Reunion (2)
(2nd of 6 parts)
Laging ganoon, laging kapag may usapang magkikita-kita kaming magkakaybigan eh si Jay ang mauuna sa aming tagpuan. Ako ang papangalawa at sina Cris at Mario ay nagpapalitan sa pangatlo at panghuli. At lagi silang leyt.
Bumaba ako ng jeep at nilapitan ko ang kotse ni Jay. Binuksan nito ang pintuan at pinapasok ako.
Tumingin ako sa aking relo – limang minuto bago mag-alas dos. Hindi ako leyt. Mabango sa loob ng kotse ni Jay. Ang halimuyak ay hindi galing sa isang airfreshener. Iba ang amoy na iyon. Mukhang mamahaling perfume ang gamit ng kaybigan ko samantalang ako eh amoy rubbing alcohol. Naka-long sleeve at kurbata si Jay. Parang galing sa isang meeting o talagang nakasanayan lang niyang magsuot ng ganoon kapag nakikipagkita sa ibang tao.
“Dito muna tayo sa loob ‘tol. Mainit sa labas.” Wika ni Jay. “Ngayon tayo magkakakuwentuhan ng matagal. Kumusta ka naman? Ano ang ginawa mo pagkatapos natin ng high school.”
“Naku ‘tol. Wala akong maiku-kuwento sa iyo dahil dito lang ako namalagi sa bayan natin. Namamasada lang ako ng jeep at nagsasaka. Hindi na ako nakapag-aral.” Nahinto ako saglit sa pagsasalita. Inisip ko kung bakit nga ba hindi ako nakatuntong ng kolehiyo, “I…ikaw na lang kaya muna ang mag-kuwento Jay. Mamaya na ako.”
At nagsimula nang magkuwento si Jay. Education pala ang kinuha nitong kurso at dahil nga masipag mag-aral eh nakapag-MA at PhD pa siya. Matalino naman talaga siya at hindi nakapagtataka na ganoon kataas ang antas ng kanyang pinagaralan. Akalain mong siya pala ang dean ng malaking college sa kabilang bayan na madalas kong pinaghahatidan ng mga estudyante.
May koneksyon pala siya kina Chris at Mario dahil friends daw sila sa Facebook. Matagal na daw nila akong hinahanap sa mga social media platforms pero hindi nila ako makita. Hindi talaga nila ako mahahanap doon dahil wala akong account sa Facebook o saan mang social media. Hindi ko nakahiligan. Feeling ko kasi eh hindi ko naman kaylangan. Pero mahilig akong magbasa ng diyaryo. Bumibili ako ng Philippine Star at Tempo araw-araw. Binabasa ko ang mga ito habang naghihintay akong masalang sa pilahan ng jeep namin. Habang namamasada naman ako eh nakikinig ako ng radio. Sa bahay naman eh nanood ako ng TV. Kaya masasabi kong updated ako. Alam ko ang tungkol sa mga Facebook at YouTube. Nakikita ko ang mga ito kapag ginagamit ng aking mga anak ang computer sa bahay. May mga viral videos din akong napapanood sa TV.
Halos 20 minutos na kaming nagkukuwentuhan eh hindi pa dumarating sina Chris at Mario.
“Ang tagal naman ng dalawang kumag na iyon.”
“Naku sir Jay! Mula naman noon na ang dalawang iyon eh laging late kapag may lakad tayo.”
“Sir ka diyan. Bigla ka namang naging pormal. Jay na lang ‘tol. Ano ka ba… para kang others.”
“Siyempre naman, isa kang doctor at dean pa ng isang kolehiyo. Dapat lang na…”
“O sige, ganito na lang, kapag pumunta ka sa school, tawagin mo akong sir, pero dito eh Jay na lang.”
“Okay dok.”
“Dok naman ngayon, ano ba iyan. Hay naku. Halika nga. Baba muna tayo. Gusto kong mag-yosi.”
Bumaba nga kami ng sasakyan ni Jay at naupo sa malalaking tipak ng bato na nakapaligid sa puno ng acacia. Isa lamang iyon sa ilang puno ng acacia na nakapalibot sa basketball court na madalas na paglaruan naming magkakaybigan noong nag-aaral pa kami sa high school. Ang sari-sari store at ang katabi nitong lugawan malapit sa baskebolan ay nandoon pa rin.
Inalok ako ni Jay ng sigarilyo. Tinangihan ko. Hindi ako natutong manigarilyo.
“Hindi ka pala naninigarilyo.” Wika ni Jay. “Good for you. How I wish na hindi ko natutuhan ito.”
“Ha? Bakit naman?”
Tumingin sa akin si Jay.
“Ah… wala lang… basta.”
Tingin ko eh may gustong sabihin si Jay. Biglang parang nawala ang kanyang sigla. Nagsindi siya ng sigarilyo.
“Jay, mukhang lumang-luma na iyong board oh. Parang malalaglag na. Tapos nakalaylay pa ng kaunti iyong ring.”
“Oo nga, Mukhang hindi na napalitan. Iyan pa rin yata iyong board at ring na ginagamit natin noon kapag dumadayo tayo rito.
“Wari ko nga.”
“Paano, may bagong sports center kasi sa tabi ng munisipyo kaya doon na lang naglalaro ang mga mahilig magbasketbol.”
“At least Mon iyong tindahan ni nanay Mameng at iyong lugawan ni mang Isko ay mukhang umasenso. Tignan mo o… yari na sa konkreto iyong puwesto nila.
“Oo nga ano, hindi ko napansin iyon kanino.” Wika ko. “Dati nga pala eh yari ang mga iyan sa kawayan at pawid.”
Halos araw-araw kong nadadaan ang lugar na iyon kapag pumapasada ako ng jeep pero hindi ko kaylan man napansin na binago ang yari ng tindahan at lugawan na iyon.
“Buhay pa kaya sina nanay Mameng at mang Isko.”
“Mamaya Jay, malalaman natin.”
“Oo nga, kapag naubos itong sigarilyo ko eh kumustahin natin sila. Siyanga pala, naglalaro ka pa ba?”
“Paminsan-minsan, kapag hindi ako namamasada. May basketbolan doon sa barangay namin malapit sa aming bahay. Sumasali ako kapag may liga doon.”
Nang maubos ni Jay ang unang stick ng kanyang sigarilyo ay may nakita kaming paparating na kotse. Huminto ito sa mismong harapan namin at dahang-dahang bumaba ang salamin ng pintuan nito.
“Hello ladies…” si Chris iyon. “Teka mga ‘tol, ipa-park ko lang ng maayos itong wheels ko.”
Ipinarada ni Jay ang mukhang bagong-bagong kotse nito sa tabi ng aking jeep. Nakagitna sa mga kotse nina Jay at Chris ang aking jeep. Parehong Honda Civic ang mga kotse nila, itim ang kay Jay, pula naman ang kay Chris.
Bumaba si Chris. Pareho kami ng suot – polo short, jeans at rubber shoes. Bago nga lang ang sa kanya samantalang ang akin ay medyo may kalumaan na.
“Kaninong karag-karag ba ito? Baka matetano ang kotse ko ah.” Ani Chris.
“Gago, kay Mon ‘yan.” Ang sabi ni Jay.
“Ha, naku ‘tol sorry. Sa iyo pala ito.”
“Ayos lang ‘tol.”
“Same old Chris… tactless.” Dagdag pa ni Jay.
“O kumusta naman kayo mga ‘tol?”
Halos sabay kaming nag-thumbs up ni Jay.
“Eh ang playboy, kumusta naman,” ani Jay.
“Playboy… baka ikaw ang playboy… balita ko nga may siyota kang estudyante mo.”
“Naku Chris, huwag mo nga akong igaya sa iyo. Pati lady guard namin sa school eh gusto mong patusin.”
“Hindi ah.”
“Sinabi niya sa akin. Bistado ka na. Hiningi mo daw number niya nang pasyalan mo ako sa school.”
“Okay…okay. Hot mama kasi iyong lady guard ninyo. Ang laki ng… bumper.”
“At ilan na nga sa mga kaklase natin noong high school at naging syota mo noong nagkatrabaho ka na?”
“Hoy Jay… 3 lang ha… si Aida, si Lorna, at is Fe.”
“Grabe… grabe…”
“What was I suppose to do? Sila naman ang kumontak at naghabol sa akin.”
Pagkasabi niyon ay naupo sa gitna namin si Chris.
“Wow, ang bango mo ‘tol ah. Mukhang perfume ang ipinang-ligo mo kanina.”
“Mumurahing cologne lang ang gamit ko.” Sagot ni Jay kay Chris.
“Mon… anong amoy iyan… namputsa…alcohol… alcohol ang gamit mong pabango.”
“Oo ‘tol. Greencross rubbing alcohol.” Sinakyan ko na lamang ang kantiyaw ni Chris. Ganoon talaga siya. Mahilig mangbuska.
“Miss na miss ko kayo mga ‘tol.” Wika ni Chris sabay akbay sa aming dalawa ni Jay.
“Si Mario na lang ang kulang.” Sabi ni Jay.
“Teka, groufie nga muna tayo.” Ani Chris sabay set-up ang hawak niyang cell phone.
“Mamaya na lang pagdating ni Mario, para kumpleto tayo.”Ang mungkahi ni Jay.
Posted on February 28, 2020, in Creative Writing, Dreams and Aspirations, Maikling Kuwento, Mga Pangarap Sa Buhay, Short Story and tagged Creative writing, Dreams and Aspirations, Mag Pangarap, Maikling Kuwento, Short Story. Bookmark the permalink. 2 Comments.
Pingback: Mga Pangarap – MUKHANG "POET"
Pingback: Reunion | M. A. D. L I G A Y A