Sa Likod Ng Pader (1)
(1st of 4 parts)
Tagaktak ang pawis ni Marco, mahapdi na ang kanyang mga kamay ngunit kaylangan niyang tiisin. May masakit rin siyang nararamdaman sa balikat, siko, baywang, at tuhod na salitang bumabangga sa pader. Ngunit kaylangan niyang magpatuloy. Ilang minuto pa lamang siyang nagpapadausdos pababa sa pader na iyon gamit ang isang mahabang lubid ngunit pakiramdam niya’y parang napakatagal na niya doon. Ayaw naman niyang bilisan at baka mahulog siya.
Tumingin siya sa baba, pilit na inaninag ang kanyang lalapagan. Gabi noon pero maliwanag dahil sa buwan. Kaunting-kaunti na lang at makakatungtong na siya sa lupa. Pwede na siyang bumitaw mula sa pagkakahawak sa lubid. Dalawang dipa na lamang halos ang layo niya sa pinakakaasam na kalayaan.
Bumitaw si Marco sa lubid. Nanginig nang kaunti ang kanyang mga tuhod nang lumapag siya sa lupa. Naglakad siya nang kaunti. Umiika. Tapos na ang kanyang kalbaryo. Huminto siya sa paglalakad, sumalampak sa damuhan at pagkatapos ay nahiga. Pagod, hinahabol ang kanyang hininga. Pero masaya siya. Walang kasing saya. Gusto niyang sumigaw pero hindi pwede. Magigising ang mga madre at guwardya. Baka hindi matuloy ang kanyang binabalak. Pero magising man siguro ang mga ito’y hindi na siya papayag na bumalik sa loob. Hindi na siya magpapapigil, harangan man siya ng sibat.
Tumayo si Marco. Habang nakapamaywang ay hinagod niya ng tingin ang mataas na pader na may halong pagmamalaki. Gusto niyang kutyain ang pader. Gusto niyang sabihing sa wakas ay nagapi din niya ito. Lumapit siya dito’t sinubukang hilahin pababa ang ginamit niyang lubid. Gaano mang kalakas ang ginagawa nitong paghila ay hindi matanggal ang lubid sa nakausling bakal na pinagtalian niya sa ibabaw ng pader. Hinayaan na lang niya ito.
Nagpasya si Marco na humakbang papalayo. Kaylangang bilisan niya ang lakad,kung maari nga’y tumakbo siya. Hindi niya alam ang daan, basta’t kaylangang makarating siya ng highway at mula doon pupunta siya ng bayan.. Mula doo’y hahanap siya ng masasakyan palayo, papunta sa isang lugar kung saan hindi na siya mahahanap ng mga madre.
Nang makarating siya sa isang mapunong lugar ay tumigil siya sandali. Lumingon. Gustong tiyaking walang sumusunod sa kanya, walang pipigil sa kanyang mga binabalak. Sa kanyang paglingon ay muntik na siyang mapasigaw. Nakakita siya ng anino, malaking anino. Hindi ng tao o hayop kundi ang anino ng pader na nakapaligid sa kumbento. Nilikha ng liwanag na galing sa buwan ang anino. Hanggang sa huling pagkakataon eh parang nang-iinis ang pader na iyon.
Huminto si Marco sa paglalakad. Nakakatiyak na siyang walang sumusunod sa kanya. Huminga siya ng malalim. Sa pakiwari niya ay mas sariwa ang hangin sa labas ng kumbento.
Pinagmasdan niyang muli ang pader na mula nang mag-kaisip siya ay nakapaligid na sa kanya. Mataas ang pader, gawa ito sa adobe. Luma ma’y matibay. Itinayo ito noong panahon pa ng mga Kastila at pinapalibutan ang kumbentong pagmamay-ari ng kongregasyon ng mga Dominikong madre.
Itinuring niyang hawla ang pader na iyon at siya ay mistulang kawawang ibong hindi pwedeng ikampay ang mga pakpak upang makalipad sa gustong puntahan. Gustong-gusto sana niyang makipaglaro sa mga batang minsa’y nakikita niyang nagsisitakbuhan sa labas ng gate ng kumbento. Ngunit binantaan siya ng mga madre at sinabing ang mga paslit na iyon ay mga iskwater na nakatira sa may ‘di kalayuan. Sila’y mga salbahe. Baka kung mapaano lamang siya kapag nakihalubilo sa mga ito. Hindi maintindihan ni Marco kung bakit hindi maganda ang tinging ng mga madre sa mga batang iyon.
Nangakong iiwas sa mga naturang bata ay hiniling na lamang ni Marco noon na payagan siyang mamasyal at maglarong mag-isa sa kakahuyan sa bandang likuran ng kumbento pero hindi din siya pinahintulutan. Lagi siyang sinasabihang hindi pwedeng lumabas ng bakuran, delikado. Hindi siya pwedeng lumampas sa pader. Ang pader na iyon ang kanyang proteksyon. Tumatango na lamang siya kapag sinasabi iyon ng mga madre. Wala siyang magawa kundi sumunod at kunwari’y sumasangayon sa sinasabi nila.
Pakiramdam niya ay kakutsaba ng mga madre ang pader. Sinasadya ng mga madre at ng pader na gawing miserable ang buhay niya.
Bakit kasi naulila siyang lubos nang siya daw ay dalawang taong gulang pa lamang? Sabi ng mga madre sa kanya na nang hindi na siya kayang alagaan ng kanyang sakiting lola ay sa kumbentong iyon siya dinala. Naging labandera kasi ng mga madre ang lola niya noon. At kung bakit hindi na siya dinadalaw ng kanyang lola doon ay hindi masagot ng mga madre.
Bakit hindi na lang siya ipinamigay ng kanyang lola sa kahit sinong malayong kamag-anak ng kanyang ama o ina? Bakit kasi walang gustong umampon sa kanya? Nangako ang mga madre noon na hahanap ng mag-asawang mag-aalaga at mag-aaruga sa kanya, na ituturing siyang tunay na anak. Iyon lamang ang kanyang pag-asang makalabas sa mga pader na nakapaligid sa kanya.
At bakit din kasi pinili ng mga madre na pag-aralin siya sa pamamagitan ng homeschooling. Iniisip niyang sinasadya yata ng mga itong ikulong siya doon. Kung pinag-aral siya kahit sa isang public school sa bayan eh ‘di sana tuwing pasukan eh nakakalabas siya ng kumbento. Hindi sana oras-oras eh ang pader na iyon ang kanyang nakikita.
Sampun taon na siya sa kumbentong iyon at araw-araw eh palaging madre ang kasama niya. Wala siyang naging kalaro. Bakit kasi hindi sa isang bahay-ampunan na lamang siya dinala ng kanyang lola para may kasama siyang ibang mga bata? Tanging ang dalawang gwardiya at ang driver nilang si mang Cesar ang mga ibang taong nakikita niya. Puro pa mga kakampi ng madre. Walang ibang sinasabi tuwing pangangaralan siya ng mga madre kundi “Tama si sister, tama si sister…” “Sundin mo si sister…” Minsan may mga paring naliligaw doon at katulad ng mga madre ay puro pangaral ang naririnig niya.
Minsan nama’y isinasama siya kapag namamalengke sa bayan ang mga madre at kaylangan ng taga-buhat ng mga pinamimili ng mga ito. Ngunit madalang iyon at sandali lang sila. Habang binabagtas ng service ng mga madre ang daan papunta sa palengke at pabalik sa kumbento ay marami siyang nakikita mga bagay at mga lugar.
Nakita niyang iba pala ang mundo na nasa likod ng pader.
Gusto niyang galugarin ang mundong iyon, makita at maranasan ang mga bagay na sinasabi sa kanya ng guro niya sa homeschooling at ang mga napapanood niya sa TV. Pero nakaharang ang pader. Laging hadlang sa daraanan niya ang pader.
Hindi niya matanawang ang paglubog at pagsikat ng araw dahil laging nakahambalang ang pader. Maliwanag na sa umaga pero dahil sa pader ay medyo madilim pa sa loob ng kumbento. Maliwanag pa sa dapit-hapon pero dahil sa pader ay madilim na.
Bukod sa mga nakikita ni Marco sa TV tuwing pinapayagan s’yang manood ay may mga nababasa siya sa mga libro. Maraming bagay din siyang natutuhan sa kanyang guro sa homeschooling. Napag-aralan n’ya ang mga bagay na itinuturo sa mga bata sa eskwelahan.
Natututo siya ngunit kaakibat niyon ay ang pagkamulat sa mga bagay na kulang sa kanya, mga bagay na sa kanyang pakiwari’y ipinagkait sa kanya. Halimbawa na lang ay nang mabasa niya ang tungkol sa pamilya ay nakaramdam siya ng matinding lungkot. Napakadami niyang naging katanungan. Bakit namatay agad ang kanyang mga magulang? Bakit wala siyang kuya at ate? Ang kapatid pala ng nanay o tatay ang tawag eh tito at tita at pinsan naman ang tawag sa kanilang mga anak. At totoo kaya ang ikinuwento ng kanyang lola sa mga madre tungkol sa kanyang mga magulang? Baka naman buhay pa ang mga ito.
Bawat nadadagdag sa kaalaman niya’y dagdag ding kalituhan. Habang dumadami ang kanyang nalalaman ay dumadami din ang kanyang katanungan.
Kanyang nakikita sa mga napapanood ang mga batang kasing-edad niya na may mga smart phones at iba’t-ibang mga gadgets. Naiinggit siya. Gusto niyang magkaroon din ng mga ganun. Ngunit malabong ibili siya ng mga madre. Bisikleta nga ay hindi s’ya mabigyan. Meron naming siyang bola, pero wala namang basketball court sa loob ng kumbento.
Minsa’y gumamit ang guro niya ng laptop sa pagtuturo. Iyon ang unang pagkakataon na nakahawak siya ng computer. Doon nakita ni Marco ang mga computer games. Gusto niyang matutuhan kung paano laruin ang mga iyon. Ngunit wala siyang computer. Meron sa opisina ng mga madre pero nang minsang sinubukan niyang gumamit ay pinagalitan siya.
Nalunod si Marco sa inggit sa mga batang may mga magulang na nagmamahal sa kanila. Ramdam naman niya ang pagmamahal at pag-aaruga ng mga madre, lalo na ni Sister Carissa na siyang nag-alaga talaga sa kanya mula pa noong siya ay sanggol. Subalit gusto niya ng tunay na pamilya. Gusto niyang may tawaging nanay at tatay.
Gusto niyang mapasyalan ang mga lugar na nakikita niya sa mga napapanood at nababasa.
Marami siyang gusto, marami siyang gustong gawin, marami siyang tanong. Alam niyang hindi niya makukuha ang alin mang gustuhin, hindi magagawa ang gustong gawin at hindi masasagot ang kanyang mga katanungan habang napapaligiran siya ng pader.
Hindi na niya mahihintay ang katuparan sa pangako ng mga madre na hahanap nang aampon sa kanya. Hindi na niya mahihintay kung may mga kamag-anak ang kanyang mga namatay na magulang upang kuhanin siya doon. Nagpasya siyang lumabas na lamang ng kumbento. Gusto niyang makalaya. Gusto niyang hanapin ang kanyang lola nang malaman niya kung totoo ngang patay na ang kanyang mga magulang.
Alam niyang hindi papayag ang mga madre kapag nagpaalam siya kaya’t naisipan niyang tumakas na lamang. Matagal din pinagplanuhan ni Marco ang kanyang pagtakas. Inisip ng batang kapag isinamang muli siya papuntang bayan ay bababa na lamang ito at tatakbong papalayo. Ngunit baka habulin siya ng driver at maabutan. Hindi naman siya tiyak makakalabas ng gate dahil mahigpit itong binabantayan ng mga guwardiya, lalo na sa gabi.
Nang minsang makita niya ang lubid na nakatali sa maliit na kampana sa chapel ng kumbento ay naisipan ni Marco na ito ang gamitin sa pagtakas. At dahil mataas ang pader sa likod at mistulang gubat ang tinutumbok nito ay hindi na ito madalas bantayan ng mga gwardiya. Doon niya napagpasyahang dumaan.
Nang gabi ngang iyon ay tumakas si Marco. Tanging maliit na backpack na may lamang ilang damit ang kanyang bitbit. Gamit ang isang hagdang yari sa kawayan ay inakyat nito ang pader mula sa loob at ang lubid naman ang ginamit nito upang magpadausdos pababa sa kabila.
Posted on March 11, 2020, in Creative Writing, Maikling Kuwento, Short Story and tagged Creative writing, Maikling Kuwento, Short Story. Bookmark the permalink. Leave a comment.
Leave a comment
Comments 0