INAY
Kaylan ko po ba ito dapat sulatin?
Kapag ba Inay hindi mo na puwedeng basahin?
Kaylan ko po ba ito dapat sabihin?
Kung pandinig mo ba INAY naglaho na’t
tinig ko’y ‘di na kayang dinggin?
Bago ang nakatakda’y maganap
… bago ang mga braso mo’y bawian ng lakas
at di na kayang gantihan ang higpit ng aking yakap
Eh isuot mo po INAY ang iyong salamin
Simpleng tula ko sana’y basahin.
INAY iyong damhim
Pagmamahal at pagtanging
Sa bawat taludtod padadaluyin
Maka-ina daw ako!
Aba’y dapat lang.
Kung ang ina ang anak ay ‘di malilimutan
Ang anak – ina’y ‘di puwedeng talikuran.
Ako’y nakarating sa gustong paroonan
Dahil nilingon ko sinapupunang pinaggalingan
Sinapupunang pinaglagakan
Ng buhay kong sa Panginoon ay hiram.
Noong bata ako’t walang muwang
INAY ‘di mo ako pinabayaan
Mga bisig mo’y nagsilbi kong duyan
Inaruga mo ako’t inalagaan
Dinisiplina’t tinuruan.
Kayo po ang una kong guro
Kay dami ninyo sa aking naituro.
Maraming… maraming salamat po!
Salamat po INAY at naituro mo sa akin –
…na magtiwala sa kakayahang angkin
…na sa Panginoon laging manalangin
Hindi ka perpekto INAY
Subalit mahal kitang tunay.
Bigkis nating Diyos ang pumanday
Mananatili hanggang sa kabilang-buhay.
Posted on June 9, 2019, in Mothers, Poetry, Tula and tagged Mothers, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0