Sa Likod ng Pader (4)

(Last of 4 parts)

running 4

Binuksan ng isang lalaki ang tagiliran ng van. Itinulak siya papasok. Napasubsob siya sa upuan. Hinang-hina dahil sa lakas ng suntok sa kanya. Sa loob ng sasakyan ay nakita niyang may iba pang mga bata. Mga nakatali ang kamay at nakapiring…nag-iiyakan. Naala-ala niyang bigla ang mga mamang pinatay ng mga pulis.

“Talian mo na rin ang gagong ‘yan.” Sabi ng isa sa dalawang lalaking nasa harapan ng van.

“Naku pare, ubos na ang tali ko. Pero ako na ang bahala ditto.  Siguro naman eh natikman na niya ang lakas aking suntok kaya nagtanda na ito. Heto nga’t namimilipit pa sa sakit hanggang ngayon.” Ang sagot nang nagbabantay sa kanila sa likod.

“Siguraduhin mo lang na walang makakatakas sa mga iyan, kundi lagot tayo kay boss.”

Umandar na ang sasakyan. Kung saan sila dadalhin ay hindi alam ni Marco. Masakit pa rin ang kanyang tiyan. Matindi ang suntok na inabot niya. Nag-iiyakan pa rin ang mga batang kasama niya sa van. Nagsisiksikan sila sa bandang likuran. Siya nama’y katabi misno ng nababantay sa kanila. Lasing ito. Nangangamoy alak. Katulad ng amoy ng mga lalaking nagiinuman sa iskwater. Ganun din ang amoy ni mang Cesar kapag ito’y nakakainom kaya’t alam ni Marco.

Naglabas ng baril ang kanilang bantay. Idinuldol ito sa mukha ni Marco.

“Kita mo ito bata. Sa susunod na may gagawin kang kalokohan eh hindi na suntok ang matitikman mo. Putok na. Kapag tumakbo ka eh hahabulin ka ng mga bala ng baril ko. Naiintindihan mo?”

Sa takot ay hindi makasagot si Marco.

“Naiintindihan mmoooo? Sssaggoottt!!!”

“Opo…na…naiintindihan ko po!” Tugon ni Marco sabay tango ng paulit-ulit.”

Naramdaman na lamang ni Marco na umaagos ang kanyang mga luha. Sobra-sobra ang takot na nadarama. Mas higit sa takot na nadama niya nang makita ang ginawa ng mga pulis. Sa pagkakataong iyon pinagsisihan niyang lubos ang ginawang pag-akyat sa pader…ang pag-alis sa kumbento.

Ngayon alam na niya kung anong uri ng mundo meron sa likod ng pader na kanyang kinamumuhian. Ngunit huli na ang lahat magsisi man siya ang pakirawari niya’y wala na ring mangyayari.

“Pare, baka napalakas masyado suntok mo sa tiyan ng bata ha. Siguraduhin mo lang na hindi nasira ang atay niyan ha, kundi mababawasan pa kita natin.” Wika ng nagda-drive ng van.

“Hayaan mo, may iba pang lamang-loob ang batang ito na pwedeng pakinabangan.”

Sa narinig ay parang gumuho ang mundo ni Marco. Sa pakiwari niya’y mas lumakas ang iyakan ng mga batang kasama niya sa van. Pihadong narinig nila ang sinabing iyon ng nagbabantay sa kanila. Naramdaman din niyang mas dumarami ang luhang tahimik na umaagos mula sa kanyang mga mata.

Lubos-lubos na nga ang pagsisising nararamdaman ni Marco. Kung hindi siya tumakas sa kumbento ay hindi nangyari sa kanya ang lahat nang naranasan niya at mararanasan pa. Hindi mamimiligro ang buhay niya ng ganoon. Pero inisip din niya kung mali ba na gustuhin niyang hanapin ang mga tunay na mga magulang. Mali ba na gustuhin niyang mamuhay na parang isang normal na bata.

Napakadaming pumapasok sa isipan niya sa pagkaakataong iyon. Sana ay hindi na lamang niya nakita ang hagdanang kawayan upang hindi niya naakyat ang pader. Sana ay hindi na lang niya naisipang gamitin ang lubid na iyon para hindi siya nakapagpadausdos pababa. Sana’y hindi na lamang siya sumakay sa jeep. Pero nandoon na siya, wala na siyang magagawa.

Nahabag siya sa kanyang sarili. Muli niyang naiisip na sana ay hindi na lamang sa mga madre sa kumbento siya iniwan ng kanyang lola.

Naaawa din siya sa mga batang kasama niya. Iniisip niya kung papaano na sila. Matatakasan ba nila ang nakatakdang mangyari sa kanila. Matatakasan ba nila ang halang ang kaluluwang mga lalaking iyon na magdadala sa kanila sa kapahamakan.

Ilang minuto pa’y natahimik ang loob ng van. Hindi na umiiyak ang mga bata. Napagod marahil o tanggap na nila ang kinahinatnan nila. Maging si Marco ma’y huminto na sa pagluha. Maya-maya pa’y naririnig niyang naghihilik ang bantay nila. Ganun din ang lalaking katabi ng driver.

“Hoy, gumising kayo. Mga lintik na… gising sabi eh.” Wika ng driver.

Tuloy lang sa paghihilik ang dalawa.

“Mga gago, nagpakalasing kasi kaya, hayan tuloy.”

 Napansin ni Marco na nilampasan ng van ang lugar ng mga iskwater na dinaanan niya kanina. Pabalik pala sa pinanggalingan niya ang van, hindi papuntang bayan.

Ilang saglit pa’y huminto ang sasakyan sa harap ng isang waiting shed. Iyon mismo ang lugar na pinagpahingahan niya matapos siyang makalabas ng kakahuyan.

“Mga pare. Gising kayo. Masakit na masakit na tiyan ko. Dudumi lang ako sandali.”

Hindi kumikibo ang dalawang kasama nito. Hinampas sa balikat ang bantay nina Marco.

“Ano ba? Natutulog ang tao eh.”

“Hoy bababa ako sandali. Bantayan mo mga iyan.”

“O sige…sige… ako bahala dito.”

Bumaba ang driver. Tumawid sa kabila ng kalsada. Pumuwesto sa likuran ng isang puno. Maya-maya’y narinig ni Marco na humilik muli ang kanilang bantay.

Napagtanto niyang hindi pala siya nakatali. Naisipan ng bata na tumakas. Alam niyang mapanganib ang kanyang gagawin pero kaylang niyang subukan.

Parehong may pinto ang magkabilaang bahagi ng van. Dahan-dahang binuksan ni Marco ang pintuan sa bandang kaliwa niya. Nakababa ang bata nang hindi nagigising ang kanilang mga bantay. Nagpunta siya a likuran ng van. Palinga-linga. Payukong naglakad ng dahan-dahan papunta sa waiting shed.

Nalampasan niya ang waiting shed na walang nakakapansin sa kanya. Nasa damuhan na siya pero medyo malayo pa ang mga punong-kahoy na pwedeng magtago sa kanya, ang mga punong kahoy na dinaanan niya nang papalayo siya  sa kumbento. Gumapang na siya upang tiyaking walang makakakita sa kanya. Maliwanag pa naman ang buwan.

Kaunti na lang ay mararating na niya ang kakahuyan nang marinig niya ang boses ng driver.

“Hoy mga gago, nawawala ang isang bata.”

Bumaba ang dalawang kasama ng driver.

“Iyan ang sinasabi ko sa inyo, puro kayo inom. Hala hanapin ninyo.”

Sa pagkakataong iyo’y tumayo si Marco at nagsimulang tumakbo.

“O hayun siya. Habulin ninyo.”

Dalawa ang humabol sa kanya. Mabilis na mabilis ang takbo ng bata.

“Pare, barilin mo. Sa paa lang.”

Dinig na dinig niya ang sigaw na iyon ng isa sa mga humahabol sa kanya. Lalo niyang binilisan ang pagtakbo.

Nakarinig siya ng putok. Nagulat siya. Halos matumba sa pagtakbo. Ngunit hindi siya tumigil. Isang putok pa ang narinig niya. Hindi pa rin siya tinamaan.

Nakarating si Marco sa kakahuyan. Tinungo niya ang mga matataas na damong nadaanan niya kanina. Alam niyang mas madali siyang makita kung tatakbo lang siya ng tatakbo. Kaylangan niyang magtago.

Tumigil siya sandali. Hindi upang mamahinga kundi gusto niyang malaman kung nasaan ang mga humahabol sa kanya.

“Pare, nakita mo ba?”

“Wala eh. Tarantadong bata iyon. Magaling magtago ah.”

“Tumingala ka sa mga puno… baka umakyat.”

Dinig na dinig ni Marco ang usapang iyon ng dalawa. Tantya niya’y malapit na malapit lang sa kanya ang mga ito.

“Baka nasa damuhang iyan. Puntahan mo pare. Doon naman ako sa banda doon”

Nang marinig iyo’y pumikit na lamang ang bata. Inakalang mahuhuli na siya.

“Okay…okay. Sandali lang… naiihi ako.”

Dahan-dahang gumapang paatras ang bata palayo sa pinanggagalingan ng mga boses na naririnig niya. Ikinubli ng huni ng mga kuliglig ang kanyang mga kaluskos. Hindi niya alintana ang tama sa braso at mukha niya ng matatalas na bagay sa ginagapangan niyang lupa.

“Wala dito pare.”

Medyo malayo na ang boses na nadinig ni Marco. Patuloy pa rin siyang gumapang palayo. Mas binilisan pa niya.

Nakarinig siya ng mga putok, sunod-sunod. Medyo malayo na ang pinanggagalingan. Marahil ay nagpa-putok na lang nagpa-putok ang mga mama nagbabakasakaling tamaan siya.

Tumakbo nang muli sa Marco. Mabilis na mabilis. Alam niyang hindi siya ligtas hangga’t hindi niya nararating ang gustong puntahan…ang kanyang tanging kailigtasan. Tumakbo siya ng tumakbo hanggang makita niya ang gusto niyang makita…ang pader.

Sa wakas ay natanaw na niya ang pader. Iyon ang kanyang kaligtasan. Binilisan pa niya ang takbo.

Palapit siya ng palapit sa pader.

Nakita na niya ang lubid.

Nakalambitin pa rin iyon. Parang hinihintay ang kanyang pagbabalik.

Hinawakan niya ng mahigpit ang lubid. Nagsimula na siyang umakyat. Masakit ang kanyang mga kamay. Parang namamanhid na ang kanyang mga paa. Kumikirot pa ang tiyan niyang sinuntok kanina. Tiniis niyang lahat iyon. Kaylangan niyang umakyat. Hindi siya pwedeng mahuli.

Kaylangang niyang mabuhay.

Gusto pa niyang mabuhay.

Sa wakas ay narating niya ang ibabaw ng pader. Lumingon siya sa kakahuyang pinanggalingan. Pinagmasdan niya ang kalakhan ng mundo sa likod ng pader. Ngayon alam na niya kung anong uri ng mundo iyon.

Natiyak na niyang hindi siya nasundan. Wala siyang makita ni anino ng mga humahabol sa kanya. Hinila niya pataas ang lubid, kinalas sa nakalitaw na bakal na kanyang pinagtalian.

Bitbit ang lubid ay bumaba ito sa hagdanang ginamit niya nang siya’y umakyat sa pader upang tumakas. Pagkababang-pagkababa ay napaupo si Marco pasandal sa hagdan.

Ligtas na siya.

Malaya na siya.

Sumubsob siya sa kanyang brasong nakapatong sa kanyang tuhod. Binalikan ang pinagdaanan sa ilang oras lamang na nasa likod siya ng pader na iyon. Gusto niyang maiyak, hindi niya alam  kung gusto niyang umiyak dahil sa masaklap niyang karanasan o sa tuwa dahil ito’y kanyang nalampaasan.

Tumayo si Marco. Naglakad. Tahimik ang kumbento, walang kamalya-malay ang lahat doon sa kanyang mga pinagdaanan. Ibinalik ng bata ang hagdanan kung saan niya ito kinuha. Pagkaatapos niyo’y nagpunta siya sa chapel. Muling itinali sa kampana ang lubid.

Umupo si Marco. Tinanggal ang backpack sa kanyang likuran. Binuksan ang bulsa nito. Tinignan ni Marco ang relo. Pasado alas-tres ng madaling araw. Higit-kumulang 6 na oras siyang nasa labas ng kumbento. Sandali lamang kung tutuusin ngunit napakaraming nangyari sa kanya.

Mula sa malayo ay may narinig nanaman siyang mga putok ng baril. Marami. Sunod-sunod. Pero wala na siyang takot. Ligtas na siya. Napapaligiran na siya ng pader.

Pumikit muna si Marco.

**********

“Marco…Marco…. gising…Marco!!!”

Napaigtad si Marco. Nagulat. Mula sa pagkakahiga’y bigla itong tumayo. Nang mapagtanto kung sino ang gumising sa kanya’y bigla itong nahimasmasan.

“Sister Carissa!!!” Biglang niyakap ni Marco ang madreng nasa harapan niya.

“Hoy…hoy…teka…teka!

Hindi bumitaw si Marco. Lalo pang hinigpitan ang yakap sa madre.

“Aba Marco. Ngayon mo lang ako muling niyakap ah. Nami-miss ko ‘yan sa iyo. Mauupo nga muna tayo hijo.”

Bumitaw na si Marco sa pagkakayakap. Naupo silang dalawa.

“Bakit ba dito ka sa chapel natulog?” Ang pag-uusisa ng madre.

“Kasi po sister…ano po…ah…naglakad po kasi ako kagabi sa paligid…tapos po…tapos po…pumasok ako dito at umupo sandali. Eh nakatulog po pala ako.”

“Eh bakit naman nakapantalon at sapatos ka pa?”

“Ha, eh…ano po kasi sister. Malamok po kasi at ‘pigtas na po iyong tsinelas ko.”

“O ano naman ang laman ng backpack mo na iyan?”

“Libro…libro po…nagbasa din kasi ako dito kagabi.”

“Ah…sige…sige…hayaan mo mamaya pagpunta natin sa bayan eh ibibili kita ng bagong tsinelas. Hala… tara na… baka nakahain na sila sa kusina. Kain na tayo. Pagkatapos kumain ay maligo ka ha. Ang bantot mo na…hehe.”

Habang naglalakad sila papuntang kusina ay sinalubong sila ni mang Cesar.

“Naku sister. Nabalitaan na ba ninyo ang nangyari sa may highway kaninang madaling araw.” Wika ng driver.

“Hindi pa po. Ano ba nangyari.”

“May tatlong pulis na rumispendo daw sa mga putukang narinig nila diyan lang sa may kakahuyan sa bandang likuran ng kumbento. At iyon may nakita silang van na nakaparada sa  waiting shed doon.  Tumakbo daw ang driver at nang tignan nila ang loob ng van ay may mga bata. Nang habulin nila ang driver sa may kakahuyan eh may dalawa pang kasama. Ayon napatay iyong tatlong lalaki. Kaso ninyo po eh namatay din daw iyong mga pulis sa hospital na pinagdalhan sa kanila. Malala din daw ang mga tama.”

“Tsk, tsk…hay naku iba na talaga panahon ngayon. Kaya ikaw Marco. Huwag matigas ang ulo ha. Dito ka lang sa loob ng kumbento. Iyang pader na iyan, proteksyon mo iyan.”

Tumango lamang si Marco.

“O hijo, bakit ang dami mong gasgas sa braso mo’t mukha?” Tanong ng driver.

“Aba’y oo nga. Hindi ko napansin kanina iyan.” Dagdag ng madre.

“Ano po kasi…nahiga rin po ako kagabi sa damuhan sa gilid ng chapel.”

– WAKAS –

Advertisement

About M.A.D. LIGAYA

Teacher-Writer-Lifelong Learner I have three passions - teaching, writing, and learning. I am a Filipino currently residing and teaching in South Korea. I blog and vlog the things I write. I have two websites and two YouTube channels where I publish my works in my areas of interest. I also use Wattpad and Pinterest to publish my creative works. I am into research as well. Some of my articles were presented at conferences and published in indexed-journals. TO GOD BE THE GLORY!

Posted on March 14, 2020, in Creative Writing, Maikling Kuwento, Malikhaing Pagsulat, Short Story and tagged , , , . Bookmark the permalink. Leave a comment.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: