TONG-ITS (2)
(2nd of 3 parts)
Inilatag ni tata Berting ang natitira pa sa mga hawak niyang baraha – dalawang king at dalawang otso. Nasa akin pareho ang mga puro ni tata Berting. Kung pinalakad ko pala sana iyong king eh nakuha niya at maisasapaw ko pa iyong isang matitira sa akin. Malaki sana ang ibababa ng baraha ko.
“Hindi na… mataas eh. Trenta’y sais.”
“Mga duwag pala kayo eh… o heto baraha ko.”
Napailing na lang kami ni tata Berting sa aming Nakita – wala nang buo sa baraha ni Khalil. Dalawang alas at pagkatapos ay puro nuwebe’t diyes at may mga tao na. Wala man lang magkatabi. Mahigit sinkwenta kung bibilangin.
“Wala nang pag-asang manalo ito kaya naglakas-loob na akong lumaban. Lakasan lang ng loob ang tong-its mga tsong.”
“Anak ng… panalo pala sana ako ah.” Ang sabi ni tata Berting habang nagkakamot ng ulo. “Butas-butas ka pala sana.”
“Eh wagdu ka naman tata Berting eh… kaya sorry na lang. Bayad-bayad na mga boys. Dalawa alas ko. Bali tig-kinse kayo. Ay teka… sunog po pala kayo lolo. Hindi ka nagbaba. Beinte ang bayad mo.”
Tawa ng tawa si Khalil habang binabalasa ang baraha.
“Walang lumaban eh wala naman na akong buo. Mga walang binatbat. O ako ang hitter ha.. akin na ang marker. Isa na ang bato ha. Naku… kahit isa lang iyan eh kukuhanin ko na.
“Sir, papayag ka ba na ma-hit na ng kapwa mo bulilit.”
“Aba tata Berting, nasa sa inyo po iyan. Kayo ang magtatapon sa kanya eh.”
“Promise sir, hindi sa akin makakuha ng malaki. Dos… tress ang itatapon ko sa kanya. Hindi baleng makuha basta maliit lang. ”
“Sige… tignan natin.” Ang sabi ni Khalil. O cut na!”
Ako ang nag-cut. Paulit-ulit. Para kako maiba ang takbo ng baraha.
Ipinamigay ni Khalil ang baraha. Kapag siya ulit ang nanalo eh makukuha niya ang gitna at isang bato. Bale beinte singko ang bayad niyon at saka limang piso sa pagkapanalo niya. May dagdag pang lima kung makakakuha pa siya ng alas.
Ganoon ang larong tong-its. Hindi porke hindi maganda ang hawak mong baraha eh talo ka na. Depende sa diskarte. Palakasan ng loob. Kung magaling ka na maglaro at malakas pa ang loob mo eh mas malamang na lagi kang panalo.
Ganoon din lang sa totoong buhay. Minsan hindi lang puro talino at talento ang kaylangan para magtagumpay ka. Kaylangang matapang ka rin, handang magbakasali… handang sumugal.
Maaring si tata Berting, sa larong tong-its, kapag hindi na maganda ang baraha, humihina na ang kalooban, hindi na lumalaban. Pero sa totoong buhay eh kabaligtaran siya. Katulad ng baraha eh hindi mo puwedeng piliin ang mga sirkumstansya sa buhay. Sa sugal, depende iyan sa balasa at sa paraan nang pagka-cut. Ang baraha ng buhay na naibahagi kay tata Berting ay ang magkaroon ng mahirap na mga magulang. Nang ayaw na daw siyang pag-aralin sa high school ng kanyang ama dahil kaylangang niyang tumulong sa mga gawain sa bukid eh pinilit niyang mag-aral sa gabi. Pinayagan naman siya. At dahil nga sa gabi siya nag-aral ay inabot ng limang taon bago siya natapos. Sumugal din si tata Berting nang lumuwas siya ng Maynila at naghanap ng trabaho upang matustusan ang pag-aaral. Nakatapos siya at nagkaroon ng magandang trabaho.
“Oh hayan na ang mga baraha ninyo. Bilis-bilisan tata Berting ang pagpipinta ha. At galingan ninyo dahil kung hindi eh makukuha ko na ang gitna. Remember – hitter ako!”
Magaling talagang magtong-its si Khalil. Sa aming tatlo, siya ang record holder kung dami ng panalo ang paguusapan. Ang hirap niyang talunin. Malakas kasi ang loob. Lumalaban kahit sobrang taas ng hawak na baraha.
Kahit sa buhay, sa tingin ko, ay ganoon din siya – malakas ang loob sumugal. Katulad ng magtrabaho siya sa Oman. Nang mag-expire ang kanyang visa eh hindi daw siya umuwi. Sumugal siya. Nag-TNT. Kung uuwi daw kasi siya ng Pilipinas noong panahong iyon eh baka hindi na siya makabalik at wala naman siyang makikitang trabaho dito na magkakaroon siya ng kita katulad ng natatanggap niya sa bansang iyon.
Si tata Berting naman ay halataing sigurista. Hindi inilalaban ang baraha kapag mataas. Kaya kapag siya ang nag-draw at mataas sa beinte ang baraha ko ay iniuurong ko na. Si Khalil ang masarap matiyempuhan kasi nga naglalaban kahit sobrang taas ng baraha.
“Si tata Berting o hinayang na hinayang. Aba eh baka mga treinta ang butas ko kung lumaban kayo. Maliwanag na 150 plus sana iyon tapos 20 pa ang batuktok.”
“Tignan mo sir nangangantiyaw pa. Nanalo na nga eh. Batukan ko kaya ito.”
“Hayaan po ninyo, pasasaan ba at matataymingan din natin ang kolokoy na iyan. Butas-butas ang puwit niyan kapag nagkataon.” Ang sagot ko.
Sa round na sumunod, katulad nang madalas gawin ni tata Berting, ay dahan-dahan kong pinintahan ang aking mga baraha. Mukhang maganda ang pagka-cut ko. Akalain mong tatlo ang buo at isa na lang ang hanap. Singko at sais na bulaklak na lang ang hindi buo. Mababa kung tutuusin. Panlaban na. Kaya binalak kong hindi ko man mabunot ang kuwatro o siyeteng bulaklak eh magbabahay na kaagad ako nang makalaban na sa susunod na ikot. Iyon eh kung walang sasapaw.
Nagtapon si Khalil – siyeteng bulaklak. Tambog siya. Panalo ako sa round na iyon.
“Anak ng… heto na nga bang jack sana ang itatapon ko eh.”
“Eh gusto mo pala lagi kang panalo. Hindi puwede iyon, tsong.” Ang wika ni tata Berting.
“Aba’y kayo ho ba ayaw ninyo laging nananalo?” Ang tanong ni Khalil habang iniaabot sa akin ang sinamsam niyang baraha.
Nagkitbit-balikat lang si tata Berting. Pero parang nag-isip rin siya. Hindi ko alam kung ang iniisip niya ay iyong tanong sa sagot ni Khalil.
Pero lahat ba ng nagsusugal, o ang nakikapagpustahan, o ang mga sumasali sa ano mang labanan o paligsahan eh lagi gusto manalo? Siyempre oo. Pero bakit gusto nila manalo? Siguro dahil sa mapapanalunang pera o premyo. Ako? Kung pormal na paligsahan ang sasalihan ko, gusto ko manalo hindi dahil sa pera o premyo kundi iyong karangalang kaakibat ng panalo. Kung tong-its lang naman eh lalong hindi ko inaasam ang pera kundi iyong sarap lang ng pakiramdam na nanalo ka at iyong pagkakataon mo na ikaw naman ang makapangantiyaw.
“Tata Berting, nakalimutan po ni Khalil na maryoon siyang kalaban.”
“Oo nga eh. Khalil… don’t forget… hindi lang ikaw ang maruong magtong-its. Malay mo nga na baka iyong panalo mo kanina eh iyon ang una at huli mong panalo ngayong gabing ito.”
“Ha? Una’t huli pala ha. Tignan natin.”
Matapos silang magbayad ay binalasa ko’t ipinamigay ang mga baraha para sa susunod na round.
Maganda nanaman ang panhik ng baraha sa akin sa round na iyon. Dalawa ang buo, isang trio at isang straight. May anim akong baraha na pares-pares at meron akong isa lang na pantapon. Ang mga pares-pares na baraha ko eh puro mabababa pa. Naisipan kong iligaw ang mga kalaro ko, lalo na si Khalil na siyang nagtatapon sa akin.
“Naku po. Ano ba namang baraha ito. Puro tao hanap. Mahirap ipanalo ito.”
Pagkasabi ko niyon ay tinapunan ko si tata Berting. Hindi niya nakuha. Bumunot siya. Inilapag muna niya sa kanyang harapan ang binunot at pagkatapos ay kumuha ng isang pantapon mula sa kanyang baraha – tres na diamond. Napabuntung-hininga si Khalil sa nakitang tapon ni tata Berting.
“Naku… sige lolo, huwag mo akong tapunan. Hayaan na nating makuha ni sir ang gitna.”
Nangiti lang si tata Berting. Inayos-ayos ang kanyang mga baraha.
Mukhang ang kaylangan ni Khalil eh tao kaya ganoon ang sinabi niya.
Ang binunot ni Khalil na baraha ay kaagad ding itinapon.
Hindi ko nakuha ang tapon ni Khalill pero nakabunot ako ng karugtong ng isang pares kong baraha. Binilang ko. Trese na lang ang baraha ko. Nang magtapon ako ng singko eh naging otso na lang. Kapag ganoon ang baraha eh puwedeng hindi ka magbaba at mag-abang ka na lang ng magdo-draw.
“Tsk… hindi ako makabuo ah. Lasma.” Ang wika ko.
Nakuha ni tata Berting ang tapon ko ngunit si Khalil ay hindi nakakuha sa kanya. Kuwatro ang tapon niya. Bagay na parang ikinainis ni Khalil.
“Lolo, iniipit mo yata ako ah. Hindi ako ang hitter.” Ang parang kunsimidong wika ni Khalil. “Sige na nga. Makapagbahay na nga lang nang makalaban na.”
Nagbahay nga si Khalil at muli nanaman niyang sinamsam ang kanyang baraha at itinabi sa mga bunutin. Akma nanamang lalaban ang loko. Kapag ginawa niya iyon, malamang na sasakit ang katawan niya sa batuktok.
Bumunot ako. King. Isinama ko muna sa baraha ko. Pinagpalit-palit ko ang puwesto ng mga baraha ko.
“Heto na nga ang king tata Berting.”
“Aha… nagbiyak na ng king. May natira pang isa.” Ang wika ni Khalil.
Iyon eksakto ang gusto kong isipin ng aking mga kalaro kaya pinagtagal ko muna bago ko itinapon ang king na aking nabunot.
“Eh ayaw mong ibigay eh.” Ang sabi ko na lang.
“Naku sir, walang tao itong baraha ko kaya wala akong itatapong king sa iyo… at pilado na lang ang bilang ko kaya panlaban na ito.”
Dalawang bagay lang iyon – nagsasabi ng totoo si Khalil… na kulang na sa diyes ang bilang ng baraha niya, o nanakot lang siya para hindi kami lumaban kapag siya ay nag-draw. Kutob ko eh nangba-bluff lang siya. At siguro kahit pa totoo ang sinabi niya eh kakasa ako kapag siya ay nag-draw. Iuurong ko ba naman ang otso lalo na nga’t nakakadalawang ikot pa lang. Kahit pa nga wala ng baraha eh lalaban ako.
Ang sumunod kong nabunot ay king ulit. Tamang-tama sa dramang ginagawa ko.
“Anak ng… kung kaylan ko sinira… saka nabuo.” Ang sabi ko na kunwari’y naiinis ako.
Pagsisinungaling iyon pero ganoon talaga sa tong-its. Kapag may sinasabi ang naglalaro sa tong-its na isang bagay tungkol sa baraha nila ay dapat mong isipin na may mind-game na nagaganap. Gawain ko din iyon.
Hindi nanaman kinuha ni tata Berting ang tapon ko. Bumunot siya. Napansin kong medyo tumaas ang isang kilay niya’t nangiti pa. Mukhang gusto ni tata Berting ang nakikita niya sa kanyang mga baraha. Pinagmamasdan niya ito ng mabuti.
“Sir… tulog muna tayo. Mukhang bukas pa magtatapon si impo.”
Pagkasabi niyon eh kunwari naghihilik si Khalil.
At nagtapon na si tata Berting…
“TRESSS!!! Kanina kuwatro. Lolo hindi ako ang hitter.” Ang bulalas ni Khalil. “Inilalaban mo nanaman yata ang baraha mo kahit walang pag-asa iyan.”
Sa tong-its kasi ay minsan kaylangan mong magsakripisyo o gandahan ang iyong diskarte para hindi maka-two hits ang hitter. Lalo na kung marami ang bato sa gitna. Kapag ikaw ang nagtatapon sa hitter eh siguraduhin mong hindi makukuha ang tapon mo, lalo na kung tao, at kung makuha man ay tiyakin mong may panunod ka. Iyon namang nagtatapon sa iyo ay kaylangang mabigyan ka. Dapat matataas ang mga tapon sa unang mga ikot at sa kalagitnaan, kung marami na ang naitapong baraha, eh kaylangan basahin niya at tantiyahin kung ano ang puwede mong makuha.
“Anong wala pag-asa. Anong gagawin ko sa iyan talaga ang pantapon. Tres na ang pinakamataas ko.”
“Talaga lang ha!!!”
Pagkasabi niyon ay dinaklot ni Khalil ang mga bunuting baraha… itinaob.
“O sige draw.” Ang sabi ni Khalil. “Pa tres-tres ka pa lolo ha. Tignan natin kung lalaban ka.”
May kutob akong mababa na ang baraha ni tata Berting kaya ganoon kababa ang mga tapon niya kay Khalil. Pero hindi ko puwedeng iurong ang baraha ko.
“O sige… laban ako.” Ang sabi ko.
Tila nagulat si Khalil na kumasa ako sa draw niya.
“Ang lalakas ng loob ninyong mag-labanan. Sabi ng tres na lang ang pinakamataas ko eh. Sige… laban din ako.” Ang sabi ni tata Berting.
Posted on March 18, 2020, in Creative Writing, Maikling Kuwento, Malikhaing Pagsulat, Short Story, Sugal, Tong-its and tagged Creative writing, Maikling Kuwento, Malikhaing Pagsulat, Short Story, Sugal, Tong-its. Bookmark the permalink. 1 Comment.
Pingback: TONG-ITS – MUKHANG "POET"