Category Archives: Filipino Poetry

Paskong OFW

Home-alone-2-19

Walang simbahang dito’y mapupuntahan
Upang misa de gallo ay maipagdiwang
Sa bibingka’t puto-bumbong natatakam
Salabat na mainit walang makuhanan

Hanap-hanap ko ang mga batang paslit
Na tuwing gabi sa Disyembre’y nangungulit
Sintunado man kung sila ay umawit
Himig nilang pamasko’y nais madinig

Hinahanap ko’y parol na maliwanag
Walang matanaw makulay na Christmas lights
Wala ring Christmas trees na kumukutitap
Ganito ang pasko sa ibayong dagat

Ngunit ‘di bale nang wala iyong lahat
Kung ngayong pasko kita ay mayayakap
Ihain ma’y bibingka lang at salabat
Basta’t kapiling ka’t kamay mo’y aking hawak

Pagkaing masarap maghahanda pa ba
Kung sa noche buena ako’y mag-iisa
Aking christmas lights ‘di na sisindihan pa
Nang dibdib ‘di madurog sa pangungulila

NANG MAHOLDAP SI MAM

Picture2

Kayo po ay muli kong kukwentuhan,
Paksa natin ngayo’y tungkol sa holdapan,
Kwento na nasagap sa isang huntahan,
Nang mga kapwa guro’y naka-umpukan.

Nang kwentong holdap ko’y kanilang nadinig –
Aba’y may isa ng tawa’y bumunghalit.
Isang kwento daw ang samagi sa isip,
Nang magsimula siya kami’y tumahimik.

Isang gabi guro niya sa kolehiyo,
Sumakay daw sa may Taft papuntang Recto,
May mga kawatan… bilang daw ay tatlo,
Sumigaw – “Walang kikilos holdap ito!”

Ibang pasahero syempre’y nataranta,
Ngunit ang guro mukhang naka-relax pa,
Holdapan yata ay nakasanayan na,
Inihanda na relo’t kanyang pitaka.

Madaling-madali ang mga kawatan,
Mabilis na mga gamit ay sinamsam,
At nang ang guro na ang nilalapitan,
Isang holdaper kasama’y pinigilan.

Ang wika niya, “Brod, balato ko na si mam!”
“Magaling kong guro noon sa elem ‘yan,”
Dugtong pa ay, “Hi! Good evening po madam.”
“Ako po ba ay inyong natatandaan?”

Natamemeng guro’y tumango na lang,
Ibang pasahero’y nagulumihanan,
At bago bumaba ang mga kawatan,
Wika ng isa – “Goodbye na po, ingat mam!”

Ang Holy Water

holy_water

Si lola Basyang ay isang biyuda,
Si aling Luring nama’y isang soltera,
Sila’y sanggang dikit, laging magkasama –
Silang dalawa’y tunay na magbarkada.

Sa kanilang baryo ay may isang kapilya
At doon, si Lola Basyang ay nagpunta.
“Luring… dalian mo, ako’y nandito na.”
Aniya sa kaybigan nang tumawag s’ya.

“Nandyan na kumare, nasa jeep na ako,
Heto kasing driver… mabagal magpatakbo.
AYY… hayan binilisan, narinig ako.
Sige mareng Basyang, pababa na ako.”

“Mama para… mama dyan na lang sa tabi.”
Di huminto ang driver, tila yata nabingi.
Sumigaw ang Luring…”PARA NA SABI!!!”
At biglang pumreno, driver na narindi.

Nagkabusiksikan mga pasahero
Napalakas yata sobra ang pagkakapreno
Si aling Luring hiyang-hiya’t dismayado
Katabing lalaki’y hawak sa pundiyo.

“Ay dalag!” Bulalas ni aling Luring.
“Hindi dalag… cobra po yan kung tawagin.
Aray! Teka po… h’wag ninyong sakalin,
Bitawan n’yo na’t baka kayo tuklawin.”

Buamaba ang hiyang-hiyang aling Luring,
Tahimik na umusal ng panalangin
“Ako’y patawarin Diyos na mahabagin,
Kamay kong nagkasala ay lilinisin.”

Dali-dali itong pumasok sa kapilya
“Ay ang aling Luring nandito na pala.”
Wika ni lola Basyang nang siya’y makita.
“O… aanhin mo iyang bitbit mong tasa?”

“O…bakit? Ang holy water sinalok mo?”
“Mareng Basyang, nagkasala ang kamay ko
May lalaking nahawakan ko ang pundiyo
Kaya’t holy water ang panlinis dito.”

Pagkahugas… si aling Luring lumuhod.
Ang Basyang dahan-dahang tasa’y dinukot,
At pasimpleng ng holy water sumalok
Ipinasok sa bibig… siya’y NAGMUMOG.

%d bloggers like this: