Tuwing Bubuhos Ang Ulan (5)
(5th of 7 Parts – A Novelette in Filipino)
Nang sumunod na araw ay hindi kami nakalabas ng bahay ni Elena. Maghapon kasing bumuhos ang ulan… ulang nagpapaalala sa iyo… ulang nagpapaalala sa kung ano man ang namamagitan sa atin… ulang hindi tubig na umaapula ng apoy kundi parang langis na pinagniningas ito.
Hindi ko alam kung ano ang nararamdam ko sa iyo. Init lang ba ito ng katawan? Inalipin lang ba ako ng kamunduhan? May nabubuo ba akong pagmamahal sa iyo o naaawa lang ako sa kalagayan mo.
Alam kong mali. Maling-mali. Hindi nga kayo kasal ni Daniel at hindi pa rin naman kami ikinakasal ni Elena kaya hindi masasabing tayo’y nangalunya. Pero tayo’y nagtaksil. Maaaring ikaw ay hindi dahil marahil naglaho na ang pagmamahal mo kay Daniel pero paano naman ako. Mahal ko si Elena. Kaya nga pakakasalan ko siya. Pero bakit ganoon? May puwang pa pala sa puso ko at parang ikaw ang nagpuno niyon. At hindi ko alam kung gaano kalaki ang puwang na pinuno mo. Hindi ko alam kung mas higit kay Elena.
Nasa tabi ko si Elena pero ikaw ang laman ng isip ko. Bakit ganoon? Kapag hahalikan ko si Elena at pipikit ako’y ikaw ang nasa isip ko. Parang ikaw ang hinahalikan ko at hindi siya.
Nagpunta ako ng Sagada dahil kay Elena, hindi dahil sa iyo. Hindi ko alam kung ano ba ang aking puwedeng gawin para mawala ka sa isip ko. Ginulo mo ang tahimik at simple kong buhay.
“Sorry dad, hindi na tayo nakapamasyal. Bukas na lang ha.”
Halik sa pisngi ang itinugon ko kay Elena.
“Hiyang-hiya sa iyo ang inay dahil sa mga nangyayari. Bakit daw kasi nagkataon na nang nandito tayo eh saka pumutok itong mga problem nina kuya Daniel at ate Camille.”
“Sabihin mong huwag niya akong alalahanin. Mas mahalaga na maayos ang kalagayan ni Camille… ah… at ng kuya mo.”
Inihabol ko lang na sabihin ang pangalan ng kuya ni Elena dahil baka kung ano isipin niya tungkol sa ating dalawa.
“Tinatawagan ko nga sila para mangumusta pero hindi nila sumasagot. Nagmessage din ako kay ate Camille pero wala rin. Siguro hawak ni Daniel ang phone niya. Alalang-alala na ang inay. Kaya hayan mukhang sumama ang pakiramdam.”
Ako man ay ganoon din, alalang-alala na ako sa iyo. Dumaan ang maghapon hanggang sumapit ang gabi, wala akong nabalitaan tungkol sa iyo. Hindi ako mapakali. Nilibang ko na lamang ang sarili ko sa pageedit ng mga pics at videos. Mula sa camera eh inilipat ko sa aking laptop ang mga files para ma-upload ko sa website ng travel vlog ko.
At naalaala kong kinunan pala kita ng picture. Kinopya ko iyong sa desktopng laptop ko. Binuksan ko ito’t pinagmasdan. Hindi nakatulong, mas lalo akong nalungkot ng makita ko ang iyong larawan. Lalo akong nanabik na makita ka ulit.
**********
Dumating ang ikatlong araw mula ng makilala kita.
Kaunti lamang ang naitulog ko sa nagdaang magdamag. At sa bawat sandali na ako’y gising tanging ang iniisip ko ay ikaw. Ako kaya eh iniisip mo rin? Sa dami siguro ng dalahin mo eh wala ng puwang sa isip mo para sa akin. Sa puso mo kaya ako ay nagkaroon ako ng puwang? Sana meron. Kahit katiting lang.
Ako ang naunang bumangon. Tulog pa si Elena at ang nanay niya nang gumising ako. Sa kurwarto ng magiging biyenan ko natulog ang aking kasintahan. May sinat daw kasi ang nanay niya kaya kaylangan niyang bantayan.
Nagtimpla ako ng kape at naupo sa terrace. Sumikat ang araw pero baka sandali lang iyon dahil nga tag-ulan. Naisip ko na sana eh makapamasyal na kami ni Elena para malibang ako nang hindi puro ikaw ang iniisip ko. Ikako sa sarili’y makalimutan na sana kita.
“Good morning dad. Ang aga mo yata gumising.”
Umupo sa tabi ko si Elena’t nakihigop sa aking kape.
“Tumawag si kuya ng bandang hating-gabi na. Nag-sorry kay inay. Bati na daw sila ni ate Camille.”
“Ah… mabuti naman kung ganoon.”
Bati? Ganoon lang ba kadali na maayos ang mga matitinding problema ninyong mag-asawa? Ganoon pa man eh masaya akong may narinig akong balita tunkol sa iyo.
“Dad, nilagnat ang inay kaylangang bantayan ko. Kung gusto mong mamasyal para sa mga pictures at videos mo para sa iyong vlog eh baka hindi kita masamahan. Okay lang ba?”
“Okay lang mommy. Kaylangan mong alagaan ang inay.”
“Puntahan mo iyong mini rice terraces. Kuhanan mo ng pictures. Pagtiyagaan mo na lang muna ang maliit na rice terraces na iyon. Pasasaan mo ba at makikita mo rin iyong mas malawak na rice terraces.”
“Ayos mommy. Don’t worry abut me.”
“Pati iyong kubo kuhanan mo rin. Ang tagal ko na kasing hindi nakikita iyon. Gusto kong makita kahit sa larawan man lang muna.”
“Sige. Mga bandang alas-diyes ako aalis habang maganda ang sikat ng araw. Baka kasi umulan nanaman mamayang hapon.”
“Okay dad. Teka, magluluto na ako ng breakfast natin. Ipagluluto rin kita ng babaunin mo para mamaya. Lover boy… meron ka pang beer in can sa ref kung gusto mo magbaon.”
Pinagmasdan ko si Elena habang naglalakad papuntang kusina. Mabuti siyang tao, marami siyang katangiang maganda. Alam mo rin iyan dahil matagal na kayong magkakilala. Wala akong maipintas sa kanya dahilan para ang mga magulang ko ay magustuhan siya. Kaya nga kinukurot ang konsensya ko dahil sa mga nangyayari.
**********
Pagkatapos naming mag-agahan eh inihanda ko na ang mga gamit ko. Muli akong lalabas ng bahay para makakuha ulit ng mga pictures at videos.
Nginingitian na ako ng mga taong nadadaanan ko sa labas. Baka nabalitaan na nila na ako ang mapapangasawa ni Elena. Kinakawayan ko sila’t ginagantihan rin ng ngiti.
At nakarating ako sa lugar na puwede ko nang simulan ang pagkuha ng mga pictures at videos. Bukas na ang unang beer in can na iinumin ko. Nakapasak na rin sa tenga ko ang earphone at sinimulan ko nang muling i-sing along ang mga kanta ng Air Supply at ni Ed Sheeran. Dahil sa iyo ay nagkaroon na ng kahulugan sa akin ang kanta ng Air Supply na “Here I Am.” Tumitimo sa akin ng matindi ang mga linyang “those thoughts of you keep taunting me.”
Sulit na sulit ulit ang labas ko na iyon. Napadami kong nakuhang larawan. Nang tignan ko oras sa aking cell phone ay napagtanto kong halos tatlong oras na pala akong lakad ng lakad.
At nakita kong muli ang palayang inuukit sa gilid ng bundok. Mas maganda palang pagmasdan ang mga ito kapag tinatamaan ng sinag ng araw.
Bumilis ang lakad ko ng matanaw ko na ang kubo. Impokrito ako kung hindi ko aamining nagbakasali akong makita kita doon. Nang malapit na ako’y may mga kaluskos akong narinig mula sa loob ng kubo kaya halos eh takbuhin ko na ito. Umaasa ako na nasa loob ka. Sumilip ako sa nakabukas na bintana at nakita kong mga dagang bukid lang pala na nasa ibabaw ng lamesita ang nandoon.
Wala ka doon. Nanghinayang ako pero ayos lang. Inisip ko na baka nga okay na kayo ng asawa mo, ng magiging bayaw ko. Ayaw kong sabihin na sana ay naayos na ninyo ang inyong mga problema. Aaminin kong ayaw kong mangyari iyon.
Naiinis ako dahil ikaw na nanaman ang nasa isip ko, si Elena ang dapat kong isipin hindi ikaw. Wala namang tayo dahil may asawa ka na, kahit ba live-in lang kayo.
Lumayo ako ng kaunti sa kubo at katulad ng kahilingan ni Elena ay kinuhanan ko ng larawan ang kubong naging pugad ng ating kataksilan.
Pagkatapos niyon ay nakaramdaman ako ng malamig na simoy ng hangin. Sumunod doon ang pagtatago ng araw sa likod ng mga ulap. Nagbadya nananamang umulan. Pero sa pagkakataong iyon ay may dala na akong payong. Pinillit ako ni Elena na dalhin iyon at baka nga umulan nanaman.
Nagsimula nang umambon. Pumasok muna ako sa kubo upang kuhanin sa aking back pack ang payong. At lumakas na nga ang ulan. Puwede pa rin akong maglakad sa labas kung gugustuhin ko pero sa dahilang pagod na din lang ako at gutom ay nagpasya akong manatili muna sa loob ng kubo sandali. Magpapahinga lang ako sandali at kakain at pagkatapos ay uuwi na rin ako, kahit umuulan.
Inilapag ko ang aking mga gamit sa kama at inilabas ko ang baon kong pagkain. May dalawa pa akong beer in can. Isa lang ang naubos ko at mukhang wala akong tama.
Lumakas ang hangin kaya isinara ko ang bintana ng kubo. Nang hihilahin ko rin pasara ang pintuan ay… pumasok ka. Napakahirap paniwalaang naulit nanaman ang pagkakataong iyon. Nagkita nanaman tayo sa loob ng kubo. Ang pagkakaiba lang eh hindi ka na basa ng ulan dahil may dala kang payong. May dala rin akong payong. Kapwa tayo may dalang payong pero bakit kahit isa sa atin eh hindi nagdesisyong tumuloy na lang ng paglalakad para hindi na lang tayo nagkita doon ulit.
Nang magpanama ang ating paningin ay wala na tayong kinaylangang sabihin. Niyakap mo ako at nang magdikit nanaman ang ating mga katawan ay nagliyab ang hindi maitantangging pananabik natin sa isa’t-isa.
Habang sa labas ay bumubuhos ang malakas na ulan sa loob ng kubo’y may sumabog nanamang bulkan.
**********
Pagkatapos niyon ay nagusap tayo.
“Ayaw ko ng makisama kay Daniel. Ayaw ko na dito sa Sagada. Tulungan mo akong makaalis dito. Ikaw na lang ang pag-asa ko Jeff.”
Hindi ako kaagad nakasagot key Camille. Nasorpresa ako ng sabihin niya iyon.
“Jeff… dalhin mo ako kahit saan. Sasama ako sa iyo.”
“Ang ibig mo ba sabihin eh iiwan ko si Elena para magsama tayo?”
Kumalas ka sa pagyayakap sa akin. Bumangon ka’t naupo sa gilid ng kama.
“Jeff, ano ba ako sa iyo? May nararamdaman ka ba sa akin o isa akong piraso ng karne na gusto mo lang tikman?”
“Camille…”
“Ganito ba lagi ang ginagawa mo? Mang-aakit ka ng babae tapos gagamitin mo lang?”
“Eh ikaw ba Camille? Ano ba ako sa iyo? Panakip-butas? Iyong pagmamahal na hindi sa iyo kayang ibigay ni Daniel eh pilit mong kinukuha sa akin?
“Pagmamahal? Bakit Jeff, mahal mo ba ako?” Puwede bang magmahal sa ganoong kaikling panahon. Ilang araw na ba tayo magkakilala? Tatlo? Sa loob ng tatlong araw eh puwede mo na bang sabihin na mahal mo na ang isang tao?”
“Eh ako ba Camille… may nabuo ka na ba pagmamahal sa akin?”
“Paano kung sabihin ko sa iyong oo?”
“Paano kung sabihin ko rin sa iyong oo? Paano Camille kung sabihin ko sa iyong mahal na kita?”
Nang marinig mo iyon eh tumayo ka’t nagbihis habang patuloy tayong naguusap.
“Wala palang problema kung ganoon.” Ang wika mo.
“Ano ang ibig mo sabihin?
“Jeff, nasa kamay mo ang desisyon. Bahala ka kung ano ang gusto mong gawin. Ako, sasamahan mo man ako o hindi, eh aalis na ako ng Sagada. Sumama ka kung gusto mo. Bukas magkita tayo. Hihintayin kita dito ng hanggang alas-dos ng hapon.”
“Pero Camille…”
“Wala ng pero pero. Magdesisyon ka – ako o si Elena.”
Binuksan mo ang pintuan ng kubo. Malakas pa rin ang ulan. Hinalikan mo ako. Naglapat na naman ang ating mga. Matagal. Nang akmang yayakapin kita eh tumigil ka ng paghalik sa akin. Lumayo ka.
“Kung hindi ka darating bukas, iyan na ang huling halik kong matitikman mo.”
Pagkatapos niyon ay sinuong mo ang malakas na buhos ng ulan. Hindi mo na binuksan ang iyong payong. Nagpakabasa ka.
Posted on August 19, 2020, in Creative Writing, Fiction, Maikling Kuwento, Short Story and tagged Creative writing, Fiction, Makiling Kuwento, Short Story. Bookmark the permalink. 1 Comment.
Pingback: Tuwing Bubuhos Ang Ulan – MUKHANG "POET"