Category Archives: Short Story
Tuwing Bubuhos Ang Ulan (4)
(4th of 7 Parts – A Novelette in Filipino)

“Hoy Jeff… ate Camille… Bakit? Anong ba ang nangyayari? Magkakilala na ba kayo dati?”
“Hi… hindi. Ngayon ko lang siya nakita. Hello Jeff! Happy to meet you.”
“Same here.”
Iniabot mo sa akin ang iyong kamay. Kinamayan kita at hindi ko pa man napipisil ang kamay mo ay binawi mo na agad ito na parang diring-diri ka.
Pagkatapos ay naupo ka mismo sa tapat ko na parang wala lang ako doon. Binabale-wala mo lang ako katulad nang ginawa ninoman sa mga taong hindi naman nila kilala. Napakalamig mo, ibang-ibang doon sa Camille na nakasama ko sa kubo.
Parang nasaktan ako pero naiiintidihan ko ang pagsisinungaling at pagkukunwari mo. Kung ako man ang unang nakapagsalita eh ganoon din ang sasabihin ko. Kapag sinabi mo kasing nagkita na tayo doon sa may kubo sa may mini rice terraces, kahit hindi mo pa sabihing may namagitan sa ating dalawa, eh mabibisto ako ni Elena. Sinabi ko na kasi sa kanya na hindi ko pa nakikita ang lugar na iyon.
“Nasorpresa ako sa ang reaksyon ninyo kanina. Para kasing nagulat kayo pareho nang magkita kayo.” Wika ni Elena.
“Naku Elena, sa kisig ba naman ni Jeff eh kahit sinong babae ang makakita sa kanya sa unang pagkakataon eh magugulat talaga. Lalo na nga’t naka-shorts at sando lang siya oh. At tignan mo naman ang misis ko, pang beauty queen ang mukha at katawan. Kaya nagulat din si Jeff nang makita siya. Akala kasi ni Jeff na ikaw na ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa eh hindi pala. May mas maganda pala sa iyo – ang ate Camille mo.”
“Naku, kumana ka na naman Daniel. Magtigil ka na. Malay natin nagkita na sila noon at hindi lang nila matandaan kung kaylan at saan kaya ganoon ang reaksyon nila. Nangyayari talaga iyon.”
Nakayuko ka lang habang nakikinig sa usapang iyon. Napansin kong tinitignan ka ni Elena at pagkatapos ay sumusulyap din siya sa akin.
“O sige… sige… Kain na nga lang tayo.” Ang mungkahi ng nanay nina Elena.
“Oo nga para kami nitong guwapitong bayaw ko eh makapagsimula nang mag-inuman.”
“Mga anak, baka naman puwede kahit ngayon lang eh magpasalamat muna tayo bago kumain. Magapasalamant din tayo dahil nakarating na dito sa atin si Jeff. Elena pangunahan mo ang pagdarasal.”
Nagsiyuko tayong lahat. Nakita kong nagsipikit kayo. Ako lang ang hindi. Pinagmasdan kita habang nagdarasal si Elena. Maya-maya’y nakita kong nagmulat ka ng mata. Tumingin ka sa akin. Mugto ang iyong mata. Ngumiti kang pilit. Ganoon din ang ngiti mo nang una mo akong nginitian sa kubo – pilit. Pero pinagaan ng ngiti mong iyon ang kalooban ko. Nginitian din kita at tinanguan.. Pagkatapos niyon ay pumikit kang muli. Pumikit din ako.
Masaya ako’t malungkot. Masaya ako dahil nakita kita ulit. Malungkot dahil sa sitwasyon, dahil sa pagkakataon. Hindi ko alam kung ano ang mga susunod na mangyayari.
Sa lahat ng problemang dinadala mo eh, nakaramdam ako ng awa. At heto ako na mukhang dumagdag pa sa pasanin mo.
“Welcome to the family bayaw.” Iyon ang sinabi ni Daniel pagkatapos ng panalangin.
“O sige mga anak. Kain na tayo.”
“Tinolang manok, adobong baboy, piritong bangus, at chop suey…wow! Lakas mo Jeff kay inay ah. Apat na putahe. Sa akin kapag pumupunta ako dito eh magpipirito lang ng itlog at magbubukas ng sardinas ang inay.”
“Tama na daldal Daniel, kumain ka na lang.” Wika ng nanay nila.
“Ate… ano nga pala iyong sinasabi mong nangyari sa iyo kanina habang papunta ka rito?”
Napatingin ako sa iyo ng itanong iyon ni Elena. Tumingin ka rin sa aking bago mo ibanaling ang tingin mo kay Elena. Alam ko namang wala kang sasabihin tungkol sa atin.

“Doon kasi sa kubo kanina.”
Huminto ka sa pagsasalita.
“Ano ate? Ano ang nangyari sa kubo?”
“Ano kasi… parang may sumusunod sa akin habang naglalakad ako. Iyong lang naman.”
“Baka naman may isa sa mga taga-hanga mo na sumusunod sa iyo talaga kanina?” Ang sabi ni Daniel.
“Hay naku… kumain na lang tayo.” Wika ng nanay nila.
Habang kumakain tayo ay nakayuko ka lang. Tahimik na tahimik. Pinilit kong huwag mapako sa iyo ang aking paningin dahil baka mapansin iyon ni Elena eh magduda lalo at biglang nanamang umandar ang pagkaselosa. Alam kasi ni Elena ang mga ginawa ko bago kami naging magkasintahan. Alam ni Elena ang mga kahinaan ko. Alam niyang hindi ako santo… na ako’y tao lang… hindi banal.
“Dad oh…”
Sinubukan ni Elenang subuan ako ng atay ng manok. Hindi ko puwedeng tanggihan.
“Alam ko paborito mo ito.”
Napakatingin ka sa akin habang ako’y sinusubuan ni Elena. Sandali lang iyon. Binawi mo kaagad ang tingin mong iyon. Aywan ko kung may naramdaman ka ba, kung nagselos ka ba.
“Camille,” ani Daniel, “ang sweet nila oh. Baka naman ako puwede mo ring subuan.”
“Ay Daniel magtigil ka. Matapos mong away-awayin itong asawa mo eh aaasta ka ng ganyan. Kung ako si Camille eh lason ang isusubo ko sa iyo.”
“Inay naman eh. Bati na po ni Camille. Nag-sorry na po ako. Di ba ma?”
Ganoon lang ba iyon? Kung totoo lahat ang narinig ko mula kay Elena tungkol sa mga ginagawa ng asawa mo eh sa palagay ba niya sa simpleng sorry lang mapapatawad mo na siya?
Tumango ka bilang tugon. Pero parang pilit. Kitang-kita ko kung paano nangilid ang luha mo ng matapos sabihin iyon ng biyenan mo… ng magiging biyenan ko. Nahabag ako sa iyo. Kung puwede lang eh papahirin ko ang luha mong iyon o hahawakan kita sa kamay para gumaan ang pakiramdam ko.
Ginawa ko ang puwede kong gawin. Sinubukan ko lang. Nagbakasali akong okay lang sa iyo. Ipinatong ko ang paa ko sa paa mo sa ilalim ng mesa. Medyo parang umigtad ka noong una pero hindi mo iginilaw ang iyong paa. Hinayaan mo lang na nakapatong doon ang aking paa.
“Okay ka lang ate Camille?”
Parang nagulat ka ng tanungin ka ni Elena. Ako man eh parang ganoon din. Iniurong mo bigla ang paa mo. Pero sandali lang eh naramdaman kong ipanatong mo ito sa paa ko. Paa mo naman ang nasa ibabaw ng paa ko. Bigla ko tuloy naalaala ang mga nangyari sa kubo… lalo na nang nagpumilit kang…
At pagkatapos niyon ay nagkiskisan tayo ng mga daliri natin sa paa. Mula sa mga panakaw na sulyapan natin ay napansin kong parang umaliwalas ang mukha mo. Nawala ang lungkot mo at naging magana kang kumain. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya noon.
Hinayaan nating sina Daniel, Elena, at ang kanilang ina ang nagsalita nang nagsalita habang tayo’y kumakain. Paminsan-minsan lang tayong sumasabat dahil abala tayo sa ginagawa ng mga paa natin sa ilaim ng lamesa. Ginawa natin iyon hanggang matapos tayong kumain.
**********

Pagkatapos nating kumain ay nagsimula na kaming mag-inuman ng asawa mo habang tinulungan ninyo ni Elena ang kanilang ina na maglinis sa kusina at maghugas ng mga pinggan.
Bago kami uminom at magkuwentuhan ay binukasan ni Daniel ang clutch bag at inilabas ang isang kalbre .45. May nasilip akong parang maliliit na sachet sa loob ng bag. Malamang na drugs ang mga iyon. Patay malisya ako, kunwari ay hindi ko nakita. Nililinis ni Daniel ang kanyang baril habang umiinom. Mabilis tumagay si Daniel. Parang soft drinks lang kung inumin nito ang alak. Halatang batikan siyang manginginom. Ayaw kong sabihing alcoholic siya pero parang ganoon na nga. Ako nama’y hinayaang niyang tumagay kung kaylan ko gusto.
“Heto bayaw sikreto natin ha, kahit sina inay at Elena hindi ito alam. May napatay na ako gamit ang baril na ito. Siguro mga dalawang taon na ang nakakaraan. Malinis na malinis ang pagkakagawa ko.”
Nakinig lamang ako sa kuwento ng asawa mo. Maaring totoo ang sinasabi niya at maari din namang kuwentong lasing lang.
“Alam mo kung bakit ko pinatay iyong tao? Nabalitaan ko kasing gustong-gusto daw niya si Camille. Nakita ko minsan noon habang nagbabakasyon ang asawa ko dito sa Pinas na magkausap sila. Kaya humanap ako ng tiyempo para kanain siya. Bago ko siya pinagbabaril eh sinabihan ko muna na ang kay Pedro ay kay Pedro, at ang kay Juan ay kay Juan.”
Sinabi pa sa akin ni Daniel ang pangalan ng napatay niya at hinamon niya akong i-check ko and record sa munisipyo ng Sagada para maniwala ako.
Matapos ang halos isang oras siguro eh nagpuntahan na kayo sa terrace, kasama mo sina Elena at ang inay.
“Daniel, magusap-usap nga tayo sandali.” Wika ng nanay nila.
“Ano ba kuya, itago mo nga ang baril na iyan. Baka pumutok iyan.”
“Okay…okay.” Sagot ni Daniel sabay silid ng kanyang baril sa kanyang clutch bag.
“Daniel ano ba ang nangyayari sa inyo ni Camille? Bakit ba hanggang ngayon eh sinisisi mo pa siya sa hindi niya pag-alis noon papuntang Italy?”
“Inay, kung hindi ba naman gaga iyang si Camille eh ‘di sana nakabalik pa siya doon. Tignan nga ninyo oh, wala akong mabentahan ng mga inaani kong gulay dahil sa lockdown. Hindi ko maibiyahe palabas ng Sagada ang mga gulay. Kahit sana papaano eh may source of income kami kung bumalik siya sa Italy.”
“Bakit ba hindi mo maintindihan na takot na akong bumalik doon dahil sa Covid. Ayaw ko nang magtrabaho doon. Baka kung mapaano ako.”
Umiiyak ka na ulit ng sabihin mo iyon. Awang-awa ako sa iyo at inis na inis ako kay Daniel. Gustong-gusto ko nang sumabat pero pilit kong pinigil ang sarili ko.
“Eh bakit si ate Nancy nandoon pa rin at buhay pa.”
“Kuya Daniel, huwag mong pilitin si ate Camille na bumalik doon kung ayaw na niya. At iba ang sitwasyon ni ate Nancy, nandoon din ang boyfriend kaya mas gugustuhin niyang manatili doon.”
“Lintik!!! Pinagtutulungan ninyo ako.”
“Malaki na ang ipon natin. Iyong ipinapadala ko sa iyo buwan-buwan sa loob ng limang taon ay sinabi kong i-bangko mo para kako may magamit tayong pang-negosyo. Kumikita ka rin naman sa taniman natin.”
“Oo nga naman Daniel. Nasaan ang pera ninyo. Magkaano ang naipon mo sa bangko?” Ang tanong ng kanilang ina.
Hindi makasagot ang asawa mo. Ikaw nama’y umiiyak lang, pailing-iling.
“Daniel, anak, magtapat ka sa akin. Totoo ba na kinabit mo iyong asawa ng isang OFW doon sa baranggay ninyo? At sa kanya mo inubos ang perang ipon ninyo?”
Panandaliang tumahimik. Walang nagsasalita. Maya-maya’y biglang tumayo si Daniel. Hinila sa kamay si Camille.
“Halika na, umuwi na tayo.”
“ARRAYY…bitiwan mo nga ako. Ayaw kong sumama sa iyo.”
“Daniel, bitiwan mo ang asawa mo. Napakawalanghiya mo.”
“Inay… huwag po ninyo kaming pakialaman… wala sa inyo makikialam.”
Hawak ni Daniel ang clutch bag na naglalaman ng baril. Idinuro iyon sa amin habang sinasabi niya iyon. Kitang-kita ko kung paano kang puwersahang ipinasok ni Daniel sa likuran ng kanyang kotse.
Wala ring akong magawa kundi ang kaawaan ka.
Bago humarurot palayo ang kotse ay nakasulyap ka pa sa amin. Parang humihingi ka ng tulong. Hindi ko alam kung sa akin ka direktang nakatingin, kay Elena ba, o sa kanilang nanay. Pero pakiramdam ko ay parang hinihiling mo sa pagkakataong iyon na saklolohan kita. Pero ano ba ang puwede kong gawin?
Tuwing Bubuhos Ang Ulan (3)
(3rd of 7 Parts – A Novelette in Filipino)

Inabutan ako ni Elena ng shorts at sando sa banyo.
“Dad, sa terrace ka muna pagkaligo mo ha. Kausapin ko lang si ate Camille sa kuwarto natin. Ayaw tumigil ng pag-iyak. Mukhang may mabigat na problema. May nangyari pa daw sa kanya kanina na ayaw naman niyang sabihin kung ano.”
Tumango lang ako kay Elena. Kinabahan ako. Sabik akong makita ka pero hindi sa bahay na iyon. Kinabahan ako dahil kung ikaw at ang Camille na kausap ni Elena sa kuwarto ay iisa ay paano na. Ano ang mangyayari kung maglakas-loob kang aminin sa hipag mo kung ano ang nangyari sa kubo. Tapos makikita mo ako na nasa loob din ng bahay.
Mula sa banyo ay naupo ako sa terrace. Dinalhan ako doon ng kape ng nanay ni Elena.
“Jeff, dito ka lang muna ha. Puntahan ko lang sina Elena at Camille sa kuwarto. Paparating na rin si Daniel. Bahala na muna kayo mamayang mag-usap”
“Sige po in… sige po.”
“Hijo, tawagin mo na rin akong inay. Okay lang iyon. Ikakasal na kayo ni Elena.”
“Sige po inay. Salamat po.”
“Sana lang eh mahalin mo ang anak ko, maging tapat ka sa kanya. Huwag mo sanang sasaktan ang bunso ko.”
“Pa… pangako po inay. Mamahalin at aalagaan ko po si Elena.”
At muli ay pumasok ka nanaman sa isip ko. Nahirapan akong bitiwan ang pangakong iyon sa nanay ni Elena. Wala sa loob ko ang pangakong iyon. Bakit ba kasi bumuhos ang ulan? Sana hindi tayo parehong sumilong sa kubong iyon. Sana lang nagdala ako ng payong o sana ipinagpabukas ko na lang ang pagkuha ng mga pictures at videos. Sana hindi tayo nagkita. Sana tahimik ang isipan at kalooban ko. Pero ano mang pagsisi ang gawin ko eh hindi na magbabago ang mga nangyari. Mali ang mga ginawa kong desisyon at kaylangang harapin ko kung ano man ang kahihinatnan ng mga pagkakamali kong iyon.
Naiwan ako sa terrace. Dahan-dahang hinigop ko ang kapeng bigay ng magiging biyenan ko. Hindi ako mapakali. Gusto ko nang malaman kung ikaw nga ba ang nasa kuwarto. Pumasok ako sa loob ng bahay. Nakita kong medyo nakaawang ang pintuan ng kuwarto namin. Lumapit ako ng kaunti. May manipis na kurtina ang pinto kaya hindi ko rin makita nang malinaw ang mga nasa loob. Hindi ko rin madinig ang usapan. Tanging iyak lang ag naririnig ko.
Nagdesisyon akong pumasok. Hindi ko na matiis. Kung ikaw nga ang nasa loob eh gusto na kitang makita.
Nang itutulak ko na sana ang pinto eh may narinig akong busina ng kotse sa harap ng bahay. Maaring si Daniel na iyon.
Naudlot ang pagpasok ko. Umurong ako. Dagli akong lumabas ng bahay at binuksan ko ang gate. Pumasok ang kotse.
Matapos mag-park ay bamaba ang sakay nito… si Daniel nga.
Matangkad siya ng kaunti sa akin at medyo matipuno ang katawan.
“Jeff? Ikaw ba si Jeff?”
Tinanguan ko siya.
“Ako si Daniel, ang kuya ni Elena. Anak ng… kaya pala naman na in-love sa iyo ang kapatid ko. Gwapo ka na eh ang ganda pa ng katawan mo ah. Mukhang sa gym ka natutulog.”
“Hindi naman kuya. Ikaw nga itong maganda ang pangangatawan.”
Naupo kami sa terrace. Nakita ko na rin sa personal ang kuya ni Elena. Picture nilang mag-anak, ng buhay pa ang kanilang tatay ang cover page ng Facebook ni Elena kaya alam ko kung ano ang hitsua ng kuya niya. Iyon lang ang kaisa-isang picture ni Elena na kasama ang sinoman sa mga kapamilya niya. Si Elena naman kasi ay paminsan-minsan lang din mag-Facebook. Ako madalas dahil sa aking vlog. Ang kuya daw niya ay walang account sa Facebook dahil hindi nito nakahiligan ang social media.
“Kape kuya.”
“Kape? Bakit kape? Teka may Johnie Walker nga pala akong dala, Sandali babalikan ko sa kotse.”
Kinuha nga ni Daniel ang dalang na alak sa kanyang kotse. Mapapasubo ako sa inuman. Hindi pa naman ako sanay uminom ng hard.
“O heto. Itabi mo na iyang kape mo. May dala na rin akong shot glass. Pulutan na lang ang problema.
May inilapag ding kulay itim na clutch bag si Daniel sa lamesa ng terrace. Hindi ko na inusisa kung ano iyon.
“Nasaan nga pala ang inay at si Elena? Nandito nga ba si Camille.”
“Nasa kuwarto sila kuya, nag-uusap.”
“Patay nanaman ako niyan. Naisumbong na akong tiyak. Siyempre, kampi-kampi na sila. Ako nanaman ang kontrabida.”
Pinakinggan ko lang si Daniel.
“Ang tigas kasi ng ulo ng babaeng iyan. Sabi ko bumalik na siya sa Italy noong February eh hindi nakinig. Naabutan tuloy ng lockdown noong March kaya hanggang ngayon nandito pa rin. Hayan ubos na halos budget namin at mukhang wala na siyang babalikang trabaho doon. Lintik kasing Covid iyan”
“Mahirap talaga ang situation ngayon kuya. Kami nga ani Elena eh baka after two months pa makakabalik doon sa company namin. Kaya dito daw muna kami mamalagi.”
“Ganoon ba. Tamang-tama naman para may kasama dito si inay. Iyong pinsan kasi naming babae na nagaalaga sa kanya dito eh nagtanan, noong isang linggo lang. Tapos iyong isa ko pang kapatid na babae na nasa Italy rin eh baka end of the year pa bumalik dito. Sa kasal ninyo ni Elena ay siguradong nandito na siya.”
“O nandiyan ka na pala Daniel.”
Ang nanay ni Elena iyon na biglang sumulpot mula sa likuran namin.
“Opo inay. Kararating ko lang.”
“Alak nanaman iyan Daniel. Sabi ni Elena eh hindi sanay uminom si Jeff.”
“Kaya nga sisimulan ko na siyang i-train. Bago matapos ang 2 buwan nilang bakasyyon dito eh masasanay na si bayaw uminom ng hard. Mano nga po pala inay.”
“Kaawaan ka ng Diyos. At sana eh gawing ka ng mabait ng Panginoon. Hay naku Daniel.”
“Ano nanaman ba ang isinumbong sa inyo ni Camille?”
“Naku bata ka. Magpaliwanag ka sa akin mamaya.”
Napansin ng inay ang clutch bag na itim.
“O bakit dala-dala mo nanaman iyang baril mo?”
“Eh inay proteksyon lang po. At lisensyado ito. Masyado kaasing maiinit sa aking iyong may-ari ng lupa katabi ng taniman mo ng gulay.”
“Mag-ingat ka lang. Gamitin mo lang sana iyan for self-defense. Teka, diyan muna kayo at maghahain na ako nang makapaghapunan na tayo bago ninyo inumin iyan.”
Kuwento ng kuwento si kuya Daniel habang inihahanda ni inay sa lamesa ang aming hapunan. Hindi ako maka-focus sa mga sinasabi ng bayaw ko dahil ikaw ang aking iniisip. Panay ang tanaw ko sa pinto. Inaabangan ko kung lalabas doon ang Camille na kausap ni Elena sa kuwarto.
“Daniel… Jeff… pasok na kayo. Handa na ang hapunan.”
“Tara bayaw… kain na tayo nang masimulan na natin ang inuman.”
Habang papunta kami sa kusina eh parang kalembang ng kampana sa simbabahan ang kaba ko sa dibdib. Malalaman ko na sa wakas kung ikaw ba at ako ay nasa loob pala ng bahay na iyon.
“Oh Daniel… tawagin mo nga sina Elena at Camille sa kuwarto. Nakahain na kamo.”
“Opo inay.”
At tinungo ni Daniel ang kuwarto. Hindi ko malaman kung takot ba o pananabik ang nararamdaman ko habang hinihintay ko kung sino ang Camille na lalabas mula sa kuwarto.
“Hoy… Jeff! Bakit parang titig na titig ka sa pintuan ng kuwarto?”
“Ha? Ay naku hindi po.”
“Walang multong lalabas mula sa kuwarto kaya huwag kang matakot.”
“Pasensiya na po. Parang… parang ano po… parang naalaala ko lang bigla iyong pintuan sa apartment namin sa Pasig. Iniisip ko kung nai-lock ko po ba o hindi.”
“Tawagan mo na lang iyong may-ari ng apartment. Ipa-check mo.”
“Ah. Mamaya po tatawagan ko.”
Kung ano-anong kuwento na ang naiimbento ko dahil sa pag-iisip ko tungkol sa iyo. Ikako sa sarili’y bakit ba kasi ayaw mo pang lumabas ng kuwarto para matapos na. Para malaman ko na kung ikaw ang Camille na biglang nagpagulo sa isip ko.
“Maupo ka na Jeff. Relax ka lang.”
“Opo inay.”
“Napakasaya ko ngayon hijo. Makikita kong sabay-sabay kumain kayong mga anak ko. Mas masaya sana kung iyong anak kong nasa Italy eh nandito rin.”
“Pasasaan po ba at makakasama rin natin sya.”
“Oo nga.”
At may lumabas sa kuwarto… si Elena.
“Oh, nasaan iyong dalawa?”
“Hay naku inay. Nilalambing muna ni kuya Daniel si ate Camille. Sandali lang daw po.”
Nabitin pa ang paghihintay ko. Lalo tuloy akong kinakabahan.
“Sige hintayin natin sila. Ipagsandok mo muna ng mushroom soup si Jeff at baka gutom na iyan.”
“Naks dad ha. Mukhang close na kayo ng inay.”
Tumingin sa akin ang nanay ni Elena at ngumiti.
“Ano nga pala ang iba pang sinabi sa iyo ni Camille ha anak?”
Lumingon muna ni Elena ang kuwarto bago ito nagsalita.
“Naku inay, kaya pala pinipilit ni kuya na bumalik si ate sa Italy eh meron daw palang dine-deyt si kuya.”
“Mahabaging langit… sino naman daw?”
“Inay, taga-doon din sa barangay nila. At heto pa… may asawa din iyong babae… OFW… sa Saudi nagtatrabaho.”
“Anong kademonyohan ang pumasok sa isip ng kuya mo at ginawa iyon. Hindi na ba siya natakot sa Diyos?”
Ang mga sinasabi ng nanay ni Elena ay parang mga karayom na tumutusok sa aking konsensiya. Bigla ko tuloy naalaala ang madalas sabihin sa akin noon ng aking ina na dapat ay pag-isipan kong mabuti ang lahat ng desisyon na gagawin ko para hindi ako magsisi sa bandand huli. Pero, wala na, nagawa ko na.
“Kalat na daw po ang tsismis doon sa kanila inay.
“Nakakahiya… nakakahiya…!
“Matagal na daw po iyon inay.”
“Naku… mabuti na lang at baog ang kuya mo. Kung hindi baka nagkaanak pa sila ng babaeng iyon.”
“Gusto na pong makipaghiwalay ni ate Camille kay kuya inay. Tutal hindi daw po naman sila kasal.”
“Ha!? Ang laking problema nito.”
“Sabi ni ate, baka ang babaeng iyon ang dahilan kung bakit ayaw niyang magpakasal sila.”
Napatingin sa akin ang nanay ni Elena.
“Naku Jeff, hijo pasensiya ka na. Problema ng pamilya namin ang isinalubong namin sa iyo.”
“Huwag ninyo po akong alalahanin inay.”
Iyon na lamang ang naisagot ko sa mga nakakagulat na narinig ko.
“Ang sabi pa ni ate Camille na hindi na nga siya mabigyan ng anak, eh nagawa pa daw mambabae ni kuya.”
Pagkatapos sabihin iyon ni Elena ay lumabas na sina Daniel mula sa kuwarto.
“Ay inay, heto na sina kuya.”
“Camille, anak, dito ka sa tabi ko oh. Heto nga pala si Jeff, ang future husband ni Elena.”
Nang magtama ang ating paningin ay pareho tayong natulala. Parang binuhusan ako ng malamig na tubig. Siguro ganoon ka din. Katulad ng kinatatakutan ko, ikaw nga ang Camille na nakilala’t nakapiling ko sa kubo.
Tuwing Bubuhos Ang Ulan (2)
(2nd of 7 parts – A Novelette in Filipino)

Humupa na ang ulan. Tumahimik na ang bulkang sumabog sa loob ng kubo.
Nakatulog ka. Para kang bata na nakahilata sa kama suot pa rin ang t-shirt ko. Bahagya kong ibinaba ang laylayan ng t-shirt upang takpan ang maselang bahagi ng katawan mong iyon. Pinagmasdan ko ang maganda mong mukha. Maaliwalas ito, wala na ang lungkot na nakita ko nang pumasok ka sa kubo. Ang isang kamay mo’y bahagyang natatakpan ang iyon mga labi. Kinuha ko ang aking kamera at kinunan kita – mula ulo hanggang sa isang kamay mong nakapatong sa iyong tiyan. Hindi ko ililihim ang pagkuha ko ng larawang iyon. Balak kong ipakita ito sa iyo pag gising ka na. Pinagmasdan kitang muli at noon ko napansin parang may mga pasa ka sa hita. Maging sa iyong braso at leeg. Binale-wala ko lang iyon.
Tumingin ako sa aking relo. Halos alas-kuwatro na pala. Binuksan ko ang bintana. Sumikat pala ang araw at sa labas ay nakita ko ang isang bahaghari. Parang napakalapit lamang sa mini rice terraces na iyon ang isang dulo niyon. Napakahirap palampasin ng pagkakataong iyon. Nagpasiya akong kunan ang bahaghari ng larawan kaya habang mahimbing kang natutulog ay lumabas muna ako. Kahit medyo basa ay isinuot ko ang aking hoodie. Hinagkan kita sa pisngi bago ako lumabas.
Medyo nalayo ako sa kubo sa paghahanap ng magandang anggulo para sa larawan ng bahaghari. Ngunit kung kaylan nakapuwesto ako ng maganda eh saka biglang nawala ito.
Medyo matagal rin bago ako nakabalik sa kubo. Nang ako’y pumasok ay wala ka. Lumabas ako’t hinanap kita. Tinawag ko ang pangalan mo. Walang sumasagot. Wala akong matanaw na tao sa kahabaan ng mga taniman ng palay. Marahil sa likuran ka dumaan, sa magubat na lugar. Pinuntahan ko iyon. Paikot-ikot ako, paulit-ulit kong tinawag ang iyong pangalan. Pero wala ka na. O kaya’y nagtago ka lang.
Nasa kubo ang t-shirt ko. Kahit basa ay isinuot mo ang iyong mga damit. Bigla akong nalungkot. Pinagmasdan ko ang kama. Iniwan lang kita sandali pero bigla kang nawala. Katulad ng bahagharing nakita ko. Bago ko nahanap ang magandang anggulo para ito kuhanan ng larawan ay bigla na lamang itong naglaho.
Hinubad ko ang hoodie upang isuot muli ang t-shirt na ipinahiram ko sa iyo. Dagli akong lumabas ng kubo at mabilis akong naglakad. Halos nga tumatakbo na ako. Pinasok ko ang kakahuyan nagbabakasakaling abutan pa kita kung doon ka nga dumaan. Subalit narating ko na ang gilid ng daan ay hindi pa rin kita nakita.
Nawala ang sikat ng araw. Pagtingala ko’y nakita ko ang namuong mga ulap. Nagismula nang umambon. Uulan nanaman. Nagmadali na ako sa paglalakad.
Wala na akong magawa nang bumuhos na naman ang ulan. May mga bahay na akong nadadaanan pero nagpatuloy na lang ako sa paglalakad. Hindi na ako sumilong.
Sa may ‘di kalayuan ay may babaeng naglalakad. Natatakpan ang kalahati ng katawan niya ng payong. Masasalubong ko siya. Ang suot na skirt ng babae ay parang katulad nang suot mo. Inisip kong ikaw iyon, hindi ka nakatiis, kumuha ka ng payong, tapos ay babalikan mo ako sa kubo.
“Camille!” ang sigaw ko.
Binilisan ko ang paglalakad dahil sabik akong makita ka ulit. Ngunit nang malapitan ko na ang babae ay hindi pala ikaw. Si Elena pala, ang kasintahan ko.
“Jeff! Kanina pa kita hinahanap. Naku… basang-basa ka dad. Ang tigas kasi ng ulo mo, hindi ka nagdala ng payong.”
“Sorry… mo…mommy!”
Mula nang maglapat ang mga labi natin hanggang sa pagkakataong iyon ay hindi sumagi sa isip ko si Elena, kahit isang sandali. Mahirap sigurong paniwalaan pero iyon ang totoo. Nakalimutan kong may kasintahan akong naghihintay sa akin. Nakalimutan kong meron nga pala akong minamahal at nagmamahal sa akin. Nakalimutan kong kaya ako umakyat ng Sagada ay upang pormal na hingin ang pahitulot ng kanyang ina at kuya sa aming pagpapakasal sa susunod na taon.
“Parang may tinawag kang pangalan kanina? …mil ba iyon… Hamil?”
“Ha? Mommy kako.”
“Ganoon ba! Malakas ang buhos ng ulan kaya siguro namali ako ng dinig.”
Doon nagsimula ang serye ng maraming pagsisinungaling na ginawa ko kay Elena dahil sa iyo.
“Bilisan natin. Maligo ka agad pagdating natin sa bahay. Sana naman eh huwag kang sipunin. Darating si kuya Daniel at ang asawa niya. Sayang talaga at iyong ate ko sa Italy eh hindi pa makakauwi. Pesteng Covid kasi iyan.”
Nakaakbay ako kay Elena pero ikaw ang laman ng isip ko. Habang papalapit na kami sa bahay nila ay palinga-linga pa rin ako. Nagbabakasakaling matanawan man lang kita. Pero kahit anino mo man lang eh wala. Kako hindi na siguro kita muling makikita pa. Kaligayahang pinagsaluhan natin ay parang iyong kagandahan ng bahagharing nakita ko. Kay bilis naglaho. Pero kung iyong bahaghari hindi ko nakunan ng larawan bago nawala, ikaw, at least, ay may larawan sa akin. Mabuti na lang nakunan kita bago ka naglaho.
Ginulo mo ang isip ko. Ang simleng buhay ko bago tayo nagkita sa kubo ay biglang yatang magiging komplikado. Pero naisip ko na siguro kalaunan eh makakalimutan din kita. Bakit ko naman sasayangin ang matagal nang pinagsamahan namin ni Elena dahil lang sa iyo. Halos anim na buwan ko na siyang kasintahan pero mahigit dalawang taon na kaming magkakilala at magkaybigan dahil magkasama kami sa trabaho samantalang ikaw eh wala pa sigurong dalawang oras tayong nagkasama doon sa kubo. Bakit nga ba masyado kitang pinagaaksayahan ng panahon? Bakit iniisip pa kita. At saka lasing ka lang, katulad ko, nang nangyari iyon. Siguro wala lang iyon sa iyo. Pero sa aking bakit parang big deal. Nang mahimasmasan ka nga eh iniwan mo na lang ako basta. Pero ako, wala na ang talab ng beer na ininom ko, eh hindi pa rin ako nahimasmasan. Nilasing ako ng kung ano man ang nangyari sa atin.
“Hoy, dad, masyado ka yatang seryoso? Hindi mo na sinasagot iyong mga sinabi ko.”
“Ha, pagod lang ako.”
“Pagod?” Bakit ano ba ginawa mo’t napagod ka? Nagbayo ka ba ng palay?”
Alam kong nagbibiro si Elena pero parang tinamaan ako ng sabihin niya iyon. Ikaw ang naisip ko, iyong ginawa natin.
“Hoy… nagabayo ka ba kako ng palay?”
“Ano ba ang pinagsasabi mo mommy?”
“Kunwari ka pa… alam mo kung ano sinasabi ko.”
“Patawa ka mommy… Sino naman ang babayuhin ko dito?”
“Malay ko… baka may diwata sa gubat na nag-anyong tao nang makita ang kagwapuhan mo. Tapos nagpadyug-dyug sa iyo.”
“Naku mommy, napaka-fertile ng imagination mo. Hindi ka naman manunulat ah.”
“Pinatatawa lang kita dad.”
Baka nga eh isa kang diwata. Napakahiwaga mo kasi. Biglang sumulpot… biglang nawala. At ngayon eh nasa ilalim ako ng iyong kapangyarihan.
“Kaya lang hindi ka naman natawa… seryoso ka pa rin. Parang may malalim kang iniisip.”
“Sorry, medyo lang kasi masakit ang ulo ko.”
Iyon na lang ang sinabi ko para hindi magdamdam si Elena.
“Siyanga pala, ang kuya Daniel mo ba eh saan pa manggagaling?”
“Sa kabilang baranggay lang sila nakatira. May kotse naman siya pero mas madalas eh naglalakad lang silang mag-asawa kapag gusto nilang pumasyal sa bahay. May shortcut kasi doon sa mini rice terraces papunta dito. Teka… Napuntahan mo ba iyon kanina?”
Sasabihin ko bang oo? Sasabihin ko ba na napuntahan ko na ang lugar na iyon? Aaminin ko bang doon ako mismo nanggaling?
“Ha… hagda-hagdang palayan? Wala yata akong napansing ganoon. Di ba kamo malayo pa dito sa inyo iyong mismong rice terraces.”
“Malayo-layo pa nga pero may mangilan-ngilan na ring ganoong taniman ng palay dito. Hagdan-hagdan din.”
“Ah, ganoon ba.” Ang patay malisyang sagot ko.
“Di maganda kung hindi mo pa nakikita. Very scenic ang lugar na iyon. Bukas eh ipapasyal kita doon para makakuha ka ng maraming pictures at videos para sa travel vlog mo. Magsasawa ka. May maliit na kubo doon. Magbabaon ako at doon tayo kakain. Magdadala ako ng beer para sa iyo… para… maging diwata ako sa paningin mo. Tapos… alam mo na!
Hinapit ko sa baywang si Elena bilang tugon.
“Wala talaga sa mood ang daddy ko.”
Sasabihin ko bang alam ko din na may kubo doon, na doon ako sumilong nang bumugso ang naunang ulan? Sasabihin ko bang nagkita tayo doon at hindi natin sinadyang may namagitan sa ating dalawa?
Hindi nga ba natin sinadya iyon?
**********
Nang makarating kami sa bahay nila Elena ay sinalubong kami ng kanyang nanay.
“Hala… basang-basa ka hijo. Dumiretso ka na sa banyo’t maligo ka. Ipag-iinit kita ng tubig para makapagkape ka pagkatapos mong maligo.”
“Ay sige po. Salamat po. Pasensiya na po sa abala.”
“Oh inay. Ang daming “po” niyan ha. Siguro naman naniniwala na kayo na mabait ang mapapangasawa ko.”
“Ikaw talaga mommy napaka mo.”
Ngumiti lang ang nanay ni Elena.
Pumasok na ako sa banyo. Bago ko naisarado ang pinto niyon ay nadinig ko ang usapan nina Elena at ng magigigng biyenan ko.
“May bisita ka, nasa kuwarto ninyo.”
“Sino po inay?”
“Si Camille.”
Nahinto ako sa aking ginagawa ng marinig ko ang pangalang iyon. Pakiramdam ko’y nanlaki ang aking mga mata.
“Magkasunuran lang kayo halos na dumating. Naku walang bitbit na payong ang hipag mo kaya basang-basa rin nang dumating dito. Pinahiram ko muna siya ng damit mo. Nag-away nanaman siguro sila ni Daniel kaya nauna na siyang pumunta dito.”
Kako’y huwag naman sana na ikaw iyong Camille na pinaguusapan nila. Huwag naman sana na asawa ka pala ng kapatid ng mapapangasawa ko.
“Tawagan mo nga ang kuya mo. Sabihan mong nandito na si Camille kaya pumunta na siya dito. Para na rin maipakilala mo na si Jeff sa kanila.”
Tuwing Bubuhos Ang Ulan (1)
(1st of 7 parts – A Novelette in Filipino)

Tuwing bubuhos ang ulan ikaw kaagad ang papasok sa isipan ko. Kaya paano kita makakalimutan gayong hindi ko naman kayang pigilin ang pagpatak ng ulan. Uulan kung kaylan nakatakdang umulan.
Kung puwede lang ipanalangin na sana tag-araw na lang palagi para kahit kaylan ay hindi na bumuhos ang ulan. Kung puwede sana na laging may araw, lalabas ako kahit katanghaliang-tapat at hayaang sunugin ng araw hindi lamang ang balat ko kundi ang bawat hibla ng iyong ala-ala sa aking isipan. Ang ala-ala mo kasi’y parang tinik na dinuduro ang bawat bahagi ng pagkatao ko.
Tuwing makikita ko na may namumuong kaulapan sa langit ay kasabay nitong mamumuo rin ang kalungkutan sa aking isipan. At kapag umihip na ang hangin at magbabadya nang umulan ay maghahanap na ako ng masisilungan sa dahilang kapag bumuhos na ang ulan ay bubuhos na rin ang mga ala-ala ng nagdaan at babahain ng lungkot ang buong pagkatao ko at hindi ito huhumpay hanggat hindi ako nalulunod sa lumbay.
Ngunit wala akong puwedeng silungan. Ala-ala mo’y parang aninong lagi akong sinusundan. Lalo na kapag umuulan. Isipan ko’y parang bubong na may butas at ang ala-ala mo’y parang tubig-ulan na pilit hahanapin ang butas na iyon para pasukin, upang ako’y lunurin sa lungkot at pighati.
Bakit kasi nagpasiya akong mamasyal sa labas noon? Dahil ba iyon ang unang pagkakataon na mapuntahan ko ang Sagada at napakahilig ko kasing maglakad-lakad sa ganoong bulubunduking lugar upang pagmasdan at kuhanan ng larawan ang kagandahan ng kalikasan? O dahil nakatadhanang tayo ay magkita? Nakalista na sa mga aklat ng mangyayari na magkukrus ang ating landas. Nakaguhit na iyon sa ating mga palad.
Pero hindi ako naniniwala sa tadhana eh. Walang gulong ang kapalaran. Sa pagkakaalam ko ang kakahinatnan ng tao ay resulta ng lahat ng desisyong gagawin niya. Katulad na lang nang sabihan ako ng kasintahan kong si Elena na magdala ng payong dahil nagbabadyang umulan. Nagpasiya akong baliwalain ang sinabi niyang iyon. Tutal kako may suot naman akong hoodie. Mahirap din kasing may bitbit na akong kamera at iba pang gadgets eh may bitbit pa akong payong. Dagdag pa niya’y ipagpabukas ko na lang ang pag-gagala dahil kararating lang namin halos sa bahay nila noon at gusto sana niyang samahan ako sa pamamasyal. Hindi ko rin siya pinagbigyan. Gustong-gusto ko nang maikot ang lugar nilang iyon. Kating-kati na ako na makakuha ng mga pictures at videos para sa sinimulan kong travel vlog sa YouTube.
Pagkatapos mananghalian, binitbit ko ang aking backpack at lumakad na ako. Nasa kuwarto noon si Elena. Umidlip. Napagod siguro sa mahaba naming biyahe, kaya sa nanay na lamang niya ako ako nakapagpaalam.
Pinagtitinginan ako ng mga tao habang ako’y naglalakad. Bagong-salta kasi ako sa lugar na iyon. Ilan lamang sa kanila ang nakita akong kasama si Elena pagbaba namin ng jeep sa tapat ng eskinita malapit sa bahay nila. Ilan lamang sa kanila ang katulad kong may suot na mask. Mukhang hindi takot ang mga tao doon sa Covid. Tinatanguan ko lang sila’t nginingitian. Nang marating ko na ang dulo ng sityong iyon ay nagsimula na akong makakita ng taniman ng mga gulay , palayat, at sari-saring punong-kahoy.
Hindi ako na-disappoint. Napakadami kong nakuhang magagandang pictures at videos. Naubos ko rin ang tatlong beer in can na baon ko. Solve na solve ako. Beer lang iyong pero tinamaan ako.
Ganoon ako kapag hawak ko ang aking camera at kumukuha ng mga shots – sinasabayan ko ng inom ng beer at sound trip gamit ang cell phone ko. Sinising-along ko ang lahat ng kanta ng Air Supply at ni Ed Sheeran. Ila-live ko nga sana sa Facebook ang mga videos na kinuha ko pero mahina ang signal.

At naganap ang hula ni Elena – bumuhos nga ang ulan. Maabuti na lang at tiyempong may nadaanan akong masisilungan – isang maliit na kubo na yari sa pawid at kawayan. Bukas ang bintana nitong tinukuran ng isang patpat. Walang tao. Dali-dali akong pumasok.
Pero sana wala na lang ang kubong iyon doon. Sana eh hindi na lang ako nadaan doon. Katulad ng kahilingan ni Elena eh sana ipanagpabukas ko na lang ang pamamasyal.
Katamtaman lang para sa dalawa o tatlo ang sukat ng kubong iyon. Tanaw sa harapan nito ang isang hagdan-hagdang taniman ng palay na inukit sa gilid ng maliit na bundok na iyon. Iyon pala ang nabanggit sa akin noon ni Elena na mini rice-terraces na malapit sa kanila. Hindi pa iyon ang talagang rice terraces na dinadayo ng mga turista doon perso sa wakas eh nakakita na rin ako ng ganoong uri ng taniman ng palay. Sa likurang bahagi naman ng kubo ay parang gubat, maraming iba’t-ibang punong-kahoy.
Ang kubong iyon marahil ay pahingahan ng may-ari ng taniman ng palay. May isang maliit na kama na halos pang-isang tao lang at isang lamesita. Parehong yari sa kawayan. Bukod doo’y wala ng ibang gamit sa loob.
Ipinatong ko sa lamesita ang aking kamera. Hinubad ko’t ipinatong rin doon ang nabasa kong hoodie. Mabilis akong nakasilong bago bumuhos ang ulan kay bahagyang nabasa lang ang aking hoodie. Hinubad ko ito’t isinampay sa pasimano ng bintana. Bahagya din lang na nabasa ang sapatos ko’t pantalon.
Medyo dumilim. Mabuti na lang at nasa backpack ko pa ang mini-rechargeable light na ginamit ko nang mag-camping kami sa isang beach noong isang linggo. Nagliwanag sa kubo ng buhayin ko ito.
Nang lumakas ang hihip ng hangin eh tinanggal ko ang tukod ng bintana upang ito ay magsara. At nang akmang isasara ko rin ang pintua’y… bigla kang pumasok. Siyempre nagulat ako. Hindi ko inasahang bukod sa akin ay may iba pang sisilong sa maliit na kubong iyon. Walang-kaabug-abog ay dumating ka sa buhay ko.
At bakit kasi nagpasiya ka ring lumabas ng bahay sa hapong iyon at katulad ko ay hindi ka rin nagdala ng payong? Sana namalagi ka na lang sa bahay ninyo. Kung may bitbit kang payong noon ay baka hindi ka sumilong sa kubo at sana eh hindi tayo nagkita. Kung sana ay nakinig na ako sa payo ni Elena na magdala ng payong. Simpleng desisyon – pareho tayong hindi nagdala ng payong kaya nagkita tayo sa kubong iyon. Kaya nag-krus nga ang ating mga landas.
“Makikisilong lang po, pasensiya na.” Wika mo.
“Hindi sa akin ang kubong ito. Nakikisilong din lang ako.”
Basang-basa ka at nanginginig. Tumingin ka sa akin. Ngumiti kang pilit. Napasandal ka sa dingding ng kubo. Hindi ko maiwasang matingin sa basa mong t-shirt na humapit sa magandang hubog ng iyong dibdib. Baka mapansin mong pinagmasdan ko ang dibdib mo kaya kunwari nangati ang isang mata ko’t kinusot ko iyon.
Maya-maya ibinaling ko sa mukha mo ang aking paningin. Maganda ka. Pero bakas sa mukha mo ang kalungkutan. Hindi naikubli ng iyong kagandahan ang lungkot mong nararamdaman. Hindi ito kinayang burahin ng tubig-ulan. Tingin ko nga para kang aburido rin. Para ngang nakainom ka pa, tulad ko. Namumula ng kaunti ang inyong pisngi. Medyo mugto ang iyong mata.
Naupo ka sa kama. Kalauna’y lumakas ang iyong panginginig. Malamig sa lugar na iyon at nabasa ka pa ng ulan. Hinubad ko ang aking suot na damit. Inialok ko ito sa iyo. Malamig nga pero mas kaylangan mo iyon at kaya ko namang tiisin ang lamig na iyon. Kinuha mo ito at ikaw ay nagpasalamat. Nagatubili kang hubarin ang suot mong damit ngunit naiinitindihan mo na hindi naman ako puwedeng lumabas dahil malakas nga ang ulan. Bahagya na lang akong tumalikod upang magawa mo ang iyong nais gawin.
Nang mantantiya kong tapos ka na ay saka ulit ako humarap at sa iyo at tumingin. Napansin kong pinagmasdan mo ang aking mukha at hubad na katawan. Kalauna’y parang hiyang-hiya kang ibinaling sa kamera kong nakapatong sa lamesita ang iyong paningin. Iyon naman ang pagkakataon ko upang mas matagal kong mapagmasdan ang iyong anyo. Kasingtangkad mo halos si Elena, at katulad niya, maganda ka nga. Pero si Elena ay maputi at ikaw naman ay morena. Mas mahaba ang buhok mo sa kanya at mas maganda ang iyong pangangatawan. Napansin kong hinubad mo pala ang suot mong skirt at underwear. Medyo tuloy ako naasiwa. Mabuti na lang at mahaba ang t-shirt na ipanahiram ko sa iyo.
Patuloy ang buhos ng ulan. Wala tayong imikan noong una. Parang tayong nagkakahiyaan. Minsan nagtitinginan at matipid na nagngingitian.

“Mu…mukhang magtatagal ang ulang ito ah.” Wika ko.
“Oo nga eh. Ako nga pala si Camille.”
“Ako naman si Jeff. Ah… mukhang nakainom ka.”
“Kaunti lang.”
“Bakit ka naman uminom?”
“Bakit mo tinatanong?”
Parang nairita ka kaya tumahimik na lang ako.
Maya-maya’y napansin kong nanginginig ka pa rin. Parang mas lumakas pa nga ang panginginig mo. Kung tama ang hula ko eh nagsisimula kang magka-hypothermia. Ganoon ang ilang eksenang napapanood ko sa pelikula. Masyado ka sigurong nababad sa tubig-ulan at malamig pa sa lugar na iyon. Patuloy ang panginginig mo. Sumiksik ka sa dulo ng kama. Parang nagdedeliryo at namimilipit ka na halos.
Wala ng ibang paraan. Naglakas-loob akong yakapin ka. Hindi ka tumanggi. Hinayaan mo ako dahil batid mong kaylangan kong gawin iyon. Yumakap ka sa akin nang mahigpit… pahigpit ng pahigpit. Aaminin kong may kakaiba akong naramdaman nang magdikit ang mga katawan natin. Lalo na nang bumundol ang dibdib mo sa aking dibdib. Pilit kong iwinawaksi ang naramdaman kong iyon. Marahang kitang inihiga nang patagilid at hinagod ko ng hinagod ang iyong likuran upang makaramdaman ka ng init. Idinantay ko ang aking hita sa hita mo. Idinikit mo ang iyong mukha sa aking dibdib.
Ilang saglit pa’y nabawasan ang iyong panginginig. Patuloy lang ang paghagod ko sa likod mo. Unti-unti kong naramdam na ang katawan mo’y uminit. Mula sa dibdib ko’y itinaas mo ang iyong mukha at idinikit sa aking pisngi at dahil doon eh hindi sinasadyang panandaliang naglapat ang ating mga labi.
Nagulat ka. Gayon din ako. Iminulat mo ang iyong mga mata.
“Naku sorry…” ani ko.
Akma na sana akong kakalas mula sa pagkakayakap sa iyo subalit ako’y pinigilan mo. Bakit mo ako pinigilan. Sana’y hinayaan mong kumalas ako sa pagkakayakap sa iyo. Nagtinginan tayo. Parang lumamlam ang iyong mga mata. Parang may bato-balani sa bibig mo na hinihila ang aking mga labi.
Hindi na ako makaiwas… o ayaw kong umiwas. Nagdesisyon akong halikan ka. Desisyong kung mababalikan ko’y… hindi rin ako nakatitiyak kung gagawin ko ba o hindi.
Bakit nga kasi na nang kakalas ako mula sa sa pagkakayakap sa iyo eh pinigilan mo ako? Bakit kasi nang halikan kita sa labi eh pumayag ka at gumanti rin ng halik? Bakit hindi naapula ng bumubuhos na ulan ang nagliyab nating mga damdamin? Bakit dinilig ng ulan ang punla ng kapusukang biglang tumubo sa loob ng kubong iyon?
Sana’y bato na lamang tayo at walang pakiramdam.
Sana’y isa akong santo.
Pero hindi eh.
Tao lang ako.
Hindi banal.
Marupok.
TATSULOK (3)
(Last of 3 Parts)

“Sawa na akong magtrabaho sa Japan. Ayaw ko nang magsayaw. Iniisip ko ngang huwag nang bumalik doon. Marami na akong ipon, at may negosyo na rin naman kaming magkapatid. Gusto ko na kasing baguhin ang takbo ng buhay ko. Sa palagay mo ba may lalaki pa kayang seseryoso sa akin?”
Bigla siyang naging seryoso, nagkaroon ng bahid ng lungkot ang boses nito.
Nag-isip ako sandali bago nakasagot sa kanya,
“Siyempre naman, sa ganda mong iyan.”
Gusto ko pa sanang sabihin na bukod doon ay mayaman pa siya.
“Puwede bang ikaw na lang, hiwalayan mo na ang asawa mo at umuwi ka na rito sa akin.”
Nagulat ako sa sinabing iyon ni M.
“Joke, joke, joke! Binibiro lang kita hoy. Alam ko naman na hindi ako ang tipo ng babae na puwedeng seryosohin.”
“Huwag mo namang ibaba ng ganyan ang sarili mo.” Ani ko.
“Maniniwala ka bang ikaw pa lang ang pangalawang lalaking dumaan sa buhay ko?
Tumango ako. Nakinig na lamang ako sa kanya.
“Mahirap paniwalaan ‘di ba, kasi nga Japayuki ako. Pero dancer lang talaga ako doon, hindi ako pumapayag na magpalabas kahit anong mangyari. Mabuti na lang at naging paborito ako ng amo kong babae at asawa niyang miyembro ng Yakuza. Prinotektahan nila ako. Hindi rin sila pumayag na ilabas ako ng mga customer. Baka daw mabuntis ako eh mawalan sila ng star dancer. Ako daw sabi niya ang dinadayo ng mga lalaking Hapones at foreigners sa club.”
Tahimik lamang akong nakikinig sa kanya. Aywan ko pero naniniwala ako sa kanyang mga sinasabi. Matanda na ako at alam ko na kung binobola lang ako ng kausap ko.
“Pinoy din ang una kong boyfriend pero nakipag-break siya sa akin noong nagpunta ako sa Japan. Paano kilala at conservative ang pamilya niya at siguradong hindi ako katanggap-tangap sa kanila. Balita ko may asawa’t mga anak na siya ngayon.
Panandaliang tumahimik si M. Nagsimulang tumulo ang kanyang mga luha.
Nilapitan ko siya. Tumayo ako sa kanyang bandang tagiliran at siya’y aking inakbayan. Aywan ko pero naawa ako sa kanya. Parang tuloy naramdaman kong ayaw ko munang umuwi. Parang gusto muna siyang damayan.
Dumukwang ako’t hinalikan siya sa pisngi. Tumayo siya. Naupo naman siya sa kama.
“Salamat sa lahat.” Ang wika niya.
“Ako ang dapat magpasalamat sa iyo.”
“Sige bihis ka na, kain na tayo sa baba para maka-uwi ka na at baka hinihintay ka na ng asawa mo.”
Hindi na ako kakain,” ang sagot ko sa kanya. “Kaylangang ko nang umalis.”
Humawak si M sa aking baywang.
“Please lang, dito ka na kumain ng agahan. Isa pa, naipangako ko kay bes na ipapakilala kita sa kanya. Curious siya sa iyo. Paano mo daw ako napapayag na… alam mo na iyon… eh kagabi lang tayo nagkakilala. Sabi ko na-love at first sight ako sa iyo. Sayang nga lang at married ka na sabi ko. Kaya hindi puwedeng hindi kayo magkita ha. Kain na muna bago ka umalis… please…”
Pagkasabi niyon eh humalik siya sa labi ko.
“Please….”
Nakumbinsi ako ni Lady M na doon kumain ng agahan. Nagbihis siya at sinabing ihahatid daw namin ang bestfriend niya sa kanilang bahay tapos ihahatid niya rin ako kahit sa malapit lang sa amin.
“Heto nga pala ang calling card ko. Tawagan mo ako anytime. Welcome ka dito sa bahay ano mang oras.”
Nang maibulsa ko ang ibinigay niyang calling card ay bumaba na kami.
**********
Mula sa hagdan ay natanaw ko ang bestfriend ni M, nakatalikod ito sa amin habang inihahanda ang mga pagkain sa lamesa.
“Huwag ka maingay. Gugulatin natin siya.”
Dahan-dahan nga naming nilapitan ang kanyang bestfriend.
“Hello bes, oh heto na ang lalaking nagpatibok muli ng aking puso.” Ang buong pagmamalaking sabi ni M habang ako’y hawak-hawak niya sa braso.
Nagulat ako nang lumingon at makilala ko kung sino ang matalik niyang kaybigan – si Vicky, ang aking asawa.
Gusto kong lumubog sa kinalaglayan ko at mawala sa lugar na iyon. Ayaw kong maniwalang nangyayari iyon. Hiniling kong sana ay nananaginip lamang ako.
Nagkatinginan kami ni Vicky, pareho kaming hindi makapagsalita, pareho kaming hindi makapaniwala. Si M pala ay si Marjorie, ang bestfriend niyang OFW.
“Oh parang nagkagulatan kayo. Magkakilala ba kayo?.” Ang tanong ni Marjorie.
Hindi sumagot si Vicky. Umupo ito at nagsimulang tumulo ang luha habang nakatingin sa akin. Sa titig nito’y nandoon ang paguusig, nandoon ang napakaraming tanong.
“Bakit? Ano ba ang nangyayari?” Ang nagtatakang tanong ni Marjorie.
“Siya ang asawa ko.” Ang halos pabulong ko na sabi sa kanya.
“Ha? Nagbibiro ka ba?” Ang tanong ni Marjorie sabay bitaw niya sa ang aking braso.
Bakas sa mukha ni Marjorie ang kalituhan. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin, kung ano ang sasabihin. Tumingin siya sa aking at iiling-iling.
Ilang sandali ring tahimik sa bahay. Tanging ang impit na pag-iyak lamang ni Vicky ang maririnig. Bawat hikbi ng asawa ko’y parang karayom na tumutusok sa bawat kalamnan ko.
Atubili ma’y nilapitan ni Marjorie si Vicky.
Hinawakan niya ito sa balikat.
“Huwag mo akong hawakan. Traydor ka.”
Tumingin sa akin si Marjorie.
“Alfred, iwanan mo muna kami dito ni Vicky, sa labas ka muna.”
Pinagbigyan ko ang kahilingan ni Marjorie. Lumabas muna ako upang makapagusap ng masinsinan ang dalawa.
Kaya pala nang una kong makita si Marjorie sa club ay para kakong nakita ko na siya noon. Nakita ko ang mga pictures nila ng asawa ko. Minsan na ring ipinakita sa akin ni Vicky ang Facebook account ni Marjorie.
Bigla kong naalaala ang calling card na ibinigay sa akin ni Marjorie bago kami bumaba… Marjorie Contreras. Marahil kung nabasa ko ang pangalan niya sa calling card ay baka natanong ko na siya at maaaring hindi na ako bumaba kanina at isisikreto na lamang namin kay Vicky ang lahat-lahat.
Litong-lito ako sa pagkakataong iyon. Napakalaking gulo ang pinasok kong iyon, hindi ko alam kung paano ko ito malalampasan. Hindi ko alam kung ano ang susunod na mangyayari. Labis ang pag-sisisi ko. Hindi ko alam kung papaano tatanggapin ni Vicky ang lahat, kung ano ang mangyayari sa pagkakaibigan ng dalawa, at kung ano naman ang mangyayari sa aming mag-asawa. Akala ko’y handa akong makipaghiwalay sa kanya. Hindi pala. Ayaw ko palang mawala siya.
Bigla kong naalaala ang sinabi ni Marjorie na buntis ang bisita niya… buntis ang aking asawa. Nakakalungkot na sa kalagitnaan ng napakalaking gusot na nilikha ko ay doon ko nalaman ang balitang magkakaanak na kami ni Vicky.
Ilang minuto lang ang pinalipas ko. Hindi ako mapakali. Nagpasya akong bumalik kaaagad sa loob ng bahay, nagbabakasaling maayos na ang lahat. Pero parang malabong mangyari iyon. Napakomplikado ng sitwasyon at imposibleng iyon ay maayos agad. Dalawang bagay ang maaring datnan ko – naayos ang problema o lumala ito.
At ang nangyari – lumala ang problema.
Nang pinuntahan ko ang dalawa sa dining room ay tumambad sa akin ang mas malaking gusot. Duguan si Marjorie, nakahandusay sa sahig. Si Vicky ay nakaupo sa tabi nito, umiiyak, hawak ang duguan ring kutsilyo.
Hindi ko akalaing hahantong sa ganoon ang lahat. Nilapitan ko si Vicky. Yumakap siya sa akin, takot na takot, nanginginig.
“Dad hindi ko sinasadya, nagdilim ang paningin ko. Dad, tulungan mo ako, ano ang gagawin ko?”
Ano nga ba ang dapat gawin ni Vicky… ang dapat kong gawin… ang dapat naming gawin.
Biglang naglaro ang kung ano-ano bagay sa imahinasyon ko…. mga eksenang na minsa’y napapanood ko sa pelikula na kung saan ay may mga nakapatay… babalutin ng kumot ang pinatay at itatapon sa isang malalim na bangin… o kaya’y ibinabaon sa lupa sa may gubat… o kaya’y sinusunog.
Pinagmasdan ko ang duguang katawan ni Marjorie. Sa kanang tagiliran ang tama niya. Naisipan kong siya’y pulsuhan. Buhay pa siya sa pagkakataong iyon. “Halika, dali, dalhin natin siya sa hospital.” Ang sabi ko kay Vicky.
Takot na takot man ay tinulungan ako ni Vicky na buhatin si Marjorie. Ginamit namin ang sasakyan nito papuntang hospital. Walang ginawa si ang kabiyak kung hindi umiyak hanggang makarating kami sa hospital.
**********
Habang nasa operating room si Marjorie, nagtungo kami ni Vicky sa may chapel ng hospital. Lumuhod si Vicky. Humihikbi habang nanalangin.
Pinagmasdan ko ang aking asawa habang ito ay nakaluhod. Natakot ako sa maaring kahantungan ng mga pangyayari. Posibleng makulong si Vicky. Buntis pa naman siya. Ang sakit isipin na maaring ang unang anak namin ay lalaking nasa kulungan ang nanay.
Ang akala ko’y gusto ko nang mawala sa buhay ko ang aking asawa. Ang akala ko’y handa na akong makipaghiwalay sa kanya dahil sa mga hindi magandang pangyayari sa pagsasama namin. Hindi pala. Dala lamang pala ng galit ko dahil sa pag-aaway namin kaya’t nakapag-isip ako ng ganoon.
Sa pagkakataong iyon ay muli kong binalikan ang limang taong pagsasama namin.
Sa sama ng loob ko kay Vicky ay puro pala ang hindi maganda sa kanya ang nakita at naiisip ko. Nakalimutan ko ang marami niyang magagandang katangian. At maraming magandang katangian ang aking asawa.
Naalaala ko ang madalas kong ipinapayo sa mga kaybigan ko kapag nagagalit sila sa kanilang mga mahal sa buhay – na ang isang tao ay kumbinasyon ng magaganda at masasamang ugali. Kung talagang mahal mo ang isang tao dapat tanggapin mo ang katotohanang iyon, ang katotohang hindi sila perperkto, na walang perpektong tao.
Nang matapos magdasal ay naupo sa tabi ko ang aking asawa. Yumakap siya sa akin at umiyak. Noon ko muling naramdaman na mahal na mahal ko si Vicky. Noon ko napagisip-isip na ayaw ko palang mawala siya sa akin. Noon ko napagtanto kung gaano kalaki ang kasalanan ang nagawa ko sa kanya. At noon ko rin naramdaman ang matinding pagsisisi.
Sana sinundan ko na lang ang asawa ko nang lumabas siya kagabi. Kung hindi ko man siya sinundan, sana nanatili na lang ako sa bahay at hinintay ko ang kanyang pagbabalik. Sana hindi ako pumayag na sumama sa bahay ni Marjorie. Napakaraming “sana” ang pumasok sa isip ko. Pero wala na, magsisi man ako ay huli na. Nangyari na ang hindi dapat mangyari.
Hinimas ko ang tiyan ni Vicky. “Nabanggit sa akin ni Marjorie na buntis ang bestfriend niya.”
Ngumiti si Vicky. “Iyon ang sinasabi ko kagabi sa iyo na parang binalewala mo kaya ako nagtampo. Iyon sana ang magandang balitang sasabihin ko sa iyo kagabi, na sa wakas mabibigyan na rin kita ng anak, na sa wakas kumpleto na ang pamilya natin.”
Para akong pinagsakluban ng langit at lupa sa narinig kong iyon. Gusto kong sumigaw. Gusto kong iumpog ang ulo ko sa pader.
“Sorry mommy. Kasalanan ko ang lahat ng ito. Bakit ko ba nagawa iyon?”
“Hindi dad, ako ang dapat sisihin sa nangyari. Kung hindi sana ako umalis ay baka hindi nangyari ito.” Ang sagot sa akin ni Vicky.
“Kung sana’y hindi ko binalewala ang magandang balita mo sa akin eh hindi tayo nag-away at hindi ka siguradong umalis.”
Hindi na sumagot si Vicky. Hinawakan na lamang niya ang aking pisngi. Sa pisil niyang marahan ay naramdaman ko ang unawa at pagpapatawad. Ganoon madalas ang ginagawa ng asawa ko kapag tinatapos nito ang pagtatampo sa akin. Hahawakan niya ako sa pisngi at marahan niya itong pipisilin.
“Kahapon ko lang ng umaga nakumpirma sa doktor na buntis ako. Isang buwan na. Ang saya-saya dahil magkakaanak na tayo. Sasaya na ang bahay natin. Kaya lang ay parang sa loob na ng kulungan ako manganganak.” Iyon ang mangiyak-ngiyak na sinabi ni Vicky.
Posible ang sinabi ni Vicky. Iyon ang problemang susunod naming kakaharapin.
Nagdaan ang ilang oras, natapos na ang operasyon ni Marjorie. Nakita naming dinala siya sa recovery room. Maya-maya pa’y nagsidating na ang mga diumano’y kamag-anak ni Marjorie, may kasamang mga pulis.
Nag-alaala ako kung ano ang mangyayari kapag nagising si Marjorie at malaman nila kung ano ang nangyari. Dali-dali kong inilabas ng hospital si Vicky. Umuwi kami sa aming bahay.
Lumipas ang buong maghapon. Tahimik lamang kami ni Vicky sa bahay, nag-aabang kung ano ang susunod na mangyayari. Inaasahan na namin na may pulis na darating upang imbitahan kami sa presinto o arestuhin ang asawa ko. Napag-usapan namin ni Vicky na hindi siya magtatago. Papanagutan niya ang ginawa kay Marjorie.
Pinagplanuhan na namin ang lahat. Kukuha kami ng abugado at ihahanda namin ang kanyang pangpiyansa.
Subalit dalawang araw ang lumipas ay walang mga pulis ang dumating. Maaring nahihirapan ang mga pulis na hanapin ang tinitirhan namin. Kinabahan rin kaming mag-asawa na baka may nangyaring hindi maganda kay Marjorie.
“Dad, hindi ko na kaya. Hindi ako matahimik. Gusto ko nang kusang sumuko sa pulis.”
Nagulat ako sa sinabing iyon ni Vicky.
“Sigurado ka ba diyan sa gagawin mo?”
“Oo dad, pumunta tayo ng presinto, pero gusto ko munang dalawin si Marjorie sa hospital. Bahala na. Gusto kong humingi ng tawad sa bestfriend ko.”
Matapos kong pag-isipan ang mga sinabi ni Vicky ay pinagbigyan ko ang kanyang kahilingan. Bumalik kami sa hospital na pinagdalhan namin kay Marjorie. Pagkatapos niyon ay pupunta kami sa pinakamalapit na presinto.
*********
Sa hospital ay nasabi sa amin ng isang nurse na nagkamalay na si Marjorie at nakakapagsalita na. Nakahinga kaming mag-asawa ng maluwag sa balitang iyon. Mga dalawang araw pa daw bago siya lumabas.
Pagkatapos niyon ay lakas-loob naming tinungo ang kuwarto ni Marjorie.
Nang malapit na kami ay para akong kinabahan. Parang ayaw kong tumuloy sa kuwarto ni Marjorie. Para kasing may mangyayaring hindi maganda.
“Mommy, uwi na tayo, huwag na tayong tumuloy.” Ang sabi ko sa aking asawa.
“Nandito na tayo dad. Para rin ito sa katahimikan ng isip ko, kaylangang matapos na ito.”
Pagbukas namin ng pinto ay may apat na taong nandoon, dalawang babae at dalawang pulis na kumakausap kay Marjorie. Gustuhin ko man ay hindi ko na puwedeng itakbo palabas si Vicky.
Napatingin silang lahat sa amin, pati si Marjorie.
Inaasahan ko na na galit na sasabihin kaagad ni Marjorie sa mga pulis na si Vicky ang may kagagawan niyon sa kanya. Pero…
“Tuloy kayo.” Ang nakangiting paanyaya ni Marjorie sa amin. Nagulat ako. Maging si Vicky ay man hindi makapaniwala. Taliwas iyon sa aming inaasahan.
“Mamang pulis, silang mag-asawa ang nagdala sa akin dito sa hospital. Sila iyong sinasabi ko sa inyong bisita ko nang madulas ako sa kusina at aksidenteng nadapaan ko ang kutsilyong hawak ko. Mabuti na lang nandoon sila. Kung hindi, malamang ay patay na ako ngayon.”
Nagaatubili man ay lumapit si Vicky kay Marjorie. Nagyakapan at nagiyakan ang magkaybigan.
“Sige miss.” Ang sabi ng isang pulis.
“Hindi na kami magtatagal. Sinisigurado lang naman naming na walang foul play sa nangyari sa iyo.” Pagkasabi niyon ay lumabas na ang dalawang pulis.
“Mam, lalabas din po kami, may aasikasuhin kaming mga papeles.”
Mga kasambahay pala ni Marjorie ang dalawang babae. Lumabas din ang mga ito.
Naupo kami ni Vicky sa tabi ni Marjorie.
“Bakit mo ako kaylangang pagtakpan sa mga pulis. Grabe ang kasalanan na nagawa ko sa iyo. Pinagtangkaan ko ang iyong buhay.” Ang wika ni Vicky kay Marjorie sabay hawak sa kamay ng huli.
“Gaga ka ba bes. Ipapahamak ba naman kita. Tama na ang drama. Kalimutan na natin iyon. Kahit ano ang sabihin mo, kahit ano ang mangyari, ikaw ang bestfriend ko. Mahal na mahal kita. Alam mo iyon ‘di ba?
At nagsimulang magiyakan ang dalawa.
“At saka malaki rin ang kasalan na nagawa namin ni Alfred sa iyo. Kaya patawarin mo rin sana kami bes.”
Nagyakapan ang dalawa.
Nagpasiya akong lumabas ng kuwarto at hayaan silang magkausap.
Nagtungo ako sa chapel ng hospital. Umusal ng panalangin…humingi ng tawad…nagpasalamat na ligtas si Marjorie…nagpasalamat na hindi makukulong si Vicky… nagpasalamat na magkakaroon na kami ng anak.
– W A K A S –
TATSULOK (2)
(2nd of 3 Parts)

Pinapakinggan ko lang si M. Napakaganda ng hugis ng kanyang labi, Kaygandang pagmasdan ng bibig niya habang siya’y nagsasalita at kapag siya ay ngumingiti.
“Gusto ko lang mag-enjoy ngayong gabi kaya ako nandito, naiinip kasi ako sa bahay. Niyaya ko kanina ang bestfriend ko na gumimik, tinawagan ko siya. Pero hindi daw siya puwede, bukas na lang daw niya ipapaliwanag sa akin kung bakit. Kaya heto, gumimik akong mag-isa.”
“Ganoon ba. Gusto mo palang mag-enjoy eh bakit naman iyong problemadong katulad ko ang napili mong lapitan.”
“Mas gusto ko kasing kausap iyong mga lalaking hindi kasundo ng mga asawa nila.” Ang sagot niya sabay dantay ng kanyang kamay sa aking hita. May kuryenteng gumapang sa aking pagkatao.
Game siya.
“Hoy, joke lang ha. Baka mag-init ang…haha…ulo mo.”
Mapanukso ang mga kilos ni M. Gusto kong tumayo at iwan sya at baka kung saan pa makarating ang mga biro nya. Para kasing lasing na siya. May problema akong kinakaharap, pilit nga akong humahanap ng kalutasan. Natatakot akong baka isang problema nanaman ang aking kakaharapin kapag hindi ako umiwas.
Ngunit parang ang hirap niyang iwanan. Parang ayaw kong gawin iyon. Kaylangan ko din ng kakuwentuhan kaya sinakyan ko na lang ang trip niya.
Ibinuhos ko ang laman ng pangatlong bote ng beer sa aking baso.
“Kumuha ka nga pala ng soft drinks.”
“Softdrinks? Ang corny mo ha. Gusto ko rin ng beer, at gusto ko sa baso mo rin ako iinom,” ang wika nito sabay hila ng kanyang upuan upang lalong lumapit sa akin. “Don’t worry, wala akong rabies.”
Habang umiinom kami gamit ang iisang baso, tinanong niya ako kung puwede akong magkwento tungkol sa aking problema. Nagpaunlak ako. Sinimulan ko sa pagpapakasal namin ni Vicky, ang mga ginawa kong pagsisikap upang mapaghandaan ang aming kinabukasan, at ang mga pinagdaanan ko upang maitaguyod ang aming pagsasama. Pagkatapos niyon ay isiniwalat ko ang aking sama ng loob sa aking asawa, ang pagiging mataray nito at kaiklian ng pasensiya, at ang kanyang pagiging immature sa maraming bagay. Ngunit inamin ko rin na kahit ganoon ay mahal na mahal ko siya.
Ang paglilitanya ko’y naputol ng tumunog ang cellphone ni M. Lumabas siya ng videoke bar upang sagutin iyon. Noon ko napansin na naka-sampung bote ng beer na pala kami.
Ilang sandali pa’y bumalik na si M. “Tumawag ang katulong ko,” wika niya. “Dumating daw kasi sa bahay ang bestfriend ko. Iyong sinabi ko sa iyo kanina. Gusto daw akong makita. Bukas pa sana siya pupunta sa bahay kasama ng kanyang dyowa. Mukhang namiss ako ni bes.
Nakinig lang ako sa kanya.
“Mabalik tayo sa problema mo, Napansin ko lang, Bakit parang puro yata negative ang mga sinabi mo sa aking tungkol sa asawa mo?”
Hindi ko nasagot ang sinabing iyon ni M.
“Anyway. Hindi ko alam kung ano talaga ang nangyari sa inyo. Mas kilala ninyo ang isa’t isa. Eh ano na ang balak mong gawin ngayon?”
Hindi ko alam. Bahala na.” Sagot ko sa kanya.
Umakbay sa akin si M. Hinalikan ako sa pisngi at sinabing – “Halika, labas tayo.”
“Ha!? Saan naman tayo pupunta?”
Napatingin sa akin si M.
“Ganoon? Hindi mo alam?”
Noon ko napagtanto kung ano ang ibig sabihin ni M. Parang napahiya pa ako dahil parang napakaestupido ko para hindi ko malaman kung saan gustong magyaya ni M. Pero, hindi ko talaga kaagad naisip iyon.
“Tara na, maiinsulto ako kapag tumanggi ka.” Hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ko.
Unti-unting akong iniiwan ng tamang pangangatwiran. Nilunod na marahil ng alak ang kakayahan kong timbangin kung alin ang tama at mali. Para akong naging sunod-sunuran kay M. Isa siyang tuksong napakahirap tanggihan. Para siyang apoy na nakakadarang at ako naman ay isang kahoy na pinarupok ng kinasadlakan kong suliranin. Kay dali kong nagliyab.
Pagkakuha ko ng chit at mabayaran ay lumabas kami. Papara sana ako ng taxi pero pinigilan niya ako.
“Marunong ka bang mag-drive?”
Tumango ako. Iniabot ni M sa akin ang isang susi.
“Hayun ang CR-V ko. Doon tayo sasakay. Sa bahay ko tayo pupunta.”
Nang nasa loob na kami ng sasakyan niya ay binuksan niya ang navigation device nito.
“Ise-set ko na ito. Sundan mo na lang.”
Habang ako’y nagda-drive ay nakapatong sa hita ko ang isang kamay ni M. Naidlip siya.
Napakainit ng kamay niyang iyon. Nakakapaso. Bangkay lamang ang hindi makakaramdaman ng init sa ganoong pagkakataon. At ako ay buhay.
Mula ng ikasal kami ni Vicky ay sa pagkakataong iyon lamang ako muling sumama sa isang babae. Noong nag-aaral pa ako sa kolehiyo at bago magpakasal ay may kapilyuhan. Subalit pinilit kong magbago alang-alang sa aking asawa. Subalit pakiramdam ko’y nababale-wala lamang lahat ng iyon.
Naisip ko sa oras na iyon na noon lamang ako makakaranas na lumabas kasama ang isang babaeng katulad ni M. Batid kong kalimitan na pera lamang ang habol ng mga babaeng katulad niya. At handa ako sa pagkakataong iyon. Pero nagtataka akong sa bahay pa niya kami pupunta, bakit hindi na lamang sa isang motel.
Pilit pa rin akong umiisip ng paraan upang makaiwas. Pero wala na. Subong-subo na ako.
Nasa isang subdivision ang bahay niya. Maganda’t malaki ang bahay ni M, kumpleto ang gamit. Ang sabi niya’y katas ng Japan lahat ng iyon. Iyon daw ang mga pinagpaguran niya sa ilang taong pagtatrabaho doon.
Walang sumalubong sa amin. Marahil tulog na ang mga kasama niya sa bahay. Sa kuwarto niya kami tumuloy. Naupo kami sa kanyang kama. Humawak siya sa aking baywang at inihilig ang kangyang ulo sa kaliwa kong balikat.
“Sino ba ang mga kasama mo dito.” Tanong ko sa kanya.
“Ang asawa ko,” mabilis niyang sagot na ikinagulat ko.
“Joke, joke, joke! Natakot ka ano? Hoy, dalaga pa ako ano.”
Tumayo ito, tumalikod at walang kiyemeng hinubad ang suot na jeans at t-shirt habang lumalapit sa kanyang aparador. Isinunod hubarin ang kanyang bra. Mula sa kinauupuan ko’y kitang-kita ko ang magandang hubog ng kanyang katawan.
Nang muli siyang lumapit sa akin ay suot na niya ang isang manipis na pantulog.
“Sino kako ang kasama mo dito.” Muli kong tanong.
“Kami lang ng kapatid kong babae at tatlong katulong ang nakatira dito. Ulilang lubos na kami. Ang kapatid ko’y nasa Baguio ngayon. Siyanga nga pala, teka lang ha, diyan ka muna, silipin ko lang ang bestfriend ko. Magsa-shower na rin ako doon.”
Bago siya lumabas ay humalik siya sa aking labi. At pagkatapos ay itinulak ako pahiga sa kama niya.
“Don’t go away… I’ll be back!”
Lumabas siya ng kuwarto. Nanatili akong nakahiga sa kama. Ipinikit ko ang aking mga mata. Hindi ko na kontrolado ang pagkakataon. May pagkakataon na akong umalis. Pero parang ang hirap gawin. Ayaw kong gawin.
Bumangon ako’t pumasok sa CR sa kuwarto niya.
Nagshower ako. Nagbabakasaling mahimasmasan ako kapag nadampian ang bungo ko ng malamig na tubig.
Walang epekto. Kapag pumipikit ako’y si M na nakasuot ng manipis na pantulog ang sumasagi sa isip ko.
Hinayaan ko na kung saan ako dadalhin ng agos ng kapalaran. Nilunod ba ng alak ang ang pag-iisip o nabihag ako ng kagandahan taglay ni M? O gusto ko lang ibsan ang mga hinanakit ko kay Vicky?
**********
Nang bumalik si M sa kuwarto’y may dala itong kape.
“Maupo muna tayo dito sa sahig,” ang paanyaya niya.
Pagkaupo ko’y humiga naman siya nakatagilid na paharap sa akin, itinukod nito ang isang kamay sa ulo. Pareho kaming humihigop ng kape habang nag-uusap.
Napakanipis talaga ng pantulog na suot niya. Hindi ko mapigilang hagurin ng tingin ang kanayang kabubuan – mukha, dibdib, puson, pababa sa hita. At hindi lingid iyon sa kanya.
“O, relax ka lang.” Pabiro nitong sabi.
Nangiti ako sa tinuran niyang iyon.
“O, kumusta na ang bisita mo?” Ang tanong ko sa kanya.
“Buntis daw siya. Kukuhanin daw akong ninang. Saka na lang daw ako bumalik sa Japan pagkapanganak niya. Kako, loka ba siya. Kaylangang kong bumalik doon hanggang next month. Pero nagngako ako sa kanyang babalik ako dito kapag nagpabinyag na siya.”
“Ano ang sabi niya?”
“Okay daw… Hayun, natulog na. Sabi ko kasi na may bisita akong guwapo. Sabi niya hinay-hinay lang daw. Sagot ko sa kanya na hindi ko maipapangako sa kanya iyon. Kako depende sa iyo.”
“Naku, napakapilya mo talaga.”
Ilang sandali pa’y naubos na ang kape namin. May namagitan sa amin na sandali ng katahimikan. Nagkakatinginan lamang kami.
“Kaya mo ba akong buhatin?” Ang tanong niya.
Pinaunlakan ko ang kanyang hamon. Binuhat ko siya at dahan-dahang inihiga sa kama.
Mula sa pagkakahiga’y tumayo siya sa harapan ko.
Mahigpit niya akong niyakap at pagkatapos ay marundob na humalik sa aking labi.
Napakainit nang mga labi niya. Nakakapaso.
Umupo siya sa gilid na kama.
Tumingala siya’t tumingin sa akin… habang ibinababa niya ang zipper ng aking pantalon.
Hindi na ako nakaiwas.
Ayaw kong umiwas.
Hindi ako bato.
Hindi ako santo.
**********
Nang idilat ko ang aking mga mata kinabukasan ang nakangiting si M ang bumungad sa akin. Nakaupo ito sa may sahig at sa harapan niya’y may dalawang tasa ng kape.
“Good morning! Halika na, kape muna tayo. Hay naku, day off pala ng mga katulong ko ngayon. Kaaalis lang nila. Pero may nagluluto sa baba, iyong bestfriend ko. Mabuti na nga lang at dumating siya. At mukhang ayaw pang umuwi.”
Tumango lamang ako. Bigla kong naalaala si Vicky. Kinuha ko ang aking mga damit at pumasok ako sa CR. Doo’y naghilamos ako at nanalamin. Noon ko unti-unting napagisip-isip kung ano ang ginagawa ko. May problema akong mabigat, pero hindi ko man lang naisip na mukhang problema din itong aking pinapasukan.
Sa isip ko’y may bahid ng pagsisisi sa nangyari sa amin ni M. Alam kong hindi dapat nangyari iyon. Pero magsisi man ako’y nangyari na ang nangyari.
Paglabas ko ng CR ay umupo ako sahig sa harapan niya. Habang hinihigop ko ang kape’y iniisip ko si Vicky. Maaring nakabalik na siya ng bahay. Iniisip ko kung ano ang mangyayari sa amin kapag nagkita kami. Bahala na siya kung anong desisyon ang kanyang gagawin. Nakahanda na ako kung humantong man sa hiwalayan ang problema namin.
“Ang lalim ng inisip mo ah! Asawa mo ba? Wow, selos ako niyan,” ang biro sa akin ni M.
Ngiti lang ang isinagot ko sa kanyang mga sinabi. Wala naman akong dapat ipaliwanag sa kanya. At pareho naming alam na wala kaming responsibilidad sa isa’t isa. Ang nangyari’y nangyari na. At maaring hanggang doon na lang iyon.
Pinagmasdan ko ang magandang mukha ni M. Naalaala ko ang nagdaang magdamag. Sumagi sa isip ko na ano kaya kung seryosohin ko ito kapag nagkahiwalay kami ng asawa ko. Eh ano kung Japayuki siya, puede naman siyang magbago kapag magkasama na kami. Kaya ko siyang baguhin. Pero sa palagay ko’y hindi ako niya seseryosohin. Ang nangyari sa amin ay isang “one night stand” lang. Pag-alis ko sa bahay niya ay siguradong makakalimutan niya agad ako.
“Hoy! Baka matunaw ako sa titig mong iyan.”
Pagkatapos niyang sabihin iyon ay lumapit siya sa at humilig siya sa aking kanang balikat. Hinawakan ko ang pisngi nito. Para bang nakaramdam ako ng panghihinayang kay M.
siya at naupo sa upuan sa harap ng kanyang tokador. Nagsusuklay siya habang nakaharap sa salamin. Ako nama’y naupo sa kanyang kama’t pinagmamasdan ko siya.
“Sana ay huwag mong isipin na gabi-gabi ay may isinasama ako dito na lalake.”
“Hindi ako nag-iisip ng ganyan.” Ang tugon ko. “Hindi ako mapanghusgang tao.”
“Salamat naman kung ganoon. Maniniwala ka bang ikaw pa lamang ang unang lalake na isinama ko dito sa bahay? Gusto ko lang talagang magkaroon ng ka-date kagabi. Aywan ko ba, bigla na lang kasi akong nalungkot kahapon, para bang naramdaman kong gusto ko ng may kasama.
Tumatango-tango lamang ako habang nakikinig sa kanya.
Tumigil siya ng pagsusuklay at humarap sa akin.
“At saka alam mo, iba ang dating mo sa akin, aywan ko ba. Kung mga teenagers nga lang tayo baka sabihin kong na-love at first sight ako sa iyo. Corny ko ano, pero totoo iyon. Gusto talaga kita.”
Pilit kong inuunawa ang sinasabi ni M.
“Naiintindihan mo ba ako?”
“Oo naman. Natutuwa ako sa mga naririnig ko. Salamat.” Sagot ko sa kanya.
Totoo ang sagot kong iyon. Nakakatuwa ang mga sinabi niya. Pero sayang na sayang dahil gustuhin ko man ay hindi puwedeng ipagpatuloy kung ano man ang nasimulan namin. Sa araw na iyon ay pareho namin iyong tutuldukan.
TATSULOK (1)
(1st of 3 Parts)

Pinihit ko ang doorknob. Hindi ko maitulak pabukas ang pinto ng aming kuwarto, mabigat. Nakasandal doon si Vicky, kapag bubuksan ko ang pinto’y itutulak nito pasara . Impit man ang iyak ng aking asawa’y naririnig ko mula sa salas sa dahilang sakmal na ng katahimikan ang paligid. Halos hatinggabi na kasi noon at ang tanging maririnig ay ang manaka-nakang pagtahol ng aso sa labas at ang ugong ng trycycle na naghahatid-sundo ng mga trabahador sa isang pabrika malapit sa amin.
Muli kong pinihit ang doorknob at dahan-dahan ko itong binuksan subalit hindi ko pa ito masyadong naiaawang ay itinulak nanaman niya pasara kasabay ang isang malakas na bulyaw.
“Lumayas ka rito, wala kang kuwentang tao, demonyo ka!”
Tiyak kong narinig ng aming mga kapitbahay ang kalabog ng pinto at sigaw na iyon ni Vicky. Maliban na lang kung natutulog na sila. Halos dikit-dikit kasi ang mga kabahayan sa lugar namin. Nahihiya ako sa dahilang alam nilang isa akong guro. May mga estudyante pa naman akong nakatira malapit sa amin.
“Buksan mo ito, mag-usap tayo ng maayos,” ang pakiusap ko sa aking asawa. “At please lang, huwag ka namang sumigaw o, nakakahiya sa mga kapitbahay natin.”
“Wala akong pakialaman sa kanila, umalis ka na rito, wala na tayong dapat pagusapan pa. How dare you say na nakakahiya samantalang ikaw itong nagsisisigaw kanina.”
Hindi na ako nagpumilit pumasok. Batid ko kung paano magalit si Vicky at alam ko rin kung papaano ako mainis. Tiyak na lalala ang away namin. Minabuti kong bumalik na lamang sa salas. Doon tumambad sa aking paningin ang mga kalat sa sahig dahilan upang manumbalik sa aking ala-ala ang nangyari sa nakaraan mga sandali.
Alas-nuwebe na ng maka-uwi ako galing sa pinagtuturuan kong kolehiyo, pang-gabi kasi ang klase ko kapag MWF.
Mababaw lang dahilan ng hindi namin pagkakaintidihan ng gabing iyon – medyas. Ubod kasi ng sinop ang aking asawa at ayaw na ayaw nitong nakakakita ng kalat lalo na kung bagong linis ang bahay. Pero hindi ko naman sinasadyang lumampas pala ang mga medyas ko sa lagayan ng maduming damit nang ihagis ko doon ang aking pinagbihisan. At hindi nga nalingat sa pansin ni Vicky ang mga medyas na nagkalat sa sahig.
“Ano nanaman bang kalat ito, kalilinis ko lang ah. Pulutin mo nga!” Halatang inis ang aking kabiyak.
“Sige, mamaya na lang, maghain ka muna’t gutom na gutom na ako.”
“Bahala ka, kapag hindi mo pinulot iyan, hindi kita ipaghahain.”
Sa narinig kong iyon ay gusto kong mainis, subalit may maikli pang pisi akong nahila sa aking pasensya. At para wala ng diskusyon, pinulot ko na ang medyas at inihagis sa dapat kalagyan.
“Ganyan… that’s my boy! Susunod ka din pala eh…” Patuyang sabi ni Vicky sabay bukas ng gas stove upang iinit ang aming pagkain.
Ang pagod at gutom ko’y nahaluan pa ng kaunting inis. Pinili kong manahimik na lamang dahil ayaw ko ng away.
Nang makapaghain siya’y tinawag ako upang kumain. Sa lamesa ay wala akong kibo, hindi dahil sa inis. Wala na sa isip ko ang nangyari ilang minuto lang ang nakalipas. Sa nagmamahalan ay maliit na bagay lamang iyon. Pagod lamang ako kaya ganoon. Iniisip ko rin ang mga patong-patong na gawain sa iskul.
May sinabi si Vicky. Naulinigan ko ang ilang bahagin ng sinabi niya pero wala roon ang aking atensyon.
“Hoy! Ano ba! Salita ako ng salita, hindi mo ako pinapansin.”
“Ha, eh…” bigla akong naalimpungatan. “Pasensiya na… may iniisip kasi ako. Ano nga iyon? Doktor, ba kamo? Galing ka ba sa doktor, may sakit ka ba?
“Wala, kalimutan mo na iyon, basta naman tungkol sa akin ay…”
“Mommy, please, huwag mo nang ituloy.” Hindi ko hinayaang matapos pa ni Vicky ang gusto niyang sabihin. “Sorry na, medyo lumilipad lang ng kaunti ang isip ko kanina.”
Walang akong narinig na tugon mula sa aking asawa, nakatitig lamang ito sa kanyang pinggan.
At parang nag-asal bata si Vicky. Malumanay na pinapalo-palo ang kanyang pinggan ng hawak na kutsara. Walang tigil niyang ginagawa iyon, paulit-ulit.
Pinilit kong huwag na lamang siyang pansinin. Patuloy lang ako sa pagkain.
Maya-maya pa’y nagsimula akong mairita sa ginagawa nito. Nakiusap akong iyon ay kanyang tigilan. “Mommy , kain ka na, sorry na. Pagod lang ako kaya’t parang lutang ang isip ko.” Habang sinasabi ko iyon ay masuyo kong hinahaplos ang pisngi niya.
Walang epekto. Patuloy pa rin siya sa ginagawa. Sadya nga yatang nang-iinis.
At ganoon na nga ang nangyari. Napundi na ako.
“Ayaw mo ba talagang tumigil, ha!” Pasigaw kong sabi sabay hawak sa kanyang kamay. Pilit kong inagaw ang kutsara. Napahigpit yata ang hawak ko sa kanyang kamay. Pinalo niya ng tinidor ang aking kamay.
Nasaktan ako. Mabilis ang aking naging reaksyon. Hinila ko siya papunta sa aming upuan sa sala at doo’y patulak ko siyang iniupo. Nagdidilim na ang paningin ko noon, hindi na ako makapagisip ng malinaw. Nasaktan marahil sa pagkakasadlak ko sa kanya sa upuan, sinipa ako ni Vicky sa aking hita dahilan upang sa unang pagkakataon ay masampal ko siya. Galit na galit na ako noon, parang gusto kong muli siyang sampalin. Mabuti na lamang at ako’y nakapagpigil at ang napagbalingan ko ng galit ay ang chessboard na nakapatong sa aming lamesita . Inihampas ko iyon ng buong lakas sa aming sahig kasabay ang isang malakas na sigaw, “Sobra ka na!”. Nagkalasog-lasog ang chessboard at nagsalimbayan kung saan-saan ang mga piyesa sa loob nito. Napatayo ang asawa ko at dali-daling pumasok sa aming kuwarto.
Gigil na gigil ako, gusto kong muling sumigaw, gusto kong magwala, gusto kong sundan sa loob ng kuwarto si Vicky at komprontahin. Napatunayan ko sa pagkakataong iyon na may dulo pala ang pisi ng aking pasensiya.
Mga ilang minuto lang at unti-unti napawi ang nagaalimpuyong galit sa aking dibdib. Gumapang muli ang katinuan sa nalalabuan kong pag-iisip. Noon ko napagisip-isip ang mga nangyari, ang mga nagawa ko.
Gusto ko ngang magpaliwanag kay Vicky, humingi ng patawad kaya ko siya sinundan sa kuwarto. Pero ayaw niya akong pakinggan.
Naupo ako’t nag-isip. Pinagmasdan ko ang paligid. Wala na, sira na ang chessboard na regalo ng mga estudyante ko noong nakaraan kaarawan ko. Wasak ito at ang ilang mga piyesa ng chess ay nagkasira-sira. Nakakahinayang din na nagkaroon ng lamat ang malaking salamin sa salas. Regalo pa naman iyon noong ikinasal kami ni Vicky. Tinamaan siguro iyon ng isang piyesa ng chess.
Naisip kong hindi pala ako mabuting tao. Sinaktan ko si Vicky. Isang bagay na ipinangako ko sa sarili kong kaylan man ay hinding-hindi ko gagawin. Nangako akong hindi ko tutularan ang aking ama na nakita kong minsan na sinampal ang aking nanay – pangakong nasira ng gabing iyon. Namamana ba ang pananankit sa asawa?
Hindi pala totoo ang madalas nilang sabihin na ako’y isang ulirang asawa. Wala nga akong bisyo. Wala rin sa bokubularyo ko ang alak at babae. Hindi rin ako mahilig sa barkada. Ganoon pa man, wala pa rin akong kuwentang asawa. Sinaktan ko si Vicky, nanakit ako ng babaeng walang kalaban-laban.
Alam kong mali na napagbuhatan ko siya ng kamay. Parang nasagad lang kasi ako. Sa limang taon naming pagsasama labis ang kabaitang ipinakita ko sa kanya. Wala na siyang masasabi pa. Aywan ko lang pero iyong ang pananaw ko. Wala nga akong masamang bisyo. Ni kusing walang bawas na ibinibigay ko sa kanya ang aking suweldo. Pagkagaling ko sa trabaho diretso ako kaagad ng bahay. Tinutulungan ko din naman siya sa mga gawaing-bahay kahit papaano. Wala akong nalalaman na puwede niyang isumbat sa akin.
Hindi ko na alam kung paano magiging maganda ang aming pagsasama. Nakapagtataka na sa loob na isang linggo ay dalawa hanggang tatlong beses kaming mag-away at kadalasang mababaw lamang ang dahilan. Minsan sa panonood ng TV, ang gusto ko ay basketball, siya naman ay ang mga tele-serye. Kapag inilipat ko kahit sandali upang silipin lang ang score ay nagagalit kaagad ito. Makalimutan ko lang na isara ang pinto ng banyo, nakasigaw agad ito. At nang gabing iyon, hindi ko lang napansin na may sinasabi pala siya, ganoon ng ang nangyari. Adjustment period pa rin ba itong matatawag o talagang malabo kaming magkasundo.
Ang opinyon ng ibang tao ay kaya kami madalas mag-away ay dahil wala pa kaming anak. Sinadya naming magkontrol sa unang tatlong taon ng pagsasama namin. Noong gusto na namin ay hindi naman kami palarin na magkaroon ganoong ayon sa aming doktor ay pareho namin kaming walang diperensiya . Pero hindi ako naniniwala na iyon ang dahilan. Talagang napakarami naming incompatibilities.
Matagal akong nakatayo sa harap ng salamin. Hindi ko alintana ang ngalay. Tinitignan ko ang sarili kong repleksyon sa salamin. Parang kinakausap ko ito. Tinatanong ko kung ano na ang mangyayari, ano na ang dapat kong gawin. Naroong sumagi sa isip kong lumabas at maglibang na lamang. Naisipan ko ring layasan na lamang si Vicky o hamunin siya ng hiwalayan. Tutal, hindi din naman kami magkasundo. Ano ba ang saysay ng pagsasama namin kung lagi na lamang kaming nagbabangayan.
Ilang minuto pa ang lumipas. Bumukas ang pintuan ng aming kuwarto. Mula doo’y humahangos na lumabas ang aking asawa, may bitbit na malaking bag at dali-daling lumabas ng bahay at padabog na isinara ang pintuan.
Tila naunahan niya ako sa binabalak kong gawin.
Hindi ko pinigilan si Vicky, sinilip ko lamang siya mula sa bintana. Pinara nito ang dumaang tricycle at doo’y sumakay. Hindi ko maintindihan ang aking damdamin sa pagkakataong iyon. Parang nagsisisi ako na hindi ko siya pinigilan ngunit parang may bahagi rin ng pagkatao ko na nagagalak na umalis siya.
Iyon ang unang pagkakataong nagalsa-balutan si Vicky. Napagisip-isip kong baka lumaki ang ulo nito’t isipin na pipigilan ko pala siya sa ganoong pagkakataon at sa tuwing magaaway kami ay gagawin niyang panakot ang paglalayas. Kaya’t tama lamang na hindi ko siya pinigilan.
At pagod na rin akong maghabol, pagod na akong manuyo. Tuwing mayroon kaming hindi pagkakaintindihan, ako man o hindi ang may pagkukulang, ako ang nauunang sumusuko para lang matapos na ang aming gusot. Ayaw ko kasing nakikitang malungkot siya at nagdaramdam. Bukod doon, ayaw ko ring may mabigat akong dalahin sa isip o damdamin kapag humaharap ako sa mga estudyante sa klase. Naaapektuhan kasi ang performance ko sa trabaho.
Nawala na sa pandinig ko ang ugong ng makina ng tricycle na sinakyan ni Vicky. Mula sa harap ng salamin ay sumadlak ako sa sahig. Isinandal ko ang aking ulo sa pader at napatingin ako sa kisame. Pumikit ako at muling nag-isip. Muling pumasok sa isip ko ang makipag-hiwalay na lamang sa aking asawa. Maraming beses ko siyang inuunawa, lagi na lamang ako ang nagpapaubaya. Pakiramdam ko’y wala ng mangyayaring maganda sa pagsasama namin. Mas madalas kaming mag-away kaysa maglambingan. Sabagay, baka iyon din naman ang gusto na niyang mangyari kaya siya nag-alsa balutan.
Pumasok ako sa aming silid upang magbihis. Nagpasiya akong lumabas upang makapag- isip nang mas malinaw – hindi upang sundan ang naglayas kong asawa. At kahit gusto ko siyang sundan ay hindi ko alam kung saan siya nagpunta.
**********
Habang nakasakay ako sa jeep, inisip ko kung saan maaaring tumuloy si Vicky. Tiyak na hindi sa mga biyenan ko o sa mga kapatid niya. Alam niyang kasundong-kasundo ko ang mga miyembro ng pamilya niya. Alam niyang katulad sa mga naging tampuhan namin noon na ako ang kakampihan ng mga magulang niya’t kapatid at siya nanaman ang pagagalitan. May kutob akong ang pinuntahan niya ay ang kumare naming si Maribel. Kung doon siya nagpunta eh sigurado magtetext o tatawag sa akin iyon. Kung hindi man eh baka doon siya nagpunta kina Marjorie, ang bestfriend niya na isang OFW. Hindi ko na maalaala kung ano ang apelyido ni Marjorie – Concepcion ba o Contreras. Kamakaylan nga pala ay nabanggit ni Vicky sa akin na magbabaksyon sa Pilipinas si Marjorie.
Kahit minsan ay hindi ko pa nakita ng personal si Marjorie, sa mga larawan lang, at matagal-tagal na rin iyon, hindi ko na nga masyadong matandaan ang mukha nito. Madalas siyang ikuwento sa akin ng asawa ko, higit pa raw sa magkapatid ang kanilang turingan. Siya sana ang bridesmaid ni Vicky noong kami ay ikasal, kaya lang biglaan ang pagalis nito papunta sa bansang pinagtatrabahuhan.
Bumaba ako ng jeep. Naisip kong puntahan sinoman sa mga kaybigan ko subalit nahihiya akong abalahin ang kanilang pamamahinga sa ganoong oras. Naghanap ako ng internet café. Sarado lahat. Pasado alas-dose na kasi ng hating-gabi. Sa isang videoke bar na lamang ako nagpasyang pumasok.
Kaunti lang ang kustomer ng gabing iyon, isang linggo pa kasi bago ang sahod. Sa isang lamesa sa may sulok malapit sa pinto ako naupo. Dali-daling lumapit sa akin ang isang waiter at umorder ako ng tatlong bote ng beer at kalahating fried chicken.
Sa pagkakatanda ko eh iyon pa lamang ang pangatlo o pangapat na beses kong pagpasok sa ganoong lugar. Hindi ko kasi nakasanayan ang barkada at pag-inom. Bukod doon, ano ba ang napapala ng mga lasenggo? Iinom ng pagkadami-dami tapos kinabukasan ay makakaranas ng hang-over, magsusuka at sasakit ang ulo. Pagkaminsan naman, sa sobrang kalasingan, ay nakakagawa ng mga masamang desisyon na saka pagsisihan matapos lumipas ang epekto ng alak. Minsan ay magiging makulit tapos ay mapapaaway at maaaring kung hindi ospital ay kulungan o sementeryo ang hahantungan.
Kung hindi lang dahil sa nangyari sa bahay ay malabong mapadpad ako sa lugar na iyon.
Nangangalahati na ako sa pangalawang bote ng lapitan ako ng isang babae. Mahirap sabihin kung isa siyang GRO o customer ding katulad ko. Pero hindi naman siguro pupunta sa ganoong lugar ang isang babae kung walang kasama. Mas malamang na GRO siya.
May kadiliman man sa napuwestuhan ko’y naaninag ko ang ganda ng hugis ng mukha at hubog ng katawan ng babae. Parang pamilyar ang mukha niya. Hindi ko lang maala-ala kung saan ko siya nakita. Napaisip tuloy ako na baka dati ko siyang estudyante. Huwag naman sana.
“Puwede bang makipagkuwentuhan?”
Iyon ang bungad niyang tanong. Tumayo ako’t kumuha ng kanyang mauupuan.
“Wow naman , gentleman ha,” sabi nito sabay haplos sa aking pisngi.
Napakalambot ng palad niya. Napakabango niya.
“Salamat! Ako nga pala si ah… M.
Hindi ko malaman kung letrang M ba ang narinig ko o may kasama bang E sa unahan ang letrang M. O baka naman bukod sa E eh may H pang kasama iyong M.
“Letrang M lang ba o may kasamang E o E-H?”
“Bahala ka na kung alin. M… o Em… o Ehm… pare-pareho lang. Magkakasingtunog lang naman. Puwedeng M na lang as in maganda, o puwede rin namang M as in maharot. Puwede ring M as in masarrapppp.
Nangiti ako sa sinabi niyang iyon.
“Ayon, mas guwapo ka pala kapag nguminigiti. Kanina pa kasi kita pinagmamasdan mula sa kinauupuan ko. Napakesersyoso mo. Teka… ikaw, may pangalan ka ba?”
“Alfred.”
“Ah… Alfred. Parang may kilala akong Alfred.”
“Malamang. Maraming may pangalang Alfred.”
“Sabagay. Tama ka.”
Hinawakan ni M ang aking kamay. Nadako ang kamay niya sa suot kong wedding ring.
“Uy, married ang mama ha.” Kantiyaw niya habang pinaikotikot ang aking singsing.
“Let me guess kung bakit ka nandito. Nag-away kayo ng asawa mo! Right? Come on, don’t deny!”
Isang matipid na ngiti lamang ang itinugon ko kay M.
“Hay salamat, ako lang pala ang kaylangan para mangiti ka palagi. Alam mo, ilan lang naman ang dahilan kung bakit ang mga married men ay pumapasok sa ganitong lugar. Una, bisyo. Eh di ka naman mukhang lasenggo. Pangalawa, babae. Wala naman sa itsura mo na babaero ka. Tingin ko naman di ka manyakis. Aywan ko lang ha. Pangatlo, problema sa asawa. Iyan ang hindi mo maikakaila. Para ka kasing pinagsakluban ng langit at lupa.”
“Oo nga eh,” ang sagot ko. “Gusto ko lang talagang magpalipas ng oras kaya ako nandito. Kung may bukas lang sana na internet café o sinehan, mas pipiliin kong doon pumunta.”
“So, mahilig ka ring mag-computer. Mahilig rin akong mag-chat at gumamit ng social media. I-add mo ako sa FB mo ha.”
Tumango na lang ako. Hindi ko naman magagawa iyon dahil hindi naman niya ibinigay ang buo niyang pangalan.
“Mabuti na lang pala at sarado ang mga computer shops ano. Hindi sana tayo nagkakilala. By the way, ano nga palang trabaho mo?
Teacher ako sa isang kolehiyo. I.T. subjects ang itinuturo ko.
“Wow naman.” muli niyang hinaplos ang mukha ko. Kaysarap damhin ng kamay niya. Nakakaginhawa sa pakiramdam.
“Puedeng magpa-tutor sa computer? Gusto ko matutong guwama ng videos. Balak ko kasing mag-vlog. Gusto ko ring maging YouTuber.”
Tinanguan ko lamang siya. Para kasing hindi naman siya seryoso sa mga sinasabi.
By the way, kustomer din ako dito. Siguro kanina inisip mo nagtatrabaho ako rito ano? Pero sa club din ako nagtatrabaho, sa Japan nga lang. Dancer ako doon. Isa akong Japayuki. Kararating ko lang noong isang araw. Pero siguro mga dalawang linggo o hanggang isang buwan lang ako dito sa atin dahil babalik din agad ako sa Japan. May mahalagang-mahalaga lang akong dapat gawin dito.”
Pinapakinggan ko lang si M. Napakaganda ng hugis ng kanyang labi, Kaygandang pagmasdan ng bibig niya habang siya’y nagsasalita at kapag siya ay ngumingiti.




