Tuwing Bubuhos Ang Ulan (2)
(2nd of 7 parts – A Novelette in Filipino)
Humupa na ang ulan. Tumahimik na ang bulkang sumabog sa loob ng kubo.
Nakatulog ka. Para kang bata na nakahilata sa kama suot pa rin ang t-shirt ko. Bahagya kong ibinaba ang laylayan ng t-shirt upang takpan ang maselang bahagi ng katawan mong iyon. Pinagmasdan ko ang maganda mong mukha. Maaliwalas ito, wala na ang lungkot na nakita ko nang pumasok ka sa kubo. Ang isang kamay mo’y bahagyang natatakpan ang iyon mga labi. Kinuha ko ang aking kamera at kinunan kita – mula ulo hanggang sa isang kamay mong nakapatong sa iyong tiyan. Hindi ko ililihim ang pagkuha ko ng larawang iyon. Balak kong ipakita ito sa iyo pag gising ka na. Pinagmasdan kitang muli at noon ko napansin parang may mga pasa ka sa hita. Maging sa iyong braso at leeg. Binale-wala ko lang iyon.
Tumingin ako sa aking relo. Halos alas-kuwatro na pala. Binuksan ko ang bintana. Sumikat pala ang araw at sa labas ay nakita ko ang isang bahaghari. Parang napakalapit lamang sa mini rice terraces na iyon ang isang dulo niyon. Napakahirap palampasin ng pagkakataong iyon. Nagpasiya akong kunan ang bahaghari ng larawan kaya habang mahimbing kang natutulog ay lumabas muna ako. Kahit medyo basa ay isinuot ko ang aking hoodie. Hinagkan kita sa pisngi bago ako lumabas.
Medyo nalayo ako sa kubo sa paghahanap ng magandang anggulo para sa larawan ng bahaghari. Ngunit kung kaylan nakapuwesto ako ng maganda eh saka biglang nawala ito.
Medyo matagal rin bago ako nakabalik sa kubo. Nang ako’y pumasok ay wala ka. Lumabas ako’t hinanap kita. Tinawag ko ang pangalan mo. Walang sumasagot. Wala akong matanaw na tao sa kahabaan ng mga taniman ng palay. Marahil sa likuran ka dumaan, sa magubat na lugar. Pinuntahan ko iyon. Paikot-ikot ako, paulit-ulit kong tinawag ang iyong pangalan. Pero wala ka na. O kaya’y nagtago ka lang.
Nasa kubo ang t-shirt ko. Kahit basa ay isinuot mo ang iyong mga damit. Bigla akong nalungkot. Pinagmasdan ko ang kama. Iniwan lang kita sandali pero bigla kang nawala. Katulad ng bahagharing nakita ko. Bago ko nahanap ang magandang anggulo para ito kuhanan ng larawan ay bigla na lamang itong naglaho.
Hinubad ko ang hoodie upang isuot muli ang t-shirt na ipinahiram ko sa iyo. Dagli akong lumabas ng kubo at mabilis akong naglakad. Halos nga tumatakbo na ako. Pinasok ko ang kakahuyan nagbabakasakaling abutan pa kita kung doon ka nga dumaan. Subalit narating ko na ang gilid ng daan ay hindi pa rin kita nakita.
Nawala ang sikat ng araw. Pagtingala ko’y nakita ko ang namuong mga ulap. Nagismula nang umambon. Uulan nanaman. Nagmadali na ako sa paglalakad.
Wala na akong magawa nang bumuhos na naman ang ulan. May mga bahay na akong nadadaanan pero nagpatuloy na lang ako sa paglalakad. Hindi na ako sumilong.
Sa may ‘di kalayuan ay may babaeng naglalakad. Natatakpan ang kalahati ng katawan niya ng payong. Masasalubong ko siya. Ang suot na skirt ng babae ay parang katulad nang suot mo. Inisip kong ikaw iyon, hindi ka nakatiis, kumuha ka ng payong, tapos ay babalikan mo ako sa kubo.
“Camille!” ang sigaw ko.
Binilisan ko ang paglalakad dahil sabik akong makita ka ulit. Ngunit nang malapitan ko na ang babae ay hindi pala ikaw. Si Elena pala, ang kasintahan ko.
“Jeff! Kanina pa kita hinahanap. Naku… basang-basa ka dad. Ang tigas kasi ng ulo mo, hindi ka nagdala ng payong.”
“Sorry… mo…mommy!”
Mula nang maglapat ang mga labi natin hanggang sa pagkakataong iyon ay hindi sumagi sa isip ko si Elena, kahit isang sandali. Mahirap sigurong paniwalaan pero iyon ang totoo. Nakalimutan kong may kasintahan akong naghihintay sa akin. Nakalimutan kong meron nga pala akong minamahal at nagmamahal sa akin. Nakalimutan kong kaya ako umakyat ng Sagada ay upang pormal na hingin ang pahitulot ng kanyang ina at kuya sa aming pagpapakasal sa susunod na taon.
“Parang may tinawag kang pangalan kanina? …mil ba iyon… Hamil?”
“Ha? Mommy kako.”
“Ganoon ba! Malakas ang buhos ng ulan kaya siguro namali ako ng dinig.”
Doon nagsimula ang serye ng maraming pagsisinungaling na ginawa ko kay Elena dahil sa iyo.
“Bilisan natin. Maligo ka agad pagdating natin sa bahay. Sana naman eh huwag kang sipunin. Darating si kuya Daniel at ang asawa niya. Sayang talaga at iyong ate ko sa Italy eh hindi pa makakauwi. Pesteng Covid kasi iyan.”
Nakaakbay ako kay Elena pero ikaw ang laman ng isip ko. Habang papalapit na kami sa bahay nila ay palinga-linga pa rin ako. Nagbabakasakaling matanawan man lang kita. Pero kahit anino mo man lang eh wala. Kako hindi na siguro kita muling makikita pa. Kaligayahang pinagsaluhan natin ay parang iyong kagandahan ng bahagharing nakita ko. Kay bilis naglaho. Pero kung iyong bahaghari hindi ko nakunan ng larawan bago nawala, ikaw, at least, ay may larawan sa akin. Mabuti na lang nakunan kita bago ka naglaho.
Ginulo mo ang isip ko. Ang simleng buhay ko bago tayo nagkita sa kubo ay biglang yatang magiging komplikado. Pero naisip ko na siguro kalaunan eh makakalimutan din kita. Bakit ko naman sasayangin ang matagal nang pinagsamahan namin ni Elena dahil lang sa iyo. Halos anim na buwan ko na siyang kasintahan pero mahigit dalawang taon na kaming magkakilala at magkaybigan dahil magkasama kami sa trabaho samantalang ikaw eh wala pa sigurong dalawang oras tayong nagkasama doon sa kubo. Bakit nga ba masyado kitang pinagaaksayahan ng panahon? Bakit iniisip pa kita. At saka lasing ka lang, katulad ko, nang nangyari iyon. Siguro wala lang iyon sa iyo. Pero sa aking bakit parang big deal. Nang mahimasmasan ka nga eh iniwan mo na lang ako basta. Pero ako, wala na ang talab ng beer na ininom ko, eh hindi pa rin ako nahimasmasan. Nilasing ako ng kung ano man ang nangyari sa atin.
“Hoy, dad, masyado ka yatang seryoso? Hindi mo na sinasagot iyong mga sinabi ko.”
“Ha, pagod lang ako.”
“Pagod?” Bakit ano ba ginawa mo’t napagod ka? Nagbayo ka ba ng palay?”
Alam kong nagbibiro si Elena pero parang tinamaan ako ng sabihin niya iyon. Ikaw ang naisip ko, iyong ginawa natin.
“Hoy… nagabayo ka ba kako ng palay?”
“Ano ba ang pinagsasabi mo mommy?”
“Kunwari ka pa… alam mo kung ano sinasabi ko.”
“Patawa ka mommy… Sino naman ang babayuhin ko dito?”
“Malay ko… baka may diwata sa gubat na nag-anyong tao nang makita ang kagwapuhan mo. Tapos nagpadyug-dyug sa iyo.”
“Naku mommy, napaka-fertile ng imagination mo. Hindi ka naman manunulat ah.”
“Pinatatawa lang kita dad.”
Baka nga eh isa kang diwata. Napakahiwaga mo kasi. Biglang sumulpot… biglang nawala. At ngayon eh nasa ilalim ako ng iyong kapangyarihan.
“Kaya lang hindi ka naman natawa… seryoso ka pa rin. Parang may malalim kang iniisip.”
“Sorry, medyo lang kasi masakit ang ulo ko.”
Iyon na lang ang sinabi ko para hindi magdamdam si Elena.
“Siyanga pala, ang kuya Daniel mo ba eh saan pa manggagaling?”
“Sa kabilang baranggay lang sila nakatira. May kotse naman siya pero mas madalas eh naglalakad lang silang mag-asawa kapag gusto nilang pumasyal sa bahay. May shortcut kasi doon sa mini rice terraces papunta dito. Teka… Napuntahan mo ba iyon kanina?”
Sasabihin ko bang oo? Sasabihin ko ba na napuntahan ko na ang lugar na iyon? Aaminin ko bang doon ako mismo nanggaling?
“Ha… hagda-hagdang palayan? Wala yata akong napansing ganoon. Di ba kamo malayo pa dito sa inyo iyong mismong rice terraces.”
“Malayo-layo pa nga pero may mangilan-ngilan na ring ganoong taniman ng palay dito. Hagdan-hagdan din.”
“Ah, ganoon ba.” Ang patay malisyang sagot ko.
“Di maganda kung hindi mo pa nakikita. Very scenic ang lugar na iyon. Bukas eh ipapasyal kita doon para makakuha ka ng maraming pictures at videos para sa travel vlog mo. Magsasawa ka. May maliit na kubo doon. Magbabaon ako at doon tayo kakain. Magdadala ako ng beer para sa iyo… para… maging diwata ako sa paningin mo. Tapos… alam mo na!
Hinapit ko sa baywang si Elena bilang tugon.
“Wala talaga sa mood ang daddy ko.”
Sasabihin ko bang alam ko din na may kubo doon, na doon ako sumilong nang bumugso ang naunang ulan? Sasabihin ko bang nagkita tayo doon at hindi natin sinadyang may namagitan sa ating dalawa?
Hindi nga ba natin sinadya iyon?
**********
Nang makarating kami sa bahay nila Elena ay sinalubong kami ng kanyang nanay.
“Hala… basang-basa ka hijo. Dumiretso ka na sa banyo’t maligo ka. Ipag-iinit kita ng tubig para makapagkape ka pagkatapos mong maligo.”
“Ay sige po. Salamat po. Pasensiya na po sa abala.”
“Oh inay. Ang daming “po” niyan ha. Siguro naman naniniwala na kayo na mabait ang mapapangasawa ko.”
“Ikaw talaga mommy napaka mo.”
Ngumiti lang ang nanay ni Elena.
Pumasok na ako sa banyo. Bago ko naisarado ang pinto niyon ay nadinig ko ang usapan nina Elena at ng magigigng biyenan ko.
“May bisita ka, nasa kuwarto ninyo.”
“Sino po inay?”
“Si Camille.”
Nahinto ako sa aking ginagawa ng marinig ko ang pangalang iyon. Pakiramdam ko’y nanlaki ang aking mga mata.
“Magkasunuran lang kayo halos na dumating. Naku walang bitbit na payong ang hipag mo kaya basang-basa rin nang dumating dito. Pinahiram ko muna siya ng damit mo. Nag-away nanaman siguro sila ni Daniel kaya nauna na siyang pumunta dito.”
Kako’y huwag naman sana na ikaw iyong Camille na pinaguusapan nila. Huwag naman sana na asawa ka pala ng kapatid ng mapapangasawa ko.
“Tawagan mo nga ang kuya mo. Sabihan mong nandito na si Camille kaya pumunta na siya dito. Para na rin maipakilala mo na si Jeff sa kanila.”
Posted on August 14, 2020, in Creative Writing, Fiction, Maikling Kuwento, Short Story and tagged Creative Writig, Fiction, Maikling Kuwento, Short Story. Bookmark the permalink. 2 Comments.
Pingback: Tuwing Bubuhos Ang Ulan – MUKHANG "POET"
Pingback: Tuwing Bubuhos Ang Ulan (1) | M. A. D. L I G A Y A