TATSULOK (1)

(1st of 3 Parts)

triangle

Pinihit ko ang doorknob. Hindi ko maitulak pabukas ang pinto ng aming kuwarto, mabigat. Nakasandal doon si Vicky, kapag bubuksan ko ang pinto’y itutulak nito pasara . Impit man ang iyak ng aking asawa’y naririnig ko mula sa salas sa dahilang sakmal na ng katahimikan ang paligid. Halos hatinggabi na kasi noon at ang tanging maririnig ay ang manaka-nakang pagtahol ng aso sa labas at ang ugong ng trycycle na naghahatid-sundo ng mga trabahador sa isang pabrika malapit sa amin.

Muli kong pinihit ang doorknob at dahan-dahan ko itong binuksan subalit hindi ko pa ito masyadong naiaawang ay  itinulak nanaman niya pasara kasabay ang isang malakas na bulyaw.

“Lumayas ka rito, wala kang kuwentang tao, demonyo ka!”

Tiyak kong narinig ng aming mga kapitbahay ang kalabog ng pinto at sigaw na iyon ni Vicky. Maliban na lang kung natutulog na sila. Halos dikit-dikit kasi ang mga kabahayan sa lugar namin. Nahihiya  ako sa dahilang alam nilang isa akong guro. May mga estudyante pa naman akong   nakatira malapit sa amin.

“Buksan mo ito, mag-usap tayo ng maayos,” ang pakiusap ko sa aking asawa. “At please lang, huwag ka namang sumigaw o, nakakahiya sa mga kapitbahay natin.”

“Wala akong pakialaman sa kanila, umalis ka na rito, wala na tayong dapat pagusapan pa. How dare you say na nakakahiya  samantalang ikaw itong  nagsisisigaw kanina.”

Hindi na ako nagpumilit pumasok. Batid  ko kung paano magalit si Vicky at alam ko rin kung papaano ako mainis. Tiyak na lalala ang away namin. Minabuti kong bumalik na lamang sa salas. Doon tumambad sa aking paningin ang mga kalat sa sahig dahilan upang manumbalik sa aking ala-ala ang nangyari sa nakaraan mga sandali.

Alas-nuwebe na ng maka-uwi ako galing sa pinagtuturuan kong kolehiyo, pang-gabi kasi ang klase ko kapag MWF.

Mababaw lang dahilan ng hindi namin pagkakaintidihan ng gabing iyon – medyas. Ubod kasi ng sinop ang aking asawa at ayaw na ayaw nitong nakakakita ng kalat lalo na kung bagong linis ang bahay. Pero hindi ko naman sinasadyang lumampas pala ang mga medyas  ko sa lagayan ng maduming damit nang ihagis ko doon ang aking pinagbihisan. At hindi nga nalingat sa pansin ni Vicky  ang mga medyas na nagkalat sa sahig.

“Ano  nanaman  bang  kalat  ito, kalilinis ko lang ah. Pulutin mo nga!” Halatang inis ang aking kabiyak.

“Sige, mamaya na lang, maghain ka muna’t gutom na gutom na ako.”

“Bahala ka, kapag hindi mo pinulot iyan, hindi kita ipaghahain.”

Sa narinig kong iyon ay  gusto kong mainis, subalit may maikli pang pisi akong nahila sa aking pasensya. At para wala ng diskusyon, pinulot ko na ang medyas at inihagis sa dapat kalagyan.

“Ganyan… that’s my boy! Susunod ka din pala eh…”  Patuyang sabi ni Vicky sabay bukas  ng gas stove upang  iinit ang aming pagkain.

Ang pagod at gutom ko’y nahaluan pa ng kaunting inis. Pinili kong manahimik na lamang dahil ayaw ko ng away.

Nang makapaghain siya’y tinawag ako upang kumain. Sa lamesa ay wala akong kibo, hindi dahil sa inis. Wala na sa isip ko ang nangyari ilang minuto lang ang nakalipas. Sa nagmamahalan ay maliit na bagay lamang iyon. Pagod lamang ako kaya ganoon. Iniisip ko rin ang mga patong-patong na gawain sa iskul.

May sinabi si Vicky. Naulinigan ko ang ilang bahagin ng sinabi niya pero wala roon ang aking atensyon.

“Hoy! Ano ba! Salita ako ng salita, hindi mo ako pinapansin.”

“Ha, eh…” bigla akong naalimpungatan. “Pasensiya na… may iniisip kasi ako. Ano nga iyon? Doktor, ba kamo? Galing ka ba sa doktor, may sakit ka ba?

“Wala, kalimutan mo na iyon, basta naman tungkol sa akin ay…”

“Mommy, please, huwag mo nang ituloy.” Hindi ko hinayaang matapos pa ni Vicky ang gusto niyang sabihin. “Sorry na, medyo lumilipad lang ng kaunti ang isip ko kanina.”

Walang akong narinig na tugon mula sa aking asawa, nakatitig lamang ito sa kanyang pinggan.

At parang nag-asal bata  si Vicky. Malumanay na pinapalo-palo  ang kanyang pinggan ng hawak na kutsara. Walang tigil niyang ginagawa iyon, paulit-ulit.

Pinilit kong huwag na lamang siyang pansinin. Patuloy lang ako sa pagkain.

Maya-maya pa’y nagsimula akong mairita sa ginagawa nito. Nakiusap akong iyon ay kanyang tigilan. “Mommy , kain ka na, sorry na. Pagod lang ako kaya’t parang lutang ang isip ko.” Habang sinasabi ko iyon ay masuyo kong hinahaplos  ang pisngi niya.

Walang epekto. Patuloy pa rin siya sa ginagawa. Sadya nga yatang nang-iinis.

At ganoon na nga ang nangyari. Napundi na ako.

“Ayaw mo ba talagang tumigil, ha!” Pasigaw kong sabi sabay hawak sa kanyang kamay. Pilit kong  inagaw ang kutsara. Napahigpit  yata ang hawak ko sa kanyang kamay. Pinalo niya ng tinidor ang aking kamay.

Nasaktan ako. Mabilis ang aking naging reaksyon. Hinila ko siya papunta sa aming upuan sa sala at doo’y patulak ko siyang  iniupo. Nagdidilim na ang paningin ko noon, hindi na ako makapagisip ng malinaw. Nasaktan marahil  sa pagkakasadlak ko sa kanya sa upuan, sinipa ako ni Vicky sa aking hita dahilan upang sa unang pagkakataon ay masampal ko siya. Galit na galit na ako noon, parang gusto kong muli siyang sampalin. Mabuti na lamang at ako’y nakapagpigil at ang napagbalingan ko ng galit ay ang chessboard na nakapatong sa aming lamesita . Inihampas ko iyon ng buong lakas sa aming sahig kasabay ang isang malakas na sigaw, “Sobra ka na!”. Nagkalasog-lasog ang chessboard at nagsalimbayan kung saan-saan ang mga piyesa sa loob nito. Napatayo ang asawa ko at dali-daling pumasok sa aming kuwarto.

Gigil na gigil ako, gusto kong muling sumigaw, gusto kong magwala, gusto kong sundan sa loob ng kuwarto si Vicky at komprontahin. Napatunayan ko sa pagkakataong iyon na may dulo pala  ang pisi ng aking pasensiya.

Mga ilang minuto lang at unti-unti napawi ang nagaalimpuyong galit sa aking dibdib. Gumapang muli ang katinuan sa nalalabuan kong pag-iisip. Noon ko napagisip-isip ang mga nangyari, ang mga nagawa ko.

Gusto ko ngang magpaliwanag kay Vicky, humingi ng patawad kaya ko siya sinundan sa kuwarto. Pero ayaw niya akong pakinggan.

Naupo ako’t nag-isip. Pinagmasdan ko ang paligid. Wala na, sira na ang chessboard na regalo ng mga estudyante ko noong nakaraan kaarawan ko. Wasak ito at ang ilang mga piyesa ng chess ay nagkasira-sira. Nakakahinayang din na nagkaroon ng lamat ang malaking salamin sa salas. Regalo pa naman iyon noong ikinasal kami ni Vicky. Tinamaan siguro iyon ng isang piyesa ng chess.

Naisip kong hindi pala ako mabuting tao. Sinaktan ko si Vicky. Isang bagay na ipinangako ko sa sarili kong kaylan man ay hinding-hindi ko gagawin. Nangako akong hindi ko tutularan ang aking ama na nakita kong minsan na sinampal ang aking nanay – pangakong nasira ng gabing iyon. Namamana ba ang pananankit sa asawa?

Hindi pala totoo ang madalas nilang sabihin na ako’y isang ulirang asawa. Wala nga akong bisyo. Wala rin sa bokubularyo ko ang alak at babae. Hindi rin ako mahilig sa barkada. Ganoon pa man,  wala pa rin akong kuwentang asawa. Sinaktan ko si Vicky, nanakit ako ng babaeng walang kalaban-laban.

Alam kong mali na napagbuhatan ko siya ng kamay. Parang nasagad lang kasi ako. Sa limang taon naming pagsasama labis ang kabaitang ipinakita ko sa kanya. Wala na siyang masasabi pa. Aywan ko lang pero iyong ang pananaw ko. Wala nga akong masamang bisyo. Ni kusing walang bawas na ibinibigay ko sa kanya ang aking suweldo. Pagkagaling ko sa trabaho diretso ako kaagad ng bahay. Tinutulungan ko din naman siya sa mga gawaing-bahay kahit papaano. Wala akong nalalaman na puwede niyang isumbat sa akin.

Hindi ko na alam kung paano  magiging maganda ang aming pagsasama. Nakapagtataka na sa loob na isang linggo ay dalawa hanggang tatlong beses kaming mag-away at kadalasang mababaw lamang ang dahilan. Minsan sa panonood ng TV, ang gusto ko ay basketball, siya naman ay ang mga tele-serye. Kapag inilipat ko kahit sandali upang silipin lang ang score ay nagagalit kaagad ito. Makalimutan ko lang na isara ang pinto ng banyo, nakasigaw agad ito. At nang gabing iyon, hindi ko lang napansin na may sinasabi pala siya, ganoon ng ang nangyari. Adjustment period pa rin ba itong matatawag o talagang malabo kaming magkasundo.

Ang  opinyon ng ibang tao ay kaya kami madalas mag-away ay dahil  wala pa kaming anak. Sinadya naming magkontrol sa unang tatlong taon ng pagsasama namin. Noong gusto na namin ay hindi naman kami palarin na magkaroon ganoong ayon sa aming doktor ay pareho namin kaming walang diperensiya . Pero hindi ako naniniwala na iyon ang dahilan. Talagang napakarami naming incompatibilities.

Matagal akong nakatayo sa harap ng salamin. Hindi ko alintana ang ngalay. Tinitignan ko ang sarili kong repleksyon sa salamin. Parang kinakausap ko ito. Tinatanong ko kung ano na ang mangyayari, ano na ang dapat kong gawin.  Naroong sumagi  sa isip kong lumabas at maglibang na lamang. Naisipan ko ring layasan na lamang si Vicky o hamunin siya ng hiwalayan. Tutal, hindi din naman kami magkasundo. Ano ba ang saysay ng pagsasama namin kung lagi na lamang kaming nagbabangayan.

Ilang minuto pa ang lumipas. Bumukas ang pintuan  ng aming kuwarto. Mula doo’y humahangos na lumabas  ang aking asawa, may bitbit na malaking bag at dali-daling lumabas ng bahay at padabog na isinara ang pintuan.

Tila naunahan niya ako sa binabalak kong gawin.

Hindi ko pinigilan si Vicky, sinilip ko lamang siya mula sa bintana. Pinara nito ang dumaang tricycle at doo’y sumakay.  Hindi ko maintindihan ang aking damdamin sa pagkakataong iyon. Parang nagsisisi ako na hindi ko siya pinigilan ngunit parang may bahagi rin ng pagkatao ko na nagagalak na umalis siya.

Iyon ang unang pagkakataong nagalsa-balutan si Vicky. Napagisip-isip kong baka lumaki ang ulo nito’t isipin na pipigilan ko pala siya sa ganoong pagkakataon at sa tuwing magaaway kami ay gagawin niyang panakot ang paglalayas. Kaya’t tama lamang na hindi ko siya pinigilan.

At pagod na rin akong maghabol, pagod na akong manuyo. Tuwing mayroon kaming hindi pagkakaintindihan, ako man o hindi ang may pagkukulang, ako ang nauunang sumusuko para lang matapos na ang aming gusot. Ayaw ko kasing nakikitang malungkot siya at nagdaramdam. Bukod doon, ayaw ko ring may mabigat akong dalahin sa isip o damdamin kapag humaharap ako sa mga estudyante sa klase. Naaapektuhan kasi ang performance ko sa trabaho.

Nawala na sa pandinig ko ang ugong ng makina ng tricycle na sinakyan ni Vicky. Mula sa harap  ng  salamin  ay sumadlak ako sa sahig.  Isinandal ko ang aking ulo sa pader at napatingin ako sa kisame. Pumikit ako at muling nag-isip. Muling pumasok sa isip ko ang makipag-hiwalay na lamang sa aking asawa. Maraming beses ko siyang inuunawa, lagi na lamang ako ang nagpapaubaya. Pakiramdam ko’y wala ng mangyayaring maganda sa pagsasama namin. Mas madalas kaming mag-away kaysa maglambingan. Sabagay, baka iyon din naman ang gusto na niyang mangyari kaya siya nag-alsa balutan.

Pumasok ako sa aming silid upang magbihis. Nagpasiya akong lumabas upang makapag- isip nang mas malinaw – hindi upang sundan ang naglayas kong asawa. At kahit gusto ko siyang sundan ay hindi ko alam kung saan siya nagpunta.

**********

Habang nakasakay ako sa jeep, inisip ko kung saan maaaring tumuloy si Vicky. Tiyak na hindi sa mga biyenan ko o sa mga kapatid niya. Alam niyang kasundong-kasundo ko ang mga miyembro ng pamilya niya. Alam niyang katulad sa  mga naging tampuhan namin noon na ako  ang kakampihan ng mga magulang niya’t kapatid at siya nanaman ang pagagalitan. May kutob akong ang pinuntahan niya ay ang kumare naming si Maribel. Kung doon siya nagpunta eh sigurado magtetext o tatawag sa akin iyon. Kung hindi man eh baka doon siya nagpunta kina  Marjorie, ang bestfriend niya na isang OFW. Hindi ko na maalaala kung ano ang apelyido ni Marjorie – Concepcion ba o Contreras. Kamakaylan nga pala ay nabanggit ni Vicky sa akin  na magbabaksyon sa Pilipinas si Marjorie.

Kahit minsan ay hindi ko pa nakita ng personal si Marjorie, sa mga larawan lang,  at matagal-tagal na rin iyon, hindi ko na nga masyadong matandaan ang mukha nito. Madalas siyang ikuwento sa akin ng asawa ko, higit pa raw sa magkapatid ang kanilang turingan. Siya sana   ang   bridesmaid   ni   Vicky   noong   kami   ay   ikasal,  kaya lang biglaan ang pagalis nito papunta sa bansang pinagtatrabahuhan.

Bumaba ako ng jeep. Naisip kong puntahan sinoman sa mga kaybigan ko subalit nahihiya akong abalahin ang kanilang  pamamahinga sa ganoong oras. Naghanap ako ng internet café. Sarado lahat. Pasado alas-dose na kasi ng hating-gabi. Sa isang videoke bar na lamang ako nagpasyang pumasok.

Kaunti lang ang kustomer ng gabing iyon, isang linggo pa kasi bago ang sahod. Sa isang lamesa sa may sulok malapit sa pinto ako naupo. Dali-daling lumapit sa akin ang isang waiter  at umorder ako ng tatlong bote ng beer  at kalahating fried chicken.

Sa pagkakatanda ko eh iyon pa lamang ang pangatlo o pangapat na beses kong pagpasok sa ganoong lugar. Hindi ko kasi nakasanayan ang barkada at pag-inom. Bukod doon, ano ba ang napapala ng mga  lasenggo? Iinom ng pagkadami-dami tapos kinabukasan ay  makakaranas ng hang-over, magsusuka at sasakit ang ulo. Pagkaminsan naman, sa sobrang kalasingan, ay nakakagawa ng mga masamang desisyon na saka pagsisihan matapos lumipas ang epekto ng alak. Minsan ay magiging makulit tapos ay  mapapaaway at maaaring kung hindi ospital ay kulungan o sementeryo ang hahantungan.

Kung hindi lang dahil sa nangyari sa bahay ay malabong mapadpad ako sa lugar na iyon.

Nangangalahati na ako sa pangalawang bote ng lapitan ako ng isang babae. Mahirap sabihin kung isa siyang GRO o customer ding katulad ko. Pero hindi naman siguro pupunta sa ganoong lugar ang isang babae kung walang kasama. Mas malamang na GRO siya.

May kadiliman man sa   napuwestuhan ko’y naaninag ko ang ganda ng hugis ng mukha at hubog ng katawan ng babae. Parang pamilyar ang mukha niya. Hindi ko lang maala-ala kung saan ko siya nakita. Napaisip tuloy ako na baka dati ko siyang estudyante. Huwag naman sana.

“Puwede bang makipagkuwentuhan?”

Iyon ang bungad niyang tanong. Tumayo ako’t kumuha ng kanyang mauupuan.

“Wow naman , gentleman ha,” sabi nito sabay haplos sa aking pisngi.

Napakalambot ng palad niya. Napakabango niya.

“Salamat! Ako nga pala si ah… M.

Hindi ko malaman kung letrang M ba ang narinig ko o may kasama bang E sa unahan ang letrang M. O baka naman bukod sa E eh may H pang kasama iyong M.

“Letrang M lang ba o may kasamang E o E-H?”

“Bahala ka na kung alin. M… o Em… o Ehm… pare-pareho lang. Magkakasingtunog lang naman. Puwedeng M na lang as in maganda, o puwede rin namang M as in maharot. Puwede ring M as in masarrapppp.

Nangiti ako sa sinabi niyang iyon.

“Ayon, mas guwapo ka pala kapag nguminigiti. Kanina pa kasi kita pinagmamasdan mula sa kinauupuan ko. Napakesersyoso mo. Teka… ikaw, may pangalan ka ba?”

“Alfred.”

“Ah… Alfred. Parang may kilala akong Alfred.”

“Malamang. Maraming may pangalang Alfred.”

“Sabagay. Tama ka.”

Hinawakan ni M  ang aking kamay. Nadako ang kamay niya sa suot kong wedding ring.

“Uy, married ang mama ha.” Kantiyaw niya habang pinaikotikot ang aking singsing.

Let me guess  kung bakit ka nandito. Nag-away kayo ng asawa mo! Right? Come on, don’t deny!”

Isang matipid na ngiti lamang ang itinugon ko kay M.

“Hay salamat, ako lang pala ang kaylangan para mangiti ka palagi. Alam mo, ilan lang naman ang dahilan kung bakit ang mga married men ay pumapasok sa ganitong lugar. Una, bisyo. Eh di ka naman mukhang lasenggo. Pangalawa, babae. Wala naman sa itsura mo na babaero ka. Tingin ko naman di ka manyakis. Aywan ko lang ha. Pangatlo, problema sa asawa. Iyan ang hindi mo maikakaila. Para ka kasing pinagsakluban ng langit at lupa.”

“Oo nga eh,” ang sagot ko. “Gusto ko lang talagang magpalipas ng oras kaya ako nandito. Kung may bukas lang sana na internet café o sinehan, mas pipiliin kong doon pumunta.”

“So, mahilig ka ring mag-computer. Mahilig rin akong mag-chat at gumamit ng social media. I-add mo ako sa FB mo ha.”

Tumango na lang ako. Hindi ko naman magagawa iyon dahil hindi naman niya ibinigay ang buo niyang pangalan.

“Mabuti na lang pala at sarado ang mga computer shops ano. Hindi sana tayo nagkakilala. By the way, ano nga palang trabaho mo?

Teacher ako sa isang kolehiyo. I.T. subjects ang itinuturo ko.

“Wow naman.”  muli niyang hinaplos ang mukha ko.  Kaysarap damhin ng kamay niya. Nakakaginhawa sa pakiramdam.

“Puedeng magpa-tutor sa computer? Gusto ko matutong guwama ng videos. Balak ko kasing mag-vlog. Gusto ko ring maging YouTuber.”

Tinanguan ko lamang siya. Para kasing hindi naman siya seryoso sa mga sinasabi.

By the way, kustomer din ako dito. Siguro kanina inisip mo nagtatrabaho ako rito   ano? Pero sa club din ako nagtatrabaho, sa Japan nga lang. Dancer  ako doon. Isa akong Japayuki. Kararating ko lang noong isang araw. Pero siguro mga dalawang linggo o hanggang isang buwan lang ako dito sa atin dahil babalik din agad ako sa Japan.  May mahalagang-mahalaga lang akong dapat gawin dito.”

Pinapakinggan ko lang si M. Napakaganda ng hugis ng kanyang labi, Kaygandang pagmasdan ng bibig niya habang siya’y nagsasalita at kapag siya ay ngumingiti.

Part 2

Advertisement

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer-Lifelong Learner I have three passions - teaching, writing, and learning. I am a Filipino currently residing and teaching in South Korea. I blog and vlog the things I write. I have two websites and two YouTube channels where I publish my works in my areas of interest. I also use Wattpad and Pinterest to publish my creative works. I am into research as well. Some of my articles were presented at conferences and published in indexed-journals. TO GOD BE THE GLORY!

Posted on May 13, 2020, in Fiction, Love Triangle, Maikling Kuwento, Short Story and tagged , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: