Blog Archives

TONG-ITS (3)

(Last of 3 parts)

tong-itsx

Ipinakita ni tata Berting ang mga buong niyang baraha. Tatlo na lang pala ang hindi pa buo – dalawang dos… isang alas. Singko na lang ang baraha ni tato Berting. Kaya pala kuwatro’t tres ang mga itinapon niya kay Khalil.  Akala ko pa naman sure win na ang baraha ko.

Batuktok ako.

“Ilan ka sir?”

“Talo po ninyo ito. Otso pa. Tatlo butas ko.”

“O ikaw Khalil. Kung kuwatro ka’y panalo,  pero kung singko ka eh resbak  ka lang… pero kung nagloko-lokohan ka nanaman eh patay kang bata ka.”

At ipinakita ni Khalil ang kanyang baraha. Ang hindi buo’y isang tao, dalawang singko,  isang sais, at isang alas. 27 ang bilang niya. Bale 22 ang butas. Malaki-laki ang babayaran niya.

Bago inayos ni  tata Berting ang baraha eh pinaglayo-layo niya ang mga baraha ni Khalil. May lumabas na isa pang tao sa ilalim ng baraha ni Khalil.

“Aha… may itinatago ka pa palang isang tao ha. Plus 10 ang butas mo.” Ang sabi ni tata Berting. “Mandadaya ka pa ha.

“Ay sorry… meron pa palang baraha sa ilalim. Nadikit siguro kaya hindi ko napansin.”

“Ganoon, hindi mo alam?” Ang tanong ko.

“Oo naman. Kaylan ko ba kayo dinaya?”

“Madalas.” Halos magkasabay na sinabi namin ni tata Berting iyon kay Khalil.

“Baka lang makalusot.” Ang sabi ni Khalil.

At nagtawanan kaming tatlo.

Nangyayari iyon minsan kapag naglalaro ng tong-its. Kaya kaylangang alisto ka. Minsan sasadyain ng player iyon, minsan nama’y talagang honest mistake. Kapag  may nagbaba ng straight na baraha – sabihin nating diamond – eh tignan mo nang mabuti at baka heart pala ang isa doon. Ginagawa ni Khalil paminsan-minsan iyon. Ako man ay ganoon din. Siguro si  tata Berting man, baka hindi ko lang napansin kahit minsan. Pandarayang maituturing iyon pero sa aming tatlo ay parang bahagi lang nang kapilyuhan na tinatawanan lang namin kapag may sumubok na gumawa. Pero kung hindi sila ang kalaro ko, lalo na kung hindi ko kabiruan, eh hindi ko kaylan man susubukang gawin iyon dahil baka bugbog ang abutin ko.

Nagbayad si Khalil. Kulang-kulang na 200.

“Hayan tata Berting may bagong record tayo… 200 hundred sa batuktok. Record holder – Khalil!!!” Ang wika ko sabay sundot sa tagiliran ng parang ngunguto-ngutong si Khalil.

“Heto… magtotong ako ng beinte kahit hindi pa ako nakaka-hit. Kasi naka jackpot ako. Ulitin mo pa ha Khalil. Laban ng laban kahit mataas ang baraha.”

“Talagang uulitin ko. Hindi naman ako marunong madala. Ngayon pang sugatan na ako.”

Nagpatuloy ang pagtotong-its namin.

Dalawang oras na halos ang lumipas. Umabot na ng labing-apat ang bato sa gitna pero wala pa ring nakaka-hit. Nangyayari talaga ang ganoon. Minsan nga eh umaabot pa kami ng hanggang labing-walong bato bago tamaan. Ang pagkakaiba lang at ang nakakapagtaka sa pagkakataong iyon ay kaming dalawa lang ni tata Berting ang nagpapalitan ng tama. Katakot-takot na ang kantiyaw na inabot sa amin ni Khalil dahil mula ng nanalo siya sa unang round eh hindi na ito naulit. Sabi niya’y nakaka mahigit na siyang 500 ng talo. Ako nama’y parang bawi lang. Na kay tata Berting ang pera.

“Tata Berting… mukhang nagdilang-anghel kayo ah. Iyong tama kanina ni Khalil nang magsimula tayo  eh iyon na ang una at huli.”

“Magtigil ka bulilit.” Ani Khalil.

“Sandali nga, break muna tayo. Iihi lang ako.” Ang sabi ni tata Boy.

“Oo nga, makaihi nga rin nang mailabas ko ang kamalasang ito.”

“Mas maganda siguro Khalil kung dumumi ka  na rin. Baka hindi lang ihi mo ang malas. Baka pati pupu mo.” Ang sabi ko.

Tumawa ng tumawa si tata Berting sa sinabi kong iyon.

“Hindi ka na uubra sa amin ngayon. Kabisado na namin ang diskarte mo. Ang wika ni tata Berting. “Sir, basta pagtulungan natin ha. Kaylangang hindi siya maka-hit kahit minsann lang”

“Naku tata Berting, napagtatatalo na nga ang tao eh ginaganyan mo pa . Tignan mo nga oh hindi na makangiti, mukhang stressed na stressed na.”

“Oy, hindi ah! Para iyong lang eh.”

“Oo nga sir. Para ngang galit na eh.

“He… magtigil kayo. Hindi pa tapos ang laban. Kaya huwag muna kayong magdiwang. Ni hindi pa nga nakukuha ang gitna eh o.”

“Tignan natin… basta hindi mo makukuha iyan. Nakatakda para sa akin o kay sir.”

“Ganun? Sige… tignan natin.”

“Ay siya sige mag-break muna tayo.” Ang sabi ko. “Ako naman eh magpapatimpla muna kay misis ng kape. Basta nasa akin ang hit ha”

Sampung minuto rin siguro kaming nagpahinga. At bago kami nagpatuloy maglaro eh pinagsaluhan muna namin ang meryendang inihanda ng aking butihing maybahay. Iyon ang isang bahagi pa ng paglalaro namin ng tong-its na masaya – may kasamang kainan at kapehan. Malimit eh hapunan. Para lang kaming nagpi-picnic Nagmungkahi noon sina tata Berting at Khalil na magbigay ng tong  ang makakahit para daw may maibili ang aking kabiyak ng aming pagkain at kape. Sinabi kong huwag na pero ipinilit nila.

Bilang hitter eh ako ang nagbalasa matapos kaming magmeryenda.

Hindi maganda ang pagkakabalasa ko. Ubod ng pangit ang sumampang baraha  sa akin.  Ako pa naman ang hitter. Maingat magtapon si Khalil dahil alam niyang kapag ako ang nanalo eh makukuha ko na ang gitna. Puro mabababa ang itinatapon sa akin at kung magtapon man ng tao ay iyong siguradong hindi ko makukuha. At panay naman ang kain niya sa mga barahang itinatapon ni tata Berting.

Nang wala ng bunuting at kami’y nagbilangan ng baraha ay pinakamababa ang kay Khalil. Naagaw niya sa aking ang hit.

“O papaano ba iyan. Ako na ulit ang hitter. Natapos na ang sumpa sa akin ni tata Berting.”

“Naku sir, 15 ang bato. Tapunan mo ako ng tapunan para maagaw natin ang hit.” Ang wika ni tata Berting.

“15 bato… 75 plus 20 sa gitna. Bale 95 plus bayad sa panalo. Wow…100. Eh paano kung may alas pa ako, kuwadra at makakabatuktok pa. Medyo makakabawi-bawi sa talo.” Ani Khalil habang binabalasa ang baraha.

“Libre talaga ang mangarap.” Ang wika ni tata Berting.

“Ang nagbibilang ng sisiw nang hindi pa napipisa ang itlog… ay hindi makakarating sa paroroonan.”

“Ang galing talaga ni sir… nakaimbento ng bagong kasabihan.” Ang sabi ni Khalil. “Pero ito sisiguraduhin kong ako ang panalo. Hindi ako magdo-draw ng hindi pilado ang bilang ng baraha ko.”

“Owww! Hindi nga?” Ani ko.

 “Watch and see bulilit.” Ang sagot ni Khalil.

Nang pintahan ko ang mga barahang bigay sa akin ni Khalil ay medyo nadismaya ako. Walang buo. Ganoon pa man ay may 2 akong pares-pares at 2 na  magkasunod. Ang unang tapon ko – diyes na diamond – ay kinuha ni tata  Berting. Ngunit ang tapon niyang sais na bulaklak ay nakuha rin ni Khalil.

Ang pangalawang tapon ni Khalil ay hindi ko nanaman nakuha. Ganoon din ang pangalawang tapon ko – hindi rin nakuha ni tata Berting. Ngunit ang pangalawang tapo ni tata Berting – tres na spade eh nakuha ni Khalil. Bakit naman nagkataon na ang mabababang tapon ni tata Berting ay nagkakataong iyon ang hanap ng baraha ni Khalil.

Mabuti na lamang at may panapaw ako sa mga baba ni Khalil sa sumunod na 2 ikot. Sa sumunod kong bunot ay nakakuha ako ng pangdugtong sa hawak kong magkasunod na baraha kaya ako nagkabahay. Pero nakabawas din ng baraha si Kahlil nakasasapaw  siya sa mga ibinaba namin ni ka Berting. Pareho kasing straight. Iyon ang dahilan kung bakit ayaw kong magbaba ng straight. Sapawin. Hindi katulad ng trio na isa na lang ang puwedeng  isapaw.

Hanggang 2 na lamang ang natitirang baraha – ang bubunutin ko at ang bubunutin ni tata Berting. Malabo nang manalo ang hawak kong baraha – 2 nuebe at 2 jack. Nang bumunot ako, ang aking nakuha ay dos  na puso. Tinanong ko si tata Berting.

“Ilan pa ho ba ang hawak ninyong baraha?”

“Lima pa eh. Pero isa na lang  ang hinahanap ko”

Inilapag niya ang tatlo sa lamesa  Pero nakataob ito. Hindi ko alam kung buo nga o hindi.

“Heto… dalawa na lang… sana mabunot ko. Kung hindi, magbayad tayo ng mahigit 100.”

“Ako eh lima, pero buo ang apat. Isa na lang ang kalaban ninyo. Heto.”

Ipinakita ni Khalil ang isang alas at inilapag ang apat na baraha sa lamesa. Nakataob din kaya hindi ko alam kung ano ang mga barahang iyon.

“Buo ba talaga iyang apat na iyan?” Ang tanong ko.

“Gusto mo pustahan tayo ng isang daan o. Walang biro. Kung buo ito… talo ka, kung hindi talo ako.” Ang hamon ni Kahlil. “O heto isang daan kahit ikaw pa humawak.”

 Tinanggihan ko ang hamon ni Khalil.

Mukha ngang buo ang mga nakataob niyang baraha. Totoo nga yatang alas na lang ang natitira. Lagot kami ni tata Berting. Makaka-two hits si Khalil. Magbabayad kami ni tata Berting ng higit tig-100 at babalik lahat sa amin ang kantiyaw namin kay Khalil.

Kaylangang makuha ni tata Berting ang itatapon ko. Nakakalito kung alin – nuebe, jack, o ang nabunot kong dos. Binasa ko ng mabuti ang mga barahang naitapon na sa lamesa.

Madalas na hindi ko sineseryoso ang pagtotong-its. Naglilibang lang naman kasi ako.  Bunot lang nang bunot, tapon lang nang tapon. Sina tata Berting at Khalil, sa tingin ko, eh dinidibdib masyado ang paglalaro. Saka ko lamang talagang pagiisipan ng mabuti ang pagtatapon at gagalingan ang diskarte kapag marami na ang bato sa gitna. Sa pagkakataong ngang iyon ay 15 na.

“Ano ba sir, slow motion ka na rin ba? Kaylan mo ba balak magtapon? Next week pa ba? Wala na, talo na kayo. Alas na lang ito. O heto o ipapakita ko kay tata Berting itong apat na baraha. O hayan lolo… buo di ba?”

“Naku po, oo nga sir. Buo nga! Alas na lang talaga siya.”

“Eh ano po ba iyong buo?” Ang tanong ko.

“Ops…ops… tata Berting, keep your mouth shut or else…”

Nuebe… jack.. at dos. Lahat posible makuha. Inilatag ko na sa lamesa ang baraha ko. Pinagtabi-tabi ko ang nuebe, jack, at dos.

“Okay… kung saan matapat… A – lin – ang – i – ta – ta – pon – ko – he – to – o – he – to… he – to.”

Tumapat iyon sa dos na puso. Iyon ang itanapon ko.

Nakuha ni tata Berting… paningit sa hawak niyang alas at tres na puso. Natong-its siya. Tuwang-tuwa si tata Berting. Tuwang-tuwa din ako. Hindi nakuha ni  Khalil ang gitna.

“Ang bagal mo kasi sir magtapon. Hindi puwede kasi iyong ganoon. Mabilis lang kasi dapat ang tapon” Ani Khalil.

“Hayan tata Berting… nagagalit na si Khalil… maghuhurumentado na iyan.”

“Bulilitttt!” Ang bulalas ni Khalil habang paulit-ulit akong sinusundot sa tagiliran.

Masarap ang aming naging tawanan dahil sa nangyaring iyon. Hindi mabalasa ni tata Berting ng maayos ang baraha dahil sa katatawa. Katakot-takot na kantiyaw ang inabot nanaman sa amin ni Khalil.

At nang matapos naming bayaran si tata  Berting sa pakakapanalo niya ay ipinamahagi na niya ang baraha.

“Nasa akin ulit ang hit ha. Wow… 16 na ang bato. Kukunin ko na ito.”

“Mangarap ka impo.” Ang sagot ni Khalil kay tata Berting.

Sa sumunod na  round ay naubos ang baraha na walang nagdo-draw. Tig-iisang baraha ang natira sa amin. Alas ang sa akin at kinutuban akong alas na lang din ang hawak nila  kaya hinintay ko na lang na maubos ang bunutin. Hindi magdo-draw si Khalil dahil ang huling maglalaban eh si tata Berting at siya ang mananalo. HIndi din magdo-draw si tata Berting dahil alam niyang ako mananalo. Kung ako ang magdo-draw eh si Khalil ang panalo pero hindi ko gagawin iyon dahil alam kong ako ang huling bunot. Tiyak kong ako na ang panalo lalo na nga’t walang ng sapawin, sarado na ang lahat ng nakababang baraha. Tapon-bunot na lang kaming tatlo hanggang mabunot ko ang huling baraha.

At ako nga ang nanalo sa round na iyon. Naagaw ko mula kay tata Berting ang hit.

“Dadahasin ko na kayo para makuha ko na ang hit. Okay na sa akin ang 17 bato.” Ang pabirong sabi ko sa dalawa.

“Huwag mainit ang ulo sir. Baka magaya ka kay Khalil. Magkakabutas-butas ang noo mo.”

“O lolo… baka naman puwedeng tapunan mo ako ng tapunan para maagaw natin ang hit.”

“Okay… okay. Ako bahala sa  iyo. Puro malalaki ang itatapon ko sa simula. Abangan mo.” Ang sagot  ni tata Berting.

Binalasa ko ng mabuti ang baraha. Siguro’y mga apat na beses. Pagkatapos eh hinipan ko pa. Pampahiyang.

“May paihip-ihip ka pa. Baka may laway iyan ha. Baka mahawa kami ng coronavirus mo.” Ani Kahlil.

“Coronahin mo face mo. O cut na.”

Sa halip na katin, eh binalasa ni tata Berting ang baraha.

“O hayan. Huwang ng katin. Ayos na iyan.”

Ipinamigay ko ang baraha. Habang ginagawa ko iyon eh biglang kong napagisipang pagmasdan ang mga reaksyon nila habang pinipintahan nila ang ibinibigay kong baraha. Si tata Berting eh parang nangingiti habang pinagsasama-sama niya ang kanyang mga baraha samantalang si Khalil eh parang nangingiwi at  kumukunot ang noo. Kung ang nakita ko ang sa mga reakasyon nila ang pagbabasehan, eh maganda ang pumanhik na baraha kay tata Berting at kabaligtaran naman ang kay Khalil.

“”Game na ba kayo?” Ang  wika ko pagkatapos kong ipamigay ang mga baraha.

“Aba’y kanina pa.” Ani Khalil.

“Handa na ba kayong magbayad?”

“Aba’y ipanalo mo muna sir.” Ang sagot ni tata Berting.

Isa-isa kong pinulot ang mga baraha ko. Mabilis, walang pinta-pinta. At nang mapagsama-sama ko’y natuwa ako sa aking nakita. Apat ang alas. Pero hindi ko dapat itaob bilang kuwadra dahil meron din akong dos at tres na bulaklak. Wala nang ibang buo pero ang bababa – tig-dalawa ang dos at kuwatro, tig-isang tres at kuwatro, at ang pinakamalaki na siyang dapat na pantapon ko ay siyete. Kapag itinapon ko ang siyete ay beinte na lang ang  ang bilang ng baraha ko.

Naisip kong totohanin ang sinabi ko kanina. Dadahasin ko na ang mga kalaro ko.

Nagbahay ako – tatlong alas. Nasa akin pa ang isa kaya wala na silang maisasapaw.

“Wow! Lalaban ka na ba sir?” Ang tanong ni Khalil.

Secret, walang clue!” Ang sagot ko.

Itinapon ko ang siyete.

Kinuha ni tata Berting. Na-trio ang siyete. Pagkatapos niya pagsamasamahin ang tatlong siyete ay may itinaob pa siyang kuwadra. Anim na baraha na ang nabawas sa kanya. Magiging lima iyon kapag nagtapon pa siya.

Biglang parang nagdalawang-isip na ako kung magdo-draw nga ako.

Jack na diamond ang itinapon ni tata Berting. Kinuha iyon ni Khalil. Paningit. Mayroon siyang nuebe, diyes, queen, at king na diamond.

“Suwerte, nakabuo pa ng isa.” Ang sabi ni Khalil.

Kung totoo ang sinabi ni Khalil – na may buo pa siya sa taas bukod doon sa naging bahay niya – o bluff lang eh tanging siya lang ang nakakaalam.

Nagtapon siya ng otsong flower.  Hindi ko nakuha iyon.

Kaylangan kong magdesisyon kung do-draw na ba ako. Nakakaalangan. Akala ko baraha ko lang ang maganda. Sa kanila din pala. May bahay na rin si tata Berting at  may kuwadra pa. Si Khalil naman ay mahaba ang kanyang naging bahay at maaari ding may buo pa siya sa taas.

Binilang ko ulit ang baraha ko – saradong beinte. Isang ikot pa lang kaya puwede-puwede  nang i-draw.

“Sir. Laban kung laban. Hindi naman mauubos ang mga dolyares mo diyan. Paminsan-minsan eh sumugal ka naman.”

Para tuloy lalo pa akong nagdalawang-isip maglaban. Para kasi akong  binubuyo ni Khalil. Parang gusto niya akong batuktukan.

Pero tama naman ang sinabi ni  Khalil. Bakit hindi ko subukang gayahin ang diskarte niya. Kung mabatuktukan eh di magbayad.

Worst scenario – dos  ang pinakamababa na puwedeng maging baraha nila. Lahat kasi ng alas eh nasa akin. Disiotso ang pinakamataas na puwede kong maging butas. 90 pesos iyon. 20 pesos naman ang batuktok. 110 pesos lang. Aba eh 2 dollars lang mahigit iyon ah. Pero kapag ako ang nanalo eh malaki  ang kakabigin ko – 17 ang bato sa gitna. May bayad pa ang panalo at 4 na alas.

It’s worth the gamble.

“Okay draw na.” Ang sabi ko.

Tama naman si Khalil. Dapat paminsan-minsan eh kaylangang mong sumugal. Kaylangang paminsan-minsan eh sumuong ka sa isang bagay na hindi mo tiyak ang kahihinatnan. Sabi nga ni Jake Sully sa pelikulang Avatar – “Sometimes your whole life boils down to one insane move.”

Katulad ni  Kahlil ay nagbakasali din ako. Nang sa tingin ko eh hindi sapat ang kinikita ko sa pagtuturo dito sa Pilipinas eh nangibang-bansa ako at doon nagturo. Sugal iyon. Ang maging OFW eh hindi gawang biro. Hindi mo tiyak kung ano ang kahihinatnan ng pagpunta mo sa ibang bansa.

Katulad sa larong tong-its. Maaring ang barahang ibibigay sa iyo ng bumalasa nito eh buo-buo o kada dalawang piraso sa labing-dalawa mong baraha eh magkakatabi. Suwete di ba. Posible rin na kabaligtaran – walang buo kahit isa at ang mga baraha mo’y hiwa-hiwalay pa. Sorry na lang – malas.

Suwerte o malas lang ang dalawang puwedeng kalabasan ng  pagiging OFW. Maaring masaya ka sa trabahong dadatnan mo at maayos ang trato sa iyo ng iyong mga employer. Naka-hit ka kumbaga sa tong-its. Tapos wala kang naging problema sa pamilyang iniwan mo sa Pilipinas – hindi nagtaksil ang iyong asawa at walang napariwara sa iyong mga anak. Two hits sa tong-its iyon. Panalo. Kuha mo na ang gitna babayaran pa sa iyo ang mga batong naipon.

Eh papano kung maayos nga ang trabaho mo, malaki ang kita at marami kang ipon pero nasira ang pamilya mo? Batuktok ka. At huwag naman sana na wala ka nang naipon pagbalik mo sa Pilipinas  eh wala ka pang pamilyang babalikan. Napakasakit kuya Eddie. Batuktok na, ubos pa puhunan.

Ganoon ang nangyari kay Khalil. Matapos ang ilang taon niyang pagpupursigi sa Oman ay naghiwalay sila ng kanyang asawa. Hindi niya alam kung saan siya nagkulang. May nakilala ulit siyang babae at sila’y nagsama. Pero kalaunan ay nagkahiwalay din sila. Marami nga siyang pera pag-uwi pero wala siyang pamilyang dinatnan. May nakilala nanaman siya pero ang sabi niya sa akin eh parang takot na siyang sumugal. Lagi daw kasi siyang batuktok pagdating sa pag-ibig.

Si tata Berting? Sigurista! Hindi sumugal magtrabaho sa abroad. Sa Pilipinas nagtrabaho. Nagsikap. Pinagkasya ang kinikita, binantayan ang pamilya. Pinag-aral ang mga anak na lahat, kalaunan, ay nagkaroon ng magagandang trabaho at maaayos na pamilya. Suwerte. Naka-hit si tata Berting. Halatang maganda ang barahang ibinigay sa kanya ng bumabalasa nito. Siguro buo-buo at tabi-tabi ang kanyang mga baraha. O kaya, hindi man kagandahan ang natanggap niyang baraha eh diniskartehan lang niya ito ng mabuti. Sinugarado na kapag inilaban niya ito eh panalo siya. At kapag ang mga kalaro niya ang naglaban eh alam niya kung kaylan siya kakasa at kung kaylan siya dapat tumiklop.

Ako? Malinaw na pumusta ako sa pangingibang-bansa. Pero kapag ako kasi ang pumusta ay mas malamang na panalo ako kaysa matalo. Minsan nga ay sinisigurado ko na mananalo ako. Noong nangibang-bansa ako ay tinignan ko ang lahat ng anggulo, kung ano ang puwedeng mangyari. Saan ko man silipin noon ay malinaw na tama ang gagawin kong desisyon. At noong nagsimula akong magtrabaho doon ay  habang naghahanapbuhay ako eh tiniyak kong ang mga mahal ko sa buhay ay hindi mararamdamang pinababayaan o binabale-wala ko sila.

“Sir… sigurado ka ba sa desisyon mo? Draw na ba talaga? Ang tanong ni tata Berting.

Tumango ako na paulit-ulit.

Katulad nang desisyon kong iyon na mag-draw. Alam kong mas malamang na panalo ako. Nasa akin lahat halos ng mga mababang baraha. Maraming beses nang nangyari ang ganoon kapag naglalaro kami. Napakadalang na tinatalo ang nagdo-draw matapos ang isang ikot lang.

“Surrender ako sir. Wala na akong buo. Napakatataas pa. Ikaw na lang Khalil.”

“Wala rin eh. Mabuti nga’t nakuha ko itong tapon mong jack kaya nagka-bahay ako.”

Naka-two hits ako. Nakuha ko ang gitna.

“O time-out ulit. Maghapunan muna kayo.” Wika ng misis ko na bitbit ang kaldero at mga pinggan.

 Naghapunan kami – piniritong galunggong at munggo ang ulam. Habang kami’y kumakain, katulad ng dati, patuloy ang aming kuwentuhan.

Inabot kami ng halos alas-onse ng gabi sa paglalaro. Nakabawi din si Khalil nang kalaunan. Hindi kami masyado nagkatalo. Pero katulad ng dati, wala naman talagang natatalo sa amin dahil hindi nga mababayaran ng anumang halaga ang kasiyahang aming naramdaman habang kami’y naglalaro ng tong-its.

–  W   A   K   A   S  –

Advertisement

TONG-ITS (2)

(2nd of 3 parts)

tongits

Inilatag ni tata Berting ang natitira pa sa mga hawak niyang baraha – dalawang king at dalawang otso. Nasa akin pareho ang mga puro ni tata Berting. Kung pinalakad ko pala sana iyong king eh nakuha niya at maisasapaw ko pa iyong isang matitira sa akin. Malaki sana ang ibababa ng baraha ko.

“Hindi na… mataas eh. Trenta’y sais.”

“Mga duwag pala kayo eh… o heto baraha ko.”

Napailing na lang kami ni tata Berting sa aming Nakita – wala nang buo sa baraha ni Khalil. Dalawang alas at pagkatapos ay puro nuwebe’t diyes at may mga  tao na. Wala man lang magkatabi. Mahigit sinkwenta kung bibilangin.

“Wala nang pag-asang manalo ito kaya naglakas-loob na akong lumaban. Lakasan lang ng loob ang tong-its mga tsong.”

“Anak ng… panalo pala sana ako ah.” Ang sabi ni tata Berting habang nagkakamot ng ulo. “Butas-butas ka pala sana.”

“Eh wagdu ka naman tata Berting eh… kaya sorry na lang. Bayad-bayad na mga boys. Dalawa alas ko. Bali tig-kinse kayo. Ay teka… sunog po pala kayo lolo. Hindi ka nagbaba. Beinte  ang bayad mo.”

Tawa ng tawa si Khalil habang binabalasa ang baraha.

“Walang lumaban eh wala naman na akong buo. Mga walang binatbat. O ako ang hitter ha.. akin na ang marker. Isa na ang bato ha. Naku… kahit isa lang iyan eh kukuhanin ko na.

“Sir, papayag ka ba na ma-hit na ng kapwa mo bulilit.”

“Aba tata Berting, nasa sa inyo po iyan. Kayo ang magtatapon sa kanya eh.”

Promise sir, hindi sa akin makakuha ng malaki. Dos… tress ang itatapon ko sa kanya. Hindi baleng makuha basta maliit lang. ”

“Sige… tignan natin.” Ang sabi ni Khalil. O cut na!”

Ako ang nag-cut. Paulit-ulit. Para kako maiba ang takbo ng baraha.

Ipinamigay ni Khalil ang baraha. Kapag siya ulit ang nanalo eh makukuha niya ang gitna at isang bato. Bale beinte singko ang bayad niyon at saka limang piso sa pagkapanalo niya. May dagdag pang lima kung makakakuha pa siya ng alas.

Ganoon ang larong tong-its. Hindi porke hindi maganda ang hawak mong baraha eh talo ka na. Depende sa diskarte. Palakasan ng loob. Kung magaling ka na maglaro at malakas pa ang loob mo eh mas malamang na lagi kang panalo.

Ganoon din lang sa totoong buhay. Minsan hindi lang puro talino at talento ang kaylangan para magtagumpay ka. Kaylangang matapang ka rin, handang magbakasali… handang sumugal.

Maaring si tata Berting, sa larong tong-its, kapag hindi na maganda ang baraha, humihina na ang kalooban, hindi na lumalaban. Pero sa totoong buhay eh kabaligtaran siya. Katulad ng baraha eh hindi mo puwedeng piliin ang mga sirkumstansya sa buhay. Sa sugal,  depende iyan sa balasa at sa paraan nang pagka-cut. Ang baraha ng buhay na naibahagi kay tata Berting  ay ang magkaroon ng mahirap na mga magulang. Nang ayaw na daw siyang pag-aralin sa high school ng kanyang ama dahil kaylangang niyang tumulong sa mga gawain sa bukid eh pinilit niyang mag-aral sa gabi. Pinayagan naman siya. At dahil nga sa gabi siya nag-aral ay inabot ng limang taon bago siya natapos. Sumugal din si  tata Berting nang lumuwas siya ng Maynila at naghanap ng trabaho upang matustusan ang pag-aaral. Nakatapos siya at nagkaroon ng magandang trabaho.

“Oh hayan na ang mga baraha ninyo. Bilis-bilisan tata Berting ang pagpipinta ha. At galingan ninyo dahil kung hindi eh makukuha ko na ang gitna.  Remember –  hitter ako!”

Magaling talagang magtong-its si Khalil. Sa aming tatlo, siya ang record holder kung dami ng panalo ang paguusapan. Ang hirap niyang talunin. Malakas kasi ang loob. Lumalaban kahit sobrang taas ng hawak na  baraha.

Kahit sa buhay, sa tingin ko, ay ganoon din siya – malakas ang loob sumugal. Katulad ng magtrabaho siya sa Oman. Nang mag-expire ang kanyang visa eh hindi daw siya umuwi. Sumugal siya. Nag-TNT. Kung uuwi daw kasi siya ng Pilipinas noong panahong iyon eh baka hindi na siya makabalik at wala naman siyang makikitang trabaho dito na magkakaroon siya ng kita katulad ng natatanggap niya sa bansang iyon.

Si tata Berting naman ay halataing sigurista. Hindi inilalaban ang baraha kapag mataas. Kaya kapag siya ang nag-draw at mataas sa beinte ang baraha ko ay iniuurong ko na. Si Khalil ang masarap matiyempuhan kasi nga naglalaban kahit sobrang taas ng baraha.

“Si tata Berting o hinayang na hinayang. Aba eh baka mga treinta ang butas ko kung lumaban kayo. Maliwanag na 150 plus sana iyon tapos 20 pa ang batuktok.”

“Tignan mo sir nangangantiyaw pa. Nanalo na nga eh. Batukan ko kaya ito.”

“Hayaan po ninyo, pasasaan ba at matataymingan din natin ang kolokoy na iyan. Butas-butas ang puwit niyan kapag nagkataon.” Ang sagot ko.

Sa round na sumunod, katulad nang madalas gawin ni tata Berting, ay dahan-dahan kong pinintahan ang aking mga baraha. Mukhang maganda ang pagka-cut ko. Akalain mong tatlo ang buo at isa na lang ang hanap. Singko at sais na bulaklak na lang ang hindi buo. Mababa kung tutuusin. Panlaban na. Kaya binalak kong hindi ko man mabunot ang kuwatro o siyeteng bulaklak eh magbabahay na kaagad ako nang makalaban na sa susunod na ikot. Iyon eh kung walang sasapaw.

Nagtapon si Khalil – siyeteng bulaklak. Tambog siya. Panalo ako sa round na iyon.

“Anak ng… heto na nga bang jack sana ang itatapon ko eh.”

“Eh gusto mo pala lagi kang panalo. Hindi puwede iyon, tsong.” Ang wika ni tata Berting.

“Aba’y kayo ho ba ayaw ninyo laging nananalo?” Ang tanong ni Khalil habang iniaabot sa akin ang sinamsam niyang baraha.

Nagkitbit-balikat lang si tata Berting. Pero parang nag-isip rin siya. Hindi ko alam kung ang iniisip niya ay iyong tanong sa sagot ni Khalil.

Pero lahat ba ng nagsusugal, o ang nakikapagpustahan, o ang mga sumasali sa ano mang labanan o paligsahan eh lagi gusto manalo? Siyempre oo. Pero bakit gusto nila manalo? Siguro dahil sa mapapanalunang pera o premyo. Ako? Kung pormal na paligsahan ang sasalihan ko, gusto ko manalo hindi dahil sa pera o premyo kundi iyong karangalang kaakibat ng panalo. Kung tong-its lang naman eh lalong hindi ko inaasam ang pera kundi  iyong sarap lang ng  pakiramdam na nanalo ka at iyong pagkakataon mo na ikaw naman ang makapangantiyaw.

“Tata Berting, nakalimutan po ni Khalil na maryoon siyang kalaban.”

“Oo nga eh. Khalil… don’t forget… hindi lang ikaw ang maruong magtong-its. Malay mo nga na baka iyong panalo mo kanina eh iyon ang una at huli mong panalo ngayong gabing ito.”

“Ha? Una’t huli pala ha. Tignan natin.”

Matapos silang magbayad ay binalasa ko’t ipinamigay ang mga baraha para sa susunod na round.

Maganda nanaman ang panhik ng baraha sa akin sa round na iyon. Dalawa ang buo, isang trio at isang straight. May anim akong baraha na pares-pares at meron akong isa lang na pantapon. Ang mga pares-pares na baraha ko eh puro  mabababa pa. Naisipan kong  iligaw ang mga kalaro ko, lalo na si Khalil na siyang nagtatapon sa akin.

“Naku po. Ano ba namang baraha ito. Puro tao hanap. Mahirap ipanalo ito.”

Pagkasabi ko niyon ay tinapunan ko si tata Berting. Hindi niya nakuha. Bumunot siya. Inilapag muna niya sa kanyang harapan ang binunot at pagkatapos ay kumuha ng isang pantapon mula sa kanyang baraha – tres na diamond. Napabuntung-hininga si Khalil sa nakitang tapon ni tata Berting.

“Naku… sige lolo, huwag mo akong tapunan. Hayaan na nating makuha ni sir ang gitna.”

Nangiti lang si tata Berting. Inayos-ayos ang kanyang mga baraha.

Mukhang ang kaylangan ni Khalil eh tao kaya ganoon ang sinabi niya.

Ang binunot ni Khalil na baraha ay kaagad ding itinapon.

Hindi ko nakuha ang tapon ni Khalill pero nakabunot ako ng karugtong ng isang pares kong baraha. Binilang ko. Trese na lang ang baraha ko. Nang magtapon ako ng singko eh naging otso na lang. Kapag ganoon ang baraha eh puwedeng hindi ka magbaba at mag-abang ka na lang ng magdo-draw.

“Tsk… hindi ako makabuo ah. Lasma.” Ang wika ko.

Nakuha ni tata Berting ang tapon ko ngunit si Khalil ay hindi nakakuha sa kanya. Kuwatro ang tapon niya. Bagay na parang ikinainis ni Khalil.

“Lolo, iniipit mo yata ako ah. Hindi ako ang hitter.” Ang parang kunsimidong wika ni Khalil. “Sige na nga. Makapagbahay na nga lang nang makalaban na.”

Nagbahay nga si Khalil at muli nanaman niyang sinamsam ang kanyang baraha at itinabi sa mga bunutin. Akma nanamang lalaban ang loko. Kapag ginawa niya iyon, malamang na sasakit ang katawan niya sa batuktok.

Bumunot ako. King. Isinama ko muna sa baraha ko. Pinagpalit-palit ko ang puwesto ng mga baraha ko.

“Heto na nga ang king tata Berting.”

“Aha… nagbiyak na ng king. May natira pang isa.” Ang wika ni Khalil.

Iyon eksakto ang gusto kong isipin ng aking mga kalaro kaya pinagtagal ko muna bago ko itinapon ang king na aking nabunot.

“Eh ayaw mong ibigay eh.” Ang sabi ko na lang.

“Naku sir, walang tao itong baraha ko kaya wala akong itatapong king sa iyo… at pilado na lang ang bilang ko kaya panlaban na ito.”

Dalawang bagay lang iyon – nagsasabi ng totoo si Khalil… na kulang na sa diyes ang bilang ng baraha niya, o nanakot lang siya para hindi kami lumaban kapag siya ay nag-draw. Kutob ko eh nangba-bluff lang siya. At siguro kahit pa totoo ang sinabi niya eh kakasa ako kapag siya ay nag-draw. Iuurong ko ba naman ang otso lalo na nga’t nakakadalawang ikot pa lang. Kahit pa nga wala ng baraha eh lalaban ako.

Ang sumunod kong nabunot ay king ulit. Tamang-tama sa dramang ginagawa ko.

“Anak ng… kung kaylan ko sinira… saka nabuo.” Ang sabi ko na kunwari’y naiinis ako.

Pagsisinungaling iyon pero ganoon talaga sa tong-its. Kapag may sinasabi ang naglalaro sa tong-its na isang bagay tungkol sa baraha nila ay dapat mong isipin na may mind-game na nagaganap. Gawain ko din iyon.

Hindi nanaman kinuha ni tata Berting ang tapon ko. Bumunot siya. Napansin kong medyo tumaas ang isang kilay niya’t nangiti pa. Mukhang gusto ni tata Berting ang nakikita niya sa kanyang mga baraha. Pinagmamasdan niya ito ng mabuti.

“Sir… tulog muna tayo. Mukhang bukas pa magtatapon si impo.”

Pagkasabi niyon eh kunwari naghihilik si Khalil.

At nagtapon na si tata Berting…

“TRESSS!!!  Kanina kuwatro. Lolo hindi ako ang hitter.” Ang bulalas ni Khalil. “Inilalaban mo nanaman yata ang baraha mo kahit walang pag-asa iyan.”

Sa tong-its kasi ay minsan kaylangan mong magsakripisyo o gandahan ang iyong diskarte para hindi maka-two hits ang hitter. Lalo na kung marami ang bato sa gitna. Kapag ikaw ang nagtatapon sa hitter eh siguraduhin mong hindi makukuha ang tapon mo, lalo na kung tao, at kung makuha man ay tiyakin mong may panunod ka. Iyon namang nagtatapon sa iyo ay kaylangang mabigyan ka. Dapat matataas ang mga tapon sa unang mga ikot at sa kalagitnaan, kung marami na ang naitapong baraha, eh kaylangan basahin niya at tantiyahin kung ano ang puwede mong makuha.

“Anong wala pag-asa. Anong gagawin ko sa iyan talaga ang pantapon. Tres na ang pinakamataas ko.”

“Talaga lang ha!!!”

Pagkasabi niyon ay dinaklot ni Khalil ang mga bunuting baraha… itinaob.

“O sige draw.” Ang sabi ni Khalil. “Pa tres-tres ka pa lolo ha. Tignan natin kung lalaban ka.”

May kutob akong mababa na ang baraha ni tata Berting kaya ganoon  kababa ang mga tapon niya kay Khalil. Pero hindi ko puwedeng iurong ang baraha ko.

“O sige… laban ako.” Ang sabi ko.

Tila nagulat si Khalil na kumasa ako sa draw niya.

“Ang lalakas ng loob ninyong mag-labanan. Sabi ng tres na lang ang pinakamataas ko eh. Sige… laban din ako.” Ang sabi ni tata Berting.

Part 3

TONG-ITS (1)

(1st of 3 parts)

tong-its1

“Magkano ba ang gitna?” Ang tanong ni tata Berting habang binabalasa niya ang hawak na baraha.

“Katulad po ng dati… beinte po.”  Ang sagot ko.

“Ha!  Beinte? Kahina naman. Singkwenta na. O kaya… isang daan! Kagagaling lang abroad eh. Aanhin mo ba ang iniuwi mong mga dolyares?”

“Naku Khalil magtigil ka. Naglilibang lang tayo kaya ayos na ang beinte.”

Sina tata Berting at Khalil ang madalas kong katong-itan kapag ako’y nagbabakasyon sa Pilipinas. Basta’t nabalitaan nilang nasa baahay na ako eh siguradong pupuntahan ako’t maglalaro kami ng tong-its. Gabi kami naglalaro sa may kubo sa gilid ng bahay ko. Presko kasi doon, tahimik, at walang miron. Paminsan-minsan lang na mauupo doon ang aking maybahay matapos niyang hatiran kami ng makakain at kape. Kadalasang nagsisimula kami ng ala-sais at inaabot kami ng alas-diyes, minsan higit pa.

Si tata Berting ay isang retiradong accountant na dating nagta.trabaho sa Makati. Kapit-bahay namin siya sa subdivision. Close ang pamilya namin. Si Khalil naman eh katulad kong OFW. Pero nagsawa na daw siyang magtrabaho sa ibang bansa. Sa kabilang barangay siya naninirahan. Hindi niya totoong pangalan ang Khalil. Ang employer daw niya sa isang construction site sa Oman ang nagbansag sa kanya ng pangalang iyon. At iyon na rin ang nakagawian naming tawag sa kanya. Dominic ang totoo niyang pangalan.

Pampalipas oras lang sa akin ang pagtotong-its. Sa tingin ko eh ganoon din kay tata Berting. Hindi ako sigurado kay Khalil. Ang alam ko kasi eh madalas siyang magsugal, lalo na sa mga lamayan. Nagsasakla din daw siya. Kontrolado ko ang sarili ko pagdating sa sugal at sa Pilipinas ko lang ginagawa ito. Hindi ko kaylan mang sinubukang magsugal kapag nasa ibang bansa. Niyayaya ako minsan ng mga katrabaho kong banyagang katulad ko na mag-poker. Pero ayaw ko. Baka hanap-hanapin ko. Mahirap ang malulong sa sugal.

Hindi ako sanay sa malakihang taya. Hindi ko na mae-enjoy kapag malakihan ang labanan. Sayang ang pera. Mahirap kitain ang dolyar. Hindi bale kung siguradong panalo ako palagi pagkatapos naming maglaro. Sa totoo niyan kapag nagtotong-its ako eh hindi ko naman kaylanmang hinangad na talunin ang mga kalaro ko para makuha ko ang kanilang pera. Hindi pera ang naguudyok sa akin para magtong-its. Naglilibang lang ako. Nagre-relax.  Para sa akin, kung gusto mong magkapera, eh huwag sa sugal mo hangarin. Magbanata ka ng buto.

Tong-its lang ang nagustuhan kong sugal. Marunong akong mag-lucky nine at pusoy pero hindi ako manenggayong laruin ang mga ito. Purong sugal kasi ang lucky nine at pusoy at mabilis laruin. Hindi katulad ng tong-its na nagtatagal ang bawat round. Maliban na lang kung pagsampa ng baraha eh may bumisaklat sa mga kalaro mo o matapos ang unang ikot ng tapunan eh biglang may nag-draw. At ang tong-it eh may elemento ng mind game kaya nagustuhan ko ito. Kahit sobrang pangit ng sumampang baraha sa iyo eh maaari mong ipanalo. Iyon eh kung magaling kang mag-bluff at ang mga kalaro mo eh hindi kakasa.

“Hayaan mo na Khalil, pagbigyan natin ang hiling ni sir. Tulad na lang ng dati – beinte ang gitna.”

Ako kasi eh isang guro kaya kung tawagin ako ni tata Berting  eh sir. Nakigaya na rin si Khalil nang kalaunan..

“…tapos lima ang bawat bato. Ang bayad sa batuktok eh gawin nating beinte at lima din ang bawat butas. Kapag sunog o walang bahay eh magdadagdag ng limang piso.” Ang dagdag pa ni tata Berting.

“O sige na nga, baka hindi pa tayo laruin nitong si bulilit kung lalakihan natin ang gitna.”

“Kung makabulilit naman heto. Bakit matangkad ka ba?” Ang tanong ko kay Khalil sabay batok sa kanya ng banayad.

“Eh bakit… mas matangkad naman ako sa iyo ah.”

“He… magtigil na nga kayo. Pareho lang kayong punggok.” Ang sabi ni tata Berting. “O… cut na. Masimulan na ito nang makarami tayo.”

“Hayan nagalit na si impo.” Ang sabi ni Khalil sabay tawa.

Naging kaybigan na ng pamilya namin si Khalil kalaunan. Parang kapatid na ang turing ko sa kanya kaya bale wala na sa amin ang magbiruan. Siya ang gumawa ng extension ng bahay namin. Hindi naman siya engineer pero alam niya ang lahat ng aspeto ng construction ng bahay o building. Iyong ang naging trabaho niya sa Oman. At iyon na ang pinagkakakitaan ng tumigil na siyang mag-abroad.

Ganoon kami kapag nagtotong-its. May kantyawan, buskahan, at tawanan. Kaya nage-enjoy akong kalaro silang dalawa. Masarap kasi iyong ganoon. Galawgaw din kasi ako at palabiro.

Nagkukuwentuhan kami habang nagtotong-its. At sa tagal na naming naglalaro ng tong-its eh marami na kaming naikwento sa isa’t isa tungkol sa aming mga buhay. Paminsan-minsan ay seryoso ang aming usapan pero mas madalas ang tawanan. May mga pagkakataon na pulitika ang pinaguusapan namin. Minsan may magti-trip  na kumanta tapos sasabayan namin. Ganoon ang gusto ko kapag nagtotong-its kami. Nakakalibang. Hindi ko napapansin ang paglipas ng oras. Hindi baleng sa bandang huli eh talo. Hindi mababayaran ng ano mang halaga iyong kasiyahang nararamdaman ko habang naglalaro kami.

Dati ay may ibang dumadayo sa akin para makatong-itan ako pero inayawan ko sila. Iyong isa eh mahilig kasing manigarilyo at mismong sa mukha ko pa minsan ibinubuga ang kanyang usok kaya ubo ako ng ubo habang naglalaro kami. Hindi kasi ako naninigarilyo. May isa naman na kapag nanalo na ng malaki  eh bigla na lang umaayaw kahit hindi pa tapos ang itinakda naming bilang ng oras ng paglalaro. Napakagulang. Kung ano-ano ang idinadahilan para maka-alis. Ang mga manlalaro kasi ng tong-its, at tingin ko kahit sa anong sugal, eh naguusapan sa simula kung hanggang anong oras ang laro. Ang mga talunan lang ang puwedeng umayaw. Kapag nananalo ka,  hanggang hindi tapos ang pinagusapang oras eh hindi ka puwedeng magsabing ayaw mo na. At ang huli eh iyong nakalaro ko na napakahilig mag “mo.” Kapag natatalo eh sasabihing “beinte mo muna”… “singkwenta mo muna.”  Hindi siya  maglalabas ng pera pero patuloy sa paglalaro. Ang hirap tantiyahin kung may pera pa ba siya o wala na. Minsan lumalaki nang hangang dalawang-daan o higit pa ang kanyang utang. Tapos kapag siya ang tatama eh babawasan iyong utang niya. Minsan nagkakalituhan na sa kuwentahan. Iyon ang mga players na iniwasan kong makalaro. Sina tata Berting at Khalil lang ang nakita kong matino at  masarap katongitan kaya kapag sila ang nagyayaya eh umo-oo kaagad ako. Madalas nga na ako pa ang nagyayaya sa kanila.

“O tulad ng dati… ang kuwadra ay limang piso at ang alas eh limang piso ang isa kapag  naipanalo.”

“Okay… Kapag ang alas ang naikwadra eh bente pesos ulit ha.” Ang dagdag ko sa sinabing iyon ni Khalil. “Tapos kapag ikaw ang panalo at may kuwadra alas ka pa eh may bayad na bilang kuwadra iyong mga alas, may bayad pa isa-isa pa ang mga ito  dahil sa pagkakapanalo mo. Bale kuwarante’y singko ang bayad. Clear?”

“Sir… yes sir!” Ang bulalas ni Khalil.

Ang totoo niyan eh kahit beinte pesos lang ang tayaan namin sa gitna, napansin ko na pagkatapos ng sampung balasa at hindi ka tumama kahit minsan eh lagas kaagad ang dalawang daang piso mo o higit pa. At posible nga na mangyari na isang oras na kayong naglalaro eh kahit minsan eh hindi ka makakabalasa. Lalo na kung magagaling ang kalaro mo. Hindi rin imposible na hanggang matapos ang laro ay hindi ka makaka-hit kahit minsan. Iyon ang tinatawag na epic failure sa tong-its – iyong natapos ang laro at hindi ka naka-hit kahit minsan. Nangyari na sa akin ang ganoon at halos inabot ng isang libo ang talo ko matapos ang apat na oras naming paglalaro. Iyong isang libo eh hindi ko naman iindahin dahil kahit papaano eh may pera naman ako. Pero nakakasama ng loob na matatalo ka ng ganoong kalaki at sa loob ng ganoong katagal na paglalaro eh hindi ka makaka-hit kahit minsan. Iyon bang pakiramadam na ang bobo-bobo mong magtong-its. Ang minsang nakakainis, lalo na kung balat-sibuyas ka, eh kapag ikaw aymahaba-haba na itinatakbo ng laro at hindi ka pa nakakabalasa kahit minsan eh tiyak na uulanin ka ng kantiyaw. At mas lalo na nga kung hindi ka naka-hit kahi minsan. Kada laro na ipapaala-ala sa iyo ang bagay na iyon hangga’t hindi mo sila nababawian.

“Ano ba tata Berting. Aba’y magtapon ka na. Papaano tayo makakarami niyan eh slow motion ka nanaman.” Ang bulalas ni Khalil.

“Pagbigyan mo na ang senior citizen.” Dagdag ko.

“Ganyan nga, mainis kayo, para masira ang diskarte ninyo. Babagalan ko pang lalo para ma-stress kayo.” Ang sagot ni tata Berting.

Isa-isa kasi kung pulutin ni tata Berting ang kanyang mga baraha at dahan-dahan pa kung  pintahan.  Ako may ganoon din –  isa-isa kong pinupulot ang mga baraha at pipipintahan ko rin ang mga iyon nang isa-isa. Pero mabilis, hindi katulad nang ginagawa ni tata Berting na dahan-dahan. Sa ganang akin kasi eh hindi naman gaganda ang napunta sa iyong barahan kung babagalan mo ang pinta. Pero kanya-kanya ng style. Sabi nga nila – walang basagan ng trip.

“O kita mo nga. Suwerte kapag dahan-dahan ang pinta ng baraha. Buo-buo kaagad.”

“Hindi nga! Nagsisinungaling nanaman si tatang.” Ang wika ni Khalil. “Paramihan tayo ng buo o.”

“Bahala ka kung ayaw mong maniwala. Basta ito eh buo-buo. Ang haba pa nga ng isang buo ko.”

Mabuti pa sila. Maganda ang mga baraha. Ako eh walang buo kahit isa ang sa mga baraha ko sa round na iyon. Walang straight, walang trio. May dalawa akong king, dalawang otso, may tres at kuwatro akong spade, tapos iyong anim ko pang baraha eh hiwa-hiwalay na eh halos puro tao pa. Pero posible rin naman na wala din silang buo at mas pangit ang hawak nilang baraha. Ganoon kasi sa tong-its. Uso ang bluffan. Hindi mo puwedeng ipahalata na pangit ang sumampang baraha sa iyo. Kunwari eh maganda ang hawak mong baraha… kahit pangit.

“Aba, eh pare-pareho palang buo-buo baraha natin.”

“Sir, masama magsinungaling.” Ani tata Berting.

Ngumiti na lamang ako.

“Tata Berting, ako po eh palaki ng mga madre kaya hindi ako marunong magsinungaling.” Ang sagot ko.

At sa wakas ay nagtapon na si tata Berting… sinkong spade.

Napangiwi ako  dahil kaylangan ko ang barahang iyon para mabuo na straight ang tres at kuwatrong spade na hawak ko.

Kinuha ni Khalil ang sinkong spade na tapon ni tata Berting. Mabuti na lang at hindi sa trio nabuo kundi sa straight. Sais at siyeteng spade ang idinugtong ni Khalil. Inilatag niya ito sa kanyang harapan.

“O heto dos na spade, hindi ko na hihintaying maisapaw ang tres at kuwatro. Labanan na ito. Kapag hindi ninyo sinapawan ito eh fight na.”

“Subukan mo lang nang sumakit ang katawan mo.” Ang banta ni tata Berting.

Dos ngang spade ang itinapon sa akin ni Khalil. Kaylangan ko iyon dahil hawak ko ang sinasabi niyang tres at kuwatrong spade. Pagkatapon niya ng barahang iyon ay maayos niyang isinalansan ang mga barahang hawak niya at itinabi sa mga bunuting baraha. Iyon ang madalas niyang gawin kapag ilalaban na niya ang kanyang baraha. Nag-alangan tuloy akong kuhanin ang tapon niya. Puwede ko kasing  kuhanin o kaya eh isasapaw ko na lang sa nakababa niyang baraha ang hawak kong spade para hindi siya makalaban.

Kapag nagtotong-its ka eh mahirap malaman kung tama o mali ang gagawing mong desisyon. Parang sa tunay na buhay, kung mapapabuti ka o mapariwara eh depende sa mga ginagawang mong desisyon sa buhay. Ang iba’y  naniniwala na ang kahihinatnan natin sa kinabukasan eh parang sugal. Nakadepende daw iyon sa may hawak ng baraha ng ating buhay – ang Panginoon. Ang iba’y naniniwala na nang isilang ang tao ay may nakatakda na sa  kanyang baraha. Ang tawag nila doon ay kapalaran. Ako kasi ay hindi naniniwala sa kapalaran. Kung totoo man na binabalasa ng Panginoon ang baraha ng buhay natin ay binigyan Niya tayo ng pagkakataon na laruin natin ito ng maayos. Ang panalo o pagkatalo natin ay depende sa mga desisyong gagawin natin.

At ang desisyon ko –  kinuha ko ang barahang tapon ni Khalil  upang idugtong  sa hawak kong tres at kuwatrong spade.

“O sige. Kuhanin ko na ito para magkalabanan na.” Ang wika ko. Pagkatapos ay itinapon ko ang nag-iisang queen na hawak ko.

Hindi kinuha ni tata Berting ang itinapon kong baraha.

“O… puwedeng lumaban kahit walang babay ha. Hindi naman tayo “no down, no fight” ‘di ba.” Ang wika ni tata Berting.

Yes lolo dear!” Ang sagot ni Khalil.

At bumunot na si tata Berting.

“Ayos… ang ganda ng  bunot ko… nakabuo pa ako ng isa.” Ang bulalas ni tata Berting. “Magbabahay pa ba ko sir?”

“Aba’y bahala po kayo.”

“Hindi na.  Puwede naman ako lumaban kahit walang baba.”

“Ganoon po ba? O sige labanan tayo.”

Pagkasabi niyon eh itinaob na ni Khalil ang mga  bunuting baraha. Hindi na hinintay na makapagtapon si tata Berting.

“O sige… laban ang matapang!!!” Ang hamon ni Khalil.

Heto nanaman si Khalil. Nag-draw na kaagad. Madalas niyang gawin iyon. Dalawang bagay lang iyon, mababa na talaga ang kanyang baraha o mataas pa. Nanghinayang ako sa ginawa kong desisyon. Sa halip pala na kinuha ko ang tapon ni Khalil ay sinapawan ko na lang sana ang barahang ibinaba niya. Kung bumunot pala ako eh baka nakuha ko pa ang king o otsong kaylangan ko.

Talagang nasa huli palagi ang pagsisisi. Sumurender ako. Wala nang buo sa hawak kong baraha. .

Ibinaba ni tata Berting ang tatlo sa kanyang hawak na mga baraha – trio siyete. Isinunod niya ang lima pa sa kanyang baraha – straight na dos hanggang sais na diamond. Apat na lang ang natitirang baraha sa kanyang kamay.

“O ano impo… tama na ang pakita… laban ba ‘yan?”

Part 2

%d bloggers like this: