Tuwing Bubuhos Ang Ulan (3)
(3rd of 7 Parts – A Novelette in Filipino)
Inabutan ako ni Elena ng shorts at sando sa banyo.
“Dad, sa terrace ka muna pagkaligo mo ha. Kausapin ko lang si ate Camille sa kuwarto natin. Ayaw tumigil ng pag-iyak. Mukhang may mabigat na problema. May nangyari pa daw sa kanya kanina na ayaw naman niyang sabihin kung ano.”
Tumango lang ako kay Elena. Kinabahan ako. Sabik akong makita ka pero hindi sa bahay na iyon. Kinabahan ako dahil kung ikaw at ang Camille na kausap ni Elena sa kuwarto ay iisa ay paano na. Ano ang mangyayari kung maglakas-loob kang aminin sa hipag mo kung ano ang nangyari sa kubo. Tapos makikita mo ako na nasa loob din ng bahay.
Mula sa banyo ay naupo ako sa terrace. Dinalhan ako doon ng kape ng nanay ni Elena.
“Jeff, dito ka lang muna ha. Puntahan ko lang sina Elena at Camille sa kuwarto. Paparating na rin si Daniel. Bahala na muna kayo mamayang mag-usap”
“Sige po in… sige po.”
“Hijo, tawagin mo na rin akong inay. Okay lang iyon. Ikakasal na kayo ni Elena.”
“Sige po inay. Salamat po.”
“Sana lang eh mahalin mo ang anak ko, maging tapat ka sa kanya. Huwag mo sanang sasaktan ang bunso ko.”
“Pa… pangako po inay. Mamahalin at aalagaan ko po si Elena.”
At muli ay pumasok ka nanaman sa isip ko. Nahirapan akong bitiwan ang pangakong iyon sa nanay ni Elena. Wala sa loob ko ang pangakong iyon. Bakit ba kasi bumuhos ang ulan? Sana hindi tayo parehong sumilong sa kubong iyon. Sana lang nagdala ako ng payong o sana ipinagpabukas ko na lang ang pagkuha ng mga pictures at videos. Sana hindi tayo nagkita. Sana tahimik ang isipan at kalooban ko. Pero ano mang pagsisi ang gawin ko eh hindi na magbabago ang mga nangyari. Mali ang mga ginawa kong desisyon at kaylangang harapin ko kung ano man ang kahihinatnan ng mga pagkakamali kong iyon.
Naiwan ako sa terrace. Dahan-dahang hinigop ko ang kapeng bigay ng magiging biyenan ko. Hindi ako mapakali. Gusto ko nang malaman kung ikaw nga ba ang nasa kuwarto. Pumasok ako sa loob ng bahay. Nakita kong medyo nakaawang ang pintuan ng kuwarto namin. Lumapit ako ng kaunti. May manipis na kurtina ang pinto kaya hindi ko rin makita nang malinaw ang mga nasa loob. Hindi ko rin madinig ang usapan. Tanging iyak lang ag naririnig ko.
Nagdesisyon akong pumasok. Hindi ko na matiis. Kung ikaw nga ang nasa loob eh gusto na kitang makita.
Nang itutulak ko na sana ang pinto eh may narinig akong busina ng kotse sa harap ng bahay. Maaring si Daniel na iyon.
Naudlot ang pagpasok ko. Umurong ako. Dagli akong lumabas ng bahay at binuksan ko ang gate. Pumasok ang kotse.
Matapos mag-park ay bamaba ang sakay nito… si Daniel nga.
Matangkad siya ng kaunti sa akin at medyo matipuno ang katawan.
“Jeff? Ikaw ba si Jeff?”
Tinanguan ko siya.
“Ako si Daniel, ang kuya ni Elena. Anak ng… kaya pala naman na in-love sa iyo ang kapatid ko. Gwapo ka na eh ang ganda pa ng katawan mo ah. Mukhang sa gym ka natutulog.”
“Hindi naman kuya. Ikaw nga itong maganda ang pangangatawan.”
Naupo kami sa terrace. Nakita ko na rin sa personal ang kuya ni Elena. Picture nilang mag-anak, ng buhay pa ang kanilang tatay ang cover page ng Facebook ni Elena kaya alam ko kung ano ang hitsua ng kuya niya. Iyon lang ang kaisa-isang picture ni Elena na kasama ang sinoman sa mga kapamilya niya. Si Elena naman kasi ay paminsan-minsan lang din mag-Facebook. Ako madalas dahil sa aking vlog. Ang kuya daw niya ay walang account sa Facebook dahil hindi nito nakahiligan ang social media.
“Kape kuya.”
“Kape? Bakit kape? Teka may Johnie Walker nga pala akong dala, Sandali babalikan ko sa kotse.”
Kinuha nga ni Daniel ang dalang na alak sa kanyang kotse. Mapapasubo ako sa inuman. Hindi pa naman ako sanay uminom ng hard.
“O heto. Itabi mo na iyang kape mo. May dala na rin akong shot glass. Pulutan na lang ang problema.
May inilapag ding kulay itim na clutch bag si Daniel sa lamesa ng terrace. Hindi ko na inusisa kung ano iyon.
“Nasaan nga pala ang inay at si Elena? Nandito nga ba si Camille.”
“Nasa kuwarto sila kuya, nag-uusap.”
“Patay nanaman ako niyan. Naisumbong na akong tiyak. Siyempre, kampi-kampi na sila. Ako nanaman ang kontrabida.”
Pinakinggan ko lang si Daniel.
“Ang tigas kasi ng ulo ng babaeng iyan. Sabi ko bumalik na siya sa Italy noong February eh hindi nakinig. Naabutan tuloy ng lockdown noong March kaya hanggang ngayon nandito pa rin. Hayan ubos na halos budget namin at mukhang wala na siyang babalikang trabaho doon. Lintik kasing Covid iyan”
“Mahirap talaga ang situation ngayon kuya. Kami nga ani Elena eh baka after two months pa makakabalik doon sa company namin. Kaya dito daw muna kami mamalagi.”
“Ganoon ba. Tamang-tama naman para may kasama dito si inay. Iyong pinsan kasi naming babae na nagaalaga sa kanya dito eh nagtanan, noong isang linggo lang. Tapos iyong isa ko pang kapatid na babae na nasa Italy rin eh baka end of the year pa bumalik dito. Sa kasal ninyo ni Elena ay siguradong nandito na siya.”
“O nandiyan ka na pala Daniel.”
Ang nanay ni Elena iyon na biglang sumulpot mula sa likuran namin.
“Opo inay. Kararating ko lang.”
“Alak nanaman iyan Daniel. Sabi ni Elena eh hindi sanay uminom si Jeff.”
“Kaya nga sisimulan ko na siyang i-train. Bago matapos ang 2 buwan nilang bakasyyon dito eh masasanay na si bayaw uminom ng hard. Mano nga po pala inay.”
“Kaawaan ka ng Diyos. At sana eh gawing ka ng mabait ng Panginoon. Hay naku Daniel.”
“Ano nanaman ba ang isinumbong sa inyo ni Camille?”
“Naku bata ka. Magpaliwanag ka sa akin mamaya.”
Napansin ng inay ang clutch bag na itim.
“O bakit dala-dala mo nanaman iyang baril mo?”
“Eh inay proteksyon lang po. At lisensyado ito. Masyado kaasing maiinit sa aking iyong may-ari ng lupa katabi ng taniman mo ng gulay.”
“Mag-ingat ka lang. Gamitin mo lang sana iyan for self-defense. Teka, diyan muna kayo at maghahain na ako nang makapaghapunan na tayo bago ninyo inumin iyan.”
Kuwento ng kuwento si kuya Daniel habang inihahanda ni inay sa lamesa ang aming hapunan. Hindi ako maka-focus sa mga sinasabi ng bayaw ko dahil ikaw ang aking iniisip. Panay ang tanaw ko sa pinto. Inaabangan ko kung lalabas doon ang Camille na kausap ni Elena sa kuwarto.
“Daniel… Jeff… pasok na kayo. Handa na ang hapunan.”
“Tara bayaw… kain na tayo nang masimulan na natin ang inuman.”
Habang papunta kami sa kusina eh parang kalembang ng kampana sa simbabahan ang kaba ko sa dibdib. Malalaman ko na sa wakas kung ikaw ba at ako ay nasa loob pala ng bahay na iyon.
“Oh Daniel… tawagin mo nga sina Elena at Camille sa kuwarto. Nakahain na kamo.”
“Opo inay.”
At tinungo ni Daniel ang kuwarto. Hindi ko malaman kung takot ba o pananabik ang nararamdaman ko habang hinihintay ko kung sino ang Camille na lalabas mula sa kuwarto.
“Hoy… Jeff! Bakit parang titig na titig ka sa pintuan ng kuwarto?”
“Ha? Ay naku hindi po.”
“Walang multong lalabas mula sa kuwarto kaya huwag kang matakot.”
“Pasensiya na po. Parang… parang ano po… parang naalaala ko lang bigla iyong pintuan sa apartment namin sa Pasig. Iniisip ko kung nai-lock ko po ba o hindi.”
“Tawagan mo na lang iyong may-ari ng apartment. Ipa-check mo.”
“Ah. Mamaya po tatawagan ko.”
Kung ano-anong kuwento na ang naiimbento ko dahil sa pag-iisip ko tungkol sa iyo. Ikako sa sarili’y bakit ba kasi ayaw mo pang lumabas ng kuwarto para matapos na. Para malaman ko na kung ikaw ang Camille na biglang nagpagulo sa isip ko.
“Maupo ka na Jeff. Relax ka lang.”
“Opo inay.”
“Napakasaya ko ngayon hijo. Makikita kong sabay-sabay kumain kayong mga anak ko. Mas masaya sana kung iyong anak kong nasa Italy eh nandito rin.”
“Pasasaan po ba at makakasama rin natin sya.”
“Oo nga.”
At may lumabas sa kuwarto… si Elena.
“Oh, nasaan iyong dalawa?”
“Hay naku inay. Nilalambing muna ni kuya Daniel si ate Camille. Sandali lang daw po.”
Nabitin pa ang paghihintay ko. Lalo tuloy akong kinakabahan.
“Sige hintayin natin sila. Ipagsandok mo muna ng mushroom soup si Jeff at baka gutom na iyan.”
“Naks dad ha. Mukhang close na kayo ng inay.”
Tumingin sa akin ang nanay ni Elena at ngumiti.
“Ano nga pala ang iba pang sinabi sa iyo ni Camille ha anak?”
Lumingon muna ni Elena ang kuwarto bago ito nagsalita.
“Naku inay, kaya pala pinipilit ni kuya na bumalik si ate sa Italy eh meron daw palang dine-deyt si kuya.”
“Mahabaging langit… sino naman daw?”
“Inay, taga-doon din sa barangay nila. At heto pa… may asawa din iyong babae… OFW… sa Saudi nagtatrabaho.”
“Anong kademonyohan ang pumasok sa isip ng kuya mo at ginawa iyon. Hindi na ba siya natakot sa Diyos?”
Ang mga sinasabi ng nanay ni Elena ay parang mga karayom na tumutusok sa aking konsensiya. Bigla ko tuloy naalaala ang madalas sabihin sa akin noon ng aking ina na dapat ay pag-isipan kong mabuti ang lahat ng desisyon na gagawin ko para hindi ako magsisi sa bandand huli. Pero, wala na, nagawa ko na.
“Kalat na daw po ang tsismis doon sa kanila inay.
“Nakakahiya… nakakahiya…!
“Matagal na daw po iyon inay.”
“Naku… mabuti na lang at baog ang kuya mo. Kung hindi baka nagkaanak pa sila ng babaeng iyon.”
“Gusto na pong makipaghiwalay ni ate Camille kay kuya inay. Tutal hindi daw po naman sila kasal.”
“Ha!? Ang laking problema nito.”
“Sabi ni ate, baka ang babaeng iyon ang dahilan kung bakit ayaw niyang magpakasal sila.”
Napatingin sa akin ang nanay ni Elena.
“Naku Jeff, hijo pasensiya ka na. Problema ng pamilya namin ang isinalubong namin sa iyo.”
“Huwag ninyo po akong alalahanin inay.”
Iyon na lamang ang naisagot ko sa mga nakakagulat na narinig ko.
“Ang sabi pa ni ate Camille na hindi na nga siya mabigyan ng anak, eh nagawa pa daw mambabae ni kuya.”
Pagkatapos sabihin iyon ni Elena ay lumabas na sina Daniel mula sa kuwarto.
“Ay inay, heto na sina kuya.”
“Camille, anak, dito ka sa tabi ko oh. Heto nga pala si Jeff, ang future husband ni Elena.”
Nang magtama ang ating paningin ay pareho tayong natulala. Parang binuhusan ako ng malamig na tubig. Siguro ganoon ka din. Katulad ng kinatatakutan ko, ikaw nga ang Camille na nakilala’t nakapiling ko sa kubo.
Posted on August 16, 2020, in Creative Writing, Maikling Kuwento, Short Story and tagged Creative Writig, Maikling Kuwento, Short Story. Bookmark the permalink. 1 Comment.
Pingback: Tuwing Bubuhos Ang Ulan – MUKHANG "POET"