Sa Likod Ng Pader (3)
(3rd of 4 parts)
At nang naglalakad na siya palayo ay pahabol pang sinabi ng isa sa kanila na huwag daw niyang tutularan ang mga taong iyon na gumagamit at nagbebenta ng droga. Sumagot ito ng “opo,” malakas dahil gusto niyang siguradong marinig ito ng mga pulis baka kasi bigla siyang pabalikin o kaya’y habulin kapag hindi nila narinig ang pagsagot niya.
Nang medyo malayo na siya’y naglakas-loob siyang lumingon. Nakita niyang inilalagay ng mga pulis ang mga bangkay sa kanilang mga sasakyan. Binilisan pang lalo ng bata ang paglalakad pagkatapos niyon. Narinig na lamang niya ang ugong ng mga sasakyan at nagpapasalamat siya na sa kabilang direksyon tumakbo ang mga patrol ng pulis.
Nanginginig pa rin sa takot si Marco. Nalilito siya. Naiiyak. Bumalik sa isip niya ang ang ginawa ng mga pulis sa mga mamang iyon…ang paghiwa sa mukha…ang pagpingas sa tenga…ang pamamaril. Naisip din niya ang pananakit na ginawa ng mga bata sa kanya.. ang pagkuha sa kanyang pera. Parang nakikita pa niya ang makinis na hita ng aleng nagsusugal…ang hubo’t hubad na katawan ng babae sa video.
Tinanong sa sarili kung ganito ba talaga ang mundo sa labas ng kumbento… sa likod ng pader.
Muling tumingin sa kanyang relo si Marco. Hatinggabi na halos. Tatlong oras pa lang siya sa likod ng pader pero napakadami na ng nangyari. Natakot siya sa kung ano pa ang susunod.
Ilang saglit pa’y nakarinig siya ng ugong ng sasakyan mula sa kanyang likuran. Kinabahan siyang baka ang mga pulis iyon. Naisipan niyang magtago sa gilid ng kalsada subalit parang matarik ito. Iniisip niyang magpadausdos na lang ngunit hindi siya nakakatiyak kung ano ang nasa baba. Hindi niya ito maaninag ng maayos. Wala na siyang masusulingan. Ipinagpatuloy na lamang niya ang paglalakad at wika nanaman sa sarili’y “Bahala na!”
Tumigil ang sasakyan nang siya’y matapatan. Hindi ang mga pulis. Isa itong pampasaherong jeep.
“Boy, aba’y hatinggabi na. Nasa daan ka pa. Saan ba ang punta mo?” Tanong sa kanya ng nagmamaneho ng jeep.
May ilaw sa ulunan ng driver kaya maliwanag sa bandang harapan ng jeep. Tinignan ni Marco ang driver. Medyo may katandaan na. May katabi siyang isang ale. Sila lamang ang sakay ng jeep.
“Ah…sa bayan po sana eh,” sagot ni Marco.
“Mukhang naglayas ka ah?” Ang paguusisa ng katabing babae ng driver.
Nag-aalangan ma’y umamin na si Marco. “Opo eh. Pu…pwede po ba akong makisakay?”
Nagtinginan ang dalawang kausap ni Marco. Nakita niyang kumindat sa driver ang babae.
“Okay boy! Sige sakay ka na.” Sabi ng driver.
Tuwang-tuwang sumakay si Marco. Nakahinga siya nang maluwag. Pakiramdam niya’y sa wakas ay may magandang nangyari sa lakad niya, na hindi naman pala puro kamalasan ang aabutin nya sa gabing iyon. Makakarating na siya sa bayan.
Umandar na ang sasakyan. Sa likuran mismo ng mamang driver umupo si Marco.
“Bakit ka ba naglayas?” Ang tanong sa kanya ng babae.
Naghagilap ng isasagot si Marco. “Ah…ano po kasi…pinagalitan po ako ng tatay ko. Pero bukas din po ay babalik din ako sa bahay.”
“Sino naman ang pupuntahan mo sa bayan?” Tanong ng babae.
“Eh, ano po…ah… tita ko.”
“Ganun ba!. Sige magpahinga ka lang dyan. Kalahating oras pa siguro bago tayo makarating sa bayan.”
“Salamat po.”
Pumikit sandali si Marco, ngunit pinilit niyang huwag makatulog. Nagaala-ala siyang baka may hindi magandang mangyari kapag natulog siya. Sa mga pinag-daanan niya ng gabing iyon ay mukhang natuto siyang maging alerto. Naririnig niyang nag-uusap ang dalawa pero hindi niya maulinigan kung ano ang kanilang pinag-uusapan. Muli’t-muli ay bumabalik sa ala-ala niya lahat ng kanyang pinagdaanan sa gabing iyon. Biglang sumagi sa isip niya ang isang bagay na laging sinasabi ng mga madre sa kanya…na ang Diyos ay may awa. Umusal ng panalangin ang bata. Marunong siyang magdasal. Tinuruan siya ng mga madre. Paulit-ulilt niyang dinasal ang “Ama Namin” at “Aba Ginoong Maria.”
Nang muli siyang magmulat ng mata ay napansin niyang matama siyang tinitigan ng driver at ng babae mula sa salamin. Pumikit siyang muli. Kunwari’y hindi niya napansing nakatingin sa kanya ang dalawa. Naala-alang bigla ang sinabi ng mga pulis tungkol sa mga batang dinudukot. Muli nanaman siyang kinabahan. Pilit niyang pinalakas ang loob. Inisip na lamang niya na baka lang nagkataaon na natingin sila sa kanya nang siya’y dumilat..
Tumigil sa isang gasolinahan ang saskayan. Matapos magpakarga ay pumarada sa harap ng isang kalapit na restaurant ang jeep. Bumaba ang driver at ang kasamang babae.
“Halika boy, pahinga muna tayo at kumain.” Wika ng driver.
Hindi agad nakasagot si Marco.
“Sige na, huwag ka nang mahiya. Sagot ko.”
Tumango na ang bata. Bumaba siya’t sumama sa dalawa papunta ng restaurant.
Nang nasa loob na’y naiwan sa counter ang driver upang umorder habang sina Marco at ang babae nama’y naupo na. Silang tatlo lamang ang customer sa oras na iyon.
Dinala na ang pansit at sandwich na inorder ngunit and driver wala pa sa lamesa. Makikita ni Marco na nasa labas ito may kausap sa cell phone.
Nagsimula nang kumain sina Marco at ang babae. Magkakasunod ang subong ginawa ni Marco. Natatawang pinagmamasdan siya ng babae habang kumakain.
“O, dahan-dahan lang boy, baka mabulunan ka.”
Sa loob halos ng limang minuto ay naubos nito ang pansit at sandwich. Pagkatapos ay uminon ito tubig. Nakadalawang-baso siya.
Nang tumingin sa labas si Marco ay napansin niyang nakatingin sa kanya ang mamang driver habang may kausap. Sa pagpapasakay sa kanya at pagyayayang kumain ay gusto nang magtiwala ng bata sa dalawa ngunit sa mga naranasan nga niya sa ilang oras na pamamalagi sa labas ng kumbento ay hindi lamang siya parang naging alerto, mabilis na din siyang magduda.
Maya-maya’y sinenyasan ng mamang driver ang kasamang babae na siya’y lapitan. Noon na kinabahan si Marco, pakiramdam niya’y may masama nanamang mangyayari sa kanya.
Nang matapos mag-usap ay bumalik sa lamesa nilang kinakainan ang babae, kasama na ang driver.
“Oh, tapos ka na palang kumain boy. Teka, gusto mo ba ng softdrinks?” Tanong ng driver.
“Ay hindi na po, nakainom na po ako ng tubig. Salamat na lang po.” Sagot ni Marco.
Kumain na ang driver. Hindi mapakali si Marco. Parang gusto na niyang tumayo at tumakbo palayo sa dalawa. Pinag-isipan niyang mabuti ang gagawin. Paglabas nila sa restaurant eh kunwaring pupunta siya ng CR at doon na siya dadaan sa likod upang tumakas. Iyong ang binalak niyang gawin.
Habang kumain pa ang driver ay inilibot ni Marco ang paningin sa paligid. Napansin niyang sa labas ay may dumarating na sasakyan. Isa itong van. May tatlong lalaking matitipuno ang katawan na nagbabaan. Pumasok sila sa restaurant. Lalong kinbahan ang bata.
“Pare, nandito kami!” Ang sabi ng driver.
Kakilala ng driver ang mga dumating. Naisip ni Marco na mukhang sila ang kausap nito sa cell phone kanina.
Lumapit ang mga lalaki sa kinaroroonan nina Marco. Inakala niyang pumasok ang mga iyon doon para kumain. Sila pala talaga ang sadya.
Noon kinutuban ng masama ang bata. Mukhang may susuungin nanaman siyang panganib. Hindi na siya mapakali at iyon ay hindi nalingid sa mga kasama niya. Akma itong tatayo, ngunit hinawakan siya sa kamay ng babae.
“O saan ka pupunta?” Wika ng babae. Hindi na nito binitawan ang kamay ng bata.
“Iihi lang po sana ako. Kanina pa po ako naiihi.”
“Mamaya na lang!” Ang madiing sabi ng driver.
Wala nang nagawa si Marco. Umupo na lamang siyang muli. Hawak pa rin ng babae ang kamay niya. Mahigpit. Nakalapit na ang tatlong lalaki.
“O heto iyong bata.” Wika ng driver. “Kayo na maghatid sa kanya sa bayan.”
“Teka, teka. Ayaw ko pong sumama sa kanila manong.”
“Ihahatid ka nga nila sa bayan.”
“Ayaw ko po. Maglalakad na lang ako.”
Binatukan ng mamang driver si Marco. “Sige na sumama ka na. Huwag matigas ang ulo. Sa susunod eh tadyak na aabutin mo sa akin. O sige na pare. Kayo na bahala sa kanya”
Hinawakan ng isang lalaki si Marco. Pilit kumakawala ng bata pero wala siyang magawa sa lakas ng sa kanya’y humahawak. May iniabot na isang bungkos ng pera sa babae.
“O heto. Bente mil. Bukas na lang iyong balanse.” Sabi ng isa sa mga lalaki.
“Ano pong gagawin niyo sa akin. Maaawa na po kayo.” Pagsusumamo ni Marco.
“Ayaw ko pong sumama sa inyo.”
Nagsimula nang hilahin palabas si Marco ng mga lalaki. Nagpupumiglas ang bata ngunit wala siyang magawa. Dala-dalawa ang humahawak sa kanyang mga kamay. Napansin niyang nakatingin lang sa kanila ang may ari ng restaurant. Dedma sa mga nangyayari. Ganun din ang mga tao sa gasolinahan. Wala silang pakialam sa nangyayari. Humingi man siya ng tulong eh walang nangyari.
Kinagat niya ang kamay ng isang lalaking humawak sa kanya upang makawala siya. Hindi man lang ininda ng lalaki ang kagat. Nainis ang isang humahawak din sa kanya. Sinuntok siya sa tiyan. Napakasakit. Nasuka siya, halos mailuwa ni Marco ang lahat ng kanyang kinain. Ramdam niya’y limang beses yatang mas masakit ang tama niyang iyon kesa sa mga suntok at sipang inabot niya sa mga batang iskwater.
Posted on March 13, 2020, in Creative Writing, Maikling Kuwento, Malikhaing Pagsulat, Short Story and tagged Creative writing, Maikling Kuwento, Malikhaing Pagsulat, Short Story. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0