Blog Archives

Sa TIRAHAN Ni Father

father

Tinungo ni father likod ng simbahan
Doon si sister kanyang natyempuhan
Dahan-dahang ito’y kanyang nilapitan
Nalingong madre ay kanyang tinunguan.

Sila’y tumingin sa kaliwa’t sa kanan
Ang nandoon ay silang dalawa lamang
Pagkatapos niyon sila’y nagngitian
Halos pabulong silang naghuntahan.

“Wala ka bang gagawin mamayang gabi?”
Madre’y di makasagot, mata’y nanlaki.
“Okay lang naman sister kung kayo’y busy.”
Di naman sapilitan… pwedeng tumanggi.”

“Teka po father…pwede naman po ako
Tatapusin ko lang ang pagrorosaryo
Ayaw ko kasi na ika’y magtatampo
Sige mamayang gabi…magkita tayo.”

“Salamat sister…ako’y pinaunlakan
Sa kwarto ko mamaya, ako’y puntahan”
“Sa kwarto po n’yo?” Madre ay nagulantang.
Si father ngumiti’t tumango na lamang

Sumapit ang gabi, bandang alas-otso
Itong si sister ay kabadong-kabado
Sa TIRAHAN ni father siya’y tumungo
Nakita n’yang bukas pintuan ng kwarto.

At ang sabi ng madre, “I’m here now father.”
Kumatok pa’t nagtanong…”Father, are you there?”
Tugon ang pari…”Come in I’m waiting sister.”
Dugtong pa nito’y…”Please push the door then enter.”

“Ay Diyos ko po father… bakit po madilim?
Naku po… ano ba ang ating gagawin?
Naku po father… maawa ka sa akin,
Pwede po bang ilaw ay ating buhayin?”

Bumukas ang ilaw madre’y nagulantang –
Kasama ni father… dalawang sakristan.
Cake at ng regalo siya’y inabutan
At ng “Happy Birthday” siya’y kinantahan.

Ang Bird ni Father

The_Angry_Birds_Movie_Chuck_Transparent_PNG_Image

Umiiyak si Father isang umaga,
Bird kasi niya’y naglaho sa hawla.
May nagnakaw – ang kanyang suspetsa
Kaya’t nagpasya itong magimbestiga.

Bird na naturan mahal na mahal niya,
Hinihimas palagi gabi’t umaga,
Kasa-kasama kahit saan magpunta,
Maging sa pagtulog… hawak-hawak niya.

Kaya’t sumumpa s’yang ito’y hahanapin.
Sukdulang bawat bahay hahalughugin.
Pagiging pari sumumpang gagamitin,
Upang ang bird niya muling makapiling.

Nanawagan pagkasampa sa pulpito,
Pasimpleng tinanong ang mga Katoliko.
Ang tanong, “Sino ba ang may bird sa inyo?”
Syempre nagsitayo lahat ng ginoo.

Paring nagtanong tila nagulantang
Kaya’t ang tanong ay kagyat pinalitan.
“Anyone seen a bird?”… bagong katanungan,
Nagsitayo mga dalaga at ginang.

Mga sumisimba’y tuluyang nagtawanan
Nang tanong ni Father, muling pinalitan.
“Anyone seen my bird?”… kanyang hirit naman
At ang mga madre biglang nagtayuan.

Ang Mayuming Dalaga

mayumi

Sa parke nakita’y magandang dalaga
Sa karikta’y mapagkakamalang dyosa
Kabado man ako’y nakipagkilala
Ang swerte ko nama’t  hindi s’ya suplada.

Mayuming dalaga’y kay sarap kausap
Walang mapagsidlan nadama kong galak
At nang magutom siya’y aking niyakag
Na aming subukin bibingka’t salabat.

Tumango’t ngumiti magandang prinsesa
Di nag-atubiling sa aki’y sumama
Bumili nga kami…salabat’ bibingka
Nagdagdag pa siya ng puto’t kutsinta.

Aba’t tila gutom ang aking kasama
Biniling pagkain biglang niratsada
At dahil pati niyog kanyang tinira
Ang dalaga’y dumighay na’y nautot pa.

“Sorry!” Wika ng gusto kong maging irog
Ngiti na lamang ang aking isinagot.
Ang dalaga pala kahit maalindog
Masangsang din pala’t mabantot ang utot.

At dalaga’y bigla na lamang bumahin
Lumabas sa bibig tinga ng kinain
At matapos na bibig kanyang pahirin
Kulangot sa labi niya’y lumambitin.

Inisip kung paano ko sasabihin
Nahihiya akong siya’y diretsahin.
Kadiri naman kung aking aalisin
At sariling kamay ko ang gagamitin.

At ang sinabi ko na lamang sa kanya
“Miss sa labi mo may niyog na natira.”
Sa halip na gamitin ang panyong dala
Pinangsungkit sa kulangot ay dila n’ya.

Nang kulangot ay naipasok sa bibig
Susme… nginuya’t ninamnam na pilit
Aniya’y, “Bakit itong niyog mapait.”
Sagot ko’y, “Naku miss… baka iya’y panis.”

Larawan

torn woman

Lumang larawan sa sahig ay nahulog
Nang ang mga gamit ay aking inayos
Dali-dali ito na aking pinulot
Pinagpag ang kumapit na alikabok.

Larawan mo ito… muling pinagmasdan
Kinuhanan ka sa isang kabukiran
May mga puno sa banda mong kanan
Ginintuang palay ang nasa likuran

May mga bulaklak sa iyong paanan,
Isang rosas nga’y muntik mong matapakan.
Sa kaliwa mo aking nabanaagan,
Tutubi’t paro-paro’y nagliliparan.

Dapit-hapon noon nang ika’y kinunan
Sa langit ay may kaunting kaaulapan
Palubog na araw sana ay napagmasdan
Kung ang mukha mo ay hindi nakaharang.

Larawan mo ay hindi na iniligpit
Sa taguan kasi baka makagipit
Marahan ko itong pinagpunit-punit
Isinama sa mga itinapong gamit.

PWEDE PO BANG MAGTANONG?

question

Sa paligid ay igala ang paningin
Mayroon bang nagbago sa bayan natin,
Asam na pag-unlad atin na bang narating,
Kapayapaang hangad atin bang angkin?

Tigilan na ang pagbulag-bulagan
Mata mo’y imulat sa katotohanan
Bayan nati’y lugmok sa kahirapan
‘Di makamit asam na kapayapaan

Ang tanong, “Sino ang dapat na sisihin?”
Sino ba ang hindi tumupad sa tungkulin?
Mga pinuno bang iniluklok natin,
O imaheng katitigan mo sa salamin?

Pinunong halal lang ba ang may tungkulin
Na paglingkuran ang inang-bayan natin?
Kung doon sa hapag mo’y walang pagkain
Sila nga lang ba ang dapat na sisihin?

Kaninong pinuno ka ba nasiyahan?
‘Di ba’t silang lahat ay iyong pinintasan?
Palaging may mali, palaging may kulang,
Kay hirap sundin ng iyong pamantayan.

Subalit kung ika’y aking tatanungin
May nagawa ka ba para sa bayan natin?
Sobra-sobra kung pinuno’y batikusin
Eh ikaw, “Ano ba ang kaya mong gawin?”

Para kasing kay talino mo’t kay galing
Eh ‘di sige mungkahi ko iyong sundin
Maging pinuno iyo kayang subukin
At problema ng bayan iyong lutasin

Kung hindi kaya aba’y manahimik ka!
H’wag ka nang makisawsaw sa pulitika!
Ang gawin mo sana’y maghanap-buhay ka
Ang itaguyod… sarili mo’t ang pamilya

Sa halip na pulitika ang atupagin
Buhay mo muna ang dapat na ayusin
Dahil kapag tagumpay… iyong narating
Maging ang bayan mo’y makikinabang din.

Pain’s But A Myth

sadTricked by Eros, I was brokenhearted
In anguish and torment my soul screamed
“Journey to my dreamland,” Hypnos muttered
“Drown misery in the lake of dreams.”

Dionysus countered, “Visit my vines
Then feast upon my sweet magical grapes
Submerge your anguish in the lake of wine
Let the spirits engulf all of your cares.”

Aphrodite said, “I will  bring Helen
She can kiss your anxieties away,
Frolic with her in Dionysus’ haven
While I’m holding Menelaus at bay.”

And when Thanatos arrived, he whispered
“Down there anxieties have no domain
Now, hold tight my hands, waiting is Hades
Let death vanquish all your distress and pain.”

Rhea came last, took my hand and smiled
Oh her turret crown beamed comfort and ease.
On her laps I just cuddled like a child
Then she whispered, “Know that pain’s but a myth.”

Mukhang “Poet”

23546991_10155807089774844_2076806665_o

Mukhang “poet” lang  ako. Hindi talaga masasabing bihasa  ako sa pagsulat ng tula. Masigasig lang ako kung taludtura’y nilalakbay at pilit na mga pantig ay tinutugma’t pinapantay. Mahilig lang akong gumamit ng mga talinghagang batid kong ang babasa’y kaya namang talusin at pilit na sila sa kariktan ng tula’y sa lugod lunurin.

Natuto lang ako ng kaunti kung papaanong ang mga saknong sa tayutay ay habiin. Kahit naman papano ang pagwawangis ay kaya kong gawin.  Natutuhan ko rin naman kahit kaunti kung papaano pagapanging ang damdamin sa bawat taludtod at hayaang laman ng puso ko’y sa pantig tumibok.

Marunong lang akong sumulat kahit naman papaano at pinipilit kong aralin ang mga dapat kong matutuhan sa larangang ito upang maging karapat-dapat akong matawag na makata. Hindi pa ako tapos sa aking pag-aaral.

Ang nasa kong matuto’y hindi magmamaliw hangga’t  puso ko’t isipa’y kayang sabay  na umindak sa kumpas ng aliw-iw.

— 0 —

Karahimihan sa mga tula ko’y “lalabindalawahin” at ang mga saknong ay apat na linya. Gumagamit din ako ng malayang taludturan, walang sukat pero sinisikap kong lagyan ng tugma sa dulo.

Pinagsama-sama ko ang aking mga tula ayon sa mga kategoryang pinili ko. Ang mga tula kong may temang pag-ibig ay aking inipon  sa pahinang  may pangalang TIBOK  habang ang mga tulang tumatalakay sa bayan, pagkamamamayan   at   mga   isyu  patungkol sa pulitika  ay sa BAYAN MUNA

Ang mga paboritong kong love songs sa English eh ginagawan ko rin ng tula  at mababasa ang mga ito sa TINULANG KANTA

Sumulat din ano ng mga tula  ukol sa kung ano-anong bagay at mga isyu o mga paksa    na hindi tumatalakay sa pag-ibig at sa bayan. Pinagsama-sama  ko ang mga ito sa SAMU’T-SARING TULA.

May mga sinulat rin akong satirikong tula na bumabatikos sa mga sa palagay ko’y ugaling ‘di maganda ng mga taong nakapaligid sa akin at ng mga taong nakakasama ko sa trabaho.  Ang mga tulang ito  ay parunggit ngunit hindi ako nagmamalinis dahil maaaring angkin ko rin ang mga ugaling hindi ko nagugustuhan sa iba kaya’t kapag nababasa ko ang  mga tulang ito’y nagbubulay-bulay din ako. Pinagsama-sama ko ang mga tulang ito sa pahinang pinangalanan kong SA PILING NG MGA HAYOP. Bahala na ang babasa kung ano sa tingin nila ang kahulugan ng salitang HAYOP sa pangalan ng pahinang ito.

Lumikha  rin ako ng pahina para sa mga tula kong sinulat habang ako’y nakasakay sa jeep o insipired ng mga experiences ko sa pagsakay sa jeep. Matatagpuan ang mga tulang ito sa pahinang binansagan kong HETO NA ANG JEEP.

May mga sinulat rin akong APATANG TALUDTOD (Quatrains). Nag-eksperimento rin ako sa isang uri ng tula na tinawag kong PAKWELANG TALUDTURAN na sa unang tatlong taludtod ay parang seryoso ang tinatalakay subalit sa pang-apat (clincher) ay ang sundot na patawa.

May mga tula rin akong nagpapahayag ng pagkilala sa ating Dakilang Lumikha. Pinangalang kong PAGNINILAY ang sulok na ito ng aking website.

Source: Tula (Mukhang “Poet”)