Inggit

Bakit kung kapwa’y may biyayang nakamit –
Noo’y kumukunot, mata’y naniningkit?
Bakit ang dibdib mo’y biglang naninikip?
Apdo mo’y sasabog sa tindi ng inggit!
Ang inggit ay parang nagbabagang uling
Serenidad mo’y kaya nitong tupukin
Ipagpag ito’t ibaon sa buhangin
Sa isipan mo’y huwag itong pagapangin.
Inggit ay dalahing mabigat sa isip,
Parang tinik na bumabaon sa diddib.
Ito’y hadlang upang ika’y matahimik
Iwaksi ng ligaya’y iyong makamit.
At alalahaning inggit ay kabilang
Sa pitong nakakamatay na kasalanan
Kaya’t pananaghili mo na’y tigilan
Kinimkim mong inggit iyo nang bitiwan
Kung kapwa’y nagtagumpay, ‘wag managhili
Sa halip ay samahan silang magbunyi
Huwag kang magalit at manggalaiti
Kamayan mo sila’t bigyan ng papuri.
Magdiwang kung kaybigan mo’y umaangat
Tularan ginawa nilang pagsisikap
Pananaghili’y sagabal sa pagunlad
Taong mainggiti’y walang dignidad.
Magalak sa nakamit nilang tagumpay
Huwag dahil sa inggit, ika’y maglupasay
Bagkus magpunyagi’t piliting magsikhay
Sikaping iangat antas ng ‘yong buhay.
Posted on October 11, 2020, in Creative Writing, Envy, Poetry, Tula and tagged Creative writing, Envy, Inggit, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0