na ang sasakyan. Sa likuran mismo ng mamang driver umupo si Marco.
“Bakit ka ba naglayas?” Ang tanong sa kanya ng babae.
Naghagilap ng isasagot si Marco. “Ah…ano po kasi…pinagalitan po ako ng tatay ko. Pero bukas din po ay babalik din ako sa bahay.”
“Sino naman ang pupuntahan mo sa bayan?” Tanong ng babae.
“Eh, ano po…ah… tita ko.”
“Ganun ba!. Sige magpahinga ka lang dyan. Kalahating oras pa siguro bago tayo makarating sa bayan.”
“Salamat po.”
Pumikit sandali si Marco, ngunit pinilit niyang huwag makatulog. Nagaala-ala siyang baka may hindi magandang mangyari kapag natulog siya. Sa mga pinag-daanan niya ng gabing iyon ay mukhang natuto siyang maging alerto. Naririnig niyang nag-uusap ang dalawa pero hindi niya maulinigan kung ano ang kanilang pinag-uusapan. Muli’t-muli ay bumabalik sa ala-ala niya lahat ng kanyang pinagdaanan sa gabing iyon. Biglang sumagi sa isip niya ang isang bagay na laging sinasabi ng mga madre sa kanya…na ang Diyos ay may awa. Umusal ng panalangin ang bata. Marunong siyang magdasal. Tinuruan siya ng mga madre. Paulit-ulilt niyang dinasal ang “Ama Namin” at “Aba Ginoong Maria.”
Nang muli siyang magmulat ng mata ay napansin niyang matama siyang tinitigan ng driver at ng babae mula sa salamin. Pumikit siyang muli. Kunwari’y hindi niya napansing nakatingin sa kanya ang dalawa. Naala-alang bigla ang sinabi ng mga pulis tungkol sa mga batang dinudukot. Muli nanaman siyang kinabahan. Pilit niyang pinalakas ang loob. Inisip na lamang niya na baka lang nagkataaon na natingin sila sa kanya nang siya’y dumilat..
Tumigil sa isang gasolinahan ang saskayan. Matapos magpakarga ay pumarada sa harap ng isang kalapit na restaurant ang jeep. Bumaba ang driver at ang kasamang babae.
“Halika boy, pahinga muna tayo at kumain.” Wika ng driver.
Hindi agad nakasagot si Marco.
“Sige na, huwag ka nang mahiya. Sagot ko.”
Tumango na ang bata. Bumaba siya’t sumama sa dalawa papunta ng restaurant.
Nang nasa loob na’y naiwan sa counter ang driver upang umorder habang sina Marco at ang babae nama’y naupo na. Silang tatlo lamang ang customer sa oras na iyon.
Dinala na ang pansit at sandwich na inorder ngunit and driver wala pa sa lamesa. Makikita ni Marco na nasa labas ito may kausap sa cell phone.
Nagsimula nang kumain sina Marco at ang babae. Magkakasunod ang subong ginawa ni Marco. Natatawang pinagmamasdan siya ng babae habang kumakain.
“O, dahan-dahan lang boy, baka mabulunan ka.”
Sa loob halos ng limang minuto ay naubos nito ang pansit at sandwich. Pagkatapos ay uminon ito tubig. Nakadalawang-baso siya.
Nang tumingin sa labas si Marco ay napansin niyang nakatingin sa kanya ang mamang driver habang may kausap. Sa pagpapasakay sa kanya at pagyayayang kumain ay gusto nang magtiwala ng bata sa dalawa ngunit sa mga naranasan nga niya sa ilang oras na pamamalagi sa labas ng kumbento ay hindi lamang siya parang naging alerto, mabilis na din siyang magduda.
Maya-maya’y sinenyasan ng mamang driver ang kasamang babae na siya’y lapitan. Noon na kinabahan si Marco, pakiramdam niya’y may masama nanamang mangyayari sa kanya.
Nang matapos mag-usap ay bumalik sa lamesa nilang kinakainan ang babae, kasama na ang driver.
“Oh, tapos ka na palang kumain boy. Teka, gusto mo ba ng softdrinks?” Tanong ng driver.
“Ay hindi na po, nakainom na po ako ng tubig. Salamat na lang po.” Sagot ni Marco.
Kumain na ang driver. Hindi mapakali si Marco. Parang gusto na niyang tumayo at tumakbo palayo sa dalawa. Pinag-isipan niyang mabuti ang gagawin. Paglabas nila sa restaurant eh kunwaring pupunta siya ng CR at doon na siya dadaan sa likod upang tumakas. Iyong ang binalak niyang gawin.
Habang kumain pa ang driver ay inilibot ni Marco ang paningin sa paligid. Napansin niyang sa labas ay may dumarating na sasakyan. Isa itong van. May tatlong lalaking matitipuno ang katawan na nagbabaan. Pumasok sila sa restaurant. Lalong kinbahan ang bata.
“Pare, nandito kami!” Ang sabi ng driver.
Kakilala ng driver ang mga dumating. Naisip ni Marco na mukhang sila ang kausap nito sa cell phone kanina.
Lumapit ang mga lalaki sa kinaroroonan nina Marco. Inakala niyang pumasok ang mga iyon doon para kumain. Sila pala talaga ang sadya.
Noon kinutuban ng masama ang bata. Mukhang may susuungin nanaman siyang panganib. Hindi na siya mapakali at iyon ay hindi nalingid sa mga kasama niya. Akma itong tatayo, ngunit hinawakan siya sa kamay ng babae.
“O saan ka pupunta?” Wika ng babae. Hindi na nito binitawan ang kamay ng bata.
“Iihi lang po sana ako. Kanina pa po ako naiihi.”
“Mamaya na lang!” Ang madiing sabi ng driver.
Wala nang nagawa si Marco. Umupo na lamang siyang muli. Hawak pa rin ng babae ang kamay niya. Mahigpit. Nakalapit na ang tatlong lalaki.
“O heto iyong bata.” Wika ng driver. “Kayo na maghatid sa kanya sa bayan.”
“Teka, teka. Ayaw ko pong sumama sa kanila manong.”
“Ihahatid ka nga nila sa bayan.”
“Ayaw ko po. Maglalakad na lang ako.”
Binatukan ng mamang driver si Marco. “Sige na sumama ka na. Huwag matigas ang ulo. Sa susunod eh tadyak na aabutin mo sa akin. O sige na pare. Kayo na bahala sa kanya”
Hinawakan ng isang lalaki si Marco. Pilit kumakawala ng bata pero wala siyang magawa sa lakas ng sa kanya’y humahawak. May iniabot na isang bungkos ng pera sa babae.
“O heto. Bente mil. Bukas na lang iyong balanse.” Sabi ng isa sa mga lalaki.
“Ano pong gagawin niyo sa akin. Maaawa na po kayo.” Pagsusumamo ni Marco.
“Ayaw ko pong sumama sa inyo.”
Nagsimula nang hilahin palabas si Marco ng mga lalaki. Nagpupumiglas ang bata ngunit wala siyang magawa. Dala-dalawa ang humahawak sa kanyang mga kamay. Napansin niyang nakatingin lang sa kanila ang may ari ng restaurant. Dedma sa mga nangyayari. Ganun din ang mga tao sa gasolinahan. Wala silang pakialam sa nangyayari. Humingi man siya ng tulong eh walang nangyari.
Kinagat niya ang kamay ng isang lalaking humawak sa kanya upang makawala siya. Hindi man lang ininda ng lalaki ang kagat. Nainis ang isang humahawak din sa kanya. Sinuntok siya sa tiyan. Napakasakit. Nasuka siya, halos mailuwa ni Marco ang lahat ng kanyang kinain. Ramdam niya’y limang beses yatang mas masakit ang tama niyang iyon kesa sa mga suntok at sipang inabot niya sa mga batang iskwater.
Sa Likod Ng Pader (2)
(2nd of 4 parts)

At sa unang pagkakataon nga ay nakatingin siya sa pader mula sa labas. Noong nasa loob pa siya’y isang misteryo sa kanya kung anong uri ng mundo meron sa likod ng pader. Ngayon ay malalaman na niya. Hindi sapat ang pagsama-sama niya sa mga madre sa bayan noon upang lubusan niyang malaman kung anong uri ng buhay meron sa likod ng pader.
Ipinagpatuloy na ni Marco ang paglalakad. Pinag-adya nga ng pagkakataon na maliwanag ang buwan nang siya’y tumakas. Ganoon pa man ay may baon din siyang maliit na flashlight kung kakaylanganin. Hindi niya alam kung gaano kalawak ang pinasok niyang kakahuyan sa likod ng kumbento. Mas malapit sana ang lalakarin ng bata papuntang bayan kung sa harapan ng kumbento siya maglalakad. Kabisado niya ang daan na iyon ngunit naisip niyang baka matanawan nga siya ng mga guwardiya.
Buong tapang niyang sinuong ang kakahuyang iyon. Madalas na ang mga kasing-edad niya’y naniniwala at takot sa mga multo at maligno. Ngunit iba si Marco. Pinatibay marahil ng sitwasyon niya sa buhay ang kanyang kalooban. Siya ay naging matapang. Sa edad na labindalawa ay maituturing na hindi na siya batang-isip. Madalas kasi na ang mga kausap niya ay mas nakakatanda sa kanya at kung tratuhin at kausapin ng mga ito’y animo’y hindi siya bata.
Hindi man malinaw kung saan talaga siya pupunta eh alam niya ang gagawin…hahanapin niya ang kanyang lola upang itanong kung talaga bang patay na ang kanyang mga magulang. Kung hindi niya mahahanap ang kanyang lola ay gusto niyang mamuhay mag-isa, maghahanap ng trabaho, at makapag-ipon para sa kanyag pag-aaral. Ganoon na mag-isip si Marco. Parang hindi na bata.
Binuksan ni Marco ang bulsa ng kanyang backpack at tinignan ang lumang relo na walang bracelet na ibinigay sa kanya ni Mang Cesar… ika-siyam na ng gabi. Tapos na ang mga madreng magdasal at kung may sumilip sa kaniyang kuwarto ay baka alam na nilang wala na siya doon. Kaya’t binilisan pa niya ang lakad.
Medyo madawag ang lugar na pinasukan ni Marco sa kakahuyan, matataas ang mga damong cogon. Ramdam niya ang talim ng mga damong tumatama sa kanyang braso. Mabuti na lang at nakapantalon at sapatos siya kaya’t ligtas ang kanyang mga hita’t paa. Kalaunan ay narating niya ang isang parang hawang bahagi ng kakahuyang iyon. Mukhang talagang ginawang daaanan ang bahaging iyon.
Matapos ang halos isang oras ay nakatanaw si Marco ng isang waiting shed. Narating na niya sa wakas ang high way. Namahinga siya sandali sa wating shed. Umaasa siyang may dadaang sasakyan. Paparahin niya ang kahit anong sasakyan na unang dadaan papuntang bayan. Makikisakay siya. Iyon ang kanyang balak.
Nagpatuloy siyang maglakad habang nag-aantabay ng dadaang sasakyan. Medyo nakakararamdam na siya ng uhaw at gutom.
Mahaba-haba na rin ang kanyang nalalakad ngunit kahit naka-bisikleta man lang ay walang dumadaan. Masakit na ang kanyang paa. Tantya niya’y may nagpaltos na siyang mga daliri sa paa.
Maya-maya pa’y nakatanaw siya ng mga ilaw. Galing iyon sa mga barong-barong sa gilid ng kalsada. Ito marahil ang sinabi sa kanya noon ng mga madre na mga iskwater. Binilisan niya ang paglalakad.
Habang papalapit siya sa mga kabahayan ay nakarinig siya ng nagkakantahan at nagtatawanan. May nasalubong siyang mga bata. Nagtataka siya kung bakit gabi na’y nasa daan pa ang mga ito. Sa Kumbento’y kapag datal na ang dilim ay hindi na siya pinalalabas ng mga madre mula sa kanyang kwarto.
Namukhaan niya ang ilan sa mga bata. Sila iyong mga minsa’y naliligaw sa harapan ng kumbento, naglalaro habang namumulot ng mga basura. Sila ang sinasabi ng mga madre na mga batang salbahe. Hindi niya maintindihan kung bakit sinabi iyon ng mga madre samantalang namumulot lang naman sila ng mga basura.
May nadaanan siyang mga aleng nagsusugal sa gilid ng kalsada malapit sa poste ng kuryete na may ilaw. Lumapit siya. Nagulat si Marco sa mga kasuotan ng mga ale. May naka-shorts na sobrang ikli. May nakasando na kitang-kita ang strap ng suot na bra. Halos nakaluwa na ang dede. Palibahasa ay nasanay siya sa mga madre na laging balot ang pangangatawan.
Isa sa mga ale ay nakataas pa ang paa habang nakaupo at litaw na litaw ang makinis nito’t mabilog na hita.
“Hoy bata, sinisilipan mo ba ako?” ang paninita ng isang ale.
Sumagot si Marco habang nagkakamot ng ulo, “Naku hindi po! Sorry po!…ah…manonood lang po sana ako.”
“Hindi puwede, umalis ka, bawal dito ang bata. Hala…allissss.”
Dali-daling umalis si Marco. Itinuloy niya ang paglalakad. Maya-maya pa’y nakita na niya ang pinanggagalingan ng kantaha’t tawanang nadinig niya mula sa malayo… mga mamang nagiinuman at nagka-karaoke. Tumigil si Marco sandali. Noon lamang siya nakakita ng tunay na karaoke. Dati ay puro litrato lang nito ang ipinapakita ng kanyang guro sa homeschooling.
Nanlaki ang mga mata ng bata nang patugtugin ang sumunod na kanta. Ang mga video ng kanta ay nagpapakita ng mga hubo’t hubad na babae. Kanina’y hita lamang ng ale ang nakita niya ngayo’y buong katawan ng isang babae. Noon lamang siya nakakita ng ganun. Meron siyang naramdaman na hindi niya naiintindihan kung ano sa kanyang puson. Napansin siya ng isang manginginom.
“Bata, baka lumuwa mata mo niyan.”
Nagtawanan ang mga manginginom.
“Ke liit-liit mo pa eh malibog ka na.” wika ng isa.
Hindi naiitindihan ni Marco ang salitang libog. Noon lamang niya narinig iyon.
“O halika tagay ka.”
Maging ang salitang tagay ay hindi niya alam. Noon din lamang niya narinig ang salitang iyon. Basta inabot niya ang baso na may lamang beer dahil nauuhaw na din siya. Inakala niyang softdrinks ito. Uminom ng kaunti. Nang malasahan mapait ay dagling idinura.
“Pweeh! Ang pait.” Ang sigaw ni Marco.
Nagtawanan nanaman ang mga mama. Ibinalik ni Marco ang baso sa nag-abot sa kanya. Pagkatapos eh dali-daling lumayo.
Nakarating sa isang tindahan ang bata. Nagugutom na talaga siya. Inilabas ang dalang pitaka. Nagpasyang bumili ng makakakain.
“Ale… coke nga po at skyflakes!”
Matapos makuha ang binili ay naupo sa lilim ng isang puno si Marco sa may ‘di kalayuan sa tindahan. Doon ay namahinga habang nagmemerienda. Tinignan din ni Marco ang kanyang relo. Halos mag aalas-onse na noon.
Magpapatuloy na sana ng paglalakad si Marco nang mapansin niyang lumalapit ang mga batang kanina lamang ay kanyang nasalubong. Pinalibutan siya ng mga ito. Nang bilangin niya’y pito sila. Isa sa kanila’y babae. Ito ang umagaw sa kanyang softdrinks . Isa sa kanila’y kinuha naman ang kanyang biscuit.
“Sino ka ha? Bakit ke bago-bago mo dito eh ke yabang mong umasta.” Wika ng isa.
“Wala naman akong gi…” Hindi pa man natatapos ni Marco ang sasabihi eh may sumampal sa kanya.
Nagsimula ng kabahan si Marco. Susubukan sana niyang tumakbo ngunit nakaharang ang mga bata sa harapan niya. Hinawakan ng dalawa sa mga nakapaligid sa kanya ang magkabilaan niyang kamay at puwersahan siyang itinayo.. Tinakpan naman ng isa ang kanyang bibig. Wala siyang magawa. Dinukot ng pinakamalaki sa kanila ang pitaka mula sa kanyang bulsa.
Matapos makuha ang kanyang pitaka ay sinuntok naman siya sa tiyan ng isa sa kanila… dalawang beses. May bumatok pa sa kanya at sumipa. Ang mga hita niya ang tinamaaan ng sipa.
Binitawan siya ng mga humahawak sa kanya. Napaluhod at naiyak sa sakit si Marco. Halos mawalan siya ng malay.
Nagtatakbong palayo ang mga bata habang namimilipit pa si Marco sa sakit mula sa kanilang mga suntok at sipa. Walang siyang magawa kundi pagmasdan ang mga ito habang isa-isang nangawala sa madilim na bahagi ng mga kabahayan. Tumayo siya upang habulin sana ang mga bata ngunit hindi niya maihakbang halos ang kanyang mga paa, masakit pa ang kanyang mga hitang nasipa. Nagsisisigaw siya’t humihingi ng tulong. Sinabi niyang may bumugbog sa kanya’t kinuha ang kanyang pitaka. Paulit-ulit iyon. Pero walang pumansin sa kanya. Maging ang may-ari ng tindahang binilhan niya ng meryenda ay dinedma lamang siya.
Walang tumulong sa kanya. Wala na ang mga bata. Sinaktan na siya’y tinangay pa ang kanyang pitaka. Nanumbalik sa kanyang ala-ala ang mga sinabi ng isang madre tungkol sa kanila noon. Totoo nga, mga salbahe nga sila.
Naupong muli si Marco. Hindi na niya alintana ang sakit sa mga suntok at sipang inabot. Ang iniisip niya ay ang kinuha sa kanyang pitaka.
Marami-rami ang lamang pera ang pitaka ni Marco. Higit-kumulang limang libo. Matagal niyang inipon iyon mula sa mga perang ibinibigay sa kanya ng mga madre nag-aalaga sa kanya at ng mga paring dumadalaw sa kumbento. Nangako siya sa sarili na uunti-untiin lamang na gastusin ang baon niyang pera hanggang makahanap siya ng trabaho sa kanyang pupuntahan.
Hindi na siya nakakatiyak kung ano ang mangyayari sa kanya ngayong wala na siyang pera. Pero wika niya sa sarili’y “Bahala na!” Ipagpapatuloy niya ang kanyang mga balak. Kasubuan na. Ipinangakong kahit ano ang mangyari ay hindi na siya babalik sa kumbento.
Mangiyak-ngiyak man sa magkahalong sakit ng katawan at sama ng loob ay nagpatuloy sa paglalakad si Marco. Nagpasalamat na lamang siya at hindi na pinaginteresan ang kanyang backpack.
Malayo-layo na rin siya sa mga bahay ng mga iskwater. Wala na siyang nadadaanang poste na may ilaw pero dahil may buwan ay maliwanag pa rin ang daan. Nakakaramdam na ulit siya ng pagod at nagtataka siya kung bakit naman wala pa ring dumaraang sasakyan hanggang sa oras na iyon.
Habang binabagtas ni Marco ang isang kurbandang bahagi ng kalsada ay bigla siyang nakarining ng putok ng baril. Kasunod niyon ay ang pasigaw na pagmamakaawa ng isang lalaki. Sa halip na matakot at tumakbong palayo ay binilisan ng bata ang paglalakad at pilit hinanap ang pinanggalingan ng putok.
Nakarating siya sa isang bakanteng lote malapit sa gilid ng kalsada. Napapaligiran ito ng mga puno ng acacia. Doo’y nakakita siya ng mga pulis. Binilang niya…tatlo sila. Isa sa kanila’y may hawak na parang samurai at ang iba’y mga baril. May mamang nakabulagta at may 2 pang lalaking nakaluhod at mukhang nakatali ang mga kamay at may piring ang mga mata. Maliwanag ang lugar dahil bukas ang mga headlight ng dalawang patrol ng pulis. Nasa harapan ng mga sasakyan ang mga mamang walang hinto ng paghingi ng tawad. Nakapanood na siya ng ganoong eksena sa isang palabas sa TV minsan.
Maingat siyang nagtago sa likod ng isang puno para hindi mapansin ng mga pulis. Mula sa kanyang puwesto ay dinig na dinig niya ang sagutan ng mga pulis at ng mga mamang nakaluhod.
“Sir maawa na po kayo sa amin. Huwag po ninyo kaming patayin. May mga pamilya po kami.”
“Ganun, paano naman ang pamilya ng mga nasira ang buhay dahil sa drogang ibinebenta ninyo.”
“Pangako po, hindi na kami gagamit at magtutulak ng droga. Magbabagong-buhay na po kami.”
Nilapitan ng pulis na may hawak na patalim ang isa sa mga mama.
“Nadinig ko na ‘yan eh. Lumang tugtugin na ’yan.”
Kitang-kita ni Marco kung papaanong dahan-dahang sinugatan ng pulis ang mama sa pisngi. Nakita ng bata ang dugong umaagos sa mukha nito. Natakot siyang bigla, nanginig. Noon lamang siya nakakita ng ganun. Nang akmang pipingasin ng pulis ang tenga ng mama ay hindi na nakayanang tignan ni Marco. Pumikit ito at nagusmiksik sa likod ng punong pinagtataguan. Sising-sisi kung bakit siya nagpunta doon. Naala-ala niya ang ginawa sa kanya ng mga bata kanina lamang. Paano kung nagkataong palang may patalim din ang mga ito. Parang nagsisimula na niyang pagsisihan kung bakit umakyat siya sa pader at umalis ng kumbento.
Nang marinig niyang humiyaw sa sakit ang piningasan ng tenga ay tuluyang na siyang nanginig. Habang patuloy ang pagmamakaawa ng mga hinuli ng pulis ay tumutulo na ang mga luha ni Marco. Matinding takot ang kanyang nararamdaman.
Hindi malaman ni Marco kung ano ang gagawin. Gusto na niyang tumakbo paalis sa lugar na iyon pero natatakot siyang makita ng mga pulis at baka siya ay barilin. Maya-maya pa’y dalawang putok ang magkasunod na umalingawngaw. Sinundan iyon ng pagkalabog ng bumagsak sa lupa ang katawan ng mga mamang binaril.
Hindi na kinaya ni Marco. Masyado na siyang natakot sa mga nangyari.
“Tama na, maawa kayo.” Paulit-ulit niyang sinasabi iyon habang siya’y umiiyak at nakasiksik sa ilalim ng puno.
Nahimasmasan ang bata nang mapansin na nakatapat na sa pinagtaguan niyang puno ang ilaw ng isa sa mga sasakyan ng pulis. Siya naman ang pinaligiran ng mga ito. Sa unang pagkakataon ay natutukan siya ng baril. Hindi na malaman ni Marco ang gagawin. Nangangatal ito sa takot at habang umiiyak at sa garalagal na boses ay nagmakaawa siya na huwag patayin. Paulit-ulit na sinasabing wala siyang kasalanan.
Tinawanan lamang siya ng mga pulis. Takang-taka siya. Natahimik. Nakita niyang ibinaba ng mga ito ang kanilang mga baril.
“Taga-saan ka bata? Ano ba ginagawa mo dito? Dis-oras na nang gabi ah.” Tanong ng isang pulis.
Hindi siya sumagot agad. Hindi niya puwedeng sabihing sa kumbento siya nakatira dahil baka ibalik siya doon.
Tumuro siya sa kinaroroonan ng mga iskwater at sinabing, “Doon po ako nakatira. Ano po kasi… nawawala po kasi iyong aso namin kaya hinahanap ko.”
Mukhang naniwala ang mga pulis at mukhang hindi naman siya sasaktan ng mga ito. Marahil naawa dahil siya ay isang musmos pa lamang. Ngunit nanginginig pa rin siya.
“Sige-sige hanapin mo ng makauwi ka na.” Sabi ng isang pulis. “Hoy bata siguraduhin mong wala kang pagsasabihan kahit sino sa mga nakita mo ngayon ha dahil kung may makakaalam na mga pulis ang pumatay sa mga mamang iyan ay hahanapin ka namin. Nakita namin ang mukha. Madali ka lamang namin na mahahanap.”
“Hindi po, hindi po. Wala po akong pagsasabihan. Tatahimik po ako.”
Pinaalis na siya ngunit ilang hakbang pa lamang ay sinabihan siya ng isa na huminto. Nadagdagan ang kaba sa dibdib ni Marco.
“Mag-ingat ka nga pala, sa kabilang bayan ay may mga nawawalang bata. Dinudukot daw.” Babala ng isang pulis.
“Opo. Salamat po.”
Sa Likod Ng Pader (1)
(1st of 4 parts)

Tagaktak ang pawis ni Marco, mahapdi na ang kanyang mga kamay ngunit kaylangan niyang tiisin. May masakit rin siyang nararamdaman sa balikat, siko, baywang, at tuhod na salit salitang bumabangga sa pader. Ngunit kaylangan niyang magpatuloy. Ilang minuto pa lamang siyang nagpapadausdos pababa sa pader na iyon gamit ang isang mahabang lubid ngunit pakiramdam niya’y parang napakatagal na niya doon. Ayaw naman niyang bilisan at baka mahulog siya.
Tumingin siya sa baba, pilit na inaninag ang kanyang lalapagan. Gabi noon pero maliwanag dahil sa buwan. Kaunting-kaunti na lang at makakatungtong na siya sa lupa. Pwede na siyang bumitaw mula sa pagkakahawak sa lubid. Dalawang dipa na lamang halos ang layo niya sa pinakakaasam na kalayaan.
Bumitaw si Marco sa lubid. Nanginig nang kaunti ang kanyang mga tuhod nang lumapag siya sa lupa. Naglakad siya nang kaunti. Umiika. Tapos na ang kanyang kalbaryo. Huminto siya sa paglalakad, sumalampak sa damuhan at pagkatapos ay nahiga. Pagod, hinahabol ang kanyang hininga. Pero masaya siya. Walang kasing saya. Gusto niyang sumigaw pero hindi pwede. Magigising ang mga madre at guwardya. Baka hindi matuloy ang kanyang binabalak. Pero magising man siguro ang mga ito’y hindi na siya papayag na bumalik sa loob. Hindi na siya magpapapigil, harangan man siya ng sibat.
Tumayo si Marco. Habang nakapamaywang ay hinagod niya ng tingin ang mataas na pader na may halong pagmamalaki. Gusto niyang kutyain ang pader. Gusto niyang sabihing sa wakas ay nagapi din niya ito. Lumapit siya dito’t sinubukang hilahin pababa ang ginamit niyang lubid. Gaano mang kalakas ang ginagawa nitong paghila ay hindi matanggal ang lubid sa nakausling bakal na pinagtalian niya sa ibabaw ng pader. Hinayaan na lang niya ito.
Nagpasya si Marco na humakbang papalayo. Kaylangang bilisan niya ang lakad,kung maari nga’y tumakbo siya. Hindi niya alam ang daan, basta’t kaylangang makarating siya ng highway at mula doon pupunta siya ng bayan.. Mula doo’y hahanap siya ng masasakyan palayo, papunta sa isang lugar kung saan hindi na siya mahahanap ng mga madre.
Nang makarating siya sa isang mapunong lugar ay tumigil siya sandali. Lumingon. Gustong tiyaking walang sumusunod sa kanya, walang pipigil sa kanyang mga binabalak. Sa kanyang paglingon ay muntik na siyang mapasigaw. Nakakita siya ng anino, malaking anino. Hindi ng tao o hayop kundi ang anino ng pader na nakapaligid sa kumbento. Nilikha ng liwanag na galing sa buwan ang anino. Hanggang sa huling pagkakataon eh parang nang-iinis ang pader na iyon.
Huminto si Marco sa paglalakad. Nakakatiyak na siyang walang sumusunod sa kanya. Huminga siya ng malalim. Sa pakiwari niya ay mas sariwa ang hangin sa labas ng kumbento.
Pinagmasdan niyang muli ang pader na mula nang mag-kaisip siya ay nakapaligid na sa kanya. Mataas ang pader, gawa ito sa adobe. Luma ma’y matibay. Itinayo ito noong panahon pa ng mga Kastila at pinapalibutan ang kumbentong pagmamay-ari ng kongregasyon ng mga Dominikong madre.
Itinuring niyang hawla ang pader na iyon at siya ay mistulang kawawang ibong hindi pwedeng ikampay ang mga pakpak upang makalipad sa gustong puntahan. Gustong-gusto sana niyang makipaglaro sa mga batang minsa’y nakikita niyang nagsisitakbuhan sa labas ng gate ng kumbento. Ngunit binantaan siya ng mga madre at sinabing ang mga paslit na iyon ay mga iskwater na nakatira sa may ‘di kalayuan. Sila’y mga salbahe. Baka kung mapaano lamang siya kapag nakihalubilo sa mga ito. Hindi maintindihan ni Marco kung bakit hindi maganda ang tinging ng mga madre sa mga batang iyon.
Nangakong iiwas sa mga naturang bata ay hiniling na lamang ni Marco noon na payagan siyang mamasyal at maglarong mag-isa sa kakahuyan sa bandang likuran ng kumbento pero hindi din siya pinahintulutan. Lagi siyang sinasabihang hindi pwedeng lumabas ng bakuran, delikado. Hindi siya pwedeng lumampas sa pader. Ang pader na iyon ang kanyang proteksyon. Tumatango na lamang siya kapag sinasabi iyon ng mga madre. Wala siyang magawa kundi sumunod at kunwari’y sumasangayon sa sinasabi nila.
Pakiramdam niya ay kakutsaba ng mga madre ang pader. Sinasadya ng mga madre at ng pader na gawing miserable ang buhay niya.
Bakit kasi naulila siyang lubos nang siya daw ay dalawang taong gulang pa lamang? Sabi ng mga madre sa kanya na nang hindi na siya kayang alagaan ng kanyang sakiting lola ay sa kumbentong iyon siya dinala. Naging labandera kasi ng mga madre ang lola niya noon. At kung bakit hindi na siya dinadalaw ng kanyang lola doon ay hindi masagot ng mga madre.
Bakit hindi na lang siya ipinamigay ng kanyang lola sa kahit sinong malayong kamag-anak ng kanyang ama o ina? Bakit kasi walang gustong umampon sa kanya? Nangako ang mga madre noon na hahanap ng mag-asawang mag-aalaga at mag-aaruga sa kanya, na ituturing siyang tunay na anak. Iyon lamang ang kanyang pag-asang makalabas sa mga pader na nakapaligid sa kanya.
At bakit din kasi pinili ng mga madre na pag-aralin siya sa pamamagitan ng homeschooling. Iniisip niyang sinasadya yata ng mga itong ikulong siya doon. Kung pinag-aral siya kahit sa isang public school sa bayan eh ‘di sana tuwing pasukan eh nakakalabas siya ng kumbento. Hindi sana oras-oras eh ang pader na iyon ang kanyang nakikita.
Sampun taon na siya sa kumbentong iyon at araw-araw eh palaging madre ang kasama niya. Wala siyang naging kalaro. Bakit kasi hindi sa isang bahay-ampunan na lamang siya dinala ng kanyang lola para may kasama siyang ibang mga bata? Tanging ang dalawang gwardiya at ang driver nilang si mang Cesar ang mga ibang taong nakikita niya. Puro pa mga kakampi ng madre. Walang ibang sinasabi tuwing pangangaralan siya ng mga madre kundi “Tama si sister, tama si sister…” “Sundin mo si sister…” Minsan may mga paring naliligaw doon at katulad ng mga madre ay puro pangaral ang naririnig niya.
Minsan nama’y isinasama siya kapag namamalengke sa bayan ang mga madre at kaylangan ng taga-buhat ng mga pinamimili ng mga ito. Ngunit madalang iyon at sandali lang sila. Habang binabagtas ng service ng mga madre ang daan papunta sa palengke at pabalik sa kumbento ay marami siyang nakikita mga bagay at mga lugar.
Nakita niyang iba pala ang mundo na nasa likod ng pader.
Gusto niyang galugarin ang mundong iyon, makita at maranasan ang mga bagay na sinasabi sa kanya ng guro niya sa homeschooling at ang mga napapanood niya sa TV. Pero nakaharang ang pader. Laging hadlang sa daraanan niya ang pader.
Hindi niya matanawang ang paglubog at pagsikat ng araw dahil laging nakahambalang ang pader. Maliwanag na sa umaga pero dahil sa pader ay medyo madilim pa sa loob ng kumbento. Maliwanag pa sa dapit-hapon pero dahil sa pader ay madilim na.
Bukod sa mga nakikita ni Marco sa TV tuwing pinapayagan s’yang manood ay may mga nababasa siya sa mga libro. Maraming bagay din siyang natutuhan sa kanyang guro sa homeschooling. Napag-aralan n’ya ang mga bagay na itinuturo sa mga bata sa eskwelahan.
Natututo siya ngunit kaakibat niyon ay ang pagkamulat sa mga bagay na kulang sa kanya, mga bagay na sa kanyang pakiwari’y ipinagkait sa kanya. Halimbawa na lang ay nang mabasa niya ang tungkol sa pamilya ay nakaramdam siya ng matinding lungkot. Napakadami niyang naging katanungan. Bakit namatay agad ang kanyang mga magulang? Bakit wala siyang kuya at ate? Ang kapatid pala ng nanay o tatay ang tawag eh tito at tita at pinsan naman ang tawag sa kanilang mga anak. At totoo kaya ang ikinuwento ng kanyang lola sa mga madre tungkol sa kanyang mga magulang? Baka naman buhay pa ang mga ito.
Bawat nadadagdag sa kaalaman niya’y dagdag ding kalituhan. Habang dumadami ang kanyang nalalaman ay dumadami din ang kanyang katanungan.
Kanyang nakikita sa mga napapanood ang mga batang kasing-edad niya na may mga smart phones at iba’t-ibang mga gadgets. Naiinggit siya. Gusto niyang magkaroon din ng mga ganun. Ngunit malabong ibili siya ng mga madre. Bisikleta nga ay hindi s’ya mabigyan. Meron naming siyang bola, pero wala namang basketball court sa loob ng kumbento.
Minsa’y gumamit ang guro niya ng laptop sa pagtuturo. Iyon ang unang pagkakataon na nakahawak siya ng computer. Doon nakita ni Marco ang mga computer games. Gusto niyang matutuhan kung paano laruin ang mga iyon. Ngunit wala siyang computer. Meron sa opisina ng mga madre pero nang minsang sinubukan niyang gumamit ay pinagalitan siya.
Nalunod si Marco sa inggit sa mga batang may mga magulang na nagmamahal sa kanila. Ramdam naman niya ang pagmamahal at pag-aaruga ng mga madre, lalo na ni Sister Carissa na siyang nag-alaga talaga sa kanya mula pa noong siya ay sanggol. Subalit gusto niya ng tunay na pamilya. Gusto niyang may tawaging nanay at tatay.
Gusto niyang mapasyalan ang mga lugar na nakikita niya sa mga napapanood at nababasa.
Marami siyang gusto, marami siyang gustong gawin, marami siyang tanong. Alam niyang hindi niya makukuha ang alin mang gustuhin, hindi magagawa ang gustong gawin at hindi masasagot ang kanyang mga katanungan habang napapaligiran siya ng pader.
Hindi na niya mahihintay ang katuparan sa pangako ng mga madre na hahanap nang aampon sa kanya. Hindi na niya mahihintay kung may mga kamag-anak ang kanyang mga namatay na magulang upang kuhanin siya doon. Nagpasya siyang lumabas na lamang ng kumbento. Gusto niyang makalaya. Gusto niyang hanapin ang kanyang lola nang malaman niya kung totoo ngang patay na ang kanyang mga magulang.
Alam niyang hindi papayag ang mga madre kapag nagpaalam siya kaya’t naisipan niyang tumakas na lamang. Matagal din pinagplanuhan ni Marco ang kanyang pagtakas. Inisip ng batang kapag isinamang muli siya papuntang bayan ay bababa na lamang ito at tatakbong papalayo. Ngunit baka habulin siya ng driver at maabutan. Hindi naman siya tiyak makakalabas ng gate dahil mahigpit itong binabantayan ng mga guwardiya, lalo na sa gabi.
Nang minsang makita niya ang lubid na nakatali sa maliit na kampana sa chapel ng kumbento ay naisipan ni Marco na ito ang gamitin sa pagtakas. At dahil mataas ang pader sa likod at mistulang gubat ang tinutumbok nito ay hindi na ito madalas bantayan ng mga gwardiya. Doon niya napagpasyahang dumaan.
Nang gabi ngang iyon ay tumakas si Marco. Tanging maliit na backpack na may lamang ilang damit ang kanyang bitbit. Gamit ang isang hagdang yari sa kawayan ay inakyat nito ang pader mula sa loob at ang lubid naman ang ginamit nito upang magpadausdos pababa sa kabila.



