Tuwing Bubuhos Ang Ulan (4)

(4th of 7 Parts – A Novelette in Filipino)

sad rain 4

“Hoy Jeff… ate Camille… Bakit? Anong nangyayari? Magkakilala na ba kayo dati?”

“Hi… hindi. Ngayon ko lang siya nakita. Hello Jeff! Happy to meet you.”

“Same here.”

Iniabot mo sa akin ang iyong kamay. Kinamayan kita at hindi ko pa man napipisil ang  kamay mo ay binawi mo na agad ito na parang diring-diri ka.

Pagkatapos ay naupo ka mismo sa tapat ko na parang wala lang ako doon. Binabale-wala mo lang ako katulad nang ginawa ninoman sa mga taong hindi naman nila kilala. Napakalamig mo, ibang-ibang doon sa Camille na nakasama ko sa kubo.

Parang nasaktan ako pero naiiintidihan ko ang pagsisinungaling at pagkukunwari mo. Kung ako man ang unang nakapagsalita eh ganoon din ang sasabihin ko. Kapag sinabi mo kasing nagkita na tayo doon sa may kubo sa may hagdan-hagdang palayan, kahit hindi mo pa sabihing may namagitan sa ating dalawa, eh mabibisto ako ni Elena. Sinabi ko na kasi sa kanya na hindi ko pa nakikita ang lugar na iyon.

“Nasorpresa ako sa ang reaksyon ninyo kanina. Para kasing nagulat kayo pareho nang magkita kayo.” Wika ni Elena.

“Naku Elena, sa kisig ba naman ni Jeff eh kahit sinong babae ang makakita sa kanya sa unang pagkakataon eh magugulat talaga. Lalo na nga’t naka-shorts at sando lang siya oh. At tignan mo naman ang misis ko, pang beauty queen ang mukha at katawan. Kaya nagulat din si Jeff nang makita siya. Akala kasi ni Jeff na ikaw na ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa eh hindi pala. May mas maganda pala sa iyo – ang ate Camille mo.”

“Naku, kumana ka na naman Daniel. Magtigil ka na. Malay natin nagkita na sila noon at hindi lang nila matandaan kung kaylan at saan kaya ganoon ang reaksyon nila. Nangyayari talaga iyon.”

Nakayuko ka lang habang nakikinig sa usapang iyon. Napansin kong tinitignan ka ni Elena at pagkatapos ay sumusulyap din siya sa akin.

“O sige… sige… Kain na nga lang tayo.” Ang mungkahi ng nanay nina Elena.

“Oo nga para kami nitong guwapitong bayaw ko eh makapagsimula nang mag-inuman.”

“Mga anak, baka naman puwede kahit ngayon lang eh magpasalamat muna tayo bago kumain. Magapasalamant din tayo dahil  nakarating na dito sa atin si Jeff. Elena pangunahan mo ang pagdarasal.”

Nagsiyuko tayong lahat. Nakita kong nagsipikit kayo. Ako lang ang hindi. Pinagmasdan kita habang nagdarasal si Elena. Maya-maya’y nakita kong nagmulat ka ng mata. Tumingin ka sa akin. Mugto ang iyong mata. Ngumiti kang pilit. Ganoon din ang ngiti mo nang una mo akong nginitian sa kubo – pilit. Pero pinagaan ng ngiti mong iyon ang kalooban ko. Nginitian din kita at tinanguan.. Pagkatapos niyon ay pumikit kang muli. Pumikit din ako.

Masaya ako’t malungkot. Masaya ako dahil nakita kita ulit. Malungkot dahil sa sitwasyon, dahil sa pagkakataon. Hindi ko alam kung ano ang mga susunod na mangyayari.

Sa lahat ng problemang dinadala mo eh, nakaramdam ako ng awa.  At heto ako na mukhang dumagdag pa sa pasanin mo.

“Welcome to the family bayaw.” Iyon ang sinabi ni Daniel pagkatapos ng panalangin.

“O sige mga anak. Kain na tayo.”

“Tinolang manok, adobong baboy, piritong bangus, at chop suey…wow! Lakas mo Jeff kay inay ah. Apat na putahe. Sa akin kapag pumupunta ako dito eh magpipirito lang ng itlog at magbubukas ng sardinas ang inay.”

“Tama na daldal Daniel, kumain ka na lang.” Wika ng nanay nila.

“Ate… ano nga pala iyong sinasabi mong nangyari sa iyo kanina habang papunta ka rito?”

Napatingin ako sa iyo ng itanong iyon ni Elena. Tumingin ka rin sa aking bago mo ibanaling ang tingin mo kay Elena. Alam ko namang wala kang sasabihin tungkol sa atin.

sad rain2

“Doon kasi sa kubo kanina.”

Huminto ka sa pagsasalita.

“Ano ate? Ano ang nangyari sa kubo?”

“Ano kasi… parang may sumusunod sa akin habang naglalakad ako. Iyong lang naman.”

“Baka naman may isa sa mga taga-hanga mo na sumusunod sa iyo talaga kanina?” Ang sabi ni Daniel.

“Hay naku… kumain na lang tayo.” Wika ng nanay nila.

Habang kumakain tayo ay nakayuko ka lang. Tahimik na tahimik. Pinilit kong huwag mapako sa iyo ang aking paningin dahil baka mapansin iyon ni Elena eh magduda lalo at biglang nanamang umandar ang pagkaselosa. Alam kasi ni Elena ang mga ginawa ko bago kami naging magkasintahan. Alam ni Elena ang mga kahinaan ko. Alam niyang hindi ako santo… na ako’y tao lang… hindi banal.

“Dad oh…”

Sinubukan ni Elenang subuan ako ng atay ng manok. Hindi ko puwedeng tanggihan.

“Alam ko paborito mo ito.”

Napakatingin ka sa akin habang ako’y sinusubuan ni Elena. Sandali lang iyon. Binawi mo kaagad ang tingin mong iyon. Aywan ko kung may naramdaman ka ba, kung nagselos ka ba.

“Camille,” ani Daniel, “ang sweet nila oh. Baka naman ako puwede mo ring subuan.”

“Ay Daniel magtigil ka. Matapos mong away-awayin itong asawa mo eh aaasta ka ng ganyan. Kung ako si Camille eh lason ang isusubo ko sa iyo.”

“Inay naman eh. Bati na po ni Camille. Nag-sorry na po ako. Di ba ma?”

Ganoon lang ba iyon? Kung totoo lahat ang narinig ko  mula kay Elena tungkol sa mga ginagawa ng asawa mo eh sa palagay ba niya sa simpleng sorry lang mapapatawad mo na siya?

Tumango ka bilang tugon. Pero  parang pilit. Kitang-kita ko kung paano nangilid ang luha mo ng matapos sabihin iyon ng biyenan mo… ng magiging biyenan ko. Nahabag ako sa iyo. Kung puwede lang eh papahirin ko ang luha mong iyon o hahawakan kita sa kamay para gumaan ang pakiramdam ko.

Ginawa ko ang puwede kong gawin. Sinubukan ko lang. Nagbakasali akong okay lang sa iyo. Ipinatong ko ang paa ko sa paa mo sa ilalim ng mesa. Medyo parang umigtad ka noong una pero hindi mo iginilaw ang iyong paa. Hinayaan mo lang na nakapatong doon ang aking paa.

“Okay ka lang ate Camille?”

Parang nagulat ka ng tanungin ka ni Elena. Ako man eh parang  ganoon din. Iniurong mo bigla ang paa mo. Pero sandali lang eh naramdaman kong ipanatong mo ito sa paa ko. Paa mo naman ang nasa ibabaw ng paa ko. Bigla ko tuloy naalaala ang mga nangyari sa kubo… lalo na nang nagpumilit kang…

At pagkatapos niyon ay nagkiskisan tayo ng mga daliri natin sa paa. Mula sa mga panakaw na sulyapan natin ay napansin kong parang umaliwalas ang mukha mo. Nawala ang lungkot mo at naging magana kang kumain. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya noon.

Hinayaan nating sina Daniel, Elena, at ang kanilang ina ang nagsalita nang nagsalita habang tayo’y kumakain. Paminsan-minsan lang tayong sumasabat dahil abala tayo sa ginagawa ng mga paa natin sa ilaim ng lamesa. Ginawa natin iyon hanggang matapos tayong kumain.

**********

sad rain

Pagkatapos nating kumain ay nagsimula na kaming mag-inuman ng asawa mo habang  tinulungan ninyo ni Elena ang kanilang ina na maglinis sa kusina at maghugas ng mga pinggan.

Bago kami uminom at magkuwentuhan ay binukasan ni Daniel ang clutch bag at inilabas  ang isang kalbre .45. May nasilip akong parang maliliit na sachet sa loob ng bag. Malamang na drugs ang mga iyon. Patay malisya ako, kunwari ay hindi ko nakita. Nililinis ni Daniel ang kanyang baril habang umiinom. Mabilis tumagay si Daniel. Parang soft drinks lang kung inumin nito ang alak. Halatang batikan siyang manginginom. Ayaw kong sabihing alcoholic siya pero parang ganoon na nga. Ako nama’y hinayaang niyang tumagay kung kaylan ko gusto.

“Heto bayaw sikreto natin ha, kahit sina inay at Elena hindi ito alam. May napatay na ako gamit ang baril na ito. Siguro mga dalawang taon na ang nakakaraan. Malinis na malinis ang pagkakagawa ko.”

Nakinig lamang ako sa kuwento ng asawa mo. Maaring totoo ang sinasabi niya at maari din namang kuwentong lasing lang.

“Alam mo kung bakit ko pinatay iyong tao? Nabalitaan ko kasing gustong-gusto daw niya si Camille. Nakita ko minsan noon habang nagbabakasyon ang asawa ko dito sa Pinas na magkausap sila. Kaya humanap ako ng tiymepo para kanain siya. Bago ko siya pinagbabaril eh sinabihan ko muna na ang kay Pedro ay kay Pedro, ang kay Juan ay kay Juan.”

Sinabi pa sa akin ni Daniel ang pangalan ng napatay niya at hinamon niya akong i-check ko and record sa munisipyo ng Sagada para maniwala ako.

Matapos ang halos isang oras siguro eh  nagpuntahan na kayo sa terrace, kasama mo sina Elena at ang inay.

“Daniel, magusap-usap nga tayo sandali.” Wika ng nanay nila.

“Ano ba kuya, itago mo nga ang baril na iyan. Baka pumutok iyan.”

“Okay…okay.” Sagot ni Daniel sabay silid ng kanyang baril sa kanyang clutch bag.

“Daniel ano ba ang nangyayari sa inyo ni Camille? Bakit ba hanggang ngayon eh sinisisi mo pa siya sa hindi niya pag-alis noon papuntang Italy?”

“Inay, kung hindi ba naman gaga iyang si Camille eh ‘di sana nakabalik pa siya doon. Tignan nga ninyo oh, wala akong mabentahan ng mga inaani kong gulay dahil sa lockdown. Hindi ko maibiyahe palabas ng Sagada ang mga gulay. Kahit sana papaano eh may source of income kami kung bumalik siya sa Italy.”

“Bakit ba hindi mo maintindihan na takot na akong bumalik doon dahil sa covid. Ayaw ko nang magtrabaho doon. Baka kung mapaano ako.”

Umiiyak ka na ulit ng sabihin mo iyon. Awang-awa ako sa iyo at inis na inis ako kay Daniel. Gustong-gusto ko nang sumabat pero pilit kong pinigil ang sarili ko.

“Eh bakit si ate Nancy nandoon pa rin at buhay pa.”

“Kuya Daniel, huwag mong pilitin si ate Camille na bumalik doon kung ayaw na niya. At iba ang sitwasyon ni ate Nancy, may boyfriend siya doon kaya mas gugustuhin niyang manatili doon.”

“Lintik!!! Pinagtutulungan ninyo ako.”

“Malaki na ang ipon natin. Iyong ipinapadala ko sa iyo buwan-buwan sa loob ng limang taon ay sinabi kong i-bangko mo para kako may magamit tayong pang-negosyo. Kumikita ka rin naman sa taniman natin.”

“Oo nga naman Daniel. Nasaan ang pera ninyo. Magkaano ang naipon mo sa bangko?” Ang tanong ng kanilang ina.

Hindi makasagot ang asawa mo. Ikaw nama’y umiiyak lang, pailing-iling.

“Daniel, anak, magtapat ka sa akin. Totoo ba na kinabit mo iyong asawa ng isang OFW doon sa baranggay ninyo? At sa kanya mo inubos ang perang ipon ninyo?”

Panandaliang tumahimik. Walang nagsasalita. Maya-maya’y biglang tumayo si Daniel. Hinila sa kamay si Camille.

“Halika na, umuwi na tayo.”

“ARRAYY…bitiwan mo nga ako. Ayaw kong sumama sa iyo.”

“Daniel, bitiwan mo ang asawa mo. Napakawalanghiya mo.”

“Inay… huwag po ninyo kaming pakialaman… wala sa inyo makikialam.”

Hawak ni Daniel ang clutch bag na naglalaman ng baril. Idinuro iyon sa amin habang sinasabi niya iyon. Kitang-kita ko kung paano kang puwersahang ipinasok ni Daniel sa likuran ng kanyang kotse.

Wala ring akong magawa kundi ang kaawaan ka.

Bago humarurot palayo ang kotse ay nakasulyap ka pa sa amin. Parang humihingi ka ng tulong. Hindi ko alam kung sa akin ka direktang nakatingin, kay Elena ba, o sa kanilang nanay. Pero pakiramdam ko ay parang hinihiling mo sa pagkakataong iyon na saklolohan kita. Pero ano ba ang puwede kong gawin?

(To be continued…)

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer M, A, and D are the initials of my two first names (Massuline and Antonio) and my mother's family name (Dupaya). Ligaya (a Filipino word which means happiness in English) is my family name. MAD is actually one of my nicknames aside from Tony and Ching. My full name is Massuline Antonio Dupaya Ligaya. Many times I was asked the question "Why do you write?" I don't write for material rewards nor adulation. When I write poems, stories, and essays, when I do research, seeing them completed gives me immense joy and satisfaction. I don't write for cash incentives, "likes," and "praises." I would be thankful should I get those but the happiness and sense of fulfillment I feel when completing my works are my real rewards. Is teaching difficult? No! When I teach, I don't work but I play. My educational philosophy - "The classroom is my playground, the students are my playmates, and the subject is our toy." Proud to be me! Proud to be a FILIPINO! TO GOD BE THE GLORY!

Posted on August 17, 2020, in Creative Writing, Fiction, Maikling Kuwento, Short Story and tagged , , , . Bookmark the permalink. 1 Comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: