Blog Archives

Bisyo

Picture1Hindi ako naninigarilyo.
Lalong hindi ako lasingero.
Sa sugal – hindi ako mahilig.
Hindi rin ako adik.

Iisa lang ang aking bisyo…

Ikaw!

Bakit hindi kita pagsawaan?
Hindi makalimutan.
Parang bisyo…
Kay hirap iwasan.

Para kang putahe ng ulam,
Na nang aking matikman –
Lalo akong nagutom.
Tubig na nang aking mainom,
Hindi natighaw
Ang aking uhaw.

Swabe kang magmahal.
Kung ika’y humalik –
Ubod ng tamis.
Kay higpit mong yumakap
Ang tama mo’y kay sarap.

Para kang alak,
Kay sarap mong tunggain.
Gustong-gusto kong sa iyo malasing.
Para kang sigarilyong kay sarap hithitin.

Para kang damo.
Kay tindi mong tumama.
Parang bato.
Delikado.
Mahal.
Bawal.

Okay lang na makulong.
Basta’t bisig mo ang rehas.

Susugal ako sa iyo.
Sige –
Hala!
Puso ko’y balasahin mo na.

Sigurista ka ba?
Ako?
Oo!
Walang katalo-talo!
Sino man kasi ang mahalin mo…
Tiyak panalo.

 

Advertisement

Kumpareng Baby

does-your-partner-use-their-phone-to-cheat“Sino itong Baby na nagte-text sa ‘yo?”
Tanong ng GF sa BF na palikero.
“Aking giliw, lalaki ‘yan, kumpare ko.”
Sagot ng BF sa GF na nagtatampo.

“Si pareng Baby ‘yan, kabarong barako.”
Ang paliwanag ng batikang bohemyo
“Alam mo namang ikaw lang ang mahal ko,
Ako giliw ay pagkatiwalaan mo.”

“O ano nga pala ang isasagot ko?”
Ang tanong ng GF sa BF nito.
“Kasi ‘di na daw tuloy ang lakad ninyo,
Biglang nagka-mens ang kumpareng Baby mo.”

Ang Pasahe

cars-jeepney-pixarBandang hapon pauwi na si mang Teban
Galing sa opisinang pinapasukan
Sa isang kanto’y nag-abang ng sasakyan
At isang jeep kaaagad s’yang hinintuan.

Dumukot si mang Teban ng ibabayad
Problema’y wala halos baryang mahagilap
Tig-lilimang daan kasi perang hawak
Apat na piso lang ang baryang nahanap.

Sa salamin ng jeep ang mama’y natingin
Sa mata ng driver meron s’yang napansin.
“Aha!” Wika n’ya, “Ang driver pala’y duling.”
Akala’y lutas na ang kanyang suliranin.

Ang apat na piso’y doble kung titignan
Kasi nga duling ang driver ng sasakyan
Kaya’t walong piso ang kakalabasan
Iyon ang pasaheng dapat n’yang bayaran.

Ang kwatro’y  iniabot bago bumaba
Ngunit wika ng driver, “Kulang po mama.”
Ani mang Teban, “Walong piso na ‘yan ah.”
At sagot ng driver – “Kayo po’y dalawa.”

%d bloggers like this: