Larawan

Lumang larawan sa sahig ay nahulog
Nang ang mga gamit ay aking inayos
Dali-dali ito na aking pinulot
Pinagpag ang kumapit na alikabok.
Larawan mo ito… muling pinagmasdan
Kinuhanan ka sa isang kabukiran
May mga puno sa banda mong kanan
Ginintuang palay ang nasa likuran
May mga bulaklak sa iyong paanan,
Isang rosas nga’y muntik mong matapakan.
Sa kaliwa mo aking nabanaagan,
Tutubi’t paro-paro’y nagliliparan.
Dapit-hapon noon nang ika’y kinunan
Sa langit ay may kaunting kaaulapan
Palubog na araw sana ay napagmasdan
Kung ang mukha mo ay hindi nakaharang.
Larawan mo ay hindi na iniligpit
Sa taguan kasi baka makagipit
Marahan ko itong pinagpunit-punit
Isinama sa mga itinapong gamit.
Posted on November 16, 2017, in Filipino Poetry, Poetry, Tula and tagged Filipino Poetry, Poetry, Tula. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0