Blog Archives
Sa Duyan Ng Gunita
Duyan ng gunita’y umugoy… marahan
Nakaraa’y nagbukas ng tarangkahan
Bago pumasok kita’y aanyayahan
Sa pamamasyal doon ako’y samahan
Hayaang kamay mo’y muli kong hawakan
Na muli ng halik labi mo’y dampian
Sa duyan ng gunita ako’y hayaang
Mahimbing umidlip sa iyong kandungan
Pag-ugoy ng duyan huwag mong pipigilin
Hayaang gunita nakaraa’y lakbayin
Doon na lamang kita pwedeng dalawin
Doon pwede kitang hagkan at yakapin
Dahan-dahan sanang umihip ang hangin
Umawit ito at duyan ay uguyin
Nakaraa’y masuyo kong lalakbayin
Hanggang rurok ng ligaya’y aking marating
Halika na’t sa duyan ako’y samahan
Ang gunita’y magsilbi nating tagpuan
Naudlot na pagsuyo dito’y dugtungan
Sumpaa’y dito bigyan ng katuparan
Si Bathala sana sumamo ko’y dinggin
Nawa’y ‘di ihinto… pagihip ng hangin
Patuloy sana nitong duya’y uguyin
Sa gunita puso nati’y Kanyang bigkisin
Tungkol Sa Aking Pagsusulat
Madalas akong tanungin kung bakit ako nagsusulat. Bakit nga ba? Libangan ko lang talaga ito. Ako’y nagsisikap na maging mahusay na manunulat ngunit aaminin kong marami pa akong bigas na kakainin (matapos ko siyempreng isaing). Wala po akong ilusyon (Wala nga ba?) na maging tanyag sa larangang ito. Kahit na nga ba madalas kong sabihin sa mga estudyante ko sa “Literature” na pangarap kong mapagwagian ang “Nobel prize in Literature.” Biro ko lamang iyon. Sa “Palanca” nga hindi ako manalo-nalo eh sa “Nobel” pa kaya. Ilang beses na rin akong nagsumite ng entries sa “Palanca” pero nganga. Titigilan ko na ba? Siyempre hindi. Gusto ko lang talagang magsulat at masaya ako kapag ginagawa ko ito. At heto pa, medyo malalaki-laki na rin ang kinita ko sa pagusulat. Nalilibang na ako eh kumikita pa. Pero ang mga sinulat ko sa English ang binabayaran, lalo na kapag gumagawa ako (o tumutulong na gumawa) ng “research.” Medyo malaki ang tinatanggap kong bayad kaya sulit.
Kinaloob ng Panginoon na gawing daluyan ng biyaya Niya sa akin ang pagsusulat at kung kaloobin rin ng Panginoon na makilala ako sa larangan ng pagsusulat eh bakit naman hindi. At kung kaloobin niyang balang araw eh manalo rin ako sa “Palanca” eh ‘di wow. Malay mo eh masungkit ko rin ang “Nobel Prize in Literature.” Eh di dalawang wow na. Wow na wow! Si Bob Dylan nga na isang song writer (composer) at hindi talaga regular na writer ng mainstream prose and poetry at fiction ay nanalo. (Sabagay, ang kanta naman kasi ay tula kaya si Bob Dylan, isang musician, pero technically ay isa ring poet.) Pero mismong siya ay nagulat nang mapanalunan niya ang presitihyosong premyo at noong una ay ayaw nga niya itong tanggapin. Siya daw ay nanalo “for having created new poetic expressions within the great American song tradition.”
At ako, eh ano bang “something new” at kakaiba sa mga sinusulat ko na baka ituring na “new poetic expression.” Heto… TINULANG JOKES. Meron na bang mga makata at manunulat noon na gumagawa ng jokes nang patula? Malay mo ako ang nauna. Malay mo mapansin ito ng National Commission for Culture and the Arts at i-nominate nila akong maging National Artist dahil dito. Tama ka, nananaginip ako ng gising. In other words, nahihibang.
May mga TULA, MAIKLING KWENTO, MAIKLING NOBELA at SANAYSAY akong sinulat. May mga nasulat na rin akong mga DULA. May mga sinusulat rin ako tungkol sa mga karanasan ko dito sa South Korea. Tinipon ko ang mga naturan sa KUWENTONG KIMCHI (BUHAY OFW).
Dula ang entry ko nang sa unang pagkakataon ay sumali ako sa Palanca. Ang pamagat ng naturang dula ay “K-Drama.” Resulta? Nasabi ko na kanina – nganga. Hindi ako pinalad na manalo. Mula noong 2014 ay sumasali ako sa Palanca. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sinisikatan ng suwerte. Pero hindi ako marunong madala. Kaya taon-taon na sasali ako…hangga’t kaya ko pang pumindot sa keyboard ng aking laptop. Pero mula nang nagka-pandemya ay huminto muna ang Palanca sa kanilang patimpalak.
Ang mga akda ko ay simple lang. Patuloy akong nagsisikap upang mapagbuti ko ang pagsusulat. At ang paglikha ko ng website/blogsite na ito ay isang simpleng paglilibang lang. Nais ko lamang na maging produktibo. Ilan sa mga essays sa English na sinulat ko ay ginawan kong video essays. Naka-upload ang mga ito sa aking YouTube channel. Tama po, vlogger din ako at heto ang link patungo sa aking YouTube channel. Napakadami ko kasing libreng oras dito sa South Korea at bukod sa pagsusulat ay naghanap ako ng iba pang mapaglilibangan. At heto nga, ang paglikha ng sarili kong website/blogsite na siyang paglalagakan ko na aking mga sinulat at mga susulatin pa. Sayang at napakadaming mga sinulat ko noon na nangawala na kaya’t dito sa site na ito ay titiyakin ko na lahat ng aking mga likha ay mapi-preserve ko ang aking mga akda. Ang dahilan naman kung bakit ako ay nagdesisyon na mag-vlog ay upang isulong ko ang aking advocacy for self-improvement. Sa mga Pinoy ay hindi po popular na content ang self-improvement pero gusto ko lang talagang tumulong na ma-raise ang awareness ng mga kababayan natin sa kahalagahan ng self-improvement upang ma-achieve nila ang kanilang full-potential bilang isang tao.
Napakalaking challenge sa akin ang bumuo ng website/blogsite at YouTube channel dahil hindi naman talaga ko techie. Pero ano ba ang hindi puwedeng matutunan kung gusto mo talaga itong pag-aralan? At iyon ang ginaw ko – pinagaralan ko ang dapat kong malamam at matutuhan sa paglikha ng website at mga videos. Paunti-unti ay natututo ako.
Maraming salamat po at sana’y may makita kayo dito na magugustuhan ninyong basahin. Nais ko rin pong mabasa ang inyong mga komento upang malaman ko kung paano ko mas mapagbubuti ang pagsusulat. At kung may panahon ay dalawin sana ninyo ang aking YouTube channel.
Hanggang Sa Kawalang-Hanggan

Kita’y katabi, tag-araw o tag-lamig
Kaulayaw ka maging sa panaginip
Mga puso nating iisa ang pintig
Binigkis tayo sa tunay na pag-ibig
Sinamahan akong maglakbay sa dagat
Bangka ko’y nilagyan ng katig at layag
Araw kang sa umaga ko ay sumikat
Sa buhay naging sandigan ko’t lakas
Lagi kang nandoon, ‘di ako iniwan
Handa ka palagi na ako’y damayan
Matindi mang dagok sa buhay dumaan
Sa lungkot at saya ako’y sinamahan
‘Di ako iniwan, lagi kang nandoon
Buhay mo tila sa akin nakatuon
Kasama kita sa paglipas ng panahon
Mga pagsubok, sabay nating sinuong
Ano man ang ating mga pinagdaanan
Kamay ko ay mahigpit mong hinawakan
Pagmamahal mong sa aki’y pinaramdam
Ang ligayang dulot walang mapagsidlan
Pagmamahal mo ri’y tila isang paham
Gurong araw-araw akong tinuturuan
Kay daming aral sa ‘yo ko natutuhan
Pintig ng puso mo ako’y ginagabayan
Napakaraming taon man ang lumipas
Pagmamahal mo nanatiling matingkad
Tamis ng ngiti mo ay hindi kumupas
Hindi ko nanaising ito’y magwakas
Pag-ibig ko sa ‘yo, mananatiling wagas
Daang taon man sa panaho’y malagas
Mga kamay mo’y mananatiling hawak
Kawalang-hanggan ma’y marating ang wakas
Inggit

Bakit kung kapwa’y may biyayang nakamit –
Noo’y kumukunot, mata’y naniningkit?
Bakit ang dibdib mo’y biglang naninikip?
Apdo mo’y sasabog sa tindi ng inggit!
Ang inggit ay parang nagbabagang uling
Serenidad mo’y kaya nitong tupukin
Ipagpag ito’t ibaon sa buhangin
Sa isipan mo’y huwag itong pagapangin.
Inggit ay dalahing mabigat sa isip,
Parang tinik na bumabaon sa diddib.
Ito’y hadlang upang ika’y matahimik
Iwaksi ng ligaya’y iyong makamit.
At alalahaning inggit ay kabilang
Sa pitong nakakamatay na kasalanan
Kaya’t pananaghili mo na’y tigilan
Kinimkim mong inggit iyo nang bitiwan
Kung kapwa’y nagtagumpay, ‘wag managhili
Sa halip ay samahan silang magbunyi
Huwag kang magalit at manggalaiti
Kamayan mo sila’t bigyan ng papuri.
Magdiwang kung kaybigan mo’y umaangat
Tularan ginawa nilang pagsisikap
Pananaghili’y sagabal sa pagunlad
Taong mainggiti’y walang dignidad.
Magalak sa nakamit nilang tagumpay
Huwag dahil sa inggit, ika’y maglupasay
Bagkus magpunyagi’t piliting magsikhay
Sikaping iangat antas ng ‘yong buhay.
The White Lie

Believe me!
It’s true,
What they say about white.
That it stands for goodness…
It symbolizes innocence.
Believe me !
It’s true,
What somebody said, and I quote –
“White is
inclusive,
impartial color,
favoring no single hue and refusing to take sides.”
Don’t believe the lie
That white is a color
that could kneel on your neck
and spray your back with seven bullets.
Why?
Because white is pure… untainted.
It’s true.
Believe me!
Bolero

Gabi noon nang umuwi si mang Teban
Itong si Bebang sa pinto nakaabang
At nang asawa’y pumasok sa pintuan
Pinadapo’y hampas sa kanyang bumbunan.
Sa nakita’y natawa anak na si Juan
Amang napaluhod siya’y sinimangutan
At nang makatayo lumapit kay Bebang
At siya’y tinanong, “Bakit ngayon ka lang?”
“Darling… sorry ako kasi’y nagovertaym.”
“Hoy… hoy kalbo luma na ang tugtuging ‘yan
Kung ‘di OT… traffic ang idadahilan
Gasgas na ang mga palusot mong ‘yan.”
Alam mo ba Bebang na A-B-C-D ka,
Sa totoo lang eh E-F-G-H ka pa.
Ika’y I-J-K, maniwala ka sana.”
Si Bebang ay natahimik… takang-taka.
A – as in AWESOME… B… Bebang you’re a BEAUTY,
Bilang asawa ika’y napakabuti,
C – you’re CHARMING, taglay mong ganda ay matindi,
D – so DAZZLING, wala na akong masabi.
“Matandang kalbo ako’y tigilan mo na,
Ika’y diyan magaling… sa pambobola.”
Ngunit halatang si Bebang… kinilig na,
Habang si Juan sa gilid… tawa nang tawa.
“E – EXCITING, oh kay sarap mong kasama,
F – FAITHFUL, sa akin Bebang ay tapat ka,
G – I’m GLAD ika’y aking napangasawa,
H – You’re so HOT Bebang, sa kuwarto’y tara na.”
Hetong si Juan, sa nangyari’y takang-taka
Animo’y na-hypnotize ang kanyang ina
Ina’y sinundan ang nagbubunying ama
Silid nila’y magdamag na nakasara.
Kinabukasan nang sila’y nagsigising
Naisipan ni Juan na ama’y tanungin –
“I-J-K… ano po ang ibig sabihin?”
Bulong ni Teban … “I’M JUST KIDDING.”



