Blog Archives
Tuwing Bubuhos Ang Ulan (3)
(3rd of 7 Parts – A Novelette in Filipino)
Inabutan ako ni Elena ng shorts at sando sa banyo.
“Dad, sa terrace ka muna pagkaligo mo ha. Kausapin ko lang si ate Camille sa kuwarto natin. Ayaw tumigil ng pag-iyak. Mukhang may mabigat na problema. May nangyari pa daw sa kanya kanina na ayaw naman niyang sabihin kung ano.”
Tumango lang ako kay Elena. Kinabahan ako. Sabik akong makita ka pero hindi sa bahay na iyon. Kinabahan ako dahil kung ikaw at ang Camille na kausap ni Elena sa kuwarto ay iisa ay paano na. Ano ang mangyayari kung maglakas-loob kang aminin sa hipag mo kung ano ang nangyari sa kubo. Tapos makikita mo ako na nasa loob din ng bahay.
Mula sa banyo ay naupo ako sa terrace. Dinalhan ako doon ng kape ng nanay ni Elena.
“Jeff, dito ka lang muna ha. Puntahan ko lang sina Elena at Camille sa kuwarto. Paparating na rin si Daniel. Bahala na muna kayo mamayang mag-usap”
“Sige po in… sige po.”
“Hijo, tawagin mo na rin akong inay. Okay lang iyon. Ikakasal na kayo ni Elena.”
“Sige po inay. Salamat po.”
“Sana lang eh mahalin mo ang anak ko, maging tapat ka sa kanya. Huwag mo sanang sasaktan ang bunso ko.”
“Pa… pangako po inay. Mamahalin at aalagaan ko po si Elena.”
At muli ay pumasok ka nanaman sa isip ko. Nahirapan akong bitiwan ang pangakong iyon sa nanay ni Elena. Wala sa loob ko ang pangakong iyon. Bakit ba kasi bumuhos ang ulan? Sana hindi tayo parehong sumilong sa kubong iyon. Sana lang nagdala ako ng payong o sana ipinagpabukas ko na lang ang pagkuha ng mga pictures at videos. Sana hindi tayo nagkita. Sana tahimik ang isipan at kalooban ko. Pero ano mang pagsisi ang gawin ko eh hindi na magbabago ang mga nangyari. Mali ang mga ginawa kong desisyon at kaylangang harapin ko kung ano man ang kahihinatnan ng mga pagkakamali kong iyon.
Naiwan ako sa terrace. Dahan-dahang hinigop ko ang kapeng bigay ng magiging biyenan ko. Hindi ako mapakali. Gusto ko nang malaman kung ikaw nga ba ang nasa kuwarto. Pumasok ako sa loob ng bahay. Nakita kong medyo nakaawang ang pintuan ng kuwarto namin. Lumapit ako ng kaunti. May manipis na kurtina ang pinto kaya hindi ko rin makita nang malinaw ang mga nasa loob. Hindi ko rin madinig ang usapan. Tanging iyak lang ag naririnig ko.
Nagdesisyon akong pumasok. Hindi ko na matiis. Kung ikaw nga ang nasa loob eh gusto na kitang makita.
Nang itutulak ko na sana ang pinto eh may narinig akong busina ng kotse sa harap ng bahay. Maaring si Daniel na iyon.
Naudlot ang pagpasok ko. Umurong ako. Dagli akong lumabas ng bahay at binuksan ko ang gate. Pumasok ang kotse.
Matapos mag-park ay bamaba ang sakay nito… si Daniel nga.
Matangkad siya ng kaunti sa akin at medyo matipuno ang katawan.
“Jeff? Ikaw ba si Jeff?”
Tinanguan ko siya.
“Ako si Daniel, ang kuya ni Elena. Anak ng… kaya pala naman na in-love sa iyo ang kapatid ko. Gwapo ka na eh ang ganda pa ng katawan mo ah. Mukhang sa gym ka natutulog.”
“Hindi naman kuya. Ikaw nga itong maganda ang pangangatawan.”
Naupo kami sa terrace. Nakita ko na rin sa personal ang kuya ni Elena. Picture nilang mag-anak, ng buhay pa ang kanilang tatay ang cover page ng Facebook ni Elena kaya alam ko kung ano ang hitsua ng kuya niya. Iyon lang ang kaisa-isang picture ni Elena na kasama ang sinoman sa mga kapamilya niya. Si Elena naman kasi ay paminsan-minsan lang din mag-Facebook. Ako madalas dahil sa aking vlog. Ang kuya daw niya ay walang account sa Facebook dahil hindi nito nakahiligan ang social media.
“Kape kuya.”
“Kape? Bakit kape? Teka may Johnie Walker nga pala akong dala, Sandali babalikan ko sa kotse.”
Kinuha nga ni Daniel ang dalang na alak sa kanyang kotse. Mapapasubo ako sa inuman. Hindi pa naman ako sanay uminom ng hard.
“O heto. Itabi mo na iyang kape mo. May dala na rin akong shot glass. Pulutan na lang ang problema.
May inilapag ding kulay itim na clutch bag si Daniel sa lamesa ng terrace. Hindi ko na inusisa kung ano iyon.
“Nasaan nga pala ang inay at si Elena? Nandito nga ba si Camille.”
“Nasa kuwarto sila kuya, nag-uusap.”
“Patay nanaman ako niyan. Naisumbong na akong tiyak. Siyempre, kampi-kampi na sila. Ako nanaman ang kontrabida.”
Pinakinggan ko lang si Daniel.
“Ang tigas kasi ng ulo ng babaeng iyan. Sabi ko bumalik na siya sa Italy noong February eh hindi nakinig. Naabutan tuloy ng lockdown noong March kaya hanggang ngayon nandito pa rin. Hayan ubos na halos budget namin at mukhang wala na siyang babalikang trabaho doon. Lintik kasing Covid iyan”
“Mahirap talaga ang situation ngayon kuya. Kami nga ani Elena eh baka after two months pa makakabalik doon sa company namin. Kaya dito daw muna kami mamalagi.”
“Ganoon ba. Tamang-tama naman para may kasama dito si inay. Iyong pinsan kasi naming babae na nagaalaga sa kanya dito eh nagtanan, noong isang linggo lang. Tapos iyong isa ko pang kapatid na babae na nasa Italy rin eh baka end of the year pa bumalik dito. Sa kasal ninyo ni Elena ay siguradong nandito na siya.”
“O nandiyan ka na pala Daniel.”
Ang nanay ni Elena iyon na biglang sumulpot mula sa likuran namin.
“Opo inay. Kararating ko lang.”
“Alak nanaman iyan Daniel. Sabi ni Elena eh hindi sanay uminom si Jeff.”
“Kaya nga sisimulan ko na siyang i-train. Bago matapos ang 2 buwan nilang bakasyyon dito eh masasanay na si bayaw uminom ng hard. Mano nga po pala inay.”
“Kaawaan ka ng Diyos. At sana eh gawing ka ng mabait ng Panginoon. Hay naku Daniel.”
“Ano nanaman ba ang isinumbong sa inyo ni Camille?”
“Naku bata ka. Magpaliwanag ka sa akin mamaya.”
Napansin ng inay ang clutch bag na itim.
“O bakit dala-dala mo nanaman iyang baril mo?”
“Eh inay proteksyon lang po. At lisensyado ito. Masyado kaasing maiinit sa aking iyong may-ari ng lupa katabi ng taniman mo ng gulay.”
“Mag-ingat ka lang. Gamitin mo lang sana iyan for self-defense. Teka, diyan muna kayo at maghahain na ako nang makapaghapunan na tayo bago ninyo inumin iyan.”
Kuwento ng kuwento si kuya Daniel habang inihahanda ni inay sa lamesa ang aming hapunan. Hindi ako maka-focus sa mga sinasabi ng bayaw ko dahil ikaw ang aking iniisip. Panay ang tanaw ko sa pinto. Inaabangan ko kung lalabas doon ang Camille na kausap ni Elena sa kuwarto.
“Daniel… Jeff… pasok na kayo. Handa na ang hapunan.”
“Tara bayaw… kain na tayo nang masimulan na natin ang inuman.”
Habang papunta kami sa kusina eh parang kalembang ng kampana sa simbabahan ang kaba ko sa dibdib. Malalaman ko na sa wakas kung ikaw ba at ako ay nasa loob pala ng bahay na iyon.
“Oh Daniel… tawagin mo nga sina Elena at Camille sa kuwarto. Nakahain na kamo.”
“Opo inay.”
At tinungo ni Daniel ang kuwarto. Hindi ko malaman kung takot ba o pananabik ang nararamdaman ko habang hinihintay ko kung sino ang Camille na lalabas mula sa kuwarto.
“Hoy… Jeff! Bakit parang titig na titig ka sa pintuan ng kuwarto?”
“Ha? Ay naku hindi po.”
“Walang multong lalabas mula sa kuwarto kaya huwag kang matakot.”
“Pasensiya na po. Parang… parang ano po… parang naalaala ko lang bigla iyong pintuan sa apartment namin sa Pasig. Iniisip ko kung nai-lock ko po ba o hindi.”
“Tawagan mo na lang iyong may-ari ng apartment. Ipa-check mo.”
“Ah. Mamaya po tatawagan ko.”
Kung ano-anong kuwento na ang naiimbento ko dahil sa pag-iisip ko tungkol sa iyo. Ikako sa sarili’y bakit ba kasi ayaw mo pang lumabas ng kuwarto para matapos na. Para malaman ko na kung ikaw ang Camille na biglang nagpagulo sa isip ko.
“Maupo ka na Jeff. Relax ka lang.”
“Opo inay.”
“Napakasaya ko ngayon hijo. Makikita kong sabay-sabay kumain kayong mga anak ko. Mas masaya sana kung iyong anak kong nasa Italy eh nandito rin.”
“Pasasaan po ba at makakasama rin natin sya.”
“Oo nga.”
At may lumabas sa kuwarto… si Elena.
“Oh, nasaan iyong dalawa?”
“Hay naku inay. Nilalambing muna ni kuya Daniel si ate Camille. Sandali lang daw po.”
Nabitin pa ang paghihintay ko. Lalo tuloy akong kinakabahan.
“Sige hintayin natin sila. Ipagsandok mo muna ng mushroom soup si Jeff at baka gutom na iyan.”
“Naks dad ha. Mukhang close na kayo ng inay.”
Tumingin sa akin ang nanay ni Elena at ngumiti.
“Ano nga pala ang iba pang sinabi sa iyo ni Camille ha anak?”
Lumingon muna ni Elena ang kuwarto bago ito nagsalita.
“Naku inay, kaya pala pinipilit ni kuya na bumalik si ate sa Italy eh meron daw palang dine-deyt si kuya.”
“Mahabaging langit… sino naman daw?”
“Inay, taga-doon din sa barangay nila. At heto pa… may asawa din iyong babae… OFW… sa Saudi nagtatrabaho.”
“Anong kademonyohan ang pumasok sa isip ng kuya mo at ginawa iyon. Hindi na ba siya natakot sa Diyos?”
Ang mga sinasabi ng nanay ni Elena ay parang mga karayom na tumutusok sa aking konsensiya. Bigla ko tuloy naalaala ang madalas sabihin sa akin noon ng aking ina na dapat ay pag-isipan kong mabuti ang lahat ng desisyon na gagawin ko para hindi ako magsisi sa bandand huli. Pero, wala na, nagawa ko na.
“Kalat na daw po ang tsismis doon sa kanila inay.
“Nakakahiya… nakakahiya…!
“Matagal na daw po iyon inay.”
“Naku… mabuti na lang at baog ang kuya mo. Kung hindi baka nagkaanak pa sila ng babaeng iyon.”
“Gusto na pong makipaghiwalay ni ate Camille kay kuya inay. Tutal hindi daw po naman sila kasal.”
“Ha!? Ang laking problema nito.”
“Sabi ni ate, baka ang babaeng iyon ang dahilan kung bakit ayaw niyang magpakasal sila.”
Napatingin sa akin ang nanay ni Elena.
“Naku Jeff, hijo pasensiya ka na. Problema ng pamilya namin ang isinalubong namin sa iyo.”
“Huwag ninyo po akong alalahanin inay.”
Iyon na lamang ang naisagot ko sa mga nakakagulat na narinig ko.
“Ang sabi pa ni ate Camille na hindi na nga siya mabigyan ng anak, eh nagawa pa daw mambabae ni kuya.”
Pagkatapos sabihin iyon ni Elena ay lumabas na sina Daniel mula sa kuwarto.
“Ay inay, heto na sina kuya.”
“Camille, anak, dito ka sa tabi ko oh. Heto nga pala si Jeff, ang future husband ni Elena.”
Nang magtama ang ating paningin ay pareho tayong natulala. Parang binuhusan ako ng malamig na tubig. Siguro ganoon ka din. Katulad ng kinatatakutan ko, ikaw nga ang Camille na nakilala’t nakapiling ko sa kubo.
Tuwing Bubuhos Ang Ulan (2)
(2nd of 7 parts – A Novelette in Filipino)
Humupa na ang ulan. Tumahimik na ang bulkang sumabog sa loob ng kubo.
Nakatulog ka. Para kang bata na nakahilata sa kama suot pa rin ang t-shirt ko. Bahagya kong ibinaba ang laylayan ng t-shirt upang takpan ang maselang bahagi ng katawan mong iyon. Pinagmasdan ko ang maganda mong mukha. Maaliwalas ito, wala na ang lungkot na nakita ko nang pumasok ka sa kubo. Ang isang kamay mo’y bahagyang natatakpan ang iyon mga labi. Kinuha ko ang aking kamera at kinunan kita – mula ulo hanggang sa isang kamay mong nakapatong sa iyong tiyan. Hindi ko ililihim ang pagkuha ko ng larawang iyon. Balak kong ipakita ito sa iyo pag gising ka na. Pinagmasdan kitang muli at noon ko napansin parang may mga pasa ka sa hita. Maging sa iyong braso at leeg. Binale-wala ko lang iyon.
Tumingin ako sa aking relo. Halos alas-kuwatro na pala. Binuksan ko ang bintana. Sumikat pala ang araw at sa labas ay nakita ko ang isang bahaghari. Parang napakalapit lamang sa mini rice terraces na iyon ang isang dulo niyon. Napakahirap palampasin ng pagkakataong iyon. Nagpasiya akong kunan ang bahaghari ng larawan kaya habang mahimbing kang natutulog ay lumabas muna ako. Kahit medyo basa ay isinuot ko ang aking hoodie. Hinagkan kita sa pisngi bago ako lumabas.
Medyo nalayo ako sa kubo sa paghahanap ng magandang anggulo para sa larawan ng bahaghari. Ngunit kung kaylan nakapuwesto ako ng maganda eh saka biglang nawala ito.
Medyo matagal rin bago ako nakabalik sa kubo. Nang ako’y pumasok ay wala ka. Lumabas ako’t hinanap kita. Tinawag ko ang pangalan mo. Walang sumasagot. Wala akong matanaw na tao sa kahabaan ng mga taniman ng palay. Marahil sa likuran ka dumaan, sa magubat na lugar. Pinuntahan ko iyon. Paikot-ikot ako, paulit-ulit kong tinawag ang iyong pangalan. Pero wala ka na. O kaya’y nagtago ka lang.
Nasa kubo ang t-shirt ko. Kahit basa ay isinuot mo ang iyong mga damit. Bigla akong nalungkot. Pinagmasdan ko ang kama. Iniwan lang kita sandali pero bigla kang nawala. Katulad ng bahagharing nakita ko. Bago ko nahanap ang magandang anggulo para ito kuhanan ng larawan ay bigla na lamang itong naglaho.
Hinubad ko ang hoodie upang isuot muli ang t-shirt na ipinahiram ko sa iyo. Dagli akong lumabas ng kubo at mabilis akong naglakad. Halos nga tumatakbo na ako. Pinasok ko ang kakahuyan nagbabakasakaling abutan pa kita kung doon ka nga dumaan. Subalit narating ko na ang gilid ng daan ay hindi pa rin kita nakita.
Nawala ang sikat ng araw. Pagtingala ko’y nakita ko ang namuong mga ulap. Nagismula nang umambon. Uulan nanaman. Nagmadali na ako sa paglalakad.
Wala na akong magawa nang bumuhos na naman ang ulan. May mga bahay na akong nadadaanan pero nagpatuloy na lang ako sa paglalakad. Hindi na ako sumilong.
Sa may ‘di kalayuan ay may babaeng naglalakad. Natatakpan ang kalahati ng katawan niya ng payong. Masasalubong ko siya. Ang suot na skirt ng babae ay parang katulad nang suot mo. Inisip kong ikaw iyon, hindi ka nakatiis, kumuha ka ng payong, tapos ay babalikan mo ako sa kubo.
“Camille!” ang sigaw ko.
Binilisan ko ang paglalakad dahil sabik akong makita ka ulit. Ngunit nang malapitan ko na ang babae ay hindi pala ikaw. Si Elena pala, ang kasintahan ko.
“Jeff! Kanina pa kita hinahanap. Naku… basang-basa ka dad. Ang tigas kasi ng ulo mo, hindi ka nagdala ng payong.”
“Sorry… mo…mommy!”
Mula nang maglapat ang mga labi natin hanggang sa pagkakataong iyon ay hindi sumagi sa isip ko si Elena, kahit isang sandali. Mahirap sigurong paniwalaan pero iyon ang totoo. Nakalimutan kong may kasintahan akong naghihintay sa akin. Nakalimutan kong meron nga pala akong minamahal at nagmamahal sa akin. Nakalimutan kong kaya ako umakyat ng Sagada ay upang pormal na hingin ang pahitulot ng kanyang ina at kuya sa aming pagpapakasal sa susunod na taon.
“Parang may tinawag kang pangalan kanina? …mil ba iyon… Hamil?”
“Ha? Mommy kako.”
“Ganoon ba! Malakas ang buhos ng ulan kaya siguro namali ako ng dinig.”
Doon nagsimula ang serye ng maraming pagsisinungaling na ginawa ko kay Elena dahil sa iyo.
“Bilisan natin. Maligo ka agad pagdating natin sa bahay. Sana naman eh huwag kang sipunin. Darating si kuya Daniel at ang asawa niya. Sayang talaga at iyong ate ko sa Italy eh hindi pa makakauwi. Pesteng Covid kasi iyan.”
Nakaakbay ako kay Elena pero ikaw ang laman ng isip ko. Habang papalapit na kami sa bahay nila ay palinga-linga pa rin ako. Nagbabakasakaling matanawan man lang kita. Pero kahit anino mo man lang eh wala. Kako hindi na siguro kita muling makikita pa. Kaligayahang pinagsaluhan natin ay parang iyong kagandahan ng bahagharing nakita ko. Kay bilis naglaho. Pero kung iyong bahaghari hindi ko nakunan ng larawan bago nawala, ikaw, at least, ay may larawan sa akin. Mabuti na lang nakunan kita bago ka naglaho.
Ginulo mo ang isip ko. Ang simleng buhay ko bago tayo nagkita sa kubo ay biglang yatang magiging komplikado. Pero naisip ko na siguro kalaunan eh makakalimutan din kita. Bakit ko naman sasayangin ang matagal nang pinagsamahan namin ni Elena dahil lang sa iyo. Halos anim na buwan ko na siyang kasintahan pero mahigit dalawang taon na kaming magkakilala at magkaybigan dahil magkasama kami sa trabaho samantalang ikaw eh wala pa sigurong dalawang oras tayong nagkasama doon sa kubo. Bakit nga ba masyado kitang pinagaaksayahan ng panahon? Bakit iniisip pa kita. At saka lasing ka lang, katulad ko, nang nangyari iyon. Siguro wala lang iyon sa iyo. Pero sa aking bakit parang big deal. Nang mahimasmasan ka nga eh iniwan mo na lang ako basta. Pero ako, wala na ang talab ng beer na ininom ko, eh hindi pa rin ako nahimasmasan. Nilasing ako ng kung ano man ang nangyari sa atin.
“Hoy, dad, masyado ka yatang seryoso? Hindi mo na sinasagot iyong mga sinabi ko.”
“Ha, pagod lang ako.”
“Pagod?” Bakit ano ba ginawa mo’t napagod ka? Nagbayo ka ba ng palay?”
Alam kong nagbibiro si Elena pero parang tinamaan ako ng sabihin niya iyon. Ikaw ang naisip ko, iyong ginawa natin.
“Hoy… nagabayo ka ba kako ng palay?”
“Ano ba ang pinagsasabi mo mommy?”
“Kunwari ka pa… alam mo kung ano sinasabi ko.”
“Patawa ka mommy… Sino naman ang babayuhin ko dito?”
“Malay ko… baka may diwata sa gubat na nag-anyong tao nang makita ang kagwapuhan mo. Tapos nagpadyug-dyug sa iyo.”
“Naku mommy, napaka-fertile ng imagination mo. Hindi ka naman manunulat ah.”
“Pinatatawa lang kita dad.”
Baka nga eh isa kang diwata. Napakahiwaga mo kasi. Biglang sumulpot… biglang nawala. At ngayon eh nasa ilalim ako ng iyong kapangyarihan.
“Kaya lang hindi ka naman natawa… seryoso ka pa rin. Parang may malalim kang iniisip.”
“Sorry, medyo lang kasi masakit ang ulo ko.”
Iyon na lang ang sinabi ko para hindi magdamdam si Elena.
“Siyanga pala, ang kuya Daniel mo ba eh saan pa manggagaling?”
“Sa kabilang baranggay lang sila nakatira. May kotse naman siya pero mas madalas eh naglalakad lang silang mag-asawa kapag gusto nilang pumasyal sa bahay. May shortcut kasi doon sa mini rice terraces papunta dito. Teka… Napuntahan mo ba iyon kanina?”
Sasabihin ko bang oo? Sasabihin ko ba na napuntahan ko na ang lugar na iyon? Aaminin ko bang doon ako mismo nanggaling?
“Ha… hagda-hagdang palayan? Wala yata akong napansing ganoon. Di ba kamo malayo pa dito sa inyo iyong mismong rice terraces.”
“Malayo-layo pa nga pero may mangilan-ngilan na ring ganoong taniman ng palay dito. Hagdan-hagdan din.”
“Ah, ganoon ba.” Ang patay malisyang sagot ko.
“Di maganda kung hindi mo pa nakikita. Very scenic ang lugar na iyon. Bukas eh ipapasyal kita doon para makakuha ka ng maraming pictures at videos para sa travel vlog mo. Magsasawa ka. May maliit na kubo doon. Magbabaon ako at doon tayo kakain. Magdadala ako ng beer para sa iyo… para… maging diwata ako sa paningin mo. Tapos… alam mo na!
Hinapit ko sa baywang si Elena bilang tugon.
“Wala talaga sa mood ang daddy ko.”
Sasabihin ko bang alam ko din na may kubo doon, na doon ako sumilong nang bumugso ang naunang ulan? Sasabihin ko bang nagkita tayo doon at hindi natin sinadyang may namagitan sa ating dalawa?
Hindi nga ba natin sinadya iyon?
**********
Nang makarating kami sa bahay nila Elena ay sinalubong kami ng kanyang nanay.
“Hala… basang-basa ka hijo. Dumiretso ka na sa banyo’t maligo ka. Ipag-iinit kita ng tubig para makapagkape ka pagkatapos mong maligo.”
“Ay sige po. Salamat po. Pasensiya na po sa abala.”
“Oh inay. Ang daming “po” niyan ha. Siguro naman naniniwala na kayo na mabait ang mapapangasawa ko.”
“Ikaw talaga mommy napaka mo.”
Ngumiti lang ang nanay ni Elena.
Pumasok na ako sa banyo. Bago ko naisarado ang pinto niyon ay nadinig ko ang usapan nina Elena at ng magigigng biyenan ko.
“May bisita ka, nasa kuwarto ninyo.”
“Sino po inay?”
“Si Camille.”
Nahinto ako sa aking ginagawa ng marinig ko ang pangalang iyon. Pakiramdam ko’y nanlaki ang aking mga mata.
“Magkasunuran lang kayo halos na dumating. Naku walang bitbit na payong ang hipag mo kaya basang-basa rin nang dumating dito. Pinahiram ko muna siya ng damit mo. Nag-away nanaman siguro sila ni Daniel kaya nauna na siyang pumunta dito.”
Kako’y huwag naman sana na ikaw iyong Camille na pinaguusapan nila. Huwag naman sana na asawa ka pala ng kapatid ng mapapangasawa ko.
“Tawagan mo nga ang kuya mo. Sabihan mong nandito na si Camille kaya pumunta na siya dito. Para na rin maipakilala mo na si Jeff sa kanila.”
Tuwing Bubuhos Ang Ulan (1)
(1st of 7 parts – A Novelette in Filipino)
Tuwing bubuhos ang ulan ikaw kaagad ang papasok sa isipan ko. Kaya paano kita makakalimutan gayong hindi ko naman kayang pigilin ang pagpatak ng ulan. Uulan kung kaylan nakatakdang umulan.
Kung puwede lang ipanalangin na sana tag-araw na lang palagi para kahit kaylan ay hindi na bumuhos ang ulan. Kung puwede sana na laging may araw, lalabas ako kahit katanghaliang-tapat at hayaang sunugin ng araw hindi lamang ang balat ko kundi ang bawat hibla ng iyong ala-ala sa aking isipan. Ang ala-ala mo kasi’y parang tinik na dinuduro ang bawat bahagi ng pagkatao ko.
Tuwing makikita ko na may namumuong kaulapan sa langit ay kasabay nitong mamumuo rin ang kalungkutan sa aking isipan. At kapag umihip na ang hangin at magbabadya nang umulan ay maghahanap na ako ng masisilungan sa dahilang kapag bumuhos na ang ulan ay bubuhos na rin ang mga ala-ala ng nagdaan at babahain ng lungkot ang buong pagkatao ko at hindi ito huhumpay hanggat hindi ako nalulunod sa lumbay.
Ngunit wala akong puwedeng silungan. Ala-ala mo’y parang aninong lagi akong sinusundan. Lalo na kapag umuulan. Isipan ko’y parang bubong na may butas at ang ala-ala mo’y parang tubig-ulan na pilit hahanapin ang butas na iyon para pasukin, upang ako’y lunurin sa lungkot at pighati.
Bakit kasi nagpasiya akong mamasyal sa labas noon? Dahil ba iyon ang unang pagkakataon na mapuntahan ko ang Sagada at napakahilig ko kasing maglakad-lakad sa ganoong bulubunduking lugar upang pagmasdan at kuhanan ng larawan ang kagandahan ng kalikasan? O dahil nakatadhanang tayo ay magkita? Nakalista na sa mga aklat ng mangyayari na magkukrus ang ating landas. Nakaguhit na iyon sa ating mga palad.
Pero hindi ako naniniwala sa tadhana eh. Walang gulong ang kapalaran. Sa pagkakaalam ko ang kakahinatnan ng tao ay resulta ng lahat ng desisyong gagawin niya. Katulad na lang nang sabihan ako ng kasintahan kong si Elena na magdala ng payong dahil nagbabadyang umulan. Nagpasiya akong baliwalain ang sinabi niyang iyon. Tutal kako may suot naman akong hoodie. Mahirap din kasing may bitbit na akong kamera at iba pang gadgets eh may bitbit pa akong payong. Dagdag pa niya’y ipagpabukas ko na lang ang pag-gagala dahil kararating lang namin halos sa bahay nila noon at gusto sana niyang samahan ako sa pamamasyal. Hindi ko rin siya pinagbigyan. Gustong-gusto ko nang maikot ang lugar nilang iyon. Kating-kati na ako na makakuha ng mga pictures at videos para sa sinimulan kong travel vlog sa YouTube.
Pagkatapos mananghalian, binitbit ko ang aking backpack at lumakad na ako. Nasa kuwarto noon si Elena. Umidlip. Napagod siguro sa mahaba naming biyahe, kaya sa nanay na lamang niya ako ako nakapagpaalam.
Pinagtitinginan ako ng mga tao habang ako’y naglalakad. Bagong-salta kasi ako sa lugar na iyon. Ilan lamang sa kanila ang nakita akong kasama si Elena pagbaba namin ng jeep sa tapat ng eskinita malapit sa bahay nila. Ilan lamang sa kanila ang katulad kong may suot na mask. Mukhang hindi takot ang mga tao doon sa Covid. Tinatanguan ko lang sila’t nginingitian. Nang marating ko na ang dulo ng sityong iyon ay nagsimula na akong makakita ng taniman ng mga gulay , palayat, at sari-saring punong-kahoy.
Hindi ako na-disappoint. Napakadami kong nakuhang magagandang pictures at videos. Naubos ko rin ang tatlong beer in can na baon ko. Solve na solve ako. Beer lang iyong pero tinamaan ako.
Ganoon ako kapag hawak ko ang aking camera at kumukuha ng mga shots – sinasabayan ko ng inom ng beer at sound trip gamit ang cell phone ko. Sinising-along ko ang lahat ng kanta ng Air Supply at ni Ed Sheeran. Ila-live ko nga sana sa Facebook ang mga videos na kinuha ko pero mahina ang signal.
At naganap ang hula ni Elena – bumuhos nga ang ulan. Maabuti na lang at tiyempong may nadaanan akong masisilungan – isang maliit na kubo na yari sa pawid at kawayan. Bukas ang bintana nitong tinukuran ng isang patpat. Walang tao. Dali-dali akong pumasok.
Pero sana wala na lang ang kubong iyon doon. Sana eh hindi na lang ako nadaan doon. Katulad ng kahilingan ni Elena eh sana ipanagpabukas ko na lang ang pamamasyal.
Katamtaman lang para sa dalawa o tatlo ang sukat ng kubong iyon. Tanaw sa harapan nito ang isang hagdan-hagdang taniman ng palay na inukit sa gilid ng maliit na bundok na iyon. Iyon pala ang nabanggit sa akin noon ni Elena na mini rice-terraces na malapit sa kanila. Hindi pa iyon ang talagang rice terraces na dinadayo ng mga turista doon perso sa wakas eh nakakita na rin ako ng ganoong uri ng taniman ng palay. Sa likurang bahagi naman ng kubo ay parang gubat, maraming iba’t-ibang punong-kahoy.
Ang kubong iyon marahil ay pahingahan ng may-ari ng taniman ng palay. May isang maliit na kama na halos pang-isang tao lang at isang lamesita. Parehong yari sa kawayan. Bukod doo’y wala ng ibang gamit sa loob.
Ipinatong ko sa lamesita ang aking kamera. Hinubad ko’t ipinatong rin doon ang nabasa kong hoodie. Mabilis akong nakasilong bago bumuhos ang ulan kay bahagyang nabasa lang ang aking hoodie. Hinubad ko ito’t isinampay sa pasimano ng bintana. Bahagya din lang na nabasa ang sapatos ko’t pantalon.
Medyo dumilim. Mabuti na lang at nasa backpack ko pa ang mini-rechargeable light na ginamit ko nang mag-camping kami sa isang beach noong isang linggo. Nagliwanag sa kubo ng buhayin ko ito.
Nang lumakas ang hihip ng hangin eh tinanggal ko ang tukod ng bintana upang ito ay magsara. At nang akmang isasara ko rin ang pintua’y… bigla kang pumasok. Siyempre nagulat ako. Hindi ko inasahang bukod sa akin ay may iba pang sisilong sa maliit na kubong iyon. Walang-kaabug-abog ay dumating ka sa buhay ko.
At bakit kasi nagpasiya ka ring lumabas ng bahay sa hapong iyon at katulad ko ay hindi ka rin nagdala ng payong? Sana namalagi ka na lang sa bahay ninyo. Kung may bitbit kang payong noon ay baka hindi ka sumilong sa kubo at sana eh hindi tayo nagkita. Kung sana ay nakinig na ako sa payo ni Elena na magdala ng payong. Simpleng desisyon – pareho tayong hindi nagdala ng payong kaya nagkita tayo sa kubong iyon. Kaya nag-krus nga ang ating mga landas.
“Makikisilong lang po, pasensiya na.” Wika mo.
“Hindi sa akin ang kubong ito. Nakikisilong din lang ako.”
Basang-basa ka at nanginginig. Tumingin ka sa akin. Ngumiti kang pilit. Napasandal ka sa dingding ng kubo. Hindi ko maiwasang matingin sa basa mong t-shirt na humapit sa magandang hubog ng iyong dibdib. Baka mapansin mong pinagmasdan ko ang dibdib mo kaya kunwari nangati ang isang mata ko’t kinusot ko iyon.
Maya-maya ibinaling ko sa mukha mo ang aking paningin. Maganda ka. Pero bakas sa mukha mo ang kalungkutan. Hindi naikubli ng iyong kagandahan ang lungkot mong nararamdaman. Hindi ito kinayang burahin ng tubig-ulan. Tingin ko nga para kang aburido rin. Para ngang nakainom ka pa, tulad ko. Namumula ng kaunti ang inyong pisngi. Medyo mugto ang iyong mata.
Naupo ka sa kama. Kalauna’y lumakas ang iyong panginginig. Malamig sa lugar na iyon at nabasa ka pa ng ulan. Hinubad ko ang aking suot na damit. Inialok ko ito sa iyo. Malamig nga pero mas kaylangan mo iyon at kaya ko namang tiisin ang lamig na iyon. Kinuha mo ito at ikaw ay nagpasalamat. Nagatubili kang hubarin ang suot mong damit ngunit naiinitindihan mo na hindi naman ako puwedeng lumabas dahil malakas nga ang ulan. Bahagya na lang akong tumalikod upang magawa mo ang iyong nais gawin.
Nang mantantiya kong tapos ka na ay saka ulit ako humarap at sa iyo at tumingin. Napansin kong pinagmasdan mo ang aking mukha at hubad na katawan. Kalauna’y parang hiyang-hiya kang ibinaling sa kamera kong nakapatong sa lamesita ang iyong paningin. Iyon naman ang pagkakataon ko upang mas matagal kong mapagmasdan ang iyong anyo. Kasingtangkad mo halos si Elena, at katulad niya, maganda ka nga. Pero si Elena ay maputi at ikaw naman ay morena. Mas mahaba ang buhok mo sa kanya at mas maganda ang iyong pangangatawan. Napansin kong hinubad mo pala ang suot mong skirt at underwear. Medyo tuloy ako naasiwa. Mabuti na lang at mahaba ang t-shirt na ipanahiram ko sa iyo.
Patuloy ang buhos ng ulan. Wala tayong imikan noong una. Parang tayong nagkakahiyaan. Minsan nagtitinginan at matipid na nagngingitian.
“Mu…mukhang magtatagal ang ulang ito ah.” Wika ko.
“Oo nga eh. Ako nga pala si Camille.”
“Ako naman si Jeff. Ah… mukhang nakainom ka.”
“Kaunti lang.”
“Bakit ka naman uminom?”
“Bakit mo tinatanong?”
Parang nairita ka kaya tumahimik na lang ako.
Maya-maya’y napansin kong nanginginig ka pa rin. Parang mas lumakas pa nga ang panginginig mo. Kung tama ang hula ko eh nagsisimula kang magka-hypothermia. Ganoon ang ilang eksenang napapanood ko sa pelikula. Masyado ka sigurong nababad sa tubig-ulan at malamig pa sa lugar na iyon. Patuloy ang panginginig mo. Sumiksik ka sa dulo ng kama. Parang nagdedeliryo at namimilipit ka na halos.
Wala ng ibang paraan. Naglakas-loob akong yakapin ka. Hindi ka tumanggi. Hinayaan mo ako dahil batid mong kaylangan kong gawin iyon. Yumakap ka sa akin nang mahigpit… pahigpit ng pahigpit. Aaminin kong may kakaiba akong naramdaman nang magdikit ang mga katawan natin. Lalo na nang bumundol ang dibdib mo sa aking dibdib. Pilit kong iwinawaksi ang naramdaman kong iyon. Marahang kitang inihiga nang patagilid at hinagod ko ng hinagod ang iyong likuran upang makaramdaman ka ng init. Idinantay ko ang aking hita sa hita mo. Idinikit mo ang iyong mukha sa aking dibdib.
Ilang saglit pa’y nabawasan ang iyong panginginig. Patuloy lang ang paghagod ko sa likod mo. Unti-unti kong naramdam na ang katawan mo’y uminit. Mula sa dibdib ko’y itinaas mo ang iyong mukha at idinikit sa aking pisngi at dahil doon eh hindi sinasadyang panandaliang naglapat ang ating mga labi.
Nagulat ka. Gayon din ako. Iminulat mo ang iyong mga mata.
“Naku sorry…” ani ko.
Akma na sana akong kakalas mula sa pagkakayakap sa iyo subalit ako’y pinigilan mo. Bakit mo ako pinigilan. Sana’y hinayaan mong kumalas ako sa pagkakayakap sa iyo. Nagtinginan tayo. Parang lumamlam ang iyong mga mata. Parang may bato-balani sa bibig mo na hinihila ang aking mga labi.
Hindi na ako makaiwas… o ayaw kong umiwas. Nagdesisyon akong halikan ka. Desisyong kung mababalikan ko’y… hindi rin ako nakatitiyak kung gagawin ko ba o hindi.
Bakit nga kasi na nang kakalas ako mula sa sa pagkakayakap sa iyo eh pinigilan mo ako? Bakit kasi nang halikan kita sa labi eh pumayag ka at gumanti rin ng halik? Bakit hindi naapula ng bumubuhos na ulan ang nagliyab nating mga damdamin? Bakit dinilig ng ulan ang punla ng kapusukang biglang tumubo sa loob ng kubong iyon?
Sana’y bato na lamang tayo at walang pakiramdam.
Sana’y isa akong santo.
Pero hindi eh.
Tao lang ako.
Hindi banal.
Marupok.