TATSULOK (3)
(Last of 3 Parts)
“Sawa na akong magtrabaho sa Japan. Ayaw ko nang magsayaw. Iniisip ko ngang huwag nang bumalik doon. Marami na akong ipon, at may negosyo na rin naman kaming magkapatid. Gusto ko na kasing baguhin ang takbo ng buhay ko. Sa palagay mo ba may lalaki pa kayang seseryoso sa akin?”
Bigla siyang naging seryoso, nagkaroon ng bahid ng lungkot ang boses nito.
Nag-isip ako sandali bago nakasagot sa kanya,
“Siyempre naman, sa ganda mong iyan.”
Gusto ko pa sanang sabihin na bukod doon ay mayaman pa siya.
“Puwede bang ikaw na lang, hiwalayan mo na ang asawa mo at umuwi ka na rito sa akin.”
Nagulat ako sa sinabing iyon ni M.
“Joke, joke, joke! Binibiro lang kita hoy. Alam ko naman na hindi ako ang tipo ng babae na puwedeng seryosohin.”
“Huwag mo namang ibaba ng ganyan ang sarili mo.” Ani ko.
“Maniniwala ka bang ikaw pa lang ang pangalawang lalaking dumaan sa buhay ko?
Tumango ako. Nakinig na lamang ako sa kanya.
“Mahirap paniwalaan ‘di ba, kasi nga Japayuki ako. Pero dancer lang talaga ako doon, hindi ako pumapayag na magpalabas kahit anong mangyari. Mabuti na lang at naging paborito ako ng amo kong babae at asawa niyang miyembro ng Yakuza. Prinotektahan nila ako. Hindi rin sila pumayag na ilabas ako ng mga customer. Baka daw mabuntis ako eh mawalan sila ng star dancer. Ako daw sabi niya ang dinadayo ng mga lalaking Hapones at foreigners sa club.”
Tahimik lamang akong nakikinig sa kanya. Aywan ko pero naniniwala ako sa kanyang mga sinasabi. Matanda na ako at alam ko na kung binobola lang ako ng kausap ko.
“Pinoy din ang una kong boyfriend pero nakipag-break siya sa akin noong nagpunta ako sa Japan. Paano kilala at conservative ang pamilya niya at siguradong hindi ako katanggap-tangap sa kanila. Balita ko may asawa’t mga anak na siya ngayon.
Panandaliang tumahimik si M. Nagsimulang tumulo ang kanyang mga luha.
Nilapitan ko siya. Tumayo ako sa kanyang bandang tagiliran at siya’y aking inakbayan. Aywan ko pero naawa ako sa kanya. Parang tuloy naramdaman kong ayaw ko munang umuwi. Parang gusto muna siyang damayan.
Dumukwang ako’t hinalikan siya sa pisngi. Tumayo siya. Naupo naman siya sa kama.
“Salamat sa lahat.” Ang wika niya.
“Ako ang dapat magpasalamat sa iyo.”
“Sige bihis ka na, kain na tayo sa baba para maka-uwi ka na at baka hinihintay ka na ng asawa mo.”
Hindi na ako kakain,” ang sagot ko sa kanya. “Kaylangang ko nang umalis.”
ako ni M at humawak siya sa aking baywang.
“Please lang, dito ka na kumain ng agahan. Isa pa, naipangako ko kay bes na ipapakilala kita sa kanya. Curious siya sa iyo. Paano mo daw ako napapayag na… alam mo na iyon… eh kagabi lang tayo nagkakilala. Sabi ko na-love at first sight ako sa iyo. Sayang nga lang at married ka na sabi ko. Kaya hindi puwedeng hindi kayo magkita ha. Kain na muna bago ka umalis… please…”
Pagkasabi niyon eh humalik siya sa labi ko.
“Please….”
ako ni Lady M na doon kumain ng agahan. Nagbihis siya at sinabing ihahatid daw namin ang bestfriend niya sa kanilang bahay tapos ihahatid niya rin ako kahit sa malapit lang sa amin.
“Heto nga pala ang calling card ko. Tawagan mo ako anytime. Welcome ka dito sa bahay ano mang oras.”
Nang maibulsa ko ang ibinigay niyang calling card ay bumaba na kami.
**********
Mula sa hagdan ay natanaw ko ang bestfriend ni M, nakatalikod ito sa amin habang inihahanda ang mga pagkain sa lamesa.
“Huwag ka maingay. Gugulatin natin siya.”
Dahan-dahan nga naming nilapitan ang kanyang bestfriend.
“Hello bes, oh heto na ang lalaking nagpatibok muli ng aking puso.” Ang buong pagmamalaking sabi ni M habang ako’y hawak-hawak niya sa braso.
Nagulat ako nang lumingon at makilala ko kung sino ang matalik niyang kaybigan – si Vicky, ang aking asawa.
Gusto kong lumubog sa kinalaglayan ko at mawala sa lugar na iyon. Ayaw kong maniwalang nangyayari iyon. Hiniling kong sana ay nananaginip lamang ako.
Nagkatinginan kami ni Vicky, pareho kaming hindi makapagsalita, pareho kaming hindi makapaniwala. Si M pala ay si Marjorie, ang bestfriend niyang OFW.
“Oh parang nagkagulatan kayo. Magkakilala ba kayo?.” Ang tanong ni Marjorie.
Hindi sumagot si Vicky. Umupo ito at nagsimulang tumulo ang luha habang nakatingin sa akin. Sa titig nito’y nandoon ang paguusig, nandoon ang napakaraming tanong.
“Bakit? Ano ba ang nangyayari?” Ang nagtatakang tanong ni Marjorie.
“Siya ang asawa ko.” Ang halos pabulong ko na sabi sa kanya.
“Ha? Nagbibiro ka ba?” Ang tanong ni Marjorie sabay bitaw niya sa ang aking braso.
Bakas sa mukha ni Marjorie ang kalituhan. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin, kung ano ang sasabihin. Tumingin siya sa aking at iiling-iling.
Ilang sandali ring tahimik sa bahay. Tanging ang impit na pag-iyak lamang ni Vicky ang maririnig. Bawat hikbi ng asawa ko’y parang batong tumatama sa ulo ko.
Atubili ma’y nilapitan ni Marjorie si Vicky.
Hinawakan niya ito sa balikat.
“Huwag mo akong hawakan. Traydor ka.”
Tumingin sa akin si Marjorie.
“Alfred, iwanan mo muna kami dito ni Vicky, sa labas ka muna.”
Pinagbigyan ko ang kahilingan ni Marjorie. Lumabas muna ako upang makapagusap ng masinsinan ang dalawa.
Kaya pala nang una kong makita si Marjorie sa club ay para kakong nakita ko na siya noon. Nakita ko ang mga pictures nila ng asawa ko. Minsan na ring ipinakita sa akin ni Vicky ang Facebook account ni Marjorie.
Bigla kong naalaala ang calling card na ibinigay sa akin ni Marjorie bago kami bumaba… Marjorie Contreras. Marahil kung nabasa ko ang pangalan niya sa calling card ay baka natanong ko na siya at maaaring hindi na ako bumaba kanina at isisikreto na lamang namin kay Vicky ang lahat-lahat.
Litong-lito ako sa pagkakataong iyon. Napakalaking gulo ang pinasok kong iyon, hindi ko alam kung paano ko ito malalampasan. Hindi ko alam kung ano ang susunod na mangyayari. Labis ang pag-sisisi ko. Hindi ko alam kung papaano tatanggapin ni Vicky ang lahat, kung ano ang mangyayari sa pagkakaibigan ng dalawa, at kung ano naman ang mangyayari sa aming mag-asawa. Akala ko’y handa akong makipaghiwalay sa kanya. Hindi pala. Ayaw ko palang mawala siya.
Bigla kong naalaala ang sinabi ni Marjorie na buntis ang bisita niya… buntis ang aking asawa. Nakakalungkot na sa kalagitnaan ng napakalaking gusot na nilikha ko ay doon ko nalaman ang balitang magkakaanak na kami ni Vicky.
Ilang minuto lang ang pinalipas ko. Hindi ako mapakali. Nagpasya akong bumalik kaaagad sa loob ng bahay, nagbabakasaling maayos na ang lahat. Pero parang malabong mangyari iyon. Napakomplikado ng sitwasyon at imposibleng iyon ay maayos agad. Dalawang bagay ang maaring datnan ko – naayos ang problema o lumala ito.
At ang nangyari – lumala ang problema.
Nang pinuntahan ko ang dalawa sa dining room ay tumambad sa akin ang mas malaking gusot. Duguan si Marjorie, nakahandusay sa sahig. Si Vicky ay nakaupo sa tabi nito, umiiyak, hawak pa ang kutsilyo na ipinangsaksak sa kaybigan niya.
Hindi ko akalaing hahantong sa ganoon ang lahat. Nilapitan ko si Vicky. Yumakap siya sa akin, takot na takot, nanginginig.
“Dad hindi ko sinasadya, nagdilim ang paningin ko. Dad, tulungan mo ako, ano ang gagawin ko?”
Ano nga ba ang dapat gawin ni Vicky… ang dapat kong gawin… ang dapat naming gawin.
Biglang naglaro ang kung ano-ano bagay sa imahinasyon ko…. mga eksenang na minsa’y napapanood ko sa pelikula na kung saan ay may mga nakapatay… babalutin ng kumot ang pinatay at itatapon sa isang malalim na bangin… o kaya’y ibinabaon sa lupa sa may gubat… o kaya’y sinusunog.
Pinagmasdan ko ang duguang katawan ni Marjorie. Sa kanang tagiliran ang tama niya. Naisipan kong siya’y pulsuhan. Buhay pa siya sa pagkakataong iyon. “Halika, dali, dalhin natin siya sa hospital.” Ang sabi ko kay Vicky.
Takot na takot man ay tinulungan ako ni Vicky na buhatin si Marjorie. Ginamit namin ang sasakyan nito papuntang hospital. Walang ginawa si ang kabiyak kung hindi umiyak hanggang makarating kami sa hospital.
**********
Habang nasa operating room si Marjorie, nagtungo kami ni Vicky sa may chapel ng hospital. Lumuhod si Vicky. Humihikbi habang nanalangin.
Pinagmasdan ko ang aking asawa habang ito ay nakaluhod. Natakot ako sa maaring kahantungan ng mga pangyayari. Posibleng makulong si Vicky. Buntis pa naman siya. Ang sakit isipin na maaring ang unang anak namin ay sa kulungan isisilang.
Ang akala ko’y gusto ko nang mawala sa buhay ko ang aking asawa. Ang akala ko’y handa na akong makipaghiwalay sa kanya dahil sa mga hindi magandang pangyayari sa pagsasama namin. Hindi pala. Dala lamang pala ng galit ko dahil sa pag-aaway namin kaya’t nakapag-isip ako ng ganoon.
Sa pagkakataong iyon ay muli kong binalikan ang limang taong pagsasama namin.
Sa sama ng loob ko kay Vicky ay puro pala ang hindi maganda sa kanya ang nakita at naiisip ko. Nakalimutan ko ang marami niyang magagandang katangian. At maraming magandang katangian ang aking asawa.
Naalaala ko ang madalas kong ipinapayo sa mga kaybigan ko kapag nagagalit sila sa kanilang mga mahal sa buhay – na ang isang tao ay kumbinasyon ng magaganda at masasamang ugali. Kung talagang mahal mo ang isang tao dapat tanggapin mo ang katotohanang iyon, ang katotohang hindi sila perperkto, na walang perpektong tao.
Nang matapos magdasal ay naupo sa tabi ko ang aking asawa. Yumakap siya sa akin at umiyak. Noon ko muling naramdaman na mahal na mahal ko si Vicky. Noon ko napagisip-isip na ayaw ko palang mawala siya sa akin. Noon ko napagtanto kung gaano kalaki ang kasalanan ang nagawa ko sa kanya. At noon ko rin naramdaman ang matinding pagsisisi.
Sana sinundan ko na lang ang asawa ko nang lumabas siya kagabi. Kung hindi ko man siya sinundan, sana nanatili na lang ako sa bahay at hinintay ko ang kanyang pagbabalik. Sana hindi ako pumayag na sumama sa bahay ni Marjorie. Napakaraming “sana” ang pumasok sa isip ko. Pero wala na, magsisi man ako ay huli na. Nangyari na ang hindi dapat mangyari.
Hinimas ko ang tiyan ni Vicky. “Nabanggit sa akin ni Marjorie na buntis ang bestfriend niya.”
Ngumiti si Vicky. “Iyon ang sinasabi ko kagabi sa iyo na parang binalewala mo kaya ako nagtampo. Iyon sana ang magandang balitang sasabihin ko sa iyo kagabi, na sa wakas mabibigyan na rin kita ng anak, na sa wakas kumpleto na ang pamilya natin.”
Para akong pinagsakluban ng langit at lupa sa narinig kong iyon. Gusto kong sumigaw. Gusto kong iumpog ang ulo ko sa pader.
“Sorry mommy. Kasalanan ko ang lahat ng ito. Bakit ko ba nagawa iyon?”
“Hindi dad, ako ang dapat sisihin sa nangyari. Kung hindi sana ako umalis ay baka hindi nangyari ito.” Ang sagot sa akin ni Vicky.
“Kung sana’y hindi ko binalewala ang magandang balita mo sa akin eh hindi tayo nag-away at hindi ka siguradong umalis.”
Hindi na sumagot si Vicky. Hinawakan na lamang niya ang aking pisngi. Sa pisil niyang marahan ay naramdaman ko ang unawa at pagpapatawad. Ganoon madalas ang ginagawa ng asawa ko kapag tinatapos nito ang pagtatampo sa akin. Hahawakan niya ako sa pisngi at marahan niya itong pipisilin.
“Kahapon ko lang ng umaga nakumpirma sa doktor na buntis ako. Isang buwan na. Ang saya-saya dahil magkakaanak na tayo. Sasaya na ang bahay natin. Kaya lang ay parang sa loob na ng kulungan ako manganganak.” Iyon ang mangiyak-ngiyak na sinabi ni Vicky.
Posible ang sinabi ni Vicky. Iyon ang problemang susunod naming kakaharapin.
Nagdaan ang ilang oras, natapos na ang operasyon ni Marjorie. Nakita naming dinala siya sa recovery room. Maya-maya pa’y nagsidating na ang mga diumano’y kamag-anak ni Marjorie, may kasamang mga pulis.
Nag-alaala ako kung ano ang mangyayari kapag nagising si Marjorie at malaman nila kung ano ang nangyari. Dali-dali kong inilabas ng hospital si Vicky. Umuwi kami sa aming bahay.
Lumipas ang buong maghapon. Tahimik lamang kami ni Vicky sa bahay, nag-aabang kung ano ang susunod na mangyayari. Inaasahan na namin na may pulis na darating upang imbitahan kami sa presinto o arestuhin ang asawa ko. Napag-usapan namin ni Vicky na hindi siya magtatago. Papanagutan niya ang ginawa kay Marjorie.
Pinagplanuhan na namin ang lahat. Kukuha kami ng abugado at ihahanda namin ang kanyang pangpiyansa.
Subalit dalawang araw ang lumipas ay walang mga pulis ang dumating. Maaring nahihirapan ang mga pulis na hanapin ang tinitirhan namin. Kinabahan rin kaming mag-asawa na baka may nangyaring hindi maganda kay Marjorie.
“Dad, hindi ko na kaya. Hindi ako matahimik. Gusto ko nang kusang sumuko sa pulis.”
Nagulat ako sa sinabing iyon ni Vicky.
“Sigurado ka ba diyan sa gagawin mo?”
“Oo dad, pumunta tayo ng presinto, pero gusto ko munang dalawin si Marjorie sa hospital. Bahala na. Gusto kong humingi ng tawad sa bestfriend ko.”
Matapos kong pag-isipan ang mga sinabi ni Vicky ay pinagbigyan ko ang kanyang kahilingan. Bumalik kami sa hospital na pinagdalhan namin kay Marjorie. Pagkatapos niyon ay pupunta kami sa pinakamalapit na presinto.
*********
Sa hospital ay nasabi sa amin ng isang nurse na nagkamalay na si Marjorie at nakakapagsalita na. Nakahinga kaming mag-asawa ng maluwag sa balitang iyon. Mga dalawang araw pa daw bago siya lumabas.
Pagkatapos niyon ay lakas-loob naming tinungo ang kuwarto ni Marjorie.
Nang malapit na kami ay para akong kinabahan. Parang ayaw kong tumuloy sa kuwarto ni Marjorie. Para kasing may mangyayaring hindi maganda.
“Mommy, uwi na tayo, huwag na tayong tumuloy.” Ang sabi ko sa aking asawa.
“Nandito na tayo dad. Para rin ito sa katahimikan ng isip ko, kaylangang matapos na ito.”
Pagbukas namin ng pinto ay may apat na taong nandoon, dalawang babae at dalawang pulis na kumakausap kay Marjorie. Gustuhin ko man ay hindi ko na puwedeng itakbo palabas si Vicky.
Napatingin silang lahat sa amin, pati si Marjorie.
Inaasahan ko na na galit na sasabihin kaagad ni Marjorie sa mga pulis na si Vicky ang may kagagawan niyon sa kanya. Pero…
“Tuloy kayo.” Ang nakangiting paanyaya ni Marjorie sa amin. Nagulat ako. Maging si Vicky ay man hindi makapaniwala. Taliwas iyon sa aming inaasahan.
“Mamang pulis, silang mag-asawa ang nagdala sa akin dito sa hospital. Sila iyong sinasabi ko sa inyong bisita ko nang madulas ako sa kusina at aksidenteng nadapaan ko ang kutsilyong hawak ko. Mabuti na lang nandoon sila. Kung hindi, malamang ay patay na ako ngayon.”
Nagaatubili man ay lumapit si Vicky kay Marjorie. Nagyakapan at nagiyakan ang magkaybigan.
“Sige miss.” Ang sabi ng isang pulis.
“Hindi na kami magtatagal. Sinisigurado lang naman naming na walang foul play sa nangyari sa iyo.” Pagkasabi niyon ay lumabas na ang dalawang pulis.
“Mam, lalabas din po kami, may aasikasuhin kaming mga papeles.”
Mga kasambahay pala ni Marjorie ang dalawang babae. Lumabas din ang mga ito.
Naupo kami ni Vicky sa tabi ni Marjorie.
“Bakit mo ako kaylangang pagtakpan sa mga pulis. Grabe ang kasalanan na nagawa ko sa iyo. Pinagtangkaan ko ang iyong buhay.” Ang wika ni Vicky kay Marjorie sabay hawak sa kamay ng huli.
“Gaga ka ba bes. Ipapahamak ba naman kita. Tama na ang drama. Kalimutan na natin iyon. Kahit ano ang sabihin mo, kahit ano ang mangyari, ikaw ang bestfriend ko. Mahal na mahal kita. Alam mo iyon ‘di ba?
At nagsimulang magiyakan ang dalawa.
“At saka malaki rin ang kasalan na nagawa namin ni Alfred sa iyo. Kaya patawarin mo rin sana kami bes.”
Nagyakapan ang dalawa.
Nagpasiya akong lumabas ng kuwarto at hayaan silang magkausap.
Nagtungo ako sa chapel ng hospital. Umusal ng panalangin…humingi ng tawad…nagpasalamat na ligtas si Marjorie…nagpasalamat na hindi makukulong si Vicky… nagpasalamat na magkakaroon na kami ng anak.
– W A K A S –
Posted on May 16, 2020, in Creative Writing, Fiction, Love Triangle, Maikling Kuwento, Short Story and tagged Creative Writig, Fiction, Love Triangle, Maikling Kuwento, Short Story. Bookmark the permalink. 1 Comment.
😭😔
LikeLike