Blog Archives
Ang Pulubi at ang Pulis
Sa isang simbahan pulubi’y pumasok
Matapos mag-antanda’y kagyat lumuhod
Mga mata’y ipinikit at yumukod
At taimtim na nanalangin sa Diyos.
“Panginoon ako’y muling lumalapit
Heto’t sa gutom ako’y namimilipit
Sa gutom ako’y hayaang makatawid
Kahit kape lamang po at isang biskwit.”
“Panginoon ako sana’y Inyong bigyan
Beinte pesos lamang aking kaylangan
Sampu sa Skyflakes… sampu sa 3-in-1
At sikmura ko po’y hindi na kakalam.”
Dalangin ng pulubi may nakarinig
Ito’y ang katabi niyang mamang pulis
Tumayo ito’t sa pulubi’y lumapit,
“Heto amang, pambili ng kape’t biskwit.”
Natuwa ang pulubi at nagpasalamat.
Wika ng pulis, “Galing iyan sa Taas.”
At nang ang pulis palayo nang naglakad
Binilang ng pulubi barya sa palad.
Nang makitang na pera’y sampung piso lang
Ang mamang pulubi’y parang nagulantang
Muling nag-antanda’t lumuhod nanaman
Nanalangin sa Diyos sa Kaitaasan.
“Salamat po’t panalangin ko’y dininig
Pero bakit po pinaabot n’yo sa pulis
Humati po kasi ang lespung matinik
Kaya, mabibili ko lang po eh biskwit.”
INAY
Kaylan ko po ba ito dapat sulatin?
Kapag ba Inay hindi mo na puwedeng basahin?
Kaylan ko po ba ito dapat sabihin?
Kung pandinig mo ba INAY naglaho na’t
tinig ko’y ‘di na kayang dinggin?
Bago ang nakatakda’y maganap
… bago ang mga braso mo’y bawian ng lakas
at di na kayang gantihan ang higpit ng aking yakap
Eh isuot mo po INAY ang iyong salamin
Simpleng tula ko sana’y basahin.
INAY iyong damhim
Pagmamahal at pagtanging
Sa bawat taludtod padadaluyin
Maka-ina daw ako!
Aba’y dapat lang.
Kung ang ina ang anak ay ‘di malilimutan
Ang anak – ina’y ‘di puwedeng talikuran.
Ako’y nakarating sa gustong paroonan
Dahil nilingon ko sinapupunang pinaggalingan
Sinapupunang pinaglagakan
Ng buhay kong sa Panginoon ay hiram.
Noong bata ako’t walang muwang
INAY ‘di mo ako pinabayaan
Mga bisig mo’y nagsilbi kong duyan
Inaruga mo ako’t inalagaan
Dinisiplina’t tinuruan.
Kayo po ang una kong guro
Kay dami ninyo sa aking naituro.
Maraming… maraming salamat po!
Salamat po INAY at naituro mo sa akin –
…na magtiwala sa kakayahang angkin
…na sa Panginoon laging manalangin
Hindi ka perpekto INAY
Subalit mahal kitang tunay.
Bigkis nating Diyos ang pumanday
Mananatili hanggang sa kabilang-buhay.
Magnilay Tayo
Sa bundok ng Golgotha’y umakyat
Pinasan ang krus hirap na hirap
Ikatlong hapon nang maganap
Pagkakatawang taong nagwakas
Kasalanan ay koronang tinik
Sibat na tumusok sa gilid
Kay Hudas tayo ay ang naghatid
Nang sa Mesiya s’ya ay humalik
Hinayaang si Hudas magtaksil
Di ba’t kusang loob nagpakitil
Utang nati’y sa Kanya siningil
Ang utang nating mga nagtaksil
Di ba’t dugo n’ya’y ipinanlinis
Sa pagkatao nating madungis
Kusang loob buhay ibinuwis
Nang tayo’y makapiling sa langit
Huminto’t magnilay kahit saglit
Lumuhod tayo’t mata’y ipikit
Sa Panginoon tayo’y sumandig
Walang hanggan ang Kanyang pag-ibig
Ang Samyo Ng Hinog Na Bayabas
Nang trabaho’y natapos, ako’y lumabas
Sa jeep na dumaan pumara’t umangkas
Nang maupo, sa barandilya’y humawak
Nais na maidlip, pumikit akong kagyat.
Habang nakapikit, ako’y may nalanghap
Animo’y samyo ng hinog na bayabas,
Natakam…kaya’t mata ko’y iminulat
“Ay sus!” Katabi ko… braso’y nakataas.
Di pala bayabas ang aking naamoy
Ito pala’y panis na pagkaing baboy
Nang langit ng baho sa daigdig nagsaboy
Sinalo lahat ng katabi kong kolokoy.
Ako’y nahilo sa amoy na nasagap
Sikmura ko noo’y halos bumaligtad
Para akong ikinulong sa “septic tank”
Nais ko nang pumara upang tumakas.
Ilang saglit pa’t meron akong napansin
May pasaherong sa akin nakatingin
Braso ko kasi pala’y nakataas din
Doon sa baradilya’y nakalambitin.
Hindi lang pala dalawa kundi marami
Matang tutok sa aki’t aking katabi
Marahil ay pilit nilang winawari
Akin o kanya… mabahong kili-kili.
Halos sabay kaming nagbaba ng braso
Pagkatapos… tumingin sa akin ang loko
Aba’y biglang tinakpan ang ilong nito
At mabilis bumaba nang jeep pumreno.
Bago ang jeep nagpatuloy sa pag-usad
Aba’t ang kolokoy ako’y kinausap –
“Eh tanggapin mo sana ang payo ko brod,
Maligo ka palagi’t gumamit ng tawas.”
Kay Hirap Paniwalaan
(Mula sa kantang “Never Thought” ni Dan Hill)

Giliw…
Puwede bang hawakan kita?
Upang matiyak ko na totoo ka
Para kasing panaginip ka lamang
Panaginip na tumapos…
nagsilbing tuldok sa aking mga bangungot.
Pangarap na tumapos sa lahat ng aking mga bangungot.
Hindi ako inakalang ako’y magmamahal
Nang kasing-sidhi ng pagmamahal ko sa iyo.
Mahirap paniwalaan, ‘di ba?
Pero iyan ang totoo.
Labis ko ring pinagtatakhan
Kung bakit sobra-sobra kitang kaylangan.
Mahal na mahal kita.
Bakit nga ba?
Giliw… puwede ba kitang hawakan?
Puwede bang makitang muli ang mga ngiti mo
Ngiting parang mga tala
Talang nagbigay liwanag sa dating madilim kong mundo.
Pahintulutan sana akong masdan
Ang taglay mong kagandahan
Kagandahang walang salitang makakapaglarawan.
Akalain mong nagmahal ako ng ganito.
Kay hirap paniwalaan
Pero totoo!
Ikaw ang tibok sa aking puso
Ikaw ang dahilan kung bakit ako buhay.
Hangarin kang naisakatuparan
Labis-labis kitang kaylangan
Mahirap paniwalaan
Di ba!
Pero iyan ang katotohanan.
Ika’y Talinghaga
Ika’y pintig na sa puso ko’y tumibok
Lakas na sa mundo ko’y nagpapaikot
Ngunit ang ngiti mo sa akin ang dulot
Isang laksang saya’t labis-labis na lungkot
Ikaw ay kaligayahang dapat damhin
At pagsisising gumapang sa damdamin
Ika’y kayamanan kung aking ituring
At kabayarang dapat na balikatin
Amihan ka ngang ginhawa sa tag-init
Ngunit hanging sa gabi dulot ay lamig
Kandungan mo’y itinuturing kong langit
Bilangguan nang inaliping pag-ibig
Talinghaga kang mahirap na arukin
Palaisipang ‘di ko kayang sagutin
Magkaganun man ikaw ay mamahalin
Magpakaylan man ‘di kita lilimutin
Pangako mo ma’y mahirap panghawakan
Madali man sa iyo na ako’y iwanan
Ang mahalin mo kahit panandalian
Dulot ay ligayang walang katapusan
(Mula sa kantang “She” ni Elvis Costello)

