Sa Duyan Ng Gunita
Duyan ng gunita’y umugoy… marahan
Nakaraa’y nagbukas ng tarangkahan
Bago pumasok kita’y aanyayahan
Sa pamamasyal doon ako’y samahan
Hayaang kamay mo’y muli kong hawakan
Na muli ng halik labi mo’y dampian
Sa duyan ng gunita ako’y hayaang
Mahimbing umidlip sa iyong kandungan
Pag-ugoy ng duyan huwag mong pipigilin
Hayaang gunita nakaraa’y lakbayin
Doon na lamang kita pwedeng dalawin
Doon pwede kitang hagkan at yakapin
Dahan-dahan sanang umihip ang hangin
Umawit ito at duyan ay uguyin
Nakaraa’y masuyo kong lalakbayin
Hanggang rurok ng ligaya’y aking marating
Halika na’t sa duyan ako’y samahan
Ang gunita’y magsilbi nating tagpuan
Naudlot na pagsuyo dito’y dugtungan
Sumpaa’y dito bigyan ng katuparan
Si Bathala sana sumamo ko’y dinggin
Nawa’y ‘di ihinto… pagihip ng hangin
Patuloy sana nitong duya’y uguyin
Sa gunita puso nati’y Kanyang bigkisin
Posted on May 8, 2021, in Creative Writing, Poetry, Tula and tagged Creative writing, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. 1 Comment.
I miss my duyan sa Pilipinas….swinging on the duyan while sipping Red Horse
LikeLike