TATSULOK (2)

(2nd of 3 Parts)

2

Pinapakinggan ko lang si M. Napakaganda ng hugis ng kanyang labi, Kaygandang pagmasdan ng bibig niya habang siya’y nagsasalita at kapag siya ay ngumingiti.

“Gusto ko lang mag-enjoy ngayong gabi kaya ako nandito, naiinip kasi ako sa bahay. Niyaya ko kanina ang bestfriend ko  na gumimik, tinawagan ko siya. Pero hindi daw siya puwede, bukas na lang daw niya ipapaliwanag sa akin kung bakit. Kaya heto, gumimik akong mag-isa.”

“Ganoon ba. Gusto mo palang mag-enjoy eh bakit naman iyong problemadong katulad ko ang napili mong lapitan.”

“Mas gusto ko kasing kausap iyong mga lalaking hindi kasundo ng mga asawa nila.” Ang sagot niya sabay dantay ng kanyang kamay sa aking hita. May kuryenteng gumapang sa aking pagkatao.

Game siya.

“Hoy, joke lang ha. Baka mag-init ang…haha…ulo mo.”

Mapanukso ang mga kilos ni M. Gusto kong tumayo at iwan sya at baka kung saan pa makarating ang mga biro nya. Para kasing lasing na siya. May problema akong kinakaharap, pilit nga akong humahanap ng kalutasan. Natatakot akong baka isang problema nanaman ang aking kakaharapin  kapag hindi ako umiwas.

Ngunit parang ang hirap niyang iwanan. Parang ayaw kong gawin iyon. Kaylangan ko din ng kakuwentuhan kaya sinakyan ko na lang ang trip niya.

Ibinuhos ko ang laman ng pangatlong bote ng beer sa aking baso.

“Kumuha ka nga pala ng soft drinks.”

“Softdrinks? Ang corny mo ha. Gusto ko rin ng beer, at gusto ko sa baso mo rin ako iinom,” ang wika nito sabay hila ng kanyang upuan upang lalong lumapit sa akin.  “Don’t worry, wala akong rabies.”

Habang umiinom kami gamit ang iisang baso, tinanong niya ako  kung puwede akong magkwento tungkol sa aking problema. Nagpaunlak ako. Sinimulan ko sa pagpapakasal namin ni Vicky, ang mga ginawa kong pagsisikap upang mapaghandaan ang aming kinabukasan, at ang mga pinagdaanan ko upang maitaguyod ang aming pagsasama. Pagkatapos niyon ay isiniwalat ko ang aking sama ng loob sa aking asawa, ang pagiging mataray nito at kaiklian ng pasensiya, at ang kanyang pagiging immature sa maraming bagay. Ngunit inamin ko rin na kahit ganoon ay mahal na mahal ko siya.

Ang paglilitanya ko’y naputol ng tumunog ang cellphone ni M. Lumabas siya ng videoke bar upang sagutin iyon. Noon ko  napansin na naka-sampung bote ng beer na pala kami.

Ilang sandali pa’y bumalik na si  M. “Tumawag ang katulong ko,” wika niya. “Dumating daw kasi sa bahay ang bestfriend ko. Iyong sinabi ko sa iyo kanina. Gusto daw akong makita. Bukas pa sana siya pupunta sa bahay kasama ng kanyang dyowa. Mukhang namiss ako ni bes.

Nakinig lang ako sa kanya.

“Mabalik tayo sa problema mo, Napansin ko lang, Bakit parang puro yata negative ang mga sinabi mo sa aking tungkol sa asawa mo?”

Hindi ko nasagot ang sinabing iyon ni M.

“Anyway. Hindi ko alam kung ano talaga ang nangyari sa inyo. Mas kilala ninyo ang isa’t isa. Eh ano na ang balak mong gawin ngayon?”

Hindi ko alam. Bahala na.” Sagot ko sa kanya.

Umakbay sa akin si M.  Hinalikan ako sa pisngi at sinabing – “Halika, labas tayo.”

“Ha!? Saan naman tayo pupunta?”

Napatingin sa akin si M.

“Ganoon? Hindi mo alam?”

Noon ko napagtanto kung ano ang ibig sabihin ni M. Parang napahiya pa ako dahil parang napakaestupido ko para hindi ko malaman kung saan gustong magyaya ni M. Pero, hindi ko talaga kaagad naisip iyon.

“Tara na, maiinsulto ako kapag tumanggi ka.” Hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ko.

Unti-unting akong iniiwan ng tamang pangangatwiran. Nilunod na marahil ng alak ang kakayahan kong timbangin kung alin ang  tama at mali. Para akong naging sunod-sunuran kay M. Isa siyang tuksong napakahirap tanggihan. Para siyang apoy na nakakadarang at ako naman ay isang kahoy na pinarupok ng kinasadlakan kong suliranin. Kay dali kong nagliyab.

Pagkakuha ko ng chit at mabayaran ay lumabas kami. Papara sana ako ng taxi pero pinigilan niya ako.

“Marunong ka bang mag-drive?”

Tumango ako. Iniabot ni M sa akin ang isang susi.

“Hayun ang CR-V ko. Doon tayo sasakay. Sa bahay ko tayo pupunta.”

Nang nasa loob na kami ng sasakyan niya ay binuksan niya ang navigation device  nito.

“Ise-set ko na ito. Sundan mo na lang.”

Habang ako’y nagda-drive ay nakapatong sa hita ko ang isang kamay ni M. Naidlip siya.

Napakainit ng kamay niyang iyon. Nakakapaso. Bangkay lamang ang hindi makakaramdaman ng init sa ganoong pagkakataon. At ako ay buhay.

Mula ng ikasal kami ni Vicky ay sa pagkakataong iyon lamang ako muling sumama sa isang babae. Noong nag-aaral pa ako sa kolehiyo at bago magpakasal ay may kapilyuhan. Subalit pinilit kong magbago alang-alang sa aking asawa. Subalit pakiramdam ko’y nababale-wala lamang lahat ng iyon.

Naisip ko sa oras na iyon na noon lamang ako makakaranas na lumabas kasama ang isang babaeng katulad ni M. Batid kong kalimitan na pera lamang ang habol ng mga babaeng katulad niya. At handa ako sa pagkakataong iyon. Pero nagtataka akong sa bahay pa niya kami pupunta, bakit hindi na lamang sa isang motel.

Pilit pa rin akong umiisip ng paraan upang makaiwas. Pero wala na. Subong-subo na ako.

Nasa isang subdivision ang bahay niya. Maganda’t malaki ang bahay ni M, kumpleto ang gamit. Ang sabi niya’y katas ng Japan lahat ng iyon. Iyon daw ang mga pinagpaguran niya sa ilang taong pagtatrabaho doon.

Walang sumalubong sa amin. Marahil tulog na ang mga kasama niya sa bahay. Sa kuwarto niya kami tumuloy. Naupo kami sa kanyang kama. Humawak siya sa aking baywang at inihilig ang kangyang ulo sa kaliwa kong balikat.

“Sino ba ang mga kasama mo dito.” Tanong ko sa kanya.

“Ang asawa ko,” mabilis niyang sagot na ikinagulat ko.

“Joke, joke, joke! Natakot ka ano? Hoy, dalaga pa ako ano.”

Tumayo ito, tumalikod at  walang kiyemeng hinubad ang suot na jeans at t-shirt habang lumalapit sa kanyang aparador. Isinunod hubarin ang kanyang bra. Mula sa kinauupuan ko’y kitang-kita ko ang magandang hubog ng kanyang katawan.

Nang muli siyang lumapit sa akin ay suot na niya ang isang manipis na pantulog.

“Sino kako ang kasama mo dito.” Muli kong tanong.

“Kami lang ng kapatid kong babae at tatlong katulong ang nakatira dito. Ulilang lubos na kami. Ang kapatid ko’y nasa Baguio ngayon. Siyanga nga pala, teka lang ha, diyan ka muna, silipin ko lang ang bestfriend ko. Magsa-shower na rin ako doon.”

Bago siya lumabas ay humalik siya sa aking labi. At pagkatapos ay itinulak ako pahiga sa kama niya.

“Don’t go away… I’ll be back!”

Lumabas siya ng kuwarto. Nanatili akong nakahiga sa kama. Ipinikit ko ang aking mga mata. Hindi ko na kontrolado ang pagkakataon. May pagkakataon na akong umalis. Pero parang ang hirap gawin. Ayaw kong gawin.

Bumangon ako’t pumasok sa CR sa kuwarto niya.

Nagshower ako. Nagbabakasaling mahimasmasan ako kapag nadampian ang bungo ko ng malamig na tubig.

Walang epekto. Kapag pumipikit ako’y si M na nakasuot ng manipis na pantulog ang sumasagi sa isip ko.

Hinayaan ko na kung saan ako dadalhin ng agos ng kapalaran.  Nilunod ba ng alak ang ang pag-iisip o nabihag ako ng kagandahan taglay ni M? O gusto ko lang ibsan ang mga hinanakit ko kay Vicky?

**********

Nang bumalik si M sa kuwarto’y may dala itong kape.

“Maupo muna tayo dito sa sahig,” ang paanyaya niya.

Pagkaupo ko’y humiga naman siya nakatagilid na paharap sa akin, itinukod nito ang isang kamay sa ulo. Pareho kaming humihigop ng kape habang nag-uusap.

Napakanipis talaga ng pantulog na suot niya. Hindi ko mapigilang hagurin ng tingin ang kanayang kabubuan – mukha, dibdib, puson, pababa sa hita. At hindi lingid iyon sa kanya.

“O, relax ka lang.” Pabiro nitong sabi.

Nangiti ako sa tinuran niyang iyon.

“O, kumusta na ang bisita mo?” Ang tanong ko sa kanya.

“Buntis daw siya. Kukuhanin daw akong ninang. Saka na lang daw ako bumalik sa Japan pagkapanganak niya. Kako, loka ba siya. Kaylangang kong bumalik doon hanggang next month. Pero nagngako ako sa kanyang babalik ako dito kapag nagpabinyag na siya.”

“Ano ang sabi niya?”

“Okay daw… Hayun, natulog na. Sabi ko kasi na may bisita akong guwapo. Sabi niya hinay-hinay lang daw. Sagot ko sa kanya na hindi ko maipapangako sa kanya iyon. Kako depende sa iyo.”

“Naku, napakapilya mo talaga.”

Ilang sandali pa’y naubos na ang kape namin. May namagitan sa amin na  sandali ng katahimikan. Nagkakatinginan lamang kami.

“Kaya mo ba akong buhatin?” Ang tanong niya.

Pinaunlakan ko ang kanyang hamon. Binuhat ko siya at dahan-dahang inihiga sa kama.

siya sa akin ng buong higpit.

Hinalikan niya ako sa labi.

Hindi na ako nakaiwas.

Ayaw kong umiwas.

Hindi ako bato.

Hindi ako santo.

**********

Nang idilat ko ang aking mga mata kinabukasan ang nakangiting si M ang bumungad sa akin. Nakaupo ito sa may sahig at sa harapan niya’y may dalawang tasa ng kape.

“Good morning! Halika na, kape muna tayo. Hay naku, day off pala ng mga katulong ko ngayon. Kaaalis lang nila. Pero may nagluluto sa baba, iyong bestfriend ko. Mabuti na nga lang at dumating siya. At mukhang ayaw pang umuwi.”

Tumango lamang ako. Bigla kong naalaala si Vicky. Kinuha ko ang aking mga damit at pumasok ako sa CR. Doo’y naghilamos ako at nanalamin. Noon ko unti-unting napagisip-isip kung ano ang ginagawa ko. May problema akong mabigat, pero hindi ko man lang naisip na mukhang problema din itong aking pinapasukan.

Sa isip ko’y may bahid ng pagsisisi sa nangyari sa amin ni M. Alam kong hindi dapat nangyari iyon. Pero  magsisi man ako’y nangyari na ang nangyari.

Paglabas  ko  ng CR ay umupo ako sahig sa harapan niya. Habang hinihigop ko ang kape’y iniisip ko si Vicky. Maaring nakabalik na siya ng bahay. Iniisip ko kung ano ang mangyayari sa amin kapag nagkita kami. Bahala na siya kung anong desisyon ang kanyang gagawin. Nakahanda na ako kung humantong man sa hiwalayan ang problema namin.

“Ang lalim ng inisip mo ah! Asawa mo ba? Wow, selos ako niyan,”  ang biro sa akin ni M.

Ngiti lang ang isinagot ko sa kanyang mga sinabi. Wala naman akong dapat ipaliwanag sa kanya. At pareho naming alam na wala kaming responsibilidad sa isa’t isa. Ang nangyari’y nangyari na. At maaring hanggang doon na lang iyon.

Pinagmasdan ko ang magandang mukha ni M. Naalaala ko ang nagdaang magdamag. Sumagi sa isip ko na ano kaya kung seryosohin ko ito kapag nagkahiwalay kami ng asawa ko. Eh ano kung  Japayuki siya, puede naman siyang magbago kapag magkasama na kami. Kaya ko siyang baguhin. Pero sa palagay ko’y hindi ako niya seseryosohin. Ang nangyari sa amin ay isang “one night stand” lang. Pag-alis ko sa bahay niya ay siguradong makakalimutan niya agad ako.

“Hoy! Baka matunaw ako sa titig mong iyan.”

Pagkatapos niyang sabihin iyon ay lumapit siya sa at  humilig siya sa aking kanang balikat. Hinawakan ko ang pisngi nito. Para bang nakaramdam ako ng panghihinayang kay M.

siya at naupo sa upuan sa harap ng kanyang tokador. Nagsusuklay siya habang nakaharap sa salamin. Ako nama’y naupo sa kanyang kama’t pinagmamasdan ko siya.

“Sana ay huwag mong isipin na gabi-gabi ay may isinasama ako dito na lalake.”

“Hindi ako nag-iisip ng ganyan.” Ang tugon ko. “Hindi ako mapanghusgang tao.”

“Salamat naman kung ganoon. Maniniwala ka bang ikaw pa lamang ang unang lalake na isinama ko dito sa bahay? Gusto ko lang talagang magkaroon ng ka-date kagabi. Aywan ko ba, bigla na lang kasi akong nalungkot kahapon, para bang naramdaman kong gusto ko ng may kasama.

Tumatango-tango lamang ako habang nakikinig sa kanya.

Tumigil siya ng pagsusuklay at humarap sa akin.

“At saka alam mo, iba ang dating mo sa akin, aywan ko ba. Kung mga teenagers nga lang tayo baka sabihin kong na-love at first sight ako sa iyo. Corny ko ano, pero totoo iyon. Gusto talaga kita.”

Pilit kong inuunawa ang sinasabi ni M.

“Naiintindihan mo ba ako?”

“Oo naman. Natutuwa ako sa mga naririnig ko. Salamat.” Sagot ko sa kanya.

Totoo ang sagot kong iyon. Nakakatuwa ang mga sinabi niya. Pero sayang na sayang dahil gustuhin ko man ay hindi puwedeng ipagpatuloy kung ano man ang nasimulan namin. Sa araw na iyon ay pareho namin iyong tutuldukan.

Part 3

Advertisement

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer-Lifelong Learner I have three passions - teaching, writing, and learning. I am a Filipino currently residing and teaching in South Korea. I blog and vlog the things I write. I have two websites and two YouTube channels where I publish my works in my areas of interest. I also use Wattpad and Pinterest to publish my creative works. I am into research as well. Some of my articles were presented at conferences and published in indexed-journals. TO GOD BE THE GLORY!

Posted on May 14, 2020, in Creative Writing, Fiction, Love Triangle, Maikling Kuwento, Short Story and tagged , , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: